Hello, Spookify! May ikukwento ako sa inyo tungkol sa kinakapatid kong si Ricky at ang kanyang wishing coin. "Ha? Wishing coin? Ano ito, Disney fairy tale? Series ng Harry Potter?" Believe me, ganyan din ang naisip ko noong una.
Si Ricky ay inaanak ng Daddy ko sa binyag. Naging magkaklase kami nung elementary pero hindi kami naging close. Pagka-graduate namin ng high school, inuwi niya sa kanila ang girlfriend niyang si Mona dahil nabuntis niya ito. Ganun pa man, pinag-aral pa rin siya sa college ng mga parents niya habang si Mona ay nasa bahay lang. By the time na pareho na kaming working, may tatlong anak na sina Ricky at Mona.
Nang magsara yung branch ng company na pinagtatrabahuhan ni Ricky, ililipat sana siya sa isa pa nilang branch kaso ay ayaw niyang malayo sa pamilya niya kaya nag-resign na lang siya. One time, pumunta sila ng tatay niya sa bahay namin para magpatulong sakin na mag-apply sa pinapasukan kong company. Aayaw sana ako kasi pa-resign na ako nun at ayaw ko na ng anumang responsibility. Pero syempre nakunsensya rin ako kaya tinulungan ko siya. Di siya natanggap nung una pero tinawagan siya ulit for another interview dahil iilan lang yung mga nakapasa sa naunang evaluation. Sa kabutihang palad ay naipasa naman niya at nagsimula nang mag-training. Nagpasya akong hintayin muna siyang ma-regularize bago ako mag-resign para makuha ko yung referral bonus na 10k (hati kami hehe). After a few weeks, nakuha niya yung back pay niya sa previous company at ginamit iyon upang mag-open ng pisonet shop sa garahe nila. Dalawang unit lang iyon pero kahit papaano ay may naipupundar siya at may pinagkakaabalahan si Mona sa bahay nila.
Isang araw, may mga dumating kaming clients at nagmo-monitor sila ng mga calls. Kabado yung ibang mga agents lalo na yung mga baguhan. Di mapalagay si Ricky sa station niya kaya tinatawanan ko siya. Dasal siya ng dasal na wag sanang mamonitor. Malas niya dahil siya ang unang na-audit, at dalawang calls pa. Pero swerte kasi parehong 100 ang score niya sa dalawang client monitoring. Hindi pa dun nagtatapos ang swerte ni Ricky. Every week, may dalawa o tatlo siyang commendations kaya tumaas ang ratings ng team nila na dating kulelat. So syempre proud din ako. Lahat ng audit niya, 100 lagi. Magaganda ang mga stats niya at laging kasama sa mga top performers.
7am to 4pm ang shift ko nun (iba kasi yung position ko) habang si Ricky naman ay 2am to 11am kaya kaunting oras lang kami nagkikita sa floor. Minsan ay nadatnan niya akong nag-aalmusal sa pantry at nilibre niya ako ng coffee. Nagkwentuhan kami ng kaunti at nabanggit ko sa kanya yung tungkol sa performance niya. Bigla siyang natahimik at nag-iwas ng tingin. Akala ko ay may nasabi akong masama kaya ni-replay ko sa isipan ko yung mga sinabi ko. "Uy, anong problema?" tanong ko sa kanya. "Ah wala," sagot niya at saka tumayo. "Hoy!" medyo napalakas yung tawag ko sa kanya dahil bago umalis si Ricky ay umutot pa siya. Akala ko nun ay pinagti-trip-an niya ako pero hindi siya lumingon at dire-diretsong lumabas ng pantry. Mula noon ay napansin kong iniiwasan na ako ni Ricky. Kahit kapag pumupunta kami sa bahay nila kapag may okasyon, hindi niya ako kinikibo. Nung una ay nabubwisit ako dahil hindi ko naman siya inaano pero nang magtagal ay hinayaan ko na lang siya at hindi ko na rin pinansin.
Nang sumunod na buwan ay nakapagpatayo na ng sariling bahay sina Ricky at Mona dun sa nabili nilang lote. Nasa tapat lang iyon ng bahay ng mga magulang ni Ricky at kalsada lang ang pagitan nila. Yung dating maliit na pisonet shop niya, napatayuan na rin ng pwesto sa gilid ng bahay nila. Nung ipa-bless ang bahay nina Ricky, in-invite niya yung mga teammates niya pati yung mga boss namin. Sinasama nila ako nun pero nagdahilan na lang ako na may ibang lakad dahil hindi naman kasi ako in-invite ni Ricky o kahit si Mona. Bandang hapon nun nang magkagulo kina Ricky. Sumabog daw yung tangke ng gas sa bahay ng parents niya at mabilis na natupok ng apoy yung bahay. Dahil medyo lasing na yung mga nag-iinumang kalalakihan sa bagong bahay nina Ricky, kaunti lang yung mga nakatulong para umapula sa sunog. Yung ibang mga kapitbahay kasi, inuna nilang sagipin yung mga gamit sa sarili nilang mga bahay. Makulimlim nang araw na iyon na parang anytime ay bubuhos yung ulan pero habang nasusunog ang bahay ay puro hangin lang kaya lalong lumaki yung apoy. Nang dumating yung mga bumbero, napatay naman yung apoy pero wala nang naisalba sa mga gamit na nasa loob. Kinagabihan, dun pa lang bumuhos ang malakas na ulan.
Nagpa-imbestiga nun ang tatay ni Ricky dahil suspetsa nila ay may foul play na nangyari. Pero di nagtagal ay nag-give up na lang din sila dahil wala naman daw lumalabas na anumang findings. Sinimulan na ang pagpapatayo ulit ng bahay para sa parents ni Ricky pero laging may aberya. Nung una ay nagkabulutong-tubig yung isang karpintero at nahawa yung mga kasama niya kaya ilang linggo silang hindi nakapagtrabaho. Nang makabalik na sila, nagpanay-panay naman ang pag-ulan kaya natigil sila ulit. Naisip nina Ricky na ibahin yung pwesto ng bahay. Inalok nila yung may-ari ng lupa sa may likuran ng nasunog na bahay para sana bilhin nila yung lote pero ayaw ng may-ari. Ilang araw ang lumipas ay naaksidente yung may-ari sakay ng kanyang motor at kinailangan siyang operahan. Bandang huli ay pumayag din yung pamilya ng may-ari na ibenta yung lupa kay Ricky para may pambayad sila sa ospital.
Sa loob lamang ng ilang buwan mula nang makapasok si Ricky sa company namin, kitang-kita yung malaking pagbabago sa estado ng buhay nila. Nakapundar siya ng bahay, negosyo, lupa, mga branded na gamit, at iba pa. Aaminin ko, minsan ay naiinggit ako kasi di hamak na mas matagal na akong nagtatrabaho pero hindi ako nakapagpundar ng tulad sa kanya. Nagtataka rin ako kasi kung sa sweldo lang namin galing ang lahat ng mga iyon, parang imposible yata, considering na hindi pa siya regular nang mga panahong iyon. At this point, hindi pa rin kami nag-uusap at nagpapansinan. Nung 6th month na ni Ricky, nag-decide na akong magpasa ng resignation dahil may ibang job offer nang naghihintay sakin saka sakto kasi yung regularization niya pag nag-render ako ng 30-day notice.
One time, nagkaroon kami ng meeting at salit-salitang pumapasok yung mga teams sa meeting room. May malaking table sa gitna ng room na pinapalibutan ng mga upuan. Nakapwesto ako sa top right ng mesa at nakaharap sa laptop dahil ako yung taga-play ng slideshow. Nung turn na ng team nina Ricky, nahuli siyang pumasok kaya tumayo na lang siya sa tabi ng pinto. Bale nasa bandang likuran ko siya. Bigla akong nakaamoy ng sobrang baho kaya pabiro akong nagtanong kung sino ba yung nakarami ng kinaing nilagang itlog. Nagtinginan sila at pasimpleng tumawa. Yung iba automatic na nagtakip ng ilong nang mapatingin sakin pero agad din nilang inalis dahil wala raw silang naaamoy. Naalala ko bigla yung time na akala ko inututan ako ni Ricky. Same stench. Nang magsimula na kami, medyo nag-fade na yung amoy kaya nag-focus na ako sa ginagawa ko. Then, halfway through the meeting, umalingasaw ulit yung amoy. Pasimple kong tiningnan yung iba pero tahimik lang silang nakikinig sa boss namin. Imposibleng hindi nila naaamoy kasi sobrang baho talaga to the point na nasusuka na ako. Pinaghalong lansa at amoy ng basura, na mas matindi kaysa dun sa unang beses kong naamoy. Nagsimula na akong kilabutan, I'm not sure kung dahil ba sa pagpipigil ko para hindi masuka, dahil sa lamig ng aircon, or dahil sa sinasabi ng isip ko na may iba kaming kasama sa loob.
Kinuha ko yung shawl ko at ini-wrap sa leeg ko hanggang sa part ng ilong. Maya-maya, naramdaman ko na parang gumagalaw yung buhok ko sa bandang likuran ng ulo. Naisip ko na naka-ipit yung buhok ko sa shawl kaya hindi yun tatayo nang mag-isa unless hinihila or nilalaro iyon. Pasimple akong nagkamot sa ulo at nag-adjust ng pagkakaupo. This time, ang pwesto ko ay nakaharap na sa projector screen at nasa left side ko na si Ricky. Ipinatong ko yung kanang siko sa mesa at inalerto yung kamay ko para kapag may naramdaman ulit akong humawak sa buhok ko ay susubukan ko itong hulihin. Pero natapos ang meeting na wala na ulit akong naramdaman at nawala na rin yung amoy. Naka-dim yung mga ilaw sa loob kaya nung matapos na yung presentation, sinindihan na nila yung ilaw at nagulat ako dahil may nasulyapan akong nakasampa sa likod ni Ricky na something black. Kinusot ko yung mga mata ko dahil nag-a-adjust pa sa liwanag at nang tingnan ko ulit siya ay wala na iyon. My mind refused to dismiss the thought na guni-guni ko lang yung nakita ko sa likod ni Ricky or epekto lang iyon nung pagsindi ng ilaw.
The following week, may nag-open na slot for a Subject Matter Expert (SME) position dahil nag-resign yung SME ng isang team. Performance at stats lang ang tinitingnan nila kaya maraming nag-apply kabilang na si Ricky. Nag-undergo sila sa interview at assessment hanggang sa dalawa na lang ang natira, sina Ricky at Ate Shin. Pareho silang top performer kaya gusto sana ng manager namin na kunin na lang silang pareho dahil mahirap pumili kaso isa lang yung available na slot. May mga gossips sa floor na malamang ay si Ate Shin daw ang kukunin dahil tenured na siya compared kay Ricky na baguhan pa lang. The day before i-announce yung napili, nagulat kaming lahat sa balitang namatay na si Jerrick, ang SME ng team ni Ricky. Sabi ng kapatid niya nung makipaglamay kami, Jerrick died in his sleep. So since dalawa na ang SME positions na nabakante, pareho nang kinuha sina Ate Shin at Ricky.
Kinabukasan, inagahan ko yung pagpasok para makausap si Ricky. Hinanap ko siya sa buong floor pero hindi ko siya makita. Sabi ng supervisor niya, naka-break daw. Bumaba ako sa pantry pero wala rin siya doon. Aakyat na sana ako ulit sa taas nang mapatingin ako sa may parking area sa gilid ng building. Pumunta ako doon at sumilip sa smoking area sa may likuran. Dun ko nakita si Ricky na nakaupo sa isang bench at nakayuko. Lumapit ako at tinawag siya pero hindi siya gumalaw kaya akala ko ay nakatulog siya. Sinipa ko yung binti niya pero hindi pa rin siya kumikilos. Dun na ako kinabahan kaya niyugyuog ko siya ng malakas. Bigla siyang nag-angat ng mukha at tumingin sakin. Napaatras ako kasi sumalubong sakin yung parang mainit na hangin at mabahong amoy. Sobrang putla ng mukha niya at nangingitim yung mga labi. "Rick, napaano ka?" tanong ko sa kanya. Parang bigla siyang natauhan at unti-unting bumalik yung kulay sa mukha niya. Nakatingin lang siya sakin at maya-maya pa ay nagsimulang umiyak.
Hinayaan ko lang siya at hinintay na kumalma. Hinila niya yung laylayan ng suot niyang T-shirt at saka pinunasan yung mukha niya. Then, humarap siya sakin at mangiyak-ngiyak na nagsalita. "Marg, last week sinabi sakin ni Mona na buntis siya sa pang-apat namin." Hindi ako kumibo. Hindi ko alam kung anong reaction ang dapat kong gawin kasi good news dapat iyon pero bakit parang nagluluksa siya? Tumango na lang ako at nagsalita ulit siya. "Kanina...kaninang breaktime," pautal-utal niyang sabi. "Chineck ko...chineck ito," aniya at ipinakita yung hawak niyang cellphone. "Si Gabby...Gab...si Gabbyyyy...wala...wala na raw si Gabby," sabi niya habang umiiyak. Si Gabby ang panganay nilang anak ni Mona.
Nag-file ng immediate resignation si Ricky on that same day bago siya umuwi. After mailibing si Gabby, na-ospital naman si Mona at nakunan. Si Ricky, hindi nila alam kung nasaan. Umalis daw siya nung huling gabi ng lamay ni Gabby at hindi na nila ma-contact mula noon. Lahat ng mga kakilala nila at kamag-anak ay tumulong sa paghahanap pero hindi nila ito makita. Nagpost pa sila sa Facebook sa pagbabakasakaling may makakilala kay Ricky (deleted na po ngayon yung post). Dinalaw ko si Mona sa ospital. Iyak siya ng iyak at matagal bago ko napatahan. Dun siya nagsimulang magkwento sakin tungkol sa wishing coin ni Ricky.
Nung first night pagkatapos i-open yung pisonet nila, binuksan daw ni Ricky yung mga coin slot para bilangin yung kita nila. Dun sa isang unit may nakita silang coin na kakaiba. Una, nainis daw si Ricky dahil nautakan sila ng mga batang nagpipisonet. Pero nang tingnan nila ito, nagandahan daw si Ricky dahil parang foreign currency iyon. Medyo luma na pero makikita pa raw yung mga naka-emboss na design. Di lang maalala ni Mona yung exact na design dahil once lang niya itong nakita. So anyway, kinuha raw iyon ni Ricky at sinabing yun ang gagawin niyang pang-krus sa bulsa (parang lucky charm ganon). Una raw iyong nasubok ni Ricky noong makakuha siya ng perfect scores sa client monitoring. Naikwento niya raw kay Mona na sa sobrang kaba niya that time, napahawak siya sa coin na nasa bulsa niya at unconsciously na nag-wish. Akala nila ay coincidence lang iyon pero nang magtuloy-tuloy ang swerte ni Ricky, naisip nilang lucky charm talaga nila ang coin.
Nagsimulang magbago ang pakiramdam ni Mona sa coin na iyon mula nang magpagawa sila ng bagong bahay. Naging sakitin daw yung tatlo nilang anak at lagi siyang nagigising tuwing madaling-araw na parang uhaw na uhaw. Sinubukan niyang sabihin iyon kay Ricky pero binigyan lang siya nito ng pera para maipacheck-up yung mga bata. Nang masunog ang bahay ng mga in-laws ni Mona, dun na raw siya tuluyang natakot dahil parang yun ang naging kapalit ng hiniling nilang bahay. At iyon nga, kada may gustong makuha si Ricky para sa sarili at pamilya niya, laging may hindi magandang consequences iyon sa ibang tao. Di nagtagal, kahit hindi sila humiling ay kusa na raw dumarating ang mga "blessings" sa kanila. Kasabay nito, naging mainitin ang ulo ni Ricky at napapadalas ang pag-aaway nila na ultimo yung itsura ng mga plato nila ay ikinagagalit daw niya. Kahit anong pakiusap na gawin ni Mona kay Ricky na itapon na yung coin, ayaw daw nito. Nang minsang ungkatin niya ulit iyon ay muntik na siyang pagbuhatan ng kamay ni Ricky sa harapan ng mga anak nila.
Kwento pa ni Mona, palagi raw sumasakit ang ulo ng asawa niya. Minsan, nagising siya ng madaling araw at nakitang nakatayo si Ricky sa paanan ng kama nila. Hindi siya sigurado pero parang nakita raw ni Mona na parang may lalaking nakaakbay kay Ricky. Bigla siyang bumangon at nagsindi ng ilaw pero wala na yung lalaki. Sinabi ko kay Mona na posibleng totoo yung nakita niya dahil nakita ko na rin ito, hindi ko lang matukoy kung lalaki nga iyon. Nalaman ko rin na pinagbawalan din ni Ricky si Mona na makipag-usap sa akin. Ako raw kasi ang "tatapos sa swerte" nila. Kaya pala hindi na nagcha-chat sakin si Mona (naging close kasi kami mula nung makapasok sa company namin si Ricky) at hindi rin ako in-invite sa house blessing nila. Sinuggest ko kay Mona na ipa-pray over yung bahay nila paglabas niya sa ospital. Lagi akong dumadalaw noon sa kanila at sinasama sa Sunday School yung dalawang naiwang bata. Naging okay naman ang buhay ng pamilya ni Ricky pagkatapos ng lahat. Patuloy pa rin silang umaasa na balang araw ay babalik pa rin siya.
***
In this world, napakaraming bagay ang nangyayari na mahirap ipaliwanag. Honestly, hindi ko rin alam kung ano bang klaseng power meron yung coin para makapag-grant ng wish, or kung ano bang klaseng nilalang yung nakaakbay sa likod ni Ricky. About dun sa amoy, I consulted someone at napag-alaman ko na 1.) posibleng amoy daw iyon nung entity na nakakapit kay Ricky since ako lang ang nakakaamoy at nakakakita sa kanya, or 2.) posible rin daw na it's just the stench of greed, guilt, death, selfishness, and fear na nabuo sa kaloob-looban ni Ricky na na-e-emit mula sa kanya.
Kagaya po ng nabanggit ko sa previous story, sarado po talaga ang third eye ko or yung sixth sense na tinatawag kaya minsan hindi ko kaagad nadi-discern yung mga nangyayaring kakaiba unless directly na mag-manifest ng presence yung mga entities sa paligid. This time, kahit gusto ko man, hindi ko nagawang tulungan si Ricky kasi hanggang sa ngayon ay hindi pa rin siya nahahanap.
Hindi naman masamang humiling at mangarap ng mga materyal na bagay. Tao tayo at kailangan natin ang mga iyan. But always remember to keep our hearts in check dahil baka mamaya, iba na ang priority natin at nawawalan na pala tayo ng grasp sa tunay na mahalaga sa ating mga buhay.
Marami pong salamat sa matiyagang pagbabasa. Salamat din, Admin Chai, sa pag-post ng story ko. God bless!
Marga Vermilion, 2020