Kabanata 41: Magandiya

1 0 0
                                    


Isang napakaganda at nakabibighaning dalaga, iyan si Magandiya.


Halos karamihan ng mayayamang kalalakihan na nanliligaw sa kanya ay gusto siyang pakasalan at mapangasawa. Ang kanyang mga magulang ay inaayawan ang mga lalaking hindi karapat-dapat sa kanya. Kahit makahanap sila ng natatanging lalaki na may mataas na estado sa buhay ay inaayawan ng kanilang anak.


"Ang nais kong mapangasawa ay isang tunay na hari lamang, wala ng iba!"


Kaya naman walang magawa ang kaniyang mga magulang kundi sundin siya.


Isang araw, habang nagmumuni-muni ang Buddha at pinagmamasdan ang mundo, napansin niya na ang mga magulang na Brahmin ni Magandiya ay may wastong hubog ng ispiritwal na kaisipan. Ang kailangan lamang niyang gawin ay pukawin at buksan ang kanilang isipan sa katotohanan. Kaya nagtungo siya kung saan nagsisiga ng sakripisyo ang lalaki sa labas ng bayan.


"Oh, isang perpektong lalaki... at isang monghe! Ang iyong maamong mukha at pinong pagkilos ay tunay na karapat-dapat sa aking anak!"


Mga katagang namutawi sa bibig ng lalaking Brahmin nang makita niya ang paparating na Buddha.


"Huwag ka munang umalis monghe. Sandali lamang at tatawagin ko ang aking dalaga para ikaw ay makita. Ikaw ay tunay na nararapat na mapangasawa niya. Para talaga kayo sa isa't isa."


Hindi umimik ang Buddha at nanatiling tahimik habang minamasdan ang paglisan ng lalaki. Sa halip ay nag-iwan siya ng bakas ng kanyang mga paa at umalis din.


Tuwang-tuwang umuwi ang amang Brahmin sa kanilang tahanan dala ang magandang balita sa kanyang asawa.


"Mahal ko, magmadali ka! Bihisan mo nang maganda ang ating anak. Nakita ko na ang lalaking mapapangasawa niya!"


"Masusunod mahal. Tunay na pinagpala ang araw na ito!"


Agad na bumalik ang mag-anak na Brahmin sa may siga kung saan naghinhintay ang Buddha. Ngunit wala na ang monghe. Bakas sa kanilang mga mukha ang pagkadismaya.


"Nasaan na ang monghe, saan siya nagpunta?", kunot noong tanong ng amang Brahmin.


"Mahal, masdan mo, mga bakas ng paa. Siguradong ito ay gawa ng sinasabi mong monghe".


"Oo nga, tama ka. Ngunit bakit siya nag-iwan ng bakas ng kanyang mga paa?"


"Ama, kung siya ay umalis na, siguradong hindi siya interesado sa aking kagandahan.", ani Magandiya.


"Tama ka anak," tugon ng inang Brahmin.


"Kung pagmamasdan nyo ang bakas ng mga paa, hindi ito karapat-dapat para sa iyo anak. Ang mga bakas na ito ay simbolo ng isang taong isinuko na ang lahat ng materyal na pagnanasa sa mundo."


"Ayan ka na naman, iyang mga pamahiin at paniniwala mo!", saad ng ama.


"Nakakakita ka ng buwaya sa loob ng tapayan. Kung minsan ay nakakakita ka ng mga magnanakaw sa loob mismo ng ating pamamahay. Ano ka ba naman! Ayun tingnan mo! Naroon ang monghe sa ilalim ng puno, nakaupo. Halika anak, sumunod ka. Kapag nakita mo ang kanyang mukha at buong kaanyuan, siguradong mamamangha ka. Sinisigurado ko sa iyong perpekto ang iyong mapapangasawa."


"Dapat lamang aking ama. Ang aking mapapangasawa ay tunay na may katangian ng isang hari.", ani Magandiya.


Lumapit ang mag-anak sa Buddha.


"Mahal na monghe, iniaalay ko sa iyo ang aking anak na iyong pakasalan at mapangasawa.", ani ng amang Brahmin.


"Ikinalulungkot ko ngunit tinatanggihan ko ang inyong alok.", ani ng Buddha.


"Gaya ng sinabi ng iyong asawa, isa akong taong tinalikuran na ang lahat ng makamundong pagnanasa at materyal na paghahangad. Kahit ang magagandang dilag ng mga Mara ay hindi na ako maaakit pa. Kahit gaano pa kaganda ang mukha at katawan ng isang babae, ito ay puno pa rin ng mga dumi."


Nang marinig ito ng mag-asawang Brahmin, agad nilang naunawaan ang ibig sabihin ng Buddha. Ang anumang makamundong paghahangad ay miserable kahit gaano man ito kaganda sa paningin. Kaya naman naabot nila ang ikatlong yugto ng kabanalan, ang Anagami.


Sa kasamaang palad, ang anak nilang si Magandiya na walang hubog ng ispiritwal na kaisipan ay hindi naintindihan ang tunay na kahulugan ng mga salita ng Buddha. Nainsulto siya sa mga sinabi nito.


"Papaano mong nainsulto ang aking kagandahan kahit maraming lalaki ang nagkakandarapa sa 'kin?! Lahat ng lalaki ay napapalingon sa 'king taglay na ganda. Kung ayaw mo akong pakasalan, dapat ay hindi mo na sinabi na puno ng dumi ang aking katawan!", galit na wika ni Magandiya.


"Hintayin mo lang monghe! Magpapakasal ako sa isang lalaking tunay na makapangyarihan at maimpluwensiya para turuan ka ng leksiyon!"


Kalaunan, nagpakasal si Magandiya sa Hari ng Udena. Nang malaman niya na nakapasok sa lungsod ang Buddha, muling nagbalik ang kanyang ngitngit at galit sa monghe. Kaya gumawa siya ng paraan para makaganti.


"Gusto kong insultuhin niyo ang mongheng iyan! Sabihan nyo ng masasakit na salita! Nais kong mapalayas iyan dito sa lungsod. Babayaran ko kayo basta gawin nyo lang ang pinagagawa ko."


Si Ananda ay kasama ng Buddha nang pumasok sa lungsod. Subalit ayaw na niyang manatili pa nang matagal dahil sa pang-iinsulto sa kanila ng mga tao.


"Mahal na Buddha, umalis na tayo sa lugar na ito."


"Huwag kang mangamba, Ananda. Sa mga pagkakataong ito, dapat mong sanayin ang pagiging mapagparaya at mapagpasensiya. Gaya ng isang elepante sa gitna ng digmaan na kayang tiisin ang mga palaso. Ako rin ay titiisin ang kanilang mga pang-aabuso. Hindi magtatagal ay matatapos din ang lahat ng ito."


Sa bisa ng mga salita ng Buddha, nanatili sila sa Udena at ang mga mapang-abusong salitang kanilang tiniis ay agad ding tumigil.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 26 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Buddha: Ang NaliwanaganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon