Kabanata 5: Tunay na May-ari

224 0 0
                                    

Tunay na napakabait ni Prinsipe Siddhartha sa kanyang kapwa, sa mga hayop at sa iba pang mga nabubuhay na nilalang. At kahit hindi siya nakararanas ng paghihirap, iniisip pa rin niya ang mga taong mababa pa sa kanya at sa mga mahihirap na nagsisikap maghanapbuhay para lamang mapasaya siya. Nais din niyang mapasaya ang mga ito at maranasan ang isang maginhawang pamumuhay.

Isang araw, nagtungo sila ng kanyang pinsan na si Devadatta sa kakahuyan. Nakita niya kung paano umiiral ang batas ng kalikasan. Isang malaking butiki ang nakita niyang kumakain ng mga langgam. Maya-maya pa, isang ahas ang lumapit sa butiki, tinuklaw ito at kinain nang buo. Mas lalo siyang namangha nang isang lawin na pumapailanlang sa himpapawid ang biglang lumapag at dinagit ang ahas upang gawing pagkain.

Ang kanyang pinsan na si Devadatta ay may dalang busog at pana. Nakakita ito ng isang gansa at pinana ito. Lumapit silang dalawa patungo sa sugatang gansa. Dahil mas mabilis tumakbo ang Prinsipe kaysa sa kanyang pinsan, siya ang unang nakalapit sa ibon. Nagulat siya na buhay pa ito. Hinugot niya ang pana na nakatusok sa pakpak nito. Kumuha siya ng dagta sa mga dahon at ipinahid sa sugat nito upang maampat ang pagdurugo. Marahan niyang hinimas ang gansa na sa tingin niya ay takot na takot pa rin.

Nang makalapit na si Devatta:

"Buhay pa pala ang gansa. Akin na, ibigay mo sa 'kin."

"Pasensiya na pero hindi ko siya ibibigay sa 'yo," pagtanggi ni Prinsipe Siddhartha.

"ANO?! Bakit hindi mo ibibigay sa 'kin? Ako ang nakahuli sa kanya!," galit na wika ni Devadatta.

"Hindi ko ibibigay sa iyo ang gansa dahil buhay pa siya. Kung sakaling namatay ang gansa, ibibigay ko siya sa 'yo. Pero dahil ako ang gumamot sa kanyang sugat upang manatiling buhay, nararapat na mapunta sa akin ang gansa."

"Hindi ako makapapayag! Ibigay mo siya sa akin!"

Nagbigay ng suhestiyon ang Prinsipe, "Kung talagang mapilit ka, magtungo tayo sa korte ng mga paham upang tanungin sila kung sino ang nararapat na magmay-ari ng gansang ito."

Sumang-ayon si Devadatta at nagtungo silang dalawa sa korte ng mga paham. Ipinaalam nila ang nangyaring pagtatalo sa pagitan nilang dalawa. At sinabi ng mga paham:

"Anumang buhay sa lupa na tinangkang iligtas ng sinuman ay nararapat na mapunta sa kanya ito, ngunit ang sinumang nagtangkang kumitil ng anumang buhay sa lupa ay hindi nararapat na magmay-ari."

Kaya naman ang gansa ay nanatili sa pag-aalaga ni Prinsipe Siddhartha.

Buddha: Ang NaliwanaganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon