Leo and Aries

By UndeniablyGorgeous

3.9M 147K 112K

Four high school students living in a world of complicated first love, dream and friendship. (year 1996) Note... More

Foreword
Chapter 1
"Ito na ba" Lyrics
Chapter 2
"Lost in Your Love" Lyrics
Chapter 3
"Just Stay" Lyrics
Chapter 4
"Pareho ng Damdamin" Lyrics
Chapter 5
"Balang Araw" Lyrics
Chapter 6
"Without You" Lyrics
Chapter 7
"This Love Hurts" Lyrics
Chapter 8
"Awit" Lyrics
Chapter 9
"Afflictive Love" Lyrics
Chapter 10
"My First Your Last" Lyrics
Chapter 11
"You and Me" Lyrics
Chapter 12
"Abot Kamay" Lyrics
Chapter 13
"Gusto Kita" Lyrics
"Rollercoaster Ride" Lyrics
Chapter 15
"Farewell Love" lyrics
Chapter 16
"Kahit Takot Pa" Lyrics
Chapter 17
"Patawad" Lyrics
Chapter 18
"Mapapansin Kaya" Lyrics
Chapter 19
"Bittersweet" (Goodbye Song) Lyrics
Chapter 20
"Bayle" Lyrics
"Adik" Lyrics
Epilogue
"Walang Iwanan" Lyrics
Acknowledgement
Other Stories

Chapter 14

97.6K 3.9K 5.1K
By UndeniablyGorgeous

[Chapter 14] Featured Song: "Rollercoaster Ride" by Elli and Angel

"Alalahanin mo, Aries!" pagpupumilit ni Jessica habang hawak ang balikat ko. Nandito kami ngayon sa loob ng kwarto ni Gwen, nakaupo ako sa sahig, may maliit na mesa sa lapag at nasa tapat ko si Jessica. Nasa likod naman namin si Gwen na nakaupo sa tapat ng computer niya. Kulay puti ito, malapad ang likod ng monitor, malaki ang keyboard, may CPU na nilalagyan namin ng diskette. Naglalaro siya ng Tetris.

Napasabunot na lang ako sa sarili ko, "Hindi ko talaga maalala. Parang ibang language 'yung sinabi ni Leo!" isinubsob ko na lang ang mukha ko sa mesa. May sinabi si Leo bago niya ibaba ang telepono kagabi, pero hindi ko naintindihan at hindi ko alam kung bakit binabagabag ako nito.

"Ano namang language 'yon?" tanong ni Gwen habang abala sa paglalaro sa computer niya. Rinig na rinig namin ang diin ng pagpindot niya sa mouse ng computer. Mayaman ang pamilya ni Gwen kaya lahat silang magkakapatid ay may computer sa kani-kanilang kwarto.

"Hindi ko alam, basta parang ang hirap bigkasin nung sinabi niya" gusto ko na magwala, napahiga na lang ako sa sahig. Malinis naman iyon dahil may carpet sa kwarto si Gwen na laging nililinis ng kasambahay nila.

Naka-suot pa kami ng uniform, kahit si Gwen ay wala pang balak magpalit ng damit. Napatingin ako sa orasan na nakasabit sa kwarto niya, may disenyo itong Mickey Mouse at Mini Mouse na naghahalikan. Paborito talaga ni Gwen ang cartoon characters na iyon. Mag-aalas sais na ng hapon, mag-dadalawang oras na kaming nakatambay sa bahay nila at ni isang clue ay wala kaming makita tungkol sa kung ano ba 'yung sinabi ni Leo kagabi.

"Ano ba kasing tinanong mo sa kaniya? Bakit ganon sagot niya?" tanong ni Jessica, napatingin ako sa ginagawa niya sa notebook. Nag-dadrawing lang siya ng paborito niyang characters sa comics na binabasa niya. Napatingin na lang ulit ako sa orasan, mabagal ang pag-ikot ng oras nito.

"Tinanong ko siya kung anong paborito niyang kanta ng Galaxy Storm. Si Sir Ched kasi 'yung boss niya sa---" napatigil ako nang maalala ko na hindi ko pala pwede sabihin na nagtatrabaho si Leo dahil siguradong mapapahamak ang resto bar na nag-hihire ng menor de edad.

"Sinong Sir Ched?" tanong ni Gwen, napatingin siya sa amin sandali saka muli niyang ibinaling ang paningin niya sa computer. Bumangon na ako at umupo ulit "Basta Si Sir Ched, nalaman namin na member pala siya ng Galaxy Storm" sagot ko, bigla namang nanlaki ang mga mata nilang dalawa sabay tingin sa'kin.

"Galaxy Storm?! 'yung sikat na banda na puro broken songs ang kinakanta? 'yung may poging vocalist at lead guitarist?" sunod-sunod na tanong ni Gwen, iniwan niya ang nilalaro niya sa computer saka umupo sa tabi ko.

"Oo, pero hindi si Sir Ched 'yung vocalist. Si Sean 'yung sikat na vocalist nila diba? Alam ko hitsura 'non kasi lagi ko pa siyang napapanood sa TV, solo artist na siya" tugon ko, halos walang kurap naman silang nakatingin sa'kin. "Wait, kilala ko sila e, apat sila sa banda. Si Sean, Ric, Paul at Aim" saad ni Jessica habang binibilang sa daliri niya ang bawat miyembro.

Napaisip naman kami "E, sino si Ched? Ngayon ko lang din narinig 'yung pangalan na 'yon sa Galaxy Storm" dagdag ni Gwen. Ako naman ang napaisip ng malalim, nagsinunggaling ba si Sir Ched sa'min na member siya ng Galaxy Storm? E, ano namang mapapala niya kung lolokohin niya kami? Malalaman din naman ang totoo.

Pero pakiramdam ko talaga totoo ang sinabi niya, bukod doon parang may kakaiba rin talaga sa kaniya. "Baka niloko lang kayo ng Sir Ched na 'yon kasi magbebenta siguro siya ng album. Tsk tsk" saad ni Gwen saka tumayo at bumalik ulit sa computer niya.

"Wait nga, balik tayo sa ginagawa natin. Ano ba 'yung tinanong mo kay Leo kagabi?" tanong ulit ni Jessica, napahinga na lang ako ng malalim. "Tinanong ko kung anong kanta ng Galaxy Storm ang paborito niya"

Kinagat naman ni Jessica ang magic pencil niya habang nag-iisip ng malalim "Puro English naman ang kanta ng Galaxy Storm e, may iba bang language silang kanta?" saad niya na parang tinatanong ang kisame.

"Yun nga e, tapos hindi ko pa maalala kung ano ba 'yung sinabi niya" saad ko, ilang sandali pa, bumukas ang pinto ng kwarto. Dumating ang kasambahay nila na si ate Mari at inilapag sa mesa namin ang macaroni at orange juice na merienda nila.

Nagpasalamat kami sa kaniya bago kami nag-unahan sa pinakamaraming macaroni na laman ng tatlong bowl. Muling tumabi sa'kin si Gwen at sabay-sabay kaming kumain na parang wala nang bukas. Napatingin ako sa maliit na picture na nakasabit sa dingding ng kwarto niya. Medyo kulay brown na iyon, nakalagay ito sa picture frame.

"Ikaw 'yung baby sa picture?" tanong ko kay Gwen, napatingin din silang dalawa doon. Parang last week lang noong nandito kami sa bahay nila, wala naman iyon sa kwarto niya. "Oo, ako 'yan saka si lolo" sagot niya. May isang matandang nakadamit pang-sundalo ang may kargang baby girl doon sa litrato. Sa likod nila ay may dagat at may mga barko at sasakyang pang-militar.

Tiningnan kong mabuti ang picture habang kumakain. Parang familiar sa'kin ang flag na nakapalibot sa buong barko na nasa likod nila. "Sa ibang bansa ba 'yan?" tanong ko, tumango naman si Gwen. "Oo, sa Russia 'yan" tugon niya, napakurap na lang ako ng dalawang beses. Iyon 'yung flag na ginagawa nina Leo, Gian at Adrian. Iyon din ang flag na inabot sa'kin ni Adrian.

***

Sinisipa ko ng marahan ang maliit na bato habang naglalakad pauwi. Napadaan ako sa playground, maraming mga bata ang naglalaro doon. May mga nag-babasketball din sa covered court na katabi ng chapel.

Hindi ko mapigilang mainis, hindi ko rin alam kung bakit ako naiinis. Naiinis siguro ako sa sarili ko kasi hindi ko maalala pero naiinis din ako kay Leo kasi bakit ibang language pa ang sinabi niya.

Ilang sandali pa, napatigil ako nang makita ko ang grupo ng mga kalalakihan suot ang uniform ng school namin. "Akin na, 'wag mo sabihing wala ka ng baon?" napasingkit na lang ang mga mata ko nang makita si Ben at ang grupo niya habang pinapalibutan nila ang isang elementray student na lalaki na mula sa ibang school.

Nasaktuhan pa na naiinis ako at nakita ko sila ngayon. Lalagpasan ko na lang sana sila pero narinig kong sinigawan niya ang bata at akmang hahampasin ito "Hoy, tumigil nga kayo diyan!" suway ko sa kanila, sabay-sabay naman silang napalingon nang maangas. "At sino kang---" hindi na natapos ni Ben ang sasabihin niya sana sa'kin saka napalingon sa mga kasamahan niya.

"Babes!" ngiti niya sabay kurap ng mga mata ng tatlong beses. Tumayo ng maayos ang mga alagad niya na parang dadalo sila sa kasal. Naiinis ako ngayong araw at nadagdagan pa ng bully na 'to. "Ibalik niyo 'yung baon at pera niya. Hindi na kayo nahiya, ninanakawan niyo pa 'yung bata!" sigaw ko, napalingon ang ilang mga batang naglalaro sa playground sa'min.

Agad naman nilang tinayo at pinagpagan ang damit ng batang kinukutongan nila kanina. Ten years old na siguro ang batang 'yon. Ibinalik nila sa bag ng bata ang lunch box nito at inilagay nila sa bulsa ang mga barya na kinuha nila kanina.

"My dearest babes, kinakaibigan lang namin siya. Diba baby boy?!" ngiti ni Ben sabay akbay sa bata. Tumango-tango naman ang mga alagad niya at sabay-sabay na ngumiti na parang mga butiki. Napairap na lang ako ng mata, kung hindi ko pa sila naabutan, siguradong kawawa ang batang iyon.

Dahan-dahan akong naglakad papalapit sa kanila, napaatras naman sila pero nakangiti pa rin na parang ilang sandali na lang ay maiihi na. "Kayong lahat lalo ka na Ben, tigilan niyo na nga 'yang ginagawa niyo. Mag-aral kayong mabuti at wag kayong mang-aapi ng iba. Ano bang napapala niyo diyan? Maawa naman kayo sa mga magulang niyo at sa mga tanod sa barangay dahil lagi na lang kayo nadadala doon" panimula ko at isa-isa ko silang tinuro.

"Anong ituturo niyo sa mga anak niyo pagdating ng araw? Na siga at kinatatakutan kayo ng mga bata? Paano na lang kung 'yung mga anak niyo ang na-bully? Ha! PAANO?!" sigaw ko, dahilan para mayanig ang mga tenga nila. Agad silang nagpalitan ng mga tingin at hindi nila alam kung tatakbo ba sila o hihintayin na lang na makalapit ako at masuntok sila.

"S-sorry na, hindi na mauulit babes" saad ni Ben sabay hawak sa kamay niya na parang humihingi ng tawad. Agad naman siyang ginaya ng mga tauhan niya. "Nanggigil talaga ako e" banat ko pa at nang humakbang ako ulit, napasigaw na lang sila saka dali-daling tumakbo papalayo sa playground. Agad silang pumara ng jeep, at dahil puno na ito, mabilis silang sumampa at umakyat sa bubungan ng jeep habang ang ilan naman ay sumabit sa likod.

***

September na, naging abala kaming lahat sa magkasunod na Long Test at Periodical Exam. Bukod sa hindi ako makatulog noong mga nakaraang gabi dahil sa kakaisip kina Leo at Adrian. Hindi rin ako makatulog ngayon dahil sa kaka-review para sa exam namin.

Mabuti na lang dahil sabado ngayon, walang pasok. Wala rin kaming practice sa banda dahil exam, ayaw kaming payagan ng mama ni Gian na mag-practice hangga't hindi pa tapos ang exam week.

"Manong Jude, pabili nga po ng isang bote ng mantika" saad ko sabay abot ng bayad, tumayo naman si Manong Jude saka kinuha ang mga bote ng mantika na maayos na nakalagay sa lagayang malapit sa kaniya. Hindi niya iyon nilalagay sa paligid ng grocery store niya dahil baka mabasag.

Naabutan kong nanonood siya ng TV, comedy movie na ang bida ay si Dolphy. "Hindi kayo magluluto ng masarap na ulam ngayon?" tanong ni Manong Jude habang sinusuklian ako. "Wala po si mama, may outreach daw po sila" sagot ko habang nakatingin pa rin sa TV, natawa na lang ako nang maghampasan sila Dolphy ng dyaryo sa palabas.

"Busy talaga mama mo 'no? Mahirap talaga ang tumayong ama at ina" wika ni Manong Jude sabay abot sa'kin ng sukli at ngumiti. Hindi ko naman napansin dahil nakatuon ang atensyon ko sa nakakatawang palabas sa TV. "Oh, sa bahay niyo na lang 'yan panoorin, may TV naman kayo" tawa ni Manong Jude, napangiti na lang din ako. Nasa bahay pala nila Lola Amor si Axel ngayon at ako lang ang mag-isa sa bahay. Gusto ko sanang pumunta doon kaso nandoon si Adrian.

Naglakad na ako pabalik sa bahay, pagpasok ko sa loob nagulat ako nang makita ko si Adrian na paakyat sa hagdan ng bahay namin. "Hoy, anong ginagawa mo dito?" tawag ko sa kaniya, napalingon naman siya sa'kin sabay ngiti.

"Akala ko tulog ka pa, kumain na raw tayo sabi ni Lola" tugon niya at sinundan niya ako papunta sa kusina. Iniligay ko na sa gilid ang bote ng mantika na binili ko. "Kumain na ko" sagot ko, binuksan ko ang ref saka kumuha ng malamig na tubig at ininom iyon. Medyo mainit kanina nung naglakad ako sa labas.

"Maniwala? Wala pa ngang hugasan sa lababo niyo oh" saad ni Adrian sabay turo sa lababo namin na malinis ngayon. Binalik ko na ang tubig at sinarado ang ref saka tumingin sa kaniya. "Naghugas ako agad, bakit ba? Ayokong nagtatambak ng hugasan" sagot ko pero tinawanan niya lang ako at sumandal siya sa pader.

"Ang sipag mo naman. Parang hindi ikaw 'yan" pang-asar niya pa, inirapan ko na lang siya sabay talikod. Naiinis ako, pinaglalaruan ba ako ng lalaking 'to? Hindi ko na nga sila masyadong kinakausap ni Leo para hindi awkward.

"Umuwi ka na nga, matutulog na ko" saad ko saka naglakad papunta sa salas. Kinuha ko muna ang mga damit ni Axel na nakakalat sa sahig at nilagay iyon sa labahan. Sinundan naman niya ako, "Hindi ka pa nga kumakain e" ulit niya, pero hindi ko siya pinansin. Nagpatuloy lang ako sa pagliligpit doon.

"Sinabawang tahong pa naman ang ulam namin ngayon. Paborito mo 'yon diba?" saad pa niya na parang nagsasalita sa isang commercial at pilit akong hinihikayat na bumili ng produkto na binebenta niya. Napalunok na lang ako, parang bigla akong naglaway. Nagugutom na rin ako pero hindi ako pwedeng bumigay.

Pumasok ako sa banyo saka inipon ang iba pang labahan doon. Maglalaba ako mamaya para naman may magawa akong maganda ngayong araw. "Uhm, Aries" tawag ulit ni Adrian saka sinundan ako sa banyo. Nakatayo siya sa tapat ng pintuan. "Ano na naman?" tanong ko pero hindi ko siya nilingon. Kinuha ko na rin ang mga tuwalyang nakasabit sa banyo para labhan iyon.

"Naalala mo ba 'yung binigay ko sayong flag dati?" napatigil ako saka lumingon sa kaniya. "Yung para sa United Nation?" tanong ko pabalik, tumango naman siya ng halos limang ulit. "Anong meron 'don?" tanong ko saka binitbit palabas ang mga labahan at dinala iyon sa likod ng bahay kung nasaan nakalagay ang mga palanggana namin.

Sumunod naman siya at tumayo lang sa tapat ng pintuan. "Nabasa mo ba 'yung nakasulat sa likod ng flag na binigay ko sayo?" hiniwalay ko na ang puting damit sa may kulay.

"Hindi ko na matandaan kung anong nakasulat doon" sagot ko saka lumingon sa kaniya. "Kulang pa ba kayo ng ginawang flag? Sa October na 'yon gagamitin ah" tanong ko, nagtaka naman ang hitsura niya.

"Tapos na kami, nagawa na naming tatlo lahat. Flag ng Russia, Canada at China ang ginawa namin" sagot niya, ibinalik ko na lang ulit ang tingin ko sa paghihiwalay ng mga labahan saka tinuloy iyon. "Akala ko ipapagawa niyo pa sa'kin. Ice pop lang naman ang ibibigay niyong tatlo e" saad ko, akala nila madadala ako sa ice pop o ice cream. Pero kung wala naman akong ginagawa, okay na rin gawin ko 'yon para sa ice pop.

"Nabasa mo nga 'yung nakasulat 'don sa likod?" ulit pa niya saka lumapit sa'kin. Pinapanood niya lang ako habang inilalapag ko sa sahig ang mga malalaking palanggana. Ibababad ko muna ang mga puti at mamayang hapon na lang ako maglalaba pagkagising ko.

"Oo, nabasa ko pero hindi ko matandaan. Hindi ko rin kaya maintindihan" sagot ko sa kaniya, tumayo ako saka kinuha ang host at binuksan ang gripo para lagyan na ng tubig ang mga palanggana. "Gusto mo bang ulitin ko ulit?" tanong niya, medyo hindi ko narinig dahil sa lakas ng agos ng tubig sa gripo.

"Ha? Ang alin?" tumayo siya saka sumandal ulit sa pader. "Yung nakasulat doon sa likod ng flag" sagot niya. Tiningnan ko naman siya, "Ano bang nakasulat doon?"

"Ty mne nravish'sya" saad niya, napakurap ako ng dalawang beses. Ano na naman 'to?

"Anong sabi mo?" napakunot na ang noo ko, mag-aaral pa ako mamaya para sa exam next week at heto binibigyan na naman niya ako ng bagong iisipin. "Ty mne tak nravish'sya" ngiti niya, napatayo na lang ako saka itinutok ko sa kaniya ang host dahilan para mapasigaw siya sa lamig ng tubig at dali-daling tumakbo papalabas ng bahay. Kung itak lang ang dala ko mahahabol ko pa siya hanggang sa labas.

***

Kinabukasan, maaga akong nagising para bumili ng pandesal. Tulog pa si mama dahil gabi na rin sila nakauwi kagabi galing sa outreach. "Good morning, Manong Jude" bati ko kay manong Jude nang mapadaan ako sa tindahan niya. Nagwawalis siya sa tapat nito.

"Kay gandang umaga, Aries" ngiti niya pabalik pero napatigil siya sa pagwawalis saka tinawag akong muli "Aries" napatigil ako sa paglalakad at napalingon sa kaniya. "May date ba si Leo ngayon? Bihis na bihis siya kanina at may dala siyang bulaklak. Kakasakay lang niya ng jeep" saad ni Manong Jude, hindi ko naman alam ang isasagot ko. Pero hindi ko rin alam kung bakit parang biglang natusok ng karayom ang puso ko.

"H-hindi ko po alam, tatanungin ko na lang po siya mamaya" sagot ko, ngumiti naman ng malaki si Manong Jude "Nagbibinata na pala ang Leo natin" tawa ni Manong Jude saka nagpatuloy na sa pagwawalis.

Naglakad na ako pabalik ng bahay, hindi ko mapigilang matulala habang naglalakad. Paulit-ulit na naglalaro sa utak ko ang sinabi ni Manong Jude na bihis na bihis at may dalang bulaklak si Leo. Liligawan na ba niya si Chelsea? Magkikita sila ngayon?

Pagpasok ko sa bahay, nilapag ko na sa mesa ang pandesal. Sakto namang bumukas ang pinto ng banyo at lumabas na doon si mama, parang namamaga ang mata niya at halatang puyat siya. "Naglaba ka pala kahapon. Ang sipag naman ng anak ko" ngiti ni mama sabay hawak sa balikat ko at mariing pinisil iyon.

Napangiti naman ako at sinundan ko siya papunta sa kalan. Napalingon siya sa'kin at natawa na lang siya dahil nakangiti ako ngayon at nakatitig sa kaniya "Alam ko na ang ngiting 'yan, ano bang gusto mo?" tawa ni mama. Alam kong hindi dapat ako masanay na humingi ng reward kay mama kapag natatapos ko ang gawaing bahay pero minsan lang naman ako humingi kaya hindi ko na ito papalagpasin.

"Ma, may bago pong labas ng sapatos ngayon. Umiilaw kapag hinahakbang" saad ko, natawa naman si mama. "Magmumukha kang disco kapag suot 'yon" saad niya saka naglakad papunta sa hapag at umupo roon. Sinundan ko naman siya at humawak ako sa braso niya. "Sige na ma, ang ganda 'non pag gabi. Umiilaw parang stars" ngiti ko saka humilig sa balikat niya pero tinawanan niya lang ako habang sinasawsaw ang pandesal sa mainit na kape.

"Kakabili ko lang ng roller shoes sayo, nasaan na ba 'yon? Hindi mo na ginagamit" saad ni mama, napasandal na lang ako sa upuan pero muli akong kumapit sa braso niya. Gusto ko sanang sabihin na hindi pa ako marunong masyado kasi hindi na ako nagpa-practice at nahihiya na akong magpaturo kay Adrian.

"Sige na ma, please. Ang ganda kasi nung ilaw ng sapatos. Makikita pa nila ako kapag naglalakad ako sa gabi" hirit ka dahilan para lalong matawa si mama. Ginulo-gulo niya ang buhok ko, "Sige na nga, para sa mga bituin na pinaglalaban mo" tawa niya, niyakap ko siya ng mahigpit.

Ilang sandali pa, kumulo na ang sinalang niya sa kalan na lugaw. "Dalhan mo pala sila Leo ng lugaw. Birthday ngayon ni Janet" saad ni mama, napatigil naman ako at napatingin sa kalendaryong nakasabit sa itaas ng ref namin.

September 15 nga pala ang birthday ng mama ni Leo!

Agad akong tumayo at tumakbo papunta sa kwarto. Kaya pala siya bihis na bihis at may dalang bulaklak. Lagi niyang ginagawa iyon kapag birthday ng mama niya, dinadalaw niya ang puntod nito sa sementeryo. Bakit ko nakalimutan?!

Mahigit isang oras din ang byahe papunta sa sementeryo na nasa gitna rin ng bundok. Pataas ang sementeryo na aakalain mo ay mga kabahayan din dahil karamahin ay may mga musuelo. Medyo makulimlim ang kalangitan pero mahangin dahilan para tangayin ang mga patay na dahon at damo sa sementadong hagdan paakyat sa sementeryo.

Taon-taon kami dumadalaw sa puntod ng mama ni Leo. Sinasamahan namin siya, kung minsan ako lang ang kasama niya. Hindi na rin kaya ni lolo Gil umakyat sa sementeryo kaya hindi na siya nakakasama. Pero ngayon hindi ko alam kung bakit hindi siya nagsabi sa'kin na samahan ko siya.

Nasa pinakatuktok ang puntod ng mama ni Leo, wala itog musuleo dahil para lang iyon sa mayayaman. Pagdating ko sa taas, malayo pa lang ay natanaw ko na siya. Nakaupo siya sa parihabang puntod ng mama niya na sementado. Nililinis niya ito at tinatanggalan ng lumot at mga patay na dahon.

Nagsindi rin siya ng kandila at nakapatong na sa puntod ang sunflower na paboritong bulaklak ng mama niya. Pareho kami ng mama niya, paborito ko rin ang sunflower. Napatingin ako sa hawak kong bulaklak, sunflower din ang binili ko para sa mama niya.

Dahan-dahan akong naglakad papalapit sa kaniya, pinagmamasdan ko ang likod niya. Kahit nakatalikod siya, at kahit malayo, kahit nasa kabilang bundok man o kabilang isla. Sigurado akong makikilala at makikilala ko pa rin siya.

Dahan-dahan siyang napalingon sa likod nang marinig niya ang paghakbang ko. Hindi ko alam kung bakit parang nadudurog ngayon ang puso ko. Noong nakaraang taon lang magkasama kaming dumalaw sa mama niya, pero ngayon mag-isa na lang siya.

Nakasuot siya ng puting polo na medyo gusot pa, tila hindi pa ito napaplantsa. Suot niya rin ang itim na pantalon na bitin na sa kaniya. Mukhang ito pa rin ang pantalon na ilang taon na niyang ginagamit, hindi pa siya nakakabili ng bago. Maging ang itim na sapatos na ginagamit niya sa school, kupas at sira na.

Hindi ko mapigilang masaktan, kung kasama lang niya ang mama niya ngayon. Siguradong may magpaplantsa ng damit niya. May mag-aasikasong bumili ng pantalon at sapatos niya.

Nang mapatingin siya sa'kin, napatingin na lang siya muli sa lupa. Parang hindi rin naman siya nagulat na dumating ako. O baka dahil nasa kaligitnaan siya ng pagdarasal ngayon habang kinakausap ng tahimik ang mama niya na nakahimlay sa ilalim ng puntod na ito.

"Happy Birthday po, Tita Janet" saad ko habang nakaharap sa puntod at marahan kong ipinatong ang bulaklak na dala ko sa ibabaw niyon. "Nagdala rin po ako ng paborito niyong bulaklak" patuloy ko saka ngumiti ng kaunti. Napatingin ako kay Leo na ngayon ay nakatingin sa'kin.

"Pasensiya na po tita kung nahuli ako, hindi po kasi ako hinintay ng anak niyo" dagdag ko pa, nakita ko namang napangiti si Leo ng kaunti. Tila sandaling nawala ang lungkot sa mga mata niya. "Tingnan niyo po tita, tinatawanan ako ng anak niyo" patuloy ko pa, at sa pagkakataong iyon ngumiti ng tuluyan si Leo, nasilayan ko na ang mapuputi niyang ngipin.

Umupo ako sa tabi niya, doon ko lang napansin na may dala pala siyang basket na nakapatong sa lupa. "Wow! Tita, nagluto pala si Leo" ngiti ko ulit sabay kuha ng basket. Kukunin sana ni Leo sa kamay ko dahil nahihiya siya pero tinapik ko ang kamay niya kung kaya't hinayaan na lang niya ako.

"Tsk, sinasabi ko na nga ba, alam niyo ba tita, espiya po talaga si Leo sa resto bar ni Sir Ched. Gagayahin niya ang recipe ng mga ulam doon" biro ko pa, tuluyan nang ngumiti si Leo at nagulat ako kasi ginulo niya ang buhok ko.

"Naiingayan na sayo si mama" kantyaw niya, ang gaan sa pakiramdam kapag nagagawa ko siyang pangitiin. Tinulak ko naman siya ng marahan dahil ginulo niya ang buhok ko. Pinaghirapan ko pa namang suklayin ito ng maayos kanina.

Nakasuot din ako ng puting dress na sinusuot ko sa tuwing nagsisimba kami ni mama. "Tsk, alam niyo ba tita, nagtatampo ako sa anak niyo. Hindi niya ko sinama dito, buti na lang alam ko ang daan papunta" dagdag ko pa, akala ko tatawa muli si Leo pero nakatingin na lang siya sa'kin ngayon. Tingin na parang may halong kalungkutan.

Inilapag ko na muli sa lupa ang basket na puno ng mga prutas at may bico pa. Hindi ko alam kung may mali ba akong nasabi kaya muli siyang nalungkot ng ganiyan. "Akala ko nakalimutan mo na" wika ni Leo sabay tingin sa lupa, nilaro niya ang lupa gamit ang sira niyang sapatos.

"Pero okay lang kahit nakalimutan mo. Hindi mo naman kailangan alalahanin" patuloy niya, hindi naman ako nakapagsalita. Napatingin na lang ako sa puntod ng mama niya kung saan nakasulat ang

Janet C. Rosero

September 15, 1961 – August 12, 1980


19 years old lang ang mama ni Leo nang ipanganak siya at mamatay. Nakakalungkot lang na ang araw ng kamatayan nito ay siyang kaarawan ni Leo.

"Kanina bago ka dumating, kausap ko si mama. Alam kong nandito siya ngayon, nararamdaman ko ang hangin na yumayakap sa'kin" wika ni Leo saka siya tumingin muli sa puntod ng mama niya. Gusto kong mag-sorry sa kaniya dahil hindi ko naalala. At kahit kanina nang sabihin sa'kin ni Manong Jude na umalis siya nung umaga, hindi ko naisip na ngayon pala ang birthday ng mama niya.

"Kung iisipin, ang unfair ng mundo. Lumaki akong walang magulang. Namatay si mama nang hindi ko man lang naririnig ang boses ang niya. Hindi ko kilala kung sino ang tatay ko, at hindi ko alam kung hinahanap ba niya ako o kinalimutan na kaming dalawa ni mama. Si Lolo na lang ang pamilya ko, pero hindi ko mapigilang masaktan kapag nagkakasakit siya at sinusumpong ng malalang ubo gabi-gabi" patuloy ni Leo at sa pagkakataong iyon nakita ko ang pagbagsak ng luha sa mga mata niya.

"Pero kahit 'ganon, palagi ko pa ring naiisip na kahit papaano maswerte ako. Nandiyan pa rin si lolo, at kahit matanda na siya sinisikap niya pa rin magtrabaho. At higit sa lahat nandiyan kayong tatlo. Kaya siguro hindi ko nararamdaman na wala akong pamilya dahil palagi kayong nandiyan para sa'kin" dahan-dahan kong hinawakan ang balikat niya at tinapik-tapik iyon ng marahan. Umiiyak na siya, umiiyak siya sa harap ng mama niya.

"Kahit puro kalokohan at madaldal si Gian, siya pa rin ang naghahatid ng saya sa samahan natin. Kahit maingay at mapang-asar si Adrian, siya pa rin ang nagsasabi ng totoo kahit masakit. At kahit lagi mo kaming kinukurot at pinapagalitan, ikaw pa rin ang nanay namin na nagdadala sa'min sa tama" sa pagkakataong iyon ay tila unti-unti na siyang tumigil sa pag-iyak.

Hindi ko na rin masyadong makita ang mata niya dahil humaharang ang buhok niya sa kaniyang kilay at mata. Patuloy ko pa ring tinatapik ang balikat niya at hinahayaan lang siyang umiyak at maglabas ng hinanakit sa puso.

"T-tinanong ko si mama kung ano ba ang dapat kong gawin, alam kong isa lang naman ang isasagot niya sa'kin" patuloy niya, nagulat ako nang tumingin siya ng derecho sa mga mata ko. "Kayo ang pamilya ko. At kahit anong mangyari, pamilya ang dapat kong piliin. Ang pagkakaibigan natin ang dapat kong unahin" hindi ko alam pero sa pagkakataong iyon ay tila tumagos sa puso ko ang sinabi niya. Na para bang matagal na panahon nang bumabagabag iyon sa isipan niya at ngayon, sa unang pagkakataon ay nasabi na niya sa akin ng harapan.

Sandaling umihip ang marahan na hangin dahilan upang dahan-dahan nitong isayaw ang buhok ni Leo na tumatama sa kaniyang mga mata at pawiin ang namumuong luha sa mga mata ko na nagbabadyang babagsak na.

***

Tahimik lang kaming umuwi, nakasakay kami sa jeep. Nasa tabi kami ng driver, inabot niya sa'kin ang piraso ng earpiece habang ang isa ay inilagay niya sa tenga niya. Kinuha ko iyon at inilagay sa tenga ko saka muling tumingin sa daan.

Inilagay na niya sa Walkman ang cassette tape ng Galaxy Storm at sabay naming pinakinggan iyon. Nagsimulang tumugtog ang unang kanta, ang kantang pinakamasakit sa lahat ng kantang isinulat ng Galaxy Storm.


You will love him, for I know that you will

With his touch, your broken heart will heal

Please don't resent me for not telling you

Because I know he will love you the way I do


He's a brother of mine

I don't want to cross the line

This time I will step back

For I am the guy with no luck


Farewell, Love

He will love you forever

Goodbye love,

He will not hurt you, never


Don't stay, Love

He's a good guy and will not let you cry

Hate me, Love

For all I can say to you is goodbye


You will like him, I know you will do

I know he can make you laugh and smile

Not like me, who always make you blue

Someday, he will wait for you in aisle


Farewell, Love

He will love you forever

Goodbye love,

He will not hurt you, never


Don't stay, Love

He's a good guy and will not let you cry

Hate me, Love

For all I can say to you is goodbye


Sa pagkakataong iyon, habang pinapakinggan namin ang kantang iyon ng Galaxy Storm na Farewell, Love ay parang dinudurog ang puso ko. Tiningnan ko si Leo, at hindi ko alam kung bakit sabay namin pinapakinggan ang malungkot na kantang ito na parang gusto niyang maintindihan ko.

***

"Sumuko ka na ba Aries?" tanong ni Gwen, gumagawa kami ngayon ng assignment sa library. Isang linggo matapos ang exam week namin, akala namin makakahinga na kami ng maluwag pero marami pa kaming tatapusin na projects at assignment.

Hindi ko alam kung para ba sa mga schoolworks namin ang tanong ni Gwen, tiningnan ko lang siya. Abala sila ni Jessica sa pag-kopya ng mga mahahalagang information sa libro at nililipat iyon sa notebook nila. Naalala ko na may computer naman sila Gwen at pwede siyang kumuha ng reference sa internet at i-print iyon pero mahal daw ang print kaya ayaw ng daddy niya bumili ng printer. Siguradong mag-piprint ng maraming picture si Gwen ng Eraserheads at Backstreet boys at ilalagay niya iyon sa paligid ng kwarto niya.

Kinuha ni Jessica ang isang notebook ni Gwen na hindi naman nito ginagamit. Binuklat niya iyon at sinulatan. Nilabas niya rin ang isang makapal na dictionary, napatingin lang kami ni Gwen sa kaniya dahil daig niya pa si Chelsea na First Honor ng batch namin kung mag-aaral siya ng ganiyan ngayon.

"Ano 'yan?" tanong ni Gwen saka tiningnan ang makapal na dictionary na iyon. Tiningnan ko rin pero hindi pala ito ordinaryong English dictionary. Sa halip, ay isa itong English to Russian and Russian to English Translation reference.

"Mag-aaral ka ng Russian?" tanong ko, at akmang aagawin ang libro pero hinawakan niya iyon. "Kung hindi mo maalala ang sinabi ni Leo, isusulat natin ngayon lahat ng pwedeng sabihin ng isang lalaki sa isang babae" sagot ni Jessica saka nagsulat muli sa notebook.

You're pretty

You're sexy

I will die for you

Will you marry me?

I love you

Napakunot naman ang noo namin ni Gwen nang mabasa ang mga sinulat ni Jessica, dali-dali niya itong hinanap sa libro saka trinanslate isa-isa. "Seryoso ka ba diyan? Sasabihan ni Leo si Aries ng You're pretty?" saad ni Gwen, napatingin naman ako kay Gwen. Kaibigan ko ba talaga 'to?

"Hindi rin naman sexy si Aries, malamang hindi 'yan 'yung sinabi ni Leo" dagdag pa ni Gwen. Binura na niya ang dalawang nakasulat doon. "I will die for you? Feeling ko hindi naman 'ganon kakorni si Leo para sabihin niya 'yan?" tawa ni Gwen, agad ko siyang sinakal gamit ang braso ko. Masyadong harsh magsalita 'to si Gwen ha.

"Sabagay, parang si Ben pa ang magsasabi ng 'ganon kakorni" pag-sangayon ni Jessica at binura na rin niya ang salitang 'I will die for you'

"Will you marry me?" tawa ulit ni Gwen, sasakalin ko pa sana ulit siya kaso napadaan ang librarian namin. "Ang bilis naman ni Leo" tawa niya saka binura ang salitang iyon. Napatingin kaming tatlo sa nag-iisang salita na natira roon.

I love you = Ya lyublyu tebya

Napapikit ako saka pilit na inalala ang sinabi ni Leo mula sa kabilang linya noong gabing iyon. "Ano, aries? 'yan ba 'yung sinabi niya?" tanong nilang dalawa dahilan para hindi ako masyado makapag-focus. Minulat ko na ang mata ko saka binasa ulit iyon at binigkas ng paulit-ulit hanggang sa maalala ko na.

"Parang may word nga na lyubov sa sinabi niya e. Ganiyan, kahawig ng lyublyu" sagot ko, nanlaki naman ang mga mata nilang dalawa saka sinulat ang ang kaisa-isang salitang naalala ko. Kinuha ni Gwen ang ballpen saka nagsulat doon. "Isusulat ko ngayon lahat ng kanta ng Galaxy Storm. DIba 'yun ang tinanong mo sa kaniya bago siya mag-feeling russian" saad ni Gwen habang sinusulat lahat ng kanta ng Galaxy Storm at sinikap naming isalin iyon.

Inagaw naman ni Jessica ang ballpen saka nagsulat sa dulo ng papel kung saan doon na lang may space. "Baka naman kasi I like you lang 'yung sinabi niya" saad ni Jessica saka sinulat ang Russian word para sa salitang iyon.

I like you = ty mne nravish'sya

Nanlaki ang mga mata ko nang makita iyon. Sa pagkakatanda ko, nang mahagip ng mata ko kung anong nakasulat sa likod ng flag na binigay sa'kin ni Adrian, tatlong salita iyon at parang nag-uumpisa sa ganoong salita.

"Aries!" saad ni Gwen, medyo napalakas ang boses niya dahilan para mapatingin sa'min ang ibang estudyanteng tahimik na nag-aaral sa library. "Tingnan mo, ito ba 'yung sinabi ni Leo? May lyubov na ganitong kanta ang Galaxy Storm" saad ni Gwen sabay pakita sa'kin ng notebook kung saan nakasulat ang...

Farewell, Love = proshchay, lyubov'

***

Uwian na, naglalakad kaming tatlo nang bigla kaming salubungin ni Gian. Tumatakbo ito ng mabilis sabay tigil sa tapat ko "Aries!" sigaw niya sabay tapat sa mukha ko ng isang punit-punit na poster na mukhang kinuha lang niya sa poste.

Napaatras naman sila Gwen at Jessica dahil mukhang baliw si Gian na nagsisigaw sa hallway. Nanlaki ang mga mata ko nang mabasa iyon, "Nagbago ng schedule. Sa sabado na ang first audition para sa Battle of the Bands!" sigaw niya, imbes na ako ang himatayin sa gulat, siya ang unang nanghina ang tuhod at akmang mahihimatay. Mabuti na lang dahil nakasunod na pala sa likuran niya sina Leo at Adrian at nasalo siya.

Tatlong araw na lang bago ang first audition, halos gabi-gabi kami nag-papractice. Hindi rin nauubusan ng energy si Gian na siyang nagpupumilit sa'min na ibigay ang best namin sa pag-perform. Mabuti na lang dahil laging naka-suporta ang mama niya at pinapakain kami ng marami.

September 21, ito na ang araw na aming pinakahihintay, sabihin na rin nating pinakakinakabahan. Dahil dito namin malalaman kung papasa ba kami at makakatugtog sa fiesta. Maaga pa lang ay nasa covered court ng munisipyo na kami sa bayan.

Marami na ring tao sa labas na karamihan ay mga kababayan namin. Halos dalawampung banda ang maglalaban-laban pero pito lang ang pipiliin nila na tutugtog sa fiesta. Nasa backstage kami, tapos na rin kami ayusan. Black and white na parang bubuyog ang costume namin. Ang sabi kasi ng mga hurado, kailangan ay may theme daw ang lahat na sumasagisag sa tamis at sakit. Kaya ang unang naisip ni Gian ay bubuyog, dahil matamis daw ang honey pero masakit mangagat ang bubuyog.

Napapatingin kami sa mga kalaban namin na ang aastig at ang cool ng mga costume. May banda na ang theme ay Power Rangers, Superhereos, Alien, Villains at kung anu-ano pang mga cool na characters. Napatingin ako sa malaking salamin sa gilid ng backstage.

Mukha akong tanga sa malaking sunflower na nakapatong sa buong mukha ko. Ayon kay Gian, ako raw ang bulaklak kasi ako ang babae sa kanila. Nakasuot din ako ng itim na shirt at leggings na binalutan ni mama ng green crepe paper para magmukha raw stem ng bulaklak.

Nakasuot nama ng malaking costume sina Leo, Gian at Adrian na parang matatabang lasenggong bubuyog. Hindi ko alam kung bakit kami pumayag sa gusto ni Gian sa pag-aakalang ganito ang kakalabasan ng ibang mga kalaban naming banda pero sa huli mukha kaming dadalo ng children's party.

"Galingan mo anak!" saad ni mama sabay lagay ng foundation sa mukha ko. Gusto ko na mag-back out. Mukha talaga kaming naimbitihan sa perya. Abala naman sila Leo sa paghawak ng gitara at mukhang wala naman siyang reklamo sa bee costume na suot niya ngayon. Kinakausap siya ni Lolo Gil na halatang proud na proud sa apo.

Pinipilit naman ni Lola Amor na pakainin si Adrian bago magsimula ang audition. Hirap na hirap naman ito kumain dahil sa laki ng bubuyog costume na suot niya. Samantala, si Gian naman ang pinaka-confident sa amin. Nakaupo lang siya sa silya habang naglalaro sa Gameboy. Nilalagyan siya ng mama niya ng sapin sa likod pero maging si tita ay nahihirapan sa bubuyog costume ni Gian.

Ilang sandali pa, nagsimula na ang audition, pang-eighteen pa kami. Kinakabahan kami dahil halos magaganda ang ngiti ng mga nauna sa amin kahit pa next week pa namin malalaman kung sinu-sino ang mga makakapasa. Siguro ay nakita nilang nakangiti ang mga hurado kaya alam na nila na makakapasa sila.

"Band number Eighteen" tawag ng assistant na nakatayo sa pintuan ng backstage. Nagulat kaming lahat at sabay-sabay na tumayo at naglakad papalapit sa kaniya. "B-bakit? O'siya, kayo na ang susunod. Tumayo na kayo sa likod" saad ng assistant. Maging siya ay natatawa sa hitsura namin.

Hindi naman matapos sa kaka-goodluck sila mama, tita Gina mama ni Gian, lola Amor at lolo Gil. Agad silang naupo sa audience seat para abangan kami. Inilabas na rin nila ang mga camera na magiging ebidensiya kung gaano nakakatawa ngayon ang hitsura namin.

"Bzzz... Makinig kayo team" panimula ni Gian sabay akbay sa'min. Mukha kaming mga bubuyog na nagkukumpulan at nagpaplano kung paano atakihin ang kabilang kampo ng mga bubuyog. "Mga walang creativity 'yung mga kalaban natin. Tayo ang pinaka-creative sa lahat" patuloy niya sabay hawak sa tiyan ng suot niyang costume. Ang lalaki ng tiyan ng mga bubuyog costume na suot nila at ang tambok pa ng pwet.

"Matitikman mo talaga ang sakit ng kagat ng bubuyog kapag natalo tayo dahil sa costume na 'to" reklamo ni Adrian, mukhang pinagpapawisan na rin sila sa costume na suot nila. "Basta let's do our best, walang iwanan?" saad ni Gian sabay lahad sa gitna namin ng kamay niya.

"Walang iwanan!" sagot namin na pare-parehong nangingig ang kamay dahil sa nerbyos. "Next?" saad ng hurado. Sabay-sabay kaming napatayo ng tuwid saka umakyat sa stage. Nagkatinginan naman ang mga tao dahil sa suot namin.

"May we know, why did you dress like that?" tanong ng isang judge na malaki ang tiyan at dahil ako ang nakaharap sa microphone, mukhang ako pala dapat ang sasagot!

Nagulat ako nang biglang agawin ni Gian 'yung microphone sa harap. "Ladies and Gentlemen, our theme aims to treasure the importance of bees in our environment. Bees with a genus name of Apis are..." tuloy-tuloy na paliwanag ni Gian na animo'y nasa Science wizard contest siya. Alam naming matalino rin siya sa science at math pero natatawa na lang ako kasi nakanganga lang sa kaniya ang tatlong judge at ang mga tao.

Nang matapos siyang magpaliwanag, napahawak na lang sa ulo ang judge na nagtanong sa amin. Nahilo ata siya sa mala-science based at scientific terms na explanation ni Gian. "Okay, please proceed" saad ng judge at sumenyas na ito na magsimula na kaming tumugtog.

Napatingin ako sa kanila isa-isa at sa pagkakataong iyon, alam namin na dito na magsisimula ang paglalakbay patungo sa pangarap naming banda. Inumpisahan ni Adrian ang pagpalo sa drums na sinundan ng pagtugtog ni Leo ng electric guitar na sinabayan din ng bass guitar ni Gian.

Unang bagsak pa lang ng musika ay napatigil na ang mga tao sa pagtawa at pagbubulungan. At sa pag-awit ko ng bawat liriko ng kanta ay naroon ang pag-asa na magustuhan nila ang performance na inihanda namin para sa kanila.

'Rollercoaster Ride' ang kantang inawit namin. Nakakaindak ang musikang ito na sinabayan ko ng masayang pag-awit. Sinimulan kong maglakad sa bawat sulok ng stage habang sabay-sabay naming dinadama ang kanta.

Ang kantang ito ay tungkol sa paulit-ulit na pagmamahal ng isang tao kahit anong mangyari. Na kahit up and down ang relasyon ay hindi pa rin sila susuko sa isa't isa.

Nang matapos kaming umawit, nagulat kami dahil nakangiti ang mga hurado at nagsimula silang pumalakpak. Maging ang mga tao ay nakatulala lang din sa amin at pumalakpak na rin. Napatingin ako kina mama, masaya ako na napanood niya ngayon ang unang hakbang na gagawin ko para tuparin ang pangarap ko at pagmamahal sa musika.

***

Sa Wednesday pa namin malalaman ang resulta ng audition, i-popost daw iyon sa bulletin board ng bawat barangay. Halos kalat na rin sa school na sumali kami sa battle of the bands, may ilang natutuwa, may ilang humahanga pero karamihan ay mga nang-aasar dahil sa bubuyog theme namin.

Hindi na lang namin sila pinansin. Nagulat din ako kasi inaaway ni Ben ang mga nang-aasar sa banda namin. "Iba talaga ang Falling Star mo, Aries" saad ni Gian, medyo tumawa na rin siya. Babatukan ko sana siya pero mas okay na rin na nakita ko na siyang tumawa.

Nakapila kami sa canteen, lunch time na. Nakaupo na sila Leo at Adrian sa pinakadulong mesa, may baon sila kaya hindi na sila pumila sa counter ng canteen. Nasa unahan ko si Gian, pinagtitinginan kami ng ibang estudyante at naririnig ko ang iba na tumatawa sabay sabing bubuyog.

"Sana bugbugin sila ni Ben" saad ni Gian, piningot ko ang tenga niya. "Mapapahamak pa sila Ben dahil sa'tin" suway ko sa kaniya, bigla naman siyang ngumisi. "Sus, concern siya sa falling star niya oh" pang-asar niya dahilan para mas lalo kong diinan ang pagpingot sa tenga niya.

Ilang sandali pa, nagulat kami nang biglang sumingit si Joyce sa gitna namin dahilan para mabitawan ko ang tenga ni Gian. Inilapag ni Joyce ng malakas ang tray na hawak niya sa gitna namin sabay tingin kay Gian at sa akin. Nagulat ako kasi ang sama ng tingin niya sa'kin. Wala naman siyang sinabi pero hindi siya umalis sa gitna namin hanggang sa makapagbayad kami sa cashier.

Nang hapon ding iyon, nakasabay ko si Lola Amor sa jeep pauwi. Galing siya sa bayan at nagpa-develop daw siya ng mga litrato namin nung first audition. "La, thank you po pala sa movie ticket na napanalunan niyo sa bingo" saad ko, magkatabi kami sa jeep. Maluwag pa ang jeep at mas dama namin ang sariwang hangin sa bintana.

"Ano iyon hija? Wala naman akong napanalunan sa bingo. Lagi nga akong talo e" tawa niya, dahilan upang makita ko ang kaniyang maputing pustiso. Napakurap ako kay Lola Amor ng dalawang beses pero nagkwento lang siya kung gaano siya kamalas sa bingo kaya mahjong na lang ang nilalaro niya. Wala rin daw movie ticket na premyo sa bingo at mahjong.

Magtatanong pa sana ako nang biglang tumunog ang pager ko, kinuha ko iyon sa bulsa saka binasa.

Aries, nandito kami ngayon sa bayan. Saan namin makikita si Sir Ched? – Gwen

Nanlaki ang mga mata ko nang mabasa iyon. "Bakit hija?" tanong ni Lola Amor dahilan para matauhan ako at pinili ko na lang ngumiti sa kaniya. "Uh, Lola, may pupuntahan po pala ako sa bayan ngayon" paalam ko sa kaniya sabay para sa jeep. Tumawid ako sa kabilang kalsada at pumara ng jeep papunta sa bayan.

Pagdating ko sa bayan, mabilis akong tumakbo papunta sa sinehan kung saan naghihintay sina Gwen at Jessica. Hindi nila alam na Gimik resto bar ang pagmamay-ari ni Sir Ched. Naalala ko na hindi ko sila pwedeng dalhin sa Gimik resto bar dahil nandoon sina Leo at Joyce ngayon.

Alas-sais na ng hapon at umpisa na ng shift nila. "Puntahan natin si Sir Ched na sinasabi mo" ani Gwen, kumakain sila ng hotdog sandwhich at juice. "Alam ko na hitsura nila! Ito oh" saad ni Jessica sabay labas ng poster ng Galaxy Storm na luma na.

"Tinago pa 'to ni mama, favorite niya rin sila" patuloy ni Jessica sabay pakita sa'min ng poster. Maraming tao ang labas pasok sa sinehan, nakatayo kami malapit sa tindahan ng popcorn. "Ito sila, Si Sean, Ric, Paul at Aim" saad ni Jessica saka tinuro isa-isa ang apat na lalaking seryoso sa poster.

Nanlaki ang mga mata ko nang makilala ko ang isa sa kanila, tinuro ko ang lalaking nakatayo sa pinakagilid "Ito si Sir Ched!" saad ko, napakunot naman ang noo ni Jessica at medyo na-distract kami sa ingay ni Gwen habang hinihigop sa straw ang juice na iniinom niya.

"Si Ric 'yan e, ang lead guitarist at composer nila" sagot ni Jessica, inagaw ko sa kaniya ang poster. "Hindi. Si Sir Ched nga 'yan!" ulit ko pa, hanggang sa magtalo kami ng mga limang minuto. Ilang sandali pa, halos magkasunod na tumunog ang pager nila.

Napasimangot na lang sila nang mabasa iyon "Kailangan ko ng umuwi, susunduin ako ni mama" saad ni Gwen at itinapon na niya ang plastic ng juice na ininom niya. "Dadaanan daw ako ni dad" sabi naman ni Jessica, itinupi na niya ang poster at inilagay iyon sa bag niya.

"Bukas mo na nga lang kami dalhin kay Sir Ched na sinasabi mo" paalam nilang dalawa. Napapikit na lang ako, hindi ko talaga sila pwedeng dalhin sa resto bar na iyon.

***

Hindi ko alam kung bakit dinala ako ng mga paa ko papunta sa Gimik resto bar. Namalayan ko na lang na nakatayo na ako sa tapat ng pintuan habang nakatitig kay Sir Ched na ngayon ay kausap ang tatlong binata na tulad niya ay parang mga rakista rin.

Siya talaga 'yung nasa poster, pero bakit Ric ang pangalan niya doon? Nagpalit ba siya ng pangalan? O baka naman palayaw niya lang 'yung Ched?

Kung ayaw naman niya na makilala siya ng mga tao kaya siya nagpalit ng pangalan, bakit sinabi niya sa amin na member siya Galaxy Storm dati? Sa banda nila, ang vocalist na si Sean na lang ang kumakanta ngayon bilang solo artist dahil nabuwag na ang grupo nila.

"Baka may makakita sayo, ano bang ginagawa mo diyan?" nagulat ako nang bigla akong hilahin ni Sir Gab papasok at sinara niya muna pinto ng resto bar. Mamayang alas-siyete pa naman sila tatanggap ng mga customer kaya wala pang tao sa loob maliban sa mga staff, bartender at mga abalang chefs sa kusina.

Napatingin sa amin si Joyce na nagpupunas ng mesa, kumaway ako sa kaniya pero hindi niya ako pinansin at nag-ayos na lang siya ng upuan. "Ah, ano po kasi---" hindi ko na natapos 'yung sasabihin ko kasi biglang nagsalita si Leo. Hindi namin namalayan na nasa likod pala namin siya, may dala siyang mga kaldero na huhugasan niya.

"May ibibigay po ako sa kaniya, Sir Gab" sabat ni Leo saka pumasok sa loob ng kusina. "Kayong mga kabataan talaga, 'wag niyong idamay ang resto bar sa pagliligawan ha" bilin niya na parang ang laking kasalanan ng pagpasok ko doon. Pero naiintindihan ko naman dahil baka nga may makakitang pulis na pumasok ang menor de edad na tulad ko sa resto bar nila.

Mag-papaliwanag sana ako pero biglang may dumating na matandang babae at bumeso kay Sir Gab. "Amiga, I have a gift for you!" bati ng matandang babae, sa tingin ko ay makiki-party din siya ngayong gabi. Tuwang-tuwa naman si Sir Gab na sinalubong ang kakilala niyang iyon.

Inabot ng babae ang dalawang movie ticket kay Sir Gab na para sa pelikulang Forrest Gump. "Salamat, Amiga" saad ni Sir Gab at pumasok na ang babae kasama ang mga kaibigan nito sa loob. "May papanoorin na kami ng boyfriend ko, hindi ko pa 'to napapanood" ngiti ni Sir Gab sabay pakita sa'kin ng ticket na para bang iniinggit niya ako.

Bigla naman akong napaisip, hindi pa niya napanood ang Forrest Gump? Pero bakit sabi ni Leo binigyan siya ng ticket ni Sir Gab dahil napanood na nito ang movie na iyon. "Binigyan niyo po ng movie ticket si Leo? Derecho kong tanong, napakunot naman ang noo ni Sir Gab.

"Bakit ko naman bibigyan ng ticket ang batang 'yon, aber? Ibibigay ko na lang sa boyfriend ko" saad ni Sir Gab habang winawagayway ang ticket. Tatanungin ko pa sana si Sir Gab pero naglakad na ito papunta sa kahera, dumating na rin si Leo sabay abot sa'kin ng cassette tape at isang chocolate bar.

"Pakinggan mo na lang 'yan pauwi para hindi ka mainip sa byahe" saad ni Leo, napatingin naman ako sa cassette tape ng Galaxy Storm. "'Y-yung chocolate pala, bigay ni Sir Gab. Sayo na lang" patuloy niya pa, napakagat na lang ako sa labi, gusto ko sanang tanungin kung bigay ba talaga ni Sir Gab 'yun? Pero parang umurong bigla ang dila ko.

"S-sige, Salamat" iyon na lang ang nasabi ko at akmang lalabas na sa fire exit door pero napatigil ako nang magsalita siya muli. "Aries"

Lumingon ako sa kaniya, hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan. Pinagpapawisan din ang kamay ko habang hawak ko ang cassette tape at chocolate. "Sorry" saad niya sabay tingin sa sahig.

"Bakit ka nag-sosorry?" hindi ko maintindihan, pero nitong mga huling araw ay parang may kakaiba sa kinikilos ni Leo. Parang may gusto siyang sabihin sa'kin pero hindi niya masabi. "Sorry, alam kong hindi tama na ilihim ko ito pero ayokong masaktan ka. Ayokong umiiyak ka" wika niya habang nakatingin pa rin sa sahig.

Ang lakas ng tibok ng puso ko, aamin na ba siya? Bakit parang namamaalam siya pero binibigyan niya pa rin ako ng mga ganito?

"Leo, ano ba kasi---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil biglang dumating si Sir Gab na papunta sa fire exit door. "Oh, ano pang ginagawa mo dito? Umuwi ka na hija, nako! Malalagot ako kay Sir Ched nito e" saad ni Sir Gab at hinila na niya ako papalabas.

***

Alas-nuwebe na ng gabi, tulala lang ako habang nakaupo sa sofa. Pinatugtog ko sa cassette namin ang album ng Galaxy Storm. Kasalukuyang tumutunog ngayon ang Farewell, love. Nasa Manila si Axel kasama ang tita namin, hinihiram minsan ni tita ang kapatid ko kapag umuuwi ang asawa niyang seaman dahil wala silang anak. Pinapasyal nila si Axel sa mga mall at amusement park doon.

Wala pa si mama, tumawag siya sa'kin kanina na mag-oovertime siya dahil may kailangang tapusin sa business ng boss niya. Hindi pa ako inaantok, at paulit-ulit na naglalaro sa utak ko kung ano ba ang gustong sabihin ni Leo kanina.

At dahil hindi na ako makatiis, agad akong tumawag sa hotline ng Easycall para mag-iwan ng mensahe sa kaniya sa pager. Alam kong wala pa siya ngayon sa bahay kaya minessage ko siya sa pager na hihintayin ko siya sa playground.

Lumabas na ako ng bahay dala ang pager at wallet ko. Ilang metro lang ang layo ng bahay namin sa playground. Dito kami madalas tumambay ni Leo. Pagdating ko doon, umupo ako sa bench saka pinagmasdan ang kalangitan.

Walang mga bituin ngayon. Siguro ay natatakpan ng makapal na ulap. Ilang sandali pa tumunog ang pager ko, nag-message si Leo.

Pupuntahan na lang kita sa bahay niyo pag-uwi ko

Hindi ko pa tapos basahin iyon nang tumunog ulit ang pager, may message ulit siya.

Pumasok ka na sa bahay niyo, mahamog sa labas baka sipunin ka

Napakagat na lang ako sa labi. Hindi ko namalayan na napangiti ako, pero kailangan ko mainis. Bakit siya nagpapaalam kung ganito rin naman siya sa'kin?

Tumayo ako, uuwi na lang ako ng bahay para makapag-reply ako sa kaniya. Pero nagulat ako dahil biglang pumatak ang ulan at wala pang ilang segundo ay lumakas na ito. Dali-dali akong tumakbo papunta sa malapit na covered court para sumilong sana kaya lang sarado iyon kaya tumakbo ako sa katabi nitong chapel.

Sumilong ako roon sandali hanggang sa makita ko ang telephone stand sa tapat ng chapel. Dali-dali akong tumakbo papunta sa telephone stand at isinara iyon para hindi pumasok ang tubig ulan. Medyo nabasa na ako ng ulan at mas lalo itong lumalakas.

Agad kong hinulugan ng barya ang telepono at di-nial ang Easycall para mag-message sa pager ni Leo.

"EasyCall, Pager number, what's your name please?"

"90013, Aries"

"Pager number of the recipient please?"

"4807897625"

"What's your message please?"

"Leo, nandito ako ngayon sa telephone stand sa tapat ng chapel. Ang lakas ng ulan, dito na lang kita hihintayin"

"Got it, thank you for trusting us. We will deliver this message after a few minutes"

Ibinaba ko na ang telepono. Kaya pala wala akong bituin na nakikita kanina sa langit, ang kapal pala ng ulap kaya ang lakas ng ulan ngayon. Ilang sandali pa, biglang tumunog ang pager ko.

Aries, anong number ng telepono diyan?

Tumawag ulit ako sa landiline ng Easycall para mag-reply sa tanong ni Leo, sinabi ko ang number ng telepono na nakapaskil din naman sa itaas ng booth. Makalipas ang dalawang minuto, nag-ring ang telepono at agad kong sinagot iyon.

"Hello?"

"Aries, si Leo 'to. Bakit ka nandiyan?"

"Umulan kasi, wala akong masilungan. Nasa playground na ko kanina at doon ako naabutan ng ulan. Wala akong payong" rinig ko mula sa kabilang linya ang malalim na paghinga ni Leo, parang hindi siya mapakali, parang kinakabahan siya.

"Ano ba kasi 'yung sasabihin mo kanina? Gusto kong---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita na siya.

"Nakauwi na ba ang mama mo?" tanong niya.

"Si mama? Hindi ko alam, kanina pa ko nasa playground e. Nag-iwan naman ako ng note sa ref na magkikita tayo sa playground" paliwanag ko, hindi ko alam kung bakit nabanggit niya si mama pero parang ang weird naman na aalamin niya kung nasaan ang mama ko.

"Hintayin mo ako diyan, pupuntahan kita" saad ni Leo, magsasalita pa sana ako pero naputol na ang linya.

Dahan-dahan ko nang ibinaba ang telepono. Bakit parang may kakaiba kay Leo? Bakit nagmamadali siya? Mamayang hatinggabi pa ang tapos niya sa trabaho. Napatingin ako sa relo ko, 9:30 PM pa lang.

Napatingin ako sa labas paligid, ang lakas pa rin ng ulan. Wala ng byahe ngayon ng jeep o tricycle. Siguradong mababasa siya ng ulan habang nagbibisikleta pauwi. Nag-iwan ulit ako ng mensahe sa pager niya na mamaya na siya umuwi, hihintayin ko na lang siya sa bahay pero hindi na siya nag-rereply.

Makalipas ang halos dalawampung-minuto, hindi pa rin ako makaalis sa telephone booth dahil hindi pa rin tumitila ang ulan. Nakaupo lang ako habang sinsulat sa salamin ang pangalan ko. Naalala ko bigla ang sinabi ni papa na Aries ang pinaka-paborito niyang zodiac sign at ako raw ang pinakamagandang Aries sa buong mundo. Namimiss ko na si papa.

Ilang sandali pa, may isang mamahaling kotse ang tumigil sa tapat ng chapel. Dahan-dahan akong tumayo at tiningnan iyon, hindi ko alam pero parang pamilyar sa akin ang kotseng iyon. Bumukas ang pinto sa driver's seat at lumabas ang isang matangkad na lalaki na nakasuot ng puting polo, may hawak itong payong at nagmamadaling umikot sa harap ng kotse para buksan ang pinto ng passenger's seat.

Hindi ko masyadong makita ang hitsura ng lalaki dahil blurred na ang salamin ng telephone booth sa loob. Binuksan ko ang pinto ng booth at sumilip ng kaunti sa labas kahit pa malakas ang ulan. Napatakip na lang ako sa bibig nang makilala ko kung sino ang lalaking iyon, si Mayor Simon, ang papa ni Chelsea.

Bago ako tuluyang makalabas doon, nagulat ako nang biglang may humila sa'kin at hinawakan ang magkabilang balikat ko. Nanlaki ang mga mata ko nang makita si Leo, basang-basa siya sa ulan at namumutla na ang buong mukha niya dahil sa lamig ng tubig ulan. Suot niya pa ang apron ng Gimik resto bar. Nakita kong nakatumba na sa kalsada ang bike niya.

"Leo, kaya ko pa namang maghintay hanggang mamaya" saad ko, tuluyan na rin akong nabasa ng ulan. "Ihahatid na kita sa inyo" mabilis niyang sabi sabay hawak sa kamay ko, magsasalita pa sana ako pero napatigil ako nang marinig ko ang pamilyar na boses ng babae mula sa likod.

"Salamat, hindi mo naman kailangang gawin 'to. Kaya ko namang umuwi" saad ng babae, napatingin ako kay Leo, kitang-kita ko ang matinding pag-aalala sa mukha niya. Lilingon na dapat ako sa likod nang bigla niya akong yakapin at hinawakan niya ang ulo ko upang hindi ako makalingon.

"Wag mo na tingnan Aries, please" saad ni leo at niyakap niya ako ng mahigpit. Parang biglang nanghina ang tuhod ko, kasabay ng malakas na buhos ng ulan ay tuluyan na ring bumagsak ang mga luha ko. Nakatalikod man ako at pilit na pinipigilan ni Leo na huwag lumingon sa kanila. Nakita ko pa rin sa repleksyon ng salamin ng telephone booth si Mayor Simor at hinalikan niya si mama.


**********************

#LeoAndAries

Note: Pakinggan niyo ang Original song na itp "Rollercoaster Ride" by Elli and Angel. Please like, comment and subscribe to their youtube channel. Maraming Salamat!

"Rollercoaster Ride" by Elli and Angel

Continue Reading

You'll Also Like

5.6M 182K 22
May isang pinaniniwalaang alamat ng Karagatan na kung saan may mga sirenang nagbabantay ng mahiwagang Perlas sa Hilaga, Timog, Silangan at Kanluran n...
31.8M 812K 48
Prequel of "I Love You since 1892" Pilit hinahanap ni Aleeza ang mga kasagutan sa mga kakaibang panaginip at pakiramdam na nararanasan niya sa tuwing...
2.5M 189K 33
Gabriel is sick and Shane is beside her during her ups and downs. But with both of them losing time and connection, will they be able to pull off an...
9.5M 525K 39
Ang Unang Serye. "Isang araw, nagising na lang ako sa loob ng kuwentong isinulat ko." Natuklasan ni Faye na nagagawa niyang makapasok sa kuwento na k...