Mahal ng Araw

By peachxvision

23.1K 1.3K 1.7K

Dahil tulad ng pag-ibig ang araw -⁠- lulubog at lilitaw. More

Solar Eclipse
Araw-Araw

Sunshower

17.9K 945 1.1K
By peachxvision

Umalis ako sa bahay na maaraw. Maya-maya, biglang umulan. Ang labo kasi sabay na umaaraw tapos umuulan.

Buti na lang, andoon na ako sa dapat kong puntahan.


Nasa bahay ako nina Derek, kung saan may kitaan ng tropa ko noong high school, dala ang kwento na pseudo-ex ko na lang si Naomi⁠—si Naomi na minahal ko mula pa third year high school na nakita kong may kayakap na ibang di ko kilala sa isang fast food. Pseudo-ex dahil di naman kami pero astang kami.

Apat pa lang kami: ako, Derek, Arc, at Janus. Hinihintay pa namin si Zeus pero mukhang mamaya pa siya dadating.

"Ewan ko," sabi ko sabay lagok. "Bahala siya. At least di ba, MU lang kami. Technically, hindi siya unang girlfriend ko."

"Oy, dahan-dahan ka nga," binato lang naman ako ni Arc ng di ko alam kung boy bawang o mani. "I-reserba mo yan pag dating ni Zeus. Kasama daw niya girlfriend niya ah."

"Tangina," mura ni Derek. Di na nagbago 'to. Mura lagi umpisa ng sasabihin. "Nagkagirlfriend si Zeus?!!"

"Kaya pala 'yon mahuhuli ng dating eh," sabat ko.

"Akala ko nga mag pa-pari 'yon eh. Gulat ako biglang nagchat sa kin. Kinikilig ang loko."

"Tangina, paano kiligin 'yon?!"

"Nagsend nga ng picture sa 'kin," sabi ni Janus habang naglalaro siya sa cell phone. "Akalain mo, nagkagirlfriend pa sa tahimik niyang 'yon?"

"Weh? Patingin!"

Lahat kami pumunta sa cell phone ni Janus sabay tiningnan girlfriend kuno ni Zeus Lahat kami, di makapaniwala.

"Puta, kung may epitome of silence siya 'yon eh."

"May puso pala 'yon?"

"Naalala mo nung napagalitan tayo tapos tinanong sa kanya ni Ma'am Benitez kung anong pakiramdam na pinapagalitan tayo?"

"Oo, gago, yung sinabi niya, 'wala po' tangina epic talaga 'yon!"

"Tapos yung prom na tinulugan niya."

"Takte 'yan, siya lang walang date 'non ano? Tapos siya 'tong unang nagkagirlfriend."

Nagtatawanan kaming apat tungkol sa mga nangyari kay Zeus noong high school. Siya kasi yung sabihin nating pinaka walang kaemo-emosyon sa 'min tapos malalaman namin na siya pa unang magkakagirlfriend.

Pagkatapos ng ilang minuto, may nag doorbell na. Si Arc yung nagbukas, kaya lahat kami nakaabang.

Pagpasok nilang dalawa, nagsigawan kami. Inulanan namin silang dalawa ng tukso. Natatawa ako kay Zeus dahil halatang di siya sanay sa ganto. Nabaling yung tingin ko sa kasama niya.

"Guys," sabi ni Zeus. "Si Rayne."

"Rayne as in ulan?" tanong ko.

"Hindi," ngumiti siya. "Reyna, pero palit yung e at a."

Gusto kong tumawa dahil di naman niya kailangan sabihin 'yon, pero walang natawa kaya tinago ko na lang sa sarili ko.

"Ito si Derek, si Arc⁠—nakita mo na 'ata siya, si Janus, si Sun."

"Sun as in araw?"

"Sun," sabi ko. "As in araw."

Noong gabing 'yon, nagkwentuhan lang kami. Tungkol sa politics, sa LOL, sa basketball, sa DOTA, siningit na lang namin yung kwento ko kay Naomi, yung frustration ni Derek dahil gusto niya mag architecture pero nasa pre-med course siya, at yung clinical depression ni Janus.

Nakita ko si Zeus, nakaakbay doon kay Rayne. Nakangiti lang silang dalawa habang nakikinig sa mga kwento namin. Sa loob-loob ko, naiinggit ako. Gusto ko rin ng kaakbay, gusto ko rin isang taong mamahalin at magmamahal sa kin.

Takte, may amats na 'ata ako. Kung ano-ano na pinagsasasabi ko eh.

"Uwi na ako," sabi ko bago ko kinuha yung bag ko at nagsuot na ng sapatos.

"Tangina nito, ang aga pa!"

"Aga pa ba eh alas dos na ng umaga?!"

"Sige, ingat ka pre."

Nagpaalam na ako sa kanilang lahat. Tumingin ako kay Rayne—di ko alam kung magpapaalam ba ako o ano. Di kasi ako masyado magaling sa mga tao. Eh kaya nga ako nasa grupo na 'to kasi pare-pareho kaming hindi magaling sa mga tao eh.

Inabot ko na lang yung kamay ko. Shake hands kumbaga.

"Nice meeting you."

Gulat ako nung sinuntok niya yung palad ko imbis na i-shake hands.

"Nice meeting you din!"

Tapos nginitian niya ako.

Di ba niya gets na shake hands 'yon? Iyon yung nasa isip ko.

Nasa isip ko din na baka ito na siguro yung huli kong pagsama sa kanila ngayong taon dahil magfofocus na ako sa paper next year.

Totoo nga, di na rin ako nakasama sa mga gano'n. Naging busy sa paper at sa org. Saktong nakilala ko si Fatima, pero hindi nagtagal dahil lagi lang kaming nag-aaway tungkol sa pagka-"busy" ko. Naging kami din ni Anne, pero nakakita siya ng iba na ka-org din namin. Habang gumagawa ako ng thesis ko, naging kami ni Lyn pero noong summer pagkagraduate ko, nawala din kami dahil di niya kinaya yung long distance.

Yung totoo, nawalan na 'ata ako ng pake. Nawalan na rin ako ng gana magseryoso.

Pitong taon ako gano'n, papalit-palit ng girlfriend at wala ring pake kung nawala. Gano'n siguro lahat ng babae? O puta, minalas lang 'ata talaga ako.

Gulat ako nang biglang nagchat si Derek.

Derek: Oy tangina mo magparamdam ka naman. Pagkatapos ni Lyn di na namin alam kung sino kasunod eh. Gago ano na ba nangyayari sa'yo? Pilak na ako sa Sabado. Punta ka.

Seen 3:21am.

Sige, para maiba naman, tutal, ang tagal na noong huli ko silang nakita.

Dumating ang Sabado.


Umalis ako sa bahay na maaraw. Maya-maya, biglang umulan. Ang labo kasi sabay na umaaraw tapos umuulan.

Buti na lang, may dala akong payong.


Pagdating ko, andon na silang lahat. Si Arc, Janus, Derek, Zeus . . .

At si Rayne.

Isa lang yung nasa isip ko pagkakita ko sa kanila . . .

Sila pa rin?!

"Tangina nagpakita ka ding hayop ka!" Niwrestling ako ni Derek. Di na nagbago 'tong kumag na 'to.

"Happy birthday."

"Uy musta? Long time no see." Binato ako ng chocolate ni Arc. "O game ah, ituro niyo na sino babarilin niyo."

Naglalaro kasi sila ng board game. Silang lahat, tinuro si Rayne.

"'La! Grabe! Ba't ako na naman?!"

Nagulat ako nang nagsalita siya. Yung tipong sobrang lapit na niya sa mga kaibigan ko? Natural, gago ba ko? Halos pitong taon akong di nagparamdam, natural lang na magiging malapit siya sa mga malapit kay Zeus.

Pero di ko alam.

Bakit naiinis ako?

Bakit parang di ko matanggap na may babaeng tulad niya?

Noong gabing 'yon, wala akong kwinento bukod sa may trabaho na ako at sinasabay ko yung MA ko. Wala akong kwinento tungkol sa kahit sinong babaeng dumating sa buhay ko.

Sila? Wala, nag-usap lang tungkol sa basketball at politics ulit.

Ako?

Nagtataka ako. Di ako makapaniwala. May gusto ako patunayan.

Ewan. Tangina ng mga iniisip ko.

Di ko matanggal yung mga iniisip ko hanggang sa mga susunod na araw. Kahit sa trabaho, dala-dala ko 'yon.

Inikot ko yung upuan ko dahil pumasok yung boss namin. Nanlaki bigla yung mata ko.

"Meet the newest member of our team, si Rayne," ngiti ni boss. "Jess!"

"Yes ma'am?" sagot nung officemate ko.

"Ikaw muna bahala kay Rayne."

"Sure Ma'am." Tumayo si Jess. Nakita ko siyang nakipagshake hands tapos may sinasabi siya na di ko marinig. Nakita ko din siya na palipat-lipat ng table para ipakilala yung officemates namin. Di naman kami close, pero ewan, parang awkward lang.

"At ito⁠—"

"Sun?"

Ngumiti lang ako.

"Magkakilala kayo?"

"Magkakilala lang," sabi ko. "Welcome dito."

"Uy," tukso ni Jess. "Destiny!"

"Ay, no," umiling 'tong si Rayne. "Taken ako."

"Sabi nga nila, mas madaling hulihin ang manok pag nakatali."

"Oy kung ano ano pinagsasasabi mo. Kaibigan ko 'yon."

"Fine, fine. O tara, dito tayo."

Pinakilala ni Jess si Rayne sa iba pang officemates namin. Yung table niya, nasa tapat ko. Transparent yung mga harang kaya kita ko pa rin siya.

Di naman kami masyado nag-uusap sa office, pero nagbabatian naman kami. Kapag lunch, ang kasama niya si Jess. Di ko tuloy maisip kapag sa susunod na kitaan namin ng tropa tapos kasama siya. Parang ang awkward lang non.

Dumaan ang buwan. Medyo nagiging friendly na rin si Rayne sa office.


Umalis ako sa bahay na maaraw. Maya-maya, biglang umulan. Ang labo kasi sabay na umaaraw tapos umuulan.

Buti di pa ako makakalaro kaya bumalik pa ako sa bahay para kumuha ng payong, tapos umalis ulit ako.


Noong lunch, tatayo na sana ako nang bigla kong nakita si Rayne, medyo nahihilo. May kausap siya sa telepono, tapos bigla niya akong tiningnan.

"Uhm, Sun . . ." bigla niyang sabi. "Kausapin ka daw ni Zeus."

Ha?

Kinuha ko yung telepono, "hello?"

"Sun, pabor naman."

"Bakit?"

As expected ko Kay Zeus. Hindi siya mangingialam sa buhay ng ibang buhay. Ni di nga niya kinamusta na officemates pala kami nitong si Rayne.

"Pahatid naman si Rayne sa bahay."

"Ha?"

"Tigas ng ulo eh. Kapain mo."

Noong kakapain ko na sana yung noo niya, gulat ako nang bigla niyang pinalo kamay ko. Unang beses siguro na nangyari 'yon.

"Oy, may sakit ka?"

Nakasimangot si Rayne. Yung parang cute na baby na nakalimutan subuan ng Gerber.

"Hello," bumalik ako sa phone. "Ako na bahala dito."

Nag thank you si Zeus tapos binigay ko na yung phone niya sa kanya.

"Kaya ko pa . . . Promise."

"Hindi, sabi ng mga mata mo."

"Kaya ko⁠—"

Kinapa ko yung noo niya. Sobrang init niya.

"Oy, ano ka ba. Ang init mo."

"Please, Sun? Wag mo sabihin may Zeus . . . Ayoko magkaroon ng absent . . ."

"Iyon lang dahilan mo?"

"Sayang yung perfect attendance."

"Halika na."

"Please?"

Halatang halata sa kanya yung sakit niya. Tiningnan ko si Jess na nakatingin din sa 'kin.

"Ang kulit niya eh. Ayaw din magpasabi kay boss."

Bumuntong hininga ako. Ano ba 'tong babaeng 'to? Workaholic?

"O sige," tumingin ako kay Rayne. "Basta kapag hindi mo na kaya, sabihan mo ko. Lagot ako kay Zeus nito eh."

Ngumiti siya, yung ngiting pagod na ewan.

Eksaktong alas singko, tumayo ako. Napatingin ako kay Rayne na nakatulog na. Kinapa ko yung noo, halos mapaso ako.

"Halika na, mag timeout na tayo."

"Sorry ah . . ."

"Magsorry ka sa sarili mo."

Ako na nagbuhat ng bag niya kahit sinabi niyang siya na lang daw. Gusto ko na nga buhatin, pero kaya daw niya maglakad. Kaya niya pero nakahawak sa braso ko.

Pumasok kami sa kotse. Doon siya sa lumikod pwumesto at humiga. Teka, saan ko 'to ihahatid? Ang bobo ko, di ko man lang naitanong.

Sinubukan kong tawagan si Zeus pero di sumasagot. Wala akong choice kundi kalabitin 'tong may sakit.

"Uh . . . Rayne . . ."

"Mmm?"

"Di ko pala alam kung taga saan ka."

Natawa siya bigla. Yung tawa na halos hinga lang pero alam mong tawa pa rin? Di lang niya kaya tumawa dahil may sakit.

"Sige, tuturo ko sa'yo."

Gulat ako nang bigla siyang umupo sa harap pero di niya binuksan yung pinto. Yung lumundag lang talaga siya mula sa likod papunta sa harap.

Seryoso ba 'tong babaeng 'to?

Traffic nang onti dahil umulan kahit umaraw naman. Alam naman nating lahat sa Pinas, just add water, add an hour din sa original byahe time.

Hindi makapasok yung sasakyan ko sa iskinita kaya pinark ko na lang

"Di naman kailangan."

"Lagot ako kay Zeus."

"Hindi naman niya malalaman."

"Karga ng konsensiya ko na pinag stay kita hanggang five, tapos di ko pa masisiguradong buhay ka hanggang sa bahay niyo."

Pinilit ko na ako na magbubuhat ng backpack niya kahit ayaw niya. Kaya daw niya, pero pinilit ko pa rin.

Nag doorbell siya sa kanila, pero walang sumasagot. Hinahagilap niya yung susi sa bag niya pero di niya makita. Maya-maya, bigla siyang napaupo.

"Uy! Basa o!"

"S⁠—sorry Sun . . . Di ko na talaga kaya . . . Andiyan yung susi . . . Shit . . ."

"Dalhin na ba kita sa ospital? Ano ba?"

"No . . . Kaya ko 'to, pahinga lang . . ."

Mabilis kong hinagilap yung susi sa bag. Para siyang buhay na thermos dahil ramdam yung init. Ako din yung nagbukas ng pinto ng bahay nila mismo.

Pagpasok ng bahay nila, umupo siya agad sa sofa. Umupo din ako.

"Gusto mo ng juice o⁠—"

"Di na. Anong oras sila dadating?"

"Bakit?"

"Para sure akong okay ka."

Ngumiti siya, "sweet mo naman."

Sweet? Natatawa ako. Unang beses ko 'atang masabihan 'non.

"Ano ngang oras?"

"Siguro mga 8."

Tiningnan ko yung oras. 7:43 naman na. Hindi naman siguro bawas sa oras yung maghintay ako saglit.

"Saglit lang ah."

Para siyang zombie. Pumasok siya sa isang kwarto tapos paglabas, naka pajama na siya na may jacket na may dalang kumot. Tinanggal na rin niya yung suot niyang salamin. Meron din siyang face towel na dala na binasa niya. Humiga siya doon sa mahabang sofa nila tapos nilagay yung face towel na basa sa noo niya.

"Okay na talaga ako."

"Tanga lang maniniwala."

"Eh hihintayin mo pa sina mama at papa? Ano sasabihin nila na nag papasok ako ng lalaki na di nila kilala?"

"Wala akong ginagawang masama. Ipapaliwanag ko lang na karga ng konsensiya ko pag iniwan kitang ganyan."

"Sorry ah. Idlip lang ako . . ."

Sumandal ako sa sofa at binuksan na lang yung cell phone ko. Ayoko naman istorbohin si Rayne para lang hingin yung WiFi password kaya nag music na lang ako.

8:12 pm. Wala pa rin yung mga magulang niya.

Biglang nahulog yung face towel sa may noo niya. Di naman siya nalingat.

Tumayo ako at kinuha yung towel. Binasa ko sa may kusina nila, piniga, tapos pumunta ulit ako sa kanya.

Nilagay ko yung face towel sa noo niya.

Di ko alam.

Di ko alam kung ba't ako napapatitig sa kanya.

Hinawi ko yung buhok niya.

Shit, anong ginagawa ko?

Napatayo ako bigla at tumalikod. Bumalik ako sa may sofa kung saan ako nakaupo kanina. Di ko alam kung bakit naghahalo-halo yung laman ng tiyan ko.

Gusto ko 'ata masuka.

Dumating na yung mga magulang ni Rayne. Nagulat sila pagkakita sa kin, at ako naman, todo paliwanag ng mga intensiyon ko. Pagkatapos nilang magpasalamat sa 'kin, umalis na ako.

Inumpisa ko na yung makina. Di ko alam kung bakit ganito . . .

Hindi pumasok si Rayne kinabukasan. Pero pagkapasok niya, ako ang unang nangamusta.

"Okay lang naman," ngumiti siya. "Thank you pala."

"Wala 'yon. Malakas si Zeus sa kin eh."

"Eh ako, hindi?"

Ngumiti ako at nilagay yung kanang kamay ko sa may ulo niya, "sobra."

Tapos bumalik ako sa upuan ko.

Nasusuka na naman yata ako.

Pumunta ako sa banyo para tingnan kung nasusuka nga ako, pero hindi naman. Paglabas ko ng banyo, andon si Jess. Palakad lang din 'ata papuntang banyo.

"Nakita ko 'yon."

Napatigil ako. "Alin?"

"Wag mo na ituloy. Masasaktan ka lang."

"Bahala ka diyan."

"Ako kaya si kupido. Minsan, isa nga lang natatamaan ko."

Iyon yung huli kong narinig sa kanya bago siya pumasok ng banyo. Bumalik ako sa trabaho.

Araw-araw, napapansin kong pag napapatingin ako kay Rayne, para akong nasusuka.

Napaisip tuloy ako, walang tulad niya. Masyadong impusible.

Zeus, sorry, iyon yung nasa isip ko.

Kinabukasan, may dala akong lugaw. Nilagay ko sa ibabaw ng table ni Rayne na may note: Ayoko nang ihatid ka kaya kailangan mong kumain at wag mag overwork. Chill lang kasi, Ms. Workaholic.

Huling-huli ko yung ngiti ni Rayne nang makita niya yung lugaw. Nag lipsync siya ng "thank you" tapos nagtrabaho na.

Pagdating ng lunch, nakita ko siya sa may harap ko, "tara?" Nakangiti siyang nagtatanong.

"Tara saan?"

"Lunch! Libre kita."

"Weh?"

"Oo, para sa gas at sa lugaw."

Sumama kami sa mga kasama naming kumain. At oo, nilibre niya ako ng lunch. Ang sama ng tingin sa 'kin ni Jess, di ko alam kung bakit

Simula noon, araw-araw na kaming magkasama mag lunch.

Araw-araw kaming nagkwekwentuhan mula sa mga katangahan ni Zeus hanggang sa katangahan ko sa babae.

Araw-araw kaming nagtutulungan sa mga Excel files na kailangan ipasa kay boss at araw-araw din naming inaaway si Jess.

Araw-araw ko siyang pinagmamasdan at sinasamahan sa mga trip niya kapag wala silang date ni Zeus. Ako nga yung kasama niya magpagupit at magpakulay ng buhok eh.

Araw-araw ko siyang binibitag sa mga matatamis na salita. Pero, ako 'ata yung nabibitag kada pinapalo niya ko sa braso tapos tatawa lang siya.

Araw-araw akong nagtataka na hindi ko alam kung anong mali ang ginagawa ko. Na ganito ko rin nakuha yung iba, pero bawat sabi ko, biro lang sa kanya.

Araw-araw akong pinaparusahan ng ngiti niya.

Umabot nga ng Pasko eh.

Naghahanda kami para sa Christmas party. Wala, normal na gift exchange, tapos videoke na may inuman. Isa lang ininom ko dahil magdridrive ako. Itong si Rayne, Yung isang bote niya ng T-ice, naging tatlo. Hilong-hilo na siya tapos kung ano-ano na pinagsasasabi. Inabot na kami ng ala-una ng umaga.

"Rayne," sabi ko sa kanya. "Hatid na kita."

"Bakit?"

"Uwian na."

"Ay, oo nga pala. Hindi, kaya ko."

"Lasing na 'to oh."

"Hilo lang."

"Lasing nga."

"Hatid mo ko?"

"Oo nga."

Sinamahan ni Jess si Rayne papunta sa kotse ko. Pagsarado ng pinto sa harap, pinuntahan ako ni Jess.

"Tigilan mo na kaya," bigla niyang kompronta sa 'kin na ikinagulat ko naman.

"Ha?"

"Di ba kaibigan mo boyfriend nito?"

"O, kaya nga ihahatid ko siya di ba?"

"Sun, iba 'ata nakikita ko. Isang taon na kitang kasama sa office, ngayon ka lang 'ata naging ganyan."

"Aling naging ganito?"

"Naging masaya."

Nasusuka na naman ako.

"Kung iniisip mong trip ko si Rayne, hindi, okay?"

"Nagsisigurado lang. Medyo halata eh."

"Na?"

"May gusto ka sa kanya."

"Malisyosa lang kayo."

"Eh sige na, mas mabuti ngang mali ako di ba? Usually, 99% tama instinct ko."

"Ako yung 1%."

"Naglalaway na yung pasahero mo."

Tiningnan ko si Rayne. Nakanganga na.

"Ge, ingat."

"Ikaw?"

"Susunduin ako ni boyfie dito. Gusto ko lang magsigurado."

"Sabi mo eh. Ingat ah."

Nag drive na ako. Dahil ala-una, wala pang thirty minutes, andon na ako sa bahay nila.

Gigisingin ko na sana siya nang bigla siyang humilik.

Natawa ako.

Napatingin ako sa kanya. Yung buhok niyang may berdeng highlights na nakalaylay lang sa mukha niya, yung bibig niya na medyo nakanganga, yung tainga niya na parang pang dwende, yung maliliit niyang mga pilik mata na sumasangga sa lente ng salamin niya . . .

Bakit gano'n?

Nasusuka na naman ako.

"Bakit . . . Bakit kasi di mo ko nakilala bago siya?"

Tumingin ulit ako sa kanya.

Bakit ikaw pa?

Nag-umpisa lang sa simpleng pagtataka, papunta sa simpleng paghamon sa kanya na baka katulad din siya ng ibang babaeng nakasama ko. Pero hindi eh. Sa bawat araw na pinapatunayan niyang iba siya . . .

Pinapatunayan din niyang siya talaga yung babaeng gusto ko.

Narinig ko siyang nag-unat.

"Hala, andito na pala tayo," bigla niyang sabi habang humikab. "Sorry, hinatid mo pa ko."

"Wala 'yon. Lagot ako kay Zeus pag di ko siniguradong safe ka."

"Wushu! Oy, Ingat sa pagdrive."

"Yes, boss."

Sinara na niya yung pinto. Ako? Pinagmamasdan ko lang siya pumasok sa pinto.

Desidido ako.

Sa susunod na araw ng pasok, mas nauna siya sa 'kin. May dala akong dalawang kape, at nilagay ko sa mesa niya yung isa.

"Uy, wow, para saan 'to?"

"Wala lang, mukhang inaantok ka eh."

"Nalaman mong inaantok si Rayne habang bumibili ka niyan?" Hindi nakatingin sa kin si Jess noong sinasabi niya 'yon.

"Mukha kasi siya laging inaantok."

"Ginamit ko lang yung discount pag nag order ng dalawa. Sayang eh."

"Eh ba't di mo sa 'kin binigay?"

"Wala lang. Gusto ko lang ibigay kay Rayne."

"Hala, eh bakit," tanong ni Rayne kay Jess. "Gusto mo ba?"

"Ay hindi. Joke lang. Actually tinext ko si Sun na ilibre ka naman ng kape. Mukha ka na kasing haggard."

"Hala weh?!" Kinuha ni Rayne yung salamin sabay tiningnan sarili niya, "seryoso?!"

"Hindi ah, mas gumaganda ka nga eh."

Narinig 'ata 'yon ng mga kaopisina ko kaya tinukso kami. Natatawa lang kaming dalawa. Sa loob-loob ko, iniisip ko, ano kayang iniisip niya?

Lalo lang lumala tuloy.

At kapag sinabi kong malala, malala.

Oo, gusto ko siyang agawin.

Wala na ako sa katinuan, oo. Na sa tuwing nagkwekwento siya tungkol kay Zeus, di ko mapigilang umalis para di ko marinig. Na sa lahat ng pagkakataon, kung kaya at makahanap ako ng tiyansa, ipaparamdam ko: gusto ko siya at gusto ko siyang maging akin.

Nagplano ako: summer. May outing yung buong office sa beach.


Umalis ako sa bahay na maaraw. Maya-maya, biglang umulan. Ang labo kasi sabay na umaaraw tapos umuulan.

Nabasa ako ng kaunti dahil tinamad akong kunin yung payong. Pero kaunti lang naman. May mga mga silong naman.


Noong nasa van, sinadya kong dumikit sa kanya, pero nakadikit din si Jess sa kanya. Habang pabyahe, nakita ko siya, text nang text o chat 'ata nang chat. Kinuha ko yung phone niya.

"Uy!"

"Outing nga eh tas phone ka nang phone."

"Si Zeus kasi 'yan."

"Direk," tinawag ko yung director namin na nasa unahan ng van. Kaming mga "bata" yung kasama niya. "Di ba usapan po bawal phone."

"Bakit may nagphophone?" Pabiro na pasungit na tanong ni boss. "Unless emergency yan ah. Emergency ba yan?"

"Hindi po," sagot naman niya.

"Dagdagan yan ng trabaho."

"Ma'am!"

"Pwede lang mag phone, anong oras yung usapan?"

"6 po direk," sabi nung isa naming officemate.

Natatawa kami sa reaksiyon niya.

"Sumbungero 'to oh," natatawa niyang sabi pagkapalo niya sa braso ko. Maya-maya, nilagay niya yung phone niya sa tainga niya.

"Hello, love⁠—"

Si Zeus pala.

"I'll text ulit ng 6. Bawal daw phone eh . . . Oo . . . Sabi ni ma'am eh . . . Uhm . . . Okay lang . . . Don't worry andito naman si Sun . . . Opo . . . Opo . . . Sige . . . I love you too . . . Bye . . . Bye . . . Sige na . . . Opo . . . Mag-iiingat . ..  Ikaw din, love, ha? Love you . . . Opo . . . Bye . . . Love you . . ."

Tapos binigay na niya yung phone niya sa kin.

"O ayan ah. All yours."

"Alin?"

"Yang phone ko."

"Ah, akala ko Ikaw."

Nagtawanan yung officemates namin, pati siya, maliban kay Jess.

Nagteam building, kainan, at videoke yung buong office. Pagdating ng 6pm, kanya-kanyang kuha ng phone. Nga lang, walang gano'ng signal.

Hinanda na yung pulutan, pati yung mga inumin. Mas maganda sana bon fire, kaso ayaw naman ng mga matatanda. Nagvivideoke lang kami, at inom. Siya, nakatitig lang sa phone. Kada shot, titingin siya ulit. Maya-maya, umalis siya, nakalapat ulit yung tainga niya sa phone. Susundan ko sana, kaso inaya ako ni Jess bumili ng chips.

Pagdating namin sa tindahan na ginto 'ata yung benta, bumili kami ng tatlong T-ice kasi nagpabili si Ms. Cheche, isang officemate namin, at mga limang chips na malalaki. Papunta na kaming cashier nang bigla niya akong binato ng chips.

"Praprangkahin na kita ah," na may kasamang irap. "Gago ka ba?"

"Oo."

"Ano ka ba naman, Sun! Eh di ba tropa mo pa boyfriend non?"

"Alam ko. Kaya nga alam kong gago ako eh," Binigay ko yung pera doon sa kahera tapos saka ko naisipan na kumuha ng dalawang light.

"Para saan 'to?"

"Solong inom."

Pagkakuha na pagkakuha namin nung mga binili namin, tumambay muna kami doon sa mga mesa sa labas. Binuksan ko na din yung dalawang light saka niya nilabas yung kanina pa niyang gusto itanong.

"Ano ba, paano ba nag-umpisa?"

"Baka itakwil mo ko."

"Dali na."

"Eh ano," sabay lagok. "Ang tagal na kasi nila. Mag wawalong taon na sila di ba?"

"O tapos?"

"Lahat ng babaeng nakilala ko, kung hindi makakakita ng iba, onting salita lang, kuha na agad."

"In short, nagtataka ka dahil hindi gano'n si Rayne?"

"Sabihin nating gano'n."

"Kaya dinadaan mo siya sa mga salita at pag gaganyan-ganyan mo?"

"Oo na."

"Alam mo, ayokong dumami tikbalang sa mundo."

"Anong pinagsasasabi mo diyan?"

"Wala, di mo ko magegets. O, tapos? Nahulog ba siya sa'yo?"

Natahimik ako.

"Hindi eh," bumuntong hininga ako kasabay ng malamig na hangin na sumalubong sa mukha ko. "Ako yung nahulog."

Katahimikan.

Inubos lang namin ni Jess yung light saka ko siya inaya umalis. Naglalakad kami ni Jess habang tinatanong niya kung paano nag-umpisa talaga. Biniro ko pa nga na dahil sa kanya 'yon, noong first day na tinukso niya kami.

Pagbalik namin doon, wala pa si Rayne. Tumingin ako sa paligid, pero wala siya.

Nagsabi akong mag babanyo ako pero ang totoo, hinanap ko siya. Hindi naman siya mahirap hanapin, o siguro madali ko lang talaga siya nahanap. Andon siya sa may buhangin, nakaupo, nakatingin lang sa taas.

"Oy, anong ginagawa mo di—" tapos doon ko napansin na parang kagagaling lang niya sa iyak.

"Ah, wala 'to."

"Pwede kang magsabi."

"Ayoko din. Okay lang naman ako, balik ka na 'don."

"Dito ka lang?"

"Siguro. Kalmahin ko lang sarili ko."

Naglakad ako pabalik. Uupo na sana ako nang nakita ko na di pa nagagalaw yung plastic ng Tanduay ice. Hinanap ko si Ms. Cheche, tapos nang tinanong ko, tulog na daw. Kinuha ko na lang yung plastic, nangako sa sarili ko na babayaran ko na lang si Ms. Cheche bukas.

Bumalik ako kung nasaan si Rayne. At iyon, andon pa siya.

"O, sabi ko bumalik ka na don eh," sabi niya pagkakita niya sa kin, habang ako naman paupo sa tabi niya. "Ano yang dala mo?"

"Di nga," tapos binuksan ko yung bote gamit yung ngipin ko. "Pwede ka naman magsabi."

"Woah tibay ng ngipin ah!"

"Sanay lang."

"Lagi ka bang umiinom?"

"Occasionally lang. O dali, ano ba nangyari?"

Kinuha niya yung isang T-ice na hawak ko. "Wala. Malungkot lang ako."

"Ba't naman? Nag-away ba kayo?"

"Porke ba malungkot nag-away na kami agad?"

"Eh ano nga. Pwede naman magsabi. Masarap magkwento sa ganito."

"Oo nga eh," tapos lumagok siya. "Wala. Alam mo yung, ang sarap ng buhangin tapos ang sarap pakinggan ng dagat?"

"O?"

"Tapos ang ganda lang ng langit? Tapos maiiyak ka na lang kung gaano ka kaliit sa universe na 'to?"

Pagkasabi niya 'non, bigla siyang kuminang. Yung parang abot yung liwanang ng apoy mula sa kabilang bonfire sa may mukha niya kaya siya lalong lumiwanag. Namumula yung ilong niya, kumikinang yung mga mata niya, sabayan mo pa ng mga sinasabi niya na parang lalo kong gusto ungkatin kung ano mang iniisip niya ngayon.

"Minsan," sabi ko. "Tipong bakit ba kasi natin 'to ginagawa eh mamamatay rin naman tayo."

"Exactly."

Tapos tumawa kami pareho.

Di ko mapigilang titigan si Rayne habang sa bawat lagok niya, napapakwento siya ng mga bagay-bagay na hindi kinukwento sa 'kin ng ibang tao. Akala ko, nakwento na niya sa 'kin lahat kapag magkakasama kami nina Jess, pero ito, may bago na naman siyang kinukwento.

"Alam mo yung," sabi niya, papikit-pikit, nakalahati na yung pangalawa niyang bote. "Yung parehong magulang mo, with honors nung college? Tapos ineexpect ng buong sanlibutan na gano'n ka rin? Pero hindi? Tapos nagtataka na mga kamag-anak mo na baka ampon ka lang? Ang gago diba? Ang gago, gago."

"Hoy, lasing ka na ba?"

"Oo, lasing na 'ata ako. Lasing na si Rayne. Magpapaulan ako ng alak."

"Halika na bago ka pa magcollapse—"

"Ano na lang sasabihin ng mga tao sa 'kin? Si Rayne, nalasing sa dalawang T-ice? Ayoko nga!"

"May nalalasing sa isa lang. Gano'n talaga 'yon."

"Ayoko. Punyetang expectation 'yan. Di ba pwedeng maging normal lang din ako?"

"Pwede naman—"

"Tapos yung mga mas bobo pa sa'yo nung high school ang saya saya na nila ngayon? Pa-beach beach na sila. Yung iba nasa Korea na pa-gala gala na lang. Travel goals mga gago. Team leader na sila ng company. Tapos ang ganda ganda na rin nung mas shunga pa sa'yo nung elementary." Tumingin siya sa langit tapos sumigaw, saka siya yumuko para umiyak. "Tangina, ba't gano'n?"

Alam kong dapat ko i-tama yung sinabi niya, at alam kong dapat ko rin siya patahanin, pero natawa ako sa pagka-brutal na pagsabi niya ng totoong nararamdaman niya, "Kapag lasing ka, gago ka no?"

"Hala siya," na may diin sa "a" nung siya na alam mong may tama na siya. Umangat siya, na may namumulang ilong at mata, pati gulo-gulo na buhok. Di na rin masyadong pantay yung salamin niya. "Ang sama ko no? Mukha lang akong mabait, pero yung totoo, ang dilim dilim ng loob ko. Puno ako ng inse-fucking-curity."

"Hoy, ano yan?" Pinigilan ko siyang kunin pa niya yung isa pang T-ice. "Tama na."

"Pati ba naman ikaw?"

"Ha?"

"Si Zeus, kapag nagkwekwento ako nang ganito, pinapatahan niya ako. Eh ayoko tumahan. Gusto ko umiyak nang umiyak nang ngumawa nang ngumawa hanggang sa makatulog ako. Gano'n, gano'n yung gusto ko. Isa pa . . . Sayang kaya yung dramatic scene."

Natawa ako lalo sa kanya kung paano niya ako kinindatan pagkasabi niya na sayang daw yung eksena.

Lasing na 'to.

Kung ano-ano pang sinasabi niya. Hinahayaan ko siyang magsalita, habang ako, nakikinig nang tahimik at tinititigan bawat pagtulo ng luha niya, bawat pagbuka ng bibig niya, bawat paghawi niya sa buhok niya.

Ako 'ata ang nalalasing sa kanya.

"Nakakapagod mabuhay," tinaas niya yung paubos na T-ice. "Nakakapagod ang expectations, ang pag-iisip sa future, ang lahat!"

"Nakakapagod nga."

"Diba?"

Nasusuka ako.

Eto na 'ata.

Lumagok ako.

Masusuka na nga 'ata ako.

"Yung mahalin ka, kahit may iba kang mahal."

Ayan na.

Wala na.

"Nakakapagod, pero masayang mahalin ka."

Sumuka na talaga ako.

Hindi kami nagkatinginan pagkasabi ko 'non. Pero alam kong nakapikit lang siya. Tuloy-tuloy lang yung alon, pati yung tawanan ng kung sino-sino sa paligid.

Pero kahit may ingay, parang wala akong naririnig. Yung paglagok ko lang at yung pagmumura ko sa loob loob ko.

Wag niya sana akong itulak. Lumapit ako sa kanya.

Nilagay ko yung ulo niya sa may balikat ko. Hinayaan niya ako.

Trenta minuto na ang nakalipas. Pero wala sa aming gumagalaw.

Wala siyang sinasabi. Bigla lang siyang pumikit.

Hinalikan ko siya sa noo. Ang sarap sa pakiramdam.

Hinaplos ko yung pisngi niya. Hindi ko mapigilan.

Ginalaw niya yung mga labi niya. Gusto kong ilapat yung akin sa kanya.

Akala ko, pwede. Pero napatigil ako.

"Sun," bigla niyang sinabi. "Sinabi mo bang mahal mo ko?"

Napatigil ako.

Natawa.

Tangina 'yan.

"Ano ka ba," lumagok ako. "Nananaginip ka na ba?"

"Shet, sa sobrang tipsy ko 'ata parang kung ano-ano na naririnig ko."

"Sumbong kita kay Zeus eh. Kung ano-ano na naririnig mo."

"Baka si Zeus yung narinig ko. Miss ko na siya eh."

Sakit.

"Baka nga."

Hinaplos ko yung buhok niya, "Tara, balik na tayo."

Tinulungan ko siya tumayo at hinayaan siyang maglakad. Halos malapit na kami nang naramdaman ko yung mahina niyang tulak.

"Thank you."

"Para sa?"

"Alam mo na 'yon."

Sa alak?

Sa oras?

Sa pakikinig?

Sa pagmamahal?

Hindi ko alam kung saan siya napapasalamat, pero tinanggap ko na lang.

Pagbalik namin, dumiretso ako sa kwarto. Sabi ko, kailangan ko mag-CR.

Pero pagharap na pagharap ko sa salamin, napasuntok ako sa pader.

Alam kong tiyansa ko na yung kanina, pero di ko alam kung bakit di ko tinuloy. Siguro, isa 'to sa mga desisyon ko sa buhay na malamang, hahabulin ako nang paulit-ulit na: paano nga kaya kung . . .

Ang mas mahiwaga siguro, lalo ko lang siyang gustong makuha—kahit alam kong hindi ko 'yon magagawa.

Pero puta, kahit kampante ako na kakaiba siya sa mga babaeng nakilala ko . . .

Ang sakit pa rin eh.

Natapos ang araw na 'yon nang normal. Umuwi kami, natulog, nagmuni-muni. Habang ako, paikot-ikot ako sa kama, napapatanong ng maraming bakit.

Okay naman lahat. Walang nagbago dahil ako pa rin lang ang nakakalam kung ano talagang nangyari. Pero kahit na gano'n, gusto ko pa rin siya makita. Na basta, andiyan lang siya—isang taong minamahal ko pero hindi ko makukuha.

Di ko ba alam.

Siguro ilang linggo matapos noon, nakita ko sa group namin na may message. Nagyayaya si Zeus ng kitaan. Nabigla kaming lahat, dahil hindi naman siya yung tipo ng tao na magyayaya. Sabi ko pwede ako, at okay din naman lahat.

Napaisip ako kung kasama si Rayne. Nahihiya akong itanong sa kanya, at isa pa, eh di kung kasama siya, eh di kasama siya.


Umalis ako sa bahay na maaraw. Maya-maya, biglang umulan. Ang labo kasi sabay na umaaraw tapos umuulan.

Eh takte, wala akong payong. Mukha naman kasing mataas yung araw pero biglang umulan. Pagdating ko doon, basa ako. Nagpalit na lang ako ng damit na pinahiram sa kin ni Derek.


Andon na lahat, at iyon nga, andon si Rayne. Bumati pa nga siya sa 'kin ng "oh, long time no see!"

Tumawa na lang ako kahit ang gusto kong sabihin, bakit mahal pa rin kita?

Nag cards kami, nag laro—gano'n lang ulit tulad ng dati.

"May sasabihin pala ako," biglang tumayo si Zeus.

Tapos pinakita yung kanang palsingsingan niya. May singsing.

Napasigaw silang lahat.

Napatingin ako kay Rayne.

Nasusuka ako.

Niyakap ko si Zeus, nag congrats. Kasama ako sa mga nanghagis ng kung ano-ano sa kanya. Hirap pala ano? Yung nakikisama ka sa saya pero sa loob loob mo, mamamatay ka na.

Nagkatinginan kami ni Rayne. Ngumiti pa siya sa 'kin.

Puta naman.

Siya lang ang nakakaalam sa kwarto na 'to kung ano talaga ang nararamdaman ko—na masakit, na sobrang sakit.

Hindi ko alam kung paano ko ininda yung sakit na 'yon noong gabing 'yon. At yung sakit sa araw-araw pagkatapos noon. Hindi ko alam kung paano ko nakayanang magpanggap na wala na akong nararamdaman.

Pagkauwi ko, natulog lang ako. Halos alas onse na ng gabi na ako nakapagonline. Nakita ko yung berdeng bilog sa tapat ng pangalan niya.


Sun: Rayne?

Seen 11:11pm.

Rayne: Yo!


Tama yung narinig mo. Mahal kita.

Yan yung tinype ko. Tinitigan ko nang mabuti.

Binura ko.


Sun: Di pa kita nacocongrats. Congrats sa inyo.

Rayne: Thank you! Oy ah. Ninong ka.


Napatitig ako. Sana may mahulog na bulalakaw sa taas para tamaan na lang ako. Di ko alam kung paano sasagot.


Sun: Siyempre. Ikaw pa?

Seen 11:23pm


Hindi na siya sumagot pagkatapos.

Ilang buwan ako nagsinungaling sa sarili ko at sa kanya. Na okay lang, na nakakangiti pa ako. Pinilit ko idaan sa alak, sa mga babaeng pinapakilala lang nila sa 'kin . . .

Pero sa kanya talaga ako babalik.

Hinintay ko na lang yung araw na 'yon na dumating. Napapaisip ako, dahil sa loob-loob ako, alam kong may katiting na saya—saya at kampante na hindi siya tulad ng iba.

At kung ano man yung naramdaman ko at nararamdaman ko para sa kanya, hindi ko pagsisisihan.

Napaisip tuloy ako. O siguro ako lang—baka ako lang yung ganito.

Nagising ako nang mas maaga noong araw na 'yon. Umaaraw tapos umuulan.

Siguro nga. Ang araw at ang ulan, di 'ata tugmang magkasama, malabo pag nangyayari; minsanan lang. Pero alam mo na kapag nangyayari 'yon, may espesyal na nagaganap.

Hinintay ko hanggang sa tumigil ang ulan.

At sa takdang oras . . .


Umalis ako sa bahay na maaraw.

Continue Reading

You'll Also Like

4.2M 252K 96
(FHS #5) Silverianne Villafranca only wanted one thing when she came to Filimon Heights - freedom. However, she got more than what she bargained for...
15.8K 932 71
In Lieu Series #4 "Ano 'to?! Ang tamis pero ang asim?!"
99.7K 2K 23
She was different from the others She was too powerful And She was the mate of the Emperor
1.1K 315 21
Si Angge na mahilig sumulat ng iba't ibang tema ng tula. Ito ay lipos sa emosyon at mga karanasan na hango sa buhay ng mga tao. Mga hinain na pinalal...