DECEMBER 11, 1989
Dear Diary,
Nagising ako sa attic. Ang alam ko diary ay nakatulog ako sa sofa sa sobrang pagod. Paano kaya ako napunta rito? Nagpalinga-linga pa ako tapos nakita ko si Eula sa likod ko. Nakabaliktad siya sa may dingding malapit sa akin. Sigaw tuloy ako nang sigaw. Sino ba kasi ang hindi matatakot sa kanya? Bakit kasi ganyan ang itsura niya?
Tapos nakakatakot din ang ngiti niya sa akin. Hindi ko iyon malilimutan kaya nagtutumakbo ako pababa. Muntikan pa akong mahulog sa hagdan. Buti nalang at nakakapit ako ng mahigpit.
Ayoko na siyang makita ulit. Tinatakot niya ako. Halos araw-araw nalang. Parang lagi nga siyang nakamasid sa akin. Nakikita ko rin siya kapag nagsusuklay ako sa harap ng salamin. Nasa likuran ko siya pero kapag lilingunin ko, wala naman.
Nakikita ko rin siya sa may kalsada, sa labas ng bintana at kahit na saan. Sinusundan niya ako. Pakiramdam ko, hindi na siya ang dati kong kaibigan. Mabait naman si Eula eh tapos ngayon naging salbahe na siya. Pinapaiyak niya ako palagi. Pati siya ayaw na rin sa akin.
Sana maging okay na ang lahat diary.
—Annabelle