Kabanata 12: Ang Dahilan at Panahon

38.8K 2.5K 7.8K
                                    

[Kabanata 12]

NAPAHAWAK sa sentido si Padre Mendoza habang nakaupo sa luklukan ng tanggapan. Sinubukan niyang ipikit ang kaniyang mga mata habang sabay-sabay na nagsasalita ang mga magulang na hindi na niya maunawaan kung anu-ano ang mga sinasabi nito.

Animo'y mga manok na hindi matigil sa kakaputak sina Don Manuel at Doña Antonia Sanchez sa kanan. Samantala, sa kaliwa ay hindi rin nagpapatalo si Don Marcelo at Doña Jimena Gonzalez. "Inyong nakita ang tinamo ng aking anak? Kung kukuwentahin ko kung gaano niyo napinsala ang kanyang kalusugan at kumpyansa ay tiyak na malulubog kayo sa utang!" Sigaw ni Don Manuel na nagbilang ba ng ilang libo gamit ang kanyang daliri.

Patuloy ang pagpaypay ni Doña Antonia na sinasabayan din ang asawa sa pagsasalita, "Kinailangan pa namin ang tulong ng mga dayuhang espeysalista upang masuri ang aming anak. Kay laking sugat at pasa ang tinamo niya sa mukha at likod nang dahil sa pamangkin niyong iyan!" Matinis ang boses ni Doña Antonia dahilan upang mas lalong marindi si Doña Jimena.

"Palibhasa nababatid naman ng inyong anak na wala siyang laban kay Jacinto e nilabanan niya pa. Iyan tuloy ang kaniyang napala." Buwelta ni Doña Jimena na sa totoo lang ay walang pakialam sa magkakapatid na De Avila, sadyang ibig niya lang galitin si Doña Antonia at maikuwento ito sa kaniyang mga kaibigan.

Ikinumpas ni Don Marcelo ang kamay upang patigilin ang mga manok na hindi matigil sa pagputak ngunit mas lalong dumami ang sinasabi ng bawat isa. "Ang amin lang ay pareho silang nagkasakitan. Pareho silang dapat maparusahan. Hindi ito usapin ng kung sino ang dapat na managot dahil pareho silang gumamit ng dahas." Wika ni Don Marcelo ngunit sa hina ng boses niya ay hindi niya nakuha ang pansin ng tatlo.

Hindi na makatiis si Padre Mendoza kung kaya't ibinagsak na niya ang kamay sa mesa dahilan upang mapatigil ang lahat. Naalala nila na nasa harap sila ni Padre Mendoza na siyang humahawak sa pagdidisiplina ng mga estudyante.

"Ang mabuti pa ay hintayin na lamang natin si Don Amorsolo. Hindi ba't ang anak niya ang nagsimula?" Wika ng padre sabay tingin sa dalawang panig.

"Nasaan ba siya, Padre? Kami ay naglaan ng oras ngayon sa kabila ng aming pagiging abala. Nasaan ang nagsimula ng gulong ito?" Wika ni Don Marcelo na hindi na natutuwa sa sunod-sunod na atraso ng kaniyang mga pamangkin.

"Ako'y nagpadala ng mensahe ngunit ang tugon ng katiwala ay may mahalaga itong inaasikaso kasama ang kanyang anak." Tugon ni Padre Mendoza, bagaman hindi rin siya kumbinsido sa dahilang ibinigay sa kaniya ng pamilya Del Rosario.

"Kung gayon, ano na ang mangyayari? Hindi maaaring mauwi sa wala ang sinapit ng aking anak!" Sigaw ni Doña Antonia, hindi niya matanggap na mas dehado ang naging kalagayan ng kanyang sa naging kaaway nito.

"Hindi rin kami makapapayag na maparusahan ang aming pamangkin na nagtanggol lamang sa sarili." Paninindigan ni Don Marcelo na isang abogado. Bagaman matagal na siyang hindi humahawak ng kaso sa hukuman, handa siyang tulungan ang kaniyang kamag-anak.

Napahilamos sa mukha si Padre Mendoza, araw pa lang ng Lunes ay ito na agad ang bumungad sa kaniya. Samantala, mula sa labas ng kaniyang tanggapan ay naghihintay ang mga estudyanteng nasangkot sa gulo.

Nakatayo sina Jacinto at Cristobal malapit sa pintuan habang nakasandal naman malapit sa hagdan sina Xavier, Jose at ang iba nitong kaibigan. Masama ang tingin nila sa isa't isa, animo'y magkakaroon ng ikalawang pagsasabong.

Malalim ang pasa na tinamo ni Xavier sa kaliwang mata. Namamaga rin ang kaniyang panga. Samantala, may sugat sa noo at pasa sa pisngi si Jacinto. Muling tiningnan ni Cristobal si Xavier, ang huli niyang natandaan ay may pasa lang ito sa mata, ngayon niya lang nakita ang namamaga nitong panga.

SocorroWhere stories live. Discover now