NAG-IISA

By rizzamaruja

166 6 0

Paano kung mabigyan ka ng pagkakataong maranasan ang buhay na iyong inaasam? o kaya naman ay bumalik sa iyon... More

Nag-iisa

166 6 0
By rizzamaruja

"Naihanda mo na ba ang mga gamit mo?"

Umirap si Ester sa narinig. Pang-ilang beses na tanong na iyon sa kaniya ng ina. "Kanina pa. Hindi pa ba tayo aalis?" naiinip niyang sagot. Nagdikwatro siya ng upo kasabay ng paghalukipkip at sandal sa upuan. Ang totoo’y pang-ilang hakot na rin nila ito para lumipat ng tirahan. Anim na taon naring gano’n ang kanilang set-up magmula nang iwan sila ng ama sa hindi niya kailanman nalaman na dahilan.

Sa huling pagkakataon ay nilibot ni Ester ang tingin sa loob ng apartment na kanilang aalisan. Wala na itong laman, bukod sa iilang guhit na karakter at letra sa pader gamit ang krayola, gawa ni Ben, ang apat na taong gulang niyang kapatid. Iyon na lamang ang maiiwan nila rito. Ngunit alam niyang mabubura rin ito lalo na kung makikita ng may-ari ng apartment. Isang patong lang ng pintura ay wala na agad ang bakas.

Kung sana gano'n lang din kadali magbura ng ala-ala. 

Hindi nagtagal ay dumating na ang sasakyan para maghakot ng kanilang mga gamit. Kinuha na niya ang ilan, inakay ang kapatid na nakasalampak pa sa sahig, at sumakay. Ilang oras na pagbyahe na naman patungo sa bagong lugar. Ilang oras lang, pero sandaang ala-ala at kakilala ang susubukan na naman niyang kalimutan.

Buong biyahe ay nakadungaw lang si Ester sa bintana ng sasakyan. Sakto lang ang timpla ng hangin noong mga oras na iyon kaya hindi masakit ang hampas nito sa balat kahit na tirik pa ang araw. Para rin hindi antukin ay pinagmasdan niya ang mga kasabay nilang mga kotse't motor na nagmistulang sardinas sa daan; Tinignan niya ang mga taong nakatayo sa may gilid ng kalsada na nag-aabang ng masasakyan kahit na may nakapaskil na bawal doon mag-abang; Inusisa nya ang sala-salawit na linya ng kuryente sa mga poste; Inabangan niya ang pagbabago ng kulay ng traffic light; Binilang niya ang linya ng pedestrian lane; At nang mawalan na siya ng maaaring pagka-abalahan, tumulala siya sa kawalan.

Iyon ang madalas niyang gawin... tumulala sa kawalan. At ang madalas niyang isipin ay kung hanggang kailan ba ito magtatagal.

Hindi kalaunan ay lumuwang ang daloy ng trapiko. Kumaunti na rin ang mga kotseng kasabay nila, nangangahulugan na malayo na sila sa hi-way. Sa pagliko ng kanilang sasakyan ay may nadaanan silang parke. Dahil do'n, isang ala-ala ang bumalik sa kaniya.

Naganap din iyon sa isang parke, kasama ang kaniyang ama. Maituturing ni Ester na iyon ang isa sa pinaka-maganda niyang memorya. Para sa kaniya, ang lahat ay nasa ayos noong araw na iyon. Masaya ang huni ng mga ibon, nakangiti ang langit, at may masarap na almusal na nakahain sa lamesa -- ang paborito niyang bacon at sinangag.

Tandang-tanda niya kung paano inayos ng kaniyang ina ang kaniyang buhok matapos ang almusal. Hinati nito ito sa gitna at saka tinirintas at sabay nilagyan ng maliliit na paru-parong gumagalaw ang pakpak tuwing siya’y naglalakad. Umikot-ikot pa siya para damhin ang paggalaw ng mga paru-paro sa kaniyang ulo. Pakiramdam niya'y isa siyang diwata dahil do'n. Nang matapos siya sa pag-ikot ay tumingin siya sa kaniyang ina at ngumiti, bago siya nito tuluyang pinakawalan papunta sa kaniyang ama.

Nagpunta sila sa parke hindi kalayuan sa kanilang bahay. Malawak ito at may playground. May isang malaking slide sa gilid, tatlong duyan sa tabi, at dalawang pares ng see-saw sa bandang gitna. Tanda niya noon na marami rin siyang kasabayan na mga bata na nagpapadulas sa slide at nakikipag-agawan ng pwesto sa duyan. Nang magsawa siya sa kahihintay ay tumakbo siya ng tumakbo na parang isang asong nakawala. Doon niya nadama sa unang pagkakataon ang kalayaan. Paikot-ikot siyang tumakbo sa parke. Pabalik-balik, minsan nalalayo ngunit hindi sumosobra sa hindi na tanaw ng ama.

Tanda niya rin noon kung paano siya nadapa dahil sa isang bato ang hindi niya nakita sa daan. Natalisod siya ro'n at sumubsob sa lupa, una ang tuhod. Tumingin siya sa kaniyang ama pagkatapos. Gusto niyang umiyak dahil sa sakit kasabay ng pangamba na pagalitan siya nito. Pero iba ang ginawa nito sa kaniyang inaasahan. Ngumiti ito sa kaniya na para bang sinasabing 'ayos lang, tuloy lang'. At dahil do'n ay hindi niya inalintana ang namumumulang tuhod, at nagpatuloy muli sa pagtakbo.

Tanda niya kung paano niya unang natikman ang makulay na bulak na nilalako ng isang manong sa parke na iyon. Gustong-gusto niya yung kulay rosas, malakas ang paniniwala niyang mas matamis iyon kaysa sa kulay bughaw. Tanda niya rin kung gaano siya natuwa nang mahawakan niya ang tali ng pulang lobong pinabili niya sa kaniyang ama, at kung gaano kalakas ang iyak at lalim ng hikbi niya nang mabitawan niya ito't lumipad sa langit.

Tanda ni Ester, kahit ilang taon na ang nakalilipas, kung gaano kahigpit ang yakap ng ama niya sa kaniya nang iuwi siya nito sa bahay, at siya na lamang ang pumasok sa loob. Iyon na ang huling beses na nakita niya ito.

"Ester, gising na. Nandito na tayo."

Napabangon ng ulo si Ester mula sa pagkakasandal nito sa malaking bag na katabi niya. Hindi niya namalayang nakatulog pala siya sa kahabaan ng biyahe. Tumingin siya sa paligid, tahimik ang lugar, pawala na rin ang mga kulay sa langit.

Dapit-hapon na nang makapasok sila sa bago nilang tirahan. Hindi ito gano'n kalaki gaya ng inalisan nila ngunit sapat lang sa kanilang tatlo. Maayos na rin ang pangkalahatan, mga gamit na lamang ang kulang.

Isa lang ang kwarto, malamang ay maghahati pa rin sila ng kapatid. At dahil palagi namang wala ang ina gawa ng trabaho, ibig sabihin pa rin, walang magbabantay kay Ben at hindi siya makakaalis ng bahay para mag-aliw.

"Bukas na simula ng trabaho ko, kaya ayusin mo na ang mga gamit niyo dahil hindi ko na maaasikaso. Pagkatapos ay paliguan mo si Ben." sabi ng ina.

Gustong sabihin ni Ester na pagod na siya at gusto na lang niyang matulog, pero hindi niya masabi. Tumingin siya kay Ben na hawak na naman ang lapis at papel, nakaupo sa isang sulok. "Papaliguan ko muna si Ben." sabi niya, saka hinila ang kapatid papunta sa banyo.

Binuksan niya ang ilaw. May isang bowl at may gripo sa tabi nito. Walang lababo, walang shower. Tipikal na banyo. Mainam lang iyon dahil mas malaki kaysa sa dati.

Kinuha ni Ester ang timba at tabo na kalalabas lang mula sa kahon. Kinuha na rin niya ang shampoo at sabon. Hinubaran niya ang kapatid at hinila papasok ng banyo. Binuhusan niya ito.

"Eeehhhh" sigaw ni Ben, nabigla sa lamig ng tubig.

"Huwag ka ngang sumigaw, hindi naman gano'n kalamig." sambit ni Ester. Pero alam niyang malamig.

Nakita niyang papaiyak na naman ang kapatid dahil sa kaniyang pagpapagalit. "Alam mo napakaiyakin mo talaga. Siguro nagmana ka sa tatay mo." Sabi niya, habang sunod-sunod niya itong binubuhusan. Naiisip niya, malamang ay kung maririnig siya ng kaniyang ina ay malalagot siya rito. Pero dahil alam niyang abala ito sa pag-aayos ay nagsalita pa siya ng nagsalita.

"Bakit kasi hindi ka na lang kunin ng tatay mo e. Ako pa tuloy ang naaabala palagi." pagrereklamo niya. Kinuha niya ang sabon at ipinahid sa kapatid at patuloy siya sa pagsasalita. "Imbis na alalahanin ko lang ang sarili ko, ikaw pa ang iintindihin. Imbis na nakakagala ako kasama ang mga kaklase, hindi ko magawa." pagpapatuloy niya. Tahimik lang naman si Ben. "Bakit hindi ka pa ba nagsasalita, ha? Ilang taon ka na wala ka pang alam sabihin." inis niyang sabi. "Sana kasi hindi ka na lang pinanganak."

"ESTER!"

Dahil sa gulat ay nabitawan ni Ester ang sabon na hawak niya. Lumanding ito sa may bowl.

"Ano bang pinagsasasabi mo!" sigaw ng kaniyang ina. "Sinabi ko na sa'yong 'wag kang magsasalita ng ganyan e!"

Umiyak na si Ben.

Si Ben, anak sa iba ng kaniyang ina.

Matapos silang iwan ng ama ay nalugmok na ang kaniyang ina, at para malabanan ito ay itinuon nito ang oras sa pagtatrabaho. Dahil sa wala namang hawak na diploma sa kolehiyo’y kung saan-saan ito namasukan, o kung walang mahanapang trabaho’y nangungutang. Gano'n silang mag-ina sa isang buong taon.

Hanggang sa naging kinakasama nito ang ama ni Ben.

Nakikita ito ni Ester sa tuwing hinahatid nito ang ina tuwing gabi, paminsan-minsan din ay doon na ito natutulog. Makalipas ang ilang buwan ay nagdesisiyon ang ina na ibenta na ang bahay at lumipat na lamang sa tirahan ng kinakasama.

Ang totoo'y hindi sang-ayon si Ester sa lahat ng ginawa ng ina, lalo na ang pagbenta ng nag-iisang ari-arian nila. Iniisip niya pa rin kasi na baka biglang umuwi ang kaniyang ama at wala na itong madatnan do’n.

Grade three naman si Ester nang dumating si Ben sa buhay nila. At simula noon ay hindi na naging tahimik ang kaniyang gabi, maging ang kaniyang routine ay nag-iba. Naging bahay-eskwela na lang ang takbo ng kada araw niya upang magkaroon ng magbabantay sa kapatid.

Bukod sa maingay na pag-iyak ni Ben tuwing gabi ay napapadalas na rin ang pag-aaway ng kaniyang ina at ng kinakasama nito. At hindi nagtagal ay nauwi na rin ito sa pisikalan. Kitang-kita ni Ester kung paanong saktan ng lalaki ang kaniyang ina nang minsan magising siya dahil sa malakas na sigawan sa kabilang kwarto. Kinabukasan din no’n ay nag-alsabalutan na sila at hindi na kailanman bumalik sa puder ng lalaki. Pagkatapos no'n ay hindi na sila napermanente sa iisang lugar, at iyon na ang simula ng pagiging magulo ng kanilang buhay.

Isang beses ay sinabi ni Ester sa kaniyang ina na bakit hindi na lang nila bawiin ang dating bahay, o kaya ay hanapin ang ama, pero kinagalitan lang siya nito dahil do’n. Sinabi pa nitong kailanman ay huwag na niyang mababanggit ang ama niyang walang kwenta.

Doon na nagdamdam si Ester sa kaniyang ina. Nasaktan siya sa sinabi nito dahil para sa kaniya’y ang ama ay hindi gano’n. Palagi nga siya nitong binibilhan ng cotton candy, o kaya pinapayagang tumakbo nang hindi nagagalit kahit na madumihan at madapa siya, kaya paanong nasabi ng ina na wala itong kwenta?

"Tumabi ka nga riyan, wala ka na namang magawang matino!" Hinila nito si Ester papalabas ng banyo. Umiiyak pa rin si Ben. Lalo siyang nairita sa lakas ng boses nito. "Papaliguan mo lang, kung anu-ano na naman ang inirereklamo mo!" Pagalit din nitong binanlawan ang anak. "Ito na nga lang ang maitutulong mo, hindi mo pa magawa ng maayos! Kapatid mo ito, Ester, kapatid mo!"

Normal ito para kay Ester. Madalas siyang kagalitan ng ina dahil sa kapatid. Ngunit no’ng mga oras na iyon ay parang biglang gusto niyang sumabog. Naiiyak siya. Naiiyak siya sa inis. Naiiyak siya dahil ginagawa niya ang mga bagay na inuutos ng ina kahit na labag sa kalooban. Naiiyak siya dahil ang mga gusto niyang gawin ay hindi niya magawa.

Kasalanan mo ito, gusto niyang sabihin. Kasalanan mo ang lahat! gusto niyang isigaw. Ilang beses na itong naisip ni Ester. Kung hindi lang sana nito ibinenta ang bahay nila, hindi na sana nila kinailangan lumipat pa ng mga tirahan. Kung hindi lang sana nito nakilala ang lalaking iyon ay hindi na sana pinanganak si Ben at hindi na sana siya naaabala sa pag-aalaga rito.

"Sana hindi na lang ikaw ang naging nanay ko! Sana sumama na lang ako kay Papa para hindi ganito ang buhay ko!" biglaan niyang sigaw sa ina. Bahagya rin siyang nagulat sa lumabas sa kaniyang bibig, pero wala na siyang magagawa para mabawi ito. Ngunit kung mabibigyan ng pagkakataon ay hindi rin naman niya ito gustong bawiin.

Natigilan ang kaniyang ina sa pagbabanlaw sa kapatid. Marahan itong humarap sa kaniya na may blangkong ekspresyon. "Anong sabi mo?" tanong nito.

Hindi umimik si Ester. Hindi na niya maulit ang kaninang sinabi. Hindi niya sigurado kung dahil natatakot ba siya sa mangyayari o dahil sa mangha na iyon ang unang beses na nagsalita siya pabalik sa ina.

"Anong sinabi mo?" tanong uli nito. Humakbang ito papalapit sa kaniya.

Humakbang naman siya paatras.

"Ulitin mo ang sinabi mo." Hinawakan siya nito sa braso nang medyo mahigpit.

Dahil do'n ay bumalik ang nararamdamang galit ni Ester. "Ang sabi ko sana hindi na lang kita--" Napabaling sa kanan ang kaniyang ulo. Para rin siyang nabingi sa lakas ng sampal sa kaniya ng kaniyang ina. Humawak siya sa kaliwang pisngi.

Triple na ang lakas ng iyak ni Ben.

Tumingin siyang muli rito. Ang kaninang blangko nitong ekspresyon ay napalitan ng gulat, marahil ay sa hindi inaasahan na pagsampal nito sa kaniya.

Napangiti na lang si Ester, nanlalabo na ang mata niya dahil sa mga luha, hindi na niya maaninag ang ekspresyon ng ina. Matapos no’n ay padabog na siyang lumabas ng bahay.

“Ester!” tawag nito sa kaniya, pero hindi niya ito nilingon. Tumakbo siya ng tumakbo kahit hindi niya alam kung saan patungo. Lumipas ang mahabang panahon ay ngayon na lamang uli siya nakatakbo ng gano'n. Para uli siyang nakawalang aso.

May nabasa siya noon. Kung bakit madalas sa mga taong may dinadamdam, lalo na ang mga nasasaktan at mga naguguluhan, ay mas gustong tumakbo. Ang paliwanag ay ito: Tumatakbo sila para matakasan ang mga naiisip. Tumatakbo sila para makalimutan ang mga nararamdaman. Tumatakbo sila para makaramdam ng kalayaan. Ngunit panandalian.

Kung maaari nga lang na gawin niya iyon panghabang-buhay.

Hindi matigil ang mga paa ni Ester sa paghakbang kahit na pakiramdam niya ay nag-iinit na ang mga ito. Para na ring sasabog ang dibdib niya sa hingal, at alam niyang namumugto na rin ang mga mata sa kaiiyak.

Marami siyang nadaanang mga bahay, mga tao, mga sasakyan... karamihan ay walang pakialam sa dahilan ng kaniyang pagtakbo. Natigilan lang ang lahat nang isang malakas na busina ang biglang pinakawalan ng paparating na truck sa kaniyang pagtawid.

Tila bumagal ang pag-ikot ng oras para kay Ester. Wala siyang maramdaman, wala siyang marinig, ngunit kitang-kita niya kung gaano kataas ang inangat niya mula sa lupa. 

Pumikit siya. Naisip niyang masarap pala sa pakiramdam ang makalipad, mas masarap pa sa pakiramdam ng pagtakbo. Gusto na niyang magpahinga.

Kung panaginip lang ito at ito na ang katapusan, sana hindi na ako tuluyang magising, sambit niya sa sarili.

Dahan-dahang dumilat si Ester. Nakahiga siya sa isang kama kaya't bumungad sa kaniya ang isang puting kisame. Nang lumingon siya sa kanan ay napansin niya ang isang lamesa na may orasan sa ibabaw. Nagsasabi itong alas siyete na ng umaga.

“Gising ka na.” 

Napabaling si Ester sa nagsalita. Agad siyang bumangon. Laking gulat at tuwa niya nang makitang ang ama niya ito. “Pa?” sambit niya na may halong pagtataka, iniisip na nag-iilusyon lang siya sa kaniyang nakikita. Subalit matapos ang ilang segundong pagtitig niya rito ay nakumpirma niyang iyon nga ang kaniyang ama. “Papa,” ulit niya.

“Bangon ka na, kakain na tayo.” Sabi nito ng nakangiti at saka lumabas ng kwarto.

Ano ang ginagawa rito ng kaniyang ama? tanong ni Ester sa kaniyang isip.

Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa kama at pinagmasdan ang buong silid. Kulay rosas ang pader nito, kulay na paborito niya, maging ang kama niya’t mga unan at kumot. Parang parke na nilibot at inusisa niya ang bawat sulok ng kwarto. Binuksan niya ang cabinet at nakita niya roon ang iilang damit. Alam niyang pag-aari niya ang mga iyon, pamilyar sa kaniya ang ilan kahit na hindi na niya bulatlatin.

“Ester!” tawag nito sa kaniya mula sa ibaba. Dahan-dahan siyang bumangon sa kama at lumabas ng kwarto, saka nagtungo sa kusina kung nasaan ang kaniyang ama. Nakatayo ito sa may lababo at naghahanda ng makakain.

Malaki ang ngiti ni Ester nang makita ang paboritong bacon sa hapag. Nagagalak siyang umupo sa harap ng lamesa dahil ngayon na lamang siya uli makakakain no’n. Madalas ay puro itlog lang ang ulam nila ni Ben o kaya mga de-lata kapag hindi umuuwi ang ina. Dahil do’n ay sumagi sa kaniyang isip... Ano kaya ang kinakain ngayon ni Ben?

Naisip na rin lang niya ito ay nagtanong na siya sa ama. “Pa, nasaan po pala sina Mama? Alam ba niya na narito ako sa inyo?” sambit niya, subalit parang hindi nito iyon narinig. Pumuwesto lang ito sa upuan na nasa tapat niya at saka ngumiti bago kumain.

 “Mamaya, samahan mo akong mag-grocery, at manood ng sine. Pagkatapos mong kumain, maligo ka na at magbihis.”

Umaliwalas ang mukha ni Ester dahil sa narinig. Isinawalang bahala na lang din niya ang tanong, at inisip na baka ayaw lang pag-usapan ng ama ang tungkol sa kaniyang ina lalo na’t papasimula pa lang ang araw. 

Naligo siya pagkatapos kumain at mabilis din na nagbihis. Sabik siyang bumaba at tahimik na naghintay sa salas habang ang ama naman ay naghahanda sa kanilang pag-alis. Hindi mawala ang ngiti niya sa labi. Kay tagal na rin naman nang huli siyang makalabas ng bahay para maglibang, kaya gano’n na lamang ang nararamdaman niyang tuwa.

“Tara na.” Pagyaya sa kaniya ng ama nang makababa ito.

Sumakay sila ng tricycle at ng jeep para makarating sa pinaka-malapit na Mall. Tila isang batang ignorante ang itsura ni Ester nang makarating sila ro’n. Sa loob ng mahabang panahon ay ngayon lamang siya nakapasok sa gano’ng klaseng gusali na dati'y nakikita niya lang sa telebisyon at litrato. Bahay-eskwela lang naman siya palagi. 

Naglibot si Ester kasama ang ama. Namili sila ng mga pagkain pang-stock sa bahay, ibinili rin siya nito ng mga bagong damit at sapatos, at pagkatapos ay nanood sila ng sine habang kumakain siya ng cotton candy. Parang bumalik siya sa pagiging pitong taong gulang sa pagkain niya no'n.

Masaya si Ester ng mga sandaling iyon, ngunit hindi niya maiwasang hindi maisip ang ina.

“Ester...”

Nagulat si siya sa narinig. Naisip niya lang ang ina kani-kanina, ngayon ay naririnig na niya ang boses nito. Hinanap niya ang pinanggalingan ng tinig. Alam niyang malapit lang iyon dahil rinig na rinig niya, subalit parang nakakulob at hindi totoo.

“Ester!” Bumaling siya sa kanan, nakita niya ang ama. “Tara na, umuwi na tayo.” Pagyaya nito sa kaniya. Umiling na lang si Ester at nagkibit balikat sa kaninang narinig. Baka masyado lang siyang nagagambala ng pag-iisip sa ina at sa kapatid.

“Masaya ka ba Ester?” tanong sa kaniya ng ama nang makauwi sila ng bahay. Inihatid siya nito sa kaniyang kwarto, at ngayon ay nakasandal sa may pinto at hinihintay ang kaniyang sagot. Walang pag-aalinlangan naman siyang tumango sa tanong ng ama dahil iyon naman ang totoo. Masaya siya no'ng mga oras na iyon.

Dahil do’n ay ngumiti ito at nagtanong muli. “Mas gusto mo na bang manatili rito, Ester?”

Ngunit hindi tulad ng naunang tanong ay kinailangan pang mag-isip ni Ester para sagutin iyon. Kung sasabihin niyang oo, kukunin na ba siya ng ama? Ibig sabihin ba no’n ay hindi na siya babalik sa ina? Hindi na ba siya nito iuuwi sa apartment? Hindi na siya mag-aalaga kay Ben? Napatigil siya sa mga naiisip. Kung gano’n ay paano ito? Sinong bantay nito kapag kailangang pumasok ng kaniyang ina?

“Ester, anak...”

Napabalikwas si Ester at napaupo sa kama. Tumingin siya sa pintuan. Sarado na ito at nakitang wala na ro’n ang ama. Hindi man lang niya namalayan ang pag-alis nito, gano’n ba kalalim ang kaniyang naisip?

Inikot ni Ester ang paningin sa buong kwarto, wala namang ibang naroon kundi siya. Tumingin din siya sa bintana sa gilid ng kama at sumilip, nakita niyang tahimik naman ang ibaba, wala ring ibang tao. Kung gayon ay saan nanggaling ang boses na iyon?

“Ester...” narinig niya itong muli. Sa pagkakataong iyon ay mas malakas, subalit mas mahinahon. Parang binulong sa kaniyang tainga.

Hindi niya alam kung bakit hindi siya natatakot. Ang gusto niya lang malaman ay saan ba ito nanggagaling.

Tumayo na siya ng kama at lalabas ng kwarto nang biglang bumukas ulit ang pintuan at bumungad ang ama. Nagitla siya dahil do’n.

“Pa, nakakagulat naman kayo.” Sabi niya habang nakahawak sa kaniyang dibdib.

Ngumiti ito at nagpaalam na matutulog na. Ngumiti na lang si Ester at tinignan ang ama at nang matapos ay isinara na nito ang pinto. Bumalik na lang siya sa kama at pumikit, pinipilit hindi isipin ang boses na narinig. Pagdilat niya’y umaga na.

Nagising si Ester nang maramdamang niyang bumukas ang pinto ng kaniyang kwarto. Naroon ang kaniyang ama, hawak hawak ang pihitan ng pinto, nakangiti sa kaniya. Babati na sana siya ng maganda umaga nang bigla itong nagsalita.

“Gising ka na.” Sabi ng ama, na parang hindi pa nito nakitang gising na siya. “Bangon ka na, kakain na tayo.” Pagpapatuloy pa na sabi.

Nagtaka si Ester sa ikinilos nito. Ngunit nagkibit balikat na lamang siya at humiga uli. Tumingin siya sa lamesang nasa tabi ng kama at nakita niya ang orasan na nagsasabing alas siyete na ng umaga. Ayaw pa niyang bumangon.

“Ester!” Tawag uli nito sa kaniya makalipas ang ilang sandali kaya naman dali-dali siyang bumaba.

“Po?” tanong niya nang makarating sa kusina, pero hindi siya nito pinansin.

Pero siya, may napansin. Napansin niya ang mga pagkain na nakahain sa lamesa. Bacon at sinangag. Katulad no’ng pagkain kahapon.

Tinignan niya rin ang suot na damit ng kaniyang ama, ang lugar kung saan ito nakatayo, ang hawak nito. Parehong-pareho ng sa kahapon. Nawirduhan si Ester sa nangyayari. Dejá vu?

Umiling na lang siya para hindi iyon isipin. Naisip niyang normal lang namang umulit ng almusal, normal din na umulit ng damit. Pero ang totoo, ang pakiramdam niya’y hindi normal.

Dahil inaalala pa rin ang ina at ang kapatid ay napagdesisiyunan na niyang magtanong sa ama. “Pa, may itatanong po ako.” Sambit niya kahit na nakatalikod pa rin ito sa kaniya’t nakaharap sa lababo. “May kontak ba kayo kina mama?” tanong niya habang inaayos ang plato sa kaniyang harapan. 

Subalit sa kasamaang palad, tulad kahapon ay hindi siya nito sinagot na parang wala itong narinig. Umupo lang ito sa kaniyang harapan at sinabing... “Mamaya, samahan mo akong mag-grocery, at manood ng sine. Pagkatapos mong kumain, maligo ka na at magbihis.”

Sa narinig ni Ester ay nabitwan niya ang hawak na kutsara at tinidor. Ang kaninang pagtataka’y lalong tumindi, at ang tibok ng puso niya'y bumilis. “Pa?” sambit niya.

Kung babalikan niya ang mga nangyari kahapon ay wala ngang naganap na usapan sa pagitan nilang mag-ama. Bihira lang itong magsalita at buong araw lang itong nakasunod sa kung saan siya pupunta. Kung hindi naman ay siya ang sumusunod dito. 

“Papa naririnig mo ba ako?” tanong niya uli. Nang hindi pa rin siya nito sinagot ay agad siyang tumayo at lumapit dito. Hinawakan niya ito sa balikat at niyugyog. “Pa,” sabi niya, ngunit patuloy siya nitong hindi pinapansin.

Tumagal siya ng ilang minuto na nakatayo lang doon, pinag-iisipan kung ano ang nangyayari. Pinagmasdan niya ang ama hanggang sa matapos kumain. Napansin niyang para itong robot kung kumilos... at ni isang pakiramdam ay wala siyang makita sa mukha nito.

Nang mailigpit naman na ang pinagkainan ay sinundan niya ito sa kwarto. Nagpalit ito ng damit, kamukha ng suot nito kahapon. 

Gusto na niyang umiyak.

“Pa! Papa!” sigaw niyang muli. Hinawak-hawakan niya ang braso nito, pinisil-pisil ang kamay, hinila-hila ang laylayan ng damit, pero pawang wala pa rin itong naririnig at nararamdaman. Tila ba’y nagmistulan siyang hangin. Bumaling lang ito sa kaniya ng makarating na sila ng salas at gaya ng inaasahan ni Ester, sinabi nito ang nasambit rin sa kaniya kahapon.

“Tara na,” Ani ng ama saka lumabas ng pintuan.

Naglakad ito patungong labasan at kahit na wala siyang suot na pang-paa ay sumunod siya rito. Nasa likod lang siya, tatlong hakbang ang layo sa ama. Paminsan-minsan ay tinatawag niya pa rin ito ngunit hindi pa rin siya nito naririnig. Napansin rin niya na parang hindi siya nakikita ng ibang tao sa kalsada. Ni isa ay hindi man lang lumingon at napatingin sa kaniya.

Bumalik ang tuon niya sa ama, pinipilit pa rin niyang isipin ang nangyayari habang tahimik niyang tinititigan ang batok nito. Hindi nagtagal ay sumakay ito ng tricycle gaya ng ginawa nila kahapon. Samantalang siya ay nanatiling nakatayo lang sa gilid ng kalsada, tutok pa rin ang tingin sa amang tangay na ng sasakyan.

Napahawak siya sa kaniyang bibig. Nanginginig siya, takot na takot, naguguluhan. Sunod-sunod ang mga katanungan ni Ester sa kaniyang isip gaya nang... Ano ba ang nangyayari? Bakit parang umulit ‘yong kahapon? Bakit parang de susi ang kilos ng ama at hindi siya nito nakikita?

Naupo siya sa gilid ng kalsada. Tumungo siya at nagsimula nang umiyak. Walang tigil, parang gripong sira at ayaw masara ang kaniyang mga mata sa pag-iyak at ang mga luha niya’y pumapatak sa lupa. Tumigil lamang siya sa pag-iyak nang mapansin niyang natutunaw ang parte ng lupang napapatakan ng luha nito. Napatayo siya dahil do’n. 

“Ester...” may narinig siyang tumawag sa kaniya. Iyong boses uli na iyon.

Lumingon siya sa likuran at tila sa isang iglap ay tanaw na niya ang kanilang bahay, mga ilang hakbang lang ang layo. Doon nakita niya ang ama, nakatayo sa may pintuan, nakatulala. Hindi doon nanggagaling ang tinig, ngunit gusto niyang lumapit.

Tumingin sa kanya ang ama at matamis na ngumiti na para bang iyon na ang huling pagkakataon. Napansin niyang natutunaw na rin ito. Una ang mukha, ang katawan, pagkatapos ay mga braso't kamay... maging ang bahay sa likod ay nagsisimula na ring matunaw. “Papa!” sigaw niya. Tumakbo siya papunta ro'n at ang bawat matapakan niya'y gano'n na rin ang nangyayari.

Malapit na sana siya sa kinatatayuan ng ama nang biglang mawala ang parte ng lupang tatapakan niya sana. Nahulog siya kasabay nito.

“Papa!!!” ang sigaw niya.

Pumikit si Ester...

Kung panaginip man ito, gusto ko nang magising.

Hapong-hapo si Ester na napaupo sa kama mula sa pagkakahiga. Halos habulin niya ang hininga at basang-basa rin siya ng pawis nang tuluyang makabangon. Nilibot niya ng tingin ang paligid, saka niya napagtantong nasa kwarto siya.

Dahil bukas ang bintana’y pumasok sa loob ng kwarto ang malamig na hangin. Doon ay napansin niya na maaliwalas ang langit, bughaw ang kulay at mayroong mala-bulak na mga ulap. Maging ang sikat ng araw ay katamtaman lang, at ang paligid naman ay mukhang payapa sa kabuuan. Kumalma ng bahagya ang kaniyang pakiramdam dahil sa mga nakita. Nawala na rin ang panginginig ng kaniyang mga kamay. Sa kaniya namang pagdungaw ay nakita niya ang mga batang naglalaro sa kalsada. Napangiti siya dahil do’n, naalala ang mga panahong ginagawa niya rin iyon. Bumalik lang ang mga mata ni Ester sa loob ng kwarto nang may marinig siyang tumawag sa kaniya.

“Ester, anak.”

Agad siyang ngumiti nang makita niya ito. “Ma!” singhal niya ng may galak. Tumakbo siya papunta rito at saka ito niyakap.

“Oh, anong problema?” tanong nito habang hinahaplos ang kaniyang buhok. “Umiiyak ka ba? Nanaginip ka ba ng masama?” Kumalas ito sa pagkakayakap niya at hinawakan siya sa pisngi, pinunasan na rin ang kaniyang mga luha.

Tumango si Ester bilang sagot. Hindi siya makapagsalita, dahil hahagulgol siya ng iyak kapag ginawa niya iyon. Hindi niya akalain na masaya siyang makitang muli ang kaniyang ina.

“Huwag kang mag-alala, panaginip lang iyon.” Paniniguro nito sa kaniya. Ngumiti naman si Ester at nagpunas na rin ng luha.

“O siya, mag-ayos ka na ng mukha mo at bumaba para mag-almusal.” Sambit pa nito.

Hindi niya maalis ang ngiti maski nang makalabas na siya ng kwarto matapos magpalit ng damit. Nagtungo siya sa kusina dahil alam niyang naroon ang ina gawa ng naaamoy niya rin ang masarap nitong luto. Nang makarating siya do’n ay napasandal siya sa may pader habang tinitignan niya ang maliit nitong pigura, hindi nalalayo sa kaniya. Hindi na rin siya makapaghintay na maupo sa harap ng lamesa at kumain. Madalang lang ang ganitong pangyayari dahil siya madalas ang naghahanda ng makakain nila ni Ben.

Ah, si Ben.

Gumala ang mga mata niya sa bahay. Si Ben... nasaan si Ben? Paghahanap niya rito. Dapat ay gising na rin iyon ngayon, dagdag pa niya sa kaniyang isipan.

Nagtungo naman siya sa salas para doon tignan ang kapatid, subalit nang masilip niya’y wala ito ro'n. Maya-maya ay may narinig siyang bata na umiiyak at nanggagaling ito sa labas. Dali-dali siyang tumakbo palabas ng pintuan.

“Ben?” sambit niya sa batang lalaking nakasalampak sa lupa at ngumangawa. Kulot ang buhok nito at medyo mahaba. Nakatalikod ito sa kaniya kaya hindi niya kita ang mukha. “Ben!” tawag niya pa rito, ngunit nang lapitan niya ito ay saka niya napagtantong hindi iyon ang kapatid. Tumingin naman ito sa kaniya saka tumigil ng pag-iyak. 

“Ester, nariyan ka pala. Tara na’t kumain.” 

Itinuon niya ang tingin sa babaeng nagsalita, walang iba kundi ang ina. Tinignan niyang muli ang bata na kanina’y umiiyak at ngayon ay nakatayo na’t nakatitig lang sa kaniya, walang eskpresyon sa mga mata.

“Ester,” pag-anyaya uli ng ina na pumasok na sa loob.

Naglakad na si Ester pabalik ng kanilang bahay. Bago rin siya tuluyang pumasok sa pintuan ay nilingon niyang muli ang bata subalit wala na ito ro’n. Napakunot-noo na lamang siya.

Dumiretso na siya ng kusina. Nadatnan niya ang lamesang nakaayos na, laman ang mga paborito niyang pagkain, at sa dulo nakaupo ang kaniyang ama.

Kinabahan si Ester nang makita niya ito. Para bang may biglang pumitik sa kaniyang isipan kaya't sinuri niyang muli ang paligid. Naroroon sila sa dating bahay, laman ang mga dating gamit, kasama ang ama at ina. Sa kaniyang pagtingin ay nahagip ng kaniyang mata ang isang kalendaryo, sumisigaw ng taong 2000.

Lumapit siya sa ama at nagtanong. “Bakit narito ka? Wala ka na dapat dito.”

Napangiti sa kaniya ang ama at saka siya sinagot. Ang itsura nito’y pinabata ng anim na taon. Ang buong lugar, maging siya ay ibinalik sa taon na iyon. “Hindi ba’t ito ang gusto mo?” sabi nito. “Gusto mong mabuo ulit tayo at bumalik sa bahay na ito, ‘di ba?”

Napatigil si Ester sa sinabi ng kausap. Oo, tama ang ama. Iyon ang gusto niya. Kaya nga nagalit siya sa ina nang ibenta ang bahay nila, e. Kaya nga niya ito sinabihan ng masasakit na salita no’ng hindi na niya maatim ang mga nangyayari at nararamdaman.

“Hindi ka ba masaya na buo na ulit tayo?” pagdidiin pa nito.

Tinignan naman niya ang ina na pinagmamasdan lang silang dalawa na mag-usap. Masaya ito. Pero noon niya lang napansin ang mga mata nito, bakit hindi niya ito nakita kanina? Hindi ito buhay. Hindi iyon ang kaniyang ina.

“Ester, hindi ka ba masaya?”

Bumalik ang tingin ni Ester sa kausap dahil sa tanong.

“Pero paano si Ben?” tanong niya pabalik.

“Sino si Ben?” tanong naman ng ina, pagsabat sa usapan. Lumapit na ito sa upuan ng ama at humawak ito sa balikat. Malaki ang ngiti nito sa mukha.

Parang nabiyak ang puso ni Ester sa narinig. Si Ben... ang kawawang Ben. 

“Kapatid ko. Kapatid ko sa’yo.” Sagot niya.

Umiling ang ina. Nilapitan naman siya nito, lumuhod upang mapantayan ang kaniyang mga mata at hinawakan siya sa braso. “Walang Ben sa panahon na ito. Ikaw lang ang anak namin ng Papa mo.” 

Napaatras si Ester sa narinig, at parang ngayon ay minamasa ang puso niya sa sakit. Naaawa siya sa kapatid. Ngunit sa kabilang banda, hindi ba’t mabuti nang gano’n? Walang Ben noong panahon na iyon. Wala siyang babantayan kung umalis man ang mga magulang. Wala siyang kahati sa kwarto. Walang mang-iistorbo kung gusto niyang mapag-isa. Malaya niyang magagawa ang mga gusto niyang gawin anumang oras.

“Masaya ka ba, Ester? Mas gusto mo na bang manatili rito?” tanong muli ng ama.

Nagpabalik-balik naman ang tingin niya sa dalawa. “Kung mananatili ba ako rito’y talaga bang magiging masaya ako?”

Ngumiti uli ang kaniyang ama at ina at saka nito sinabi... “Ano bang depinisyon mo ng kasiyahan?”

Ito ba ang depinisyon ko ng kasiyahan? Ang bumalik ang lahat sa dati? Ang hindi ko na maranasan ang mga nararanasan ko sa totoong buhay? Anong mangyayari kung mananatili ako rito? Paano ang mga maiiwan ko?

“Masaya ka ba Ester?” ulit na tanong ng ama. At makalipas ang ilang segundong pag-iisip ay sumagot siya ng...

“Ayoko.”

Napasimangot ang kaniyang ama at ina dahil do'n. “Malulungkot kami, Ester.” Sabi ng ina, kasabay ng paglungkot ng mukha nito.

Naikuyom ni Ester ang mga kamay. Huminga siya ng malalim bago magsalita. "Ayoko pa rin.” Ani niya. “Ayokong maranasan pang muli ang mga naranasan ko. Ayokong manatili rito at hindi makilala ang mga nakilala ko at nakasama ko. Ayokong manatili sa mundo na gawa lang ng ilusyon.” Mahaba niyang paliwanag.

Matapos niyang sabihin iyon ay nagkaroon ng mahabang patlang. Huni lang ng ibon ang maririnig sa paligid, maliban sa sariling tibok ng puso ni Ester. Wala ni isang nagsalita.

Hindi nagtagal ay tumayo ang ama at lumapit sa kaniya. Hinawakan siya nito sa balikat at tinitigan sa mga mata. Tumitig pabalik si Ester. Pinagmasdan niya sa huling pagkakataon ang itsura nito. Iyon ang mukha na matagal na niyang gustong makita muli ngunit hindi napagbibigyan ng pagkakataon.

“Kung gano’n ay kailangan mo nang umalis dito.” sabi nito at saka ngumiti. "Hinihintay ka na nila."

"Pero paano?"

Ngumiti lang kaniyang ama.

Kahit na ayaw niyang umiyak ay hindi iyon ang nangyari, dahil wala nang tigil ang pagpatak ng luha niya sa mga pisngi. Hindi niya alam kung paano makakaalis, pero dapat niyang subukan.

Pinunasan niya ang kaniyang mga luha at saka huminga ng malalim. Tumingin siyang muli sa kaniyang ama at ina. Malungkot ang mga mukha nito sa kaniyang naging desisiyon. Ngunit para kay Ester ay tama lang ang kaniyang sinabi, dahil hindi iyon ang kaniyang mundo.

Hindi iyon ang realidad.

Sapat na ang pagkakataon na naranasan niya iyong muli. Masaya siya, kahit na hindi totoo, na makita niyang magkasama ang ama at ina.

Ngumiti siya at nagpaalam sa mga ito at saka madiing pumikit...

Alam kong panaginip ito, at pinipili ko na ang nag-iisang katotohanan.

“Ester.” Isang nakangiting babae ang nakita ni Ester pagkadilat na pagkadilat ng kaniyang mga mata. Ang mukha nito'y pinagod ng pag-iyak. Ang kulay ng balat nito'y maputla dahil sa kakulangan sa tulog. At ang mga kamay nito na nakahawak sa kaniyang kamay na may swero ay pinagaspang ng trabaho.

“Ester anak, sa wakas ay nagising ka na.”

Ngumiti si Ester sa kabila nang sakit ng kaniyang katawan.

Ang tinig ng ina'y nagmistulang tahanan.

Continue Reading

You'll Also Like

3.8M 157K 69
Highest rank: #1 in Teen-Fiction and sci-fi romance, #1 mindreader, #2 humor Aaron's special power might just be the coolest- or scariest- thing ever...
7.2M 302K 38
~ AVAILABLE ON AMAZON: https://www.amazon.com/dp/164434193X ~ She hated riding the subway. It was cramped, smelled, and the seats were extremely unc...
190M 4.5M 100
[COMPLETE][EDITING] Ace Hernandez, the Mafia King, known as the Devil. Sofia Diaz, known as an angel. The two are arranged to be married, forced by...
46.7K 855 22
Aurora Rossi no one ever carried about her growing up except her mother her father really never wanted to have a girl so he ignored her so does her b...