Kabanata 24: Palabras Perdidas

37.7K 2.3K 8.8K
                                    

[Kabanata 24]

TATLONG bata ang mabilis na tumakbo patungo sa kumpol ng mga tao at sumampa sa kariton upang makiusyoso sa mga nakatayo sa labas ng La Librería. Ilang araw makalipas mailathala ang unang yugto ng akda ni Palabras Perdidas ay naging bukambibig ito ng mga mamamayan sa iba't ibang bayan.

Kinagiliwan ng mga tao ang kuwento nina Felipe at Paloma. Mahaba ang pila sa labas ng La Librería. Madalas ay nauubos ang mga librong nailimbag sa isang araw kung kaya't kinabukasan ay muling bumabalik ang mga nais makabili ng kopya.

Naging laman din ng mga pahayagan ang nobela na nagdulot ng ngiti sa mga mamamayan. Ang mga babae sa beateryo ay palihim na nagbabasa, sa tuwing dumadaan ang mga sor ay mabilis nilang tinatago ang libro. Nagagawa ring magpasahan ng libro ang mga estudyante sa kolehiyo. May ilang kunwaring nagbabasa ng lektura ngunit nakatago ang nobela sa ilalim ng kanilang mesa.

Ang mga hindi marunong magbasa ay nakikinig na lamang sa malakas na pagbasa ng ilang nagboluntaryong magbasa ng bawat kabanata sa gitna ng pamilihan. Ang ilan sa mga doña na hindi mahilig magbasa ay nagbayad ng mga estudyante na pababasahin nila sa oras ng siyesta habang nakikinig din ang mga kasambahay na nakasilip sa pintuan.

Nakatayo si Cristobal habang pinapanood ang paghithit ni Don Julio ng tobako. Inilapag nito ang paunang bayad sa pagiging redactor niya sa unang yugto. "Ako'y nagtataka lamang... ikaw ay anak ni Don Rufino na nag-aari ng maraming lupain. Para saan mo ginagasta ang iyong sahod? Hindi ka ba niya pinapakain?"

"Hindi ko lang po ugali ang humingi nang humingi," tugon ni Cristobal. Totoo na kailanman ay hindi siya humingi ng salapi o pabor sa ama. Hindi naman nagkulang si Don Rufino sa pagsagot sa kaniyang matrikula at bayad sa dormitoryo, maging sa mga gamit niya sa pag-aaral at pasahod kay Mang Carding na kaniyang kutsero.

Tumango nang ilang ulit si Don Julio, "Nauunawaan ko ang iyong punto. Ngunit wala namang masama na humingi ang anak sa kanyang ama, hindi ba?" Saad ni Don Julio habang nakatitig kay Cristobal. Naalala niya ang kaibigang tumulong sa kaniya upang makapagpatayo ng tindahan ng mga libro at palimbagan. Si Honorata na siyang nagsulat ng unang yugto ang naging dahilan ng kanilang pag-asenso.

Lumapit si Cristobal at kinuha ang salaping nakapatong sa mesa saka ibinulsa. "Salamat po sa inyong oras, Don Julio. Mauuna na po ako," saad ni Cristobal na piniling hindi sagutin ang tanong ni Don Julio.

Makalipas ang ilang buwan. Marami pa rin ang naghahanap ng unang yugto. Gayundin ang mga nagtatanong tungkol sa kasunod nito. Naglalakad si Honorata palabas sa pamilihan. Paika-ika ang kaniyang lakad. May salaping ibinibigay si Don Julio sa kaniya ngunit hindi niya ito ginagastos pambili ng sariling damit o magawang ipagamot ang sarili. Ang lahat ay itinabi niya para sa anak. Inilagak niya ang lahat sa bangko para kay Cristobal.

Napatigil si Honorata nang makita ang isang binata sa Paz del Cielo. Inihagis nito ang suot na sombrero at mga dalang libro sa lupa. Bakas sa hitsura at kilos ng binatang estudyante ang matinding galit.

Pinagmasdan ni Honorata ang binata, namumukhaan niya ito ngunit hindi niya matukoy ang pangalan. Isang estudyanteng kapareho ng suot nitong uniporme ang patakbong lumapit sa galit na binata.

"Ambrosio, pinapatawag ka ng vice-rector!"

"Iyong sabihin na hindi mo ako nakita. Hindi na nila ako makikita kahit kailan!"

"Ang iyong ama... darating daw..."

"Hayaan mo siya. Hayaan mo sila!"

Namumula ang mukha ni Ambrosio. Matagal siyang nagtimpi. Ang ilang pasaring niya ay dinaan niya sa biro. Ngunit ngayong araw ay hindi na siya nakatiis. Nakasagutan niya ang isang propesor na lagi siyang pinag-iinitan dahil ang kaniyang ama ay naging hukom sa kaso ng kapatid ng propesor, nahatulan ng pagkabilanggo ang kapatid nito na labis na ikinagalit ng pamilya nito.

SocorroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon