Love On Air 2: Araw Gabi (Com...

By Kandice_Gonzales

73.7K 1.4K 63

"It's easy to fall in love with you. Bulag at tanga lang ang hindi magkakagusto sa'yo." Animo araw at gabi si... More

Prologue
Chapter Two
Chapter Three
Chapter Four
Chapter Five
Chapter Six
Chapter Seven
Chapter Eight
Chapter Nine
Chapter Ten
Chapter Eleven
Chapter Thirteen
Chapter Fourteen
Chapter Fifteen
Chapter Sixteen

Chapter Twelve

3.8K 77 5
By Kandice_Gonzales


"WOW!" HALOS hindi kumurap si Jammy habang pinanonood ang pagliwanag ng buong kalangitan dahil sa makulay at naggagandahang fireworks. Nalimutan na niyang kumuha ng pictures. Natuon ang buong atensyon niya sa napakagandang fireworks display sa kalangitan.

Napapadalas ang paglabas nila ni Joshua. Halos lahat ng magagandang play ay napanood na nila. Sinasamahan din siya ng binata na manood ng romantic movies kahit malayo sa character nito ang manood ng ganoon. Minsan ay dinadalaw siya nito sa bahay at nagdadala ng kung anu-ano mula sa bulaklak, DVD, chocolate, libro, at pagkain. Ngayon ay dinala siya ni Joshua sa SM MOA open grounds upang manood ng pyromusical competition. Matagal na niyang gustong manood ng pyromusical ngunit wala siyang makasama. Natutuwa siya na si Joshua ang tumupad ng pangarap niyang iyon.

"Ang ganda-ganda!" paulit-ulit niyang sabi.

"Ang sabi nila, masarap daw manood ng fireworks kasama ang taong mahalaga sa 'yo. Lalo mong maa-appreciate ang makulay na kalangitan katabi ang taong importante sa 'yo."

Napatingin siya kay Joshua. There was a small and soft smile on his face while looking at her. Bigla siyang nailang. "May problema ba?"

Ngumiti ito, saka umiling. "Natutuwa lang ako na magkasama tayo ngayon. At..."

"At?"

Natigilan ito, saka umiling ulit. "Nothing. Let's watch na lang."

Magkasabay nilang pinanood ang fireworks display. Mayamaya ay naramdaman niyang kinuha ni Joshua ang kamay niya. "Jammy?"

"Hmm?

"Napansin ko lang lately hindi na gaanong lumalabas ang allergy mo kahit umaalis tayong maaraw pa. Nabanggit mo ba ito kay Doc Iann? Pumunta kaya tayo sa ospital bukas?" Nakita niya itong nakatingin sa braso niya.

"Napansin mo rin pala. Don't worry, tumawag na ako kay Doc Iann. Normal daw ang nangyayari sa akin. Ang paliwanag niya, people with PMLE become less sensitive to sunlight over time. And it may improve or clear up completely over the years. Posible raw na nao-overcome ko na ang pagiging sensitive ko sa araw. Para din itong normal allergy. The more na na-expose ka sa source ng allergy mo, the more na nagiging immune ka sa allergy mo," paliwanag niya.

"That's good to hear. Pero kailangan din nating i-double check. If you want I can ask around. Magpa-second opinion tayo sa ibang doktor."

"Happy na ako kay Doc Iann."

"Kaunti na lang immune ka na sa araw. Sa akin ba immune ka na?"

Nag-init ang mga pisngi ni Jammy. Nagpaparamdam ba ito sa kanya? Nanliligaw? Iyon ba ang ibig sabihin ng paglabas-labas nila?

"Uy, kayong dalawa, tigilan n'yo nga ang paglalambingan sa harap ko. Alam ko, sabit lang ako sa date n'yo. But you don't have to rub it in, okay?"

Sabay silang napatingin kay Jasmine na nakaupo sa gawing kanan nila. Muntik na nilang makalimutan na kasama nila ang kaibigan. Guilty, nginitian ito ni Jammy. Ilang araw nang nagkukulong si Jasmine sa bahay. Naisip niyang yayain ito sa lakad nila. Pumayag naman si Joshua na nag-aalala rin sa kaibigan niya. Hindi normal ang kinikilos nito ilang araw na.

"Jasmine, nandiyan ka pala. Ang akala ko, umalis ka na," pabirong sabi ni Joshua.

"Grabe ka sa akin, Joshua! Gusto mong hindi kita ilakad sa best friend ko? Teka, matanong ko nga. Ikaw ba, eh, nanliligaw dito sa kaibigan ko?"

"Tutulungan mo ba ako sa kanya?"

"I'll think about it. Mahirap na baka mawala na namang parang bula ang kaibigan ko."

"I will never let her leave me again," seryosong sagot ni Joshua.

Gulat na napatingin si Jammy kay Joshua. Seryoso nitong sinalubong ang tingin niya. His eyes held so much love and warmth it made her want to cry.

She was about to say something nang isang puting bagay ang bumagsak sa harap nila. Lahat sila ay napatingin sa puting bagay na iyon.

"What's this?" ani Jasmine, kinuha ang puting bagay at itinaas. "Panyo! Saan-" Natigil ito sa pagsasalita nang isang bata ang lumapit sa kanila.

"Sa akin po 'yan," anang bata sa maliit na boses. Tumingin ang bata sa kaibigan niya at nanlaki ang mga mata. "Tita Jasmine!"

"You know her, 'bes?" gulat niyang tanong.

Nagulat si Jammy sa nakitang reaksiyon ni Jasmine pagkakita sa bata. Para itong natuka ng ahas. Hindi siya sigurado pero parang namasa ang mga mata nito. Jasmine looked vulnerable as she stared at the kid. "Jas? What's wrong?"

May kung anong nilingon ang bata. "Daddy!"

"Angel, what are you doing here? Ang sabi ko sa 'yo huwag kang aalis-"

Lahat sila ay napatingin sa lalaking bagong dating. Nagulat si Jammy nang makilala ang lalaking tinawag na 'Daddy' ng bata. Ang lalaking gustong-gusto ni Jasmine at tinawag nitong 'soul mate'! Si DJ Cook!

"Daddy!"

"Daddy? May anak ka na, Paul?" gulat ring tanong ni Joshua.

Ngayon lang nalaman ni Jammy na Paul ang totoong pangalan ni DJ Cook.

Tumango ang lalaki. Hindi na nagawang magtanong ni Jammy nang biglang tumakbo palayo si Jasmine. Nagtatakang sinundan niya ito. "Jas, wait!"


------------------------------------------------------------------------


"NAG-AALALA ka pa rin?"

Napatingin si Jammy kay Joshua, saka tumango. Katatapos lang nilang ihatid si Jasmine sa bahay nito. Ngayon ay alam na niya kung bakit hindi normal ang ikinikilos ng kaibigan at palaging nagkukulong sa bahay.

Napatingin siya kay Joshua. Mukhang naramdaman nito ang titig niya dahil napatingin ito sa kanya, saka ngumiti. He looked happy. Masaya rin siya. Hindi man nila natapos ang pyromusical dahil sa nangyari, masaya pa rin siya dahil nakasama niya si Joshua. Pagkahatid kay Jasmine, inihatid na rin siya ng binata sa bahay para makapagpahinga na siya. Nangako itong babalik sila next week.

"Hindi mo ba talaga alam na may anak na si Paul? I mean you two are close. Wala ba siyang nababanggit sa 'yo?" tanong niya.

"Hindi kami gano'n ka-close ni Paul. Mas close siya kay Ryan. Siya ang nag-hire kay Paul sa radio station," paliwanag ni Joshua. "Paul didn't mention anything. Kung mapapansin mo, hindi siya palakuwento. Sa radyo ko lang siya naririnig na nagsalita nang mahaba."

"Baka naman katulad ka rin ni Paul. May itinatago ka rin bang anak?"

Umiling si Joshua. "Wala akong anak. Kung sakaling magkakaroon, gusto kong ikaw ang magbibigay sa akin."

Jammy felt her cheeks flushed. She took a deep breath to calm her nerves. "I feel bad for Jasmine. Sa tingin ko, gusto niya talaga si Paul."

Tumango si Joshua. Mayamaya ay narating din nila ang bahay niya. Bukas na bukas ang mga ilaw sa loob. Hindi niya maalalang iniwan niya na bukas ang mga ilaw kaninang umalis siya.

"Mukhang may tao sa bahay mo," ani Joshua habang nakatingin sa bahay niya.

"Baka si Ate. Siya lang ang binigyan ko ng susi. Baba ka muna. Ipapakilala kita sa kakambal ko."

"Is it okay? Nakakahiya sa ate mo. Ano'ng favorite food niya? Magte-take out muna ako para sa kanya," kinakabahan nitong tanong.

"Relax, masyado kang kinakabahan. Mabait si ate. Medyo tatarayan ka lang siguro niya. Siya kasi ang iniyakan ko eight years ago."

Namutla si Joshua. "Next time na lang siguro ako magpapakita sa kanya."

"Bakit next time pa, eh, nandito ka na? Let's go."

Binuksan ni Jammy ang pinto ng sasakyan at lumabas. Nang mapatingin siya kay Joshua, nakababa na rin ito ng sasakyan, salubong ang mga kilay.

"What?" nagtatakang tanong niya.

"Ako ang dapat na magbukas ng pinto para sa 'yo."

"Madali lang naman ..." Tiningnan siya nito nang masama. "What?"

"Hayaan mo naman akong magpaka-gentleman sa 'yo."

"You don't have to..."

"I have to," putol ni Joshua sa sinasabi niya. Lumapit ito at hinawakan siya sa balikat. "Hayaan mo akong gawin ang lahat para sa 'yo, Jammy. I won't ask anything in return. Hayaan mo lang ako."

Nagsalubong ang mga kilay niya. Ano ang ibig sabihin ng mga sinabi nito?

"Let's go, baka naiinip na ang kapatid mo."

Malapit na sila sa pinto nang may narinig siyang tila nagsisigawan mula sa loob ng bahay.

"May kasama yata ang kapatid mo."

"Baka si Lolo." Nahinto si Jammy nang matapat sa pintuan. Bahagyang nakaawang iyon. Napailing siya. Pagsasabihan niya ang kapatid. Nagiging pabaya ito. Naiwan nitong bukas ang pinto.

"Are you sure safe ka rito sa neighborhood n'yo?" nag-aalalang tanong ni Joshua.

Akmang bubuksan ni Jammy ang pinto nang may narinig siyang nagsalita at binanggit ang pangalan niya. Hindi siya pamilyar sa boses. Lalaki iyon, hindi ang Lolo Jerry niya dahil kilala niya ang boses nito.

"May bisita yata kayo. Are you sure this is the right time for me to visit? Baka makaabala ako," mahinang sabi ni Joshua.

Hindi na nasagot ni Jammy ang binata dahil nalipat na ang atensyon niya sa narinig na pag-uusap sa loob ng bahay.

"Gusto kong makita ang mga anak ko, Mandy. Kaya ako nandito. Sa tagal ng paghahanap ko kung nasaan kayo ay nalaman ko na rin sa wakas na dito nakatira si Jammy. At parang sinadya ng pagkakataon na pupunta rin pala kayo rito. Kaya hindi ako aalis dito hangga't hindi ko nakikita ang mga anak ko."

"Mga anak? Pagkatapos mo akong iwan noong buntis at takot na takot, babalik ka at hahanapan mo ako ng mga anak?"

Nanigas si Jammy sa pagkakatayo. Kilala niya ang huling nagsalita. Boses iyon ng kanyang ina. Eight years ago pagkatapos nilang umalis ng Pampanga at lumipat sa Manila, ilang linggo lang itong nag-stay sa Pilipinas bago bumalik sa Australia. Kahit paano ay naging maayos ang relasyon nilang mag-iina. Mula noon, dumalas ang pagtawag nito sa kanila. Nagpapadala na rin ito sa kanilang magkapatid ng card tuwing birthday nila, Pasko, at New Year. Umuwi rin ang kanilang ina noong graduation nilang magkapatid. Ang kanyang mama ang kasama nila ni Ate Jaime na umakyat sa stage para kunin ang diploma nila.

"Kaya ba ipinalabas mong ni-rape ka noon?" Ang lalaki uli.

"What do you want me to do? Sabihin ko sa lahat na buntis ako at ang walanghiya kong boyfriend ay tinakasan ako at umalis papuntang Amerika?"

"I had no choice. Matagal na ang petition na 'yon sa akin ng mga magulang ko," anang lalaki sa malungkot na tinig. "Wala akong inilihim sa 'yo, Mandy. From the start, alam mo ang tungkol sa petition kong iyon. Pero ano'ng ginawa mo? Pinapili mo pa rin ako. Sinabi mong puputulin mo lahat ng ugnayan ko sa 'yo oras na umalis ako. Nangako akong babalik. I asked you to wait. Ilang taon lang at babalikan rin kita."

"Hindi mo naisip na seryoso ako sa sinabi kong puputulin ko lahat ng ugnayan ko sa 'yo oras na umalis ka," saad ng mama niya.

"Buo na ang plano ko noon. Aalis ako ng Pilipinas at susunod sa mga magulang ko sa Amerika. Maghahanap ako ng trabaho doon para makapag-ipon ng pera. After ilang years, pasusunurin kita sa akin. Doon tayo magpapakasal. Doon tayo bubuo ng pamilya. What happened to us, Mandy? Hindi mo man lang ako kinausap tuwing tinatawagan kita. Lahat ng sulat ko, hindi mo rin sinagot. Tinalikuran mo ako at lahat ng plano ko para sa atin."

"Ano'ng ibig sabihin nito, Amanda? Niloko mo kami? Hindi totoong ni-rape ka?" narinig ni Jammy na gulat na tanong ng lolo niya. "Bakit ka nagsinungaling? Alam mo namang tatanggapin kita kahit ano pa ang nangyari."

"Mama?" Si Ate Jaime. Hindi lang pala ang mama niya at ang bisita nito ang nasa bahay niya. Naroon din ang lolo at kapatid niya.

"I'm sorry, Papa. Takot na takot po ako kaya ko nagawa iyon. I was only eighteen. Nang nalaman kong buntis ako at kailangang umalis ni Sam, sobrang natakot ako. Paano kung palayasin ninyo ako? Paano kung hindi ninyo matanggap ang naging bunga ng pagkakamali ko? Paano ako at ang mga anak ko? Hindi ko alam ang gagawin. Ilang gabi akong hindi nakatulog sa pag-iisip. Isang araw naisip kong takasan na lang ang lahat kaya nagtangka akong magpakamatay. Pero..."

Tumigil sa pagsasalita ang kanyang mama at nagsimulang umiyak. Parang yero ang iyak nito na pumupunit sa pagkatao ni Jammy.

Nanghina siya, parang may kumuha ng hangin sa katawan niya at nagsimula siyang pangapusan ng hininga. May naramdaman siyang humawak sa braso niya. Matutumba siya kung wala ang mga kamay na iyon na umalalay sa kanya.

"Are you okay?" nag-aalalang tanong ni Joshua.

Umiling si Jammy. Gusto niyang makita kung sino ang lalaking kausap ng kanyang ina. Ang lalaking kinamumuhian ng kanilang ina. Ang lalaking tunay nilang ama na umiwan sa kanila noon.

"I wanna see him, Joshua. Gusto kong makilala ang lalaking nagpakilala na tatay namin. Gusto kong makilala ang lalaking umiwan sa amin noon."

"Are you sure? I don't think..."

Hindi na siya nagawang pigilan ni Joshua. Itinulak niya ang pinto bago pa ito makapagsalita. Ang mga tao sa sala ay gulat na napatingin sa direksiyon nila. Una siyang napatingin sa kakambal niya na tahimik na umiiyak katabi ang lolo niya na tila tumanda nang sampung taon. Ang mama niya ay umiiyak din.

Huli siyang napatingin sa lalaking nakaupo patalikod sa kanya. Dahan-dahan itong lumingon sa kanya. Parang may sumuntok sa sikmura niya nang makilala ang lalaking nakasalubong niya ng tingin.

"S-Sir Tolentino?"

Dahan-dahang tumayo si Sir Tolentino. Parang ilang minuto ang lumipas bago nito nagawang tumayo at humarap sa kanya.

"Sir Tolentino? I-ikaw ang tatay namin?" halos bulong lang iyong lumabas sa bibig niya.

Hindi pa rin makapaniwala si Jammy. Si Sir Tolentino ang tatay nilang magkapatid! Kaya ba mabait ito sa kanya noon? Kaya ba palagi siya nitong tinutulungan? Kaya ba espesyal ang trato ng kanilang teacher sa kanya? Kaya pala kakaiba ang reaksiyon ni Sir Tolentino noong pinagmamasdan ang pictures nilang magkapatid. Kaya pala bigla silang umalis ng Pampanga noong gabing magkita ito at ang mama niya sa bahay nila. Malinaw na sa kanya ang lahat. Umalis sila upang malayo sila kay Sir Tolentino.

"Maica, anak..." Namumula ang mga mata ni Sir Tolentino sa pinipigilang pag-iyak.

Hindi alam ni Jammy ang gagawin. Gulong-gulo siya. "M-Mama, totoo ba? Si... si Sir Tolentino ang ama namin?"

Lalong lumakas ang pag-iyak ng ina. Kailangan pa ba niya ng sagot? Kitang-kita niya ang hinihinging sagot sa reaksiyon nito.

"Jammy..." Tumayo ang ate niya at akmang lalapitan siya. Itinaas niya ang kamay na nagpatigil dito sa paglapit.

"Alam mo ang lahat, Ate? Kaya ba wala akong narinig na reklamo sa 'yo noong lumipat tayo?"

Tumango si Ate Jaime. "I'm sorry, sis. Ayoko lang na malaman mo ang totoo at masaktan ka kaya itinago ko sa 'yo ang totoo."

"All these years, Ate..." Napailing siya. "Hindi mo ba naisip na gusto ko ring malaman ang totoo? Hindi mo ba naisip na gusto ko ring malaman kung sino ang papa natin? Ayaw mo akong saktan, pero hindi mo ba naisip na protektahan mo man ako noon, darating ang panahon na malalaman ko rin ang totoo. At masasaktan pa rin ako." Nanlabo ang kanyang mga mata. Sunod-sunod na nagpatakan ang mga luha niya.

"Apo, patawarin mo sana kami kung naglihim kami sa 'yo."

"Lolo..." Pinaglipat-lipat niya ang tingin mula sa ate niya, sa lolo niya, sa kanyang mama, at sa lalaking nirespeto niya nang labis na siya palang tunay niyang ama. Ang lalaking tinatawag niyang Sir Tolentino.

Iisa lang ang tumatakbo sa isip ni Jammy nang mga oras na iyon. Nagsabwatan ang lahat upang ilihim sa kanya ang totoo. Kung hindi pa siya umuwi nang maaga, mananatili siyang bulag sa nangyayari. Ano ba ang tingin ng mga ito sa kanya? Mahina? Duwag? Walang muwang sa mundo? Batang kailangan laging protektahan? Hindi marunong tumayo sa sariling mga paa?

Para siyang kandila na unti-unting natutunaw. Naghanap siya ng makakapitan. May kamay na umalalay sa kanya. It was Joshua's. she looked at him. He smiled at her. Nakatayo ito sa tabi niya, handa siyang protektahan at tulungan sa problema niya.

"Joshua, ilayo mo ako dito, please..."

"You have to face them, Jammy. Sooner or later, kailangan mo silang harapin."

Umiling siya. "Hindi ko pa kaya ngayon. Please, Joshua." Mas hinigpitan niya ang kapit. Lalo itong nag-alala sa kanya. "Ilayo mo ako dito, please..."

Hindi na niya kailangang ulitin ang pakiusap. Binuksan ni Joshua ang pinto at inalalayan siyang lumabas papunta sa kotse. Habang palayo sa bahay, naririnig pa niya ang tawag sa kanya ng lolo at kapatid. Hindi niya iyon pinansin. Tuloy-tuloy lang siyang sumakay sa kotse ni Joshua.

"Are you sure about this, Jammy?"

Tumango siya, saka pumikit. Kailangan niyang umalis. Kahit sandali lang. Para siyang sinasakal sa lugar na iyon. Hindi siya makahinga hanggang naroon siya. Kailangan niyang umalis at magpakalayo-layo.

Nakahinga lang siya nang maluwag nang magsimulang umandar ang sasakyan.

Continue Reading

You'll Also Like

131K 2.8K 15
"Gusto mo ako? Gusto rin kita. Mas gusto kita. Nandito ako para bawiin ka at protektahan laban sa lahat ng mananakit sa 'yo." Na-curious siya sa ini...
267K 4.8K 39
"Kahit kailan, hindi naging mali ang magmahal. Maaaring magmamahal tayo ng maling tao, o magmamahal sa maling pagkakataon, pero kahit kailan ay hindi...
400K 20.9K 32
It all started when rookie setter Seb Angeles misset the ball causing injury to their team's opposite hitter, Nico Almojer.
105K 1.6K 14
"Ang sabi dito sa ending ng nobela mo, MJ kissed the love of her life while whispering how much she loved him. Ano pa ang hinihintay mo? Handa na ang...