The Girl In A Vintage Dress C...

By PHR_Novels

168K 4K 188

The Girl In A Vintage Dress By Chelsea Parker Lumipas man ang ilandaang taon, pagtatagpuin at pagtatagpuin a... More

1
2
4
5
6
7
8
9
10
11
12
13
14
15
16
17
18
19
20
21
22
23
24
25
26
27
28
29
30

3

8.1K 160 1
By PHR_Novels


"Lintek, brod! Ayoko na dito!" Hangos na lumapit kay Ayu ang pawisang si Joaquim. "Kinikilabutan na ako!"

Dali-daling isinuksok ni Ayu sa bulsa ng pantalon ang litrato. Baka makita pa ni Joaquim na nakasira siya ng picture. Malilintikan siya kay Mr. Patag. Baka ibagsak pa siya nito sa klase.

Hindi siya puwedeng bumagsak. Huling taon na nila iyon sa high school. Inip na inip na siya. Gusto na niyang mag-college para sa Maynila na mag-aral.

"Bakit? Ano'ng nahanap mo sa loob?" pabale-walang tanong niya kay Joaquim. Pasimple rin niyang isinara ang photo album na nasa kandungan.

Pero napansin iyon ni Joaquim. "'Oy, ano 'to? Old photos?"

Ipinasa niya rito ang album. "Oo. Pero dalian mo ang pagtingin, ha? Baka makita tayo ni Sir. Lagot tayo."

Noon dumating si Luchi na may hawak na kahon na kasinlaki ng kahon ng sapatos. "Album ba 'yan, Doquesne?" tawag nito kay Joaquim.

"Ano ka ba? 'Wag kang maingay," saway ni Ayu kay Luchi. Napatingin siya sa dala nito. "Ano'ng laman niyan?"

Ngumiti si Luchi. "Love letters."

Tumayo siya, kinuha ang kahon mula rito at binuksan. Punong-puno iyon ng mga papel. "Love letters 'to lahat? May admirer ka?"

"Hindi para sa 'kin 'yan. Nahanap ko lang do'n sa 'baba." Inagaw uli ni Luchi ang kahon. "Pero sa 'kin na lang 'to."

"Hoy, lagot ka kay Sir," babala ni Ayu.

"Bakit? Magsusumbong ka? Sige. Isusumbong ko rin kayo. Pinapakialaman n'yo 'yan." Nakanguso ang babae sa pinagkakaabalahan ni Joaquim—ang photo album.

"Bahala na nga kayo." Iniwan ni Ayu ang dalawa. Tuloy-tuloy siya sa hagdan at bumaba.

Pero nasa kalagitnaan pa lang siya ng hagdan nang matigilan. May pumupuno kasing tunog sa katahimikan ng paligid. Tumingala siya sa second floor. Humahangos pababa sina Luchi at Joaquim. Napatakbo na rin si Ayu kahit hindi niya alam kung bakit nagmamadali ang dalawa.

Basta ang alam niya, bigla siyang kinabahan sa tunog na naririnig.

"Ano ba 'yon?" tanong niya kay Joaquim nang magkasama-sama na silang lahat sa sala.

"'Tang ina, brod. 'Yong grandfather clock, tumunog! Eh, sira 'yon, hindi ba?"

Napatingala si Ayu sa second floor. Pababa na si Mr. Patag. Saan ba ito galing? Bakit hindi nila ito nakita sa second floor?

Biglang sumiksik si Luchi sa likuran nila ni Joaquim. "Itago n'yo 'ko. Baka makita ang hawak ko." Kipkip pa rin ng babae ang kahon ng love letters.

"Bitawan mo nga 'yan," utos ni Ayu.

"Ayoko nga. Sa 'kin na 'to, eh."

"Aanhin mo ba 'yan?" tanong naman ni Joaquim.

"Babasahin. Bakit ba?" pagtataray ni Luchi.

Hindi na lang sila umimik. Nagle-lecture na uli si Mr. Patag tungkol sa history ng bahay nang biglang magtaas ng kamay si Joaquim.

"Sir, anong taon ba itinayo ang bahay na 'to?"

"Early eighteen eighties. Bakit?"

"Ang tagal na pala, 'no. 'Buti hindi gumuho sa dami ng lindol at bagyong dumaan sa 'Pinas."

"Alam n'yo ba na matatag ang structure ng pagkakagawa ng mga bahay noong unang panahon? Isa pa, maayos na namamantini ng pamilya namin ang pundasyon nitong bahay kaya hanggang ngayon ay matibay pa rin."

"Eh, Sir. Paano naman ang mga gamit dito? Lahat ba, from eighteen eighty pa?" Si Luchi naman ang nagtanong.

"Hindi. May ilang gamit dito na Kapanahunan pa ng mga Espanyol. Pero may ilan ding noong panahon na ng mga Amerikano. Itinago at iningatan ng mga sumunod pang henerasyon."

"Ang lahat ba ng mga gamit na nandito ay pag-aari ng pamilya n'yo, Sir?" tanong naman ni Ayu.

"Hindi. Ang iba sa mga nandito ay mga naiwang gamit ng mga nauna pang pamilya na tumira din dito. Hindi ito naging tahanan ng isang pamilya lang. Maraming pamilya ang tumira sa bahay na 'to. Paiba-iba sa bawat pagdaan ng panahon. Kaya nang umabot na sa pamilya namin ang pangangalaga nitong bahay, imbes na itapon ang mga naiwang kagamitan ng mga naunang tumira, iningatan na lang nila 'yon. 'Kita n'yo naman, mas nakadagdag pa nga 'yon sa karakter nitong bahay."

"American occupation na po ba noong nineteen twenty-eight, Sir? O Spanish era pa rin?" tanong uli ni Luchi.

"Tapos na ang pananakop ng mga Espanyol ng taong 'yon."

Naramdaman ni Ayu ang pagkalabit ni Joaquim.

"Bakit?" tanong niya sa kaibigan.

"Brod, pa'no kapag nakakita ka ng diary? Ano'ng gagawin mo?"

"Bakit?"

"Sagutin mo na lang ako, brod."

"Depende," sagot niya. "Babasahin ko siguro."

"'Pag tapos mo nang basahin?"

Nilingon niya si Joaquim. "Nakahanap ka ng diary sa 'taas?"

Sunod-sunod itong tumango.

"Binasa mo?" pabulong niyang tanong.

"Oo. Nakaka-curious, eh."

"Kaninong diary?"

"Teka..." May hinugot si Joaquim mula sa loob ng damit nito—nakaipit sa jeans. Isang lumang notebook.

"Lintek ka. Ba't mo 'yan itinago?" bulalas ni Ayu.

"Na-curious nga 'ko. Babasahin ko 'to pero hindi dito. Nakakapangilabot dito, eh."

Naalala ni Ayu ang picture na itinago rin niya. Kinapa niya iyon sa bulsa. Nakaramdam pa siya ng guilt nang maisip na baka lukot-lukot na ang litrato. Bakit kasi ang tagal nilang pauwiin?

"Kanino ba 'yang diary?" tanong niya.

Binuklat ni Joaquim ang lumang notebook. "Kay Mariquit Conde, brod."

"Mariquit?" ulit niya. "Ibig sabihin, babae?"

"Oo. Saka ang sabi pa rito, brod, sixteen lang din siya! Isipin mo 'yon? Kaedad lang natin." Binunggo ni Joaquim ang balikat niya. "Marikit nga kaya 'to, brod?"

Naalala na naman ni Ayu ang babae sa picture.

"Pabasa rin ng diary, ha?" sabi niya kay Joaquim. "Anong taon ba 'yang diary?"

"Nineteen thirty."

Iisa lang kaya ang babae sa litrato at ang babae sa diary?

Déjà vu.

Iyon ang pakiramdam ni Ayu habang nakatingin sa lumang bahay na nasa kanyang harap.

"O? Ano'ng itinatayo-tayo mo diyan? Pumasok ka na," tawag ng kanyang mama.

"'Yan ang bahay ni Papa?" hindi makapaniwalang usal niya. "Bakit ang luma?"

"Kaya nga lumang bahay, hindi ba?"

"Pero, 'Ma, hindi 'yan luma. Sobrang luma. Para akong nagbalik sa panahon ni Maria Clara. Hindi ako si Crisostomo Ibarra, Mama!" reklamo ni Ayu habang kinukuha sa trunk ng kotse ang mga gamit nila. Isinukbit niya ang backpack habang hawak sa isang kamay ang duffel bag.

Tumatawang pinisil ng ina ang kanyang pisngi. "Ang bright ng anak ko. Kilala na si Ibarra. 'Yan ang naibibigay sa 'yo ng field trip. Kumusta pala ang lumang bahay na pinuntahan n'yo? Alin ang mas luma, ito o 'yong pinuntahan n'yo?"

"Utang-na-loob, Mama. Umay na 'ko sa lumang bahay." Tinalikuran na niya ang ina.

Tumatawang inakbayan siya nito. Magkasabay silang pumasok sa bakuran. Dahil mag-aalas-singko pa lang ng hapon, kitang-kita pa ni Ayu ang kabuuan ng bahay mula sa labas. Tinatamaan pa iyon ng papalubog na araw na lalong nagpatingkad ng kalumaan ng bahay.

"Sabi ng papa mo, palalagyan daw niya ng swing ang punong 'yon." Nakaturo ang mama niya sa matanda at mayabong na punong-kahoy. "Para may mapaglibangan kayo ng kambal mo."

"Ayoko ng swing. Umuwi na lang kaya tayo, Mama?"

"Gusto mong dalawin ka ng lola mo?"

"Eh, di uwi agad tayo pagkatapos ng Undas. Sige na, Mama. May reporting pa kaming gagawin sa History at kailangan kong mag-research."

Obvious na walang Internet connection sa lugar na iyon. Duda nga si Ayu kung may signal. Ngayon pa lang, alam na niyang hindi siya makakatagal sa ganoon klaseng lugar. Isa pa, kailangan na niyang mapuntahan si Joaquim sa bahay nito. Makikibasa pa siya sa diary na nahanap nito.

Wala sa loob na kinapa ni Ayu ang bulsa ng pantalon. Hindi pa siya nakapagpalit ng damit dahil pagkatapos ng field trip, deretso kaagad sila ng kanyang mama sa bahay ng ninuno ng kanyang papa. Siguradong gusot na ang litrato. Baka punit pa nga.

Hinugot niya ang litrato. Bakas ang gusot at lalong nagmukhang luma. Pero ang pakonsuwelo na lang niya ay hindi napunit.

Tinitigan niya iyon.

"Sino 'yan?" tanong ng mama niya, nakikisilip sa picture.

"Hindi ko kilala. Napulot ko lang do'n sa lumang bahay nina Sir Patag," palusot niya.

"Ba't mo dinala? Isauli mo 'yan, ha. Ang luma na ng picture na 'yan. Baka multuhin ka ng may-ari niyan."

"Puwede ba, Mama? Walang multo."

"Meron. Hindi mo lang maramdaman dahil wala naman silang paki sa 'yo, kaya ba't magpaparamdam?" Pinitik nito ang hawak niyang litrato. "Pero ikaw, dahil nanguha ka ng picture, ikaw rin."

"Napulot nga lang, eh. Saka ibabalik ko 'to sa pasukan."

"Tama. Ngayon, itago mo muna 'yan at huwag mo nang titigan dahil kahit gaano 'yan ka-pretty, ka-batch pa rin 'yan ni Bonifacio."

Napatitig siya sa ina. "Okay ka lang, Mama? Wala kayang maganda sa panahon ni Bonifacio."

"Sigurado ka?"

"Tingnan mo kaya, o." Ipinasa ni Ayu sa mama niya ang picture at nauna nang maglakad.

"Ang labo naman." Sumunod ang ina at ibinalik sa kanya ang picture. "Itago mo. Ikaw ang nakapulot."

Basta na lang niya iyon kinuha at isinuksok sa back pocket. Umakyat na sila sa front porch.

"Dara! We're here!" malakas na tawag ng kanyang mama.

Ilang sandali pa, bumukas ang malaking front door. Bumungad ang kakambal ni Ayu na si Dara at ang papa nila. Ngiting-ngiti ang dalawa. Nilapitan ng papa niya ang kanyang mama. Kinumusta.

"Ayu!" Sinalubong naman siya ni Dara. "Halika, do'n tayo sa bodega. Ang daming paintings. 'Di ba, gusto mo ring mag-paint?"

Dahil sa sinabi ng kakambal, medyo bumalik ang sigla ni Ayu. Tumakbo na si Dara papasok sa bahay at pumunta sa gawing kaliwa ng hagdan. They were fraternal twins. Best friend din kung ituring siya ng kapatid.

"Hintayin mo 'ko!" pasigaw na habol niya.

Inilapag ni Ayu sa tabi ng front door ang duffel bag, pagkatapos ay pumasok na rin sa loob. Pero nakakailang hakbang pa lang, naramdaman niya ang pagsalubong ng malakas na hangin. Parang naramdaman pa niya ang pagsigid ng lamig sa kanyang katawan.

Luminga-linga si Ayu. Wala namang nakatutok na electric fan sa kanya. Saan nanggaling ang kakaibang lamig na naramdaman?

Nilingon na lang niya ang mga magulang. Nag-uusap ang mga ito sa labas ng pinto. Nagpaplano sa gagawing pagpapagawa ng bahay. Ang gusto kasi ng daddy niya, huwag baguhin ang ayos ng bahay. Ipagawa na lang kung may mga sira na.

"Papa, ilang taon na po ba ang bahay na 'to?" tawag niya sa pansin ng ama.

"Matanda na 'to, Ayu. Dito na nga ako lumaki, eh."

"Mga anong taon kaya 'to ginawa?"

"Sabi ng lola mo, eighteen eighty-two raw."

"Eighteen eighty-two?" ulit ni Ayu, nagpalinga-linga uli. Naramdaman na naman kasi niya ang parang pagsalubong ng hangin sa kanyang harap.

Continue Reading

You'll Also Like

3.4M 94.1K 63
[PROFESSOR SERIES I] Khione Amora Avila is a transferee student at Wesbech University who aimed to have a fresh start. She only had one goal in life...
2.8K 172 20
She's beautiful, she's kind, she's one in a million, but you're caught off guard by the situation. Will you chase your love? Will it still be possibl...
10.2K 312 12
"Sa de lata nga walang forever, sa tao pa kaya. At sa fairy tale story na lang may forever." Para kay Charley, hindi nag-e-esxist sa kanya ang salita...
899K 33.5K 49
Sa edad na 22 years old ay nbsb pa rin si Ava. Wala rin syang experience sa dating. Zero ang love life nya. Never been kissed never been touched. Paa...