Kabanata 3

2.6K 101 1
                                    

Masakit na sa balat ang sikat ng araw pero naghihilik parin si Zaira. Kung hindi lang dahil sa bulyawan ng mga kapit-bahay ay hindi pa siya magigising. Masakit ang katawan niya kaya ayaw pa niyang bumangon.

Nang maramdaman niya ang nakakapasong sinag ng araw na tumatagos buhat sa siwang ng kisame ay napabalikwas siya ng bangon. Napatingin siya sa orasang nakasabit sa dingding. Alas-onse na ng umaga. Napagod siya ng husto sa pakikipaghabulan sa mga nag-amok na mga tambay sa kanto kagabi.

Nagkakalbaryo na ang ibang tao upang kumita samantalang siya ay humihikab pa. Naghilamos na siya at nagsipilyo. Mayamaya’y may kumatok na sa pinto.

“Sino ‘yan?!” galit pang tanong niya.

Wala namang sumasagot. Tinapos muna niya ang pagsisipilyo bago binuksan ang pinto. Nang mabatid niya kung sino ay ngali-ngali niyang isara ang pinto subalit nakapasok na si Aljon.

Si Aljon ang mayaman niyang manliligaw na halos araw-araw siyang dinadalaw at dinadalhan ng pagkain. Hindi na nga siya nagluluto gawa nito. Tiklop tuhod na umiibig ito sa kanya.

Guwapo naman ito, matangkad, matalino at mayaman pero ewan niya bakit ayaw tumibok ng puso niya para rito. Pinapabayaan lamang niya ito kahit minsan ay gusto na niya itong pilayin at nang maiwasan ang pagdalaw nito sa kanya.

“Hindi pa nga ako naliligo eh. Sana pina-LBC mo nalang ang pasalubong mo sa akin,” aniya.

Bumungisngis naman si Aljon. “Ikaw talaga. Hindi ka naman mabaho eh. Maganda ka parin kahit hindi ka naliligo,” nakangiting turan nito.

“Aysus! nambola ka pa, Tiborcio. Hala. Maghintay ka riyan at ako’y magtatanggal muna ng libag,” aniya at iniwan muna ito.

Mabait naman si Aljon. Naka-upo lang talaga ito sa sofa sa sala at hinihintay siya. Inaasar pa niya ito. Kahit tapos na siyang maligo ay hindi pa siya lumalabas ng banyo.

Sinisilip niya si Aljon na minsan ay tumatayo at palakad-lakad. Pakiwari niya’y naiinip na ito. Natatawa lamang siya sa pinaggagawa niya. Mayamaya’y lumabas na siya. Dumaan pa siya sa harapan nito na tuwalya lamang ang saplot sa katawan. Titig na titig ito sa kanya.

“Matagal ba ako?” tanong niya rito.

“Ahm, medyo,” anito.

“Hehe, marami-raming libag eh. Pasensiya ka na ah? Sige magbibihis lang ako sandali,” aniya at pumasok na sa kuwarto niya.

Ang sinasabi niyang sandali ay umabot ng kalahating oras. Pagkatapos niyang magbihis ay naglinis siya ng kuku sa paa. Tila wala siyang bisita na naghihintay sa kanya sa labas.

Mayamaya’y kumatok na sa pinto niya si Aljon. Agad niya iyong binuksan. “Bakit?” tanong niya.

“Ahm, babalik nalang ako mamayang gabi. May meeting pa kasi ako sa kompanya ngayong lunch,” anito.

“Ah, hindi puwede mamayang gabi, may trabaho din ako eh,” aniya.

“So bukas nalang ng tanghali. Lunch tayo sa labas.”

“Sige, sige,” sang-ayon niya.

“Bye.” Kapagkuwan ay umalis na si Aljon.

Nakahinga na rin siya ng maluwag. Nang wala na ang kotse ni Aljon ay agad niyang dinampot sa ibabaw ng center table ang pagkaing dala ni Aljon at dinala sa kuwarto niya.

Animo’y nagutuman siya ng ilang araw at takam na nilantakan ang fried chiken kasabay ng kanin. Wala siyang pakialam basta’t kain siya nang kain na naka-kamay lamang.

Pagkatapos niyang kumain ay halos hindi na siya makatayo. Dahil sa labis na kabusugan ay sumakit ang tiyan niya. Tumayo siya at dahan-dahan na naglakad patungong kusina.

The Chronicles of the Fallen Angels 'Lucas Hermania' The Caustic Cherubim (Book 1)Where stories live. Discover now