Blanco Carnation [Mus-alonlym...

By cezlldying

7.9K 1.4K 3.1K

Fantasy Series 1 I Blanco Carnation [ ONGOING ] Mula sa taong kasalukuyan, mahigit isang-daang taon na ang n... More

Blanco Carnation
Ikaunang Yugto
Ikalawang Yugto
Ikatatlong Yugto
Ikaapat na Yugto
Ikalimang Yugto
Ikaanim na Yugto
Ikapitong Yugto
Ikawalong Yugto
Ikasiyam na Yugto
Ikasampung Yugto
Ikalabing-Isang Yugto
Ikalabing-Dalawang Yugto
Ikalabing-Tatlong Yugto
Ikalabing-Apat na Yugto
Ikalabing-Limang Yugto
Ikalabing-Pitong Yugto
Ikalabing-Walong Yugto
Ikalabing-Siyam Na Yugto
Ikadalawampung Yugto
Ikadalawampu't Isang Yugto
Ikadalawampu't Dalawang Yugto
Ikadalawampu't Tatlong Yugto
Ikadalawampu't Apat Na Yugto
Ikadalawampu't Limang Yugto
AUTHOR'S NOTE
AUTHOR'S NOTE

Ikalabing-Anim Na Yugto

124 20 8
By cezlldying

Dedikasyong Laan Kay:
Simplicityiscute

Nobyembre 16, 1876

Mahal kong Karnasyon,

Bakit ba lagi na lamang nalalagay sa alanganin ang buhay ng Ibañez na iyon? Kakasagip ko lamang sa kaniya noong nakaraan, ngayon naman ay muli ko na naman siyang niligtas mula sa kamatayan.

May kamalasan yata talagang nakakabit sa lalaking iyon. O baka naman totoo ang haka-haka patungkol sa balat sa puwit? May ganoon kaya siya?

Hindi ko pala ibig na wariin ang bagay na yaon. Baka madungisan lamang ang aking diwa. Buti na lamang pala at pinaunlakan ko ang imbitasyon ni Luningning sa akin kasi kung hindi, papaano na si Samuel ngayon?

Kung hindi ko pa naulinigan mula kina Arturo ang tungkol sa kanilang balak na pagpaslang ay tiyak pinaglalamayan na ang amo nina Luningning. Ngunit ano ang kadahilanan ng kagustuhan nilang pagkitil sa buhay ni Samuel? Ano pati ang kanilang kaugnayan sa kaniya?

Nakakapanghinayang lamang at nakatiplas sina Arturo kasama ang kaniyang anak. May gusto rin akong ibig na maalaman mula sa kanila.

Datapuwat, isa pa sa aking kinababahala ay ang pagtatagpo ng landas namin ni Hector. Hindi ko inaasahan na dadalo rin pala siya doon.

Mukha namang hindi niya ako nakilala noong nagkaharap kaming dalawa subalit ang kototohanan na paliit na nang paliit ang aming mundo ay siyang nakakapagpangamba sa akin.

Ang hiling ko lamang, hangga't hindi ko pa nakukumpirma kung talaga bang si Samuel ang kumitil sa buhay ni Nanang Mildred ay huwag nawa munang makarating sa aking pamilya ang ukol sa aking pagparito.

Ang Iyong Kaibigan,
Maria Luisa

DAHAN-dahan kong naisarado ang diary ni Luisa. Mabigat ang katawan kong naisandal ang aking likuran sa saligang dingding habang nakasalampak ako sa maruming lupa.

Ang malamig na hanging nagmumula sa madaling araw ay siyang nakakapag-paantok sa akin.

Balakin ko mang ituloy ang naudlot kong tulog pero alam kong hindi na ulit ako makakapagpahinga nang maayos dahil sa dami ng gumugulo sa akin.

Ang nangyari kagabi at ang nabasa ko ngayon.

Napalunok ako.

Sa aking pagtingala ay tumambad sa akin ang madilim-dilim pang kalangitan. Ang malasining na pagkinang ng napakagandang buwan ay tanaw ko pa rin mula dito sa ibaba.

May iilang mga ibon ang masasayang nagliliparan sa alapaap na animo'y sumasabay sa indayog ng musika.

Naalimpungatan ako kanina nang masilaw ako sa pangalawang pagliwanag ng kwintas na aking suot-suot. Hindi ko alam kung ito ba ang nag-udyok sa akin para takbuhin ang pinagtaguan ko ng diary ni Luisa.

At tama nga ang aking hinala.

Pagkabukas ko sa kaniyang talaarawan, may panibago nang nakalaysay dito. Wala akong ideya kung paano naragdagan ang sulat sa diary ni Luisa.

Tiyak kong ako lamang ang nakakaalam kung saan nakatabi ang kaniyang talaarawan at halata namang sulat kamay niya ito.

Ang nakakapagtaka lang ay kung papaano nangyari 'to kung gayong wala naman dito si Luisa para dugtungan ang nakasulat.

At isa pa, tandang-tanda ko pa ang huling binasa ko. Sigurado akong wala nang kasunod 'yon.

"Hindi kaya, sa tuwing umiilaw itong kwintas ko ay naghuhudyat lamang na may panibagong nasusulat sa diary ni Luisa?" bulong ko sa hangin.

Napakapit ako nang mahigpit sa notebook na hawak ko.

Sa pangalawang pagkakataon, nailihis ko na naman ang ilang pangyayari sa buhay ni Luisa.

Hindi namatay sina Arturo at Viviana kundi nakatakas lamang sila. Hindi gaya nang naganap kagabi.

Nagkaharap din ang magkapatid na sina Luisa at Hector samantalang hindi iyon ang nangyari sa'kin dahil nakagawa ako ng paraan para iwasan siya.

Kaya wala dapat akong ikatakot. Sa dami ng mga dumalo kahapon, imposibleng mapansin ako ni Hector at tsaka hindi pa naman sigurado kung talaga bang natatandaan niya pa ang itsura ni Luisa. Ilang taon na rin ang lumipas, tumanda na silang magkahiwalay.

Isa lang talaga ang hindi nagbago..

'Yun ay ang pagsagip sa buhay ni Samuel.

Pero sa papaanong paraan niya nailigtas ang buhay ng damuhong 'yon? Kagaya rin ba ng ginawa ko? Nagalit rin ba si Samuel sa kaniya?

At ano ang gustong malaman ni Luisa kina Arturo? Tungkol din ba sa markang nakita ko?

Binaluktot ko ang aking tuhod at niyakap iyon.

Higit sa lahat, may isang bagay na nakakapag-pabahala sa akin at ngayon ko lang ito napagtanto.

Ang sulat kamay ni Luisa ay minsang naging sulat kamay ko noon.

"PINATATAWAG ka ngayon ni Gabrielle, Luisa."

Tumigil ako saglit sa ginagawa kong pagpupunas ng pasimano para lingunin si Manang Rosa.

"Bakit daw po?"

"May ilan lamang siyang itatanong sa iyo. Kakailangan niya ang iyong koopersayon." seryosong sagot sa akin ni Manang.

Napabuntong hininga ako at humarap kay Dino.

"Sige po, ate. Ako na lamang po muna ang magpapatuloy rito. Humayo na po kayo." nakangiti nitong sabi sa akin.

Ginantihan ko 'yon at bahagyang ginulo ang buhok niya.

Pagkalabas ko ay yung isa sa mga guard pala ni Samuel ang naghihintay sa akin. Pinasakay niya agad ako sa kalesa na kaniyang dinala.

Sandali lang naman ang ginugol namin patungo sa balwarte nina Gabrielle. Akala ko nga nung una ay sa mansyon ni Samuel ako ibababa, dito pala.

May malaking gate na naman kaming pinasukan bago kami makarating mismo sa loob ng teritoryo ng mga guwardiya.

Ang katahimikan na bumabalot dito ang nagbibigay ng ghost-town feel sa akin. Pinalilibutan kami ng animo'y mga istrakturang panggera.

Ang maputik na daanan namin ang siyang nakakuha ng atensyon ko. Inakay ako ng bodyguard na aking kasama patungo sa bato-batong apakan.

Mag-a-alas-siete na nang makaalis kami sa bahay pero hanggang ngayon ay madilim pa rin sa dakong 'to. Marahil ay dahil sa natatakpan ng nagsisitaasang mga pader at puno ang araw.

Walang salitang pinagbuksan niya ako ng pintuan. Bumungad sa akin ang makipot at walang kaliwa-liwanag na pasilyo.

Humarap ako sa lalaking katabi ko. Tahimik niyang dinampot ang lamparang nakasabit at inabot sa akin 'yon pagkatapos niya itong sindihan.

Huminga muna ako nang malalim bago ipinasok ang aking paa sa loob.

"Dumiretso ka lamang sa paglalakad, sa iyong kanang bahagi ay may matatagpuan kang pintuan. Iyong pasukan lamang yaon at tunguhin mo ang silid na kinaroroonan ngayon ni El Guarura Gabrielle."

Bago pa ako makasagot ay sinarado niya na ang pintuan. Tuluyan na ngang nilamon ng dilim ang pasilyong 'to.

Magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi ako kinakabahan.

Sa bawat paghakbang ko ay muling bumabalik sa aking ala-ala ang nangyari sa loob ng Fort Santiago.

Ganitong-ganito rin ang nararamdaman ko nang makapasok ako sa piitan. Ang pinagkaiba nga lang ay alam ko ang aking dahilan sa pagpunta rito.

Sa pagliko ko ay aking dahan-dahan na pinihit ang doorknob para makapasok. Mas malawak na koridor ang sumalubong sa'kin.

Tahimik kong sinarado ang pintuan at nagpatuloy ulit sa paghahanap sa silid na kinaroroonan daw ni Gabrielle. Higit na mas maliwanag dito kumpara sa aking dinaanan kanina.

Marami-rami na rin kasi ang nakasabit na ilawan sa pader na wala man lang kapintu-pintura.

Tuluyan na akong napahinto. Nilibot ko ang aking tingin sa paligid.

Nasa dulo na ako ng pasilyo pero wala na akong makitang pintuan. Nasaan si Gabrielle?

Nagkamali pa yata ako ng pinasukan.

Tumalikod na ako para umalis nang may narinig akong pagngitngit ng kung ano. Nagulat ako nang makita ko sa aking likuran si Gabrielle na nakangiti.

Nakatayo ito habang suot-suot ang uniporme niya bilang el guarura.

"Saan ka dumaan?" nagtatakha kong tanong.

Tinuro niya yung sahig. Kunot-noo kong sinundan iyon ng tingin hanggang sa tumama ang aking mata sa mala-pintuang nakabukas dito.

Kaya pala pakiramdam ko ay mas marupok ang bahaging iyon. Hindi ko lang napansin dahil kasing kulay at texture nito ang sahig.

"Tara na," lumuhod siya para palakihan ang siwang nito.

HINDI ako makapaniwala na may ganito palang interrogation room sina Samuel sa ilalim ng building na 'to.

Nilingon ko ang lalaking nakaupo ngayon sa harapan ng puting lamesa habang busy sa pag-aayos ng mga papel na nakapatong dito.

May lampara ring nakalagay sa ibabaw niyon. Ganoon rin ang plumang panulat at panintang panlublob.

Nakakapanibago ang itsura ni Gabrielle sa mga pagkakataong 'to dahil sa suot niyang salamin.

"Ano yung gusto mong itanong sa'kin?"

Nag-angat siya ng tingin. "Maupo ka muna."

Sumunod naman ako.

Dadating kaya si Samuel?

"Huwag kang matakot. Wala si Samuel ngayon. Ako lamang ang iyong makakatalakayan sa mga oras na ito. Hindi rin ako gagamit ng dahas upang pasagutin ka," aniya nang matapos na siya sa pagpapatong-patong.

Kaya pala hindi ko pa siya nakikita simula kaninang pagkagising ko.

"Nasaan siya?"

"Dinala muli siya sa piitan upang doon imbestigahan ukol sa kaniyang pagkakasangkot sa pagkamatay nina Arturo at Viviana."

Nanlaki ang mga mata ko.

"Ano? 'Wag mong sabihin sa'king sinusupetyahan nila ngayon si Samuel?"

Natawa si Gabrielle.

"Huwag kang mag-alala sapagkat pinapunta lang naman siya doon bilang saksi. Malinaw na sa otopsiya ang naging sanhi ng kanilang kamatayan at labas na siya roon."

Pagkatapos ng nangyari sa loob ng Fort Santiago, wala na akong tiwala sa paraan ng mga pulis sa panahong 'to.

"Paano kung baliktarin siya? G-ganon yung napapanood ko sa TV."

"TV? Napapanood? Ano ang salitang iyon?"

Napakurap ako.

Wala pa nga palang ganon sa panahong 'to.

"TV. Isang malaking kwadrado na kung saan makakapanood ka ng iba't-ibang palabas at nobela."

Kumunot lalo ang noo niya.

"Bakit tila wala pa akong natatagpuan na ganoon?"

"Sa 19th century pa ang labas 'non." tamad kong sagot.

"Ha?"

"Wala. Ano na ulit 'yon? Yung kay Señorito Samuel?" pagbabalik ko. "Paano ka nakakasigurado na wala nga silang gagawin sa kaibigan mo?

Bumuntong hininga ito at ngumisi sa akin.

"Ano ka ba? Kalat na ang pangalan ni Samuel bilang isang makapangyarihang negosyante sa bansa. Hindi na nila maaaring ulitin ang nangyari noon sapagkat iba na ang kayang gawin ng kapangyarihan ni Samuel."

Napatango ako.

Kahit papaano ay nakahinga ako nang maluwag.

"Pero..totoo bang pinatay ni Samuel ang mga tauhan ni Arturo? Sinabi niya 'yun sa kaniya kahapon."

Mabagal na tumango si Gabrielle.

"Totoo iyon. Kasama niya ako." nakangiti nitong sagot.

Bigla akong kinilabutan.

Para akong naputulan ng dila sa paraan ng pagkakasabi niya. Tumawa ito.

"Bakit ganiyan ang iyong reaksyon? Pati ba sa akin ay natatakot ka na rin?"

"P-pumatay kayo.."

Unti-unting umikli ang kaniyang ngiti.

"Oo subalit ginawa lang naman namin iyon upang iligtas ang aming mga sarili. Kung hindi namin sila inunahan ay baka isa sa amin ni Samuel ang iniiyakan ni Luningning ngayon."

Kahit papaano ay may punto naman siya.

Self-defense lang ang tawag 'don pero bakit parang sanay na sanay na sila sa ganito?

"Wala ka na bang itatanong? Maaari na na ba nating simulan ang imbestigasyon?"

Tumango ako.

"Ngunit bago tayo magsimula, isang bagay lang ang nais kong ipabatid sa iyo. Sa pagkakataong ito, hindi ako si Gabrielle na inyong kilala kundi ang kaharap mo ngayon ay ang tagapalingkod ni Samuel Ibañez."

May kung anong kabang bumangon sa'kin.

"..Kaya kung ano man ang aking itatanong at ipapahayag ay alang-alang lamang iyon sa aking sinumpuang tungkulin sa kaniya."

"Naiintindihan ko.."

"Umaasa ako sa iyong buong kooperasyon.."

Itinutok niya sa akin ang kaniyang mga mata.

"..Gaya nang aking isinambit, hangga't maaari ay hindi ako gumagamit ng dahas lalo na't isa kang babae datapuwa't kung aking natatanaw na malalagay sa alanganin ang buhay ni Samuel dahil sa iyong pagsisinungaling, isa lamang sa inyo ang dapat kong bitawan at batid kong alam mo kung sino iyon."

Hindi na ako sumagot pero nakuha ko na ang gusto niyang iparating.

Kinuha nito ang panulat.

"Lahat ng iyong ipapahayag ay siya namang aking itatala. Lalagdaan mo ito pagkatapos natin."

Um-oo ako.

Sa pangalawang pagtitig niya, tuluyan na ngang nag-iba ang karakter ni Gabrielle. Tila nabura sa kaniya ang lalaking nakikita ko na laging katawanan at kalandian ni Luningning.

Nagsimula na siya sa mga pagtatanong. Tuloy-tuloy lang ako sa maingat na pagsasagot para wala akong masabi na kahit na ano patungkol kay Luisa.

Nag-uusap man kami ngayon ni Gabrielle pero sobrang tahimik pa rin ng paligid. Yung tipong naririnig ko ang sarili kong paghinga.

"..Anong oras kayo nakarating ni Luningning patungo sa salu-salo?"

"Umalis kami ni Luningning sa bahay ng bandang alas-dos at nakarating kami sa pinagdausan ng mga bandang alas-tres y media."

"Iyong isalaysay naman sa akin ang inyong ginawa nang makarating na kayo doon."

"Hinintay muna namin si Natividad. Yung kaibigan ni Luningning na kasambahay rin sa mansyong 'yon. Pagkatapos 'non ay dumiretso na kami sa kasiyahan. Si Luningning ay pumunta na sa mga kaibigan niya samantalang ako ay nanatili sa iisang p'westo para kumain."

At umiwas kay Hector.

Tumingin sa akin si Gabrielle habang pinaglalaruan sa kaniyang daliri ang hawak nitong pluma.

"Isang oras at kalahati rin ang inyong naging byahe. Bakit nagkasya ka na sa ganoong gawain? Nakakapagtakha lang na iyon lamang ang iyong pinaunlakan."

Kumalabog ng malakas ang puso ko.

Hindi ko p'wedeng sabihin sa kaniya na dahil 'yun sa aking paglayo sa kapatid ni Luisa.

"..Mahilig ka ba talagang kumain?"

Batid kong sinusubakan niya lamang magbiro pero nararamdaman kong nakikipaghulihan lamang ito sa akin.

"Hindi kasi talaga ako sanay sa maraming tao. Pumunta lang ako doon para may makasama si Luningning pero may iilan pa rin naman akong nakausap kung kaya't nasulit ko rin yung pagtungo ko."

Napatango si Gabrielle at muling isinulat ang mga sinabi ko.

Humarap siya sa akin pagkatapos. "Iyon lang ba?"

"Oo.."

Pinagsiklop niya ang kaniyang mga kamay at muling nakipagtitigan sa'kin.

"Kamusta na ngayon ang iyong tiyan?"

Napagitla ako. "Ha?"

"Hindi ba't masakit ang iyong tiyan kahapon?"

Dahan-dahan kong naitago ang kamay ko sa ilalim. "Ah. Oo. Paano mo nalaman 'yon?"

Lucia, calm down. Makipaglaro ka lang nang maayos at hindi ka n'ya matataya.

"Nabanggit sa akin ni Mila na sinubukan mo raw umuwi dahil sa biglaang pagsama ng iyong timpla. Anong oras ba kumirot yung tiyan mo?"

Palakas na nang palakas ang tibok ng puso ko.

"Hindi ko sigurado pero mag-a-ala-sais na siguro 'non dahil nakita kong palubog na ang araw."

"Gaano ba kasakit iyon? Sobra ba para gustuhin mong umuwi?"

Tumikhim ko.

"Malamang. Hindi ko na kaya yung kirot kahapon kaya napilitan na akong hanapin si Topacio," sagot ko sa pinadidiretsong boses.

"Hmm.."

"..Pero, ayos na naman ako ngayon.."

"May nakain ka bang iba kaya sumakit ito?"

Ba't parang medical consultation na 'tong ginagawa namin?

"Wala naman. Bago kami umalis ay hindi na talaga maganda ang timpla ng tiyan ko. Tsaka kabag lang naman ang nangyari."

Pakiramdam ko ay humahaba na ang ilong ko dahil sa sunud-sunod kong pagsisinungaling.

"Kabag.." bulong nito habang nagsusulat. "..Hindi ka man lang ba uminom ng kahit na anong gamot?"

Umiling ako. "Winalang bahala ko lang ang nararamdaman ko. Akala ko, hindi lalala yung sakit.."

"..Gaano kalaki ang iyong tiwala sa kaalaman ni Ignacio bilang isang doktor?"

Ano't bigla niyang itinanong 'to?

"..Hindi mo ba kayang sagutin ang katunangan kong ito?" pailalim niya akong sinilip.

Tumikhim ulit ako.

"Magaling at matalino si Ignacio. Isang maasahang doktor. Alam kong bihira lamang siyang magkamali."

Huminga nang malalim si Gabrielle at dinampot ang ilang papel sa gilid nito. Binuklat niya 'yon isa-isa at pinaharap sa akin.

"Ang sabi diyan, kapag tinamaan ka ng kabag - ilan sa mga paunang sintomas bukod sa pananakit ng tiyan ay ang pagsusuka, kawalan ng ganang kumain, madalas na pag-utot at pag-dighay. Ngunit.."

Napaayos ako ng pagkakaupo..

"..Hindi ka nagsuka kahapon. Sagana ka rin sa pagkain dahil gaya nga ng iyong sinabi ay halos iyon lamang ang iyong ginawa. Ikaw na lamang ang nakakabatid kung ikaw ba ay umutot o dumighay.."

Naisarado ko ang aking kamay. Unti-unti na ring namumuo ang pawis sa noo ko.

"..At isa pa, tila wala ka namang dinaranas na sakit kagabi nang magkita-kita tayo sa kagubatan. Bakas man ang takot sa iyong mukha ngunit malakas pa rin ang iyong pagkakatindig."

"Oonga pero p'wede namang mawala yung sakit kapag--"

Tumawa si Gabrielle.

"Imposibleng mangyari iyon, Luisa hangga't hindi mo nabibigyan ang iyong sarili ng paunang lunas.."

"Paano mo naman nasabing imposible 'yon?"

"Hindi ba't ang iyong sinabi ay isang magaling at matalinong doktor si Ignacio? Isang maasahang manggagamot? Alam mo kamo na bihira lamang siyang magkamali."

Nagkadikit ang kilay ko sa tinuran nito.

Kibit-balikat na tinuro niya ang papel. Napatingin ako doon.

"Ang lahat ng aking sinabing sintomas ay sa kaniya mismo nanggaling."

Nayukot ko ang sariling saya dahil sa matinding kaba. Kailangan kong kumalma.

"..Maliban na lamang kung ininuman mo ng gamot. Magiging posible ang iyong sinasabi. Ngunit gaya nga ng iyong ipinahayag kanina, hindi mo iyon ininuman ng kahit na ano."

Nangalumbaba siya sa magkayapos niyang mga kamay.

"Pasado ala-sais nang makarating si Samuel sa salu-salo. Hindi pagsakit ng tiyan ang naging dahilan mo sa paglisan."

Nahigit ko ang aking hininga.

"Sabihin mo sa akin ang totoo. Bakit ka lumisan nang dumating si Samuel?"

"Hindi ko iniiwasan si Señorito Samuel."

Tumaas ang kilay nito at lumawak ang ngiti.

"Wala naman akong sinasabing iniwasan mo siya. Paano mo iyan naisip?"

Pinilit kong tumawa.

"Hindi ba't iyon ang gusto mong iparating?"

"Edi hindi mo nga iniiwasan si Samuel?"

"Hindi." pirmi kong sagot.

"Umalis ka kasi sumasakit ang iyong tiyan."

"Oo--"

"Masisira kung ganoon ang kredibilidad ni Ignacio bilang isang doktor.

"Masisira agad? Hindi ba p'wedeng nagkamali lamang siya pagdating sa nangyari sa'kin?"

"Ang nasa harapan mo ngayon ay sariling lathala mismo ni Ignacio na pinag-aralan niya ng ilang buwan. Ipapadala niya ito sa bansang Europa upang doon masuri ang ilan sa mga mas mabibisa pang gamot."

Nakita kong itinulak niya ang panulat palapit sa akin.

"Pirmahan mo iyan. Katunayan na nagkamali sa pag-aaral si Ignacio. Hindi niya ito maaaring ipabasa sa matataas na konseho ng medisina kung may bahid ito ng kamalian. Kahit kaunti lamang iyon ay lubos pa ring masisira ang tiwala nila sa kaniya."

Naninikip ang dibdib ko sa kaba habang binabasa ko ang nakasulat.

"..Isipin mo na lamang na tulong mo iyan sa iyong matalik na kaibigan upang hindi niya maituloy ang pagpapadala nito sa Europa."

"Gabrielle--" nangigigil kong bulong.

"..Inaagapan mo lamang siya subalit sayang nga lang at ilang buwan niya ring pinag-ukulan ng tiyaga't pawis ang pag-aaral na ito."

Tiim ang labi ko nang aking ibaba ang tingin sa papel na nasa harapan ko. Binasa ko iyon saglit.

Kung lalagdaan ko 'to para lamang pagtakpan ang sarili ko, matatapon naman sa wala ang pinaghirapan ni Ignacio pero kung..

Don't tell me, kailangan ko nang aminin kay Gabrielle ang dahilan ko sa pag-iwas sa damuhong 'yon?

"Ngunit base sa iyong reaksyon, nagsisinungaling ka lamang.."

Tumunghay ako sa kaniya. Nakatagilid ang kaniyang ulo at nakangisi na tila ba tuwang-tuwa pa sa nangyayari.

Hindi ko na alam kung paano ito lulusutan.

"Kung hindi mo sasabihin sa akin ang iyong tunay na dahilan sa pag-iwas mo sa kaniya kahapon, malamang sa malamang.."

Dahan-dahan niyang tinutuktok ang mga daliri sa lamesa.

"..Tuluyan na ngang isusunod ka ni Samuel sa kaniyang gigipitin sapagkat ikaw na lamang ang natitira niyang alas."

Iritado akong napabuntong hininga.

Tinitigan ko siya.

Hindi nga siya pipiliin ni Samuel bilang el guarura kung hindi siya ganitong kahusay manghuli.

Kung hindi ko sasabihin ang totoo, tiyak tuluyan na nga nila akong pagdududahan.

Sabihin man natin na wala akong kinalaman sa balak na pagpatay sa kaniya pero baka ito ang magiging daan para madiskubre nila ang tunay na pagkatao ni Luisa.

"Walang mapipigang anumang sagot sa akin si Samuel tungkol sa kung ano man ang nireresolba n'ya." matatag kong sagot.

Itinulak ko ang papel palapit sa kaniya.

"Hindi ko lalagdaan 'yan," umangat ang kilay nito.

"Inaamin mo na ngang nagsisinungaling ka lamang?"

Kailangan ko na ba talagang sabihin kay Gabrielle ang nangyari sa batis?

"Luisa? Hindi mo ba sasagutin ang aking tinatanong? Tumatakbo ang oras--"

"Oo."

Mabagal itong ngumiti at gusto ko siyang sabunutan ngayon. Magkaibigan nga sila ni Samuel.

"Bakit? May kinalaman ka ba sa plano nila?"

Nawindang naman ako sa sinabi niya.

"Hoy! Wala ah! Anong akala mo sa akin?"

Natawa naman ito. "Nagbibiro lamang ako. Ngunit bakit ka nga umiiwas sa kaniya?"

"Totoong iniwasan ko nga siya kahapon pero hindi dahil sa sangkot ako sa paglason sa kaniya. Ayokong magkita kami kasi.."

Tuluyan na akong tinutuyuan ng laway..

"Kasi?"

"Kasi.."

Umakyat ang init sa aking pisngi nang maalala ko na naman ang naganap sa batis.

"May n-nangyari kasi noong nakaraan bago ang araw ng salu-salo.."

"Anong nangyari?"

"Kailangan mo ba talagang malaman 'yon?" iritable kong tanong.

"Malamang." halakhak niyang sagot. "Magkakaroon ng butas ang iyong mga pinagsasasabi kung hindi mo isasalaysay sa akin ang lahat."

Pinanliitan ko siya ng mga mata.

"..Kailangan kong mapagdutong-dugtong ang mga detalye upang aking malaman kung nagpapahayag ka ba ng katotohanan o hindi. Para rin sa iyo ito upang hindi madungisan ang pangalan mo sa amin."

Napabuntong hininga na lang ako.

Wala naman akong dapat ikahiya pero..'Di ko rin alam kung bakit naiilang akong sabihin ito kay Gabrielle.

"Sige.. Iyo munang pag-isipan ang ipapahayag mo," sumandal ito at humalukikip.

Napasilip ako sa kaniya at nakita ko siyang nakatingin sa kaniyang mga kuko at kinukutkot ito.

"Nababatid ko na. May gusto ka sa akin kaya panay ang iyong pagpapapansin. Ibig mong makuha ang atensyon ko. Nahuli ka pa kitang nanonood kanina--"

"Ang kapal talaga ng mukha mo!"

Kinagat ko ang dila ko sa matinding kahihiyan.

"Nagkita kami ni Señorito Samuel sa batis noong nakaraang araw." labag sa loob kong pag-amin.
Nakita ko ang biglaang pagkamangha sa mukha ni Gabrielle.

Dahan-dahang bumaba ang kaniyang mga braso habang nakabuka ang bibig nito.

Wala na akong choice, kung hindi ko 'to isasakripisyo, baka ang pag-iwas ko kay Hector ang maisiwalat niya.

"Kayong dalawa? Sa batis? Ano ang inyong ginawa roon?"

Bakas sa mga mata ng lalaking kaharap ko ang pagiging interesado.

"Aksidente lang naman yung pagkikita namin. H-hindi ko alam na naliligo pala siya 'don." nakanguso kong pagdedepensa.

Naaasiwa ako sa reaksyon niya ngayon.

Naku, 'wag lang talagang mag-iisip ng kung anong nakakadiri itong si Gabrielle kung hindi - ipupukpok ko talaga sa kaniya 'tong lampara sa ulo n'ya.

"Anong nangyari?"

Bahagya siyang lumapit sa lamesa at mas itinutok pa sa akin ang paningin.

Napapangiwi ako at 'di ko alam kung itutuloy ko pa ba ang pagkukwento.

"'Yun..N-nagkausap kami pero sandali lang kasi umalis agad ako.."

..Hinigit niya ako sa kamay. Gulat na gulat akong napasapo sa kaniyang balikat nang hapitin niya palapit ang aking bewang.

"Ano ang pinag-usapan ninyo?"

..Tinulak ko siya pero mas hinigpitan niya ang pagkakagapos ng malapad niyang kamay sa aking likuran. Ramdam na ramdam ko ang init--

"Aba? Bakit ba pati 'yon, inaalam mo?"

Halatang nagulat si Gabrielle sa biglaang pagtataas ng boses ko.

Umubo ako at muling umayos ng pagkakaupo.

"Sige. Bahala ka." nakanguso nitong pahayag.

"Anong bahala ako?"

"..Batid mo bang si Samuel dapat ang mangkikilatis sa iyo subalit dahil alam ko naman ang katopakan ng iyong Señorito ay aking minungkahi na ako na lamang ang kumausap sa iyo."

Bahagya itong sumimangot.

Humalukipkip naman ako.

"Magpapasalamat ako sa'yo, ganon?" sarcastic kong sambit.

"Puwede rin ngunit kung hindi ka naman komportable na isiwalat sa akin ang lahat, sige. Ang señorito mo na lamang ang kakausap sa iyo at--"

"Gabrielle? Tinatakot mo ba ako?!"

Nanlaki ang kaniyang mga mata.

"Hindi ah! Subalit kung ayaw mo nga, madali naman akong kausap--"

"Oo na! Oo na! Sasabihin ko na!"

Bumalik agad ang kaniyang ngiti at ilang sandali pa ay tinanggal niya rin agad ito.

"Ano na?"

Napairap ako. Nangigigil ako sa lalaking 'to ngayon.

"N-nainis ako sa kaniya kaya ko siya nilayasan sa batis."

"Ano nga yung sinabi niya? Bakit ka nainis?"

Napakamot ako ng ulo.

"Sabi n'ya sa akin bakit raw kung nasaan siya ay nandoon din ako." tumango si Gabrielle. "Sinusundan ko raw siya.."

Yumuko ako.

"Tapos..?"

"Tinanong niya ako. Kung.."

"Kung..?"

"Kung.."

"Kung ano?"

"Kung may gusto raw ba ako sa kaniya.." pabulong kong sagot.

"Ha? Hindi ko narinig."

"Tinanong niya ko kung may gusto raw ba ako sa kaniya.."

Muling namanhid ang mukha ko sa pinaghalong hiya at inis.

"Ang hina ng iyong tinig. Pakilakasan."

Sa inis ko ay nahampas ko na ang lamesa. Nahuli ko ang paggitla ni Gabrielle. Napaatras pa ito.

"Ang sabi ko - tinanong n'ya ako kung may gusto raw ba ako sa kaniya!"

"Kalma lang," inismiran ko siya.

"Ang sabi mo lakasan ko."

"..Ngunit totoo? Tinanong niya ang bagay na yaon sa iyo?"

Napalabi ako at tumango.

"Hindi pala tanong 'yon, akusasyon 'yon. Nagkaroon agad siya ng isipan na may gusto raw ako sa kaniya dahil sa ilang beses naming pagkikita. Eh, hindi naman totoo 'yon, noh?"

Napailing ako.

"..Ayoko sa kaniya. Naiinis ako sa ugali niya. Sa itsura niya, sa pananalita niya, sa kilos, sa lahat! Kaya paano ako magkakagusto..."

Nabitin sa ere ang aking sasabihin nang ma-realize kong tropa nga pala ni Samuel itong pinagsusumbungan ko.

Nahuli ko ang paniningkit ng mga mata ni Gabrielle habang nakanguso. Tila pinipigilan ang pag-ngiti.

"B-bahala ka kung sasabihin mo 'yon sa kaniya," nag-aalangan kong bulong at umiwas ng tingin.

"Sigurado ka bang pinahayag niya iyon sa iyo?"

Ang kulit naman nito..

"Kaya nga gusto ko siyang iwasan kahapon. Naiilang pa akong harapin ang Señorito namin pagkatapos niya 'yon sabihin sa akin," aniko sa pinagdiinan pang 'Señorito'.

Napatango si Gabrielle at bahagyang kumunot ang noo.

"Nakakapagtakha.." bulong nito na para bang may malalim na iniisip.

Sa paraan ng pagtigil ng kaniyang mga mata, tila may gusto siyang kumpirmahin.

"Ang alin?"

Bigla siyang napalingon sa akin. "Ah wala. Naninibago lamang ako sa inasta ni Samuel." natatawa nitong sagot.

"Bakit? Hindi ba siya assumero sa paningin n'yo?"

"Assumero? Ano iyon?"

"Yung nagbibigay agad ng kongklusyon batay lang sa sarili nitong pakiramdam."

"Hindi siya ganoon." nakangisi nitong sabi sa akin at naiiling pa. "O, ipagpatuloy na natin ang imbestigasyon bago pa tayo lumayo."

Mas okay ako 'don.

Nagpatuloy na muli sa pang-i-interrogate si Gabrielle at bumalik na kaseryosohan ang kaniyang mukha.

Sa loob ng ilang minuto, marami na ulit siyang naitanong sa akin.

"Paano mo naman nalaman na may lason ang inuming ibibigay ni Viviana sa kaniya?" sunod nito nang sabihin kong wala akong ibang intensyon kundi ang iligtas si Samuel.

"Ang totoo n'yan. Dahil sa paghahanap ko kay Topacio, nakarating ako sa medyo gubat-gubat, malapit sa mansyon. Tapos aksidente kong narinig yung pag-uusap nina Arturo at Viviana. Kaya 'yon, 'don ko nalaman na may masama silang plano kay Samuel."

Napatango si Gabrielle at muling inilista ang sinabi ko.

"P'wede ba akong magtanong?"

"Sige lang."

"Nabanggit sa akin ni Samuel kagabi na may alam pala siya sa plano nina Arturo. Papaano niya naman nagawang madiskbure na may papatay sa kaniya sa mga oras na 'yon? At kung alam niya nga, bakit pa siya pumunta sa salu-salo?"

Inilapag ni Gabrielle ang panulat nito at tumingin sa akin.

"Si Samuel - tatahimik lamang iyan ngunit ang kaniyang katusuhan ay kasing-talas ng pakiramdam ng isang leong umuungal sa pagbabantay sa sarili nitong kagubatan."

Hindi na muna ako nagsalita para mapakinggan pa ang mga sasabihin niya.

"..Hindi ko nga lang maaring sabihin sa iyo ang eksaktong sagot kung paano niya nalaman ang kanilang binabalak ngunit ginawa niya iyon upang tuluyan na niyang malaman ang katotohanan mula kay Arturo."

Totoo ngang nakikipaglaro lamang sa apoy si Samuel.

"Ilang linggo niyang pinaghandaan ang kanilang pagtutuos sa pag-asang may makukuha siyang sagot mula dito.."

Bigla akong binagabag ng konsensya. Kung hindi dahil sa akin, nalaman na siguro ni Samuel ang totoo..

"Ano ba kasi yung gustong malaman ni Samuel kay Arturo? May koneksyon ba 'yon sa pilit niyang kinukuhang sagot sa'kin?"

Muling pinagsiklop ni Gabrielle ang kaniyang mga palad.

"Oo. Ibig niyang malaman ang katotohanan sa likod ng malagim na nangyari noon sa kaniyang pamilya."

Tila tumigil ang takbo ng orasan dahil sa kaniyang sinabi at mas lalo akong nahulog sa kuryosidad.

"Malagim? Anong ibig mong sabihin?"

"Ginagawa niya ang lahat ng ito kasama ang paglusong sa asopreng apoy sa kagustuhan niyang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng kaniyang pamilya."

Nanlamig ako sa gulat.

"P-pamilya? Ibig mong sabihin si Don Joselito.."

Tumango si Gabrielle.

"Tama ka. Ampon lamang si Samuel."

Napatakip ako ng bibig.

"Pero ano naman ang kinalaman ko sa pagkamatay ng pamilya niya?"

Sa kabila ng pagtatakhang nararamdaman ko, hindi ko pa rin napigilan ang pag-usbong ng awa para kay Samuel.

Hindi ko inaasahan na may ganito palang pinagdaraanan ang lalaking 'yon. Dumaloy ang sakit sa damdamin ko dahil sa aking nalaman.

Ngayon ko na mas naiintindihan kung bakit ganito na lang siya kadesidido. Pamilya niya ang pinag-uusapan dito.

"Hindi ka naman niya direktang pinagbibintangan na may kinalaman, Luisa. Ibig niya lamang malaman kung ano ang iyong ipinakita sa tenyente noong nasa piitan tayo kung kaya't pinalaya niya kami nang ganon-ganon lamang."

Tila may bumara sa aking lalamunan.

"..Yung sulat na binigay mo - iyon ang pinagdududahan ni Samuel na konektado sa kaso na kaniyang nireresolba."

Doon ko napagtanto ang lahat. Yung papel..

Tama si Gabrielle. Hindi naman ako kilala ng tenyente na 'yon bilang anak ng Gobernador Heneral kaya papaano ko nga pala nagawang palayain sina Samuel nang ganoong kadali?

Naalala ko yung babaeng tinutukoy ni Ignacio na nakausap ko bago ko dalhin ang sulat sa piitan.

Hindi kaya may alam siya sa kung ano ang tunay na nakalagay sa papel?

"Batid kong natatakot ka sa maaring gawin ni Samuel ngunit ibig kong maalaman mo na hangga't may kailangan pa siya sa iyo ay hinding-hindi ka niya magagawang patayin."

"A-alam ko.."

Naninikip ang dibdib ko ngayon sa matinding awa at konsensya.

"..Iyon ang pinaka huli na posibleng mangyari sa iyo, Luisa kung kaya't magtiwala ka lamang sa kaniya."

Tanaw na tanaw ko ang kalungkutan sa mga mata ni Gabrielle.

"Desperado lamang si Samuel sapagkat ilang taon niya nang pilit na kinukuha ang hustisya na laan sa kaniyang pamilya. Ang katarungan na minsang ipinagkait sa kanila ng batas at kapangyarihan."

Bumigat lalo ang puso ko dahil sa sinabi nito.

Ang kabiguang natagpuan ko sa mga mata ni Samuel at ang unang beses na nakita ko siyang lumuha.

"Wala pa ba siyang nakukuhang sagot? Kahit kaunti?"

Umiling siya at ngumiti nang mapait.

"Sa tuwing may nahuhuli siyang lobo, agad din namang pinapaslang ng may-ari. Gaya nang nangyari kina Ginang Mildred, Ginang Soledad at Ginoong Urbano."

Tila binuhusan ako ng malamig na tubig. Don't tell me..

"S-sino sila?"

"Sila ang mga matatandang dapat makakausap ni Samuel ukol dito subalit huli na ang lahat. Bago niya pa makaharap ang mga taong iyon ay wala na sila. Ngunit buo ang paniniwala ni Samuel na may nagpatahimik lamang sa kanila upang mailayo sa kaniya ang katotohanan.."

Ibig sabihin.. Hindi si Samuel ang pumatay kina Nanang Mildred!

"S-Sino naman ang pumatay sa pamilya ni Samuel?"

Narinig ko ang pagpitik ng dila ni Gabrielle.

"Iyan ang hindi ko masasagot. Tanging si Samuel lamang ang may karapatang magbahagi niyon sa iyo."

Napatulala ako at pilit na pinoproseso ang lahat ng nalaman ko.

"Masiyado kasing maselan ang usapin na yaon. Nakakagulat nga lang na hindi mo pa pala alam na ampon si Samuel," nagkitbit-balikat ito. "..Sabagay, hangga't maari nga pala ay ibinilin ni Don na huwag pag-uusapan ang tungkol doon."

"Pero sinabi mo sa'kin." magkadikit-kilay kong saad.

"Tama ka.."

"Ba't mo sinabi sa'kin kung ganon?"

Ngumiti ito.

"Binigyan kita ng responsibilidad at nakasasalay na rin ngayon sa iyong mga kamay ang magiging katapusan ng misyon ni Samuel at iyon ay ang upang hindi mo masira ang naging usapan ninyong dalawa."

Kumalabog nang malakas ang dibdib ko. Hinuli niya ba ako sa sarili nitong bitag?

Tumayo ito.

"O siya. Tapos na tayo. Maikli lang hindi ba? Hindi ka man lang pinagpawisan. Ang inaasahan ko pa naman ay iiyak ka rin sa aking harapan gaya nang kay Samuel."

Binigay niya sa akin ang papel na kaniyang pinagsulatan. "Lagdaan mo na."

Kinuha ko agad 'yon at pinirmihan. Ang hirap huminga sa kwartong 'to.

Mabilis akong tumayo para makauwi na. Marami pa akong kailangang isipin.

Hindi si Samuel ang pumatay sa Nanang ni Luisa. Gayon din kina Manang Soledad at Tatang Urbano. Kung ganon, sino?

Nakita kong nagligpit na rin si Gabrielle.

"Ihahatid na kita," saad niya habang inaayos ang kaniyang mga gamit.

"Huwag na. May tatapusin pa rin akong trabaho sa likod ng bahay ni Topacio."

Nag-angat siya ng tingin.

"Ngunit--"

"At isa pa, pagkatapos ng mga nalaman ko mula sa'yo, sa tingin ko mas mabuti nang makapag isip-isip muna ako nang mag-isa."

Umiwas ako ng tingin.

"Nauunawaan ko. Kung iyan ang gusto mo."

Tinalikuran ko na s'ya at akmang lalabas na nang may maalala ako.

"Gabrielle.." agad s'yang napalingon sa akin.

"Bakit?"

Tuluyan na akong humarap sa kaniya. "Oonga pala. May sasabihin pa pala ako sa'yo. Baka makatulong.."

Muli akong lumapit sa kaniya at dinampot ang pluma. Sinawsaw ko muna ito sa paninta bago gumuhit.

Ramdam ko ang pananonood sa akin ni Gabrielle.

Pagkatapos ko ay inabot ko agad iyon sa kaniya. Tinignan niya muna ako bago niya binaling ang tingin sa papel.

"Hindi ako magaling gumuhit pero sapat na yan para maiparating ko sa'yo yung nakita ko kahapon."

"Ano ito?"

Bumuntong hininga ako.

"Markang natagpuan ko sa relo ni Arturo at ganon din sa palapulsuan ni Viviana." at sa kutsilyong nakita kong hawak-hawak ko. "Hindi ko alam kung may saysay ba 'yan pero umaasa ako na kahit papaano ay may maitutulong 'yan sa inyo."

Gusto kong makabawi kay Samuel kahit sa ganitong paraan. Hindi ko lang siya napagbintangan nang mabigat kundi nasira ko pa ang plano niya.

Kunot-noong sinusuri ni Gabrielle ang dinrawing ko hanggang sa punitin niya ang pahinang 'yon at tiniklop.

"Maraming salamat sa iyong koopersayon," aniya habang sinisipit sa kaniyang notebook ang papel.

"Walang anuman.."

"Hangga't maaari sana ay wala ka nang ibang pagsasabihan tungkol sa iyong nalalaman."

Tumango ako.

Humakbang ito palapit sa akin.

"..Kahit na kanino pa, Luisa. Para na rin sa iyong kaligtasan.."

Ngumiti ako.

"Makakaasa ka."

Pahatid Mensahe,

Isang maligayang umaga sa inyong mambabasa! Nawa'y naibahagi ko sa inyo ang kaaliwang aking nakalap sa kuwentong ito. Ikakagalak ko ang pagbabahagi ninyo ng inyong puna/suri ukol sa yugtong ito. Maari ninyong pindutin ang bituing nasa ibaba kung inyo lamang ibig. Hanggang dito na lamang at maraming salamat.

Ang Inyong Binibining Manunulat,
Czlyn
📃🖋️

Continue Reading

You'll Also Like

4.7M 190K 31
"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Sa loob ng labinlimang taon, ang makasal sa kababata niyang si Enrique Alfonso ang tanging pinapa...