Kabanata 9: Si Felipe at Paloma

35.8K 2.5K 6.1K
                                    

[Kabanata 9]

Para sa Ginoong laman ng aking isipan,

Sa puso nahihimbing ang himig ng awitin,
Naglalakbay sa isipan bago sambitin,
Ipinapahayag ang mga sailtang naisin,
Umaawit, sumisigaw, ang aking damdamin.

Marahil ay ikaw'y nagugulimihanan kung bakit ka nakatanggap ng ganitong liham. Ako'y naniniwala na hindi dapat pinalalagpas ang pagkakataon. Tulad ng tulang ihinandog ni Felipe kay Paloma nang una niya itong nakilala.

Sa ngayon ay hindi ko muna nais magpakilala. Ako'y umaasa na sa oras na matagpuan mo ang liham na ito ay huwag mo rin sana sayangin ang pagkakataon. Hihintayin ko ang iyong tugon. At kung ibig mo ng kaibigan ay handa akong makinig tulad ni Paloma.

Gumamela

Hindi namalayan ni Cristobal na ilang minuto na niyang tinititigan ang liham habang nakahiga sa kama at inuunan ang kaliwa niyang braso. Umaandap-andap ang liwanag ng lampara sa kaniyang tabi.

Kasalukuyan siyang nakahiga sa kama ni Jacinto. Samantala, si Jacinto ang natutulog sa kaniyang kama dahil ito ang nasa gitna ng tatlong higaan. Habang si Socorro ay mahimbing na natutulog sa dulong kama na walang umuukupa.

Lumingon si Cristobal sa gawi ni Socorro. Nakatalikod ito at nakataklob ng kumot gaya ng utos ni Jacinto dahil kasama nila si Cristobal sa iisang silid. Ang sipi ng tula na ginamit sa liham pag-ibig para sa kaniya ay isa sa mga isinulat ni Palabras.

Aminado si Cristobal na maganda ang pagkakasulat ng liham ngunit hindi niya malaman kung bakit hindi siya interesado sagutin iyon. Nanatili siyang nakatingin kay Socorro, kung ang liham ay nagmula sa Sariaya, iyon ang tirahan ni Socorro.

Ngunit malakas ang kutob ni Cristobal na hindi si Socorro ang nagpadala ng liham pag-ibig dahil sa kilos at pananalita nito ay hindi naman ito nakakaramdam ng pagkailang o anumang pagtingin sa kaniya. Bukod doon ay nagagawa pa nitong kumilos at magsalita nang hindi iniisip ang magiging pagtingin niya na isa sa mga iniingatan ng mga kababaihan sa tuwing kaharap nito ang binatang naiibigan.

Itinupi ni Cristobal nang maayos ang liham at inipit iyon sa isang libro saka pinatay ang sindi ng lampara.

KINABUKASAN, maagang bumangon si Cristobal. Tulad ng dating gawi ay siya ang gumising kay Jacinto na inabot pa ng kalahating oras bago bumangon kung kaya't nagmamadali itong pumila sa palikuran. May apat pang estudyante ang nakapila dahilan upang bumalik na lang siya sa kanilang silid at nagpalit na lamang ng damit.

Sa kabila ng ingay ni Jacinto ay hindi nagising si Socorro. Humihilik pa ito habang nakataklob ng kumot. Nakaharap si Cristobal sa salamin habang naglalagay ng pomada sa buhok. Samantala, halos matumba si Jacinto sa pagsuot ng itim na pantalon dahil sa pagmamadali.

"Pahiram ako ng iyong takdang-aralin," wika ni Jacinto sabay subo ng tinapay na dinampot niya lang sa kusina nang mag-desisyon siya na hindi na siya maliligo dahil mahuhuli na siya sa klase.

"Isinilid ko na sa iyong kuwaderno." Napangiti nang malaki si Jacinto nang malaman na sinagutan na rin ni Cristobal ang kaniyang takdang-aralin. Madalas itong gawin ni Cristobal lalo pa't palaging nanganganib ang marka ni Jacinto.

"Muchas gracias, amigo!" Ngiti ni Jacinto na akmang aakap kay Cristobal ngunit yumuko ito upang kunin ang sapatos at umupo sa dulo ng kama upang isuot iyon.

"Iyong bilisan dahil hindi kita hihintayin," wika ni Cristobal nang hindi tumitingin sa kaniya. Ang totoo ay hindi lang sanay si Cristobal na makatanggap ng lambing at pasasalamat kahit pa ugali ni Jacinto ang yakapin siya sa sobrang natutuwa ito sa ginawa niya.

SocorroWhere stories live. Discover now