The Bathroom Love Affair (Pub...

By xPANICx

421K 15.4K 7.4K

† The Restroom Love Affair: The Kisser Remake † Matyagang hinihintay ni Eros ang pag-ibig habang si Zach ay d... More

Prologue
NOTE
Chapter 1 - Love at First Fight
Chapter 2 - Best Supporting Lover
Chapter 3 - Heartbreaker
Chapter 4 - Haunted Apartment
Chapter 5 - Collide
Chapter 6 - Bad Day
Chapter 7 - Table for Four
Chapter 8 - Roommate
Chapter 9 - Balinguyngoy
Chapter 10 - The Act
Chapter 11 - S. A.
Chapter 12 - Beautiful Mistake
Chapter 13 - The Bathroom Love Affair
Chapter 14 - My Sun & Moon
Chapter 15 - The Restroom Love Affair
Chapter 16 - Confessions
Chapter 17 - Seros
Chapter 18 - Both Yours
Chapter 19 - Call Me Love
Chapter 20 - Pierce
Chapter 21 - Be Careful What You Wish For
Chapter 22 - Anselmo
Chapter 24 - Break a Leg
Chapter 25 - Scared to Death
Chapter 26 - Icecream
Published! (plus giveaways)
Last Words & Review
Special Chapter 1
First Draft - Chapter 19

Chapter 23 - Fire on Fire

9.8K 348 338
By xPANICx

Eros

"Eros, may gusto ka rin ba sa akin?"

     Ang tanong ni Yna sa akin kahapon. At ang sagot ko ang isa sa pinakamatinding pagsisinungaling na lumabas sa bibig ko. Walang duda na pagsisisihan ko ito balang-araw.

     "Oo," sagot ko. "Nung unang beses pa lang na makita kita. Lalo pa ngayon na ikaw pala si S. A."

     Gumuhit ang ngiti sa labi ni Yna kasabay ng pagpatak ng luha. Humagis ang kamay nya sa akin na alanganin kong tinugon. Ang laki na ng kasalanan ko.

     Pinagdadamutan ko na ang sarili, nagsisinungaling pa ako sa mga taong malapit sa akin. Pero tsaka ko na iisipin ang kapalit ng panloloko sa kanila. Ang mahalaga ay mailigtas ko ang sarili at si Zach sa mapanghusgang mata ng karamihan. Baka sakaling mangyari nga iyon kapag naging tunay na ang pagmamahal ko kay Yna. Hindi sya mahirap mahalin at kahit papaano ay nagustuhan ko sya dati.

     "Grabe," sabi ni Yna pagbitaw sa yakap. "Akala ko uuwi akong luhaan. Well, luhaan naman na ako ngayon pero dahil sa tuwa. May gusto rin sa akin si Eros," sabi nya sa kawalan.

     "Ako nga ang hindi makapaniwala na may gusto ka sa akin," sabi ko. Parang makina na lang na gumagana ang bibig ko upang sabihin ang mga dapat nyang marinig. Nakikita ko na ang sariling kinakain ng apoy. "Biruin mo, isang tulad mo may gusto sa isang tulad ko."

     Natawa sya habang pinupunasan ang luha. "Yan ang gustong-gusto ko sayo, kaya mo akong patawanin."

     "Kaya mo namang pagaanin ang loob ko," tugon ko. "Lalo na sa tuwing malulugmok ako sa play, text mo ang isa sa nakakapagpabalik sa lakas ng loob ko."

     "Speaking of text nga pala, Eros," sabi ni Yna. "I-block mo na yung number na ginamit ko. Nawala ko kasi yung phone nun. Isa rin yun sa nagtulak sa akin na umamin ngayon. Baka kasi may makabasa ng convo natin, pagtripan ka at masira ako."

     Tumango ako. "Okay, sige. Pero may pakiusap din ako sayo."

     "Ano yun?"

     "Bago lang kasi ako sa bagay na to," pag-amin ko. "Pwedeng dahan-dahanin natin at sa atin na lang muna?"

     Inayos ni Yna ang nagulong buhok. Hindi  maitatanggi na sa makikita sa mga mata nyang may nararamdaman nga sya sa akin. "Oo, basta para sayo." Kinuha nya ang kamay ko. "Eros, hindi mo alam kung gaano mo ako napasaya ngayon."

     Pinisil ko kamay nya. "Ako rin," pagsisinungaling ko na sa kabilang banda ay totoo.

* * *

     Ilang beses kong tinanggi at kinuwestiyon ang dahilan nila, napunta na ako kay Simion at Mario, sa huli, tama silang lahat. Ako nga si Anselmo, ang tagabasag ng damdamin.

     "Bakit?" marahang tanong ni Zach. Parang syang kapayapaan bago ang teribleng bagyo.

     "Tama na, Zach," sambit ko.

     Walang ano-ano'y umagos ang luha nya. Agad itong pinunasan ni Zach, pinipilit na itayo ang pader na kahapon lang nawasak. Ngunit iyon ay pagpulot sa nabasag na salamin, bawat anggulo ay magdudulot ng sugat. "Ibigay mo na sa akin to, Eros. Malay mo sa sobrang sakit ayawan ko na. Sabihin mo na kung bakit."

     "Sya ang mahal ko, eh. Kailangan ba ng dahilan?" patuloy kong pag-iwas. Ngunit biglang bumalik sa akin ang ginawa ko kay Yna. Bakit hindi ko pa isagad? Sa tanong na iyon, parang ilog na umagos ang lahat. "Nasa kanya na ang lahat ng hahanapin sa isang babae. Napapasaya nya ako, ang sarap nyang kasama. Kapag kailangan ko ng motivation nandyan sya, sya pala yung matagal nang nagte-text sa akin na nagpapabalik ng tiwala ko sa sarili. Ano pa?"

     Nakatingin lang sa akin si Zach habang iniisa-isa ko ang dahilan. Bawat salita ay parang malalaking tipak na batong binabagsak sa kanya. Ngunit hindi nya ininda ang mga iyon. Nasa punto na siguro si Zach kung saan sa sobrang sakit ay namanhid na ang puso.

     Umiling-iling si Zach kasabay ng sarkastikong tawa. "Ganun ba?" tanong nya. "Ano nga namang laban ko dun?"

     Bumalik sya sa pagkain, nanatili akong sa kanya nakatingin. Sana tapos na, ubos na ang lakas ko. Malapit na akong bumigay.

     "Salamat, Eros," sambit ni Zach. "Salamat."
 
 
 
Iyon ang huling matinong usapan namin, kung maituturing na maayos iyon. Lumipas ang mga araw na parang bumalik ang dati, bukod sa malamig na koneksyon namin.

     Maayos na ulit ang pagpasok nya sa school, ginagabi na lang sya ng uwi kapag nagkikita sila ng tatay at kuya nya, na kung mangyari ay madalas. Naaabutan namin ang isa't isa, pero isang tanong isang sagot na lang sya sa akin. Si Zach na ang lumalayo sa pagkakaibigan namin. Ganun pa man, sa mga simpleng usapan, may naibabalita pa rin ako kay Tita Lina.

     Masakit. Ngunit naintindihan kong ito ang proseso upang maisalba ang kung ano pang natitira sa aming pagkakaibigan. Umaasa akong malalagpasan namin ito at tatawanan na lang balang-araw.

     Sa abot ng aking makakaya, pinipilit kong hindi maapektuhan ang pag-aaral at ang play. Kinakaya ko mag-isa na mas aralin si Mario, minsan tinutulungan ako ni Yna. Ngunit hangga't maaari, iniiwasan ko sya. Isa si Yna sa mga paalala ng mga kasalanan ko.

     "Bilis-bilis!" sigaw ni Direk sa mga aktor sa entablado. Ang kasalukuyang eksena ay ang pagsugod ng taumbayan kay Elena, nalalapit nang matapos ang istorya. "Ilang linggo na lang ang meron tayo. Isipin nyo performance na talaga!"

     Nagtama ang tingin namin ni Yna, nasa sulok sya ng stage habang ako ay mag-isa sa dulo ng upuan. Nginitian nya ako na sinagot ko nang pilit.

     "Ano yang ngiting yan?" tanong ni Dan.

     Agad nabura ang guhit sa labi ko. Wala na akong dahilan para magtago kay Dan, kasama ko sya sa halos lahat ng hakbang. "Ewan ko, Dan."

     "Ah, di mo alam," umupo sya sa tabi ko. "Ang tawag dyan ay pilit-na-ngiti-ng-nasasaktan."

     Bigla akong nairita sa kanya. "Bakit ba ang dami mong alam, ha?"

     Nagkibit-balikat si Dan. "Marami na kasi akong napanood na chick-flicks," sagot nya. "Mga ganyang klase kasi ng pelikula ang paboritong panoorin ng mga ex ko. Tapos pagkatapos ng pabalas, alam mo na, tsug-tsug naman."

     "Gago."

     Tinapik nya ang balikat ko. "Pero seryoso, ano pa bang problema mo, Eros? Hindi ka na nalilito diba?"

     "Hindi na," pagkumpirma ko. "Pero imbis na sabihin kong mahal ko sya, sinabi kong may mahal na akong iba."

     "Ay, tanga," bugnot na sambit ni Dan, napakamot pa sya. "Anong pumasok dyan sa kokote mo? Nagsayang pa ako ng piso sayo!"

     Tinumbasan ko ang masama nyang tingin. "Sino ba kasi ang nag sabi na itapon mo? Pwede mo namang ibulsa, hindi ko na rin naman makikita yun."

     "Ewan," asar na tugon ni Dan, nanggagalaiti sya sa galit. "Tapos ngayon nag-iinarte ka dyan. Bakit hindi mo sinabi?"

     Desidido na akong ipagkatiwala kay Dan ang sitwasyon ko. Mabuti na rin na mayroon akong napagsasabihan. Pero hinding-hindi ko aaminin sa kanya na si Zach ang mahal ko at ang problema ay pareho kaming lalaki.

      "Sinabi ko yun kasi magiging sugal ang pagmamahalan namin," sabi ko. "Na sa dami ng hahadlang, hindi rin kami magiging masaya. Para sa amin din naman ang ginawa ko, pero ang sakit. Sobrang sakit."

     "Wag kang iiyak dito, ah," bigla nyang paalala. "Masisira reputasyon ko."

     "Di ako iiyak at wala kang reputasyon, Simion."

     Hindi pinansin ni Dan ang pasaring ko, bagkos nag-Papa Jack mode na sya. "Ganun talaga, Eros. Kapag nasaktan mo ang taong mahal mo, ang unang mababasag na puso ay sayo."

     Tama si Dan. Sa bawat pananakit ko kay Zach ay parang pagbato ko ng nagbabagang uling; ako palagi ang unang kinakain ng apoy.

     "Ano ba yung hadlang na sinasabi mo?"

     Umiling ako.

     "Studies nyo? Pag-pursue ng career? Marami syang manliligaw na nakakalamang sayo? Out of your league sya? High maintenance? Ano?" pagpiga sa akin ni Dan ng sagot. Simula't sapul si Yna ang nasa isip nya na mahal ko.

     "Basta," ani ko.

     Huminga sya nang malalim. "Kung ayaw mong sabihin, gagalangin ko pero hindi kita matutulungan," sabi ni Dan. "Hindi pa sapat ang pelikula na napanood ko para magbigay ng generic na advise."

     "Simion!" pagdagundong ng boses ni Direk sa auditorium. Nasa kanto sya ng entablado, nakaharap sa direksyon namin. "Sinasabi ko sayo, malapit na ang play pero kayang-kaya pa rin kitang palitan!"

     Agad tumalima si Dan. "Eto na nga, eh." Tumakbo sya papunta sa stage habang kinakamot ang ulo.
 
 
 
Lumipas pa ang ilang araw na walang pansinan, para syang saranggola na gusto kong malayang lumipad ngunit ngayon ay tinatangay ng malakas na hangin palayo sa akin. At ang paghila sa sinulid na natitira naming koneksyon ay ang mismong puputol dito.

     Ang pagkakaibigan na gusto naming mailigtas ay tuluyan nang nawawala sa abot ng aming mga kamay. Pinapaalala ko na lang sa sarili na ito mismo ang kailangan namin, oras na mapag-isa. Pagkatapos nito, kapag nalagpasan namin ang nararamdaman sa isa't isa, ay magagawa naming bumalik sa dati.

     Hanggang sa isang araw ng Martes, ang linggo ng pagtatanghal namin, dininig ng langit ang aking panalangin.

     "Eros," pagtawag ni Zach habang nagsisintas ako sa may kusina. Sa sobrang gulat, nawalan ako ng balanse at napaupo sa sahig. Wala syang reaksyon sa inabot ko, pinigilan ko rin ang pag-inda sa sakit ng pwet. "Paalis ka na?"

     Hinagilap ko ang angkop na sagot pero tanong ang binigay ng aking isip. Bakit sya nagtatanong? Bakit bigla nya akong kinausap? Okay na kaya kami? Nakamove-on na kaya sya?

     Dahil ako hindi pa. Pero handa akong harapin sya bilang kaibigan lang.

     "Uhmmm," pag-iisip ko ng isasagot. Bakit ko ba kailangan pang mag-isip; oo at hindi lang naman? "Ano. . ."

     "Maaga pa naman," sabi ni Zach, diretso pa rin ang mukha. "Kung hindi ka nagmamadali, sabay na tayo."

     "Hindi naman," dahan-dahan kong sagot. "Sige, hintayin kita."

     Wala na syang ibang sinabi, pumasok na sya ng banyo. Nakahinga akong maluwag. Ano kayang meron?

     Tinapos ko ang pagsasapatos bago pumanhik ng lamesa, naupo habang hinihintay syang lumabas. Nagtataka pa rin ako sa biglang pagbabago ni Zach. Para syang buwan na mula Disyembre ay naging Hulyo. Ganun pa man, may parte ng puso ko ang masaya.

     Halos makalimutan ko na kung paano nya sambitin ang pangalan ko.

     Makalipas ang ilang minuto, lumabas na si Zach ng banyo, naka-boxershorts at puting t-shirt lang, pinapatuyo ang buhok ng twalya. Ginawa ko ang lahat para hindi sya sundan ng tingin, sa mga nakalipas na araw, napaghusayan ko na ang sining na ito. Ang mga pagkakataon ko lang na mapagmasdan sya ay kapag nauna akong magising at kapag nasa likod nya ako.

     Nagsuot sya ng uniporme, nagpabango, inayos ang buhok, kinuha ang bag bago lumapit sa akin. "Tara na."

     Tumayo ako kaagad, baka magbago pa ang isip nya. "Tara."

     Sabay naming tinahak ang pasilyo palabas ng building. Sa paglalakad namin sa maluwag na kalsada, paminsan-minsan ay sumisimple ako ng tingin sa kanya. Para syang may mahirap na math equation na sino-solve sa isip. Para syang bulkan na tahimik bago sumabog.

     "Anong meron, Zach?" tanong ko. Pakiramdam ko ay nananaginip ako nang gising.

     Binaling nya ang mukha sa akin. "Bakit?"

     "Eto," tukoy ko sa sitwasyon namin. "Kinakausap mo na ako. Sumabay ka sa akin papasok. Pero para kang bato."

     "Ah," sambit ni Zach na parang may pinaalala lang ako bago binalik ang tingin sa dinaraanan namin.

     Ito ba ang nadulot ko sa kanya? Nag-uusap na nga kami pero parang ibang tao naman ang kaharap ko.

     "Mahal pa rin kasi kita," sabi ni Zach na parang isang napakaliit na bagay. Iyon pala ang bulkan na nararamdaman ko. Kung hindi lang sa para syang batobalani na humihila sa akin, malamang natigil na ako sa paglalakad. "Ayaw mawala, eh. Kaya naisip ko, kukunin ko na lang kung ano ang kaya mong ibigay."

     Napatingin ako sa paligid namin, natakot ako sa kung gaano nya kakaswal na sabihin ang pagmamahal sa akin. Pakiramdam ko nakatingin silang lahat sa amin at naririnig ang bawat salitang lumalabas sa bibig namin.

     Akala ko nasa bingit na kami ng kalayaan. Yun pala pareho lang kaming napili nang mamuhay sa ilusyon–na agad nyang sinira. Ang magandang sikat ng araw at sariwang simoy ng hangin ay taliwas sa namamagitan sa amin ngayon.

     "Naisip ko na subukan na nga nating bumalik sa dati," pagpapatuloy ni Zach, nananatiling walang emosyon ang boses at mukha. Habang ako ay payapang balat ng dagat, hindi madaling makita na malalim at maraming kinukubli dahil sa dilim. "Sa dating tayo sa abot ng makakaya ko."

     Pinilas ko ang atensyon sa paligid namin at sa aking emosyon. "Kung yan ang gusto mo," ang mali kong sagot sa kanya.

     "Hindi ito ang gusto ko, Eros," sagot ni Zach, walang galit, walang lungkot. Gusto ko syang suntukin para makakuha ng reaksyon. "Ito ang kaya nating dalawa."

     Para kaming may sariling mundo dala ng pag-uusap namin. Ang mga sasakyan ay parito't paroon sa aming tabi. Basa ang daan dahil sa naglalaba sa kalye ngunit hindi kami nag-abalang umiwas. May ilang bahay na ang lakas ng tugtog ngunit hindi namin marinig.

     Kami lang dalawa ni Zach at ang patalim na patuloy kong tinatarak sa aming dalawa.

     "Alam mo kung ano talaga ang gusto ko?" tanong ni Zach ngunit hindi na hinintay ang aking sagot. "Sa huling pagkakataon, marinig ang tunay mong nararamdaman. Hindi ko pa rin mapigilan na umasa, mahal na mahal kasi kita, Eros. Hindi mo ba talaga ako magagawang mahalin?"

     Walang pag-aatubili na sumagot ako ng, "Hindi."

     Doon sya napangiti, ngiting sana ay hindi ko na lang nakita. "Mabuti naman," sambit nya na nasundan ng malalim na paghinga. "Ikaw ang araw at buwan ng buhay ko, Eros," pagpapatuloy ni Zach. "Sayo umiikot ang mundo ko at ikaw ang umiikot dito. Kung para manatili ka ay itigil ang mga ito, gagawin ko na. Simula ngayon hindi ka na makakarinig ng kahit na ano tungkol sa nararamdaman ko."

     Wala na akong naisagot, halos wala na akong maramdaman. Sa isang iglap naabutan ko ang kinalalagyan ni Zach. Nangyari ang lahat ng ito dahil sa akin kaya dapat ko rin itong harapin. Ganap na ang pagsuko nya.

     Binalot na kami ng katahimikan. Narating namin ang La Trinidad na parang normal na estudyanteng magkasabay pumasok. Walang bakas ng pag-uusap namin kanina, walang senyales ng tensyon sa pagitan naming dalawa. Walang nakakapansin na sa loob ay abo na lang ang natitira sa aming pagkatao.

     "Nga pala, Eros."

     "Hmm?"

     "Hindi si Yna yung ka-text mo," sabi ni Zach. "Nagsinungaling sya sayo."

     "Ha? Paano mo nasabi?"

     "Basta," pagtatapos nya sa usapan.

     Habang tinatahak ang pasilyo, nahuli ng paskil sa mga bulletin board ang mata ko. Muntik ko nang makalimutan ang isa sa mga dahilan kung bakit nanatili ang aking katinuan nitong mga nakaraang linggo.

     "Uhm, Zach," pagtawag ko.

     "Oh?"

     "May lakad ka ba sa Sabado?"

     "Wala naman."

     "Sa Sabado na yung play, nood ka," aya ko.

     "Oo naman," sagot ni Zach bago ako tinaasan ng kilay. "Pinaghirapan natin yan, eh."

     Binalik ko ang tingin sa aming dinaraanan. Mukhang ganito na lang kami, hanggang dito na lang ang kaya namin. At iyon ang umpisa ng pagtatapos sa aming dalawa.

     "Eros," sambit ni Chris nung makasalubong kami. Nagpalitan sila ni Zach ng hindi ko mawaring tingin bago lumiko si Zach at dumiretso sa una naming klase. "Ang ganda ng poster nyo, ah." Si Chris na ang sumabay sa akin sa paglalakad.

     "Oo nga, nakita ko," sagot ko.

     "Ayos ka lang?" tanong nya.

     "Oo naman," pagkumbinsi ko sa sarili.

 
 
 
 
•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•

Continue Reading

You'll Also Like

211K 8.2K 47
Drop Delgado, the university's captain ball and yearly MVP, has no experience about love. He barely knew anything about romance. But he has a girlfri...
15.5K 458 133
Wherein Jeon Wonwoo receives a letter from a stranger every 12:12 am. Meanie/Minwon FanFic (epistolary)
6K 249 21
After years of practicing his profession as an industrial engineer, Drei decided to take a rest and be a part-time instructor at Don Placido Institut...