KABANATA 40: Kasibharadvaja

3 0 0
                                    

            Minsan ay nagtungo ang Buddha sa bayan ng Ekanala sa Magadha. Bumuhos ang ulan at sa mga sandaling iyon ay panahon ng pagtatanim. Sa kaagahan ng madaling-araw habang basa pa ang mga dahon ng hamog, nagtungo ang Buddha sa isang sakahan kung saan naroroon si Kasibharadvaja, isang Brahmin at magsasaka. Siya ay mayroong limandaang sakahan na dapat niyang asikasuhin. Sa pagdating ng Punong Monghe ay oras na ng pagbibigay ng pagkain sa mga manggagawa.


Naghintay ang Buddha na bigyan siya ng pagkain, ngunit nang dumaan at nakita ni Kasibharadvaja ang monghe, napangiwi ito.


"Ako ay nagtatanim at nag-aararo, dahil doon ako ay nakakakain. Oh mahal na asetiko, ikaw rin ay dapat na magtanim at mag-araro para makakain."


"Oh mahal na Brahmin, ako rin ay nagtatanim at nag-aararo. At dahil doon, ako rin ay nakakakain."


Napakunot-noo ang Brahmin sa sinabi ng Buddha dahil hindi niya ito naintindihan.


"Sinasabi mong ikaw ay nagtatanim at nag-aararo, ngunit ni minsan ay hindi kita nakitang nagtanim at nag-araro?"


Sumagot ang Buddha:


"Ako ay nagtatanim ng tiwala na siyang aking mga buto. Ang aking disiplina ay siyang aking ulan. Ang aking karunungan ang siyang aking pamatok at araro. Ang aking isip ay ang tali at lubid. Ang aking malalim na kaisipan ay ang talim ng araro at ang tungkod.


"Ako ay may pagpipigil sa aking mga gawa, salita at sa pagkain. Ako'y nag-aalis ng mga damo sagitan ng pagiging tapat at pagsasabi ng mga katotohanan. Ang kaligayahang aking natatamo ay ang kalayaan ko sa mga pagdurusa. Sa aking pagsisikap, gamit ko ang araro hanggang sa maabot ko ang Nibbana. Samakatuwid, ako'y tunay na nagtatanim. Ito'y nagbubunga ng prutas ng walang hanggang buhay. At sa aking pagtatanim at pag-aararo, sinuman ay makalalaya sa mga pagdurusa.


Matapos marinig ni Kasibharadvaja ang mga paliwang ng Buddha, napagtanto niya ang kanyang mga pagkakamali at nagbigay siya ng pagkain.


"Oh Mahal na Buddha, ito ang handog ko sa iyo, isang masarap na lugaw! Kayo ay isang tunay na magsasaka dahil ang iyong mga tanim ay nagbubunga ng kawalang kamatayan!"


Tinanggihan ng Buddha ang alok na pagkain ng magsasakang Brahmin.


"Hindi ko matatanggap ang iyong handog na pagkain. Hindi ako tumatanggap ng anumang bagay o pagkain kapalit ng aking pagtuturo."


Sa narinig na maamo at mapagkumbabang boses, lumuhod si Kasibharadvaja sa paanan ng Punong Monghe.


"Oh Mahal na Buddha, ako sa iyo'y naniniwala, gawin mo akong isang monghe. Gusto kong maisabuhay ang mga karunungang iyong naituro."


Kalaunan, naabot ni Kasibharadvaja ang huling yugto ng kabanalan, ang Arahant.

Buddha: Ang NaliwanaganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon