Kabanata 8: Agos ng Karamihan

38.6K 2.5K 4K
                                    

[Kabanata 8]

MATATAGPUAN ang karwaheng sinasakyan ni Cristobal isang kanto ang layo mula sa La Librería de Manila. Nag-aalala siya ngayon sa mga papel na ipinaskil nila, sa limampung piraso ay umaasa siya na may isang nakarating kay Socorro.

Palakas ng palakas ang ulan. Iniisip ni Cristobal na halughugin na lang muli ang Maynila baka sakaling makita niya si Socorro sa mga silong ng tindahan. Sa sandaling panahon na nakilala ni Cristobal si Socorro ay napansin niya na wala itong kahirap-hirap sa pakikipag-usap sa ibang tao. Madali siyang humabilo at makipagpalagayang-loob ngunit may pagkakataon na nasosobrahan ang pagbubukas nito sa sarili sa iba dahilan upang isiping madaling magtiwala ang dalaga.

Iyon ang nangyari sa kanila, agad nagtiwala sa kaniya si Socorro. Bagay na hindi nito dapat ginawa kahit pa kaibigan siya ni Jacinto. Ngayon ay napapaisip siya kung magagawa pa kayang magtiwala ni Socorro muli sa kaniya. Kung nagawa niya sanang humingi muna ng paumanhin at ipinaliwanag ang sarili bago sumang-ayon sa plano ni Socorro ay hindi siguro siya nito tinakasan.

Napasandal si Cristobal sa upuan ng karwahe. Hindi siya sanay humihingi ng paumanhin lalo na dahil hindi naman siya gumagawa ng mali o isinasangkot ang sarili sa gulo para magkaroon ng dahilan ang kaniyang mga magulang na sabihin niya ang bagay na iyon.

Natutunan niya na mabuhay ng naaayon sa agos ng karamihan upang tulad ng iba ay manatiling maayos at planado ang takbo ng kaniyang buhay. Magsumikap sa pag-aaral, pumili ng kursong maraming nag-aabang na oportunidad at mataas na kita, maghanap ng trabahong magiging daan upang magkaroon ng matibay na pagkukunan ng pangangailangan, mag-asawa ng isang tapat na dalaga na magiging katuwang niya sa pagtataguyod ng kanilang pamilya, suportahan ang mga anak hanggang sa matapos sila sa pag-aaral at magkaroon ng kani-kaniyang pamilya, mabuhay ng matiwasay at malayo sa gulo hanggang sa pagtanda bago bawian ng buhay.

Ang mga bagay na iyon ay siyang nakikita in Cristobal na kaniyang magiging kapalaran. Mapalad siya kung iisipin dahil ang ama niya ay kaya siyang paaralin at bigyan ng magandang kinabukasan. Marami man itong pagkukulang maging ang asawa nitong si Doña Josefa ay ibinabaon na ni Cristobal ang mga iyon sa kaniyang isipan. Hangga't maaari ay hindi niya nais pag-usapan ang kaniyang pamilya at nakaraan.

"Señor," natauhan si Cristobal nang magsalita si Mang Carding na nakaupo sa tapat. Umuulan ng malakas kaya pinasilong din niya ito sa loob ng karwahe. "Mawalang-galang na ho ngunit ano ang hinihintay natin dito?"

Napatikhim si Cristobal habang ang mga mata ay nakatutok lang sa La Librería. "May kailangan lang po akong sunduin," tugon ni Cristobal saka tumingin sa kutsero na dalawang taon pa lang niya nakakasama. Pinapasahod ito ng kaniyang ama upang maging katiwala niya sa Maynila. Mahalaga kay Don Rufino na masubaybayan si Cristobal na siyang nag-iisang tagapagmana niya. Kahit papaano ay panatag ang loob niya dahil nag-aaral ito nang mabuti at hindi nasasangkot sa gulo kahit pa hindi sila malapit sa isa't isa. Kung minsan ay sinasabi ni Doña Josefa na nag-ampon na lang sana sila ngunit hindi rin mabasa ng Don ang nasa isip ng asawa dahil ramdam niya na hanggang ngayon ay may sugat pa rin sa damdamin nito nang magkaanak siya sa iba.

"Maaari niyo po bang ilihim ito? Anuman ang inyong matunghayan ay manatili po sana itong lihim sa ating dalawa." Pakiusap ni Cristobal, tumango nang marahan si Mang Carding, hindi nakatitiyak kung dapat ba siyang sumang-ayon ngunit malaki ang tiwala niya kay Cristobal na kailanman ay hindi siya binigyan ng sakit sa ulo.

Muling tumikhim si Cristobal saka tumingin sa kutsero, "Wala rin pong ibang ibig sabihin ito... kailangan ko lang po ituwid ang aking nagawang mali." Paliwanag niya, nagtaka ang hitsura ni Mang Carding ngunit patuloy pa rin itong tumatango. Sa isip ni Mang Carding ay mamaya na lang siya magdedesisyon sa oras na malaman kung ano ba ang pakay ni Cristobal ngayong gabi habang patuloy ang pagbagsak ng malakas na ulan.

SocorroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon