XL

201K 3.3K 184
                                    

Chapter Forty
 
 
Monday ngayon at hindi naman kami natuloy ni Warren sa Santorini kaya nagpasya akong pumasok sa trabaho. Siguradong papasok din siya ngayon. Hindi ko lang alam kung anong kasinungalingan ang idadahilan niya sa mga nagtatrabaho sa L Corp. Basta sasakyan ko na lang ang kung ano'ng sasabihin niya.

Ang damuhong 'yon, 'di talaga ako binalikan sa hotel kahapon! Naghintay ako buong maghapon sa pagbalik niya pero wala! Hindi niya 'man lang inisip ang kalagayan ko! Paano na lang kung matagal ko nang sinuko ang apartment ko?

Sa ngayon ay doon muna ako sa loob ng apat na araw. Dapat ay isang linggo kami sa Santorini at uuwi sa 24 para buong pamilya kaming magdidiwang sa bisperas ng pasko. Ngunit dahil hindi kami natuloy, kahit sinabi ni Warren na 'wag akong lumapit kay Wayne sa loob ng isang linggo ay susuwayin ko. Pupunta ako sa mansyon sa 20 para sabihin kila mama ang totoo at kunin si Wayne.

Kahapon ay nag-grocery na ako at namili ng ilang mga damit. Ayokong mapag-isa at mainip sa bahay dahil sisiguradong iiyak lang naman ako kaya nagpaka-busy ako. Nag-general cleaning ako para malinis kapag doon na titira si Wayne. Baka ubuhin siya sa mga alikabok kung hindi ako naglinis.

Habang namimili ng susuotin sa office ay nakatanggap ako ng mensahe. Nakangising napailing na lang ako nang mabasa ang text message mula kay Cedric.

 
Cedric:
Good morning! See you later, sweetheart ;)

Nagpasya akong 'wag na lang siyang reply-an at nagpatuloy sa pamimili ng damit. Medyo nahirapan ako dahil bukod sa konti lang ang mga damit pang-opisina ko rito ay mahirap takpan ang namumula pa ring braso ko.

 
Sa huli ay pinili ko ang kulay flesh pink na long-sleeve classic top, chiffon iyon kaya hindi mainit sa balat. Tinuck-in ko 'yon at ipinares sa itim na pencil skirt.

Nag-commute lang ako papuntang office. Mas pinili kong mag-MRT kesa mag-taxi dahil bukod na mas tipid ay iwas rin sa traffic.

Habang nasa byahe ay naisip ko ang sinabi niyang pagko-commute noong isa sa mga araw na hindi ko pa alam na may amnesia ako. Maarte siyang tao kaya nagtaka ako nang magyaya siyang mag-commute, hindi ko alam na sinanay ko pala siya sa gano'n. Pati ang ilang mga bagay at katangian niya na hindi ko inaasahang nag-iba dahil sa pagtira niya sa ibang bansa, saksi pala ako sa mga pagbabago no'n at nakalimutan ko lang. Ang pagluluto niya, pagsasayaw at maging ang pagiging manloloko niya.

Humugot ako ng malalim na hininga nang napagtanto kong iniisip ko na naman siya. Sa bawat kilos na lang na gagawin ko ay naiisip ko siya. Ayaw ko man ay hindi ko mapigilan. Ginugulo niya ang utak ko.

Pagtapak ng mga paa ko sa building ng L Corp ay tinapunan na ako nang nagtatakang tingin ng mga tao. Nagtataka siguro sila kung bakit ako nandito gayong nasa Santorini dapat ako kasama si Warren. Hahayaan ko lang sana silang magtaka pero binati ako ni mang Karding.

"Good morning, ma'am Claire! Bakit po kayo nandito ngayon?" nakangiting sabi niya.

Gumanti ako nang tipid na ngiti. "Good morning din po. May bigla po kasing nangyari, eh."

"Ah, gano'n po ba? Wala pa po si sir Warren. Hindi n'yo po kasabay?" Sa tuwina naman ay kinatutuwa ko ang pagiging magiliw ni mang Karding, ngayon ko lang kinainis dahil sa kanyang pag-uusisa.

"May bigla nga po kasing nangyari." Kunwari ay tumawa ako. Salamat naman at tumigil na rin siya sa pagtatanong.

"Ah. Sayang naman po."

Nginitian ko na lang siya bago nagpaalam na aakyat na. Habang naglalakad papuntang elevator ay napansin ko ang mga pagbabago ng building.

Ang lumang interior designs at mga gamit ang nakalagay, eto ay yung mga disenyo ng building noon fresh graduate pa lang ako. Ilang mga buwan ang nagdaan na nagtatrabaho ako ay binago iyon, hanggang sa umalis ako ng trabaho ay iyon na ang ayos. Ngayon ko lang napansing binalik nila ang mga lumang disenyo at gamit, dahil ngayon lang nagbalik ang ala-ala ko. Pinaabot pa nila sa ganito gayong pwede naman nilang sabihin sa akin ang tungkol sa kalagayan ko.

Naisip ko ang sinabi ni mama noon na walang kasalanan si Warren kung bakit naitago sa akin ang katotohanan tungkol sa kalagayan ko, gusto niya daw sabihin pero pinigilan nila mama.

Kung gusto niya talagang sabihin at hindi mahirapan, dapat ay sinabi niya na agad, 'di ba? Pwera na lang kung advantage para sa kanya ang nangyari sa akin kaya hinayaan niya na lang iyon. Para siguro hindi muna nila kakailanganing magtago ni Rachel.

Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko nang mapagtanto kong iniiisip ko na naman siya. Bwisit talaga!

Pagbaba ng elevator ay tumuloy na ako sa office ni Warren. Oo nga pala, dati ay nasa labas ng office niya ang table ko, pinalipat at pinasok lang sa office niya nang magka-ayos kami. Kapareho lang dati noong wala pa ang magulong sitwasyon ko.

Pinatong ko na ang bag ko sa table at naupo. Naisip ko kung ano kaya ang magiging reaksiyon niya kapag nakita ako rito ngayon at kung paano ako aakto sa harap niya. Pilit kong tinataboy ang imahe ng Mary Claire na mahina, tahimik at puno ng takot ang mga mata. Hindi pwedeng gano'n ako parati.

Habang nagkakalikot ng mga dapat gawin sa computer ay halos atakihin ako sa puso sa gulat nang bumukas ang pinto at nalanghap ko ang pamilyar na mabangong amoy na 'yon.

"What are you doing here?" Pumuno sa kwarto ang malamig na boses niya. Inipon ko ang lahat ng lakas ng loob ko para magtapang-tapangan.

"What do you think?" Nagtaas ako ng kilay sa kanya.

Nakita ko pang nag-igting ang panga niya bago magsalita. "I told you to leave and never come back after a week."

"Ang sinabi mo lang ay 'wag akong magpapakita kila Wayne." nang-uuyam kong saad.

"Yes. Para saan? Para hindi nila malaman na hindi tuloy ang honeymoon natin. Do you think that the news won't reach them? Dad has eyes and ears around here!" Galit na naglakad siya palapit sa akin.

Sinikap kong pigilan ang paa ko na 'wag itulak ang upuan ko paatras sa takot sa maari niyang gawin sa akin.

"Bakit ba takot na takot kang malaman nila na hindi natuloy ang honeymoon natin?" usisa ko.

Siguradong may dahilan kung bakit siya nagkakaganyan at siguradong kasama si Rachel dito.

"Bakit ba atat na atat kang malaman nila ang kung ano man ang dapat nilang malaman? 'Di ka na ba makatiis at gusto mo nang ilabas 'yang tinatago mong kalandian?" Ngumisi siya pero nanatili ang nanlilisik niyang tingin.

Kumirot ang puso ko at sinikap kong itago ang sakit.Hindi ko lubos maisip na ang mga labing pumupuri at sumasamba sa akin noon ay minumura na ako ngayon.

"Bakit? Ikaw ba hindi? Come on, sabihin na natin! It will save both of our time. Malaya ka sa babae mo at gano'n rin ako." Ginantihan ko siya ng ngisi kahit na natatakot akong seryosohin niya ang mga sinabi ko.

I'm not yet ready, gano'n din si Wayne.

"At para maging malaya ka na? Hah! 'Wag mong bilugin ang ulo ko. Kaya nga kita pinakasalan ng dalawang beses para matali ka at si Wayne sa akin! Hindi ko hahayaang makawala ka sa kamay ko." Napaigtad ako nang hinampas niya ang mesa ko bago mabilis na tinalikuran ako at naglakad palabas.

Kumabog ang dibdib ko habang nakatingin sa pinaglabasang pinto ni Warren. Alam kong katangahan ang pag-iisip ng ganito pero hindi kaya ay si Rachel lang ang lahat ng may pakana nito? Na binibilog lang niya ang ulo naming dalawa ni Warren? Pinaglalaruan at sinisira para mapasakanya na nang tuluyan si Warren? Kasi wala naman akong narinig na kumpirmasyon mula kay Warren na may relasyon nga sila ni Rachel.

Paano kung nagkatugma-tugma lang ang lahat ng sinabi ni Rachel at ang inaakto ni Warren? Paano kung ang pagkakahuli ni Jane na lagi silang magkasama noon ay dahil bumubuntot lang talaga si Rachel kay Warren?

Pero ang nakita kong magkayakap na hubad na katawan nila ilang taon na ang nakalipas.. Posible kayang plinano lang ni Rachel ang lahat ng iyon? Kasi kung totoong may relasyon sila, bakit ako kinukulong ni Warren sa kanya at hindi na lang hayaang lumayo para sa ikasasaya nilang dalawa? Bakit hindi niya na lang ako hiniwalayan? Bakit niya pa ako pinakasalan ulit?

He's Not Just My Boss (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon