Kabanata 4

2.4K 88 0
                                    

Ilang araw nang hindi kumakainsi Lucas ngunit hindi niya nararamdaman ang gutom. Bumibili siya ng pagkain ngunit si Zaira lamang ang kumakain. Ewan niya bakit bigla nalang ata siya naging mabait sa dalaga.

Napapansin niya tuwing gabi ay umaalis si Zaira. Ang sabi lang sa kanya ay nagbebenta  ng balot. Minsan siyang nagbulontaryo na sumama ngunit hindi siya pinahintulutan.

Nagdududa na tuloy siya kung ano ba talaga ang pinagkaka-abalahan ng babaeng iyon maliban sa nakikita niya sa nakaraan nito na isa itong asset ng mga pulis at PDEA.

Habang tumatagal ay nakikilala na niya ang taglay niyang kakayahan. Nababasa niya ang mga nakaraan ng isang tao at nakikita niya ang mga pangitain na magaganap sa hinaharap.

Nang gabing iyon ng lingo ay napansin nanaman niya si Zaira na nakabihis lalaki. Minsan ay magara ang suot nito, minsan naman ay babaeng-babae ito. Kapag nag-ayos lalaki ito ay alam niya agad na maglalako ito ng balot.

Ang bango nito nang dumaan sa tabi niya. “Saan ka pupunta? Gabi na ah,” usisa niya.

Huminto naman ito at hinarap siya. “Magtitinda ako ng balot,” tugon nito.

“Ganitong oras? Gabi na ah,” aniya.

“Eh ano naman kung gabing-gabi na? Marami akong suki na bumibili kahit mag-uumaga na,” anito.

“Puwede ba akong sumama?”

“Huwag na. Mapapagod ka lang,” anito.

Hindi na siya kumibo. Hinayaan na niya itong maka-alis. Ngunit nang makalayo na ito ay palihim niya itong sinundan. Maingat na sinusundan niya ito kahit saan ito magpunta.

Nagtataka siya bakit sa mga liblib na lugar pumupunta si Zaira kung saan wala masyadong mga tao. Nagdududa na talaga siya kung balot lang ba talaga ang itinitinda nito.

Nang huminto ang dalaga sa isang lumang ware house ay nagkubli siya sa poste ng kuryente. Pinagmamasdan niya kung ano ang mga kaganapan.

Nakita niyang pumasok sa ware house si Zaira. Unti-unti siyang lumapit upang sundan ito. Nang makapasok na rin siya ay nagtaka siya bakit walang tao. Tambakan ng mga sirang container band ang ware house na iyon.

May naririnig siyang mga yabag at mga nagsasalita sa ‘di kalayuan. Kampante siyang naglalakad sa pasilyo nang biglang may lumabas na lalaki sa gawing kaliwa niya at bigla siyang natutukan ng baril.

Mabilis na gumana ang isip niya. Bago pa nito maiputok ang baril ay ginamitan na niya iyon ng telekinesis. Tinitigan lamang niya ang baril nito at sa isang iglap ay nasa kamay na niya ito.

Nanlalaki ang mga mata ng lalaki. Akmang huhugutin nito ang isa pang baril na nakasukbit sa tagiliran nito subalit mabilis na tinitigan niya ang tubo na nasa likod nito at mabilis na humampas sa likod nito. Nawalan ito ng ulirat.

Mabilis na nilapitan niya ang walang malay na lalaki at itinago sa sulok na hindi makikita. Sapagkuwan ay nagpatuloy siya sa paglalakad habang nakakubli sa likod ng mga poste na madadaanan niya.

Nalalapit na siya sa ingay na naririnig niya. Nang matagpuan niya ang bahagi ng gusali na maraming tao ay nagtago siya sa pagitan ng dalawang container bond habang pinagninilayan ang mga kaganapan.

Hinahapuhap ng paningin niya si Zaira ngunit hindi niya ito makita. Ang kataka-taka’y halos mga kalalakihan ang mga naroroon at nag-uumpukan. Hindi niya matukoy kung ano ang pinagkakaabalahan ng mga iyon.

Habang nakasandal siya sa likod ng container bond at nagninilay ay bigla na lamang may humawak sa balikat niya. Napapitlag siya sabay marahas na nilingon kung sino man iyon.

The Chronicles of the Fallen Angels 'Lucas Hermania' The Caustic Cherubim (Book 1)Where stories live. Discover now