Watty Writer's Guild Journal...

By WWG_FAMILY

781 151 234

This is a Book for you!!! See some aspiring writers with potentials and their arts. If you are a dreamer like... More

Activity #1: 5 Writers, 1 Story
Entry #1: Dinigmang Pananalig
CHAPTER 1
CHAPTER 3
CHAPTER 4
CHAPTER 5
Entry #2: Pagbangon sa Bayang di maka-ahon
SIMULA
KABANATA 1
KABANATA 2
KABANATA 3
EPILOGUE
Special Entry #1: HOPE
Special Entry #2: After the Rain
Activity #2: Antagonist's POV
Entry #1: Twisted Fate
Entry #2: Between Love and Friendship
Entry #3: Criminal Mind
Entry #4: ANAstacia

CHAPTER 2

30 9 8
By WWG_FAMILY

Isang gabing madilim, nabulabog ang mahimbing na tulog ng lahat. Ang bayan ng Marawi ay tila pinagsakluban ng langit at lupa. Sunod-sunod na putukan, pagsabog sa parang, takbuhan, iyakan, takot at pangamba ang bumalot sa buong bayan.

"Sa simbahan! Sa simbahan tayong lahat pumunta!" ang paulit-ulit na sigaw ng karamihan.

"Anak, makinig kang mabuti sa sasabihin ni Nanay. Dito ka lang sa sulok ng altar at huwag kang aalis. Kapag umalis ka, magtatampo si Papa Jesus kaya kahit magkagulo na ang mga tao at kahit hindi mo kami makita ay huwag na huwag kang aalis diyan, naiintindihan mo?" bilin ng ina sa pitong taong gulang na batang si Yanna.

"Pero Nay, saan po kayo pupunta ni Tatay? Iiwan n'yo na po ako rito sa simbahan? Nay, 'wag n'yo po akong iwan... sasama po ako sa inyo ni Tatay," naguguluhan ngunit matigas na tugon ng bata.

"Magtago kayo! Nandito na ang mga terorista! Bilisan n'yo, iligtas n'yo na ang mga sarili ninyo!" sigaw ng isa sa mga kalalakihan doon na mas lalong nagpasindak sa mga naroroon.

"Diyos kong mahabagin, iligtas Mo po kami. Ilayo Mo po kami sa kapahamakan lalo na ang mga tulad naming inosente," umiiyak na sambit ng isang ale.

"Tulungan Mo po kami, Panginoon," usal naman ng isang matanda na mahigpit ang kapit sa rebulto ni Sto. Niño.

"Anak, diyan ka lang. Yumuko ka lang at takpan mo ang 'yong mga mata. Anak, sabayan mo si Nanay, okay?
Amazing grace! How sweet the sound..."

"That saved a wretch like me
I was once lost, but now am found
Was blind but now I—
Nay, saan po kayo pupunta? Nay!" lumuluhang sigaw ni Yanna nang maramdaman ang mabibilis na yabag palayo ng kanyang ina.

Napatakip na lang sa bibig ang takot na takot na bata nang masaksihan ang kalunos-lunos na pagpaslang sa kanyang mga magulang. Kitang-kita niya mula sa sulok na kanyang pinagtataguan kung paanong nakipaglaban ang kanyang tatay hanggang kamatayan. Patuloy ito sa pagsalag ng mga atake ng kalaban na may hawak na matalim at matulis na bagay. Pinipilit nitong protektahan ang kanyang ina at iba pang kababaihan. Maya-maya pa, dahan-dahang bumagsak ang duguang katawan ng kanyang tatay sa sahig. Tumingin ito sa direksyon niya at kahit hirap na hirap ay pinilit nitong bumigkas ng mga kataga na hindi niya maunawaan kung ano.

Makalipas ang ilang segundo, nabaling naman ang atensyon ni Yanna sa sigaw ng kanyang ina. Napasiksik pa lalo siya sa kanyang pinagtataguan nang makitang sumentro sa sentido ng kanyang ina ang bala mula sa baril na pinaputok ng taong nakatakip ang bibig. Agad ring bumagsak ang walang buhay nitong katawan sa tabi ng kanyang ama. Impit ang kanyang pag-iyak dahil sa takot na baka makita siya ng mga pumaslang sa kanyang mga mahal sa buhay.

"P-papa Jesus, i-iligtas Mo po ang Nanay at Tatay ko," dalangin niya sa gitna ng mga hikbi.

Kahit nawala na sa kanyang paningin ang mga terorista ay hindi pa rin siya makalabas mula sa pinagtataguan. Patuloy lang siya sa pag-iyak kahit medyo nauubusan na ng hininga.

"Halika bata, sumama ka na sa akin."
Napatingala siya sa nagsalita at nakita niya ang isang lalaking may maamong mukha. Tinitigan niya lang ang nakalahad nitong palad at mas lalo pang nagsumiksik sa sulok.

“’Wag kang mag-alala, hindi kita sasaktan. Dito ako nakatira sa simbahan at 'yong pari kanina, siya ang tatay ko... Tara na," paliwanag nito sa kanya nang mahinuha ang kanyang pag-aalinlangan. Nakita niya rin kanina ang pagkaladkad sa pari na tinutukoy ng nagsasalita kaya medyo napalagay na ang loob niya rito. Nanghihinang lumabas si Yanna mula sa kanyang pinagtataguan at noon lamang siya nagkaroon ng kaunting lakas para daluhan ang mga wala ng buhay na katawan ng kanyang mga magulang.

"Nanay! Tatay! Gumising po kayo diyan! Bangon na po kayo, Tay. Nanay ko, Tatay ko!" paulit-ulit nitong sigaw habang pinipilit yakapin ang mga duguang katawan ng kanyang mga magulang.

"Nanay ko...Tatay ko..."

"Yanna! Yanna! Yanna, gumising ka!"
"Nay Mela..."

Mahigpit na yumakap ang lumuluhang si Yanna sa kanyang Nanay Mela. Ilang gabi na siyang binabangungot ng mga nangyari sa kanya at sa kanyang mga magulang sa bakbakan sa Marawi. Sariwa pa rin sa kanyang ala-ala ang mga naganap ng gabing iyon – gabing punong-puno ng kadiliman at panaghoy na umalingawngaw sa apat na sulok ng simbahan.

"Napanaginipan mo na naman ba ang nangyari sa simbahan at sa Nanay at Tatay mo?"

"O-opo. Nakita ko po na puro dugo ang katawan nina Nanay at Tatay tapos... tapos hindi na po sila nagmulat ng mata kahit ginigising ko po sila."

"Alam mo, Yanna, sigurado akong nasa heaven na sila ngayon kasama si Papa Jesus at mga angels tapos binabantayan ka nila," tugon ni Mela habang hinahaplos ang buhok ng bata. Napatingala naman si Yanna sa sinabi niya.

"Masaya po kaya sina Nanay at Tatay ro'n? Pwede po bang pumunta na rin ako sa heaven?" usisa nito na tumahan na sa pag-iyak.

"Oo, masaya sila roon kasi kasama nila si Papa Jesus pero hindi ka pa pwedeng pumunta ro'n kasi bata ka pa. Mag-aaral ka pa tapos maaabot mo pa ang pangarap mo. Ano bang gusto mo paglaki?"

"Gusto ko pong maging teacher para wala na pong bad na tao. Tuturuan ko po sila na dapat mabuti lang ang gagawin para wala pong masaktan, para wala pong kaguluhan, at para matuwa po si Papa Jesus. Lagi po sa aking sinasabi nina Nanay at Tatay na palaging magdasal at sumimba. Nay, tara pong magsimba sa Linggo ha."
Natigilan si Mela sa sinabi ni Yanna. Sa totoo lang, wala sa loob ang pagbanggit niya sa pangalan ng Anak ng Diyos dahil mula nang magkagulo sa Marawi na naging dahilan para mawalay siya sa kanyang asawa at manganak mag-isa sa evacuation center, hindi na siya sumampalataya pa sa Lumikha.

"Sisimba? Para saan pa? Noong mga panahong kailangang-kailangan ko ang tulong Niya at tawag ako nang tawag sa Kanya, pinakinggan Niya ba ako? Dininig ba Niya kahit isa man lang sa mga panalangin ko? Hindi. Kaya bakit pa ako lalapit sa Kanya e hindi Niya lang din naman papansinin ang mga panalangin ko? Papaasahin Niya lang ulit ako. Ayoko na. Ayoko nang magtiwala pa. Matagal ko na Siyang kinalimutan at inalis sa buhay ko," wika ni Mela sa sarili. Dahil bata ang kausap niya, hindi niya isinatinig ang kanyang totoong nararamdaman sa Diyos.

"Yanna, sumama ka na muna kina Angel at Nyx ha kasi may gagawin ako sa Linggo. Ihahatid na lang kita sa pansamantalang tirahan nila," wika ni Mela sa bata.

"Pero dapat po sumisimba tayo kasi niligtas po tayo ni Papa Jesus. Tsaka sabi po ni Nanay, magtatampo po si Papa Jesus kapag hindi tayo sumimba."

Napahanga naman si Mela sa ipinamalas na pananampalataya ng bata. Hindi niya akalain na sa kabila ng nangyari, mas tumibay pa ang pananalig nito sa Diyos.

"Sige, sasama na ako pero sa ngayon, matulog na ulit tayo dahil alas-tres pa lang ng umaga," aniya saka ginawaran ng halik sa noo ang bata. Agad namang sumunod si Yanna sa sinabi niya. Tinitigan pa niya ang mukha ng bata—mukhang hindi kababahiran ng kahit anong pagsuko at kawalan ng pag-asa.

Linggo...

Napabuntong-hininga na lang si Nyx habang nag-aayos ng sarili. Maaga kasing pumunta sina Ate Mela at Yanna sa kanilang bahay para isama siya sa pagsimba. Sinabi pa ng huli na magtatampo si Papa Jesus kapag hindi siya sumama.

"Magtatampo? Hindi ba Niya alam na mas nakakasama ng loob ang nangyari sa akin at sa pangarap ko sanang malapit nang matupad? Dahil sa kaguluhan, gumuho ang lahat... naglaho ang pangarap," malungkot na wika ni Nyx sa kanyang isip. Hindi niya napigilan ang tuloy-tuloy na pag-agos ng mga luha mula sa kanyang mga mata sa pagbalik ng ilang ala-ala sa kanyang memorya.

"Ang daya Mo! Bakit? Bakit kailangang ngayon pa magkagulo-gulo ang lahat? Bakit kailangang ngayon ko pa 'to maranasan? Wala na. Wala ng saysay pa ang mabuhay sa mundong ito. Napunit na ang papel ng pangarap ko at kailanman ay hindi na ito mabubuo. Diyos ko, Diyos ko, bakit kailangang magkaganito? Bakit—"

"'Wag po! Ate, 'wag po kayong tatalon diyan!"

Mula sa sementong kanyang kinauupuan kung saan tanaw na tanaw ang lahat ng nasa ibaba ng gusali ay napalingon siya sa pinanggalingan ng matinis na boses na iyon. Lumantad sa kanya ang gusgusing mukha ng batang sa tingin niya ay nasa pito o walong taong gulang lamang. Napatuon ang kanyang pansin sa mga mata nito na waring nakikiusap na huwag gawin ang binabalak niya. Hindi niya mawari pero parang kusang sumang-ayon ang kanyang puso at biglang nakita niya sa kanyang isipan ang mukha ng kanyang tiya na nakangiti. Dahan-dahan siyang umayos ng upo at saka bumaba. Tumakbo kaagad sa direksiyon niya ang paslit saka humawak nang mahigpit sa kaliwang kamay niya. Pilit siya nitong hinila pabalik sa baba.

"Bata, sino ka? Anong ginagawa mo dito sa rooftop?" usisa niya rito. Nasa pinakataas na kasi sila ng three-storey evacuation center.

"Ako po si Yanna. Hinahanap ko po kasi si Nanay Mela kaya nakarating po ako dito. Ate, buti po at hindi ka tumalon kanina. Siguro may problema ka po pero sabi po ni Nanay noon sa akin, kahit may problema e hindi dapat mawalan ng pag-asa kay Papa Jesus kasi habang may buhay, may pag-asa pa raw po. Habang humihinga ka pa, posible pa. Kaya mo po ‘yan, ate."

Namamanghang napatitig na lang si Nyx sa bata. Para bang sinampal siya bigla para magising sa katotohanan. Hindi niya inakalang sa isang bata pa niya maririnig ang mga katagang iyon.

"Hoy, Nyx, tara na!"

Napukaw ang kanyang pagbabalik-tanaw dahil sa biglang pagtawag sa kanya ni Angel. Agad naman siyang tumayo at sumunod dito.

Magkakatabing naupo sa upuan sina Yanna, Mela, Nyx, at Angel. Ang limang buwang pamamalagi nila sa evacuation center kasama ang isa't-isa ay nagpatibay ng relasyon nila.

"Sinasabi sa ebanghelyong binasa na sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesu-Cristo, tinamasa natin ang kagandahang-loob ng Diyos, at tayo'y nagagalak dahil sa pag-asang tayo'y makakabahagi sa kanyang kaluwalhatian," panimula ng pari matapos magsi-upo ang lahat para makinig sa sermon.

Hindi alam ni Mela kung dapat pa ba siyang makinig sa lahat ng sasabihin ng pari ngayon. Hindi niya alam kung dapat pa ba siyang magtiwala at manalig muli sa Maykapal.

"Nay Mela, makinig po kayo ha."

Nagulat si Mela sa biglang sinabi ni Yanna. Hindi niya inakala na gano'n kahalata sa bata na hindi siya interesado sa sermon. Napatitig pa siya rito ng ilang segundo dahil mataman itong nakikinig at bawat pangungusap na binabanggit ng pari ay sinasang-ayunan nito sa pamamagitan ng pagtango. Wala nga siyang nagawa kundi makinig dahil baka masigawan na siya sa susunod ng bata.

"Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan naman ay nagbubunga ng pag-asa. Dahil sa nangyari dito sa ating bayan kamakailan lang, alam kong marami sa inyo ang napopoot sa Diyos. Marami sa inyong ayaw nang sumampalataya. Datapuwa't dapat pa rin tayong magpasalamat sa Diyos sa maraming bagay. Una, binuhay pa Niya tayo at ang buhay na ito ay isang malaking bagay na dapat ipagpasalamat. Nawalan man tayo ng mga mahal sa buhay pero hindi ibig sabihin noon ay hindi na tayo babangon at lalaban. Hindi ibig sabihin noon ay susuko na lamang tayo..."

Tila may kung anong kumurot sa puso ni Mela dahil sa mga sinabi ng pari. Tila ang bawat katagang binibigkas nito ay patungkol sa kanya. Nagpatuloy lang siya sa pakikinig dito.

"Sinasabi pa na ang katatagan ay nagbubunga ng pag-asa kaya kung hindi ka magiging matatag at matapang sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay mo, ano na lang ang mangyayari sa'yo? Ano na lang ang mararamdaman ng mga mahal mo sa buhay na nakamasid sa'yo mula sa kaharian ng Diyos. Ano na lang ang mararamdaman ni Jesus at ng Amang nasa langit? Binigyan ka lang Niya ng mahirap-hirap na pagsubok, tinalikdan mo na Siya? Pagsubok lamang iyan mga minamahal kong kapatid at diyan masusubok ang ating katatagan at pananampalataya."
Hindi namalayan ni Mela ang sunod-sunod na pagpatak ng luha mula sa kanyang mga mata.

"Nay Mela, bakit po kayo umiiyak?" nag-aalalang tanong ni Yanna dito pero ngiti at yakap lang ang isinukli nito sa kanya. Yumakap na rin ang lumuluhang sina Nyx at Angel.

Written by: PaperoniPencilvania

Continue Reading

You'll Also Like

13.6K 591 37
Siya ay isang normal na babae, isang pulis na ang palaging nais ay hustisya at kapayapaan... Ngunit paano kung mapunta siya sa isang lugar na hindi...
14.3K 11 80
Compilation Each of the stories are not mine, credit to the owners.
3.4M 129K 150
Millaray
1.3M 32K 64
"Love is like war,easy to begin but very hard to stop." Alastair Gray McKlein- a wealthy young-man guy with an epitome of God except to his personali...