Leo and Aries

By UndeniablyGorgeous

3.9M 148K 112K

Four high school students living in a world of complicated first love, dream and friendship. (year 1996) Note... More

Foreword
Chapter 1
"Ito na ba" Lyrics
Chapter 2
"Lost in Your Love" Lyrics
Chapter 3
"Just Stay" Lyrics
Chapter 4
"Pareho ng Damdamin" Lyrics
Chapter 5
"Balang Araw" Lyrics
Chapter 6
"Without You" Lyrics
Chapter 7
"This Love Hurts" Lyrics
Chapter 8
"Awit" Lyrics
Chapter 9
"Afflictive Love" Lyrics
Chapter 10
"My First Your Last" Lyrics
Chapter 11
"You and Me" Lyrics
Chapter 12
"Abot Kamay" Lyrics
Chapter 13
"Gusto Kita" Lyrics
Chapter 14
"Rollercoaster Ride" Lyrics
Chapter 15
"Farewell Love" lyrics
"Kahit Takot Pa" Lyrics
Chapter 17
"Patawad" Lyrics
Chapter 18
"Mapapansin Kaya" Lyrics
Chapter 19
"Bittersweet" (Goodbye Song) Lyrics
Chapter 20
"Bayle" Lyrics
"Adik" Lyrics
Epilogue
"Walang Iwanan" Lyrics
Acknowledgement
Other Stories

Chapter 16

72.7K 3.3K 2.9K
By UndeniablyGorgeous

[Chapter 16] Featured Song: "Kahit Takot Pa" by Marc and Rapha

Natauhan ako nang magpalakpakan ang mga tao nang matapos na ang kanta. Ngumiti ng bahagya si Adrian saka tumingin sa lalaking kakatapos lang kumanta at tulad ng iba ay nakisabay siya sa palakpakan ng lahat.

Magsasalita sana ako kaya lang tumunog ang pager niya at agad niya itong binasa. "Si Lola Amor?" tanong ko, tumango siya at napahinga siya ng malalim. "Okay na raw si lolo, may natira pang gamot sa bahay at nakatulog na raw siya" sagot niya at ibinulsa na niya ang pager. Nakahinga na rin ako ng maluwag kahit papaano.

Tumingin siya sa relo, "Gusto mo bang magpustahan?" tanong niya sabay ngiti. Sa kanilang tatlo, si Adrian talaga ang mahilig makipag-pustahan o anuman na may kinalaman sa pakikipag-kompitensiya. "Kung sinong matalo kailangan niyang sundin ang utos ng nanalo" ngiti niya na parang alam niyang siya ang mananalo sa aming dalawa.

Hindi ko alam kung dapat ba akong mag-enjoy at maglaro dito sa perya kahit pa puno ng galit at sakit ang puso ko dahil kay mama. "Ano? Game ka?" ngiti pa niya. Tatanggi sana ako pero bigla siyang nagsalita "Okay, Game! Silence means yes!" saad niya saka naglakad papunta sa gilid kung saan niya itinabi sandali ang bisikleta at nilagyan ng kadena ang gulong nito.

Nakatayo lang ako sa gitna habang nakatingin sa kaniya. Ilang sandali pa, tumayo na siya at tumakbo papalapit sa'kin. "Maglalaro tayo ng tatlong game. At para hindi mo isiping mandadaya ako, ikaw ang pipili ng tatlong game. Okay ba?" ngiti niya habang winawasiwas sa ere ang kamay niya na parang handang-handa na niyang lampasuhin ang lahat ng laro dito sa perya.

Hindi ko alam pero sa pagkakataong iyon ay nakatitig lang ako sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit hindi ako makatanggi at humindi sa gusto niyang mangyari. Alam niyang malungkot ako ngayon pero hindi niya pinaparamdam sa'kin na dapat akong malungkot. Hinihintay ko na itanong niya sa'kin kung bakit magkasama sina mama at mayor Simon pero parang gusto niyang iparamdam sa'kin na hindi niya nakita iyon at wala akong dapat ikabahala.

"Nagdududa ka ba sa'kin na baka mandaya ako? Hindi nga promise. Kay Gian at Leo lang ako mandadaya" tawa niya, marami kasi siyang alam na tricks sa baraha, arcades at playstation kaya lagi kaming nagagalit kapag siya ang nananalo pero tinatawanan niya lang kami kahit pa alam namin na ginamitan niya kami ng tricks.

"Ano? Game?" hirit pa niya, napahinga na lang ako ng malalim. Maganda rin ang ihip ng hangin ngayong gabi kaya sayang lang kung magmukmok lang ako. Tumango ako at naglakad na papunta sa color game. Tuwang-tuwa si Adrian na sumunod sa'kin sabay lapag ng pusta niya sa mesa. "Limang piso para sa asul!" ngiti ni Adrian. Mukhang na-weriduhan naman si manong sa kaniya na nag-aasikaso ng mga taya sa color game.

Nilagay ko lang 'yung akin sa puti. Hinila na ni manong ang tali dahilan para mahulog ang bloke at gumulong ito pababa, ang kula ng bloke na nasa ibabaw ang siyang panalong kulay. Napasigaw si Adrian dahil siya ang nanalo.

"Oh, walang daya 'yon ah" habol niya sa'kin nang umalis na ako sa larong iyon. Hindi niya alam na natatawa na lang ako kasi halos nawindang at nagulat sa kaniya ang mga tao sa paligid dahil sa pagsigaw niya sa tuwa.

Tumigil ako sa isa pang laro. Mga latang nakahelera sa malayo at kailangang patumbahin iyon gamit ang pellet gun. "Sisiw sa'kin 'yan Aries hays" saad ni Adrian, nauna na akong naglaro sa kaniya. Paboritong laro rin ni Axel ang baril-barilan kaya madalas kaming naglalaro niyon. Sunod-sunod kong natamaan ang limang lata dahilan upang manalo ako ng isang malaking chichirya.

Natulala lang si Adrian pero tumawa lang din siya at sinabihan akong sinuwerte lang ako. Pumwesto na siya saka sunod-sunod na pinatamaan ang mga lata pero ni isa ay wala siyang napatumba. "Manong, may sira ata 'tong baril niyo" saad niya sabay abot kay manong ng baril. Kumuha ito ng bago saka inabot kay Adrian. Pinatamaan niya ulit ang mga lata pero wala pa rin siyang napatumba.

"Lipat na nga lang tayo. Sira talaga 'yung mga baril nila" bulong sa'kin ni Adrian at nauna na itong naglakad papunta sa kabilang laro. Hindi ko mapigilang mapangiti dahil hindi niya matanggap na wala man lang siyang tinamaan kahit isa.

Tumigil siya sa tapat ng BINGO. Nakatingin lang siya doon habang punong-puno ng mga matatanda ang palibot ng larong iyon. Sumunod na ako sa kaniya, tumingin muna ako sa kaniya bago umupo roon. "Aries" tawag niya, hindi niya siguro inaasahan na BINGO ang magiging huling laro namin.

Wala na siyang nagawa nung humingi na ako ng dalawang BINGO card at nagsimula na ang laro. Umupo na siya sa tabi ko. Napapalibutan kami ngayon ng mga lolo, lola, ale at manong na halos buong gabi ata maglalaro sa perya. Kaming dalawa lang ang pinakabata roon.

Lumipas ang halos kalahating oras. Malapit nang mapuno ang akin. Hindi naman mapakali si Adrian dahil kaunti pa lang ang tumatamang letra at numero sa kaniya. "Sa Letrang B. Katorse!" anunsyo ng lalaki gamit ang megaphone. Napatayo ako sa tuwa dahil iyon na lang ang huling bakanteng letra at numero sa akin. "Bingo!" sigaw ko. Napangiti naman ang ilan sa mga matatanda dahil naunahan ko pa silang maka-bingo.

Nanalo ako ng isa pang malaking chichirya at hindi na ngayon maalis ang ngiti sa labi ko dahil sa tuwa. Hindi ko inaasahan na sweswertihin nga ako ngayong gabi. Naglalakad na kami ngayon ni Adrian pabalik sa lugar kung saan niya iniwan ang bisikleta niya. Nauuna siyang maglakad sa'kin, gusto ko siyang asarin ngayon dahil ako ang nanalo sa pustahan naming dalawa.

Naglakad ako ng mabilis saka tiningnan ang hitsura niya. "Bakit?" nagtataka niyang tanong, medyo nagulat pa siya sa ginawa ko at napatigil sa paglalakad. "Akala ko napikon ka" saad ko, ngumiti naman siya saka natawa. "Mukhang papahirapan mo ako kasi ikaw ang nanalo" saad niya, nakarating na kami sa bisikleta niya at tinanggal na niya ang maliit na kadena nito saka inilagay sa bag.

"Ikaw rin naman, siguradong mahirap ang i-uutos mo'sakin kung ikaw ang nanalo" bawi ko sa kaniya. Sumakay na siya sa bisikleta. "Baka utusan mo na naman akong maging Sisa sa harap ng maraming tao" habol ko, tumawa lang siya saka umiling. "Tara na, mag-hahatinggabi na" saad niya, lumapit ako sa kaniya saka inabot ang isang chichirya.

"Tig-isa na lang tayo. Hindi naman ako mahilig sa chichirya" saad ko saka umangkas sa likod niya. "Ibigay mo na lang kay Axel" saad niya, inilagay ko na sa bag ko ang isang chichirya habang hawak naman niya ang isa.

"Ibibigay ko na 'to sa kaniya. Hindi siya pwedeng kumain ng maraming chichirya" saad ko, tumango-tango na lang siya saka inilagay sa bag niya ang chichiryang binigay ko at nagsimula na kaming umalis sa perya.

Habang tinatahak namin ang daan pauwi. Nakatingala lang ako sa langit kung saan kumikinang ngayon ang milyon-milyong bituin. Ilang sandali pa, itinigil ni Adrian sa tabi ang bisikleta. "Bakit?" tanong ko, "Gusto ko munang magpahinga, ang sakit na ng paa ko" tugon niya saka bumaba ng bisikleta at naglakad papunta sa malawak na damuhan.

"Dahil ba mabigat ako?" habol ko, narinig ko naman ang pagtawa niya kahit nakatalikod siya at naglalakad papunta sa damuhan. "Oo, kaya mag-exercise ka na" pang-asar niya sabay lingon sa'kin at umupo siya sa damuhan sabay higa roon.

Pinagmasdan kong mabuti ang paligid. Naalala ko na ito ang lugar kung saan kami naglalaro noon ng saranggola noong mga bata pa kami. Bumaba na ako sa bisikleta at naglakad papalapit sa kaniya. "Baka hinahanap na tayo ni Lola Amor" saad ko pero nanatili lang siyang nakahiga roon habang nakapikit ang kaniyang mga mata. "Iidlip muna ako sandali. Alam naman ni lola na maya-maya pa tayo makakauwi" tugon niya, sabagay alam naman nila na hinihintay namin si Leo matapos sa part-time job niya kapag biyernes ng gabi.

Umupo na rin ako sa damuhan, ingay ng kuliglig ang naghahari sa kapaligiran. Sariwa at malamig din ang ihip ng hangin. Makalipas ang ilang minuto, humiga na rin ako sa damuhan saka muling tinitigan ang mga bituin sa kalangitan. Tumingin ako sa kaniya, nakapikit pa rin siya habang dinadama ang sariwang hangin. "Alam kong nakita mo 'yung kanina" panimula ko, dahan-dahan naman niyang iminulat ang kaniyang mga mata

"Alam mo ba Aries..." panimula niya dahilan upang mapalingon ako sa kaniya. Nakamulat na ang mga mata niya at nakatingin din siya sa mga bituin. "Na-curiuos ako dati kung bakit ka mahilig sa zodiac sign. Tinanong ko si mama nung minsang umuwi sila ni papa dito sa Pinas. Ang sabi niya sa'kin, paniniwala raw 'yon noon ng mga tao lalo na sa China. Pero kahit sino pwede namang maniwala. Depende sa tao kung gusto nila o hindi. Wala namang mawawala diba?"

Ibinaling ko ulit ang paningin ko sa mga bituin sa langit. "Si papa ang mahilig maniwala sa mga zodiac sign, ganoon din si mama pero mas naniniwala si papa. Siya rin daw ang nagpangalan sa'kin, ang gusto ni mama, Jane lang ang pangalan ko pero sabi ni papa mas maganda raw kung Aries. At dahil hindi sila magkasundo kung anong ipapangalan sa'kin, dinalawa na nila" saad ko at napangiti na lang ako sa sarili noong maalala ko ang araw na iyon kung saan ikinuwento iyon sa'kin ni papa noong bata pa ko habang pinapanood namin ang mga bituin sa langit.

Narinig ko ang malalim na paghinga ni Adrian sabay tingin muli sa langit at tinuro iyon, "Madalas nakatingin lang din ako sa mga bituin, kinakausap ko rin sila sa isip ko kasi alam kong hindi nila ako huhusgahan tulad ng ibang tao. Kung gusto mo, kung kaya mo na, pwede naman akong maging bituin na handang makinig sa mga iniisip mo" saad niya sabay tingin sa'kin dahilan upang matigilan ako at mapatingin din sa kaniya.

Kasabay niyon ang marahang pag-ihip ng hangin. "Pero kung hindi ka pa handa, okay lang kahit hindi. Kaya ko namang maging bituin na natatakpan ng ulap. Sabihin na nating hindi ko na lang narinig at nakita kung anuman ang iniisip mo ngayon. Kaya kong gawin 'yon para lang hindi ka mailang" patuloy niya sabay ngiti, parang unti-unting nawawala ang bigat ng pakiramdam ko dahil sa mga sinabi niya at sa ngiti niyang iyon. Hindi ko akalain na darating ang araw na ito na makakausap ko ng ganito ka-seryoso si Adrian.

Bigla siyang tumawa, palagi niyang pinapagaan ang mabibigat na sitwasyon at tensyon sa pagbibiro at pagtawa. "Inaantok na talaga ako, nanaginip na ata ako ngayon, kung anu-ano na ang pinagsasabi ko" tawa niya saka niya muling ipinikit ang kaniyang mga mata para umidlip sandali.

Muli kong pinagmasdan ang langit. Sa dami ng bituin dito sa langit, nakalimutan ko na pwede rin pala ako magsabi sa ibang bituin. Nakalimutan ko na nandito rin pala sina Adrian at Gian na handa ring makinig sa'kin. Habang lumalaki kami, si Leo lang ang nakakausap ko sa mga ganitong bagay dahil alam ko ang lahat ng pinagdadaanan niya ng kanilang lolo. Sa kanilang tatlo, nakatuon lang noon ang pansin ko kay Leo dahil kumpara sa kanilang dalawa ay siya lang ang hindi buo ang pamilya tulad sa'kin.

Siguro dahil hindi rin buo ang pamilya ko kaya alam kong madaling maiintindihan ni Leo ang sitwasyon ko. At sa bagay na iyon, nakalimutan ko na pwede ko rin palang sandalan sina Adrian at Gian.

Ipinikit ko na lang din ang mga mata ko, "Namimiss ko na si papa. Sana hindi na lang siya namatay. Sana nandito pa siya" Sa pagkakataong iyon ay hindi ko na mapigilang maluha. Ayoko sanang isipin pero hindi ko mapigilan. Naaawa ako sa kaniya, mag-isa lang kaya siya ngayon sa loob ng isang bituin? Siguradong nalulungkot siya at namimiss na rin niya kami.

Ramdam kong nakatingin na siya sa'kin ngayon pero pinili kong 'wag siyang tingnan at pilit na punasan ang mga luhang magtatangkang lumabas sa mga mata ko. "Hindi ko rin alam kung anong dapat kong maramdaman. Nagagalit ako kay mama pero naaawa rin ako sa kaniya. Palagi siyang umiiyak noon mag-isa sa kwarto at niyayakap ang picture ni papa. Ilang gabi ko siyang naaabutang ganon lalo na noong bata pa ako hanggang sa naging bihira na lang at ngayon hindi na.

"Ang sakit lang malaman na 'yung taong minsan mong minahal ng lubos. Alaala na lang siya ngayon. Hanggang alaala na lang" patuloy ko, hindi siya nagsalita, nanatili lang siyang nakikinig.

"Naisip ko na umalis na lang sa bahay. Pero hindi ko alam kung saan ako pupunta. Ayoko rin iwan si Axel sa ibang pamilya. Nung nakita ko si mama, gusto ko siyang sigawan pero hindi ko alam bakit hindi ko magawa. Gusto ko siyang tanungin at paghiwalayin sila ni Mayor Simon pero natatakot akong marinig kung anong dahilan. Siguro dahil natatakot akong malaman na mas mahal niya si mayor Simon kaysa kay papa. Nasasaktan ako para kay papa, siguradong masakit para sa kaniya na malaman na may lalaking mas higit na minahal si mama" hindi ko na mapigilan ang mga luha ko, ang bigat sa dibdib pero parang unti-unti ring gumagaan ang dinadamdam ko dahil nailalabas ko na ngayon lahat.

"Hanggang sa naisip ko na tama ang sinabi ni Leo, 'wag kong sirain ang lahat. Natatakot ako na kapag inaway ko si mama, iwan niya kami ni Axel at sumama siya kay Mayor Simon. Kung pipiliin naman niya kami, ayoko namang dumating 'yung araw na makita ko siyang malungkot. Parang pinagdadamot ko sa kaniya na maging maligaya. Ano bang laban ng alaala ni papa sa kung anong meron sa kanila ni mayor Simon ngayon? Tama ba na maging selfish ako at ipagdamot ang kaligayahan ni mama?" umupo na ako, hindi ko na mapigila ng sunod-sunod na pagdaloy ng mga luha ko.

Umupo na rin siya habang nakatingin pa rin sa akin, "Gusto kong ipagdamot si mama kahit isang beses lang pero nakita ko kasi kung paano siya naghirap mag-isa at nalungkot ng ilang taon mula nang mawala si papa. Ngayon ko na lang ulit siya nakitang masaya. Pero paano naman ako? Paano naman ang nararamdaman namin ni Axel?" sa mga sandaling iyon, naramdaman ko ang mahinang pagtapik ni Adrian sa balikat ko hanggang sa yakapin niya ako.

"Natanong ko dati si lola, bakit palagi niyang binibigay 'yung huling piraso ng mani kay lolo kahit pwede naman niya kainin iyon. Alam kong paborito niya 'yun. Ang sabi niya sa'kin, paborito rin daw iyon ni lolo, at masaya siya kapag nakikita si lolo na masaya sa huling maning iyon. Hindi ko noon maintindihan bakit ginagawa pa 'yun ni lola, hindi ba dapat mas unahin niya ang sarili niya. Pero nagulat ako sa sagot niya, mahal daw talaga niya kasi si lolo kaya makita niya lang na masaya si lolo, masaya na rin siya"

Patuloy niyang tinatapik ang likod ko, "Ganun daw ang totoong pag-ibig. Hindi makasarili. Masaya ka na basta alam mong masaya ang taong mahal mo. May mga bagay na hindi natin kayang kontrolin, pero magagawa nating kontrolin ang ating emosyon at pag-unawa. Alam kong alam mo sa sarili mo Aries ang dapat mong gawin. Oo, masakit na may higit na minahal ang mama mo kaysa sa papa mo pero sa tingin mo ba kung makakausap mo ang papa mo ngayon, ipagdadamot niya ang kaligayahan ng mama mo?"

Unti-unti akong tumigil sa pag-iyak habang nakakulong pa rin sa yakap niya. "Sa tingin mo ba, mas mahal ng mama mo si mayor Simon para iwan kayong dalawa ni Axel ng ganon? Kasi kung gagawin 'yun ni tita Glenda, nandito naman kaming lahat para sa inyo ni Axel. Makakatikim ng hampas ng walis si tita Glenda mula kay lola" dagdag niya, hindi ko alam pero bigla akong natawa sa sinabi niya. Malambing si lola Amor pero matindi rin siya magalit, madalas niyang habulin noon sa labas ng bahay si Adrian kapag ayaw nitong matulog sa hapon noong mga bata pa kami.

Umupo na ako ng maayos saka pinunasan ko ang mga luha ko, tumatawa na rin siya ngayon kasi para akong sira na umiiyak lang kanina pero tumatawa ngayon dahil sa sinabi niyang pamamalo ng walis ni lola Amor. "Kamukha mo na si Sisa" biro pa niya, hahampasin ko sana siya pero agad siyang tumayo at tumakbo at patuloy akong inasar. Hindi naman ako nagpatalo, hinabol ko siya sa kalagitnaan ng gabi na ngayon ay napalitan na rin ng tawanan.

***

Pagdating ko sa bahay, naabutan ko si mama sa kusina. Umiiyak siya mag-isa roon habang tinitingnan isa-isa ang mga litrato namin kasama si papa. Napatigil siya nang makita niyang paakyat na ako ng hagdan. "Aries" tawag niya. "Sandali..."

Tumayo siya saka hinawakan ang kamay ko, nasa ikalawang baytang pa lang ako ng hagdan. "Sorry, anak" hagulgol ni mama saka hinawakan ng mahigpit ang kamay ko. Nanatili lang akong nakatalikod sa kaniya, masakit din sa'kin na marinig na umiyak ng ganoon si mama.

"Sorry dahil hindi ko agad sinabi sa inyo. Patawarin mo ako anak kung nagsinunggaling ako. Okay lang na magalit ka sa'kin pero 'wag niyo akong iwan ni Axel please" pagsusumamo ni mama, nakaluhod na siya ngayon sa hagdan.

"Iniwan ko na si Simon. Alam kong hindi tama. Kasalanan ko lahat 'to, masyado ako nagpadala sa sarili ko. Hindi ko inisip ang mararamdaman niyo, lalo ka na anak. Patawarin niyo ako, naging masama ang mama niyo" hagulgol ni mama na halos lumuhod na sa hagdan. Ang bigat sa dibdib, sumisikip ang puso ko.

Dahan-dahan akong napalingon sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit biglang lumambot ang puso ko. Naalala ko rin ang lahat ng sinabi ni Adrian kanina. Akala ko pipiliin ngayon ni mama ang sarili niyang kaligayahan. Sandali ko siyang pinagmasdan habang patuloy din ang pagbagsak ng mga luha ko. Ngayon ko lang nakitang umiyak ulit ng ganito si mama, ang huli ay noong namatay si papa.

Bata pa lang ako noon, hawak-hawak ni mama ang kamay ko habang naglalakad kami pauwi sa bahay. Sinundo niya ako sa school. May hawak akong lollipop habang tumatalon-talon sa daan at kinakanta ang ginawa naming kanta ni papa tungkol sa mag-tatay na uod bago siya sumakay ng barko ilang araw pa lang ang nakakaraan.

Seaman si papa, ang sabi ni mama malaking barko raw ang sinasakyan ni papa na kinakargahan ng mga cargo. Nakakarating daw sa iba't ibang bansa si papa, kapag dumadaong ang barko sa isang bansa. Nakakatawag sa amin si papa. Madalas ko siyang kinakantahan at nag-duduet din kami sa telepono.

Pagdating namin ni mama sa bahay namin sa Manila. Naabutan namin doon ang asawa ng kaibigan ni mama na Seaman din at katrabaho ni papa sa barko. Umiiyak sila, hanggang sa bumagsak na lang si mama sa sahig. Dumating ang iba naming kapitbahay at nakita ko lahat sa mga mukha nila ang pagkabigla at luha dahil sa balita.

Lumubog ang barkong sinasakyan nila papa. Inabutan ito ng bagyo, halos kalahati sa mga nagtatrabaho sa barkong iyon ang nakaligtas. Habang ang kalahati naman kasama ang kapitan ng barko ay namatay. Hinatid namin si papa noong isang araw sa airport na masaya, kumaway pa siya sa akin at sinabing tatapusin namin ang kanta na nasimulan namin pero mukhang hindi na mangyayari iyon dahil wala na siya.

"Patawarin mo ako anak" paulit-ulit na wika ni mama. Naalala ko ulit ang sinabi ni Adrian, kung muli kong aalalahanin kung anong klaseng tao si papa. Alam ko na hindi siya makasarili. Na hindi niya ikukulong si mama sa kalungkutan.

Dahan-dahan akong naupo sa hagdan habang pinagmamasdan si mama. Hindi ako kumawala sa pagkakahawak niya ng mahigpit sa kamay ko. Alam kong mahal niya kami kung kaya't handa na siyang talikuran ang sarili niyang kaligayahan.

Sa pagkakataong iyon, ang tanging nagawa ko na lang ay hayaan siyang yakapin ako ng mahigpit habang paulit-ulit siyang humihingi ng tawad.

***

Araw ng lunes sa school, naglalakad ako mag-isa sa hallway nang makasalubong ko si Chelsea. Nagkatinginan kami pero pareho naming pinili na umiwas ng tingin hanggang sa malagpasan namin ang isa't isa. "Aries" napatigil ako nang marinig kong tinawag niya ang pangalan ko.

"Hindi ko alam na mama mo pala si tita Glenda" patuloy niya, lumingon ako sa kaniya. "My dad told me na hiniwalayan na siya ni tita Glenda kagabi" dagdag niya. Nakikita ko sa mga mata niya na naroon ang panghihinayang. Alam kong matagal na niyang pinangarap na magkaroon ng ina. Hindi ko rin siya masisisi kung napalapit siya kay mama.

Tiningnan ko siya ng mabuti. Posibleng maging pamilya rin namin sila. "I'm okay with you... Before. You're like a sister to me. But now, I don't know. Siguro kasi hindi ko kayang makita ka. Ikaw 'yung pinili niya" napakunot ang noo ko sa sinabi niya.

"Gusto mo bang ikaw ang piliin ni mama?" derecho kong tanong sa kaniya. Hindi ako palaaway at hindi pa kami nag-aaway ni Chelsea kahit kailan pero hindi ko nagustuhan ang sinabi niya. "It's not what I mean..." tugon niya saka tumingin ng derecho sa akin. "It feels like, lahat ng taong nagugustuhan ko. Ikaw ang pinipili" patuloy niya sabay talikod sa'kin at nagpatuloy na siya sa paglalakad.

***

Halos nakauwi na ang lahat. Naiwan ako sa classroom dahil tinatapos ko pa ang mga assignments na kailangan kong ihabol nang um-absent ako ng ilang araw. Habang nagsusulat ako sa notebook, napatigil ako sandali at napatingin sa gitarang nakasandal sa tabi. Sa kaklase ko iyon, madalas niya lang iwan sa classroom ang gamit niya kaya palaging na-coconfiscate ng teacher.

Binitawan ko na ang ballpen saka tumayo at naglakad papalapit sa gitara na nakasandal sa pader. Kinuha ko iyon saka umupo sa malapit na upuan. Nakaharap ako ngayon sa bintana ng classroom namin kung saan natatanaw ko sa baba ang malaking soccer field.

May iilang estudyante na nag-papractice doon ng sayaw para sa fiesta dahil magkakaroon ng parada. Habang ang ilan naman ay nakatambay lang sa bleachers. At ang ilan naman ay naglalakad na papalabas sa gate.

Sinimulan kong kalabitin ang gitara, makulimlim ang langit. Tuluyan nang nakaalis ang bagyo noong isang araw pero madilim pa rin ang langit. Parang naiipon lang doon sa mga ulap ang mga luha. Pinipigilan din nito ang pagbagsak ng ulan tulad ng taong ginagawa ang lahat upang pigilin ang pagbagsak ng kaniyang luha.

Ipinikit ko ang aking mga mata at nagsimulang kumanta. Ang kantang ito, "Kahit Takot Pa" ay ang kasalukuyang nararamdaman ko. Bakit ang hirap maging masaya para sa kasiyahan ng taong mahal mo? Bakit ang hirap hanapin ang sagot?

Nang matapos akong kumanta, agad kong pinunasan ang luha na natuyo na sa aking pisngi. Napatingin ako sa relo, saka agad tumayo dahil malapit na palang dumilim. Ibinaba ko na ang gitara sa pwesto nito saka bumalik sa upuan ko ngunit napatigil ako nang makita ko si Leo na nakatayo sa tapat ng pintuan.

Nakatingin lang siya sa'kin na parang nalaman na niya ang lahat ng nararamdaman ko dahil sa kantang iyon. Umiwas na lang ako ng tingin sa kaniya saka nagmamadaling niligpit ang gamit ko, alam kong wala naman siyang kasalanan. Naiintindihan ko rin na mahirap din sa kaniya ang sabihin sa'kin ang totoo tungkol kay mama at mayor Simon. Pero hindi ko alam kung bakit hindi pa ako handa na makita at makausap siya ngayon.

Naramdaman kong naglalakad siya papalapit sa'kin, isinara ko na ang bag ko. "Aries..." napalunok na lang ako. Gusto ko sanang lumabas at tumakbo na papalayo pero hindi ko magawa. Hindi ko kayang iwan at iwasan si Leo ng ganito.

Pinikit ko muna ang mga mata ko saka huminga ng malalim at lumingon na sa kaniya. "Uuwi na ba tayo?" tanong ko, nakatingin lang siya sa'kin. Pilit niyang binabasa sa mga mata ko ang totoong nararamdaman ko ngayon.

"Ang sabi ni Sir Gab, umuwi na raw kayo ni Adrian. Hinintay kita noong gabing iyon sa labas ng bahay niyo. Naiintindihan ko naman na hindi mo nabasa yung message ko sayo sa pager" saad niya, napakagat na lang ako sa labi. Wala ng battery yung pager ko kaya hindi ko iyon dinala noong gabing iyon. Nawala na rin sa isip ko na lagyan ng battery at buksan 'yung pager dahil sa dami ng nangyari at paghingi sa'kin ng tawad ni mama.

"Sorry, hindi ko nabasa" iyon na lang ang nasabi ko. Hindi ko talaga nabasa pero bakit pakiramdam ko ang laki ng kasalanan ko sa kaniya kahit may nilihim din naman siya sa'kin. "Okay lang. Okay na rin kahit papaano dahil nakikita kong medyo okay ka na" wika niya saka ngumiti ng kaunti. Tumango na lang ako at naglakad na kami papalabas ng classroom.

Nagulat kami nang matanaw namin sina Adrian at Gian na nag-uunahang umakyat sa hagdan at tumakbo papalapit sa amin. Para silang hinahabol. "Bakit?" tanong ko sa kaniya, hingal na hingal sila pareho. Napahawak pa si Gian sa pader habang pilit na hinahabol ang kaniyang paghinga.

Agad kinuha ni Adrian sa bulsa niya ang isang papel saka binuklat iyon at pinakita sa harap namin. Gulat kaming napatingin ni Leo sa nakasulat sa makulay na papel na iyon. "Nakapasa tayo! Lalaban tayo sa semi-finals sa fiesta!" halos sabay na sigaw nina Adrian at Gian na parehong pagod na pagod pa rin.

***

Lumipas ang isang linggo, halos araw-araw kami nagpa-practice. Si Leo ang kakanta dahil 'yung kanta niya ang pasok sa tema ng semi-finals Broken song. Damang-dama ni Gian ang bawat liriko ng kanta at sa tuwing nagpa-practice kami gusto niya pang magkaroon din kami ng facial expression na sawing-sawi.

Palagi siyang binabato ni Adrian ng bimpo kapag pinipilit niya kaming pumikit habang tumutugtog kami at kumakanta naman si Leo. "Break muna tayo" saad ni Gian sabay higa sa kama niya. Binaba ko na ang gitara saka bumaba sa kusina.

Wala roon ang mama ni Gian, kumuha ako ng baso at tubig. Hindi ko napansin na sumunod pala sa akin si Adrian, muntik pa akong mabilaukan nang mapatingin ako sa gilid at nakita kong nakatayo siya sa tabi ko. "Multo ka ba?" inis kong saad sa kaniya pero nakangiti lang siya sabay kuha ng baso ko at ininom ang natitirang laman niyon.

Mabilis niyang ininom ang tubig sa harapan ko, ngayon ko lang napansin na ang lalim din pala ng adam's apple niya tulad ng kay Leo. Inilapag na niya sa lababo ang baso sabay tingin sa'kin at ngumiti ulit na parang sira. "Para kang baliw" hindi ko maintindihan kung bakit ganiyan ang kinikilos niya, parang inaasar niya ako na ewan.

Aakyat na sana ako pero hinarangan niya ako sa hagdan. Sinubukan kong dumaan sa kaliwa pero hinarangan niya ulit ako. "Ano ba 'yon?" tinaasan ko siya ng kilay, hindi ko maintindihan bakit nakangiti lang siya.

"Ano na ang i-uutos mo sa'kin, madam?" ngisi niya at yumukod pa sa harap ko. Oo nga pala, ako ang nanalo sa pustahan namin noong naglaro kami sa perya. Napaisip ako, ayoko namang sayangin ang pagkakataon na ito para makabawi sa kaniya noong pinagaya niya sa akin si Sisa sa Truth or Dare.

Napatikhim ako saka sumandal sa hawakan ng hagdan. "Wala pa akong maisip e" saad ko habang nag-iisip ng malalim. Sumandal din si Adrian sa pader, sa tabi ko, at ginaya ang kamay kong nakahalukipkip. "May magandang movie ngayon, may discount daw 'yung sinehan sa bayan sa linggo" saad niya, napatingin ako sa kaniya. Promoter ba siya ng movie?

"Anong movie?"

"Hindi ko alam pero pwede nating tingnan sa Sunday" ngiti niya, napakurap lang ako ng dalawang beses. "Anong kinalaman 'non sa pustahan natin?" tanong ko, tumawa lang siya.

"Edi utusan mo ako na ilibre ka sa sinehan. Utusan mo rin ako na maging taya sa pagkain at pamasahe" ngiti niya, hindi ko namalayan na napatango-tango na lang ako sa aking sarili. Sabagay, may punto naman siya. Makikinabang din ako kapag ganoon ang inutos ko sa kaniya.

"So, tuloy na tayo sa Sunday?" ngiti niya ulit.

"Tanungin muna natin sila Leo at Gian kung pwede sila sa sun---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita na siya.

"Hindi pwede. Hindi sila pwedeng sumama" hirit niya, nagtataka ko siyang tiningnan.

"Bakit hindi pwede?"

"Kasi ako lang ang uutusan mo, madam"

"Ha? Ang labo. Pwede naman sila sumama. Ako lang naman ililibre mo" saad ko pero pinikit niya lang ang mga mata niya saka umiling-iling.

"Hoy, kidlat, magsabi ka nga" hinarap ko siya bagay na ikinagulat niya. "Bakit ayaw mo sila isama?" habol ko, agad naman siyang napaiwas ng tingin, sinubukan niyang ngumiti ulit pero halatang hindi niya alam ang sasabihin niya sa'kin.

"May kinalaman ba 'yon sa Russian word na sinabi mo sa'kin?" dagdag ko habang lumalapit sa kaniya na mas lalong ikinagulat niya. Magsasalita pa sana ako pero biglang nagsalita si Gian na kanina pa pala nakatayo roon sa itaas na hagdan. Nasa likod din niya si Leo na nakatingin din sa amin ni Adrian sa hagdanan.

"Hoy, kayong dalawa! Anong ginagawa niyo diyan?" saad ni Gian na napasingkit pa ng mata. Doon ko lang napagtanto na mukhang hahalikan ko pala si Adrian.


*****************

Next Update: Jan 23 or 25.

Note: Pakinggan niyo ang Original Song na ito "Kahit Takot Pa" by Marc and Rapha. Maraming salamat! Please like, comment and subscribe to their youtube channel.

"Kahit Takot Pa" by Marc and Rapha

Continue Reading

You'll Also Like

Stay Alive By Josh

Mystery / Thriller

619K 32.4K 19
A standalone novel with Prosecutor Aubrielle Baxter's Point of View
386K 16.3K 16
Ang Huling Serye. Following his tragic death, a young man from the past traveled to the future and met a girl who could see the way to the afterlife...
1.7M 75.2K 35
Peñablanca Series #2: Rebel Hearts "Go, rebel on me, love." Young, wild and rebellious, Revelia, entirely lived with the belief of celebrating her yo...
659K 14.7K 57
Published under IMMAC PPH Cyienna Calixta Marcielo-more on-Ciara Callista Martell, a Runaway Royalty to get away from what her mother wants, running...