Leo and Aries

By UndeniablyGorgeous

3.9M 147K 112K

Four high school students living in a world of complicated first love, dream and friendship. (year 1996) Note... More

Foreword
Chapter 1
"Ito na ba" Lyrics
Chapter 2
"Lost in Your Love" Lyrics
Chapter 3
"Just Stay" Lyrics
Chapter 4
"Pareho ng Damdamin" Lyrics
Chapter 5
"Balang Araw" Lyrics
Chapter 6
"Without You" Lyrics
Chapter 7
"This Love Hurts" Lyrics
Chapter 8
"Awit" Lyrics
Chapter 9
"Afflictive Love" Lyrics
Chapter 10
"My First Your Last" Lyrics
Chapter 11
"You and Me" Lyrics
"Abot Kamay" Lyrics
Chapter 13
"Gusto Kita" Lyrics
Chapter 14
"Rollercoaster Ride" Lyrics
Chapter 15
"Farewell Love" lyrics
Chapter 16
"Kahit Takot Pa" Lyrics
Chapter 17
"Patawad" Lyrics
Chapter 18
"Mapapansin Kaya" Lyrics
Chapter 19
"Bittersweet" (Goodbye Song) Lyrics
Chapter 20
"Bayle" Lyrics
"Adik" Lyrics
Epilogue
"Walang Iwanan" Lyrics
Acknowledgement
Other Stories

Chapter 12

76.3K 3.7K 3.7K
By UndeniablyGorgeous

[Chapter 12] Featured Song: "Abot Kamay" by  Elli, Mia and Angel

Maaga pa lang ay handang-handa na ang lahat. Naunang nag-perform ng Sabayang Pagbigkas ang mga freshman. Maikling dula naman ang ginawa ng mga Sophomore. Pag-awit naman sa mga third year highschool. At Folk dance naman sa aming mga Fourth year.

Nagkakagulo sa loob ng classroom. Kaniya-kaniya kaming pag-asikaso sa paglalagay ng make-up at accessories sa buhok at katawan namin. Nakaupo ako ngayon sa upuan habang nilalagyan ng make-up ni Gwen. Tinatali naman ni Jessica ng maayos ang buhok ko.

Hindi rin maawat ang mga gumawa ng props sa pagbuo ng mga nalaglag na design dahil konting galaw lang ay parang makakalas na ang mga ito. "Ang laki ng ulo mo Aries" reklamo ni Jessica habang tinatalian ang buhok ko. Napakunot na lang ang noo ko sabay lingon sa kaniya.

"Kung untugin ko kaya 'tong ulo ko sayo" bawi ko, bigla naman siyang ngumiti sabay yakap sa'kin mula sa likod. "Ito naman, ang ibig kong sabihin... Sa laki ng ulo mo sobrang kinaganda mo 'yan" bola niya, natawa naman si Gwen dahilan para lumagpas 'yung pang-kilay na nilalagay niya sa akin. .

"Bakit ba ang init ng ulo mo ngayon? Magiging alipin na tagapayong ka lang naman ni Chelsea" bulong ni Jessica na may halong pang-aasar. Napapikit na lang ako ng mata sabay hawak sa noo. Sumasakit na ang ulo ko sa mga nangyayari. Hindi ako nakatulog kagabi dahil sa sinabi ni Leo.

"Aries, kung magkaka-boyfriend ka, mas okay kung pwede ko siyang suntukin kapag pinaiyak ka kaniya. 'Yung pwede ko siyang murahin at sabihan ng masasakit na salita. 'Yung masasabi ko sayo na wala siyang kwentang tao kaya kalimutan mo na siya. Pero kung sasaluhin mo si Adrian... Sisimulan ko nang humakbang paatras" wika niya, at sa pagkakataong iyon, sandaling tumigil ang takbo ng mundo ko at ang pintig ng puso ko.

Tuluyan akong hindi nakapagsalita. Nakatingin lang ako ng derecho sa kaniya, umaasa na sundan pa iyon ng mga gusto niyang sabihin. Mga salitang mas malinaw, mas maiintindihan ng puso't isipan ko. "Oh, Aries? Gabi na. May pasok pa kayo bukas" nagulat kami nang magsalita si lolo Gil habang pababa ito ng hagdan.

Agad tumayo si Leo para alalayan ang lolo niya sa hagdan. "Lo, saan ka pupunta?" ngumiti lang si Lolo Gil sabay tapik sa balikat ng apo. "Magbabasa muna ako ng bibliya, hindi ako makatulog"

Tumayo na ako pero hindi pa rin maawat ang pagtibok ng puso ko. Alam kong may sasabihin pa siya, at gusto kong marinig at malaman kung ano iyon. "Nakalimutan ko palang uminom ng gamot, pakikuha sa taas ng TV" patuloy ni lolo Gil. Agad namang naglakad si Leo papunta sa lagayan ng TV nila, pinaupo niya muna si lolo Gil sa silya nito saka siya nagtungo sa kusina para kumuha ng tubig.

Nagkatinginan kami ni lolo Gil, "Ah, uuwi na po ako. Salamat po sa camera" paalam ko saka naglakad na papalabas. Gustuhin ko mang manatili roon pero bigla akong nakaramdam ng takot na baka mabasa ni lolo Gil sa mga mata ko na may gusto ako sa apo niya.

Paglabas ko ng bahay nila, parang bigla akong nakahinga ng maluwag. Napahawak na lang ako sa tapat ng puso ko habang naglalakad pauwi. Ilang hakbang lang din ang layo ng bahay ko sa kanila kaya wala pang isang minuto ay narating ko na ang bahay.

Bubuksan ko na sana ang maliit na gate namin nang biglang may nagsalita mula sa likuran ko. "Aries" gulat akong napalingon sa likod, at hindi nga ako nagkamali dahil si Adrian nga iyon. Nakatayo siya sa likod ko, nakasuot siya ng blue tshirt at black shorts.

May kulay dilaw na street light sa tabi ng bahay namin na nakadikit sa poste kaya halos kulay dilaw din ang repleksyon ng mukha niya dahil sa ilaw. "B-bakit? Anong ginagawa mo dito?" hindi ko alam kung bakit ako nautal ng ganon, siguro dahil sa pagkabigla. Para siyang holdaper dahil sa biglang pagsulpot niya.

Napahawak pa rin ako sa gate at nakalingon sa kaniya, hindi ko magawang humarap sa hindi malamang dahilan. Napaiwas naman siya ng tingin sabay himas sa batok "Ano kasi..."

"A-ano ba 'yon?" ulit ko saka dahan-dahang humarap sa kaniya. "Ang totoo niyan..." patuloy niya at hindi na rin siya mapakali sa pagpadiyak ng paa. Sandali ko siyang inobserbahan, puro 'Ano kasi...' at 'Ganito kasi...' ang sunod na mga sinasabi niya sa paglipas ng ilang minuto.

"Ano ba kasi 'yon?" saad ko dahilan para mapatigil siya. Nahihilo na ako sa ginagawa niya. "Hindi talaga ako natatae kanina" mabilis niyang sagot.

"Ha?" iyon na lang ang nasabi ko. Pumunta siya dito kahit gabi na para lang sabihin na hindi siya natatae kanina? "Anong gagawin ko sa pagtae mo?" nagtataka kong tanong, nagulat naman ako dahil bigla siyang natawa.

Nababaliw na ata si Adrian. Tumawa lang siya ng mga ilang segundo pa habang nagtataka akong nakatingin sa kaniya. "Hoy, kidlat. Inaantok na ko ah, bahala ka nga diyan" saad ko sabay talikod at akmang bubuksan na ulit ang gate namin nang tumigil na siya sa pagtawa at tinawag ako ulit.

"Aries, sandali" inirapan ko na lang siya nang humarap ako. Hindi ko alam kung pinagtitripan na naman ba niya ako o ano. "Sorry" saad niya sabay yuko. Napatigil din ako dahil sa sinabi niya.

"Sorry kasi hindi ko agad sinabi sayo na si Ben si Falling Star at iniwasan pa kita" patuloy niya, nakita kong mabilis niya pang iniangat ang ulo niya para silipin kong anong reaksyon ko. "Bakit kasi umiwas ka ng ganon? Kung anu-ano tuloy ang pumasok sa utak ko. Akala ko ikaw si Falling Star" tugon ko, maging ako ay biglang napatigil sa huling sinabi ko.

Dali-dali kong binuksan ang gate at pumasok sa loob ng bahay. Mabilis namang sumunod sa'kin si Adrian at ngayon ay nakadungaw ang ulo niya sa gate namin na mababa lang. "Akala mo ako si Falling Star?" gulat na tanong niya habang nakalitaw ang ulo niya sa itaas ng gate namin.

"Umuwi ka na nga, magigising mga kapitbahay namin" nagsimula nang tumahol ang aso sa kabilang bahay kaya mas lalo akong kinabahan baka magising si mama o may makakita sa kaniyang tanod sa labas. "Pero totoo nga na inisip mo na ako si Falling Star?" ulit pa niya, pero sa pagkakataong iyon ay bigla siyang ngumiti dahilan para mas lalo akong mairita.

"Uwi na!" hirit ko pa saka tinutulak ang ulo niya palayo pero paulit-ulit pa rin niyang tinatanong iyon at pilit na dumudungaw sa itaas ng gate. "Hindi mo pa nga sinasagot ang tanong ko kung bakit hindi mo sa'kin sinabi na si Ben si Falling Star... Itanong ko na lang kaya kay Ben!" bigla siyang napatigil nang sabihin ko iyon.

"Wag!" angal niya, ako naman ang napangisi. "Siguradong sasabihin sa'kin ni Ben ang buong kwento. Kung ayaw mo sabihin... Malamang sasabihin naman 'yon ni Ben" panakot ko sa kaniya sabay ngisi. Parang biglang bumaliktad ang mundo, siya naman ang dehado ngayon.

Napapikit na lang siya sabay hinga ng malalim "Please 'wag mo na itanong kay Ben... 'Wag mo na rin alamin" pakiusap niya, natatawa na lang ako sa reaksyon niya lalo na dahil ulo lang niya ang nakikita ko. "At bakit ko naman gagawin 'yon? Gustong-gusto ko pa naman malaman" patuloy ko pa, rinig ko ang pagpadiyak niya na parang batang nagtatantrums.

"K-kakalimutan ko na 'yung narinig kong sinabi mo kanina basta 'wag mo na lang alamin kay Ben kung bakit" saad niya, napakagat na lang ako sa labi. Nakikipag-deal ba siya sa'kin?

"Ano ba 'yung sinabi ko kanina?" tanong ko. Umikot-ikot naman 'yung mata niya sa kaliwa at kanan. "Nakalimutan ko na" sagot niya, hindi ko alam pero sa pagkakataong iyon ay napangiti ako. "Nakalimutan mo na talaga?" ulit ko pa, napansin niya na nakangiti na ako kaya ngumiti na rin siya.

"Ano nga ulit 'yung sinabi mo? Grabe ang ulyanin ko na" hirit niya sabay kamot pa sa ulo dahilan para matawa na lang kaming dalawa habang nasa pagitan namin ang makalawang na gate.


"Hays, hindi talaga ako marunong mag-make up e, patulong na lang tayo kay Chelsea" reklamo ni Gwen at sabay-sabay kaming napalingon sa kinaroroonan ni Chelsea kung saan may dalawa siyang make-up artist na kasama. Ang ingay din ng blower na hawak ng isang hairstylist niya.

"Nakakahiya kaya" saad ni Jessica, napalunok na lang din ako. Totoo, sobrang nakakahiya naman makiusap sa mga make-up artist niya. Kahit si Chelsea na mismo ang magsabi, nakakahiya pa rin, wala kaming pambayad. Mukha na nga kaming patatas, butas pa ang bulsa.

"Wait lagyan nga kita lipstick" wika ni Gwen sabay hawak sa mukha ko. Hindi ko alam kung 'yung make-up niya ay laruan niya pa nung bata siya. Mukha ring watercolor 'yung nilalagay niya sa eyelids ko. "Patingin nga" saad ni Jessica sabay hawak sa mukha ko. Bigla siyang tumawa dahilan para mapalingon ang iba.

Agad kong kinuha ang salamin at laking-gulat ko nang makita na mukha akong clown. Sobrang kapal ng foundation sa mukha ko at ang kapal din ng pagkakaguhit ni Gwen sa kilay ko. Higit sa lahat, lagpas-lagpas din ang pulang lipstick sa labi ko.

"Gwen!" hahabulin ko sana siya pero biglang may humawak sa magkabilang balikat ko dahilan kaya hindi ako nakatayo sa upuan. Napalingon ako sa likod at napatigil ako nang makita si Joyce. Hindi matali ang buhok niya dahil sa boy cut ito pero naka-make up siya.

Nagulat kaming tatlo dahil biglang kinuha ni Joyce ang dala niyang make-up. Kumuha siya ng tissue at binura niya ang nilagay ni Gwen sa mukha ko saka niya ako nilagyan ng make-up. Napapatingin lang ako kina Gwen at Jessica na parehong nakatayo sa likod ni Joyce. Manghang-mangha ang dalawa sa bilis at galing ni Joyce sa paglagay ng make-up sa'kin. Bukod doon ay ang ganda-ganda niya rin ngayon sa make-up niya.

Makalipas ang ilang minuto, niligpit na niya ang mga gamit niya "Mga apat na oras ang tagal ng lipstick. 'Wag mo lang lawayan lagi" saad niya, mabilis namang lumapit sina Gwen at Jessica sabay aboy sa'kin ng salamin. Napanganga ako sa gulat dahil mukha na akong tao ngayon!

"Salamat Joyce!" saad ko pero hindi naman siya sumagot. Tuwang-tuwa naman sina Gwen at Jessica, "Joyce, kami rin" hirit nila, tiningnan lang sila ni Joyce sabay talikod at bumalik na ito sa upuan niya. "Grabe, ang unfair talaga ng mundo. Ang ganda-ganda niya, ang talino tapos ang galing pa mag-make up" bulong ni Gwen, tumango-tango naman si Jessica habang ako naman ay tulala sa salamin at hindi ko akalain na may pag-asa pa pala akong magmukhang tao.

***

Naging masaya ang pagdiriwang namin ng Buwan ng Wika. Halos pinaghandaan ng lahat ang mga sayaw at performance ng bawat year level at section. Hataw na hataw sina Leo, Gian at Adrian sa pagsayaw ng Maglalatik kasama ang mga kaklase nilang lalaki.

Sa huli, kami pa rin ang nanalo dahil mas pinaghandaan namin ang Singkil. Sa ibaba ng stage kami nag-perform dahil hindi kami kasya sa stage. Masasabi kong magaling ang pagganap ni Chelsea bilang prinsesa at halos napatulala ang lahat sa ganda niya.

Sinikap ko namang hindi maipit ang paa ko sa pagitan ng mga kawayan habang sinusundan siya hawak ang magarbong payong para sa prinsesa. Naroon din sina lolo Gil at ang lolo at lola ni Adrian para panoorin kami.

Naroon din si Mayor at ang mga kapanalig niya para panoorin si Chelsea. Bakas sa mukha nito na masaya siya dahil nanalo ang section namin. Hindi na nagsalita si Mayor pagkatapos ng programa, nagpaalam na rin ito agad pagkatapos ng awarding.

Papalubog na ang araw nang matapos kami magligpit ng gamit at maglinis sa stage. Nagpalit na rin ako ng plain white tshirt at P.E jogging pants dahil bawal magpalit ng damit na hindi namin uniform sa school.

Pababa na kami ng hagdan nina Gwen at Jessica nang matanaw ko mula sa dulo ng hallway si Ben at ang grupo niya. Nakasuot sila ng barong tagalog dahil cariñosa ang sinayaw nila kanina. May hawak itong gitara at nararamdaman kong kakanta na naman sila sa harap ng maraming tao.

"Si Falling Star!" saad ni Gwen, "Saan?" tanong naman ni Jessica. Agad kong hinawakan ang magkabilang kamay nila saka mabilis silang hinila pababa ng hagdan. Mabuti na lang dahil abala sila Ben sa paghahawi ng buhok nila sa harap ng sirang jalousie sa dulong classroom kaya hindi nila napansin na nakababa na kami.

Mabilis kaming nakababa ng hagdan, hindi naman maawat sa pagtawa sina Gwen at Jessica at hindi na nila ako tinigilan sa pang-aasar. Napatigil naman kami nang makasalubong namin si Gian "Aries, hatid natin ngayon si Leo sa first day of work niya" nagkatinginan naman sina Gwen at Jessica.

"Anong work ni Leo?" tanong ni Gwen, agad ko namang hinila si Gian dahan-dahan papalayo. Mahigpit na bilin ni Leo na wag ipaalam sa iba na magtatrabaho siya dahil menor de edad pa siya at baka may magsumbong sa kanila.

"Ha? 'yung tungkol sa banda namin. Nagsusulat ng kanta si Leo" sagot ko, tumango naman silang dalawa, mukhang naniniwala naman sila sa sinabi ko. "Una na pala ako, sasabay ako sa kanila" patuloy ko saka nagpaalam kina Gwen at Jessica habang kinakaldkad si Gian papalayo.

Pagdating namin sa paradahan ng bisikleta nila, nandoon na si Adrian. Nagbabasa siya ng comics, ibinalik na rin niya iyon sa bag niya nang makita kami. "Doon na lang din tayo kumain" saad ni Gian sabay tanggal ng kadena sa gulong ng bike niya.

Nagkatinginan naman kami ni Adrian pero-parehong napaiwas ulit ng tingin. Naupo na ako sa bike ni Leo, sumandal na lang ulit si Adrian sa bike niya saka pinanood si Gian sa ginagawa nito. "Para naman maraming kita 'yung resto bar na papasukan niya. Di sila agad magsasara" patuloy ni Gian, ibinalik na niya sa gilid ang kadena at ang lock nito.

"Mahihirapan lang si Leo kasi dadami ang hugasin" saad ni Adrian, napaisip naman si Gian at naupo na rin siya sa bisikleta niya. "Edi sabihin natin sa manager na paper plate gagamitin natin" sagot ni Gian sabay ngiti na parang proud pa siya sa sarili niya dahil naisip niya iyon.

Napailing-iling na lang si Adrian "Malala ka na talaga bro" saad niya sabay tapik sa balikat ni Gian. Inayos naman ni Gian ang polo niya na parang hindi niya na-gets ang sinabi ni Adrian. "Nasaan na ba si Leo? Hays" akmang maglalakad na si Gian para hanapin si Leo nang bigla akong tumayo.

"Ako na lang tatawag kay Leo" mabilis kong sabi sabay takbo papunta sa faculty kung saan tinipon ni Sir Dan kanina ang mga member ng swimming team para sa announcement. Hindi ko na sila nilingon at mabilis na akong kumaripas ng takbo papalayo. Ayokong maiwan doon dahil medyo awkward pa kami ni Adrian kaya mas okay na ako na lang ang maghanap kay Leo.

Pagdating ko roon ay naabutan kong wala ng tao. Wala ring mga teachers o admin. Dahan-dahan akong pumasok, nakauwang ang pinto sa meeting room at may naririnig akong nag-uusap mula roon.

Napatigil ako nang makita ko sa loob si Leo. Balikat at gilid ng mukha niya lang ang nakikita ko pero alam kong siya iyon. Papasok na sana ako sa loob nang marinig ko ang boses ng isang babae.

"Leo... I like you" wika ni Chelsea dahilan para mapatakip ako ng bibig sa gulat. Hindi nagsalita si Leo, nakatalikod siya sa pinto kaya hindi ko makita ang reaksyon ng mukha niya.

"Leo, totoo 'tong nararamdaman ko. Gusto talaga kita" patuloy ni Chelsea, may halong kaba at saya ang boses niya. 

Magsasalita pa sana ulit siya nang biglang bumukas ang pinto sa faculty. Mabuti na lang dahil mabilis akong tumalikod at nagpanggap na may nililigpit na papeles sa gilid. "Buti naman natuwa si mayor" wika ng isang teacher, sunod-sunod na pumasok ang ilang mga teacher na may dala-dalang mga kape. 

Nakayuko akong lumabas sa faculty room nang hindi nila namamalyan at inakala lang nila na nag-print ako para sa Student Council. Naglakad ako ng derecho papalayo roon at bago ako lumiko sa isang pasilyo, nakita kong nauna nang lumabas si Leo. Susundan pa dapat siya ni Chelsea pero tinawag ito ni Ms. Leth.

Alam kong kailangan kong lapitan si Leo para sabihing ihahatid namin siya sa resto bar sa bayan pero parang nanghihina ang tuhod ko at hindi ko pa siya kayang harapin kaya dali-dali akong bumalik sa kinaroroonan nina Gian at Adrian.

Malayo pa lang ay natanaw kong sabay nilang binabasa ang comics na binabasa ni Adrian kanina. "Oh, Aries, nasaan si---"

"Hindi ko makita si Leo, kanina pa ako paikot-ikot doon" mabilis kong sagot habang hinahabol ang hininga ko dahil sa layo ng tinakbo ko. "Ha? Nasa faculty room siya ngayon diba? Hindi ka ba pumunta doon?" tanong ni Gian, umiling lang ako sabay kuha ng bag ko na nakasabit sa bisikleta ni Leo.

"Saan ka pupunta?" tanong ni Adrian, tatakas na sana ako pero natanaw namin na parating na si Leo. Awtomatikong tumigil ang mga paa ko, hindi ko na ito maihakbang ngayon. "Leo baby!" salubong ni Gian kay Leo sabay yakap. Bagong ligo naman si Leo dahil kakagaling lang nila sa swimming practice sa malapit na resort kanina, medyo basa pa ang buhok niya.

Pilit siyang kumakawala sa pagkakayakap ni Gian na parang linta. "Ready ka na ba sa first day mo?" ngiti nito, "Walang libreng pagkain doon ah" ngiti ni Leo, alam naman namin na mukhang free taste lang si Gian at Adrian.

"Marami ata kaming dalang kayamanan ngayon" pagmamalaki ni Adrian sabay pakita ng mga barya niya sa wallet. Sumakay na sila sa kani-kanilang bisikleta, nanatili lang akong nakatayo doon na parang tuod. Hindi ko alam kung bakit hindi ako makapagsalita at makagalaw habang yakap ang bag ko.

"Hoy Aries, sumakay ka na" tawag ni Gian. Naglakad ako papalapit sa kaniya at akmang aangkas sa likuran ng bike niya pero tinaboy niya ako "Ma-faflat gulong ko, doon ka kay Leo" reklamo ni Gian, napatingin naman ako kay Leo. Naka-sleeveless black shirt siya ngayon kaya kitang-kita ko ang muscles niya.

Bagong ligo rin siya at amoy sabon at shampoo kaya nahihiya ako kasi amoy pawis na ako at nalusaw na rin ang make up ko. "Dito ka na lang Aries. May dalang basang damit si Leo" saad ni Adrian, mabilis akong naglakad papunta sa likod ng bisikleta niya at umangkas. Mas okay na dito kaysa sa likod ni Leo, hindi pa rin mawala sa isip ko 'yung narinig kong pag-uusap nila ni Chelsea kanina.

"Okay lang, kaya ko naman. Dito ka na Aries. Na-flat 'yung gulo mo kaninang umaga diba?" saad ni Leo at ang tanong niyang iyon ay para kay Adrian, napatingin ako sa kanilang dalawa ni Adrian. Dapat ba akong pumili?

"Ano ba 'yan. May basang damit si Leo, kaka-flat lang ng gulong ni Adrian kanina. Dito ka na nga lang" saad ni Gian, tumayo na ako saka naglakad papunta sa kaniya at umangkas sa likuran niya. Hindi ako makatingin sa kanila, sana lamunin na lang ako ng lupa.

Sinimulan nang patakbuhin ni Gian ang bisikleta niya at agad akong kumapit sa kaniya. Nakasunod naman sa kaniya si Adrian habang nasa huli naman si Leo. Tahimik lang kaming apat habang tinatahak ang maluwag na kalsada papunta sa bayan.

Pagdating sa bayan, nasa sentro rin ang resto bar na papasukan ni Leo. Gimik ang pangalan ng resto bar. Madilim ang buong loob, may mga laser lights sa bawat paligid. Maraming ilaw na iba-iba ang kulay, maayos ding nakapwesto ang mga bilog na mesa at upuan habang may maliit na stage sa gitna. May electric guitar, microphone stand, keyboard at drum set sa entablado.

May dalawang billards din sa pinakadulo at tatlong arcade machine. Nagsisimula nang magsidatingan ang mga tao dahil gabi na. "Mga menor de edad pa kayo" bungad sa amin ng lalaking malaki ang tiyan at nakasuot ng itim na uniform. "Sir, Leo po, 'yung nag-apply sa inyo nung isang araw" saad ni Leo, bigla namang umaliwalas ang mukha ng lalaki sabay ngiti ng malaki.

"Oo nga pala, ngayon ang unang pasok mo. Halika, papakilala kita sa kanila" bati nito kay Leo saka hinila papasok ng kusina. Lumingon naman sa amin si Leo at sumenyas na maupo lang sa isang mesa doon. Agad namang naupo si Gian sa gitna na parang hari.

"Hoy, Gian wala tayong pera" bulong ni Adrian. Hihilahin na sana namin si Gian palabas pero nilabas nito ang wallet niya at laking gulat namin dahil may dala pala siyang pera. "Ako ang bahala sa inyo" nagkatinginan kami ni Adrian at pareho kaming umupo sa tabi ni Gian.

"Gusto ko ng sisig!" ngiti ko, sabay abot ng isang basong tubig kay Gian. Minasahe naman ni Adrian ang balikat at likod niya "Barbeque sa'kin" hirit naman ni Adrian. Nilabas naman ni Gian ang pera niya sabay tawag sa waiter.

Nagulat kami dahil si Joyce ang lumapit sa amin. Hindi niya pa kami nakilala nung una pero nang tumingin siya sa amin ay napatigil din siya. "Nagtatrabaho ka rin dito?" gulat na tanong ni Gian. Nakatulala lang kami ni Adrian sa kanila.

"Bawal ang minor dito, lumabas na kayo" saad ni Joyce. Napatayo naman sa gulat si Gian. "Bawal ka rin magtrabaho dito, menor de edad ka rin" palaban na saad nito, napaiwas na lang ng tingin si Joyce. "Puro minor siguro ang gustong kunin ng resto na 'to para makatipid sila hays" patuloy ni Gian, para siyang tatay na dismayado at galit.

Sinubukan namin siyang pakalmahin ni Adrian pero ayaw niya umupo at magpahawak. Ilang sandali pa, lumabas na sa kusina 'yung lalaking may malaking tiyan. Napatingin ito sa amin "Please 'wag na kayong komontra. Kailangan ko ang trabahong 'to" pakiusap ni Joyce, sa unang pagkakataon ay narinig namin siyang makiusap ng ganoon.

Bigla namang napabagsak si Gian sa kinauupuan niya habang tulala pa rin kaming tatlo. "May problema ba?" usisa ng lalaking malaki ang tiyan. "Wala po Sir Gab" sagot ni Joyce. Napatingin naman sa amin ang lalaki "Papayagan ko na kayo kumain dito dahil kakilala niyo naman si Leo" panimula niya, napatingin naman si Joyce sa amin. Ngayon lang din niya nalaman na nandito na rin si Leo.

"At mukhang may pambayad din naman kayo" habol pa ni Sir Gab sabay tingin sa makapal na wallet ni Gian. Agad namang tinago ni Gian ang wallet niya, umalis na si Sir Gab at sinalubong niya ang mga bagong customer na kakarating pa lang.

Um-order na kami. Sisig, barbeque, bangus, fried chicken at pica-pica. Tig-iisang soda drink lang din ang ininom namin dahil hind pa raw kami pwede uminom ng beer. Hatinggabi na nang dumating ang kapalit ni Leo sa kusina. Hanggang madaling araw pa ang resto bar at 6 hours lang ang part time niya.

Binalutan namin si Leo ng pagkain. Sinadya naming damihan ang order para may pagkain din siya at bukod doon galante naman ngayon si Gian kaya hindi na namin pinalagpas pa. Tinatahak namin ngayon ang bayan, pauwi na kami.

Nakaangkas ako sa bisikleta ni Gian. "Ang dami mong nakain Aries, ang bigat mo" reklamo niya. Nakita ko namang parehong natawa si Leo at Adrian. Nagpapasalamat siguro sila ngayon dahil hindi ako nakaangkas sa kanila.

"Mas marami ka nga---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil tumaas ang kilay ni Gian. Babarahin ko sana ang sinabi niya kaya lang naalala ko na nilibre niya pala kami ngayon "Mag-didiet na po ako master" saad ko, tumawa naman si Gian na parang hari.

Ilang sandali pa, napadaan kami sa sinehan. Nanlaki ang mga mata ko sabay turo sa poster na nakapaskil sa pader ng sinehan. "Ipapalabas nila ulit 'yung Forrest Gump!" sigaw ko, napatigil naman ang bisikleta nilang tatlo.

Bumaba ako saka tumayo sa harapan ng poster kung saan napapaligiran din ito ng ilaw. "Pinalabas na 'yan dati diba?" nagtatakang saad ni Gian, napakamot pa siya sa ulo. "Oo! Pero hindi ko pa 'to napapanood. Panoorin natin!" aya ko sa kanila. Napailing-iling naman si Gian.

"Napanood na namin 'yan nila mama" saad ni Gian, tumingin naman ako kay Adrian "Sinamahan ko rin si lola manood niyan dati" sagot niya. Tumingin naman ako kay Leo, "Napanood din namin 'yan ni lolo nung birthday niya" tugon niya. Napasimangot na lang ako saka tiningnan ulit ang poster ng movie.

"Gusto ko pa man panoorin si Tom Hanks" hirit ko pero hindi sila kumibo. Naglakad na ko pabalik sa bisikleta ni Gian at umalis na kami roon. Palibhasa gusto kasi nila mga bakbakan kaya ayaw nila ako samahan.

***

Sabado ngayon, walang pasok. Mag-papractice sana kami sa banda pero may pasok si Leo sa resto bar. May catering daw na paghahandaan ang Gimik kaya kailangan siya sa umaga para hugasan lahat ng gagamitin nila doon.

"Kapag ako na-flatan ng gulong. Lagot ka talaga sa'kin, Aries" reklamo ni Gian. Nakaangkas ulit ako sa bike niya, papunta kami ngayon sa bayan para bisitahin ulit si Leo. Hindi rin kami makapag-practice dahil wala siya pero binigay na niya sa amin kagabi 'yung kantang ginawa niya.

"Ikaw nga diyan, utot ng utot e" reklamo ko naman sa kaniya. Natawa na lang si Adrian kasi alam naming mabaho talaga ang utot ni Gian. At kung uututan niya ako ngayong nakaangkas ako sa bisikleta niya, siya naman ang malalagot sa'kin.

Alas-otso pa lang ng umaga, at mas kakaunti lang ang mga sasakyang dumadaan ngayon sa kalsada. "Memorize mo na 'yung kanta Aries?" tanong ni Adrian, malapit na kami sa bayan. "Oo" napaisip ako matapos ko sagutin ang tanong niya. Naalala ko na naman ang lyrics ng kantang iyon na inabot ni Leo sa amin kagabi. Sinabihan niya kami na mag-practice pero hindi namin kaya pag wala siya.

Pagdating namin sa Gimik resto bar, nakapatong lahat ng upuan sa mesa habang nilalampaso ng dalawang lalaki ang sahig. Nandoon din si Joyce, pinupunasan niya ang stage at ang mga bintana. "Nasaan ang boss niyo?" tanong ni Gian kay Joyce, tiningnan lang siya nito saka bumalik ulit sa pagpupunas ng bintana.

Napapikit na lang sa inis si Gian saka dumerecho sa kusina. Sumunod naman kami sa kaniya, nakita namin doon si Leo, mag-isa lang siya laban sa tambak-tambak na hugasin. "Bro, lalambot ang kalyo mo niyan sa daliri. Kailangan natin 'yan sa tenenen" saad ni Gian at sumenyas na parang may hawak siyang gitara.

Hatinggabi na kami nakauwi kagabi at ngayon kailangan niya pumasok ng maaga para hugasan ang lahat ng ito. Napahinga na lang ako ng malalim saka ko kinuha ang isang apron na nakasabit sa gilid ng pintuan. Napatigil naman si Gian at Adrian sa pangungulit kay Leo at sinundan nila ako ng tingin hanggang sa makarating ako sa tabi ng lababo.

"Bilisan niyo na, mag-hugas din kayo. Mag-papractice pa tayo mamaya" utos ko sa kanilang dalawa, pipigilan pa sana kami ni Leo pero hinarangan ko siya. "Naalala ko naman 'yung motto natin" kinikilig na sabi ni Gian sabay kuha ng apron at tumakbo pabalik sa'min.

Mabilis ding kinuha ni Adrian ang natitirang apron na nakasabit saka lumapit sa amin. "Ang korni mo talaga, kamatis!" reklamo ko pero sumayaw-sayaw lang si Gian sabay lahad ng palad niya sa gitna na parang maglalaro kami ng 'Maiba Taya'

"Walang iwanan?" tanong niya, nagkatinginan naman kaming tatlo nina Leo at Adrian saka namin ipinatong ang kamay namin sa kamay niya. "Walang iwanan!" sabay-sabay naming sigaw sabay taas ng kamay sa ere at nagsimula na kaming maghugas ng mga malalaking kawali at kaldero.

"Hoy, kamatis!" sigaw ko dahil biglang nagpasaboy ng bula mula sa sabon si Gian. Ginantihan naman siya at winisikan ng tubig mula sa gripo ng lababo.

"P*ta! Hoy! Nababasa ako!"

"Ligo na, ang bantot mo na!"

"Ang lamig! Tumigil nga kayo!"

Hindi ko alam kung matatawa ba ako o maiinis dahil nagbabasaan lang kaming apat. Napuno rin ng bula ang buong kusina dahil kay Gian. Sinabuyan pa ko ng basahan sa mukha dahilan para tapunan ko sila ng tubig mula sa hawak kong kaldero.

Napatigil kaming lahat nang biglang bumukas ang pinto. Gulat kaming napalingon doon, maging si Joyce na siyang nagbukas ng pinto ay nagulat din sa tumambad sa harapan niya. Apat na isip-batang nagbabatuhan ng tubig at sabon sa kusina.

"Dadating si Sir Gab mamaya, malalagot kayo pag nakita niya 'tong kusina" saad ni Joyce at nang isarado niya ang pinto ay para kaming tinamaan ng kidlat. Sabay-sabay kaming kumilos ng mabilis para maglinis at tapusin ang paghuhugas.

Kami ni Leo ang mabilis na nagsabon at nagbanlaw ng mga kawali at kaldero. Si Adrian naman ang mabilis na nagpunas ng lahat ng mga iyon at isa-isa niyang inilagay sa lagayan nito. Habang si Gian naman ang naglampaso ng sahig dahil basang-basa na ito sa ginawa naming paglalaro ng tubig.

Ilang sandali pa, bumukas ulit ang pinto at para kaming nakakita ng multo nang sabay-sabay kaming napalingon doon. Napakurap ng dalawang beses si Sir Gab, maluwag na tshirt ang suot niya na may naka-print na Food.

"Ang bait niyo naman para tulungan si Leo. Kaya lang wala akong ipapasweldo sa inyo" ngiti nito, napangiti na lang din kami na parang natatae. Buti na lang nalinis na lahat ni Gian ang sahig kaya wala nang bakas ng tubig at putik.

"O-okay lang po, pwede na po bang makaalis si Leo pagkatapos nito?" hirit ni Gian, napakurap ulit ng dalawang beses si Sir Gab. "Pwede naman, kaso mamaya niya pa makukuha ang sweldo niya. Tanghali pa ang sweldo" napabagsak na lang ang balikat namin, sinarado na niya ang pinto.

Alas-diyes na ng matapos kami sa paghuhugas. Ibinalik na namin ang apron at lumabas ng kusina. Tuwang-tuwa naman si Sir Gab dahil malinis ang kusina at ang sahig nito. Ang hindi niya alam, muntik nang bumaha kanina sa kusina niya dahil sa ginawa namin.

Naupo muna kami sa mga bakanteng upuan. Parang nanginginig ang kamay ko at ramdam ko rin ang sobrang ngalay. Nakita naming abala si Joyce sa pagpunas naman ng mga alak. "Sir Gab, pwede po ba kaming mag-practice dito?" tanong ni Gian sabay tayo at naglakad papunta sa stage kung saan naroon ang mga musical instrument.

Napatigil naman si Sir Gab na nakaupo sa kahera at nagbibilang ng pera. May suot siyang maliit na salamin at tiningnan niya si Gian na parang nanlalabo ang kaniyang mga mata. "Sige, bahala kayo. Basta 'wag niyong sirain 'yan" tugon niya, napangiti naman kami dahil makakapag-practice na kami ngayon. Bukod doon mas maganda at latest pa ang mga gitara at drumset nila dito.

Tumakbo kami paakyat sa stage, sinubukan agad ni Adrian ang drum set. Nilaro rin ni Gian ang keyboard at tinono na ni Leo ang gitara. Pumunta naman ako sa tapat ng microphone stand at pinakinggan ko rin ang tunog ng microphone.

"I-practice na ba natin 'yung bagong kantang pinasa mo Leo?" tanong ni Gian, tumango naman si Leo sabay tingin sa'kin. "Nabasa mo na ba Aries?" tanong niya habang nakatingin ng derecho sa'kin. Muntik ko pang mabitiwan ang microphone kaya inilagay ko na ito sa stand.

"Ahh—Oo" sagot ko sabay tingin sa harap. "Memorize na rin daw niya" sabat naman ni Adrian. Napakunot naman ang noo ko sabay lingon sa kaniya pero hindi siya nakatingin sa'kin. "Okay, ready?" tanong ni Leo, sabay-sabay naman kaming tumango.

Umpisa pa lang musika ay napatigil na si Sir Gab sa ginagawa niya at muling napatingin sa amin. Maging sila Joyce at ang ilang nagtatrabaho roon ay napatigil din sa kani-kanilang mga ginagawa at inusisa kung ano ang ginagawa namin sa stage.

Nagsimula na akong kumanta. Abot Kamay ang pamagat ng kanta. Sa lyrics pa lang kanta ay parang natatamaan ako. Huli na ba talaga ang lahat?

Hindi ko namalayan na napapasayaw na rin ako habang sumasabay sa indak ng musika. Tinanggal ko ulit ang microphone sa stand saka naglakad sa stage habang umaawit. Napansin ko na napapaindak din sila at tumatango-tango ang ulo nila. Maging si Sir Gab ay umiindak din mula sa kahera.

Ilang sandali pa, napatigil kami nang biglang sumigaw si Sir Gab "Sir Ched! Hindi ko alam na nandito ka na pala!" sigaw niya sabay takbo papunta sa fire exit door sa kabila. Mabilis naming binaba ang mga musical instrument at dali-dali kaming bumaba sa stage.

Napahelera rin ng maayos ang mga staff kabilang si Joyce at magalang nilang sinalubong ang isang matangkad na lalaki na kanina pa pala nakatayo roon. Nakasuot ito ng itim na leather jacket, itim na pantalon, itim na sapatos.

"Sino 'yan?" narinig kong bulong ni Gian kay Joyce, magkatabi sila ngayon habang nasa likod naman kami. "Siya ang may ari nitong resto bar" sagot ni Joyce dahilan para mapatayo ng tuwid si Gian. Dahan-dahan namang naglakad ang lalaking iyon na tinatawag nilang Sir Ched, tinitingnan niya ng maayos ang paligid at ang mga staff niya.

"Nag-hire kayo ng menor de edad?" seryosong tanong nito sabay tingin sa aming lima. Agad namang pumagitna si Sir Gab, "Hindi po boss, mga pamangkin ko lang sila. Gusto lang nila kumanta at mag-practice dito" saad ni Sir Gab sabay tawa pero kasabay niyon ay tumatagaktak ang pawis niya sa kaba.

Muli kaming pinagmasdan ng mabuti ni Sir Ched, sa tingin ko ay late 40s pa lang ang edad niya. Matangkad, mestizo, matangos ang ilong at maganda ang jawline niya. Medyo magulo rin ang ayos ng buhok niya, para siyang rakista.

Hindi ko alam pero parang pamilyar ang mukha niya. Parang nakita ko na siya dati, hindi ko lang alam kung saan.

"Anong banda niyo?" tanong niya, nagkatinginan kaming apat. "P-paano niyo po nalaman na may banda kami?" tanong ni Adrian. Ngumiti ng kaunti si Sir Ched dahilan upang mawala ang nakakatakot niyang awra, "Unang kita ko pa lang sa inyo, parang isang solid na banda na" 

"Wag kayo matakot. Hindi naman ako nangangain. Pwede naman kayong mag-practice dito anytime" patuloy niya, pare-pareho kaming natigilan at natulala sa sinabi ni Sir Ched. Naglakad na siya at nagtungo sa ikalawang palapag kung saan naroon ang maliit na opisina niya.

Nang makalagpas siya sa amin ay sabay-sabay kaming napasigaw sa tuwa. Maging si Joyce ay nahuli rin naming napangiti at nang asarin siya ni Gian ay napasimangot siya ulit saka bumalik sa pagpunas ng mga alak.

***

Kinagabihan, nagsusulat ako ng kanta sa salas habang hawak ang gitara ko. Bukas ang TV, tahimik namang nanonood si Axel ng mga palabas na cartoons. Abala naman si mama sa pag-compute ng mga bills at grocery sa kusina.

Ilang sandali pa, napatingin ako sa pintuan namin na may screendoor nang marinig kong may sumisitsit mula roon. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat nang makita ko roon si Adrian, sinenyasan ko siya na pumasok sa loob pero umiling lang siya at sumenyas na lumabas ako.

At dahil mukhang ayaw niya patalo at wala siyang balak pumasok sa loob ng bahay, binaba ko na ang gitara saka tumayo at naglakad papunta sa screendoor at binuksan iyon. "Bakit? Ano bang---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil may inabot siya sa'king isang maliit na papel.

Kinuha ko na iyon at binasa, napakurap ako ng dalawang beses saka muling tumingin sa kaniya "May dalawang ticket ako ng Forrest Gump. Nanalo ng ticket si lola sa bingo kanina" paliwanag ni Adrian kahit hindi ko naman tinanong kung saan niya nakuha iyon.

Napangiti ako. Gustong-gusto ko talaga mapanood ang movie na 'to! Napalingon din sa amin si Axel, kumaway naman si Adrian sa kaniya. Binasa ko ulit ang ticket, "Bukas na tayo manonood? August 18 na bukas!" saad ko, excited na akong mag-umaga. Siguradong hindi ako makakatulog nito!

"Sunduin kita bukas ng 1pm. 4pm pa naman 'yung movie pero pumunta na tayo ng maaga para makakain tayo" sabi niya sabay ngiti, napatango naman ako, hindi na mawala ang ngiti sa labi ko. "Oh, Adrian, pasok ka" tawag ni mama, hindi namin namalayan na nasa salas na pala siya at inabutan niya ng gatas sa baso si Axel.

"Okay lang po ako tita, uuwi na rin po ako" ngiti ni Adrian at kumaway ulit siya kay Axel. Nagpaalam na siya, mabilis ko namang kinuha ang gitara ko saka umakyat sa kwarto. Inilagay ko na sa ilalim ng drawer ang movie ticket saka bumalik sa salas.

"Aries, itapon mo na 'yung basura sa labas" tawag ni mama. Nagtungo ako sa kusina. Nilipat ko na sa plastic ang mga basura na puro box ng gatas ni Axel. Napadaan ako sa salas, pinatay na ni mama ang TV at dinala si Axel sa kwarto nila. Alas-diyes na ng gabi at halos tahimik na rin ang buong paligid.

Madaling araw dumadaan ang truck ng basura sa barangay namin kaya gabi pa lang ay dapat nalagay na namin sa labas ang mga basura. Tatlong bahay mula sa bahay namin, naroon ang imbakan ng basura kung saan dadaan ang truck. Masyado na kasing masikip sa kalsada ng tapat ng bahay namin kaya hindi na makakapasok doon ang malaking truck.

Paglabas ko ng gate, nagulat ako nang makita ko si Leo. Maging siya ay nagulat din, nakasandal ang bisikleta niya sa gilid ng pader sa tapat ng bahay namin at nakaupo lang siya roon. Napatayo siya agad nang makita ako.

"Anong ginagawa mo dito?" tanong ko sa kaniya, tiningnan ko siya ng mabuti. Parang galing siya sa bayan dahil may mga tinapay siyang binili na nakalagay sa plastic at nakasabit sa bike niya. "W-wala, napadaan lang ako" sagot niya saka mabilis na sumakay sa bisikleta niya. Napaisip naman ako, paano siya mapapadaan sa bahay namin? Mas mauuna niyang madadaanan ang bahay nila dahil nasa kanto lang ito mula sa kalsada.

Nakakadalawang padiyak pa lang siya sa bisikleta nang mapatigil siya at nagulat ako dahil bigla siyang umatras at tumigil sa tapat ko. "Aries" wika niya sabay abot sa'kin ng isang papel. Napatingin muna ako sa kaniya bago ko kunin iyon, "B-binigay 'yan sa'kin ni Sir Gab kanina, may extra ticket daw siya pero napanood na niya kaya binigay na lang niya sa'kin. D-dalawang ticket 'yan" patuloy niya, kinuha ko na ang ticket at laking-gulat ko nang makita ko na movie ticket iyon ng Forrest Gump!

August 18 din ang petsa, 4pm ang oras at sa kaparehong sinehan!

"Sasamahan kita manood" dagdag niya, at sa gitna ng gabing ito, nagsimula ang pagtigil ng mundo ko at ang pagkalito ng puso ko.


*********************************

#LeoAndAries on twitter

Note: Pakinggan niyo ang original song na ito "Abot Kamay" by Elli and Angel. Please like, comment and subscribe to their yotube channel.

"Abot Kamay" by Elli and Angel

Continue Reading

You'll Also Like

1.1M 56.6K 152
Okay but first, who are you? An epistolary.
4.7M 189K 31
"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Sa loob ng labinlimang taon, ang makasal sa kababata niyang si Enrique Alfonso ang tanging pinapa...
217K 14.1K 70
["PLAY THE KING" IS ACT TWO OF THE "PLAY" SERIES. PLEASE READ "PLAY THE QUEEN" FIRST.] It's been four months since Priam Torres, the once unpopular p...
945K 39.5K 100
crush back series #1 ❝crush kita. what if jowain mo ko, ha?❞