Chapter>2

189 0 0
                                    

Normal na eksena sa normal na araw. Mga naghahanda na sa kanya-kanyang pasok sa trabaho’t eskwelahan.

Naglalakad ako. Dala ang buo kong pagkatao. Suot ang kalipunan ng aking pagkakakilanlan.

Eto ang gusto ko sa pagpasok. Nagmumukha akong kagalang-galang. Nagmumukha akong disente.

Almusal ko na ang usok at polusyon sa umaga. Sa bawat paglalakad ko, kung ano-anong resulta ng gawaing-tao ang natatapakan ko. Minsan, gawaing-hayop pa. Sinong tao ba ang hindi pa nakakatapak ng tae? Sa tingin ko wala. Lahat naman naranasan na kung gaano ang hiyang mararamdaman kapag nakatapak nito. Daig pa ang hiyang nararamdaman ng mga artistang naeeskandalo. Ginagawa lahat para matanggal. May nakita pa nga ako dati, pagkatapos punasan, inisprayan ng pabango. Takot masabihan ng ibang tao.

Trapik. Gaya ng inaasahan ko, may mga motoristang umookupa sa lugar na dapat nilalakaran ng tao. Busina ng busina.

May bumusina sa likod ko. Isang galit at mainit ang ulong motoristang nakikidaan sa bangketa.

“Ano ba?! Paharang-harang ka sa daan ah!”

Aba. Siya pa nagalit ah. Siya pa may karapatang magalit matapos manghiram ng daanan.

Buti malamig ulo ko ngayon. Kundi hinabol ko ng saksak yan gamit ang ballpen ko. Hindi yung tao yung sasaksakin ko. Yung gulong. Tingnan natin kung ano mangyayari sa kawawang motor niya.

Sabagay, mas maganda. Kasi may karapatan na siya dumaan sa bangketa habang akay-akay niya ang motor niya at naglalakad. Edi may karapatan na siya magalit sa mga humaharang sa daan.

Di pa gaanong sumisikat ang araw. Sulyap pa lang. Kaya medyo maginhawa pa ang tama nito sa balat. May vitamin D pa daw sabi ng mga teacher.

Naalala ko ang isang eksena sa elementary days ko. Yun nga, sabi ng teacher ko, simula sa pagsikat ng umaga hanggang alas-otso, may dala pa daw vitamin D ang sikat ng araw.

Sumagot ako. Sabi ko, sa panahon ngayon, Vitamin C ang dala niyan.

Tinanong niya kung bakit.

Edi sabi ko, Vitamin C as in Vitamin Cancer. Sa laki ba naman ng butas ng ozone layer at sa kapal ng layer ng carbon dioxide na bumabalot sa mundo, magtitiwala pa kaya tayo sa dating kasabihan? Iba na ang panahon ngayon, sabi ko. Inexample ko pa ang dagat.

Sabi sakin ng nanay ko, maligo daw ako sa Manila bay para mawala ang ubo at kung anu-anong sakit ng katawan ko. Nakakawala daw ng diperensya ang alat ng dagat.

Eh kung applied pa yun ngayon, hinamon ko yung teacher ko na maligo sa Manila Bay ngayon. Tutal, paroo’t parito ang ubo niya. Dagdag ko pa, sa dami ng basurang nagsisilanguyan doon, baka di lang TB ang makuha mo sa kakaligo doon eh. Baka lahat ng uri ng sakit, kasama na ang mga di pa nadidiskubre at mga walang lunas, eh makukuha mo.

Tahimik ang paligid. Sobrang tahimik. Sa sobrang tahimik, kahit simpleng utot ay mapupuna.

“Lagot ka!”, sabi ng katabi ko. Edi tinanong ko kung bakit. Itinuro niya ang teacher namin. Lumingon ako sa teacher ko. Napasabi agad ako ng “patay!”.

Nakita kong nag-uumusok ang ilong niya at halos maghalikan ang kilay sa sobrang galit. Agad akong dinala sa principal’s office.

Nang mapakinggan ng principal ang kwento ng teacher ko, agad siyang natawa.

“Magpasalamat ka at may ganyang estudyante, Mrs. Villalobos.”, sabi ng principal.

“Magpasalamat ka nga at mulat ang estudyante mo sa mga nangyayari sa paligid. Atleast, di siya yung normal na estudyante na agad naniniwala sa mga pinagsasabi sa eskwelahan at di man lang pagtutuunan ng pansin ang realidad. Di niya kinukulong ang sarili niya sa mundong inihahandog ng eskwelahan bagkus kumakawala dito at gumagawa ng sariling interpretasyon ng mundo.”, dagdag pa niya.

Lumipas din naman ang galit ng teacher ko sa akin paglipas ng ilang buwan. Pero bago yun, katakot-takot na sermon araw-araw ang sinasabi sa akin kahit wala naman akong ginagawa.

 NO JAYWALKING.

Nakita ko ang malaking poster na nagsasabing bawal tumawid. Eh pinoy ako, kaya gagawin ko. Katangian ng pinoy na namana ko ang pagsunod sa bawal. Di na ito kaila kahit sa iilang dayuhang matagal nang namamalagi sa ‘pinas.

Kung saan mo makikita ang nakasulat na “BAWAL UMIHI”, doon may ihi. Doon ka makakakita ng bakas ng pagtulo ng duming inilabas ng katawan. Minsan, nagdadagdag pa nga ng mga panakot sa babalang ito upang mabawasan ang lumalabag dito. Narito ang ilan:

“BAWAL UMIHI, PUTOL TITI”

“BAWAL UMIHI DITO, PUGOT  ULO”

Minsan pa nga, naglalagay ng multa ang sinumang mahuhuling nagpapaagos dito.

Pero sadyang mabigin ang pinoy sa bawal. Kaya habang dinadagdagan ng mga panakot ang mga babalang ito, lalong dumadami ang sumusuway dito.

At dahil pinoy ako at ipinagmamalaki ko yon, tatawid ako sa maling tawiran.

May mga otoridad din naman na nagbabantay ng kalsada. Pero dahil pinoy siya at naiintindihan niya ang ugaling pinoy, hinahayaan niya na lang.

Busog na busog na ako sa usok. Sampung minutong lakad ang binuno ko katabi ng nag-uumitin na usok na nakikipaglaro sa ilong ko.

Ayos! Nandito na ako sa isang malaking bulwagan ng mga naghihintay.

One Day, Isang ArawWhere stories live. Discover now