Ang Bayang Naglaho

By GYJones

106K 6.5K 365

Sa isang hindi maipaliwanag na pangyayari, ang mahigit limang daang mamamayan ng maliit na bayan sa Quezon Pr... More

Introduction
Prologue
Chapter 2: Maverick P.I.
Chapter 3: Ang Kaso ng Mga Nawawalang Tao
Chapter 4: Bisita sa Dilim
Chapter 5: Ang Tinyente at ang Psychic
Chapter 6: Callejon
Chapter 7: Simula Ng Pagsaliksik
Chapter 8: Ang Simbahan
Chapter 9: Ang Simenteryo
Chapter 10: Mga Bolang Ilaw sa Gabi
Chapter 11: Kabaong ng mga Muling Nabuhay
Chapter 12: Silang mga Espiritu sa Simbahan
Chapter 13: Alien Blood
Chapter 14: Mga Ala-ala ni Andy
Chapter 15: Press Release
Chapter 16: Ilang Mga Pamamaalam
Chapter 17: Ang Mga Aliens
Chapter 18: Close Encounters
Chapter 19: Kuha Mula sa Camera
Chapter 20: To Arms!
Chapter 21: Battle Stations!
Chapter 22: Bala at Ilaw
Chapter 23: Mga Asong Ligaw
Chapter 24: Aftermath
Chapter 25: Finale
Chapter 26: Epilogue

Chapter 1: Si Andy Madrid, Isang Private Investigator

5.5K 298 7
By GYJones

(I)

Napapaligiran ng malalagong mga halaman at puno ang lumang kumbento na gawa sa bato at kahoy. Gumapang na sa pader paakyat ng bubungang yero ang mga dahon. Masuwerte raw ang halamang Galamay-Amo sabi ng nakararami kung kaya't iyon ang tinanim ng mga madre simula pa noong itinayo ang Our Lady of Carmel Convent na ito sa Tarlac noong dekada Kuwarenta.

Tahimik ang kapaligiran. May kakaibang kapayapaang nananalaytay.

Sa kalsada sa labas ng kumbento, nakaparada ang isang Nissan pick-up truck. Nakataas ang hood nito, bukas ang takip ng radiator, at nilalagyan ng tubig mula sa plastik na basyo ng softdrinks ng isang may edarang lalaki. Nasa kanyang late 50s, suot ay leather jacket, maong at rubber shoes. Manipis na ang buhok sa tuktok, may kahabaan sa bandang tenga at likod, at halos puti na lahat. May edad man ay brusko pa ang kanyang pangangatawan, malalaki ang balbon niyang mga bisig, at may katapangan ang maguhit niyang mukha. Ang dating niya'y para bang iyong mga bida o kontrabida ng pinilakang-tabing noong panahon pa nina FPJ at Erap.

Nguni't malayo ang larangan niya sa mga nabanggit.

Si Andy Madrid ay isang Private Investigator. P.I. for short. Private detektib. Tiktik o batyaw naman mula sa mga beterano't nakatatanda. Old school, may reputasyon siya bilang isa sa mga matinik sa kanyang larangan. Matapang at madiskarte, bagama't kilala rin siya na gumagamit ng ibang pamamaraan, unorthodox methods kung tawagin.

If the end justifies the means, kanyang dahilan, para makamit ang kanyang layunin.

Mataas ang sikat ng araw. May banayad na ihip ng hangin. Nang mapuno ng tubig ang radiator ay inubos ni Andy ang laman ng basyo sa pagbuhos ng tubig sa kabuuan ng radiator.

Katabi niya ang dalawang mga madre—mga bata pa, mga mukhang kapapasok pa lamang sa bokasyon. Balot sila ng puti mula ulo hanggang paa at pinapanood si Andy na may pagkamangha at kuryosidad. Mga abito'y nagniningning sa sinag ng araw.

"Kailangan n'yo pa po ng tubig?" tanong ng isang madre.

Nagpunas ng pawis si Andy gamit ang Good Morning towel.

"Hindi na, iha...ah sister," sagot niya. "Okay na ito. Palalamigin ko na lang muna ang makina."

"Malayo pa ang lalakbayin n'yo, manong. Magpahinga muna kayo," alok ng pangalawang madre. "Halika po sa loob."

Manong. Hindi magandang pakinggan, muni ni Andy.

Napatingin si Andy sa kumbento. Tama naman ang mga madre. Malayo pa nga ang lalakbayin niya, at iyon ay pabalik na ng Maynila kung saan siya galing. Ang hindi niya ipinaalam sa dalawang mga madre ay ang kumbento talaga ang sinadya niya. At kunwari'y nag-overheat ang kanyang pick-up para makagawa siya ng paraan para makapasok sa loob. At ito nga, dinalhan pa siya ng tubig ng mababait na mga madre kahit na hindi naman talaga nago-overheat ang kanyang sasakyan. Ni wala ngang kausok-usok ang bukas na radiator. Pero, ano bang alam ng mga madre na ito? sa lublob niya.

"Maaari ba akong makigamit ng C.R. sa loob?" tanong ni Andy.

"Ah, oo naman po!" masayang sagot ng unang madre.

"Halika po!" aya ng pangalawa.

Sinundan ni Andy ang mga madre tungo ng kumbento. Sa lobby, ang sumalubong sa kanya ay isang life-size na estatwa ng santo na wala siyang ideya kung sino. Para kay Andy, pare-pareho lamang ang hitsura ng mga ito. Aniya, kung hindi naka-peace sign ang santo, ay may hawak na alagang hayop. Ang lobby ay may mga kahoy na upuan at mga halaman sa paso. Aninag ng P.I. ang repleksyon niya sa makintab na tiles, na amoy pa nga na bagong floor wax. Uso pa ba ang floor wax sa panahon na ito? Muni niya.

May ilan pang mga madre sa paligid ang paroon at parito. May ilan na may hawak na cellphone at abalang nakatingin sa screen. Muntik pang magkabanggaan. Naisip ni Andy na hindi pala bawal ang cellphone sa kumbento. Aniya, ano kayang pinagkakaabalahan ng mga madre sa internet? Tiktok?

"Doon po," turo ng naunang madre. Malapit sa hagdan na paakyat ng second floor ay may pintuan na may sticker na nakasulat ay Comfort Room.

"Salamat, sister" sabi ni Andy sa madre at naglakad paalis. "Wiwi lang ako."

Napatakip ng bibig ang madre.

Pero bago lumakad patungo sa C.R. ay napalingon si Andy sa kanyang kaliwa—sa mahabang hallway na may nakahilerang mga imahen ng mga santo. Pagka't doon, napansin niya ang isang lalaki na abalang pinupunasan ang mga rebulto gamit ang basahan. Ang lalaki'y ka-edaran niya, naka-salamin, nakasuot ng plain white t-shirt, itim na slacks at tsinelas. May kaputian ito at wari ni Andy ay may lahing instik.

"Ah, sisters," bulong ni Andy sa dalawang madre. "Sino iyon?"

"Ah, si Mang Ben, po," sabi ng unang madre.

"Ano siya dito?"

"Tumutulong po sa mga gawain sa kumbento," ani ng ikalawang madre.

"Matagal na ba siya dito?" tanong pa ni Andy.

Nagtaka ang mga madre sa sunod-sunod na mga tanong.

"M-mga dalawang buwan na po ata," sabi ng unang madre na lumingon pa sa kasama.

"B-bakit n'yo po natatanong?" sabi ng ikalawang madre.

Pero, hindi siya sinagot ni Andy, at patuloy pa rin sa pag-usisa.

"Hindi siya taga-rito, ano?"

Nagtataka man ay patuloy pa rin sa pagbigay ng impormasyon ang mga madre.

"Ah, hindi po. Galing po daw siya ng Maynila. Wala na daw siyang kamag-anak doon, kung kaya't nakiusap na kung puwede, dito na lang siya manirahan..."

"Pansamantala," singit ng unang madre. "Mabait naman po siya."

Pero walang pakialam si Andy kung mabait o hindi ang lalaki, ang kailangan niya'y kasiguraduhan sa identity nito.

Hindi naman pansin ng lalaki na nagngangalang Ben na pinagmamasdan na pala siya't pinag-uusapan, kaya't patuloy lang siya sa kanyang ginagawa. Nasa mukha naman ng mga madre ang pagtataka sa kakaibang kuryosidad ni Andy ukol kay Ben, pero sa inosente nilang mga isip ay ipinasantabi na lamang nila ito. May iba pa silang mas mahalagang nasa isipan, tulad na lamang ng pagdarasal.

Pagpasok ng C.R. ni Andy ay binuksan niya ang gripo ng lababo at hinayaan lang na umagos ang tubig. Malinis ang C.R. Amoy air freshener. Nag-joke pa siya sa sarili na ang lugar ay nangangamoy birhen. May dalawang urinal at isang cubicle sa loob. May binunot si Andy sa bulsa ng kanyang jacket—isang maliit na notebook at kanya itong binuklat. Makikitang nakasulat sa mga pahina ang ilang mga impormasyon. Mga pangalan, petsa, lugar. Para itong checklist.

At nakaipit rin sa loob ng notebook ang maliit na 2x2 I.D. picture. At ang nasa larawan ay walang iba kundi ang lalaki kanina, ang nagngangalang Ben. Alam ni Andy na ang full name niya'y Bienvenido Tan. Pagka't ilang linggo na niya itong hinahanap, at ngayo'y natunton na niya.

"Huli ka," ngiti ni Andy.

(II)

Ibinaba ni Andy ang hood ng kanyang Nissan pick-up. Sa tabi, naka-abang na ang dalawang mga madre, ready nang mag-babay.

"Thank you, mga...ah sisters," sabi ni Andy sa kanila. "Nawa'y maging ganap kayong mga madre superior balang araw."

Maliliit na mga tawa mula sa mga sisters. Kapuwa na mga nagsipag-blush.

"Salamat po. Happy safe trip po," sabi ng unang madre.

"Ipagdarasal po namin kayo kay Saint Christopher, siya po ang patron saint ng mga manlalakbay," sabi naman ng ikalawang madre at kay Andy ay inaabot niya ang maliit na kahoy na crucifix, nguni't ito'y tinanggihan ni Andy.

"Naku, thank you, pero, 'di tayo mahilig sa ganyan eh," sabi ni Andy sa pagtataka ng mga madre.

Sumakay si Andy sa kanyang pick-up.

"'Di po ba kayo naniniwala kay Jesus?" nagtatakang habol ng mga madre.

Ini-start ni Andy ang makina at ni-rev, at tinignan sila.

"Sa larangan ng trabaho ko, ang tanging pinaniniwalaan ko eh 'yung nakikita ko," ngiti ni Andy, sabay pinaandar niya ang kanyang pick-up truck at nag-iwan ng makapal na usok ang tambutso at hinangin ang mga alikabok sa lupa.

Napatakip ng mga mukha ang dalawang mga madre pero nakuha pa nilang kumaway ng babay kahit na nauubo. Pinanood nilang makalabas ang pick-up ng gate ng kumbento, at may pahabol pa uli sila.

Godbless! Jesus is the Way! Sigaw pa nila.

Malubak, makitid ang daanan at napupuno ng malalagong mga halaman. Habang nagmamaneho ay kinuha ni Andy ang kanyang android phone at nag-dial. May sumagot na babae.

"Hello, Mrs. Tan," sabi ni Andy. "Si Andy ito. Andy Madrid. Na-locate ko na ang mister n'yo, at..."

Hindi pa tapos si Andy sa sasabihin ay ininterrupt na siya ng kausap. Nilayo ni Andy ang cellphone sa kanyang tenga.

"Buhay ang asawa n'yo, misis," sabi ni Andy habang nagsasalita pa ang babae sa kabilang linya. "Ite-text ko ang lugar kung saan n'yo siya mahahanap. I-deposit n'yo na lang ang bayad sa bank account ko. Sorry, choppy kayo. Babay!"

Binaba ni Andy ang cellphone. Salubong sa direksyon niya ang araw kung kaya't isinuot niya ang kanyang Ray-Ban at binuksan ang radyo. Napangiti siya. Mission accomplished, aniya sa sarili.

Halos dalawang linggo rin bago niya natunton ang kinaroroonan ni Ben Tan, ang mister na nagtago sa kanyang asawa. Ang dahilan? Tingin ni Andy ay gusto lang nito ng matahimik na buhay. Ng payapang buhay. Pagka't na-meet na niya mismo nang personal si Mrs. Tan, at isang buka pa lang ng bibig nito'y naintindihan na agad niya kung bakit nag-AWOL ang asawa. Ang bungangerang si Mrs. Tan ay daig pa ang tambutso ng kanyang sasakyan.

Kung kaya't hindi niya masisisi si Ben Tan kung bakit mas pinili pa nitong maging tagapunas ng santo sa kumbento kaysa mamuhay ng masagana sa piling ng maperang asawa. Gayunpaman, para kay Andy na isang private investigator, na ang specialty ay missing persons, wala itong personalan, ang trabaho ay trabaho lang.

Nag-stop over si Andy sa isang Caltex station sa Pampanga para magpa-gas at magmeryenda. Magha-halo-halo sana siya sa Razon's doon nguni't nang makitang napupuno ang restaurant ng mga senior citizens ay naisipan niyang doon na lang sa Tokyo Tokyo kumain. After all, mahilig naman siya sa Japanese food, o papasang Japanese-food. Matapos kumain ay nagpatuloy na siya sa paglalakbay at nakarating ng Maynila pasado alas-otso na ng gabi.

(III)

Nakatira si Andy sa may New Manila, sa isang bungalow na may kalumaan na ang disenyo. Early 80s style. Noong uso pa ang makurbang mga balustre at bintanang may jalousie. May garahe ang bahay pero hindi iyon ginagamit ni Andy dahil tamad siyang magbukas pa ng gate, kung kaya't ipinaparada na lamang niya sa tapat ng bahay ang kanyang pick-up. Wala namang mangangahas na magcarnap noon, bukod sa lumang modelo na ay dinidisplay ni Andy ang kanyang laminated I.D. sa windshield ng sasakyan—lumang I.D. noong siya'y pulis pa.

Binuksan ni Andy ang ilaw ng madilim na bahay, at naliwanagan ng dilaw na bumbilya ang loob nito. Pinatong niya ang susi ng sasakyan sa ceramic na ashtray na nasa tukador katabi ng telepono at dire-diretso siya sa kusina. Marmol ang sahig ng bahay bagama't wala ng kintab. Biglang pumasok sa isipan niya ang makintab na tiles ng kumbento. Naalala niya ang kanyang repleksyon sa sahig.

Makakapal ang mga kurtina sa mga bintana na abot hanggang sahig. Binuksan ni Andy ang refrigerator na ang tanging laman ay mga beer in cans, pitsel ng tubig, at kahon ng pizza pie na isang linggo nang naroroon. Dumampot ng isang can ng beer si Andy at nagpatuloy tungo sa sala at doon sumalampak sa malambot na sofa, inabot ang remote control ng TV at ito'y in-on.

Ang channel ay iyong huli pa niyang pinapanood bago siya lumuwas tungo ng Tarlac—sa programa na nagpapalabas ng mga true crime stories. Tahimik na nanood si Andy habang lumalagok ng beer. Nagsimulang nang pumungay ang kanyang mga mata, unti-unti na niyang nararamdaman ang pagod ng nagdaang mga araw na dumadapo sa kanyang katawan. Hindi nagtagal ay nakatulog na siya at ang can ng beer ay nahulog sa carpeted na sahig at natapon. Nagsimula na siyang humilik.

Si Andy Madrid, isang private investigator. Specialty: Missing persons.

Lingid sa kaalaman niya'y, bukas ay may panibago na naman siyang kasong matatanggap.

At may posibilidad na iyon na ang kanyang kahuli-hulihan.


NEXT CHAPTER: "Maverick, P.I."

Continue Reading

You'll Also Like

18.6K 1.6K 22
Tatlong Dalagita ang napadpad sa Tulay ng Baryo Kasalanan at nabiktima ng limang kalalakihan.. May tatlong Dalagita pa kaya silang mabibiktima sa Tul...
41.2K 1.3K 200
The stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree
327K 4.8K 190
The stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! Highest Rank : #3 in horror (...
17K 826 34
I do not fear death nor grim reaper. Simula nang mawala ang lola ni Ariela na nagsilbing magulang niya, lumaki ang galit niya sa grim reaper. Bata p...