Kabanata 7: Matandang Pulubi

470 1 0
                                    

Inaasahan ng Hari na susundan ng Prinsipe ang kanyang mga yapak bilang tagapagmana ng kanyang trono. Nagpagawa siya ng mataas na pader sa palibot ng palasyo pati na rin sa hardin. Ngunit hindi naging masaya si Prinsipe Siddhartha sa kanyang pamumuhay sa palasyo na parang isang bilanggo. Isang araw ay kinausap niya ang kanyang amang Hari:

"Kamahalan, nais ko sanang lumabas ng palasyo upang makita ang pamumuhay ng mga tao sa ating nasasakupan."

"Sige, maaari kang lumabas ng palasyo upang makita mo ang pamumuhay ng mga tao dito sa ating kaharian. Pero bago yun, ipaghahanda muna ang lahat upang maging maayos ang iyong paglabas sa palasyo", pagpayag ng Hari.

Ipinahayag ng Hari sa mga mamamayan ang nakatakdang paglabas ng Prinsipe. Kaya naman nagsipaghanda ang mga tao at naglagay ng mga dekorasyon na tulad sa isang kapistahan.

"Maaari ka ng lumabas ng palasyo, mahal kong Prinsipe. Libutin mo ang ating kaharian."

Kasama ang kanyang mga tagapaglingkod, naglibot si Prinsipe Siddhartha sa labas ng palasyo. Sa mga lansangan na kanilang tinatahak ay nagbibigay-galang ang mga tao sa kanyang pagdaan. Nang makita nya ang isang maliit na kubo sa gilid ng daan. Naroon ang isang matandang namumuti na ang buhok at may suot na marumi at sira-sirang damit. Kulu-kulubot na rin ang balat nito at tila bulag na ang mga mata. Wala na itong mga ngipin sa bibig.

At sa patuloy na pagmamasid ng Prinsipe, nakita niyang nanginginig na tumayo ang matanda  gamit ang isang tungkod. Kahit kuba na ang likod nito ay pinilit pa rin na maglakad sa gilid ng kalsada at hindi pinapansin ng mga nagdaraang tao. Namamalimos ito ng pagkain sa mga tao. Mahina lang syang magsalita at nagmamakaawa na bigyan siya ng makakain upang hindi mamatay sa gutom. Ito ang unang pagkakataon sa buong buhay ng Prinsipe na makakita ng ganitong klase ng tao.

"Ano yun Channa?" biglang tanong nya sa kanyang tagapaglingkod. "Bakit ganun ang kanyang hitsura, kulubot ang kanyang balat at baluktot ang likod? Bakit puti ang kulay ng kanyang buhok at hindi itim tulad ng sa akin? Bakit parang hindi na sya nakakakita at wala na rin siyang mga ngipin? Ganito ba talaga ipinanganak ang mga tao? Bakit Channa? Anong ibig sabihin nito?"

Dahil sa sunod-sunod ang mga katanungan ng Prinsipe, nagulantang ang tagapaglingkod na si Channa. Agad siyang humagilap ng isasagot sa Kamahalan.

"Mahal na Prinsipe, ang nakikita nyo ay isang matandang pulubi. Hindi sya ganyang nang isilang siya. Nung bata pa siya, wala siyang ipinagkaiba sa atin. Subalit dahil siya sa tumanda na kaya siya nagkaganyan. Kalimutan nyo na po ang taong iyan, Kamahalan."

Ngunit hindi pa rin makuntento ang Prinsipe sa narinig.

"Lahat po ng tao sa mundo, habang tayo'y nabubuhay nang matagal sa mundo, tayo ay tumatanda tulad ng taong nakita niyo. At hindi iyon maaaring pigilan", paliwanag pa ni Channa.

Inutos ng Prinsipe na bumalik na sila ng palasyo. Bumalik siyang malungkot at iniisip pa rin ang matandang pulubi. Napagtanto niya na kahit siya ay isang Prinsipe, darating ang araw na siya ay tatanda rin, puputi ang buhok at kukulubot ang balat. Walang sinuman ang makapipigil sa pagtanda gaano man kayaman at makapangyarihan ang isang tao.

Kinagabihan, isang maharlikang piging ang inihanda para sa Prinsipe. Ngunit hindi siya nasiyahan sa nasabing okasyon. Habang pinagmamasdan niya ang masayang kainan at sayawan, iniisip niya sa kanyang sarili........."Darating ang takdang araw na lahat tayo ay tatanda at magiging mahina at pangit,  lahat kabilang na ang mga pinakamagagandang babae sa balat ng lupa."

Nang malaman ng Hari ang nangyari, nalungkot siya at nag-alala na baka ito ang maging dahilan ng pag-alis ng Prinsipe sa palasyo. Kaya naman nagdaos pa siya ng isa pang piging upang mapasaya ang mahal na anak. Ngunit nanatili pa ring malalim ang iniisip ng Prinsipe.

Matapos ang piging, hindi makatulog si Prinsipe Siddhartha. Nasa isip pa rin niya ang matandang pulubi at ang bagay na tinatawag nilang pagtanda. Gusto niyang malaman kung may paraan ba upang mapigilan ang pagtanda ng isang tao.

Buddha: Ang NaliwanaganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon