Noong ako'y iyong isinilang
Nakita ko sa iyong mukha ang labis na kaligayahan
Dahil isang anghel na nilalang
Ang lumabas sa iyong sinapupunan.
Tinuruan mo akong tumayo at humakbang
Dahan-dahan ngiti mo ay aking nasilayan
Habang paglalakad ay pinag-aaralan
Tanaw na tanaw ang kasiyahan mong noong ako'y wala pang kamuwang-muwang.
Subalit ang mga ngiti na aking nasaksihan.
Ay biglang napalitan ng lubhang kalungkutan.
Nakita ko ang kamao ng aking ama at ika'y sinunggaban.
Sinampal ka sa harap ko at ang iyong labi ay duguan.
Sa kauna-unahang pagkakataon rinig ko ang iyong iyak
Iyak na minsan ko lang nagisnan noong aking kabataan
Iyak ng masakit sa aking kaibuturan
Dahil nasayang lamang ang iyong pinaghirapan.
Lumipas ang mga taon at ika'y hiniwalayan
Ng aking amang hindi ko alam kong bakit ka iniwan
Iniwang wala namang mabigat na dahilan
Nag-alsa balutan siya ng hindi natin nalalaman.
Nagtangis ka na naman
Umiyak sa aking harapan
Laging nag-aabang sa may pintuan
Kung darating si amang tayo ay iniwanan.
Napakasakit pala kung isang tulad mo ang umiyak
Puso ko'y unti-unting binibiyak
Parang punyal na malalim kung isinaksak
Ating pamilya ay tuluyan ng nawasak.
Mahal kong ina, tumahan ka na
Huwag mong kalimutang hindi ka nag-iisa
Ako na iyong anak ay naririto pa
Hayaan mong alagaan ka at kalimutan na si ama.
Hindi kita iiwan, ika'y aalagaan
Hindi mo mararanasang muli na siya ay iyakan
Ako na iyong anak ang hahalili para bigyan ka ng kasiyahan
Mag-aaral ako ng mabuti, sa huli ay bibigyan ka ng kaginhawaan.
BINABASA MO ANG
Puso at Damdamin
RandomIto po ay hindi isang kuwento. Ibabahagi ko po ang tulang ito sa inyo na ang mga pamagat ay hinango sa mga kantang paborito ko. Ito po ay isang tulang alam kong nakakarelate ang karamihan. Sana Magustuhan niyo po. Maraming salamat! Credits to @einje...