Kabanata 6: Ang Bahaghari, Liwanag, at Araw

34K 2.6K 3.3K
                                    

[Kabanata 6]

NAPAPIKIT si Socorro. Hindi na niya alam ang gagawin. Hindi niya pa lubos na kilala si Cristobal ngunit nararamdaman niyang handa siya nitong isumbong at ibalik sa Sariaya. Wala sa bokabularyo ni Socorro ang pagsuko. Kung babalik siya sa Sariaya, muli siyang mapaparusahan at tiyak na ipapasok sa kumbento.

"Jacinto, ikaw ay may dapat na malaman," panimula ni Cristobal dahilan upang mapatigil si Socorro. Kailanman ay hindi pa siya pinagalitan ni Jacinto ngunit nababatid ni Socorro na ibabalik din siya nito sa hacienda De Avila.

"Ano iyon? Hindi ba maaaring doon mo na lang sabihin sa piging?" Sumilip si Socorro, namamaga pa ang mga mata ni Jacinto na bagong gising. Naalala niya na higit na seryoso ang kapatid sa tuwing hindi nakokompleto ang tulog nito.

Patuloy na inaamoy ng dalawang kuneho si Socorro ngunit hindi na niya ito alintana. Napatingin siya kay Cristobal na nakatalikod sa kaniya. Ramdam niya na ipagkakanulo na siya nito kung kaya't kailangan niyang makaisip ng paraan upang mapatigil ito sa pagsasalita.

Natigilan si Socorro nang magawi ang mata niya sa kamay ni Cristobal. Naalala niya ang lahat ng aral tungkol sa mga wastong kilos ng kababaihan at mga dapat tandaan upang mapanatili ang kalinisan at kabutihang puri. Sa kabila ng mga aral na iyon na hindi na niya mabilang, isa lang ang pumasok sa kaniyang isipan... ang taliwasin ang agos ng tubig sa ilog.

"Ang totoo niyan, narito ngayon si..." Agad inilusot ni Socorro ang kaniyang dalawang kamay sa mga uwang ng hawla saka hinawakan ang kanang kamay ni Cristobal gamit ang kaniyang dalawang palad. Walang ibang tumatakbo sa kaniyang isipan kundi ang tumatakbong oras ngayon kung saan magagawa niyang patigilin ang misteryosong manunulat.

Napatigil sa gulat si Cristobal at hindi na niya nagawang ituloy ang sasabihin. Animo'y nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan na parang isang istatwa. Hindi man niya tingnan ngunit ramdam niya na mga kamay ni Socorro ang kumapit sa kaniya.

Mula pagkabata ay naunawaan niya na marapat lang umiwas sa mga kababaihan. Hindi siya namumuhi sa mga ito ngunit sa murang edad ay natunghayan niya kung paano madaling nakukuha ng mga babae ang simpatya at awa sa sitwasyong sila rin naman ang gumawa.

Maaga rin siyang namulat kung paano nagagawang makuha ng ilang mga babae ang kanilang nais sa pamamagitan ng kanilang kakayahang magdalang-tao. Ang bagay na iyon ang pinakakinamumuhian niya, ang pagkasadlak ng isang babae sa pakikiapid upang makuha ang sariling hangarin.

"Cristobal?" Tanong ni Jacinto dahilan upang matauhan siya. "Mauuna na ako roon, sumunod ka na lang." Patuloy nito sabay talikod at naglakad na papalayo. Naiwan pa ring tulala si Cristobal sa kawalan hanggang sa mamalayan niyang bumitaw na si Socorro sa pagkakahawak sa kaniya.

Nanatiling nakatalikod si Cristobal. Naalala niya ang inang nagsilang sa kaniya na ginamit lang siya upang makakuha ng salapi sa pamilya Salcedo. Sinamantala nito ang sitwasyon ng mag-asawang Salcedo na matanda na at hindi nabiyayaan ng anak.

At ngayon, sa tahasang paghawak ni Socorro sa kaniyang kamay ay naglalapit sa kanila sa parehong sitwasyon kung saan dapat panagutan ng lalaki ang nangyari.

Lumabas na si Socorro sa hawla at pinagpagan ang sarili. Napatingin siya kay Cristobal na nakatalikod pa rin at hindi gumagalaw sa kinatatayuan. Hindi niya ngayon alam ang sasabihin. Batid niyang mali ngunit sa oras ng kagipitan ay kumakapit tayo sa kung ano ang maaari nating kapitan kahit na ito pa ay mali.

Naunang tumikhim si Socorro, "K-kalimutan mo na ang nangyari. Wala naman akong ibang intensyon. Ang gusto ko lang ay hayaan mo ako at huwag ipagkanulo. Kung minsan ay mas madaling magpikit-mata sa mga nangyayari." Panimula ni Socorro saka napatingin sa dalawang kuneho na ngayon ay hinahanap ang presensiya niya.

SocorroWhere stories live. Discover now