Mga Abo sa Alexandria

By EuropaJones

570 138 20

Ang dami kong... ...pinaglaban sa mundo, pamilya, kaibigan, at sarili ko. ...luhang nilabas sa pahina nit... More

Foreword
PART ONE
Chapter 1 - Ang Lolo kong Kamukha ni FPJ
Chapter 2 - Paano sila kikinang kung walang dilim?
Chapter 2.2 - Paano sila kikinang kung walang dilim?
Chapter 3 - Ayaw kalimutan ni Lola Nita
Chapter 3.2 - Ayaw kalimutan ni Lola Nita
Chapter 4 - Ang bulsa ni Leonardo
Chapter 5 - Takot sila sa dilim
Chapter 5.2 - Takot sila sa dilim
Chapter 6 - Sipa. Sipa. Sipa.
Chapter 7 - Mga halimaw sa loob ng banga
Chapter 7.3 - Mga halimaw sa loob ng banga
Chapter 8 - Ang huling halik
Chapter 8.2 - Ang huling halik
Chapter 9 - Direksyon ng compass
Chapter 10 - Kagat sa puso
Chapter 10.2 - Kagat sa puso
PART TWO

Chapter 7.2 - Mga halimaw sa loob ng banga

11 6 0
By EuropaJones

SA BAHAY, mayroon kaming malaking banga noon. Sabi ni Mama, galing daw 'yon sa Palawan. Bigay sa kanila ng isang kliyente na doon lumaki at pinanganak pero nakatira na ngayon sa Maynila. Kasing kulay nito ang putik. Malaki ang bunganga nito, at may takip. Sa takip nito, mayroong dalawang tao na nakasakay sa bangka. Ang tao na nasa likod, nagsasagwan. Ang tao sa harap, payapa na naka-upo at krus ang mga kamay sa dibdib. Nakalagay ang banga sa sala, katabi ng bookshelves—sampung hakbang ko mula sa TV.

Sabi ni Kuya AC, ang banga daw sa bahay ay replika ng isang banga na natagpuan sa kweba ng Palawan. Pero mas malaki ang banga na nasa bahay—kasing laki ko. Totoong nilalagay ng mga ninuno ang kalansay ng yumao sa loob ng banga bago pa daw ipanganak si Papa Jesus. Ganoon na daw katanda ang banga na nakita sa kweba.

Imposibleng hindi ko makita ang banga. Sa tuwing manonood ako ng TV sa sala, mapapatingin ako dito. Isang araw, ako lang ang mag-isa sa sala noong umaga, may narinig akong kaluskos sa loob ng banga. Mga kalmot. Mga katok.

Takbo ako kay Lola Nita. Sabi ko sa kaniya, may kalansay sa loob ng banga at gustong lumabas. Pinunasan niya ang mga kamay na amoy sabon panlaba. Sumunod ako sa likod niya at sabay namin tinignan ang banga.

Walang kalansay sa loob, sabi ni Lola Nita, ayan ang resulta kakanood mo ng horror sa TV. Wag daw ako makulit at gabundok pa ang lalabhan niya nang pakamay. 'Pag hindi ako tumigil, hahampasin niya 'ko nang palo-palo sa puwit.

Aba, ayaw maniwala sa akin. Pag-alis niya, may narinig na naman akong kalmot at katok sa banga.

Saan ba ako matatakot? Sa banga o sa palo-palo ni Lola Nita? Delikadong mundo...

Pag-uwi ko ng bahay galing school, nakita ko si Kuya Deng at Ate Yna sa sala, nanonood ng TV. Tinawag ko sila at sinabing totoo na may kalansay sa banga at gustong lumabas.

Lumapit kaming tatlo at hinawakan ni Kuya Deng ang takip, saka niya binuksan. Nilapag niya ang takip sa sahig, at dumungaw silang dalawa sa banga.

Naglakihan ng mga mata nila pareho.

Totoo daw! May kalansay sa loob!

Patingin, sabi ko, patingin!

Binuhat ako ni Kuya Deng. Dudungaw sana ako pero umangat ako at dahan-dahang binaba ni kuya sa loob ng banga. Ang lawak ng ngiti nila pareho ng ate. Hawak ni Ate Yna ang takip at dumilim sa loob nang tuluyan niyang ilapat ang takip.

Ah!

Sinuntok-suntok ko ang takip pero ayaw matanggal. Kumatok ako nang kumatok, at halos mangilo ako nang kalmutin ko ang banga.

Ayoko dito sa loob, sigaw ko, palabasin niyo 'ko.

Amoy bulok. Langhap ko ang alikabok. Sa sobrang dilim, hindi ko makita ang sarili kong braso, kamay, daliri, tuhod, paa, hita, at tiyan.

Maya-maya, kumawala ang liwanag matapos bumukas ng takip. Pinalis ko ang mga luha sa mga mata para makakita ako nang maayos. Si Lola Nita ang nagbukas. Kunut-noo dumungaw siya sa loob ng banga.

Lola Nita, iyak ko, palabasin mo 'ko.

Sa tabi ni lola, may dumungaw na batang babae. Maputi, mataba ang mga pisngi, dilat pero tsinita ang mga mata, may balat sa noo... Umuwang ang bibig ko kasi ako ang batang dumungaw.

Walang kalansay sa loob, sabi ni Lola Nita, ayan ang resulta kakanood mo ng horror sa TV. Wag mo 'kong kulitin at gabundok ang labahin ko. Isa pang kulit mo, hahatawin kita ng palo-palo sa puwit.

Sinakop na naman ng dilim ang loob ng banga matapos ilapat ni Lola Nita ang takip.

Dama ko ang sariling yumanig. Tumingin ako sa bawat sulok ng dilim at sana hindi ko naisip na may kasama ako dito sa loob. Ayoko lumingon. Ayoko tumingin pero may kasama ako at nasa likod sila—palapit nang palapit, tahimik ang mga galaw. Anong gagawin nila? Hahawakan ba nila ako? Hahatawin? Kukurutin? Kakalmutin? Hahaplusin? Pero wala pa silang ginawa. At habang humihinga ako, naroon ang posibilidad na bigla silang gumalaw saka ako saktan. Ayoko lumingon. Ayoko tumingin.

Pero lumingon ako.

Isang batang babae at isang batang lalaki—mga kasing edad ko. Bumubula ang mukha nila kung paano kumulo ang tomato sauce ng spaghetti sa kawali. Pulang likido, tumutulo mula sa kanilang mga pisngi.

Saka lang kumalat ang liwanag nang bumukas ang takip at dumungaw si Kuya AC.

Lulu, tawag niya sa akin, bakit ka nandiyan sa loob?

Binuhat ako ni Kuya AC at umiyak ako ng sooobrang lakas—rinig hanggang sa dulo ng mundo. Ang higpit ng yakap ko kay kuya, halos masakal ko daw siya.

Ayaw ko daw tumahan. Buong gabi akong umiyak hanggang madaling-araw. Yumanig ang katawan ko sa takot, nanlamig ang mga paa at daliri. Wala akong maalala, pero ang sabi, dinala daw ako sa ospital. Nang malaman ni Mama at Papa na kinulong ako ng kuya at ate sa banga, umiyak din daw sila matapos silang paluin ni Papa ng hanger at tsinelas.

Hindi kami pwedeng magsama ng banga sa isang kwarto. Kaya tinago nina Mama ang banga. Ewan kung saan nila 'to nilagay. Ang narinig ko, nandoon daw sa second floor na walang hagdan, o nandoon sa garahe, o pinamigay na sa iba. Ewan ko. Basta malayo na 'to sa akin.

Kaya ganoon na lang pagkagulat ko ngayong Lunes ng umaga. Naroon ulit ang banga sa tabi ng bookshelf—sampung hakbang ko mula sa TV. Noon, mas matangkad pa 'to kaysa sa akin. Ngayon, kasing tangkad ko na siya.

Umaga ngayon pero madilim sa labas at maingay ang patak ng ulan sa bubong. Kahapon pa makulimlim, at saka lang bumagsak ang ulan ngayong umaga.

Tatlo kami sa bahay. Ako, Lola Nita, at si Mama. Hapon na umuwi si Mama galing sa ospital kahapon. Simula noon, hindi siya lumabas ng kwarto. Doon siya kumain ng hapunan at almusal. Pinupuntahan ko siya pero lagi siyang tulog o tulala. Tinatawag ko pero ayaw akong pansinin. Wag mong kulitin ang mama mo, bilin ni lola, hayaan mo siyang magpahinga.

Bago magtanghali kahapon, dumating si Lola Nita para samahan kami. Siya ang nagluto ng tanghalian. Narinig ko silang nag-uusap ni Kuya AC sa kusina.

"Hindi alam ng Mama mo", bulong ni lola kay kuya, "tapos masyadong napagod sa trabaho, nalilimutan kumain kaya nauwi sa ganto."

"Wala akong napansin na umbok sa tiyan," sabi ni kuya.

"Tumawag kanina ang papa mo bago ako umalis ng Taytay", sabi ni lola, "ang sabi ng doktor, dalawa at kalahating buwan na daw ang lumipas."

Napakamot ako sa ulo. Ano daw? Wala akong maintindihan sa sinasabi nila.

Lumutang sa itaas ko si Leonardo at titig na titig siya kay Lola Nita at Kuya AC. Saka siya bumaling sa akin. Sabi niya, iniisip daw ni Lola Nita na walang may gusto sa nangyari. Kung nabuhay sana ang kapatid ko... Kung lalaki daw siya, Aljon Christopher ang magiging pangalan niya. Kung babae naman, tatawagin siyang Angela Cyril.

So, hindi pala dapat ako ang bunso? Isa dapat akong ate. Wow! Feeling ko hindi siya boy. Kamukha ko din kaya si Angela? Ngumuso ako kasi gusto ko siya makita.

"Feeling mo o gusto mo na babae ang kapatid mo?" tanong sa akin ni Leonardo, "Wala din namang saysay kung anong pangalan ang kukunin niya sa dalawa. Hindi nabuhay ang kapatid mo."

Hindi nabuhay? Anong ibig sabihin ni Leonardo?

Saglit siyang hindi nagsalita. Tapos, "Mahina ang kapit niya sa Mama ko kaya nahulog siya."

Mahina ang kapit ni Angela?

"Kaya siya namatay."

Nasaan na si Angela ngayon?

"Wala na nga siya, Lulu. At walang makapagsabi kung siya ba ay Angela o Aljon."

Saan siya nahulog? Saan namin siya dadamputin? Kung mag-isa lang siya ngayon, baka magutom siya. Kailangan ni Angela ng kasama. Baka magtampo siya kasi hindi siya maalagaan ni Mama at Papa. Baka magtampo din siya sa amin nina kuya at ate. Hinayaan lang namin siya mawala at wala siyang kasama ngayon.

Si Angela ang iniisip ko habang nanonood ng TV ngayong umaga. Nag-commercial ang pinapanood kong anime. Pagkatapos ng shampoo commercial, biglang pinakita ang news flash.

Wala daw bagyo. Pero hinahatak ng LPA ang habagat paakyat sa Tuguegarao kaya maulan sa Maynila at karatig probinsiya tulag ng Bulacan, Cavite, Laguna, Pampanga, at Rizal. Asahan pa daw ang pagbagsak ng malakas na ulan. Kaya nag-anunsiyo ang mga awtoridad sa Maynila at karatig probinsiya na kanselado ang pasok mula pre-school hanggang high school. Natapos ang news flash, sinasabing mag-ingat ang lahat sa Luzon.

"Walang pasok!" sabi ni Leonardo, "Mamaya lang, nandito na sa bahay ang mga kapatid mo kung hindi malala ang baha sa subdivision at makakadaan ang school service nila."

Dumaan si Lola Nita sa sala at tumanaw sa bintana. "Naku! Andiyan na ang baha. Umaakyat na sa garahe!" Saka siya lumabas ng bahay, nagkukumahog. Bumalik na ang episode ng Doraemon. May binunot na bagong gadyet ang alien na pusa at ibibigay na sana kay Nobita kung hindi lang...

May narinig akong pamilyar na kaluskos. Mga katok. Mga kalmot. Isang taon na ang lumipas, pero alam pa din ng mga mata ko kung paano hanapin ang banga.

Lumutang si Leonardo para umikot sa harap ko. Titig na titig siya akin na parang nagbabasa siya ng libro. Noon, mag-isa ako sa sala nang marinig ko ang kaluskos. Ngayon, hindi ako nag-iisa. Nandito si Leonardo.

Sumabay ang kaluskos sa ingay ng Doraemon. Makulimlim sa sala at ang tanging ilaw ay nagmumula sa screen ng TV.

"Alisin mo ang takip ng banga, Lulu."

Napatingin ako sa kaniya. "Ayoko. Gustong lumabas ng mga halimaw."

Isang titig lang, alam kong alam niya ang nangyari matapos akong ikulong ni Kuya Deng at Ate Yna sa loob. Tapos sasabihin niya sa akin na alisin ko ang takip ng banga?

"Limot mo na ba ang itsura ng dalawang bata sa loob ng banga? Hindi mo ba kilala kung sino sila? Oo, parang nabubulok ang mukha nila at puno ng dugo. Pero kilala ko kung sino sila. Nakikita mo sila araw-araw."

Kilala ko ang dalawang batang halimaw?

"Ang dalawang halimaw na nakita mo sa loob ng banga, sila ang mga bully mong kaklase sa school—si Tanya at Harmon."

Umuwang ang bibig ko.

"Malikot ang utak mo," paliwanag ni Leonardo, "Kaya hindi ako nagulat na kaya mong gumawa ng mga halimaw sa loob ng banga."

Sinungaling! Kung anu-ano na lang ang sinasabi ni Leonardo.

"Ayaw mo maniwala? Buksan mo ang banga para makita mo na tama ako. Ang dalawang halimaw sa loob ng banga, walang iba kundi si Tanya at Harmon."

Paanong nangyari na kaklase ko ang nasa loob ng banga?

"Bukod sa apo ka ni Tanda, malikot ang imahinasyon mo—sa sobrang likot, hindi mo sila kayang kontrolin. Ikaw ang kinokontrol nila. Madalas 'to mangyari 'pag hindi mo inaalagaan ang utak mo nang maayos—ikaw ang tinatangay at hindi ikaw ang nagdidikta, tulad ng nangyari kay Solla sa teatro. Nawalan ka ng kontrol sa sarili mo."

Ako nga ba ang gumawa sa kanila? Paano nangyari 'yon? Ako ang kinulong ni Kuya Deng at Ate Yna sa loob. Ako ang natakot. Ako ang gustong saktan ng mga halimaw. Ang mga kapatid ko ang dapat sisihin. Bakit ako?

"Oo. Kasalanan ni Kuya Deng at Ate Yna na nakulong ka sa banga. Mali ang ginagawa sa 'yo ni Tanya at Harmon sa klase. Hindi ka nirerespeto ni Calvin. May kani-kaniya silang kasalanan sa 'yo. Pero sa nakikita ko, sinaktan mo din ang sarili mo. Kaya buksan mo ang banga at harapin ang mga halimaw na ginawa mo."

Tinignan ko ang sinseridad sa mga mata niya.

"Kasi alam mo ba? Kapag hindi mo 'to pinansin, hahabulin ka ng banga hanggang sa umabot ka sa edad ni Lola Nita. Tapusin mo na 'to ngayon hangga't hindi pa malala. Alisin mo ang takip ng banga."

Paano? Natatakot ako.

"Ikaw na din ang nagsabi, di ba? Kasama mo ako ngayon. Nandito ako."

Tumango ako sa kaniya. Huminga ako nang malalim, at humakbang ng isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito, walo, siyam at sampung beses.

Gumalaw ang banga matapos ang isang malakas na katok sa loob.

Pikit-mata, hinawakan ko ang malamig na takip, saka ko 'to inalis at nilapag sa sahig. May narinig ako na malakas na ungol mula sa loob. Humakbang ako palayo nang palayo nang palayo.

May apat na kamay, kumapit sa tuktok ng banga. Lumitaw ang dalawang ulo—isang maiksi at mahabang buhok, hanggang sa tuluyang lumitaw ang mga mukha nila.

Paanong hindi ko nakita noon? Namamalat at nabubulok ang katawan nilang dalawa. Tumutulo ang dugo mula sa kanilang mga mata. Marumi at masangsang ang amoy. Pero hindi matatanggi na sila ang mga kaklase ko. Ang pangit nila—kasing pangit ng nararamdaman ko 'pag nakikita ko sila araw-araw sa klasrum.

Umangat sila nang umangat hanggang sa tuluyan silang lumaya at tumayo sa marmol na sahig. Dahan-dahan silang lumingon sa banga. Gumalaw-galaw ito hanggang sa natumba sa sahig. Mula sa dilim, lumitaw ang isang maliit na sanggol. Inilawan siya ng TV screen. Gumapang siya palabas ng bangga hanggang sa kinaya niyang tumayo. Humarap siya sa akin, tabingi ang ulo. Nakatingin sa kaliwa at kanan ang dalawa niyang mga mata hanggang sa gumalaw ito at tumingin siya sa akin.

Nasapo ko ang bibig sa takot. Ang liit ng sanggol. Mas malaki ako kaysa sa kaniya. Kamukha ko siya.

"S-si Angela," sambit ni Leonardo, "Sa-sabi ko naman sa 'yo, Lulu. Wala ngang may sigurado kung babae o lalaki ang kapatid mo. Wala kang malay na nailagay mo din siya sa loob ng banga."

Natatakot ba si Leonardo?

"H-hindi 'no! B-bakit ako m-matatakot?"

Kapag natakot siya, matatakot din ako. Gusto ko magtago sa likod niya.

"K-kaluluwa lang ako! Kapag nagtago ka s-sa likod ko, m-makikita mo pa din sila."

Humarap ang tatlong halimaw sa aming dalawa ni Leonardo, naiilawan sila ng TV screen.

Anong gagawin ko?

"Ito pa ang masasabi ko," pumipiyok na sabi ni Leonardo, "ginawa mo sila at kaya mo din silang patayin."

Inangat ni Angela ang mga kamay niya, saka bumuka ang mga bibig. "Mama. Mama. Mama."

Mula sa aking likod, lumakad si Mama suot ang batik niyang daster. Tulala si Mama at kalmado ang mukha. Lumagpas siya sa aming dalawa ni Leonardo, tumuwad at kinuha si Angela saka binuhat. Humarap siya sa amin.

"Hinayaan mo 'ko malaglag, Ate Lulu," bintang ni Angela, "Kasalanan mo. Kasalanan mo. Kasalanan mo."

Angela...

"Lulu! Lulu! Asar! Kaya pala ayaw nilang sabihin sa 'yo. Mali ako. Hindi ko dapat sinabi sa 'yo para hindi umabot sa ganito. Makinig ka! Ikaw ang gumawa sa kaniya. Lahat ng sinasabi niya, galing mismo sa 'yo."

Takot ako na mag-isa lang si Angela. Nandoon siya sa hindi abot ni Mama at Papa kaya walang yayakap at bubuhat sa kaniya. Bakit ko nararamdaman na kukunin niya ngayon si Mama palayo sa amin?

Lumawak ang ngiti ng tatlong halimaw, kumintab ang bulok nilang mga ngipin. Umalsa silang tatlo na parang lobong hinihipan hanggang sa kumawala ang makapal at itim na usok. Kumalat silang tatlo sa bawat sulok ng bahay at maya-maya lang, naglaho sila at ang banga. Higit sa lahat, nawawala din si Mama.

"Leonardo, saan sila nagpunta?"

"Ewan ko. Ikaw ang nakakaalam kung nasaan sila."

"Wag mo ngang sabihin 'yan, okay? Ewan ko kung nasaan sila." Tumakbo ako nang matulin papunta sa kwarto ng mga magulang ko. Binuksan ko ang pinto at nadatnan ang magulong kumot at unan. Wala ang Mama ko sa kama. Tinawag ko siya nang tinawag. Pumunta ako sa kubeta kaso wala din siya sa loob. Natagalan pero hinalughog ko ang lahat ng kwarto.

Binuhat ni Mama si Angela, naging makapal na usok sila at naglaho.

Nanlumo ako bigla. Umupo ako sa sahig hanggang sa humiga at...umiyak.

Yumuko si Leonardo at pinanood ako. Huminga siya nang malalim.

Paano kung tama ang sinabi niya? Ako ang gumawa ng mga halimaw sa loob ng banga. Dahil sa akin, kinuha si Mama. Gusto kong may mag-alaga sa kapatid ko. Tuloy, kami naman ang nawalan ng nanay.

Habang nakahilata ako dito sa sahig, umiiyak, bigla ko naalala kung paano maglaro si Kuya Deng ng LEGO Blocks. Sa iba't-ibang kulay, pinagsasama-sama niya ang mga brick para gumawa ng eroplano, bangka, at mga sundalo. Kunyari daw may gera at naglaban-laban ang dalawang kampo. Kapag tapos na siya maglaro, aalisin niya sa pagkakadikit ang mga blocks at itatago na ang laruan.

Umatras ang mga luha ko. Bigla ako napa-upo. Ganoon nga lang ba kasimple ang pagligpit ng kalat? Tumingin ako kay Leonardo at ngumiti siya nang malawak saka tumango.

Tumayo ako at lumakad sa aparador ng mga magulang ko. Mas mataas pa ito kaysa kay Papa. Binuksan ko ang mga pinto ng aparador. Sa mga tiklop na damit, doon naka-upo ang sama ng loob ko kay Harmon. Umungol siya at pinakita sa akin ang mga bulok niyang ngipin.

Aha!

Nilahad ko ang kamay sa kaniya na parang may hinihingi ako. Sumigaw ang halimaw at wala siyang nagawa nang hatakin ko siya papunta sa palad ko, saka ginawang sunflower. Pinalis ko ang mga luha sa pisngi at inamoy ang bulaklak. Ang bango! Lumapit ako sa kama at nilapag ang bulaklak sa unan ni Mama.

Lumabas ako ng kwarto at dumiretso sa kwarto namin ni Ate Yna. Tumayo ako sa kama ko, sabay luhod. Doon sa ilalim ng kama, hinatak ko sa paa ang sama ng loob ko kay Tanya. Gusto pa niyang bumalik at magtago ulit sa ilalim pero hindi ako pumayag.

Ang daming masasakit at pangit na sinabi si Tanya sa akin. Sa totoo lang, mas malala siya kay Harmon. Wala akong kaibigan kasi binulungan silang lahat ni Tanya na lumayo sa akin. Kinimkim ko nang husto ang galit ko sa kaniya, at ganito na siya kapangit ngayon. Kaysa gawin siyang pangit na halimaw, mas gusto ko siyang gawin na...

Gamit ang hintuturo, sinundot ko ang noo ni Tanya at sumabog siya sa libo-libong piraso ng mga bula. Kumalat si Tanya sa buong kwarto namin ni Ate Yna...

"Wow!" reaksiyon ni Leonardo. Sinubukan niyang putukin ang malaking bula sa harap pero tumagos ang daliri niya. Hinipan-hipan pa niya ang iba, pero walang nangyari.

...hanggang sa pumutok ang mga bula isa-isa at naglaho.

Isang halimaw na lang ang natitira, at alam ko kung saan siya makikita.

Bumalik ako sa sala. Tumigil ako sa harap ng bookshelf at nagsimula akong umakyat sa bawat baitang hanggang sa maakyat ko ang second floor. Kahit ang sahig, hindi gawa. Ang gaspang sa paa kasi walang tiles at baku-bako ang texture.

Naroon siya kasama ang mga kahon, luma at sirang upuan, at ang mga alikabok. Wala si Mama sa paligid.

Lumapit ako at umupo sa tabi niya. Puno ng galit ang tingin na pinukol niya sa akin. Sayang. Marunong na ako magbasa ng libro ngayon. Babasahan ko siya kung paano ako basahan ni Mama at Kuya AC sa gabi. Hinawakan ko siya at nadama ko ang pintig ng puso niya—mahina at mabagal. Pumikit si Angela, nanghihina.

"Angela?" tawag ko.

"Hay! Hindi nga sigurado kung babae o lalaki ang kapati—!" Pinukulan ko si Leonardo nang delikadong tingin.

Ngumiti ako kay Angela at hinimas ang ulo niya. "Angela? Sorry kung nag-iisa ka ngayon. Kung nahulog ka man, sana nasalo ka namin. Ewan ko kung paano, pero hahanapin kita balang araw. Pramis." Yumuko ako at hinalikan ang kapatid ko sa ulo.

Sa sandaling dumampi ang labi ko sa balat niya, nalusaw siya at naging hangin. Guni-guni ko lang ba ang ngiti na nakita ko sa labi niya bago siya nawala? Sana nga ngumiti siya. 

Continue Reading

You'll Also Like

172K 12.7K 46
Lavender is in love with Yuan, the perfect guy--kind, sweet, charming, and a musician like her. The problem? He's not real. He only exists in her dre...