Mr. Stranger meets the Boss

1.6K 87 20
                                    

Ibinabad ni Janica ang mukha sa wet wipes kaya kahit paano'y nabawasan ang maga ng mukha niya. Natigil lang sila nang ilang minuto sa daan dahil sa isang aksidente sa kalsada na nagdulot ng sandaling traffic.

Bigla niyang naalala ang eksena sa elevator at sa reflection doon ni Mr. Stranger. Umurong siya nang kaunti paitaas at tiningnan niya ang rearview mirror para makita si Mr. Stranger. May reflection naman. Tingin sa bintana sa may driver side—meron din. Pumaling ulit siya sa kaliwang gilid at ipinang-unan sa kaliwang pisngi ang pinagdaop niyang mga palad. Tinitigan niya si Mr. Stranger. Bigla tuloy siyang nahiwagaan dito.

May gusto siyang itanong pero hindi niya masabi kung ano ba ang tanong na iyon.

"Oo nga pala, 'yong sa boss mo? Ano ang issue mo roon?" putol ni Mr. Stranger sa katahimikan nila.

"Isa pang manyak. 'Yon lang. Alam ko, nasa fifty-seven na ang edad n'on at malapit nang magretiro. Pero ang kamanyakan niya, mukhang forever nang nasa katawan."

Umandar na ulit ang sasakyan. At dahil ilang kilometro lang naman ang layo mula sa pinanggalingang condominium, ilang sandali lang ay huminto na ang kotse sa parking lot ng isang mataas na building na may pangalang Optimum sa itaas.

"Nandito na tayo," sabi ni Mr. Stranger.

Tumango naman si Janica at lumabas na ng kotse. Wala siyang balak umiyak ngayon. Hindi karapat-dapat iyakan ang boss niyang saksakan ng libog ang katawan.

Masamang tingin ang ibinigay niya sa mataas na building na dating pinapasukan.

"Mukhang may isa na naman akong makukuha ngayon," nakangiting sinabi ni Mr. Stranger habang nakatingala sa building. Napatingin na lang siya sa harap nang makitang tuloy-tuloy si Janica sa pagpasok sa loob ng gusali.

"Hey! Sana marunong kang maghintay, ano?" malakas niyang sinabi at saka hinabol ang babae.

Malapit na ang alas-siyete. Ilang oras na lang ang natitira sa araw na iyon.

Nakapamulsa lang si Mr. Stranger habang sinusundan si Janica patungo sa elevator. Bumati sa kanila ang nadaanang guwardiya ngunit hindi ito pinansin. Malaki ang ngiti ng lalaki dahil kitang-kita sa mukha ng kasama ang galit. At hindi lang basta galit—ngitngit na.

Gusto sana niyang pagsabihan si Janica na maghinay-hinay pero mukhang wala sa itsura nito ang maghihinay-hinay sa mga sandaling iyon.

Sumakay ulit sila ng elevator.

"Uhm-hmm," nakangiting himig ni Mr. Stranger habang tinitingnan ang napakaseryosong si Janica.

Ano nga ba ang pumapasok sa isip ni Janica sa mga oras na iyon? Ano nga ba ang magandang gawin sa dating boss niya?

Nakatitig na naman si Janica sa pinto ng elevator.

Nagtataka siya dahil sarili na naman niya ang nakikita niya roon. Mag-isa.

Tiningnan niya si Mr. Stranger na sumisipol pa habang nakatingin sa itaas. Ibinalik niya ang tingin sa pinto ng elevator.

"O?" Kumunot agad ang noo niya nang makitang naroon na ang repleksiyon ng lalaki at nakangiti sa kanya.

Agad niyang inilipat ang tingin dito para makasigurado.

"Any problem?" tanong nito habang nakangiti sa kanya nang matamis.

Nanatili lang na nakatitig si Janica sa mga mata ni Mr. Stranger. Hindi niya maipaliwanag kung bakit napapayag siya sa lahat ng sinabi nito. Wala naman kasi sa plano niya ang gumawa ng kahit ano sa araw na iyon maliban sa mawala na lang sa mundo. Pero kung ano man ang mga dahilan na iyon, wala na siyang pakialam. Habang tumatagal siya sa lugar na iyon, lalo lang siyang nagagalit.

A Day with the DevilWhere stories live. Discover now