InstaGroom Series 1 Rich COMP...

By dawn-igloria

150K 3K 140

Phr Book Imprint Published in 2016 Puppy love na ni Irish ang keyboard player ng acoustic band na Crazy Hotsh... More

Unexpected Date
Nurturing Love
Seeing Her Again
Singapore Proposal
Fireworks
Becoming Mrs. Rich
Innocent Seduction
To Find Myself
Take Me Back

Eye To Eye

33.4K 424 17
By dawn-igloria


CHAPTER ONE

BITBIT ang tatlong kahon ng buko pie na binili sa Crisanto's ay pumihit na si Iris para lumabas ng pastry shop. Naroon pa sila sa San Pablo. Pauwi na sila ng mama at papa niya sa bahay nila sa Quezon City mula sa pagdalaw sa kanyang lola.
Hustong naitulak niya ang kaliwang dahon ng glass door nang bumukas naman ang kanan. Tumingin siya sa lalaking nagbukas ng pinto sa eksaktong sandali na tumingin din ito sa kanya.
Parang huminto ang oras habang magkahinang ang kanilang mga mata. Napigil ni Iris ang hininga. Biglang kumabog nang mabilis ang kanyang puso. Hindi ito ang conventional good-looking guy na madalas niyang makita sa mga mall maging sa school. His face was pleasant to behold, appealing to the eye. Prompting a second look.
Napatid ang ugnayan ng kanilang mga mata. Nasundan niya ng tingin ang pagpasok nito. Nakapasok na sa loob ang lalaki ay hindi pa rin niya magawang umalis sa pintuan.
"Iris!"
Kumislot siya sa pagtawag ng papa niyang si Ramil.
"Bilisan mo at tatanghaliin tayo. Ma-traffic na."
"Opo, nandiyan na." May panghihinayang na lumabas si Iris ng Crisanto's.
Habang pauwi ay hindi pa rin mawala sa kanyang isip ang guwapong lalaki. Walang duda na na-crush-at-first-sight siya. Taga-San Pablo rin kaya siya?

PAEKIS-EKIS ang bisikletang sinasakyan ni Iris. Mabuti na lang at walang gaanong sasakyang dumaraan sa kalye nang mga sandaling iyon. Matingkad na ang sikat ng araw kahit alas-siyete pa lang ng umaga. Tahimik ang paligid. Panaka-nakang maririnig ang mahinang tunog ng makina ng washing machine. May naglalaba marahil sa kapitbahay.
Hindi pa talaga siya marunong mag-bike, pero matagal na niyang pangarap pag-aralan. Kaya kahit mag-isa ay sinisikap niyang matuto.
Kagabi pa siya nagpaalam kay Tita Olivia kung maaari niyang magamit ang luma nitong bisikleta. Nakasabit lang ang bike sa toolshed sa likuran ng bahay ng kanyang Lola Irenea. Pinagtulungan nilang mag-tita na maibaba iyon kagabi. Si Tita Olivia pa ang nagbomba ng hangin sa malalambot na gulong ng bike. Tinulungan din siya nitong linisin iyon.
Napausad na ni Iris ang bisikleta hanggang sa tapat ng kapitbahay nila sa kanan, ang malaking bahay ng mga dela Cuesta. Ngunit pagkalampas niya sa tapat ng bakal na gate ay natanggal ang kadena sa riles ng bisikleta. Napailing siya. Nasira na yata ang bike gayong hindi pa siya natututong magpatakbo.
Ibinaba ni Iris ang stand ng bisikleta bago siya bumaba roon. Namaywang siya, tumunganga sa bike na parang mauutusan iyon na umayos mag-isa sa pamamagitan ng telekinesis.
Nakarinig siya ng nagtawanan. Pag-angat niya ng tingin ay nakita niya si Tito Crisanto, ang may-ari ng malaking bahay. Nasa bakuran ito at kausap ang isang lalaking nakatalikod sa gawi niya.
Ang guwapo ng likod. Napagdaop ni Iris ang mga kamay at dinala sa kanyang bibig na para bang maririnig siya ng lalaki. Hindi ito katangkaran, lean ang pangangatawan na makikita sa suot na navy blue T-shirt. Clean-cut ang gupit ng buhok na lalong nagpakita ng mahaba nitong leeg.
Binawi na niya ang tingin sa dalawa. Ang kasalukuyang problema ang dapat niyang harapin. She sat on her haunches. Walang bisikleta sa bahay nila sa Quezon City. Kotse lang ang sasakyang minamaneho ng papa at mama niya kaya wala siyang alam sa mga bisikleta. At wala siyang interes sa mga teknikal na bagay.
Pinagmasdan niya ang kadena ng bisikleta. Nakalaylay iyon kaya sinubukan niyang ibalik sa riles.
Hindi kaya ng kanyang mapapayat na daliri. Namantsahan lang ng grasa ang kanyang mga kamay ngunit talagang hindi niya maibalik ang kadena sa dating posisyon.
"Nasira ba, 'ne?"
Nag-angat ng tingin si Iris. Isang lalaking nakasuot ng navy blue T-shirt ang palapit. Hindi siya makakurap. Nakatingin lang siya rito. Para siyang tinamaan ng shooting star, o Halley's Comet siguro dahil nalulon yata niya ang sariling dila.
Mas guwapo pala ang lalaki kapag nakaharap. Hindi guwapong mukhang chickboy kundi guwapong cute. Biglang naalala ni Iris ang lalaking nakasalubong niya sa pintuan ng Crisanto's may apat na buwan na ang nakararaan. Hindi siya maaaring magkamali. Ilang gabi rin na naging laman ng kanyang isip ang guwapo nitong mukha. At labis ang tuwa niya ngayon na muling makita ang lalaki.
Walang kamukhang celebrity ang lalaki. Pero sa palagay niya ay papasang artista ang ganoong mukha. He was in the same mold as Tom Rodriguez, with his sincere, almost-sad eyes and dark brows. Ngunit doon na nagtatapos ang pagkakatulad ng dalawa.
Pero "'Ne" ang tawag sa kanya ng lalaki.
Pinigilan ni Iris ang mapangiwi. Fourteen na siya at matangkad pero parang sa isang sampung taong gulang naman ang payat na pangangatawan. "N-natanggal lang ang kadena." Nagawa rin niyang sumagot sa wakas.
Tumingkayad din ang lalaki. Ito na ang nagbalik ng kadena ng bike sa riles. Tumayo ito pagkatapos, sinubukang pagulungin ang mga gulong ng bike bago ipasa sa kanya. "Okay na. Palagyan mo na lang siguro ng lubricant para hindi maganit i-drive."
"Anong lubricant ang gagamitin?" tanong ni Iris. Wala siyang alam pagdating sa tools at mga bagay na kadalasang ginagamit ng kalalakihan.
"Grasa lang."
Napatingin siya sa mga kamay. Kaya pala may grasa ang kadena ng bike.
"May grasa ba sa inyo?"
"H-hindi ko alam."
"Saan ka ba nakatira?"
Itinuro ni Iris ang bahay ni Lola Irenea.
"Ganito na lang, kung mahihintay mo ako rito, hihingi ako ng grasa kay Tito Cris. Ako na ang maglalagay ng grasa sa bike mo."
Namilog ang mga mata ni Iris. Napagdaop pa niya ang mga kamay at puno ng pasasalamat na tumingin sa kaharap. Bukod sa kanyang close friends at malalapit na kamag-anak, ngayon pa lang yata may isang tao na kusang nag-alok ng tulong sa kanya. At hindi kung sinong tao lang. Ito ang guwapo nilang kapitbahay na crush na yata niya agad. "Talaga?"
"Oo." Ngumiti pa ang lalaki.
Lumundag-lundag naman ang puso ni Iris, namawis ang mga palad at leeg niya at parang inapuyang bigla ang kanyang mukha.

KASALUKUYANG nagbabakasyon si Iris sa bahay ng kanyang Lola Irenea. Si Lola Irenea ay ina ng mama niyang si Susan at ni Tita Olivia.
Isa ang bahay ng kanyang lola sa matatandang bahay sa Barangay San Buenaventura, San Pablo City. Namana ni Lola Irenea ang malaking bahay sa namayapang mga magulang. Ayon sa kuwento ng mama ni Iris, dating naging kapitan ng San Buenaventura ang lolo nito na naglingkod nang tatlong termino. Nagpahinga raw ang lolo nito nang isang termino at nang muling lumaban ay tinambangan ng hired killers ng nakalaban sa pulitika. Ginawa raw ni Lola Irenea ang lahat para tugisin at papanagutin ang may sala sa pagkamatay ng ama hanggang sa mabilanggo ang salarin. Mula noon ay pinangilagan na si Lola Irenea sa San Buenaventura. Maraming humimok dito na sundan ang yapak ng ama, ngunit hindi sumubo minsan man si Lola Irenea sa mundo ng pulitika.
Hindi pa ipinapanganak si Iris ay nabiyuda na si Lola Irenea. Sa kabila niyon, nagawa nitong igapang sa pag-aaral at mapagtapos ang mama niya at tiyahin. May malawak na niyugan sa San Pablo ang matanda. Isa ito sa nagsu-supply ng niyog sa Franklin Baker Company, ang isa sa pinakamalalaking kompanya sa Pilipinas ng dessicated, processed at iba pang coconut products.
Bukod sa niyugan ay may mga paupahan din sa Cabuyao si Lola Irenea. May fish cages din sa Palakpakin Lake, ang isa sa kilalang Pitong Lawa ng San Pablo. Ayon sa mama ni Iris, ang lahat ng negosyo ng matanda ay naipundar kung kailan biyuda na ito. Si Tita Olivia, na tatlumpu't tatlong taong gulang na at hindi na nag-asawa, ang naging katu-katulong ni Lola Irenea sa pagpapatakbo ng mga negosyo.
Sa pagkakaalam ni Iris ay lesbian ang bunsong si Tita Olivia. Wala nga lang siyang nakita o nalaman na na-link dito o niligawang babae. Laging maigsi ang gupit ng buhok ni Tita Olivia. Ni minsan hindi pa niya nakita na nagbestida ang tiyahin na pirming T-shirt at pantalon o walking shorts na hanggang tuhod ang suot.
Sa kabila niyon ay magkasundo silang mag-tita. Pareho sila ng mga hilig sa pagkain, pinapakinggang music, pinanonood na pelikula. Magaan din ang kanyang loob dito. Good vibes ito sa lahat ng pagkakataon para sa kanya. Maging ang hilig niya na pag-iimbento ng recipe ay hilig din ng kanyang tita.
Kung hindi nga lang maagang inutusan ni Lola Irenea si Tita Olivia na magtungo sa lawa-araw ng pag-aani ng tilapia sa tatlo sa walong fish cages ng matanda-malamang na ang tiyahin ang nagtuturo sa kanyang magbisikleta.
Tatlong minuto lang yata ang lumipas nang muling lumabas ang cute na lalaki sa gate ng mga dela Cuesta. Nakangiti na naman ito, bitbit ang isang katamtamang laki ng plastic jar na kulay-asul at isang basahan. "Mabuti na lang at meron pang laman ang grasa ni Tito Cris," sabi nito habang binubuksan ang plastic na garapon.
"Sandali!" pigil ni Iris nang nang kukuwitin na ng mga daliri ng lalaki ang grasa. Natigil ito. "Nakakahiya naman sa 'yo. Madudumihan ang kamay mo. Ako na lang ang maglalagay. Marumi na rin naman ang mga kamay ko."
Napangiti na naman ang lalaki. Muling naulit ang wala sa tiyempong pagta-tumbling ng puso ni Iris. Ano kaya ang meron sa smile ng cute na ito para mawala sa tamang beat ng puso ko? "Okay lang. Sabon at tubig lang ang katapat nito. Kung gusto mo magtulungan na lang tayo. Ikaw sa isang gulong at ako rito sa kabila."
Si Iris na ngayon ang nakangiti. Palalampasin ba niya ang isang pagkakataon na bibihirang mangyari? Ang sarap yata ng eksenang nagtutulong sila ng crush niya sa isang gawain habang ganoon pa kalapit sa isa't isa. In fact, nalalanghap niya ang samyo ng men's soap na ginamit nito. Kagaya ang amoy niyon sa sabon na ginagamit ng papa niya.
Crush mo lang ba talaga, Iris? tudyo ng isang panig ng kanyang isip. Well, wala siyang magagawa kung sobra na sa crush ang feelings niya ngayon sa lalaking katabi. Ang cute niya kaya.
"Nagbabakasyon ka lang kina Lola Irenea, 'di ba?" kausap ng lalaki kay Iris.
"Oo. Anak niya ang mama ko," boluntaryo ni Iris ng impormasyon. Gusto lang niyang humaba ang pag-uusap nila.
"Taon-taon nagbabakasyon ako rito sa San Pablo. Pero bakit ngayon lang kita nakita?"
"Ngayon lang kasi ako nagbakasyon dito. Madalas na kapag Pasko lang, New Year o birthday ni Lola kami nagpupunta rito pero hindi kami nagtatagal."
"Bakit?"
"Ewan ko ba sa mama ko. Siguro kasi only child ako kaya ayaw niyang mapalayo nang matagal."
"Eh, bakit pinayagan ka ngayon?"
"May bago kasi silang business venture ni Papa. Lagi silang nag-a-out of town. Ayaw niya na maiwan ako sa amin nang wala sila." Kumuwit si Iris ng grasa mula sa plastic jar. Muntik nang magpang-abot ang mga kamay nila dahil kumuwit din doon ang lalaki. Napansin tuloy niya na balbon pala ang mga braso nito, hindi kulot ngunit nakaayon ang tubo sa iisang direksiyon. "Tito mo pala si Tito Crisanto. Lagi siyang nagpapadala sa amin ng buko pie kapag dumadalaw kami rito nina Mama at Papa."
"May pagawaan sila ng buko pie sa Poblacion."
"Alam ko, sa Crisanto's. Bumibili kami roon ng parents ko tuwing bago kami umuwi. Noon ngang nag-New Year kami rito, nakasalubong pa kita sa pinto ng Crisanto's."
Natigil ang lalaki sa ginagawa at tumingin sa kanya. Nagwala na naman ang puso ni Iris na parang bulateng nabudburan ng asin. "Talaga?"
"Oo. Natandaan ko ang mukha mo."
"Ang galing naman. May photographic memory ka pala."
Sa iyo lang magaling ang photographic memory ko, promise.
Bago pa kung saan mapunta ang usapan ay muling ibinalik dito ni Iris ang topic. "Taga-Manila ka rin ba?"
"Metro Manila. Sa Alabang, actually. Tubong Muntinlupa ang lolo't lola ko at doon din lumaki ang papa ko. Si Tito Cris lang ang napalayo kasi tagarito ang napangasawa niya."
"May mga kapatid ka rin ba?"
"'Yong ate ko. Nagwo-work siya ngayon. College graduate na siya. Ikaw, anong year ka na sa high school?"
"Incoming third year. Ikaw?
"Sorry, wala na ako sa high school," wika nitong playful na ngumiti.
Nag-init ang mukha ni Iris. Mas cute ito sa ganoong uri ng ngiti. "B-bakit ka nagso-sorry?"
"Wala. Para kasing mas gusto mo na nasa high school pa ako. Sa tingin ko lang." Iwinasiwas nito ang isang palad. "Huwag mo na ngang pansinin ang sinabi ko. Graduate na ako ng college..."
Nanlumo si Iris. Malaki pala ang age gap nila. Walang kaso sa kanya kahit ganoon, pero tiyak na may kaso rito.
"Last week lang. Gusto ko munang magpahinga mula sa pagpiga ng utak sa school kaya umuwi agad ako rito." Tinakpan na nito ang jar ng grasa at ininspeksiyon ang kanilang pagkaka-apply niyon sa kadena ng bisikleta. "Okay na. Hindi na magiging maganit i-drive ang bike mo."
"Maraming salamat, ha?" sabi ni Iris na nakipunas din sa basahang pinagpupunasan nito ng mga kamay. Masarap sa pakiramdam ang ginagawa nila. Parang napaka-intimate kahit simpleng pagpupunas lang iyon ng kamay. Bagay na ngayon lang niya naranasan na isang lalaki ang kasama.
Magkaharap sila, basahan lang ang pagitan ng kanilang mga kamay. Kung sana ganoon lang kalapit ang mga agwat na nakapagitan sa kanila. Ah, hindi na siya makapaghintay na maging isang tunay na dalaga.
"Walang anuman," sabi ng lalaki. "Maliit na bagay lang naman 'to."
"Pero para sa akin, malaki."
Napaangat ang tingin ng lalaki mula sa hawak na basahan. Parang bahagyang naalarma.
Ngumiti si Iris. "Puwede na uli akong mag-aral mag-bike."
"Nang mag-isa?"
Kibit-balikat at ngiti lang ang kanyang isinagot.
"Wala naman akong gagawin. Kung gusto mo tuturuan na rin kitang mag-bike."
Hallelujah! Hinding-hindi bibigyan ni Iris ng pagkakataon ang lalaki na magdalawang-isip. "Talaga? Thank you! Hirap na hirap nga akong mag-aral mag-isa. Wait lang. Maghuhugas lang ako ng mga kamay. Babalik agad ako." Binitiwan niya ang basahan at tinalikuran na ang lalaki bago pa bawiin ang alok sa kanya.
"Sandali," tawag ng lalaki pagtalikod niya.
Napahinto si Iris at lumingon.
"Kanina pa tayo nag-uusap pero hindi ko pa alam ang pangalan mo."
Lumuwang ang ngiti ni Iris, tuluyan nang napaharap uli sa lalaki. "Oo nga pala. Iris ang pangalan ko, Iris Albania."
"Iris..." sabi nito na tumango-tango. "Kuya Rich naman ako."
PAGKATAPOS maghugas ng mga kamay ay umakyat agad si Iris sa kanyang silid. Pinahiran niya ng pulbos ang mukha na medyo makintab na. Mabilisan niyang sinuklay at inipitan ang mahaba at alon-along buhok. Nagwisik muna siya ng cologne bago patakbong pumanaog uli ng bahay.
"O, o, saan ang sunog?"
Napipilitan lang si Iris na huminto nang punahin ni Lola Irenea. "Mag-aaral lang po akong mag-bike, Lola."
"Magbisikleta? Nang wala kang kasama? Bukas ka na mag-aral magbisikleta. Kapag narito ang Tita Olivia mo. Mahirap na. Baka magasgasan ka lang, masisi pa ako ng mama mo."
Lola naman, eh! Hindi maisatinig ni Iris ang pagtutol. Ngunit igigiit niya ang gusto sa pagkakataong iyon. "Mag-iingat naman po ako, Lola. Saka may magtuturo at aalalay po sa akin."
"Sino?"
"Si Kuya Rich po, 'yong pamangkin ni Tito Crisanto diyan sa kabila."
Kumunot ang noo nito. "Nagpapaturo ka sa kung sino-sino lamang?"
Nag-apuhap na naman sa isip si Iris ng bagay na tutulong sa kanyang apela. "Pamangkin naman po siya ni Tito Crisanto, Lola. Hindi po kung sino-sino lang. Mabait po siya. Tinulungan niya po akong ayusin 'yong bike. Siya pa nga ang naglagay ng grasa doon. Tinulungan ko lang. Saka po nag-volunteer naman siyang turuan ako. Hindi po ako ang nakiusap magpaturo."
Hindi pa rin nawawala ang kunot ng noo ng matanda. Para pa ngang pinag-aaralan ang ekspresyon sa mukha niya.
"Lola, pumayag na po akong magpaturo." Malapit nang maging pamaktol ang pakikipagrason niya sa matanda. "Nakakahiya naman kay Kuya Rich kung bigla na lang akong aatras."
"Bahala ka na ngang bata ka. Sulong. Pero huwag kayong lalayo. Dito lamang kayo sa malapit. Umuwi ka bago magtanghali."
Muntik nang mapatalon si Iris sa labis na tuwa. Muntik na rin niyang mahalikan ang kanyang lola. Ewan lang kung napansin nito ang sobrang excitement niya, pero pinigilan niyang mahalata nito. Humirit pa siya. "Eh, Lola, puwede po bang yayain ko mamaya si Kuya Rich na dito sa atin mag-merienda?"
"Bahala ka."
Hindi na napigil ni Iris ang sarili. Napayakap siya kay Lola Irenea at hinalikan ito sa pisngi. "Thank you, po. The best lola talaga kayo in the whole world!"
Natawa na lang ang matanda. Siya naman ay nagmadali nang lumabas. Ayaw niyang mainip si Rich. Yes, Rich. Gano'n ka para sa akin at hindi "Kuya Rich."

"ITULOY-TULOY mo lang ang pagpedal para mas madali kang makabalanse. Deretso lang sa unahan ang tingin... Ganyan... Pigilan mo ang manibela. Teka!"
Kung hindi sa maagap na pagpigil ni Rich sa manibela at sa balikat ni Iris ay tiyak na natumba na siya. Nahihirapan siyang bumalanse ngayon kaysa kaninang siya lang mag-isa ang nag-aaral magbisikleta. Ewan niya kung may kinalaman doon ang nakapagpapatarantang presensiya ni Rich.
"Natatakot ka ba?" tanong nito.
Umiling si Iris.
"Huminga ka muna nang malalim. Kumalma ka. 'Tapos, mag-focus ka sa pagbalanse. Huwag kang matakot, hindi ka tutumba. Nandito lang ako sa likuran."
Paano ba niya maitutuon ang lahat ng senses sa pinag-aaralan kung ang lahat ng senses niya ay kay Rich naka-focus? Parang mas masarap mag-give up na lang at sabihing mas gusto niyang umangkas dito kaysa magbisikletang mag-isa. Pero teka, hindi kaya siya himatayin sa kilig kung magiging magkaangkas sila?
"Iris!"
Huh! Naitukod kaagad ni Iris ang isang paa sa sementadong kalsada sa halip na maisip mag-hand break. Muntik nang sumampa sa bangketa ang bike.
"Siguro dapat huminto muna tayo," sabi ni Rich. "I-relax mo muna ang mga kamay at paa mo. At, Iris, hindi ka matututo kapag hindi ka nag-concentrate sa pagbalanse ng bigat mo habang nakasakay sa bike."
Mahinahon lang ang pagsasalita ni Rich ngunit parang ang dating niyon kay Iris ay panenermon. Parang sinundot ang kanyang puso. Bigla siyang naging sensitive. Napanguso siya. "Siguro iniisip mo na mahirap akong turuan. Na nagsasayang ka lang ng oras sa akin."
Tumawa ito, sa kanyang pagkagulat. "Para kang 'yong kinakapatid ko sa lugar namin, si Geah. Ganyan din siya kapag naaasar sa akin. Madalas din akong pagmaktulan ng isang 'yon."
Naalarma si Iris, hindi sa sinabi ni Rich kundi sa fondness na nasa mga mata nito na lumitaw pagkabanggit sa kinakapatid. At literal siyang napangiwi nang abutin nito ang ulo niya at guluhin ang kanyang buhok habang tumatawa.
Sa naging kilos ng lalaki, bumagsak agad ang pag-asa ni Iris. Aasa ka pa ba? "'Ne" nga ang tawag sa iyo kanina.
Napahugot siya ng hininga. Bakit ba siya mawawalan agad ng pag-asa? Humihinga pa siya. Kompleto at buhay na buhay. Oo nga at bata pa siya. Pero naniniwala siya na balang-araw mapapansin din siya ni Rich bilang babae. Hindi naman siya pangit. Panahon lang ang kanyang kailangan. Panahon kung saan magiging isang ganap na siyang dalaga.
Meanwhile, hindi siya dapat mawalan ng pag-asa. If only the odds were not against her.
Muli siyang sumampa sa bisikleta. "Okay na ako, Ri-er... Kuya Rich. Susubok uli ako."

https://www.preciousshop.com.ph/home/

http://www.booklat.com.ph/

http://www.phr.com.ph/

Continue Reading

You'll Also Like

348M 7.1M 80
This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such as sexual, self-harm, physical violence...
1M 33.4K 43
(Game Series # 10) Tali coursed through life with ease. Coming from a family full of lawyers, she knew that getting a job would not be a problem. Kai...
66.5K 4.4K 12
Sta. Maria Series (Herrer Girls- 3rd Generation) ON-GOING