Leo and Aries

By UndeniablyGorgeous

3.9M 147K 112K

Four high school students living in a world of complicated first love, dream and friendship. (year 1996) Note... More

Foreword
Chapter 1
"Ito na ba" Lyrics
Chapter 2
"Lost in Your Love" Lyrics
Chapter 3
"Just Stay" Lyrics
Chapter 4
"Pareho ng Damdamin" Lyrics
Chapter 5
"Balang Araw" Lyrics
Chapter 6
"Without You" Lyrics
Chapter 7
"This Love Hurts" Lyrics
Chapter 8
"Awit" Lyrics
Chapter 9
"Afflictive Love" Lyrics
Chapter 10
"My First Your Last" Lyrics
Chapter 11
"You and Me" Lyrics
Chapter 12
"Abot Kamay" Lyrics
Chapter 13
"Gusto Kita" Lyrics
Chapter 14
"Rollercoaster Ride" Lyrics
Chapter 15
"Farewell Love" lyrics
Chapter 16
"Kahit Takot Pa" Lyrics
Chapter 17
"Patawad" Lyrics
"Mapapansin Kaya" Lyrics
Chapter 19
"Bittersweet" (Goodbye Song) Lyrics
Chapter 20
"Bayle" Lyrics
"Adik" Lyrics
Epilogue
"Walang Iwanan" Lyrics
Acknowledgement
Other Stories

Chapter 18

80.1K 3.4K 4.7K
By UndeniablyGorgeous

[Chapter 18]

Hindi ko mabilang kung ilang beses ako napapabuntong-hininga habang nakatitig sa salamin. Kanina pa ako tapos mag-ayos at magbihis pero hindi ko alam kung anong gagawin ko sa buhok ko. Sa huli, tinali ko na lang para mas malinis tingnan.

Kinuha ko na ang bag ko at lumabas ng kwarto. Sinama ni mama si Axel sa art activity na programa ng barangay namin. Mag-dadrawing at mag-papaint ang mga bata, i-didisplay sa barangay hall ang mga artwork nila.

Sinara ko na ang bahay at naglakad patungo sa kalsada. Nauna sa sinehan si Adrian, sinabi ko sa kaniya kagabi na hindi kami pwedeng magsabay kung dalawa lang kami dahil siguradong magtataka ang mga kapitbahay namin na wala sila Leo at Gian.

Bukod doon, kaya ko rin sinabi na mauna an siya roon ay dahil nagdadalawang-isip pa rin ako kung tutuloy baa ko o hindi. Kailangan ko pa ng mahabang oras para makapag-isip-isip. Ilang sandali pa, napatigil ako sa paglalakad nang marinig ko ang boses ni lolo Gil.

"Oh, Aries, saan ka pupunta?" nakangiti nitong tanong, nagdidilig siya ng halaman sa harap ng bahay nila. Napahigpit ang hawak ko sa bag, baka biglang lumabas si Leo sa bahay nila. "Ah, s-sa bayan po" sinubukan kong ngumiti, hindi dapat ako nauutal ng ganito.

"O'siya, mag-iingat ka, hija" ngiti ni lolo Gil saka naglakad papasok sa loob ng bahay nila. Sinundan ko pa siya ng tingin hanggang sa makapasok siya sa loob. May iilang tao sa loob ng cassette tape shop nila, siguradong busy ngayon si Leo.

Nagpatuloy na ako sa paglalakad hanggang sa madaanan ko ang bahay nila Gian. Siguradong buong araw lang nakahilata ngayon sa kama si Gian habang nagbabasa ng mga paborito niyang komiks. Binilisan ko na rin ang paglalakad ko sa pangamba na makita niya ako.

Pagdating ko sa gilid ng kalsada, ilang minuto pa akong naghintay sa waiting shed bago may dumating na jeep. Mabilis lang ang byahe at karamihan sa mga tao ay nakasuot din ng maayos, bestida sa mga babae, polo naman sa mga lalaki. Base sa kanilang pananamit, mukhang magsisimba sila ngayon.

Hindi nagtagal narating na namin ang bayan. Tumigil ang jeep sa terminal, kani-kaniya na kaming lakad patungo sa aming mga pupuntahan. Malayo pa lang ay natanaw ko na ang sinehan na siyang pinakamalaking gusali dito sa bayan. May mga mini grocery, butika, pasalubong shop, salon, barber shop at kung anu-ano pa.

Hindi ko alam kung ilang minuto na akong nakatayo sa labas ng sinehan. Kanina ko pa pinapanood ang mga taong labas-pasok sa sinehan. Kanina pa naghihintay sa loob si Adrian, ang huli niyang mensahe sa'kin sa pager ay nasa tabi siya ng tindahan ng popcorn.

Napahinga na ako ng malalim saka naglakad papasok sa sinehan. Malayo pa lang ay natanaw ko na si Adrian na nakatayo sa tabi ng tindahan ng popcorn. Napatulala ako sa suot niya, halos magkapareho kami kahit wala naman kaming usapan na dapat terno ang susuotin namin. Agad siyang kumaway ng makita ako, dali-dali siyang lumapit sa'kin habang nakangiti.

"Akala ko ma-lalate ka" panimula niya, hindi ako nakapagsalita agad. Alam kong hindi normal na punahin ko ngayon kung gaano kayos ang hitsura niya pero hindi ko mapigilang mapansin ang dating niya ngayon.

"A-ano bang papanoorin natin?" sa wakas nagawa ko nang magsalita. Napahawak na lang din ako sa lalamunan ko na parang natutuyo na. Idagdag pa ang puso ko na hindi ko mapaliwanag ang kaba. Siguro dahil hindi ako sanay sa mga ganitong bagay na hindi naman dapat namin ginagawa ng kaming dalawa.

Kinakabahan lang siguro ako kasi baka may makakita sa'ming dalawa na kaklase namin o kakilala. "Ikaw ang pumili" ngiti niya, napaiwas na lang ako ng tingin. Hindi talaga normal 'to.

"Aries, naalala mo 'yung sinabi ko sayo kagabi? 'Yung bago tayo umakyat sa stage?" tanong niya, napatingin muli ako sa kaniya. nakatayo lang kami sa gitna kung saan naglalakad sa iba't ibang direksyon ang mga tao.

"A-ang alin 'don?" hindi ko rin maintindihan kung bakit ako nauutal ngayon. "Tungkol 'don sa sasabihin ko sayo kapag nanalo tayo" patuloy niya saka nagsimulang humakbang ng dalawang beses papalapit sa'kin.

Magsasalita pa sana ako para tanungin kung bakit siya lumalapit nang biglang may tumigil sa tabi namin. Gulat kaming napatingin kay Leo na ngayon ay pawis na pawis at hinihingal na parang tumakbo ng ilang kilometro papunta dito. Nakayuko siya habang nakahawak sa tuhod niya. Pilit niyang hinahabol ang kanyang paghinga.

"L-leo" iyon na lang ang nasabi ko. Hindi naman nakapagsalita si Adrian agad dahil sa biglaang pagsulpot ni Leo.

"S-sorry kung nahuli ako" hinihingal na saad ni Leo at tumayo na siya ng derecho. Nakasuot siya ng puting tshirt, blue shorts at itim na tsinelas. Nakapambahay lang siya.

"Hindi na ko mahuhuli" patuloy ni Leo sabay tingin ng derecho sa'kin. Hindi ako nakapagsalita. Bakit parang may ibang ibig sabihin ang sinabi niyang iyon?

Napatingin ako kay Adrian, gusto ko sana magpaliwanag sa kaniya na wala naman akong sinabihang iba. Hindi ko sinabi kay Leo o kay Gian na may lakad kaming dalawa ngayong araw. "Ano bang papanoorin natin?" patuloy ni Leo, nauna na siyang maglakad papunta sa cashier. Isa-isa niyang binasa ang listahan ng mga palabas na nakasulat sa gilid.

Tulala pa kami ni Adrian sa gitna habang nakatingin kay Leo. Lumingon ulit sa'min si Leo, "Ako naman ang taya" saad niya sabay turo ng comedy movie na napili niyang papanoorin namin at binayaran na niya ang ticket.

Hindi naman tumanggi si Adrian, mukhang gipit din siya ngayon kaya hinayaan niyang si Leo ang manlibre sa'min. Hindi na rin ako nakatanggi kasi parang hindi tama na hindi namin sila sinabihan ni Gian na manonood kami ng sine.

Naglakad na si Leo pabalik sa'min nang makuha na niya ang tatlong ticket. "Ako na lang sa popcorn" saad ni Adrian na parang biglang nawalan ng gana. Hindi na siya naghintay ng sagot at dere-derechong pumunta sa tindahan ng popcorn.

Napatingin ako kay Leo na parang patay malisya. Inabot na niya sa'kin ang isang ticket, "Sumakay ka ba ng jeep?" tanong ko sa kaniya, hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang maitanong kung paano niya nalaman na nandito kami ni Adrian.

Umiling siya, "Nag-bike ako" tugon niya saka ngumiti ng kaunti. Sinubukan kong ibuka ang bibig ko para magsalita pero hindi ko alam kung anong sunod kong sasabihin o itatanong kaya tinikom ko na lang ulit ang aking bibig.

Ilang sandali pa, dumating na si Adrian at nag-aya na ito pumasok sa loob ng sinehan. Nakaupo ako sa pagitan nilang dalawa, iniisip kong umupo na lang sana sa tabi ng isa sa kanila kaya lang parang hindi tama kaya umupo na lang ako sa gitna.

Naunang kumain si Leo ng popcorn, parang hindi naman siya kinakabahan o ano. Hindi niya rin tinanong kung bakit magkasama kaming dalawa ni Adrian at kung bakit kaming dalawa lang ang nag-plano na manood ng sine.

Mas hindi komportable sa pakiramdam kapag alam mong alam ng isang tao ang isang bagay pero hindi niyo magawang pag-usapan ang bagay na iyon. Dahil pareho niyong hindi alam kung paano sisimulan o kung ano ba ang dapat pag-usapan.

Nabalot ng malalakas na tawanan ang buong sinehan. Maging si Leo ay tumatawa rin ng paminsan-minsan sa mga nakakatawang pangyayari sa palabas. Samantala, kaming dalawa lang ni Adrian ang hindi tumatawa. Sinubukan ko siyang tanungin kung okay lang siya pero alam kong mas lalong magiging awkward kapag tinanong ko iyon.

Natapos ang palabas nang walang nagsasalita sa pagitan naming tatlo maliban sa ilang pagtawa ni Leo nang dahil sa palabas. Iniisip na lang siguro niya na kailangan niyang samantalahin ang palabas kasi siya ang nagbayad ng ticket naming lahat.

Paglabas namin ng sinehan, hindi ko na alam ang sunod naming gagawin. Parang mas okay kung uuwi na lang kami para matapos na ang nakaka-ilang na hangin na kanina pa hindi umaalis sa paligid naming tatlo. Pero parang hindi rin tama na umuwi kami agad, tutal tatlo naman na kami dito, kailangan ko lang isipin ulit ang madalas naming ginagawa kapag lumalabas kaming magkakaibigan.

"Gusto niyo mag-halo-halo?" tanong ko na siyang bumasag sa katahimikan naming tatlo. Sabay silang napalingon sa'kin. "May alam akong masarap na ice cream parlor dito" patuloy ko, ngumiti ako kahit kaunti para mabawasan ang tensyon. Siguro para hindi rin nila makita na ilang libong naglalaro sa isip ko ang tanong na iyon kanina pa.

"Sige" sagot ni Leo, tumango lang si Adrian. Ilang lakad lang mula sa sinehan ay narating na namin agad ang sikat na tindahan ng halo-halo at mga kakanin dito sa bayan. Naupo kami sa isang pabilog na mesa at malapit sa kalsada. "Ako naman ang taya dito" ngiti ko, pero parang hindi naman sila natuwa na ililibre ko sila, lalo na si Adrian.

Muli na naman kaming nabalot ng katahimikan habang hinihintay namin ang order naming halo-halo. May ilang pamilya at magkakaibigan ang sunod-sunod na dumating, nagtatawanan at nagbibiruan sila. Habang kaming tatlo ay walang imik sa isa't isa.

"Nasa bahay ba si Gian?" ako na ulit ang bumasag sa katahimikan. "Wala, pinuntahan ko siya kanina" sagot ni Leo. Parang nagsisi tuloy ako na tinanong ko iyon kasi naungkat ulit ang ideya na hindi namin sila sinabihan na manonood kami ng sine ni Adrian.

"Ah" iyon na lang ang sinabi ko saka tumango-tango ng ilang ulit. "Madalas kami kumain dito nina Jessica at Gwen, masarap ang halo-halo nila" pag-iiba ko ng usapan. Pero parang mali ang sinabi ko dahil wala naman silang maidudugtong na sasabihin kaya tumango lang sila.

Mabuti na lang dahil dumating na ang order naming halo-halo. Tahimik naming kinain iyon na parang nagpamanhid sa mga dila namin kaya ni isa sa amin ay wala ng nagsasalita. Ilang sandali pa, napatigil ako sa pagkain nang matanaw ko nagmamadaling pumasok sa botika.

"Hindi ba si Gian 'yon?" tanong ko sabay turo sa botika na katapat lang ng tindahan ng halo-halo. Napatigil din sina Leo at Adrian saka pinagmasdang mabuti si Gian na nasa loob ng botika at may kausap na babaeng nakatayo sa counter.

Hinawakan ni Gian ang kamay ng babae saka hinila ito papalabas ng botika. Napanganga kami sa gulat nang mamukhaan namin na ang babaeng kasama ni Gian ngayon ay si Joyce. Hindi ko napansin na si Joyce iyon dahil nakasuot ng balabal at sunglass ang babae.

May kalsada sa pagitan ng botika at ng tindahan ng halo-halo pero rinig na rinig pa rin namin ang usapan dahil sumisigaw na sila. "Hayaan mo na nga ako! Bakit ka ba nandito?!" sigaw ni Joyce na buong pwersang kumawala sa pagkakahawak ni Gian.

"Sa gan'tong paraan mo ba haharapin ang mga problema mo?! Gumising ka nga Joyce!" sigaw ni Gian, ngayon ko lang siya nakitang magalit ng ganoon bukod sa tuwing natatalo siya sa playstation at kapag biglang namamatay ang TV nila habang nanonood siya.

Hindi nakapagsalita si Joyce, napayuko lang siya pero kahit malayo ay kitang-kita namin ang namumuong luha sa kaniyang mata. "Sinong niloko mo? Saan mo gagamitin ang napakaraming vitamins na 'yan? Kung hindi mo na kaya, sumigaw ka lang, magawala ka. Awayin mo sila. Bakit ikaw ang kailangan masaktan at mamatay para sa kanila?!" sigaw ni Gian dahilan upang mabitawan ko ang hawak kong kutsara.

Tumayo na si Adrian at dali-daling tumawid para puntahan sina Gian at Joyce na pinagtitinginan na rin ngayon ng mga tao. Agad kaming sumunod ni Leo, iniwan na rin namin ang mga halo-halo na halos hindi pa namin nakakalahati.

Napatigil si Gian nang hawakan ni Adrian ang balikat nito, gulat din siyang napatingin sa amin. Hindi niya siguro inaasahan na makikita namin siya ngayon kasama si Joyce. "Pag-usapan natin 'to sa ibang lugar" saad ni Adrian, halos nakatingin ang lahat ng tao sa amin ngayon.

Agad pumara ng jeep si Joyce, pinigilan pa namin siya pero pilit niyang inilayo ang sarili niya sa amin. Sinubukan pa siyang pigilan ni Gian ngunit wala na rin itong nagawa dahil desidido talaga si Joyce na umalis.

Naiwan kaming apat sa tabi ng kalsada, nag-aya na rin si Gian umuwi. Habang naghihintay kami ng jeep na babyahe paalis sa bayan, si Adrian na ang unang nagsalita. "Anong nangyari kay Joyce?" tanong nito kay Gian, napahinga na lang ng malalim si Gian. Kumpara kanina, mas kumalma na siya ngayon at hindi na siya kasing-seryoso tulad kanina nang magsigawan sila ni Joyce.

Patuloy ang pagdaan ng mga sasakyan at bisikleta. Medyo matirik na ang araw kaya nakasilong kami sa waiting shed. Kita rin ang alikabok sa paligid lalo na sa mga maiitim na usok ng mga provincial bus na dumadaan.

"Sinama ako ni mama sa clinic nung Friday. May sipon kasi siya kaya nagpa-check up kami. Nandoon din si Joyce sa clinic, kausap niya 'yung assistant sa reception area. Akala niya di ko siya makikilala kasi nakabalot ang mukha niya at naka-shades pa. Tinanong niya 'yung assistant kung anong gamot ang pwede sa UTI. Anti-biotic 'yon pero kailangan ng reseta ng doctor. Mukhang nagdalawang-isip siya kaya iba na lang tinanong niya, tungkol naman sa dosage ng vitamins" paliwanag ni Gian, nanlaki ang mga mata namin at napatulala sa kaniya.

"Kahit hindi ko na ipaliwanag ng buo, alam kong naiintindihan niyo na agad kung anong tumatakbo sa isip ni Joyce. Nag-order siya sa clinic ng maraming vitamins pero hindi available doon kaya sa botikang ito siya tinuro ng assistant. Ewan ko ba kung bakit nauto niya 'yung assistant na kailangan niya lang ng maraming gamot para i-donate. Ngayong sunday daw mag-rerestock ang botika kaya heto sinundan ko siya dito" patuloy niya, bigla akong nakaramdam ng lungkot. Pero kahit ganon, nakakatuwa na buong loob na pinigilan ni Gian si Joyce sa gusto nitong gawin.

"Alam kong sa mga susunod na araw, makakaisip ng paraan si Joyce. Pero hindi ko hahayaan 'yon. Lakas ko maka-bayani 'no" tawa ni Gian, sa kabila ng mga ngiti at tawang iyon ay alam kong nangangamba rin siya sa kalagayan ni Joyce.

Halos kaming apat lang ang sakay ng jeep paalis ng bayan. Tanghaling tapat na kaya halos walang taong bumabyahe. Tahimik lang kaming apat lalo na si Gian na nakaupo malapit sa pintuan ng jeep. Tulala lang siya sa labas.

Nasa likod naman ng driver si Leo, tulala lang din ito sa bintana. Maging si Adrian na nasa tapat ko ay tulala lang din sa labas. Hindi ko tuloy alam kung paano sasabihin na dapat kami mag-celebrate sa pagkapanalo namin sa contest kahapon.

Tumigil na ang jeep sa tapat ng tindahan ni Manong Jude, matatamlay na bumaba ang lahat. Nahuli ako sa paglalakad habang tinatanaw ang mga likod nilang tatlo. Kahapon lang ang saya-saya namin, hindi ko akalain na biglang magiging ganito katahimik ang lahat sa isang iglap.

Pagdating sa bahay, naabutan ko si mama na nagluluto ng merienda. Maruya ang niluluto niya na siyang pabirito ni Axel lalo na kapag nabudburan ito ng asukal. Kung gagawin ko ang dating gawi, aakyat na dapat ako papunta sa kwarto. Pero hindi ko alam kung bakit dinala ako ng aking mga paa papunta sa kusina kung nasaan si mama.

Hindi niya pa ako nakikita dahil nakaharap siya sa kalan at abala sa pagluluto. Medyo malakas ang pagkulo ng mantika dahilan upang hindi niya siguro marinig ang mababagal na hakbang ko. Napatingin ako kay Axel na mahimbing na natutulog sa salas. Naglagay si mama ng banig sa tapat ng TV at nakabukas din ang pinto upang malayang makapasok ang hangin at hindi mainitan si Axel.

Gusto ko sanang magsalita at tawagin si mama pero hindi ko alam kung bakit hindi ko magawa. Siguro dahil hindi pa kami nakakapag-usap ng maayos mula nang malaman ko ang tungkol sa kanila ni mayor Simon.

Tatawagin niya lang ako kapag kakain na, gigisingin sa umaga para pumasok, iaabot ang baon, at ilang mga tanong na tungkol sa gawaing bahay lang ang napag-uusapan namin. Nag-resign na rin siya sa trabaho bilang secretary ng isang Chinese businesswoman. Sa ngayon, nagtatrabaho si mama sa post office sa bayan.

Hindi naman kailangan mag-overtime doon kaya nakakauwi na rin siya ng maaga at naalagaan na niya ng mabuti si Axel. Ilang beses na ring sinubukan ni mama na kausapin ako, hinihintay ko lang din siya pero ni isa sa amin ay hindi pa siguro handa.

Isang gabi, naabutan ko si mama na umiiyak habang yakap-yakap ang picture ni papa. Iinom lang dapat ako ng tubig noong gabing iyon nang maabutan ko si mama sa kusina. Gusto ko siyang yakapin at samahang umiyak pero agad siyang naghugas ng mukha at pilit niyang pinakalma ang kanyang sarili.

At ngayon, nakatitig pa rin ako sa likod ni mama habang nagluluto siya. Magsasalita na sana ako nang biglang may kumatok na kartero sa gate namin. Napalingon si mama sa pinto, doon niya lang napansin na nasa likod niya ako. "Aries"

"A-ako na kukuha ma" iyon na lang ang nasabi ko saka inilapag ang bag ko sa mesa at naglakad papunta sa labas. Nagpasalamat ako sa kartero nang makuha ko na ang tatlong sobre na inabot niya. isang bill ng kuryente, bill ng tubig at isang sulat mula sa tita ko na malapit na pinsan ni papa.

Napatitig ako ng matagal sa liham na iyon na mula kay tita Susan. May malaking pagawaan ng sapatos si tita Susan at ang asawa nito sa Marikina. Siya rin ang madalas tumulong sa amin noon nang mamatay si papa. Hindi naman na mahal ang tawag ngayon at sigurado akong mas gugustuhin ni tita Susan na tawagan na lang si mama kapag may importante itong sasabihin. Kaya nagtataka ako ngayon kung bakit may sobre itong pinadala.

Gusto ko sanang buksan ang sobre at basahin ang nakasulat doon nang biglang magsalita si mama mula sa pintuan. "Mga bayarin ba 'yan Aries?" tanong ni mama, pinupunasan niya pa ang kamay niya. Napakagat na lang ako sa aking ibabang labi saka tumango at inabot sa kaniya ang tatlong sobre.

***

Kinabukasan, napatigil ako paglabas ng bahay nang makita ko si Leo sa labas ng gate. Hindi niya pa ako nakikita dahil abala siya sa pagpunas sa bisikleta niya. Dahan-dahan kong binuksan ang gate habang nakatingin sa kaniya at dahil makalawang na ang gate namin, matinis at maingay ito kapag binubuksan at sinasara.

Napalingon si Leo sa'kin at ngumiti siya, "Tara na" saad niya, napatitig ako sa kaniya sandali. Bakit siya nandito mismo sa labas ng bahay? Hindi naman niya ako sinusundo ng ganito dito, sa tindahan ni manong Jude kami palagi naghihintayan kapag sumasabay ako sa kanila pumasok.

"A-anong meron?" nagtataka kong tanong, hawak ko pa ang nilagang saba ng saging na inabot sa'kin ni mama kanina.

"Ha?" tanong niya kahit alam kong narinig naman niya ang sinabi ko. "Ah, masyado pa kasi ako maaga. Wala pa sila doon kaya dinaanan na kita" sagot niya sabay ngiti at sumakay na siya sa bike. Umangkas na ako sa bisikleta niya kahit pa naglalaro pa rin sa isipan ko kung bakit siya nandito.

Pinili ko na lang burahin sa isipan ko ang lahat, ayoko nang bigyan ng kulay ang lahat ng gagawin niya para sa'kin. Dapat natuto na ako. Dapat may natutunan ako.

Pagdating namin sa tindahan ni Manong Jude, nandoon na ang bisikleta nina Gian at Adrian. Nanonood sila ng TV kasama si manong Jude, basketball game. Unang lumingon si Gian, "Nandito na sila" at naglakad na ito papunta sa bisikleta niya na nakaparada sa labas ng tindahan.

"Oh, bakit kasama mo na si Aries?" tanong ni Gian kay Leo. Ito na nga ang sinasabi ko e, hindi talaga normal na daanan ako ni Leo sa tapat mismo ng bahay. Nasa dulo ang bahay namin kaya imposible niyang sagutin si Gian na dinaanan niya lang ako.

"Anong binili niyo?" tanon ni Leo, halatang iniba niya lang ang usapan. Mukhang nadala naman si Gian kasi pinakita nito ang ilang chichirya at biscuit na binili niya. "Nakakagutom kasi sa byahe, kailangan natin ng energizer" tugon ni Gian, tahimik namang sumakay si Adrian sa bisikleta niya. Ni hindi niya rin kami binati o tiningnan ni Leo.

"Hoy, kidlat sandali!" tawag ni Gian kasi nauna nang nag-bisikleta si Adrian. "Ang mahuli may tae sa pwet!" sigaw ni Gian at dali-dali siyang humabol kay Adrian. Agad namang pinaandar ni Leo ang bisikleta niya dahilan upang mapakapit ako sa kaniya.

Sa buong byahe, hindi nagsasalita si Adrian. Hindi rin siya nagpaliwanag o nagsabi kung may sakit ba siya o wala. Kung puyat ba siya o wala lang sa mood magsalita. Hindi naman siya tinigilan ni Gian, panay ang kwento nito tungkol sa pagkapanalo namin at kung paano siya kakikiligan ngayon ng mga babae sa school.

Kahit papaano nabawasan ang pag-aalala ko dahil mukhang bumalik na sa dati si Gian. Determinado siyang pigilan ang anumang pagtatangka ni Joyce pero hindi niya pa rin nilulugmok ang sarili niya sa problema ng iba.

Pagdating namin sa school, malapit nang mag-ring ang bell. Agad kaming pumulia ng maayos para sa flag ceremony. Napapagitnaan kami ng section B pero kitang-kita ko pa rin si Adrian na walang imik. Nakatingin lang siya ng derecho sa harap. Kung dati ay bebelatan niya ako o lalakihan niya ang ilong niya kapag nahuli niya akong lumingon sa pila nila. Pero ngayon hindi niya ako pinapansin, hindi rin siya namamansin ng iba bagay na hindi ako sanay talaga.

Ilang sandali pa, natauhan ako nang marinig kong tawagin ni Mr. Conrado ang mga pangalan namin. "Palakpakan naman natin ang kanilang banda na nagwagi kagabi sa Battle of the Bands contest ng ating bayan!" ngiti ni Mr. Conrado, nagpalakpakan ang mga kaklase namin. Hindi ko naman alam kung ngingiti ba ako dahil sa hiya, halos nakatingin ang lahat sa amin ngayon.

Tumingin ako kay Gian, kumaway-kaway pa ito. Ngumiti naman ng ilang beses si Leo at tumango sa ilan nilang mga kaklase, habang si Adrian naman ay walang imik pa rin, at nang magtama ang mata naming dalawa. Siya ang unang umiwas hanggang sa matapos ang palakpakan.

Oras ng tanghalian, naglalakad kami ni Gwen papunta sa canteen. Hindi namin kasabay ngayon si Jessica dahil kasabay daw nito kumain ng lunch ang boyfriend niyang si MJ. Inaya nila kaming sumabay sa kanila pero tumanggi na kami ni Gwen dahil masyado silang clingy. Bukod doon, hindi namin makayanan ang mga pa-trivia ni MJ tungkol sa robot kada dalawang minuto.

"Kapag nag-boyfriend ka na Aries, siguraduhin mong pwede akong maki-third wheel ah. Wag naman sana ma-trivia ang magiging boyfriend mo" saad ni Gwen at napailing-iling pa ito. Napangiti na lang ako sa sinabi niya, nadala siguro siya sa mga hirit at joke ni MJ na tanging si Jessica lang ang natatawa. Tulad ng kung ano daw ang robot na gawa sa barko. Ro-boat ang sabi ni MJ na halos iyakan ni Jessica sa sobrang tawa.

Napatigil ako nang biglang kumapit si Gwen sa braso ko, "Aries, si Ben!" bulong niya sabay turo kay Ben at sa grupo nito na makakasalubong namin papasok ng canteen. "Tandaan, kakasabi ko lang na 'wag weird ha" bulong muli ni Gwen at nagpatuloy na kami sa paglalakad.

Natigilan naman si Ben at ang mga alagad niya, sila na ang tumabi sa gilid at pinadaan kami ni Gwen papasok sa loob ng canteen. "A-aries" tawag ni Ben, naramdaman kong humigpit ang kapit ni Gwen sa braso ko na para bang sinasabi niya na 'wag kong subukang lingunin si Ben at magpatuloy lang sa paglalakad.

Narinig kong napa-Oh ang ibang estudyante na nasa loob ng canteen. Halos nakatingin na rin ngayon ang lahat sa amin. Lumingon ako kay Ben, hindi niya siguro inaasahan na lilingon ako. "Congrats sa banda niyo" bati niya, sinubukan niyang ngumiti pero mukhang hindi siya palangiti kaya ang weird tingnan ng ngiti niya. Para siyang bata na pinilit ng nanay na mag-picture sa tabi ng isang mascot.

Napapalakpak naman at nagsigawan ang ibang mga estudyante. Hindi ko tuloy alam kung saan ako lulugar dahil halos buong araw nasa aming banda ang atensyon ng lahat. "Salamat" iyon na lang ang nasabi ko, magpapatuloy na sana ako sa paglalakad nang magsalita muli si Ben.

"Aries, gusto ko lang din sabihin na... Ano... Yung tungkol kay Falling Star" patuloy niya sabay kamot ng ulo. Hinihintay namin ni Gwen ang sasabihin niya pero tumawa na lang siya sabay iling. "Ah, basta. Kalimutan na natin 'yon" nahihiya niyang sabi na sinabayan ng pang-aasar ng ibang mga estudyante. Sumigaw naman si ate na nagtitinda sa canteen kasi kanina pa maingay ang grupo nila Ben.

"Gusto na niya atang burahin ang nakakakilabot na ka-cornyhan ng pagiging falling star niya" bulong sakin ni Gwen sabay tawa habang naglalakad kami papunta sa cashier.

***

Hindi ko mabilang kung ilang beses akong natulala sa bakanteng upuan ni Chelsea. Absent siya ngayon. Matagal ko na rin siyang gusto makausap tungkol sa mga magulang namin. Pero hindi ako nakakahanap ng tyempo dahil palagi siyang busy. Wala na ako sa Student Council kaya hindi na rin ganoon kadali na makasama at makausap ko siya.

Malapit na rin kasi mag-pasko. Busy ang Student Council para sa Chrsitmas Party na gaganapin bago mag-bakasyon. Pagkatapos na ng New Year ang balik ng klase kaya halos abala rin maging ang mga teachers dahil mag-eexam na kami.

"Okay, class dismissed" saad ng teacher namin na nauna na ring lumabas ng classroom. Nagsimulang mag-ingay ang mga kaklase ko, uwian na kaya kani-kaniyang plano. "Aries, una na ako ah. Kanina pa naghihintay si dad sa labas ng gate" paalam ni Gwen na nagmamadaling tumakbo papalabas ng pinto.

Niligpit ko na ang mga gamit ko at nilagay iyon lahat sa bag. Kailangan ko na rin mag-aral dahil exam na next week kaya dinala ko na rin ang ilang libro ko. Paglabas ko ng pinto, napatigil ako nang makita ko si Leo.

Nakasandal siya sa pader habang nakasuksok ang magkabila niyang kamay sa kaniyang bulsa. Ngumiti siya sa'kin ng kaunti nang makita ako, "Nagluto ng ginataang kamote si lolo kanina, mag-merienda raw tayong lahat sa bahay" wika niya, bigla akong natakam sa ginataan. Masarap talaga magluto ng ginataan si lolo Gil.

Nagulat ako nang hawakan niya ang bag ko, "Akin na 'yan" patuloy niya, agad akong napailing "Wag na, kaya ko naman" tugon ko pero madali niya pa ring nakuha sa'kin ang bag ko at binitbit iyon. Nagsimula na siyang maglakad, naiwan akong tulala sa hallway habang nakatingin sa likod niya bitbit ang bag naming dalawa.

Ilang sandali pa, napansin niya siguro na hindi ako nakasunod sa kaniya kaya lumingon siya. "Tara na, siguradong nagugutom na si Gian" ngiti niya, hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman. Hindi man niya sabihin pero nararamdaman kong may ibig siyang iparating.

Pagdating namin sa gilid ng gate kung saan nakaparada ang mga bisikleta nila. Naabutan namin sina Gian at Adrian doon na nagbabasa ng komiks. Si Adrian ang unang napatingin sa'min ni Leo habang naglalakad papalapit sa kanila pero ibinalik na lang niya ulit ang paningin niya sa binabasa nilang komiks ni Gian.

Tatlong hakbang na lang kami papalapit sa kanila nang mapansin kami ni Gian, "Ang tagal niyo naman. Nagugutom na ako e" saad nito, sinara na ni Adrian ang komiks at ibinalik iyon sa bag niya. Katulad kaninang umaga ay hindi niya pa rin kami inimik at tahimik lang siyang sumakay sa bisikleta.

Maging sa byahe pauwi, tahimik pa rin siya. Hindi ako sanay na tahimik siya ng ganito. Pakiramdam ko tuloy ang laki ng kasalanan ko. Iniisip niya sigurong sinabi ko kay Leo at Gian na manonood kami ng sine nung Sunday.

Nang madaanan namin ang tindahan ni manong Jude. Kasunod na niyon ang bahay nila Adrian, napalingon kami sa kaniya nang tumigil siya sa bahay nila at bumaba ng bisikleta. "Kidlat, mag-memerienda pa tayo kina Leo" tawag ni Gian.

"Ang sakit ng ulo ko. Next time na lang ako sasama" saad nito, kay Gian lang siya tumingin at dere-derecho nang pumasok sa loob ng bahay nila. Alam kong paboritong-paborito rin niya ang ginataan na gawa ni lolo Gil at hindi rin siya nakakatanggi sa pagkain. Alam kong may problema.

***

Kinabukasan, napatitig ulit ako kay Leo na nag-aabang ulit sa labas ng gate namin. Hindi ko pa nabubuksan ang gate pero nakita na niya ako. Sinalubong niya ako ng ngiti, "Mas maaga ka na ngayon ah" panimula niya, inagahan ko talaga ngayon para hindi na niya ako sunduin dito sa bahay dahil siguradong magtataka na sila Gian at Adrian sa ginagawa niya.

Magsasalita sana ako nang bigla siyang may inabot sa'kin. Isang chocolate. "Binigay sa'kin ni Sir Gab 'yan kagabi. Alam mo namang hindi ako mahilig sa matatamis" patuloy niya saka sumakay sa bike. Napatitig ako sa chocolate na binigay niya, alam kong hindi siya bibigyan ng ganito ni Sir Gab.

"S-salamat" iyon na lang ang nasabi ko at umangkas ako sa bisikleta niya. Pagdating namin sa tindahan ni manong Jude, si Gian lang ang nandoon habang kumakain ng isang chichirya. "Nasaan si Adrian?" tanong ko, nilunok muna ni Gian ng mabuti ang kinakain niya.

"Masama raw pakiramdam. Hindi raw siya papasok" tugon ni Gian sabay pidal sa bisikleta niya. "Hindi na ako magsasabi ng mahuli panget kasi tayong dalawa lang naman Leo ang magkakarera. Mabigat si Aries na parang baboy kaya pass muna tayo ngayon" saad ni Gian na ikinakunot ng noo ko pero humalakhak lang siya at mabilis na pinaandar ang kaniyang bisikleta.

Alas-kwatro na ng matapos ang aming huling klase. Hindi na ako nagulat nang makita ko si Leo sa labas ng classroom namin at nakasandal ulit sa pader. Hindi na rin ako natutulala nang kunin niya ang bag ko at bitbitin iyon. Lumipas ang ilang araw at halos dalawang linggo, palaging ganoon ang ginagawa niya.

Susunduin niya ako sa tapat ng bahay mismo sa umaga. Minsan ko lang din sila nakakasabay kumain ng lunch dahil kasabay ko sila Gwen at Jessica. Susunduin din niya ako sa classroom pagkatapos ng klase namin dahil mas nauunang matapos ang klase nila. At ihahatid niya rin ako mismo sa tapat ng bahay pag-uwi namin.

Araw ng huwebes, halos seryoso ang lahat dahil exam week ngayon. Pumunta ako sa library para mag-review. Hindi ako makapag-focus sa pag-aaral dahil ang ingay ng mga kaklase ko. Umupo ako sa pinakadulong upuan at inilapag sa mahabang mesa ang tatlong librong dala ko at notebook.

Marami ring estudyante ngayon dito sa library. Ito ang mga araw na seryoso muna ang lahat sa pag-aaral. Binuklat ko na ang libro ko ngunit napatigil ako nang mahagip ng mata ko ang pamilyar na lalaki na natutulog. Halos tatlong mesa ang layo ko sa kaniya pero dahil magkaharap kami kaya kitang-kita ko siya.

Tahimik siyang natutulog habang nakabukas ang kaniyang libro na sa palagay ko ay hindi naman niya nagawang basahin. Napakagat ako sa aking ibabang labi, iniisip ko kung tatabi ako sa kaniya. Gusto ko na rin siya makausap.

Sinara ko na ang libro ko at akmang tatayo na ngunit napatigil ako nang matanaw ko ang isang babaeng dahan-dahang naglalakad papalapit sa kaniya. Maingat nitong hinila ang katabing upuan at umupo sa tabi niya.

Ilang sandali pa, naalimpungatan si Adrian at bigla siyang ginulat ng babaeng iyon ng pabulong dahil bawal mag-ingay sa loob ng library. Tumawa ang babae, napangiti naman siya sabay kusot ng kaniyang mata at nag-unat ng kaunti.

Kung hindi ako nagkakamali, si Beatrice ang babaeng iyon na siyang muse ng section nila at lumalaban din sa mga beauty pageant. Maganda, maputi, matangkad, mahaba ang buhok at may dugong Australian si Beatrice.

Pa-iba-iba ng boyfriend si Beatrice at minsan na rin itong nagpapansin kay Leo pero dahil ilag siya kay Chelsea, hindi na niya tinuloy ang pagpapansin kay Leo noon. May sinabi si Beatrice sa kaniya na hindi ko marinig, hindi ko rin mabasa sa labi nito dahil biglang dumating ang ilang estudyante at umupo sa pagitan ng tatlong mesa na nasa gitna namin.

Parang pinipilit siyang bumangon ni Beatrice. Sinara na niya ang libro niya saka tumayo at sumunod sa labas. Sinundan ko sila ng tingin hanggang sa pintuan, naroon ang ibang mga kaklase nila na naghihintay din sa kanilang dalawa.

***

Kumatok ako ng tatlong beses sa kwarto ni Gian bago binuksan iyon. Napalingon siya sa'kin, may binabasa siyang sa isang notebook at pinapatugtog iyon sa keyboards. "Wala pa sila?" tanong ko, nagpatuloy lang siya sa pag-piano.

"Busy daw si Leo, hindi pa nila nauumpisahan 'yung project nila. Si Adrian naman, ganun din" tugon ni Gian habang nakatingin pa rin sa piano. Inilapag ko na lang ang dala kong gitara sa kama niya saka lumapit sa kaniya at umupo sa tabi ng keyboards.

"Mag-peperform tayo sa Christmas Party, nandoon si mayor. Kailangan mag-practice tayo" dagdag ni Gian, tiningnan ko ang notebook kung saan nakasulat ang isang kanta at ang notes nito. Binasa ko ang pamagat ng kantang iyon, 'Mapapansin Kaya'

Sinimulang patugtugin ni Gian, maganda ito pakinggan sa keyboards. Siguradong mas gaganda ito kapag nasabayan ng gitara. Kinuha ni Gian 'yung lapis niya saka binilugan ang unang stanza at chorus. "Duet ang kantang 'to. Ikaw at si Leo ang kakanta" saad ni Gian sabay abot sa'kin ng papel.

Tinuro niya muna sa'kin ang tono na madali ko namang nakuha. Naka-tatlong ulit kami bago niya ako sinabayan sa part ni Leo. Habang kinakanta ko iyon ay parang tumatagos ito sa puso ko. Hindi ko alam kung bakit parang para sa akin ang kantang iyon dahil pinapaliwanag nito ang sakit ng pagiging kaibigan lamang.

Pagkatapos namin kumanta, napatitig ulit ako sa papel kung saan nakasulat ang lyrics, "May pinagdadaanan ka ba Gi? Bakit ang sakit ng kanta mo" saad ko, inayos na ni Gian ang iba pa niyang notebook na nakakalat.

"Hindi ako may gawa niyan" tugon niya, tumayo siya saka inilapag sa study table ang iba pang mga notebook kung saan naroroo ang ibang lyrics ng kanta. "Hindi ikaw? Sino?"

"Si Adrian" napatigil ako sa sagot niya at napatitig muli sa lyrics ng kantang iyon. Gumagawa rin ng kanta si Adrian pero bihira lang. At ito ang pangalawang kanta na narinig kong gawa niya. "Hindi ka pa uuwi? Tanong ni Gian sabay kuha sa bag niya.

"Saan ka pupunta? Gabi na kaya" tanong ko, mukhang aalis siya kaya pinapalayas na niya ako. "Pupuntahan ko si Joyce. Baka kung anong gawin niya sa sarili niya" napangiti ako sa sinabi niya pero tinaasan niya lang ako ng kilay.

"Ang dumi talaga ng utak mo Aries kahit kailan" reklamo niya, "Nangangamoy concern lang e" pang-asar ko dahilan para ibato niya sa mukha ko ang isang tshirt niya na labahan. Mabilis kong binato iyon pabalik sa kaniya pero nakailag siya.

Naglakad na siya papalabas sa kwarto, "Wait, sasama ako" habol ko. Nagtataka siyang napalingon sa'kin, "Ang obvious kaya kamatis, baka kung anong isipin ni Joyce. Mas okay na sumama ako at gusto ko rin siya makausap. Kahit papaano kailangan niya rin ng mas maraming kaibigan" saad ko, tumango na lang si Gian saka dali-daling bumaba ng hagdan.

Alas-siyete na ng gabi. Habang bumabyahe kami ni Gian papunta sa bayan sakay ng bisikleta nabanggit niya si Adrian na bihira na lang sumabay sa amin papasok at pauwi. Siguro mga tatlong beses sa isang linggo na lang siya sumasabay. Sinubukan ko siyang kausapin pero sa tuwing nakikita ko ang walang imik niyang mukha ay nauunahan agad ako ng kaba.

"Yung grupo kasi nila Adrian masyadong dinidibdib 'yung project natin sa AP kaya wala na tuloy siyang time sa'tin" saad ni Gian, alam ko ang project na tinutukoy niya. May ganun din kaming project sa AP. Gagawa kami ng dayorama ng mga sikat na pasyalan sa buong mundo. Taj mahal ang ginagawa ng grupo namin.

Mga kagrupo siguro ni Adrian ang naghihintay sa kaniya kanina sa labas ng library. Siguradong kagrupo rin niya si Beatrice kaya siya tinawag nito sa loob ng library kanina.

"Sila siguro ang makakakuha ng highest score. Pag nagkataon ligtas sa exam si kidlat" tawa ni Gian, hindi naman ako umimik. Hindi rin pumasok ngayon si Leo sa Gimik resto bar. May kailangan siyang tapusing project dahil nanganganib ang grades niya. Hindi siya pwedeng bumagsak lalo na't kasama siya sa swimming team ng school. Napansin ko rin nitong mga huling araw na hindi nag-iimikan sina Leo at Adrian. Pero hindi naman nagtataka si Gian dahil hindi naman talaga pala-imik si Leo.

Narating na namin ang Gimik resto bar. Sasaglit lang kami ni Gian para alamin ang kalagayan ni Joyce. Pagpasok namin sa loob, simula na ng inuman at kwentuhan ng magkakabarkada. Nakatayo lang kami ni Gian sa sulok, sa tabi ng entrance door. May bandang kumakanta sa gitna, medyo matatanda na sila pero ang gaganda pa rin ng boses.

Nakita na namin si Joyce, abala ito sa pagkuha ng order ng mga customer. Nakatayo naman sa gilid ng stage si Sir Ched. Ngayon ko na lang ulit siya nakita, pinapanood niya ang matatandang banda na nag-peperform sa gitna.

Ilang sandali pa, nagulat kami ng marinig ang pagkabasag ng mga baso at alak sa sahig. Kasabay niyon ay sumigaw ang isang lalaki na kalbo at malaki ang tiyan. Hawak niya ang braso ni Joyce na pilit na kumakawala sa kapit niya.

Napatigil ang bandang nag-peperform sa gitna, agad pumagitna ang dalawang bouncer para awatin ang lasing na lalaki. "Mali-mali kasi ang binibigay ng babaeng 'to e, hindi naman ganito ang order namin!" sigaw ng lalaki na sinang-ayunan ng mga kasamahan nito.

Agad lumapit si Sir Ched at Sir Gab para pakalmahin ang customer. Naptingin ako sa tabi ko, gusto kong tanungin si Gian kung anong gagawin namin pero nagulat ako dahil wala na siya sa tabi ko. Nasa tabi na siya ni Joyce ngayon at agad niyang hinila ang kamay ng lalaki dahilan upang mabitawan nito ang braso ni Joyce.

Napatakip na lang ako sa bibig at dali-daling lumapit sa kanila. Gusto ko sanang awatin si Gian dahil siguradong isang pitik lang sa kaniya ng sigang lalaking iyon ay tatalsik siya. "Umalis na tayo dito" seryosong saan ni Gian na parang sinasabi niya iyon kay Joyce pero nakatingin siya ng matalim sa lalaking kalbo na parang gusto niya itong balatan ng buhay.

Nagtaka lang ang lalaking kalbo sa kaniya dahil parang inangasan siya ng high school student. Mabuti na lang dahil medyo lango na sa alak ang lalaking iyon kaya napabagsak na lang ito sa upuan. Agad naman siyang inasikaso nila Sir Ched at Sir Gab. Mabilis na sinenyasan ni Sir Ched ang banda na magpatuloy na ulit sa pagtugtog para mabaling na ang atensyon ng ibang mga customer.

Sinundan ko sina Gian at Joyce sa labas, agad pinasakay ni Gian si Joyce sa bisikleta nito at mabilis silang umalis na parang nakalimutan nila ako. Lalo na si Gian, dapat sabay kaming uuwi. Gusto ko sana siya tawagin at pigilan pero alam kong kailangan siya ni Joyce ngayon at masyado na silang malayo.

Pumasok na lang ulit ako sa loob ng Gimik resto bar at nakiusap kay Sir Gab kung pwede makitawag sa telepono nila. Magpapasundo sana ako kay mama, alam kong wala ng bumabyaheng jeep ngayong gabi pero marunong naman mag-motorsiklo si mama at kung minsan ay siya ang sumusundo noon sa akin sa school kapag ginagabi kami sa student council. Madalas siyang manghiram ng motorsiklo kay manong Jude.

Naka-limang ring pa ang telepono bago ito nasagot ng kapatid ko. "Axel, nandiyan ba si mama?"

"Nandito po ate"

"Pakausap ako kay mama"

"Natutulog na siya ate, masakit ulo ni mama kanina pa"

"Pasabi nandito ako ngayon sa bayan. Wala na akong masasakyan. Magpapasundo sana ako"

"Sige po ate wait lang"

Ilang minuto rin ang tumagal bago nakabalik sa linya si Axel, "Susunduin ka raw po ni mama, nagbibihis na siya ate"

"Sige, thank you Axel! Pakisabi sa terminal ng jeep ako maghihintay"

Alas-diyes na ng gabi pero wala pa rin si mama. Pilit kong ginagalaw ang binti ko dahil malamok dito sa terminal ng jeep. Halos wala ng tao sa paligid bukod sa isang nanay na nagtitinda ng balot at penoy sa tabi. Kinausap niya rin ako kanina, akala niya naiwan ako ng mga provincial bus.

Naglakad-lakad ako sandali, nakasuot ako ng orange tshirt na merchandise shirt ng Eraserhead, regalo ito sa'min ni Chelsea noong nakaraang pasko. Niregaluhan niya kaming dalawa ni Tim. Suot ko rin ang jogging pants na P.E uniform namin na pinag-lumaan ko na.

Ilang sandali pa, natanaw ko na sa malayo ang paparating na bisikleta. Napatigil ako sa paglalakad-lakad at napatulala sa paparating. Hindi pa naman malabo ang mata ko pero paano niya nalaman na nandito ako?

Tumigil siya sa tapat ko sakay ng kaniyang bisikleta. Akala ko si mama ang susundo sa'kin. "Okay ka lang?" tanong niya, parang hinahabol niya rin ang kaniyang paghinga. Hindi biro ang ginawa niyang pag-bisikleta mula sa amin hanggang dito sa terminal ng jeep sa bayan.

Hindi ako nakapagsalita, hindi ko namalayan na nakatulala lang ako sa kaniya. Inilibot niya ang kaniyang mata sa paligid. "Dapat sa gimik bar ka na lang naghintay. Delikado dito, paano kung may mapadaan na lasenggo" patuloy niya. agad ako napaiwas ng tingin. Nilingon ko na lang ang paligid, mukhang tama nga siya. Walang katao-tao at ang dilim pa dito. Pero hindi naman ako natakot kanina kasi kasama ko naman yung ale na nagtitinda ng balot.

Magsasalita pa sana ako pero nagsalita na siya, "Sumakay ka na" mas mahinahon na ang boses niya. Umangkas na ako at humawak sa baywang niya. Sinimulan na niyang paandarin ang bisikleta, halos sarado na rin ang lahat ng mga tindahan at kabahayan dito sa bayan. Tama nga siya, delikado na sa terminal ako naghintay.

Galit na galit din kasi si Sir Gab kanina kay Joyce at ang mas ikinakatakot niya ang malaman na may pinapapasok silang menor de edad kaya umalis na rin ako baka magkahulihan pa. "Bakit ka ba pumunta sa gimik bar kahit wala naman doon si Leo" tanong niya habang tinatahak namin ang daan pauwi. Ngayon ko na lang ulit siya nakausap ng ganito, kahit papaano nabawasan na ang pag-aalala ko dahl kinakausap na niya ako ulit.

"Hindi naman si Leo ang pinuntahan namin. Kasama ko si Gian kanina, pupuntahan namin si Joyce" sagot ko, napahawak ako ng mahigpit sa kaniya nang mapadaan kami sa lubak na kalsada.

"Si Kamatis? Nasaan siya? Bakit iniwan ka niya doon?" sunod-sunod niyang tanong at lumingon pa siya sa'kin. Para siyang tatay na handang bugbugin ngayon si Gian dahil nagawa akong iwan sa bayan.

"Nagkaroon kasi ng gulo kanina kaya nilayo ni Gian si Joyce doon. Hindi na ako humabol, may mabigat ding pinagdadaanan si Joyce kaya hinayaan ko na sila" tugon ko, kahit nakatalikod siya sa'kin kitang-kita ko kung paano sumingkit ang mata niya sa inis kay Gian. Sila ni Gian ang madalas magtalo, mag-asaran at mag-wrestling.

Magsasalita pa sana siya kaya lang biglang umabon hanggang sa bumagsak ang ulan. Dali-dali kaming sumilong sa pinakamalapit na waiting shed ng purok dos. Sa purok singko pa kami nakatira kaya medyo malayo pa.

Hindi naman kami masyado nabasa, bukod sa braso at buhok. May isang maliit na dilaw na ilaw sa waiting shed. Doon muna kami nagpatila ng ulan, naupo ako sa kabilang dulo. Nasa kabilang dulo naman siya pero mga dalawang metro lang ang layo namin sa isa't isa.

Napatingin ako sa kaniya, hinahawi niya ang buong niya. Wala siyang dalang panyo o bimpo. Ganun din ako, wala rin akong dala. "P-paano mo pala nalaman na nasa bayan ako?" ilang beses ko pang inayos sa utak ko ang tanong na iyon bago ko nagawang sabihin sa kaniya.

"Pumunta ako sa bahay niyo kanina nang marinig ko na kausap ka ni Axel sa telepono" tugon niya, tumingin siya sa'kin sandali saka nagpatuloy sa pagpunas sa braso niya. "Bakit ka pumunta sa bahay?" tanong ko ulit, nabasa ko sa mukha niya na parang hindi niya inaasahan na itatanong ko iyon.

"Ah, manghihiram sana ako ng reviewer" hindi ko masabi kung nagdadahilan lang ba siya o ano. Pero madalas naman din talaga silang humiran ng reviewer sa'kin lalo na kapag malapit na ang exam. Naalala ko bigla 'yung mga ngiti ni Beatrice sa kaniya sa library. May oras siya para makapag-review pero pinili niyang matulog doon at makipag-ngitian kay Beatrice.

"Narinig ko na pala kanina 'yung Mapapansin Kaya" wika ko, patuloy lang ang pagbagsak ng ulan. Ang tagal ko na rin siyang hindi nakausap kaya parang ang dami ko tuloy gustong itanong at pag-usapan naming dalawa katulad ng dati.

Ngumiti lang siya ng kaunti, hindi niya tinanong kung maganda ba o kung may suggestion ako sa lyrics o arrangement ng kanta. Hindi ako sanay na ganito siya kaya nilakasan ko na ang loob ko at tumingin muli sa kaniya.

"Hindi ko sinabi kay Leo o Gian na manonood dapat tayo ng sine. Hindi ko alam kung paano nalaman ni Leo na nasa bayan tayong dalawa" mabilis kong wika, para akong bata na umamin sa magulang na wala talaga akong kasalanan.

Nakatingin lang siya sa lupa na ngayon ay maputik na dahil sa ulan. Ngumiti siya habang nakatingin doon, "Wala 'yon. Tapos na 'yon" saad niya saka ngumiti sa'kin ng kaunti pero parang sinasabi ng mga mata niya na hindi pa tapos.

Sinubukan kong magsalita pero hindi ko na alam ang susunod na sasabihin ko. Hindi ko na dapat pinatagal ng ganito. Tuluyan na tuloy nabaon at parang ang awkward na pag-usapan ulit. Nabalot na naman kami ng katahimikan.

Tanging tunog lang ng ulan na tumatama sa bubuong ng waiting shed na gawa sa yero ang naririnig namin. Madalang ang pagdaan ng sasakyan, kaunti na ang bumabyahe kapag gabi lalo na ang mga provincial bus.

Ilang minuto pa kaming nanatili roon, tiningnan ko ulit siya. Nakatitig lang siya sa basang kalsada na patuloy binabagsakan ng tubig ulan. Nasa gitna namin ang bisikleta niya na ngayon ay nababalot na rin ng putik ang gulong nito.

Napahinga muli ako ng malalim saka lumingon sa kaniya, "A-ano nga pala yung sasabihin mo dapat sa'kin nung bago tayo mag-perform sa contest?" pagbasag ko ng katahimikan. Alam kong mas lalo kong hinuhukay ang mga nabaon na pangyayaring iyon pero gusto kong malaman kung ano ba ang sasabihin niya noong araw na iyon.

Tumingin siya sa'kin, parang binabasa niya ang mga mata ko kung dapat niya bang sabihin o hindi. Ngumiti ako ng kaunti para pagaanin ang paligid, "Ang sabi mo sasabihin mo sa'kin kapag nanalo tayo. Nabanggit mo rin 'yun nung nasa sinehan tayo pagdating ko" patuloy ko, hindi ko magawang dugtungan. Alam naman naming hindi niya natuloy ang sasabihin niya noong araw na iyon dahil biglang dumating si Leo.

Nakatitig lang siya ng derecho sa'kin, ilang segundo pa ang lumipas bago niya nagawang magsalita. "Wala na rin iyon" tugon niya saka ngumiti ng marahan.

"Wag mo nang isipin kung ano iyon. Kalimutan mo na, Aries" patuloy niya nang may ngiti na parang hindi naman nangangahulugan na masayang ngiti.

"Bakit?" tanong ko, hindi ko alam bakit parang ang bigat ngayon ng puso ko.

"Dahil kakalimutan ko na rin" wika niya sabay ngiti muli ng kaunt na para bang sinasabi niya sa'kin na naiintindihan na niya at tinatanggap na niya lahat.


*********************

#LeoAndAries on twitter

Note: Pakinggan niyo ang "Mapapansin Kaya" original song by Leah Buo ft. Alcin. Please like, comment and subscribe sa kaniyang youtube channel. Maraming salamat!

"Mapapansin Kaya" by Leah Buo ft. Alcin

Continue Reading

You'll Also Like

5.6M 182K 22
May isang pinaniniwalaang alamat ng Karagatan na kung saan may mga sirenang nagbabantay ng mahiwagang Perlas sa Hilaga, Timog, Silangan at Kanluran n...
11.6K 357 28
"I love to hear lies when i already know the truth" - Sierra Lexine Carter Ragucci
1.8M 89.1K 18
a chasing hurricane and stay awake agatha side-story.
1.6K 98 7
Suffering from inoperable lung cancer, Aubree already accepted that her life appears to be literally out of breath. Amidst her critical condition, th...