Ang Aking Mr. Suwabe by : Kay...

By KaylaCaliente

27.6K 357 32

Suwabeng-suwabe ang diskarte ni Mr. Suwabe More

teaser
chapter 2
chapter 3
chapter 4
chapter 5

Chapter 1

5.4K 79 2
By KaylaCaliente


CHAPTER 1

KANDATULIS ang nguso ni Charlotte. Pigil-hininga, puno ng pananabik, hinihintay niya ang pagsayad doon ng ka-kissing scene niya. Siksik, liglig at umaapaw ang charm at sex appeal nito. Parusa ng langit kapag hindi niya natikman ang labi nito.

Hmmm... hindi pa man ay nalalasahan na niya ang tamis. Konting usod pa ay maghuhugpong na ang mga nguso nila. Malalasap na niya ang pangarap at...

"Aaaaay! Bakeeet?"

Imbes ang katakam-takam na labi ang matikman ay ang matigas na sahig ang bumangas kay Charlotte. Kasabay ng pagdilat ang pagsampal sa kanya ng masaklap na katotohanan. Ang super yummy na lalaking makakahalikan dapat niya ay likha lang ng natutulog niyang diwa. Nananaginip siya at dahil sa mala-sirenang panaghoy ng housemate niya ay hindi lang naudlot ang kissing scene sa kanyang panaginip, nalaglag pa siya sa sahig sa kabiglaan.

Bwisit naman!

Padabog siyang bumangon. Mabilis na nag-martsa palabas ng silid. Nasa pasilyo si Bryan, ang kasama niya sa bahay. Boxer shorts lang ang suot nito na ubod ng igsi. Walang pang-itaas. Yummy sana ito. Ang dibdib, ang abs, ang tiyan, hita at ibang piyesa sa katawan, hunk material. Pero ang masaklap na katotohanan ay magpapaluha ng mga Eba na handa ng mag-alay na alindog dito. Hindi sila mata-type-an ni Bryan. Dahil buo ang paniniwala nito na isa rin itong Eba. Ebang nagkamaling maisilid sa katawan ng isang macho.

May kausap ito sa telepono at kung ano man ang sinasabi ng kausap ay halatang hindi kursunada ng pandinig nito. Kulang magkabuhol ang mga kilay nito sa pagsasalubong.

"Naman eh." Pumadyak pa ito, mukhang nalalapit ng maglupasay sa sahig. "Okay, okay, I'll see what I can do." Napakamot ito ng ulo. "Sige, cuz, thanks. Bye."

Kung pindutin ni Bryan ang keypad ng telepono ay parang bubutasin nito iyon.

"Letse!" Ibinalibag pa nito ang kahabag-habag na telepono.

"Ke aga-aga nagpupuputak ka diyan," sabi niya.

"Ay kabayong pating!" Napalundag ito, tutop ang dibdib na mas malusog pa yata kesa sa taglay niya. Man boobs. "Ba't ka ba nanggugulat?" Siya pa ang sinisi.

"Sino ba ang unang nanggulat?" ganti ni Charlotte. "Ang sarap-sarap ng panaginip ko, bigla kang umaatungal diyan. Muntik pa tuloy akong mabungian. Ano ba ang problema?"

"Mars, ang laki. Sobrang laki."

"May nabuntis ka?" Nilagpasan niya ito, tumuloy siya sa hagdan para bumaba sa kusina. Kailangan niya ng kape, pampakalma. Kung hindi ay baka makagawa siya ng malagim na krimen.

"Excuse me, ako ang binubuntis 'no," balik nito habang nakabuntot sa kanya. "I just got some very unsettling news. Si Grampy, malapit nang ipatawag ni St. Peter."

"Matagal na, di ba?" Saglit lang niya itong nilingon. Hindi na niya mabilang kung ilang beses ng lumabas sa bibig ni Bryan ang balitang iyon.

"Well, dati, gawa-gawa lang ng overactive guni-guni naming mga nagmamahal sa kanya. Pero ngayon, mukhang medyo tutoo na. He's seventy nine years old after all. Seventy nine turning eighty in a month. Oh...my...God! Maaars! Mars, you've got to help me." Inunahan siya nito sa paglakad, hinaranganat hinagip sa magkabilang balikat.

"Hindi ako doktor, hindi faith healer at lalong hindi Diyos. Wala akong kakayahang dugtungan ang buhay ni Lolo Ode," wika niya.

"Patawa ka pero look o." Itinuro ni Bryan ang mukha. "Hindi ako natatawa."

Pinalpal ni Charlotte ang mga kamay na nakakipkip sa mga balikat niya.

"Hindi ako nagpapatawa at hindi rin ako natatawa sa inaasta mo. Ano ba ang puwede kong itulong sa lolo mo na sabi mo ay nasa departure area na?"

"Kailangan kong maging isang lalaki."

Napatitig dito si Charlotte. Masungit na tao siya sa umaga, lalo kapag nagising ng wala sa oras, at lalo kapag hindi pa siya nakakargahan ng kape. Pero sa sinabi ni Bryan ay ang hirap yatang huwag matawa. Ang laking joke niyon.

Hindi na niya kinaya. Napahalakhak na nga siya ng tuluyan. Lukot ang mukha ni Bryan. Nanulis ang mga ngusong ewan kung bakit kahit walang lipstick ay mamula-mula pa rin.

"Sige, ganyan ka. Pagtawanan mo 'ko. Kapag ikaw naman ang namroblema, hahalakhak din ako sa pagmumukha mo."

Agad siyang napipilan. Nakonsensiya sa inaasta niya. Hindi ba't dala ng pangangailangan kaya siya napadpad sa bahay ni Bryan? Kamakailan lang, dahil sa kapitbahay niyang hayok sa shabu, ay nasunog ang tinutuluyan niyang lumang bahay na pinarti-partisyon at ginawang apartment. Lumang-luma na iyon, peace time pa raw noong itayo, ayon sa tita niyang may-ari niyon. Pero iyon ang nag-iisang tirahang nakilala niya.

Doon siya isinilang ni mommy niya, doon siya pinalaki. Doon din nito nakilala ang lalaking pinakasalan nito sa ikalawang pagkakataon. Kasal din ito sa daddy niya pero sanggol pa siya ay naghiwalay na ang mga ito.

Ang Tita Marge niya ang nakatuwang ng mommy niya sa pagpapalaki sa kanya. Hindi na nakapag-asawa ang tiyahin, naging misyon na lang sa buhay ang gabayan siya, pati na ang ibang pinsan niyang napabayaan ng sariling mga magulang. Sumakabilang buhay ito tatlong taon na ang nakararaan. Cancer sa bituka ang dahilan.

Sa kanya ipinamana ang lumang bahay na naging apartment na nga, ganoon din ang negosyo nito na water refilling station. Kaso ay nadamay sa sunog ang bahaging tinutuluyan niya. Hindi naman iyon natupok. Maisasalba pa. Mangangailangan lang ng pera at panahon. Hindi rin niya puwedeng tirhan pansamantala. Si Bryan ay walang pag-iimbot na nag-alok ng tulong. Tutal naman daw ay mag-isa ito sa townhouse, walang problema kung doon muna siya pipisan habang inaayos ang tinutuluyan niya.

Ang luwag nitong mag-alok ng tulong kaya napakasama ng ugali niya para pagtawanan ito ngayong ito naman ang humihingi ng ayuda. Pero sino ba naman kasi ang hindi matatawa? Gawin daw niya itong lalaki. Paano?

Closet gay si Bryan. Umiiwas magladlad dahil nangingilag sa reaksiyon ng lolo nitong homophobic na ang bukambibig umano ay sa impiyerno babagsak ang mga baklush na kagaya nito. Kaya nga sa harap ng madla, lalo kapag ang madlang iyon ay binubuo ng mga kaanak nito, ay pinipilit nitong magpanggap na isang sertipikadong barako. Dusa ito, natural. Kaya nga bihira itong magdadalo sa mga pagtitipon. Kapag napipilitan lang ay saka ito nagpupunta. Which is a sad thing, really. Dahil alam niya na malapit ito sa mga kaanak. Ang dami nitong kuwento tungkol sa mga masasayang panahong nagkakatipon-tipon ang mga ito noong kabataan nito. Pasimuno sa karamihan sa mga iyon si Lolo Ode. Negosyante ito pero mukhang frustrated director slash scriptwriter din.

Mahilig daw itong magdaos ng mga moro-moro. Masarap itong kalaro noong musmos pa si Bryan dahil may productiong number pa ang laro nila. May dialogue, may props. Parang munting sarsuela. At sa paraan pa lang ng pagkukuwento ni Bryan ay kitang-kita ni Charlotte ang pagiging senti ng kaibigan

"Sorry na. Nagulat lang." Agad humingi ng paumanhin si Charlotte. "At saka parang mission impossible naman iyong ipinapagawa mo sa 'kin. Malay ko ba kung paano ka gawing isang tunay na lalaki."

"Gaga! Ni-literal mo naman. What I meant was, help me project the image that I am a muscle-bound, hard-to-get playboy."

Napamaang dito si Charlotte. Nagmuntikan na naman siyang mapatawa pero mabuti't napigilan na niya sa pagkakataong iyon.

"Sa madaling salita, magpapanggap kang dyowa ko," hirit nito.

"Ano?"

"May malaking family gathering para sa birthday ni Lolo. Ipinapatawag ang buong angkan. It's a week long celebration. Total bonding daw. Paano ay...ay baka iyon na ang huling kaarawan ni Lolo sa lupa," salaysay ni Bryan.

"Ang morbid niyo naman," saad niya.

"Not mobid, just realistic. His health had been failing steadily over the years. At saka mag-e-eighty na siya 'no. Hindi naman siguro pantastikong isipin na bilang na ang araw niya sa mundo. At mabuti na rin siguro."

"Na bilang na ang araw niya sa mundo? Ang sama mo. Akala ko ba close ka dati sa kanya?" Shocked siya sa sinabi nito.

"Hindi ang pagpanaw niya ang sinasabi ko, gaga! Iyong pag-iisip namin na bilang na ang araw niya. Dahil doon ay natural na gustuhin namin siyang paluguran. Na siya namang dapat."

"At ang paglilihim mo ng tutoong kasarian mo ay pagpapalugod sa kanya?" Medyo duda yata roon si Charlotte.

"Mas maganda na ipagladlaran ko ang kabaklaan ko, ganoon? Hayaan ko siyang makita ako in all my splendid kalandian para mahindik, manrimarim at baka atakihin pa siya sa puso? Oo nga naman, ba't hindi ko naisip iyon?" sarkastikong banat ni Bryan.

Gusto tuloy niya itong banatan. Obviously, hindi nito nakuha ang punto niya.

"Ang sa 'kin lang, ang nagsasabi ng tapat..."

"Ay naghihiwalay na may samaan ng loob," agaw ni Bryan sa sinasabi niya. "Mars, kaninong lolo ba si Lolo Ode? Sa 'kin, di ba? Sino ang laging bumubuntot-buntot sa kanya noong kamusmusan niya? Ako, di ba? Entonces, ako ang mas nakakaintindi sa kanya at sa kalakaran ng aming angkan. Kaya ako rin ang mas nakakaalam ng nararapat na gawin. Mas mabuti ng umakyat sa langit si Lolo na clueless sa sexual orientation ko dahil mega-panggap ako na barako kesa lisanin niya ang mundo na naging tapat ako pero pinasama ko naman ng todo ang loob niya. Pasalamat nga siguro ako na sa aming dalawa ng kapatid ko ay iyong kuya ko ang mas paborito niya kaya mas sinusubaybayan niya ang mga trials, tribulations and achievements ni brother. Kung hindi, malamang na buking na niya ang madilim na lihim ko," hayag ni Bryan. "At para mapanatili ang lihim kailangan ko ang tulong mo."

"And by tulong you mean na magpapanggap ako na dyowa mo, right?" paglilinaw niya, hirap na hirap magpigil ng tawa.

"May problema ka doon?" Nakaarko na ulit ang kilay ni Bryan nang titigan siya. Naghahamon ng gulo ang dating.

"W-wala ba dapat?"

"Kapos ka sa acting skills? Akala ko ba miyembro ka ng theater group noong college? Akala ko ba gumanap ka pa ng lead role. Akala ko ba..."

May limitasyon ang acting skills ko, muntik niyang isupalpal dito.

"Akala ko ba walang iwanan sa hirap at ginhawa," hirit ni Bryan bago niya maisatinig ang iniisip. "Kaya ngayon, wala kang choice kung hindi tulungan ako. Wala akong ibang puwedeng pakiusapan."

"Teka lang ha. Pang-Indi ang acting talent na kakailanganin ko para diyan," hayag niya.

"Ke pang-FAMAS, pang-Tony o pang-Oscars, wala akong paki. Basta, um-acting ka. In case hindi halata, desperado na 'ko ," ani Bryan. "Sa family affair para sa birthday ni Grampy, lahat ng kamag-anak, lalo ang mga apo, required ang attendance. May itsinika pa sa 'kin si Cousin Suzy, you know, iyong pinsan kong likas na matabil. Iyong mga may dyowa raw, isama ang mga dyowa dahil si lolo ay nasa puntong magpapasya na kung ano at magkano ang ipapamana sa mga apo. Hindi ako naghahabol ng mana. I mean, alam kong may legal na itinakda para sa mga kaanak pero hindi iyon ang importante sa 'kin."

Ilang taon na bang kaibigan ni Charlotte si Bryan? Tatlo? Apat? Nagkakilala sila sa isang tree planting activity na sponsored ng malaking mall. Muntik malaglag si Charlotte sa bundok na kinaroroonan ng watershed na pagtataniman nila at si Bryan ang sumaklolo sa kanya.

Nagulantang siya sa ka-macho-han nito pero kahit pa saglit siyang nag-ilusyon na ito na ang itinadhana ng langit para sa kanya ay agad niyang nahalata na girl din ito matapos itong bumulalas ng Josko 'day, mag-ingat ka kasi.

Nasundan ang pagkikita nila sa isa namang fund drive para sa nasalanta ng hindi na niya matandaan kung anong bagyo. Hindi man puwedeng dyowain ang lalaki ay mukhang magiging mabuti itong kaibigan. Swak ang ugali nila at hindi nagtagal ay naging malapit na nga sila sa isa't isa. And the rest is history.

Matagal na niya itong kilala kaya alam niya na taos sa puso nito ang sinasabi, na hindi pera o mana ang habol nito. Naikuwento na rin kasi nito na dati ay malapit ito sa abuelo. Napilitan na nga lang itong dumistansiya sa matanda nang maarok ang tunay nitong ingklinasyon. Sa dalas daw ng pagtuligsa ng lolo nito sa mga tinagurian nitong naliligaw ng landas ay imposibleng hindi ito mangimi na ipaalam dito na kabilang ito sa naturang lupon. At pinili na lang nitong maging mailap kaysa matuligsa.

Kaya lang ay sinusubukan kung minsan ng tadhana ang katatagan ng isang tao. At sa pagkakataong iyon ay masusubukan si Bryan. Kung gaano ba talaga kalalim ang pagpapahalaga nito sa pamilya... sa abuelo.

"I...I certainly don't want my Grampy to die thinking I'm a failure. A disgrace." Bahagyang nabasag ang tinig ni Bryan. Napasinghot din ito. Hindi na magugulat si Charlotte kung sa susunod na sandali ay mapaiyak na ito. Emosyonal talaga ito lalo pagdating sa isyu ng pamilya.

Hindi masasabing ideyal ang family life nito. Magkasama man sa iisang bubong ang mga magulang nito hanggang sa sumapit ito sa edad na disiotso ay mapapahiya umano ang militar at Abu Sayyaf sa tindi ng bakbakan sa pagitan ng mga ito. Ang puno't dulo ng halos lahat ng alingasngas, ang pagiging babaero ng ama nito. Sa sobrang pagka-babaero, nagkaroon ng kapatid sa labas si Bryan.

Sa ngayon ay may iba ng babaeng pinasasakit ang ulo ang daddy nito sa Canada. Ang mommy naman nito, nagpakaabala na lang sa trabaho bilang nurse sa isang malaking ospital sa United Kingdom. Sa ngayon ay abala rin umano sa bagong dyowa.

Regalo ng daddy nito ang tinutuluyan nitong townhouse. Pampatahimik na rin marahil ng nagliligalig nitong konsensiya. Ke ano pa ang dahilan, hindi umano tumatanggi sa grasya si Bryan kaya tinanggap nito iyon. Engineering graduate ang kaibigan niya. Iyon ang kursong pinili - ipinilit - dito ng lolo nito. Pero ang tunay na pinagkakakitaan nito, ang pagdidisenyo ng kung ano-ano.

"Failure?" Abot-bunbunan ang pagkakataas ng kilay ni Charlotte. "Porke naligaw ang kasarian, failure na?"

"Sa paningin ng lolo ko, ganoon na nga mismo. Kaya hindi niya dapat malaman. At lalo ngayon na...na ayon kay Suzy ay bilang na ang oras niya sa mundo."

Ngalingali si Charlotte na paikutin ang mga mata. "Naniwala ka naman agad sa pinsan mong iyon? Numero unong eksag kaya siya."

"Pero saan pa ba papunta si Lolo kung hindi sa puntod, right? At ayaw kong baunin niya sa hukay ang masaklap kong lihim. Hindi ko kaya. Ikakamatay ko."

"Bago ka pa magsabunot ng sariling buhok eh ako na kaya ang sumabunot sa iyo? Ang arte mo, 'te."

Naghunos-dili naman agad si Bryan. Pero nag-uumapaw sa pag-asa ang itsura nito nang tumingin sa kanya. "Pero payag ka na, right? Tutulungan mo 'ko sa ayaw at sa gusto mo."

Buntonghiningang hinango sa balon ni Sadaku ang pinawalan niya.

"Sinabi mo na nga, di ba? Sa ayaw at sa gusto ko. Pero bahala ka ha. Hindi pang-Eugene Domingo ang peg ko. At kung nag-iilusyon kang pang-Coco Martin ang acting ability mo, gumising ka, kafatid!"

"Gising na gising ako. And this is something I can work on. With a little help from my friend. Isa pa..." Naudlot ang sasabihin nito nang umalingawngaw ang tunog ng doorbell. Napakunot si Bryan. Ganoon din si Charlotte.

"Ang aga ng bisita mo," sabi niya.

"Mismo. Sino kaya 'to?" May bintana sa dulo ng pasilyo. Naglakad papunta roon si Bryan para sumilip.

"OMG!" Natutop nito ng palad ang magkabilang pisngi.

Umarangkada ang kuriosidad ni Charlotte. Nakisilip siya. At siya man ay isang madamdaming OMG ang umalpas mula sa bibig pagkakita sa taong nakatayo sa labas ng gate.

r^4qxo

Continue Reading

You'll Also Like

27.7K 2.4K 39
ELYU SERIES #2 The storms in San Juan, La Union are ruthless and tempestuous. Driven by her traumatic past, Avery Felicia Perez turned her heart into...
165K 9.1K 23
It all started when rookie setter Seb Angeles misset the ball causing injury to their team's opposite hitter, Nico Almojer.
797K 38.2K 26
At age seven, Nina was adopted by a mysterious man she called 'daddy'. Surprisingly, 'daddy' is young billionaire Lion Foresteir, who adopted her at...
1.9M 40.4K 78
The world is unfair for Graycie Santos Nalaman niya na ang kanyang long-term boyfriend at younger sister had an affair. Nabuntis pa ang kapatid niya...