Prios 1: Contract with Mr. Ph...

By LenaBuncaras

246K 14.6K 2.3K

Napakadaldal na babae ni Chancey kaya kataka-taka kung bakit siya ang napiling sekretarya ni Mr. Donovan Phil... More

Contract with Mr. Phillips
1. Application Process
2. Personal Secretary
3. The House in the Woods
4. Questions and Doubts
5. Seven o'clock
6. First Night High
7. Black Door
8. Bloody Room
9. Undeclared Slave
10. Curfew Hours
12. The Real Deal
13. Guardian
14. The Chairman's Secretary
15. Monday Morning
16. Just One Bite
17. Mortal Being
18. Bad Dinner
19. The Widower
20. The Immortal Maidservant
21. The Archer
22. The House Owner
23. The Shifters
24. The Seal
25. The Husband
26. The Love Interest
27. The Unmarried Wife
28. The Persecuted Witch
29. Morning Arguments
30. The Last Warning
31. Music of the Woods
32. The Cursed Ring
33. The Family
34. The Fae
35. Night in the Grand Cabin
36. The Final Contract With Mr. Phillips
Next Part: Helderiet Woods
Special Part

11. Grand Cabin's Monster

5.7K 416 55
By LenaBuncaras


Kahit anong subok kong bumalik sa pagtulog, hindi na talaga ako nakabalik. Wala naman sigurong makakabalik sa pagtulog pagkatapos ng mga nangyari. Nakasampa lang ako sa kama habang namamaluktot doon sa pagkakaupo. Nakabantay lang ako kay Mr. Phillips na nakapikit lang sa upuan niya. Marami pa rin siyang mga sugat pero mga hindi naman nagdudugo na. Pagtunog ng wall clock sa alas-singko impunto, tumayo na siya at lumabas ng kuwarto ko. Hindi niya ako tiningnan, hindi niya ako nilingon, hindi siya nagsalita, tumalikod na lang siya at lumabas.

Tingin ko nga, maayos na ang pakiramdam niya kasi nakatayo na siya nang maayos. Pagkasara niya ng pinto, mabilis akong tumayo.

Hindi ko na alam kung ano na ang nangyayari. Kung bakit ganoon ang nangyayari sa Cabin, kung bakit ganoon ang nangyayari kay Mr. Phillips. Nalilito ako sa nagaganap at hindi ko alam kung nasa lugar ba ako para magtanong.

Natatakot pa rin ako, pero hindi na gaya noong pinupunasan ko siya. Wala siyang ginawa. Wala siyang sinabing kahit ano no'ng sinabi kong gusto ko nang umalis.

Nagbukas ako ng pinto at sinundan ko siya ng tingin. Akala ko, babalik siya sa kuwarto pero hindi. Naabutan ko pa siyang bumaba sa hagdan.

Tiningnan ko ulit yung sahig. Puro na naman dugo sa wooden floor gaya ng nilinis ko kahapon nang umaga.

Galing ba kay Mr. Phillips yung mga dugo? Dahil ba doon sa malaking aso? Paano nakaabot sa third floor yung malaking aso?

Nagsuot na lang ako ng blazer at running shoes. Kinuha ko rin ang wallet ko saka ako bumaba.

Hinanap ko pa kung nasaan si Mr. Phillips pero hindi ko siya nakita sa living room. Inisip kong baka nasa kusina siya kaya sinamantala ko iyon para pasimpleng lumabas ng Cabin.

Bahagya nang lumiliwanag at tahimik pa rin sa paligid. Mabilis akong tumakbo palayo sa mansiyon. Hindi ko alam kung ano ba'ng gagawin ko. Tumakbo agad ako sa asphalt na kalsada papalabas ng Helderiet Woods.

Alam ko namang maraming kung anong hayop sa loob ng kakahuyan, pero nasa Cabin na kami e. Bahay na 'yon, hindi na kakahuyan. Dapat safe na sa loob, pero bakit gano'n pa rin?

Saka si Mr. Phillips, ano ba talaga siya? Bakit kailangang patay ang lahat ng ilaw sa Cabin kapag alas-siyete ng gabi? Bakit kailangang huwag lumabas ng kuwarto pagdating ng alas-dose hanggang alas-sais? Bakit bawal pasukin yung kuwarto sa black door? Bakit tulog sa umaga si Mr. Phillips at sa gabi lang siya gising? Bakit naging pula yung gold niyang mata? Bakit mahaba ang pangil niya? Bakit niya ininom ang dugo ko?

Ang dami kong tanong habang tumatakbo papalabas. Ilang minuto rin ang lumipas bago ko narating ang iron gate. Pagbukas n'on, hingal na hingal akong tumawid sa Belorian Avenue.

Nangangasul pa rin ang langit at paunti-unti nang dumarami ang sasakyan sa kalsada. Sumaglit ako sa Belorian Diner para doon mag-stay. Bumili ako ng kape pampakalma at umupo sa may counter kung saan nagse-serve si Jerry, ang may-edad na ginoong matagal nang nagtatrabaho roon.

Naiwan ko pala ang phone ko sa kuwarto. Hindi ko matatawagan si Zephy.

Humigop ako ng mainit na kape at tinitigan ang tasa. Pamilyar ang gapang ng init sa lalamunan. Kaparehong init na naramdaman ko noong sinipsip ni Mr. Phillips ang dugo ko, pero sa braso naman.

Napapikit na lang ako para makalimutan ang itsura niya, pero pagpikit ko, parang lalo lang luminaw ang gusto ko na ngang kalimutan.

Hawak-hawak lang niya ang braso ko habang nakapikit siya at sinisipsip ang dugo ko. Napalunok ako habang naaalala iyon. Kahit anong isip ko na baka halimaw siyang kinakain ang braso ko, iba talaga ang naaalala ko.

Kalmado lang kasi siya habang nakapikit. Noong sinabi niyang nauuhaw siya, nakita kong doon siya sa braso ko nakahanap ng tubig niya. Pagkatapos n'on, bigla na siyang kumalma na para bang napawi na ang uhaw niya.

Napadilat ako at napatingin sa kanang kamay kong may benda sa pupulsuhan. May maliit na mantsa ng dugo roon sa may bandang sugat, pero sa ibang banda ay mantsa na ng dugo galing sa katawan ni Mr. Phillips na nilinis ko.

Nagpupunas ng stainless countertop si Jerry nang tanungin ko.

"Jerry, nakapasok ka na ba sa Helderiet Woods?"

Sinulyapan niya ako habang patuloy siyang nagpupunas ng counter. "Bakit mo naitanong? May balak kang pumasok doon?"

Nagkibit-balikat ako. Para ngang ayoko nang pumasok ulit. "Curious lang ako kasi, di ba, kailangan munang may permiso para makapasok sa loob."

Tinawanan niya ako nang mahina. "Hindi mo kailangang pumasok sa loob kung wala kang gagawin doon." Nagpatuloy siya sa pagpupunas ng mahabang metal na mesa kung saan din ako nagkakape.

"Kilala mo ba yung nakatira sa Grand Cabin?" tanong ko ulit bago humigop ng kape.

"Apo ng may-ari ng Helderiet ang nakatira sa Cabin," sagot niya at sinunod nang punasan ang ibaba ng counter na pinakamesa naman niya. "Bihirang lumabas 'yon. Hindi rin 'yon nakikipag-usap sa kahit na sino."

"Nakita mo na siya?"

Natawa ulit nang mahina si Jerry. Hindi ko naman makita kung ano'ng nakakatawa kay Mr. Phillips e nakakatakot nga siya. "Mas matanda pa sa 'kin ang huling Helderiet na nakatira sa Cabin. Nakilala ko siya noong napapasama ako sa mga tagapagluto sa mansiyon. Huling kita ko sa kanya, beynte anyos pa lang ako. E tingnan mo naman ako ngayon." Itinuro niya ang katawan niya. "Nasa singkuwenta na ako."

"Kilala n'yo po ba si Donovan Phillips?"

Kumunot ang noo niya saka umiling. "Sino 'yon?"

Matipid akong ngumiti. "Siya po yung boss ko." Humigop ulit ako ng kape at saka nagbuntonghininga.

"Ang aga-aga, ang tunog ng paghinga mo a. Di pa sumisikat ang araw, problemado ka na agad."

Iyon nga ang problema e. Yung problema ko, nagsimula noong hindi pa sumisikat ang araw.

"Jerry, paano kung nagtatrabaho ka sa isang . . . taong . . . mag-isa lang sa buhay niya?" tanong ko habang nakatulala sa harapan. "Maganda ang sahod. Libre ang bahay. May sarili kang driver . . ."

"Aba! Ang suwerte ko na n'on!"

"Paano kung hindi mo talaga alam kung ano ang trabaho mo?" Pagtingin ko sa kanya, nagtataka ang tingin niya sa akin. Kung makatingin siya, parang may sinasabi akong hindi niya naiintindihan.

Hindi ko rin naman naiintindihan ang tanong ko. Hindi ko nga naiintindihan kung anong klaseng lugar ang Grand Cabin tuwing gabi.

"Jerry, naniniwala ka sa bampira?"

Biglang natawa si Jerry. Ine-expect ko naman. Ako nga, hindi gaanong naniniwala. Naniniwala akong may mumu at monsters, pero hindi ko alam sa ibang kagaya n'on.

"May sabi-sabi noon na kaya nasa gitna ng kakahuyan ang Grand Cabin ay dahil pamilya ng mga bampira ang mga Helderiet at doon lang sila hindi nakakapaminsala sa bayan. Naniwala ako noon."

"Napatunayan bang totoo silang bampira?"

"Nawala ang usap-usapang bampira sila nang dumalo ang buong bayan sa libing ng mag-asawang Helderiet. Anak lang nila ang naiwang tagapagmana ng Cabin. Noong hindi na nagpakita ang anak nila sa publiko, binili ang Cabin ng private company at ipinasara sa lahat. Binakuran nila ang gubat pagkatapos noon."

"Yung town declaration twenty years ago," dagdag ko sa sinabi niya. "Tumugtog sa orchestra noon ang mama ko."

"Bakit mo pala naitanong ang tungkol diyan?"

Nagbuntonghininga na naman ako. Hindi ko alam kung paano sasabihin ang tungkol kay Mr. Phillips. Hindi rin naman ako sigurado kung bampira ba siya o halimaw o gusto lang uminom ng dugo. Ayoko namang mag-judge at mambintang.

"Ano'ng itsura n'ong anak ng mga Helderiet, Jerry?" pagbabalik ko sa usapan habang inuubos ang kape ko.

"Ang huling alaala ko sa kanya, nasa pagitan ng beynte singko at treynta anyos. Matangkad at sobrang baba ng boses. Kalmado lang siyang tumingin sa lahat at mahilig ngumiti."

"Gold din ba ang mata niya saka mahaba ang pangil?"

Tinawanan na naman ako ni Jerry. "Asul ang mata niya at wala siyang mahabang pangil. Ang malinaw lang sa alaala ko, yung boses niyang sobrang mababa."

"Yung boses ba niya, parang boses demonyo?"

Biglang humalakhak nang sobrang lakas ni Jerry at dinig na dinig iyon hanggang sa kitchen nila. Nakita ko pang napatingin sa direksiyon namin ang ibang naghahanda sa loob.

Ilang segundo pa, humupa na ang halakhak ni Jerry at saka siya tumango-tango. "Parang ganoon na nga."

Si Mr. Phillips kaya ang sinasabi niya? Pero blue raw ang mata saka walang pangil. Pero baka naman nagre-rainbow minsan ang eyecolor ni Mr. Phillips. From gold to red kasi, malay ko ba kung nagiging blue rin minsan? Boses demonyo rin naman daw kasi e.

"Pero may mga housekeeper sa Grand Cabin, di ba?" tanong ko na naman. Kasi mukhang matagal na si Mrs. Serena sa pagiging mayordoma.

May umupo na sa dulong upuan sa counter at nagtimpla na naman si Jerry ng kape para sa matandang lalaki sa dulo.

"May ipinadadalang housekeeper ang town hall araw-araw para mag-maintain ng Cabin," sagot niya. "Balak mo bang mag-apply?"

Umiling ako. "Hindi, ayoko. Parang nakakatakot kasi. Si Mrs. Serena pa nga lang, parang mangangain na nang buhay."

Napahinto ako sa pagsasalita nang makita kong natigilan sa pagsasalin ng kape si Jerry at pinaniningkitan na ako ng mata.

Matipid akong ngumiti kasi nakakailang ang tingin niya at inalok ko na lang ang baso ko para salinan niya ulit ng kape.

"Nakapasok ka na ba sa Cabin?" bigla niyang tanong sa mas seryoso nang boses. Kanina, tawa siya nang tawa sa akin; ngayon, ang seryoso na niya. Bakit naman kaya?

Tumango naman ako. "Doon po ako nagtatrabaho."

"Housekeeper?"

Umiling ako. "Secretary po ako ng may-ari."

"Ng Prios?"

Tumango ulit ako. "Opo. Pangatlong araw ko na po ngayon . . . sana."

"Nakapasa ka?"

Tumango naman ako at hindi talaga niya inalis ang tingin sa akin kahit iniabot niya ang kape roon sa matandang nasa dulo.

"Kaninong anak ka?"

"Po?"

"Sino'ng mga magulang mo?"

"Sina Fabian at Quirine."

"Quirine? Dalca?"

Tumango ulit ako. "Kilala n'yo po ba ang mama ko?"

"Iyon bang tumutugtog ng biyulin."

"Siya nga po."

Tumango lang si Jerry saka nagpunas ng kamay gamit ang suot niyang pulang apron. Hindi na ulit siya nagsalita pagkatapos ng sagot ko.

Kilala niya yata si Mama. Hindi naman sikat ang mama ko, pero masasabi kong bahagi siya ng kasaysayan ng kabilang town. Ang dalas kasi niyang ipatawag noon para tumugtog. Binabayaran siya para tumugtog, gaya ng naging trabaho ko sa hotel para tumugtog ng piano.

Matapos pagsilbihan ni Jerry ang ibang customer ng Diner, tinawag ko ulit siya para magbayad.

"Salamat sa kape, Jerry," sabi ko at binigyan siya ng pera mula sa allowance ko sa unang mga araw ko sa trabaho.

Bumaba ako sa inuupuan kong bar stool at akmang aalis na nang may sabihin pa siya bago ako tumalikod.

"Dati akong nagtatrabaho sa Cabin para magluto," pag-amin niya.

"Talaga?" tanong ko kahit walang interes sa boses ko dahil malungkot pa rin ako sa nangyari kaninang madaling-araw sa Cabin. "Mukhang retired ka na."

"Nagtatrabaho noon si Quirine para sa anak ng mga Helderiet. Araw-araw siyang nasa Cabin para tumugtog. Umalis lang siya sa trabaho noong nabuntis siya. At . . ." Humugot muna siya nang malalim na hininga bago dinugtungan ang kuwento niya. "Matagal nang patay ang dating nakatira sa mansiyon. Kung sino man ang naroon ngayon, baka sila ang nakabili ng mansiyon noon."

Tinitigan kong mabuti si Jerry. Mabilis siyang bumalik sa trabaho pagkasabi niya n'on.

Nabanggit naman sa akin noon ni Mama ang tungkol sa pagtugtog niya. Kahit sa mga dati niyang trabaho. Alam ko rin namang nagtrabaho siya sa mga Helderiet. Iyon nga lang, hindi naman kompleto ang lahat ng detalye tungkol doon.

At isa pa, wala namang koneksiyon dahil hindi naman Helderiet si Mr. Phillips. Sabi naman niya, binili niya ang Cabin, kaya malamang na walang connect ang pagiging Phillips niya sa mga Helderiet.

Pagkatapos sa Diner, dumeretso agad ako sa Jagermeister para makausap si Eul. Ang kaso, bukas naman ang building, pero ilan lang ang tao roon.

"Guard, pumasok po ba si Eulbert Willis ngayon?" tanong ko pa sa guard na nakabantay sa entrance ng building.

"Sunday ngayon, bukas pa siya papasok."

Napakamot na lang ako ng ulo dahil wala pala si Eul ngayong araw. "Guard, dito po ba nagtatrabaho si Mr. Donovan Phillips?"

Tinawanan naman ako ng guard. "Bakit mo naman naitanong 'yan?"

"Kasi may hiring po rito last Thursday para sa secretary niya."

"Nasa ibang lugar ang opisina ni Mr. Phillips. Hindi mo siya makikita rito sa JGM."

"Sa building po ba ng Prios?"

"Wala rin siya sa Prios. Sabi ko nga, may sarili siyang opisina."

"Sa Grand Cabin po ba?"

Biglang nawala ang ngiti niya sa akin. Biglang nagbago ang tingin niya na para bang may sinabi akong bawal sabihin. "Ano'ng kailangan mo kay Mr. Phillips?"

"Ha? Ah—wala naman po." Mabilis akong umiling. Umatras na lang ako. "Babalik na lang po ako bukas para kay Eul. Salamat po!" Paulit-ulit akong nag-bow bago ako tumakbo paalis.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung saan at kanino ako magtatanong ng tungkol kay Mr. Phillips. Para kasing lahat ng nakakausap ko, kung hindi siya kilala, kilala nga siya pero parang bawal siyang pag-usapan.

Hindi ko masasabing monster siya. Kasi kung monster siya, e di sana kagabi pa ako patay. O kahit noong isang araw pa. Pero hindi. Sinugatan lang niya ako sa may braso tapos ganoon lang. Ni hindi nga niya ginamit sa akin yung punyal niyang mamahalin. Baka vampire talaga siya pero hindi lang niya nire-reveal. Alam kaya nina Mrs. Serena na ganoon siya? Alam din kaya ni Eul? Si Lance kaya?

Inabutan na ako ng tanghali sa labas kaya dumaan ako sa Aguero para makausap si Zephy.

"Nandiyan si Mrs. Fely?" tanong ko sa mga tao sa ibaba ng building.

"O, Cha! Napabalik ka, wala ka nang unit! May nakatira na sa unit mo dati!" sagot sa akin ni Noel.

"Ayos lang, hinahanap ko lang si Zephy."

"Si Zep, maagang umalis. Lumuwas sa kabilang city, dadalawin daw yung lolo niya. Birthday ngayon. Hindi ba nasabi sa 'yo?"

Umiling ako. "Wala siyang nasabi." O baka may nasabi siya kaso naiwan ko sa kuwarto yung phone ko kaya hindi ko alam.

Wala rin pala si Zephy. Wala akong makakausap.

Nananghalian na lang ako sa diner sa kanto ng Aguero. Maliban sa mura ang pagkain nila, hindi na ako maglalakad pa nang malayo.

Malamang na bukas pa makakabalik si Zephy. Isa ring patay-gutom 'yon e. Susulitin n'on ang handaan kaya hindi 'yon agad uuwi.

Alas-dose pasado na. Nalinis kaya nina Mrs. Serena yung third floor? Ang kalat pa naman ng dugo roon pag-alis ko. Sana puntahan nila si Mr. Phillips para gamutin. Ang dami pa naman niyang sugat.

Kahit natatakot ako, naaawa rin ako kay Mr. Phillips. Ang laki ng aso kagabi. Kahit yata ako, hindi ko gustong makasalubong sa daan ang ganoon kalaking aso.

Napatingin ako sa lunch ko. Isang beses lang palang kumakain araw-araw si Mr. Phillips. Ayos lang kaya siya? Dinner lang ang pagkain niya. Tulog siya buong araw. Hindi naman yata siya kumakain tuwing madaling-araw.

Nag-aalala na ako. Ganitong oras kasi, umaalis na sina Mrs. Serena. Ayaw pa namang paabala ni Mr. Phillips sa third floor. Wala ring umaakyat na maid sa taas, kahit si Mrs. Serena. Sino'ng mag-aasikaso sa kanya, ang dami niyang sugat?

Nakokonsiyensiya tuloy ako. Ang aga ko pa namang umalis sa Cabin.

Siguro, kaya walang nakatagal kay Mr. Phillips na secretary, maliban sa pambabato niya ng patalim, baka kasi inisip nilang monster siya.

Normal lang bang maawa sa monster?

Mabait naman kasi si Mr. Phillips. Tinatanong niya ako kung kumain na ba ako, tapos medyo concern din siya nang very light sa akin kung minsan. Tapos ang laki pa ng sahod ko. At saka nasa mansiyon din yung mga gamit ko.

Pagkatapos kong kumain, nilakad ko na ang pabalik sa Cabin.

Maliwanag pa naman, at hindi naman gloomy sa daan ng Helderiet. Kahit may kalayuan, sanay naman akong dumadaan sa palibot ng bakod ng Helderiet Woods para tumanaw mula sa labas.

Malaking bagay sa parents ko ang Grand Cabin. Hindi ko rin masasabing malaking bagay sa akin, pero may painting si Papa na naroon. Mukhang inaalagaan nila yung painting at nagpapasalamat naman ako.

Pagkalampas ko sa aspaltong kalsada, karugtong na n'on ang madamong daan na ang ganda ng pagkakaberde sa hapon.

Ang ganda ng Grand Cabin mula sa malayo, kahit sino namang makakakita, aamining totoo ang sinabi ko. Hindi lang ako makapaniwalang may mga nangyayarin sa loob ng Cabin na hindi ko alam kung paano hahanapan ng sagot.

Pagpasok ko, malinis pa rin ang buong ground floor. Kung paano ko nakita noong unang tapak ko rito, ganoon pa rin. Alas-dos y medya na ako nakabalik. Hapon na rin.

Sabi nga ni Jerry, araw-araw mine-maintain ng town hall. Iyon lang, akala ko, private ang housekeepers. Government service kasi ang mga nanggagaling sa town hall since mula sila sa historical commission.

Kumuha na lang ako ng mop sa storage room at baldeng may tubig sa banyo para iakyat sa third floor.

Hindi ako nagkamali, walang naglinis ng dugo sa hallway pagbukas ko sa pinto ng kuwarto ko para sa liwanag.

Binuksan ko rin ang black door na hindi naka-lock. Natuyo na ang dugo roon. Parang yung unang nakita ko noong unang tapak ko sa third floor na tuyong pulang bagay. Dugo pala talaga iyon.

Sinulyapan ko ang kuwarto ni Mr. Phillips na nakasara. Alam ko namang tulog siya at mamaya pang alas-siyete ang bangon niya.

Nilinis ko na lang agad yung wooden floorings mula sa hallway pati sa loob ng blangkong kuwarto. Sinilip ko ang bintana at naroon na naman yung bakas ng dugo. Pagtingin ko sa ibaba, may bakas din ng dugo roon.

Naalala ko yung piraso ng karneng pinapapak ng mga fox. Ibig sabihin, sa aso galing 'yon?

Paano kaya sila nakaabot sa third floor?

Pinagpatuloy ko na lang ang paglilinis habang mahinang kumakanta.

Sobrang tahimik talaga sa Cabin, nakakabaliw ang katahimikan. Para talagang hindi ako bagay sa ganitong lugar.

"You used to captivate me . . . by your resonating light."

Nakatatlong balik na ako sa banyo para magpalit ng tubig panlinis sa duguang sahig.

"Now I'm bound by the life you left behind."

Bigla kong naalala yung nangyari kaninang madaling-araw.

"Your face it haunts . . . my once pleasant dreams."

"Can you sing for me?"

"Your voice it chased away all the sanity . . ." Napahinto ako sa pagma-mop. ". . . in me."

Natulala ako sa patuyo nang sahig. Bigla akong nangilabot habang ayaw mawala ng mukha ni Mr. Phillips sa imagination ko.

Yung takot ko, napalitan ng awa habang iniisip ko na siya yung duguan kagabi pero natakot pa ako sa kanya.

Bigla akong pinangiliran ng luha habang iniisip ko na sobrang tahimik sa Cabin.

Sobrang tahimik sa Cabin at walang ibang tao rito kundi siya lang.

Mabilis akong nagpahid ng luha kasi siya lang ang mag-isa rito, walang ibang nag-aasikaso sa kanya, na kahit sina Mrs. Serena, hindi siya nakikita kasi hindi naman siya lumalabas ng kuwarto niya.

Natatakot ako sa kanya, pero naaawa ako sa kanya. Nakatira siya sa gitna ng kawalan, wala man lang umaakyat sa kanya para itanong kung kumain na ba siya, kung ayos lang ba siya, kung kumusta na ba siya.

Alam ko namang sinabi niyang huwag siyang aabalahin kapag tulog niya, pero paano kapag gising na siya? Paano tuwing gabi? Sino'ng nag-aasikaso sa kanya? Bago ako, sino?

Pagkatapos kong maglinis sa kuwarto at sa hallway, bumaba na ako sa kusina. Inabot na ako alas-singko sa paglalampaso ng natuyong dugo sa kuwarto at sa pasilyo.

Kumuha ako ng isang carton ng Red Water at binuksan iyon. Inamoy ko kung ano ba ang laman at napapikit ako nang mariin dahil ang lansa ng naamoy ko.

Ayokong isiping dugo, paulit-ulit kong sinasabi sa utak ko na hindi iyon dugo. Pero nang tikman ko, dugo nga iyon.

Nanginginig ang kamay kong isinauli ang carton sa ref kahit nakabukas na.

Dugo ba iyon ng tao? Kung oo, ibig sabihin hindi siya pumapatay ng tao. Kaya ba tinanong niya ako kung nakapag-donate na ako ng dugo noon?

Ano ba talaga siya? Halimaw ba siya? Bampira ba siya? Tao ba siya o hindi?

Hindi ko alam kung bakit iyak lang ako nang iyak dahil sa takot pero mas iniisip ko pa kung sino ang maghahanda ng pagkain niya kapag umalis ako nang walang paalam.

Kaya kahit mugtong-mugto na ang mata ko, pinagluto ko pa rin siya ng steak gaya ng niluto ko sa unang dalawang araw ko. Pinaghanda ko pa rin siya ng hapunan kahit hindi ko alam kung ano na ang gagawin ko kapag nakita ko ulit siya.

Pakiramdam ko naman, umalis man ako o hindi sa Cabin, wala na rin namang patutunguhan ang buhay ko. Pag-alis ko, wala na naman akong pera. Wala na naman akong trabaho. Higit sa lahat, wala na akong bahay.

Natuyuan na ako ng luha habang balisang inaayos ang lahat ng hapunan ni Mr. Phillips sa mahabang mesa. Tumunog na ang orasan sa living room, alas-siyete na.

Hindi na ako nakapagmadali dahil pagod na pagod na ang sistema ko para bilisan pa ang kilos. Inaayos ko pa lang ang table napkin sa mesa nang marinig ko na naman ang nakakatakot na boses na iyon.

"Chancey."

Nanginginig lang ang labi ko nang tumungo. Ayoko nang umiyak. Kanina pa ako umiiyak.

Gumilid lang ako sa mesa at pinanood siyang lumapit sa akin mula sa dulo ng mata ko.

"You had your dinner?"

Tumungo lang ako at malungkot akong umiling para sabihing hindi pa.

"Are you okay?"

Umiling ulit ako para sabihing hindi rin. Ang bigat-bigat ng pakiramdam ko. Hindi ko na nga alam kung saan pa ako lulugar ngayon.

Nag-urong siya ng upuan niya at saka umupo roon.

"Doon na po ako sa kusina, Mr. Phillips." Tumalikod na ako para umalis.

"Cook your dinner. I'll wait here."

Hindi ko naman sinasadya pero kusang kumilos ang katawan ko para lingunin siya.

Nagbalik na sa pagiging ginto ang mga mata niya. Hindi na gaya kaninang madaling-araw na kulay pula.

"Po?" mahinang tanong ko.

"Magluto ka ng pagkain mo. Sabayan mo 'kong kumain."

"Pero sabi ni Mrs. Serena, bawal—"

"Please."

"Mamaya pa po ako kakain."

"I'll wait."

"Pero, Mr. Phillips . . ."

"I'll wait for you. Please."


-----

Continue Reading

You'll Also Like

1.3M 26.6K 47
[ Stanford Series #1] [FIN] She tends to forget a lot of things. She often forgets locking her unit. She forgets doing her grocery. She forgets her f...
3.2M 73.4K 49
Nagmahal. Nasaktan. Lumayo. Iyan ang ginawa ni Amy Solomon para makalayo lang sa pag-ibig na nanakit sa kanya. Okay na siya kung masaktan man at t...
19.3K 421 29
Puppy love turns into True love? Is that really possible? Or is this just a childish kind of love? ©WHISTLEPEN2017 /REVISION/
106M 2.1M 50
Marriage is normally one's happily ever after in the movies, but for Aemie Ferrer-Roswell, it's just the start of a seemingly unending adventure. Can...