More than friends, Less than...

By ardnahc_february

264 6 4

paano kung kailangan mong lumayo sa iyong problema at kailangan mong hanapin ulit ang iyong sarili sa iyong n... More

More than friends, Less than lovers

264 6 4
By ardnahc_february

More than friends,

Less than lovers

“When we look up in the sky,

we are trying to find the way back to ourselves..

-Jostein Gaardner

Sophie’s World

Naalimpungatan ako ng magising dahil sa traffic. Hindi lang pala Maynila ang may gantong traffic. Kahit nasa bus ako naiinip pa din ako. Gulat naman ako, nasa Muñoz na pala. Tumayo na ako at pumwesto sa bandang harapan ng bus, naghahanda nang bumaba.

Ambagal pa din umandar. Anu ba naman yan. Naiinip na talaga ako. Napaihip ako at bahagya namang nilipad ang buhok ko sa harap ng mukha ko. Naiinip na talaga ako kaya bumaba na ako. Lalakarin ko na lang siguro.

Bumaba na ako sa Bantug kahit sa CLSU pa naman talaga ako bababa. Nang makababa na ako, noon ko lang nakita na mayroon palang patay? Galing ata sa loob ng CLSU. Ang daming tao. Daming kaibigan netong namatay. Sino kaya yun? Ano kayang ikinamatay? Karamihan sa mga nasa prusisyon ay mga kabataan at estudyante, dahil yung iba mga naka-uniform pa. Siguro bata pa yung namatay. Andami nyang kaibigan. Andaming nakikiramay ooh! Pag ako kaya ang namatay? Ewan ko lang kung may pupunta.

Napabuntong hininga na lang ako at naglakad na lang papuntang main gate. Mula ngayon isa na akong opisyal na estudyante ng CLSU. Hindi bilang 1st year college kundi isang transferee mula sa ibang eskwelahan. Kung bakit ako nagtransfer? Hindi na mahalaga yon dahil ang mahalaga ngayon ay andito na ako sa CLSU.

Nakakapagod ang byahe para sa iba, pero para sa akin paglalakbay ang pinakamasarap na gawin sa lahat. Gustong gusto kong bumabyahe kahit saan lang. Basta hindi ako mapakali kung hindi ako babyahe at aalis. Ayos lang sa akin kahit na wala akong kilala sa lugar na pupuntahan ko basta bagong lugar game akong pumunta. Kaya nga ang una kong kurso ay Community Development, para kahit saan ako ipatapon. Isa pa, marunong akong makisama. Hindi maarte kung anong merong pagkain kakainin ko. Sanay na ako, kasi sa dati kong eskwelahan ay madalas kaming makipamuhay sa komunidad. Tribo man o urban poor, pwede ring sa magsasaka o di kaya sa mga mangingisda. Pinaka gusto ko noong makipamuhay kami sa mga batang kalye.

Pero ngayon, nagpunta akong CLSU hindi para makipamuhay lang at mag-organisa kundi para hanapin ang sarili ko. Tama, hahanapin ko ang sarili ko sa dati kong bayan. Dito ako ipinanganak sa Muñoz at dito rin ako lumaki. Sampung taong gulang ako ng lumipat kami sa Maynila at lisanin ang Muñoz. Sa Muñoz Elementary School ako noon nag-aral at madalas kaming pumunta dito sa CLSU ng mga kaklase ko noon. Dito ako unang nagkaroon ng mga kaibigan at nakilala ang unang hinahangaan. Dito ako nahilig sa musika at dito rin gumawa ng maraming kalokohan noong bata pa.

At ngayon nga na makalipas ang sampung taon bumalik ako dito para hanapin ang kalahati ng buhay ko. Mali ka, hindi babae ang hahanapin ko dito kundi ang ibang parte ng sarili ko. Marami kasi ang bahagi ng buhay at pagkatao ko ang naiwan sa lugar na ito. Lalo na ang mga alaala.

“Magkakilala ba kayo?”

Yan ang tanong nila sa amin nang ipakilala kami sa isa’t isa ni scooter girl. Si scooter girl yung babae na lagi na lang nawawala kapag tatanungin ko na ang pangalan. Una kaming nagkakilala sa bleacher, yun yung gabi na dumating ako sa CLSU.

Byernes noon kaya kaunti ang mga estudyante dahil uwian na ng mga naka-dorm at naka-boarding house. Dahil biglaan ang paglipat ko ng eskwelahan, halos tatlong linggo na akong nahuli sa opisyal na pagbubukas ng klase.

Mabuti na lamang at nakahanap ako kaagad ng uupahang boarding house sa Osmeña (Isang lugar sa CLSU). Kaaalis lang kasi ng dating nakatira doon kaya naman kinuha ko na agad. Dalawa kami sa isang maliit na kwarto. Dylan ang pangalan ng room mate ko. Ayon sa kanya, taga Cabanatuan City sya at 3rd year na. Kumukuha ng kursong AB Social Science. Wow! Astig ang kurso nya, mala-aktibistang pakinggan.

Matapos kong mag-ayos ng gamit ko sa bagong kwartong titirahan ko ng dalawang taon ay lumabas na muna ako para maglibot at makapagpahangin. Dinala ako ng paa ko sa lugar na tinatawag nilang bleacher. Kahoy ang sahig nito at mayroong sampung baitang na pupwedeng upuan, higaan at tambayan ng mga estudyante. Pasado alas-syete na noon kaya naman kakaunti na lamang at mangilan ngilan na lamang ang nakatambay doon. Sa field, mayroong mga grupo ng kabataang naglalaro at nagtatawanan. Dumiretso akong umakyat sa pinaka-itaas ng bleacher saka umupo. May babae akong katabi at nakayuko sya, mahaba ang buhok na lumalatag sa sahig ng bleacher. Mayroong nakababang salamin sa mata sa bandang kaliwa niya at naka-itim sya ng suot. Dress yung suot nya kung hindi ako nagkakamali, may kwelyo at may dalawang butones sa itaas, hanggang tuhod iyon habang ang suot naman nya sa paa ay high cut na black. Well, astig yung porma nya ha, mapangahas at astig talaga. Napansin kong sobrang puti noong babae, sa sobrang kaputian nya nga nililingon sya ng mga dumadaang lalaki.

Mga kalalakihan talaga, una ang kaputian sa konsepto ng kagandahan para sa kanila.

Matagal syang nakayuko, at maya maya narinig kong sumisinghot singhot yung babae. Umiiyak ata. Bakit naman sya umiiyak? Iniwan ng boyfriend? Namatayan? Bumagsak sa exam? Hindi nakuha sa try-out? Nag-away sila ng bestfriend nya? Ano kaya?

Inaatake nanaman ako ng pagiging pakialamero kaya naman lumapit ako sa kanya at inabutan ng panyo.

Agad naman nyang kinuha yung panyong inaabot ko. Pinunasan ang luha nya at saka tumingin sa akin.

Namumula pa ang mga mata nya. Napansin kong maganda pala sya. Makinis ang mukha, matangos ang ilong, manipis ang labi, at medyo mataray ang guhit ng kilay nya. Marami syang nunal sa mukha kapansin pansin ang nunal nya sa itaas na bahagi ng ilong at ang bangs nya na nakatabing sa isa nyang mata.

“Salamat..” Bigkas nya sa akin habang isinosoli yung panyo ko.

“Ah..tapos mo na bang gamitin?” Sabi ko naman. Tumango lang sya at medyo ngumiti. Matapos noon ay tumayo sya at humakbang na pababa ng bleacher.

“Teka…Ano palang pangalan mo?” Sabi ko. Di ako makatiis na hindi nalalaman ang pangalan nya. Matandain ako sa mga taong nakikilala ko. Pero hindi ako mahilig i-attach ang sarili ko sa iba. Pero ngayon lang ako nakakita ng babaeng umiiyak mag-isa sa ganitong lugar kung saan maraming nakakakita sa kanya.

Lumingon sya sa akin at ngumiti. Matapos noon ay tuluyan na syang umalis. Sinundan ko sya ng tingin at nakita kong sa kanya pala ang scooter na nakaparada sa labas ng gate ng field. Kulay black iyon na may tatak na mio. Hindi naman ako nanghinayang na hindi nya sinabi ang pangalan nya dahil alam kong hindi naman ito ang huli naming pagkikita. Nagsindi ako ng yosi at tumingin sa kawalan.

Umiling siya habang nakatitig pa din sa akin. Gusto ko sanang sabihin na magkakilala kami kaso hindi lang alam ang pangalan ng isa’t isa kaso pinili ko na lamang na tumahimik.

“Ahh…kala ko magkakilala na kayo e.. Sya nga pala si Maya.....” Sa akin nakatingin si Dylan pero kay scooter girl pa rin ako nakatitig. Tumango tango na lamang ako at ngumiti para sa pagpapakilala nya sa amin.

Ngumiti rin si Scooter Girl este Maya. Maya, parang tatak lang ng pik yung ginagamit na pang-stram sa gitara. Di ko makakalimutan ang tatak ng pik na yon dahil yun ang pinaka-mahalagang regalo na natanggap ko mula sa utol ko.

Sa totoo lang madaming beses nang nag-krus ang landas namin ni Maya. Binigyan ko na nga sya ng alyas na scooter girl dahil hindi ko pa noon alam ang pangalan niya.

Bakit naging scooter girl?

Palagi syang naka-scooter kapag nakakasalubong ko.

Naglalakad ako galing sa boarding house ko at papasok na sa klase ko. Dalawang linggo na ang  nakalipas at dahil sa transferee ako, inuna ko munang ayusin ang schedule ko at tinignan ko kung maike-credit ang ilan sa mga dati kong subjects sa dati kong eskwelahan. Ang resulta, Bio at English lang ang na-credit. Nakakainis mang ulitin ang mga subjects na nakuha ko na sa dati kong eskwelahan ay wala akong magagawa kundi i-enroll ulit.

Naglalakad ako ng mayroong earphones na nakasaksak sa aking tenga. Bigla kong nakita ang isang lalaking naka-uniform ng pang-guard ang pumipito sa harapan ko. Napalingon ako sa magkabila ko at wala akong ibang nakita. Ako ba ang pinipituhan nya? Anong ginawa ko? Naglalakad lang naman ako galing sa building na pinag-ayusan ko ng subjects ko. Lumapit sya sa akin ng makita akong nakahinto. Naku anu nanaman bang ginawa ko? Bakit napakalapit ko sa gulo?

Pagkalapit nya sa akin ay tinanggal ko ang earphone sa kanang tenga ko.

“I.D mo pateh?”

“Ahh…wala pa po akong i.d...”

“Bakit wala pa? Mag-iisang buwan na wala ka pang I.D?!”

“E kasi po bagong lipat lang ako, kaka-enroll ko nga lang po last week e.”

Tumingin sa akin mabuti ang guard at tinignan ako mula ulo hanggang paa. Para bang makikita nya sa itsura ko kung transferee ba talaga ako. Mga guard talaga. Bakit kailangan nilang maging ganyan? Palibhasa extension of power sila. May kapangyarihan sa kanilang uniporme hanggang sa batutang hawak nila. May kapangyarihan sa lahat ng kilos nila habang nakasuot sa kanila iyon, kung suswertehin ka minsan may nakasukbit pang baril sa tagiliran.

Sumuko din sya sa pagtitig sa akin saka ako iniwan at bumalik sa pwesto nya kanina bago nya ako pinituhan. Ako naman nagdiretso na sa klase ko. Habang naglalakad ako nakita kong makakasalubong ko ang babaeng umiiyak sa may bleacher. Naka-scooter pa din sya at naka-black pa din, yun nga lang tshirt ang suot nya ngayon at hindi dress. Naka-cap sya at naka-eye glasses na black din ang frame. Naka-pedal shorts sya na black at naka-chucks ng kulay black din. Otomatik na napangiti ako ng makita sya at malapit ng dumaan sa gilid ko. Pero nang magkasalubong na ang tingin namin, hindi man lang sya ngumiti o nagbago ng reaksyon sa mukha. Inisip ko na lang na hindi nya ako natandaan. Kaya naman kahit na napahinto ako ay nagdiretso na ako sa paglakad.

Nagulat na lang ako ng biglang may huminto sa tapat ko na motor. Si scooter girl, bumalik?

“Uy, pasensya ka na hindi kita nakilala kaagad. Malabo kasi mata ko kahit naka-salamin na. Tara san ba klase mo? Hatid na kita.”

Siya nga. Hindi nya daw ako nakilala kaagad. Natawa naman ako, inalok nya pa akong isabay.

“Ay, wag na malapit na lang naman na ako e. Dyan lang naman sa Annex kaya kahit wag na..Salamat na lang.”

Pagkasabi ko noon ay tumango sya tsaka lumabi.

“Okey..sige next time na lang..”

“Pero teka, ano palang pangalan mo? Nakalimutan mo kasing sabihin nun.”

“Hindi ko nakalimutan..Hindi ko talaga sinabi..” Natatawa nyang sabi sa akin. Ay?

 “Bakit naman?”

“Wala lang..sige nextime na lang ulit.” At umalis na sya. Bakit kaya ayaw nyang sabihin pangalan nya? Pangit siguro pangalan nun.

Matagal tagal na din nang huli kong makasalubong si scooter girl. Nong araw na yon, nanghinayang ako sa pagtanggi na sumabay sa kanya. Kasi naman, pagtapos ko lang naisip na wala nga pala kaming pasok sa Humanities dahil kinansela last week ng teacher namin. Haay. Sayang yon, edi sana mas matagal pa kaming nakapag-usap ni scooter girl.

Lumipas na ang isang buwan na pananatili ko sa CLSU at marami na din akong kaibigang nakilala. Si Dylan na ka-room mate ko ay ipinakilala ako sa tropa nya. Nagkataong tropa nya ang isa sa mga kaklase kong si Rhen kaya naman sakanila na ako madalas sumama mula noon. Ipinakilala din nila ako kay Gab, tropa din nila. Pati kay Chester. Si Chester na nagkataong kapitbahay at kaklase ko noong dito pa kami nakatira sa Muñoz.

“Teka..ikaw si Rei? Yung maliit na kapitbahay namin dati? Yung umalis dahil sa nanalo sa lotto ang tatay?” Sunod sunod na tanong sa akin ni Chester. Di pa din sya makapaniwala na nakita nya ulit ako. Ako man di makapaniwala na gumwapo sya ng ganyan ngayon dahil dati rati napaka-ordinaryo lang ng itsura nya, maliit lang din sya dati at madaming tagihawat pero ngayon sya na yung tipo ng lalaki na tinitilian at hinahangaan ng mga babaeng madadaanan nya. Hindi kami gaanong close noong mga bata kami, sa totoo lang madalas nga kaming mag-away noon at magsuntukan dahil sa hindi ko na maalala kung bakit. Natatandaan kong mas matanda sya sa akin ng dalawang taon pero nakakahiya namang tawagin syang kuya dahil sinabi nyang tropa na kami mula ngayon at hindi sya nagpapatawag ng kuya maliban sa mga kapatid nyang babae.

Tuwang tuwa akong makita ulit sya. Sampung taon mula ng umalis kami sa bahay namin dati ay hindi na ulit kami bumalik dito. Natutuwa naman akong natatandaan nya pa rin ako. Rei pa noon ang tawag sa akin.

“Oo pare..ako nga yun. Kumusta ka na? Kumusta mga kapatid mo?” Tanong ko sa kanya. Natatandaan ko na panganay si Chester at apat na babae ang sumunod sa kanya.

“Ayon pare, nadagdagan pa ng tatlong babae kapatid ko pare.” Sabay tawa nya. Hindi nga? Kalakas naman ng magulang nya. Ang swerte pang puro babae.

“Talaga?!” Hindi pa din ako agad makapaniwala. Walo sila at siya lang ang lalaki?

“Oo pare, kagaling ng nanay at tatay ko ano?” Saka pa din sya tumawa tawa.

Simula noon kaming lima na ang madalas magkakasama. Asaran. Kulitan. Tambay kahit hindi pa uwian. Sa aming lima, si Chester lang ang hindi nag-yoyosi, atleta kasi sya at mabilis daw syang hingalin kapag nag-yoyosi sya. Takot nya lang mawalan ng scholarship. Pero sumasama naman sya sa amin kapag umiinom kami. Konti lang sya uminom, masyadong disiplinado ang isang to. Parang dati nung mga bata pa kami ay napakalampa nyang tignan, ngayon naman kaganda ng katawan.

Naka-dorm sya sa Osmeña Dorm malapit sa boarding house namin ni Dylan. Kumukuha sya ng kursong BS Agriculture. Magsasaka ang magulang nya, sa pagkakatanda ko ay mayroon silang lupang sinasaka. Mabait ang tatay ni Chester, sa pagkakatanda ko ay hilig kami noon na gawan ng mga laruan na gawa sa kahoy at lata. Kung minsan ay hinahayaan kaming mag-away sa putikan. Gusto nya na makita at maranasan ng bawat bata sa aming baryo noon ang saya mula sa simple at payak na pamumuhay.

Ayon sa kwento ni Chester sa akin, nagkasakit daw si Mang Inggo, ang tatay nya. Dahilan para ibenta ang lupa nila dahil sa laki ng gastos na kinailangan. Tatlo lang silang nag-aaral sa ngayon. Siya naman, humahanap ng maliliit na pagkukunan ng pera para may maibigay sa kapatid nyang kolehiyo na din. Pinilit nyang makakuha ng scholarship sa varsity.

Hindi naman matalino si Chester, natatandaan ko nga noong magkaklase pa kami noong mga bata kami ay palagi syang nangongopya sa katabi nya. Naiinis din ako noon sa kanya dahil lagi syang absent. Ngayon ko lang naintindihan kung bakit. At humahanga ako sa kanya dahil napakaresponsable nyang anak at kapatid.

Matapos naming kumain ng tanghalian ay umalis na si Dylan, susunduin nya pa daw si Salee. Si Salee girlfriend nya mula noong CFY sila. Si Gab at Rhen naman ay nagpa-print sa may old market. Naiwan ako dito mag-isa sa Alumni kung saan nagtatrabaho si Chester tuwing tanghali. Tinitignan ko lang sya habang nagse-serve sya ng pagkain sa mga umo-order na estudyante. Iyong iba ay nakikita kong tumititig sa kanya at yung iba nagpapa-cute pa. Napangiti naman ako, ang mga babae talaga kapag may gwapo biglang nagiging mahinhin.

Nang mainip na ako sa kapapanuod sa mga kumakain ay nagpaalam na ako kay Chester at umalis. Kahit hindi ko alam kung saan ako pupunta ay naglakad na ako. Bahala na kung saan ako dadalhin ng paa ko.

Habang naglalakad ako sa lagoon nakita ko ang isang pamilyar na mukha.

Si scooter girl. Nakayuko siya at mayroong ginagawa, nagdo-drawing ata sya kasi lapis yung hawak nya.

Nilapitan ko sya sa bench na kinauupuan nya at saka tinabihan. Sobrang concentrate sya sa ginagawa nya kaya naman hindi nya pa rin napapansin na tinabihan ko sya.

“Rhen? Asan na icecream ko?” Sinabi nya iyon kahit na hindi lumilingon sa akin, ibig sabihin may kasama sya kanina dito at akala nyang ako yong Rhen. Rhen? Magkakilala sila ni Rhen? Tinignan ko yung dino-drawing nya, isang lalaki na naka-cap at naka-earphone. Naka-blue ng t-shirt at baggy shorts tapos chucks na kulay itim. Teka. Parang ako to? Naaalala ko na iyan yung suot ko noong una kaming nagkita sa bleacher. Naka-cap din ako noon. Pero sa drawing nya hindi masyadong kita yung mukha kaya siguro hindi ako. Pero ganyan talaga yung suot ko non.

Matapos ang dalawang minuto natapos na nya ang ginagawa nya. Feel at home sya sa bench, nakataas ang paa na parang sofa nila sa bahay tapos yung bag nya nakalagpak sa damuhan. Pagtapos ng ginagawa nya ay itinaas nya ang papel sa tapat ng mukha nya at tinignan pa itong mabuti. Inayos nya ang salamin sa kanyang mata at saka pa lang lumingon sa akin.

Gulat na gulat sya. Yung singkit nyang mga mata ay lumaki ng kaunti. Tapos napanganga sya. Gulat na gulat sya na ako yung katabi nya at hindi yung Rhen na kasama nya kanina. Matapos ng reaksyon nya ngumiti ako at tinapik sya sa kanyang balikat.

“Huy...Bakit ka naman ganyan kagulat?” Sabi ko sa kanya habang tinatapik pa din sya sa balikat. Bigla na lang itinago yung drawing nya at kinuha ang bag nya saka sumakay sa scooter nya.

“Huy...Teka lang….aalis ka na? Nakita mo lang ako aalis ka na?”

“Ha? Ano…tara bumiling icecream gusto mo?” Nagulat naman ako sa sinabi nya. Syempre gusto ko ng icecream, paborito ko iyon lalo na kapag nade-depress ako.

“Sige…libre mo ha..” Ayan ang tinatawag na kapal muks. Ang kapal ng mukha ko na magpalibre sa kanya, hindi pa naman kami magkakilala. Pero syempre biro ko lang iyon, hindi talaga ako marunong magpalibre lalo na sa babae pa. Nahihiya ako bukod sa sinabi kong ilibre nya ako ay umangkas pa ako sa scooter nya.

Nakarating kami sa Marketing kung saan may tindang icecream. Bumili kami, nilibre nya nga ako. Kabait naman ng babaeng to, nilibre nya ako kahit hindi nya pa ako kilala, oo nga at pangatlong beses na namin itong magkasalubong pero di pa rin namin alam ang pangalan ng isa’t isa.

Habang kumakain kami ng ice cream.

“Sino yung Rhen?”

“Ha…? Si Rhen? Ka-banda ko, kasama ko sya kanina doon kaya lang biglang nawala tapos ...ikaw na pala yung katabi ko.”

“Namumula ka..” Sabi ko sa kanya. Namumula naman talaga kasi sya. Mainit ba masyado sa pwesto namin? Di naman kasi may shade naman dito, bakit naman kaya namumula tong babaeng to? Ngayon pa lang ako nakakita ng babaeng ganyan sa kanya kaputi na namula ng ganyan. Kung tama ang pagkakaalam ko ay blush ang tawag? Pero bakit naman magba-blush si scooter girl?

“Ah…mainit kasi kaya siguro ako namumula…hehe…” Naiinitan sya? Fertile?

Nagkwentuhan kami. Nagtatawanan kami kapag nakakatuwa ang kwento ng isa.

May lalaki’t babaeng padating, nagtatalo sila. Hinahabol nung lalaki yung babae at hinahawakan sa kamay pero sinampal nung babae yung lalaki. Isang metro ata yung layo nila sa amin kaya naman bigla kaming napatahimik at pinanuod yung dalawa. Nang sinampal nung babae yung lalaki napahinto yung isa. Dirediretso naman na naglakad yung babae at biglang nadapa. Ay, ang ganda na nung drama biglang nadapa yung babae.

Nagkatinginan muna kami ni scooter girl, halatang nagpipigil kami ng tawa. Ang kaso, di na namin mapigilan kaya tumawa na kami ng tumawa. Nakakatawa naman kasi talaga, isipin mo yun nagdadramahan kayo ng boyfriend mo tapos bigla kang madadapa. Ay panira yun panigurado.

Simula noon naging magkaibigan na kami ni scooter girl. Noong una gustong gusto kong malaman ang pangalan nya kasi hindi ako sanay na hindi tinatanong ang pangalan ng nakikilala ko. Hanggang sa naging magkaibigan na nga kami at hindi pa rin pala namin alam ang pangalan ng isa’t isa. Nahihiya naman na akong tanungin, isa pa naisip ko na mas okey na din na hindi ko alam ang pangalan nya para hindi ako mahirapang umalis sa lugar na ito kapag kailangan ko ng umalis. Hindi rin kami nagpapalitan ng phone number.

Dati kapag nakakita ako ng babae na nagagandahan ko, nilalapitan ko agad at kinukuha ang pangalan at number pero ngayon ni isang number ng babae walang nadagdag sa phonebook ko. Number lang ng tropa ang nadagdag sa phonebook ko.

Ngayon ko lang nalaman na may ganito pala akong side. Akala ko kasi napaka-friendly ko na. Yung tipong lahat ng klase ng tao kayang pakisamahan pero may pagka-isnabero din pala ako.

Mabilis tumakbo ang mga araw at hindi ko namamalayan na naka isang sem na pala ako dito sa CLSU. Walang nasangkutan na kahit na anong gulo at away. Wala din akong niligawan na babae. Wala akong sinalihang org o frat. Wala akong naka-away na teacher. Tanging ang tropa ko lamang na sila Rhen, Chester, Dylan at Gab ang madalas kong kasama. Paminsan minsan nakakasalubong ko si scooter girl at nagkukwentuhan kami.

Lahat ginawa ko para kilalanin ang sarili ko. Ang sarili ko sa nakalipas na sampung taon.

Pero kahit anong iwas at limot, mahirap pa din.

Sembreak na. Ayokong umuwi sa Maynila. Kaya naman napag-desisyunan kong dito na lang ako sa boarding house magsembreak. Dalawang linggo lang naman kaya ayos lang. Si Dylan umuwi sa Cabanatuan. Si Gab sa San Jose lang naman nakatira pero ang sabi nya pahinga daw muna sya ng sembreak at tutulong sa kanila. Si Chester din umuwi sa Palusapis, sa baryo kung saan ako lumaki. May kalayuan din sa CLSU iyon kaya sya naka-dorm. Sabik na din naman syang umuwi sa kanila at namimiss nya na daw ang mga kapatid at magulang nya. Hindi kasi sya palaging nakakauwi dahil marami syang sideline na pinapasukan. Si Rhen lang ang makakasama ko ngayong sembreak. Sa dulo ng Osmeña ang bahay nya. Nakatira sya sa bahay ng tito at tita nya na walang anak. Ang sabi nya parang ampon na sya ng dalawa dahil wala naman kasing anak ang mga ito. Doon ako madalas tumambay sa computer shop na binabantayan nya. Para na rin kasing isang community ang CLSU. Yung mga staff at ibang prof ay dito na din nakatira. Ang sabi nya USF ang tito nya dito. (USF ang tawag sa guard ng CLSU)

Si Rhen yung tipo ng lalaki na iiwasan mo kapag nakasalubong mo sa kalye. Mahaba ang buhok, may tunnel sa tenga, may mga tattoo sa braso at binti, may hikaw sa kilay at labi. Isa syang hardcore na rocker. Ang sabi nya sa akin may banda siya dati ang kaso graduate na yung bokalista nila kaya na-disband. Kitang kita ko sa mata nya ang panghihinayang. Halata naman kasing mahal na mahal nya ang pagtugtog. Mahal nya ang musika. Mahusay syang maggitara. Kaso sintunado ang boses nya. Kahit gusthin nya daw na mag-vocalist na lang ay hindi kaya, baka batuhin lang daw sila ng mga makikinig.

May bigla tuloy akong naalala. Sa dati kong eskwelahan ay may banda din akong iniwan. Ako ang lead guitarist at 2nd vocalist. Pero dahil kailangan kong umalis at lumipat ng eskwelahan ay kinailangan kong iwan. Di ko ito sinabi sa tropa. Hindi talaga ako pala-kwento ng tungkol sa buhay ko. Magkukwento man ako ay pili lamang.

Sanay ako sa rush na buhay. Ganoon naman kasi sa Maynila, mabilis ang oras at araw. Kailangan mong magmadali para sa pagpasok, kailangan mabilis kang kumilos kung hindi ay wala kang masasakyang bus. Kailangan mong maging alerto dahil kung hindi ay mahoholdap ka o maaagawan ng bag. Pero dito sa CLSU? Dito sa probinsya, iba. Ibang iba.

Hindi mo kailangang magmadali. Hindi mo kailangang habulin ang oras at bus. Hindi mo kailangang maging paranoid sa mga makakasalubong mo na baka holdapin ka. Kabaligtaran sa Maynila. Dito tahimik. Walang ingay ng traffic. Dito masarap at malamig ang simoy ng hangin. Sa Maynila mainit at mausok.

Unti unti na rin akong nasasanay dito. At unti unti ko na ring nakakabisado ang bawat lugar at kanto ng CLSU. Pero hindi ako dapat ma-attach ng sobra dito. Hindi pwede, dahil alam kong kailangan ko rin itong lisanin.

Himala na hindi ako nainip sa buong sembreak. Salamat kay Rhen. At salamat kay scooter girl. Napadalas kasi ang pagkikita naming dalawa dahil nalaman kong si Rhen nga iyong sinasabi nyang kabanda nya. Hindi naman nakakagulat na mayroong babaeng myembro sa banda pero ang ikinagulat ko ay mahusay palang tumugtog ng gitara si scooter girl at nalaman kong kaliwete pala syang tumugtog ng gitara. Pati rin daw sa pagsusulat ay kaliwa ang ginagamit nya.

 Nalaman ko na din ang pangalan nya.

Maya.

Parang tatak ng pik na ginagamit pang-stram ng gitara.

“Magkakilala na ba kayo?” Pagtatanong ni Rhen sa amin ni Maya. Nasa shop kami nila Rhen nakatambay nang biglang dumating si scooter girl.

“Ano bang depenisyon mo ng magkakilala Rhen?” Sinagot ni scooter girl ang tanong ng isang tanong din. Sa isip isip ko ay mahusay ang isang to. Mayroong sense.

“Edi, magkakilala. As in kilala nyo na ang isa’t isa.”

“Oo, magkakilala kami pero hindi pa namin kilala ang isa’t isa.” Sagot ni scooter girl. Logic thinking with philosophical approach.

Matapos noon ay tawa lang ng tawa si Rhen. Saka kami ipinakilala ni scooter girl sa isa’t isa. Sa mga oras na iyon, pakiramdam ko nawala yung thrill na nararamdaman ko. Parang nadismaya pa akong nalaman ang pangalan nya. Hindi dahil sa hindi ko gusto ang pangalan nya o hindi ko gustong malaman. Kaso lang, pakiramdam ko nawala yung espesyal na mayroon kami ni scooter girl. Naisip ko bigla na naging opisyal na kaming magkakilala simula ng araw na ito. Natakot ako. Baka mas lalo akong mapalapit sa kanya.

Ang buong sembreak kasama si Rhen at Maya ay masaya. Nalaman kong sa Bagong Sikat nakatira si Maya kasama ang tatay nya. Malapit lang ang Bagong Sikat, sa katunayan ay may daan sa gilid ng CLSU para makarating doon kaya naman pala pamilyar na pamilyar na sya sa mga lugar dito. Matagal na pala silang magkaibigan ni Rhen bago pa sila naging magkabanda. Magka-school mate na sila noong high school pero hindi sila close noon.

Nalaman ko din na yung araw na nakita ko si Maya sa bleacher na umiiyak ay ang araw ng libing ng kuya nya. Close sila ng kuya nya pero wala syang magawa kundi tanggapin na wala na ito.

Sa bleacher kami madalas na tumambay ni Maya kapag nababagot na kami sa shop ni Rhen, hindi naman kasi pwedeng iwan ni Rhen ang shop nya dahil walang magbabantay. Madalas tuloy kaming dalawa ni Maya ang magkausap.

Kumportable syang kausap at kasama ako. Minsan nga humihiga pa sya at umuunan sa hita ko. Minsan naman sumasandal sa balikat ko. Hindi ko naman maipaliwanag ang pakiramdam ko dahil hangga’t maaari ay ayaw kong mapalapit masyado lalo na sa kanya. Mahirap na baka mahirapan akong makaalis dito.

2nd sem na.

Naging regular na din ang status ko. Last sem kasi irreg ako dahil sa mga back subjects ko. Hindi ako masipag mag-aral pero matataas naman ang mga nakukuha ko sa mga exams at quizzes. Siguro dahil paulit ulit naman ang mga pinag-aaralan kaya halos stock knowledge na ang iba. Noong una ayaw ko ng kurso ko na AB Psychology. Pero dahil wala ako noon na pagpipilian at iyon na lang ang mayroong slot, wala na akong nagawa. Nang magtagal nagugustuhan ko naman ang mga pinag-aaralan. Yun nga lang mas madalas kong kasama ang mga Soksay dahil andon si Dylan at Maya. Si Rhen kasi naghinto muna, madami kasi syang bagsak last sem, tinamad na ayusin kaya ayun. Si Chester naman warning ang status, may dalawang subjects kasing sumablay kaya this sem daw magtitino muna sya.

Nadagdag na sa tropa si Maya, kahit na only girl sya ay hindi naman sya naa-out of place sa amin. Baby nga namin sya kung ituring. Inaya nya akong mag-S.A. sa library, extra income din yun kaya pumayag na rin ako. Isa pa, kesa naman tumambay sa vacant time ko ay may magagawa akong mas mahalaga. Madali lang naman pala mag-S.A. ang kaso lang sobrang init sa library. Daig pa ang impyerno sa init lalo na kapag tanghali. Di ko tuloy maiwasang antukin.

Si Maya naman kaya nag-S.A. dahil sa gusto nya ng libro. Oo, adik ata sa libro ang isang ito lalo na kapag novel. Paborito nya si Sydney Sheldon at si Nicolas Sparks, idagdag mo na din si Paulo Coelho. Oo, mahilig sya sa love story. Never pa daw syang naiinlove. Never pang nagka-boyfriend at never pang nagkaroon ng manliligaw.

Noong una hindi ako naniwala, kasi naman maganda naman sya, mabait, sweet at hindi naman sya manang tignan. Malakas nga ang appeal nya kung tutuusin e. Kaso mukhang hindi nya alam na maganda sya at hindi din nya alam na espesyal sya. Naisip ko na lang baka takot sa kuya nya ang mga lalaki noong buhay pa ito.

“Phoenix…Panget ba ako?”

Nagulat naman ako sa tanong ng babaeng to. Bigla bigla na lang nagtanong ng ganun habang nag-aayos kami ng libro sa library. Sa gulat ko naibagsak ko tuloy yung mga librong hawak ko kaya naglikha ng malakas na ingay. Nagsilingon pa ang mga estudyanteng nag-aaral.

“Ano ba namang klaseng tanong yan?” Naiirita kong sagot sa tanong nya. Teka tanong din pala yung sinagot ko. Simula ata nang makilala ko tong babaeng to, tanong na din ang isinasagot ko sa tanong.

Sumimangot sya. Tumahimik naman ako. Ayoko na muna syang kausapin kasi nagtitinginan na ang mga estudyante sa amin.

Pagkatapos ng duty ko lumabas na ako ng library. Nagyosi ako sa may gilid, sa tabi ng scooter ni Maya habang hinihintay ko siya. Una kasing matapos ang duty ko ng 30 minutes kaysa sa kanya. Kahit na ganun, sabay pa din kaming umuuwi.

Pagdating nya, tahimik pa din kaming pareho. Bigla ata kaming nagkahiyaan sa isa’t isa samantalang dati naman pagkatapos ng duty namin ay nagkukwentuhan na kaagad kami na para bang hindi kami magkasama araw-araw.

Hanggang sa makarating na kami sa shop nila Rhen tahimik pa din kami parehas. Nahihiya siguro syang magsalita dahil sa naging reaksyon ko kanina sa tanong nya. Pagdating namin sa shop dirediretso sya sa kwarto ni Rhen sa itaas ng shop. Tambayan na din kasi namin ang kwarto nya kapag nandito kami. Doon kami natutulog minsan kapag hapon.

Dinaanan nya lang si Rhen at nang makita ako ni Rhen tinatanong nya kung bakit tahimik si Maya. Matagal na nga silang magkaibigan kasi kabisado na nya kapag may problema si Maya. Nagkibit balikat lang ako at sinundan si Maya sa kwarto ni Rhen. Pagpasok ko, nakayuko nanaman siya gaya lang nung una ko siyang makita na mag-isa sa bleacher.

 Tinabihan ko sya. Hindi pa din sya lumilingon pero alam ko na naramdaman na nya na may tumabi sa kanya. Hinawakan ko ang ulo nya at saka ginulo ang buhok nya. Tumingin sya sa akin ng masama. Tinanggal ko naman ang salamin nya sa mata. Nakita kong mabuti ang mata nya na nangingilid na ang luha.

Napaka-iyakin naman ng babaeng to. Ang liit na bagay iniiyakan nya agad.

“Wag ka na ngang umiyak..di bagay sa’yo…Pumapangit ka lalo..”

Ngumuso sya sa sinabi ko at ginulo ko pang lalo ang buhok nya. Isip bata talaga sya minsan. Mukha lang siyang maton at tomboy pero napakaiyakin nya. Babaeng babae sya sa paningin ko.

“Biro lang naman yon…” Sabi ko sa kanya habang ginugulo pa din ang buhok nya. “Tumingin ka sa mata ko..”

Matapos non tumingin sya sa akin.

“Ano bang depinisyon mo ng maganda?...Kasi para sa akin ang maganda ay iyong mga babae na kahit hindi magsuklay ay kayang lumabas ng bahay. Kahit na hindi magsuot ng magandang damit ay kayang humarap sa iba at makipagkaibigan. Kahit na hindi naglalagay ng kolorete sa mukha ay hindi nakakasawang titigan. Kahit na walang hugis ang katawan ang mahalaga ay ang paggalang nya sa sarili nya. At higit sa lahat ang maganda para sa akin ay ang babae na kahit na may salamin sa mata ay kayang magpangiti ng iba sa pamamagitan ng simpleng pagngiti nya…”

Nakatitig lang sya sa akin. Wala syang salamin sa mata kaya naman kitang kita ko ang ganda ng mata nya. Singkit ito at malilit.

Pinisil ko ang pisngi nya kaya naman napa-aray sya. Matapos nun hindi na nawala ang ngiti nya. Ngayon ko lang naramdaman ito, parang mayroong saya na tumubo sa puso ko nang makita ko ang pagngiti nya. Mayroon siyang dalawang dimples sa pisngi. Maliit pero malalim. Matagal  ko na iyong nakikita sa tuwing kakain kami ng icecream o tuwing nagbibiruan pero ngayon ko lang naramdaman at napansin na napakaganda nya kapag nakangiti ng ganoon. Kakaiba. Ngayon ko na lang ulit naramdaman yung ganito.

Simula noon pakiramdam ko gusto ko laging tumugtog ng gitara. Kinuha ko ang gitara ko na nakalagay sa ilalim ng kama ko dahil ayaw kong malaman nila na marunong akong tumugtog ng gitara. Habang wala si Dylan ay inilabas ko ito mula sa case nito at nagsimulang laruin ang chords.

Hindi ko alam na kabisado ko pa rin pala ang lahat ng chords kahit na isang taon halos na akong hindi naggigitara. Medyo matigas na nga lang ang daliri ko pero kahit papaano ay kaya pa naman humawak at magstram ng gitara. Itinono ko muna hanggang sa tinutugtog ko na pala at kinakanta ang paborito kong kanta ng Parokya ni Edgar, ang One and Only You.

Patapos na ang kanta ng marinig kong may pumapalakpak sa may pintuan. Paglingon ko nakita ko si Dylan at sa likod nya si Maya at Rhen.

Naku patay. Alam na tuloy nila na marunong akong maggitara.

Lumapit sa akin si Dylan at ginulo ang buhok ko.

“Taena mo pare! Marunong ka naman palang maggitara!”

“Oo nga bakit hindi mo sinasabi na marunong ka?”

Nangungulit na yung dalawa na tumugtog pa ako ng ibang kantang alam ko. Kahit na ayaw ko napilitan na din ako, ano pa bang itatago ko sa kanila, nakita na nga nila ako kanina kaya ano pang itatago ko. Tumugtog pa ako ng dalawang kanta na alam ko at ka-boom nagulat na lang ako at pati si Maya nakikikanta na sa tinutugtog ko. Maganda pala ang boses nya, mala-Aya ng Imago.

“Mga parekoy, may naisip ako…” Biglang sabi ni Rhen habang niyuyugyog pa ako. Minsan hindi mo aakalaing isip bata sya dahil sa ganyang itsura nya. Mukha kasi syang hindi papahuli ng buhay tapos kung makapang-kulit sya, imba.

“Ows talaga? Meron ka pala non bro?” Kahit kelan talaga itong si Dylan kung makapanglait wagas. Buti na lang sanay na kami sa talas ng dila niya at hindi na kami napipikon sa kanya. Hindi na lang pinansin ni Rhen at dineretso ang sasabihin nya.

“Bakit hindi na lang ikaw ang maging bokalista ng banda namin? Sige na Phoenix pumayag ka na. Dali....dali...” Ayan na nga ba ang sinasabi ko. Ayan na…Kaya ayaw kong malaman nilang marunong akong maggitara at kumanta e. Nakupo….

At tama ang hinala ko, hindi nga sila tumigil sa pangungulit sa akin na maging bokalista nila. Pati si Maya nangulit na din.

“Phoenix? Sige na pumayag ka na maging bokalista namin please?” Pagmamakaawa nya sa akin.

“Hindi ako sanay tumugtog sa harap ng maraming tao e..Mahiyain ako.” Palusot ko sa kanya, baka sakaling tumalab.

“Masasanay ka din Phoenix..Sige na pumayag ka na, extra income mo din yon kapag nanalo tayo sa mga battle na sasalihan natin..” Dagdag ni Rhen.

Pakiramdam ko pinagtutulungan nila akong tatlo sa pangungumbinsi sa akin na magbokalista ng banda nila. Ano pa nga ba ang magagawa ko? Kahit na iwasan ko ata ang pagtugtog ay babalik at babalik pa din ako dito. Tumango na lang ako sa kanila para tumigil na sa pangungulit. Saka nagtatalon si Rhen at Maya. Si Dylan naman nagmumura sa tuwa. Ibang klase matuwa ang isang to, nagmumura.

Mabilis nilang tinext ang isa pa nilang kabanda o mas tama na atang banda namin ang itawag ko. Nalaman kong Rio ang pangalan ng drummer namin at 4th year high school pa lamang ito. Nag-aaral sa National High School. Ayos din pala, ang bata naman ng drummer namin. Astig to, maliban sa may babae kaming kabanda na kaliwete ay may bata pa kaming drummer.

Agad na dumating si Rio sa shop nila Rhen kung saan namin sya hinihintay para makapag-usap usap.

“Hey bro…eto si Phoenix, ang ating bagong bagong bokalista!!” Pag-aanounce ni Dylan.

Ngumiti naman si Rio. Maliit lang siya at halatang batang bata pa. Cute sya. Payatot at mayroong chinky eyes. Naka-uniform pa sya ng polo at pants na brown. Halatang high school talaga, naalala ko tuloy noong high school ako. Madalas kaming mag-cutting class noon pero syempre nagtino din ako kaya naman naka-graduate pa din.

Ngumiti din ako at nakipag-apir sa kanya.

“Rio po ang pangalan ko kuya Phoenix..” Tinawag nya kong kuya? Parang may gumalaw sa ikabuturan ng puso ko. Aray! Masakit matawag ulit ng kuya. Ayoko ng tinatawag akong kuya.

“Phoenix okey ka lang?” Tanong ni Maya. Nakita nya ata na biglang nagbago ang itsura ko.

“Ha..? Oo, hindi lang ako sanay na matawag na kuya..” Saka ako ngumiti para pagtakpan ang nararamdaman kong pait. Oo, pait yung nararamdaman ko. Naalala ko kasi ang utol ko kay Rio.

May sasalihan kaming battle. Sa Muñoz lang naman kaya okey lang sa akin. One week kaming puspusang nagpraktis. Syempre dahil ako na ang bokalista nila, hinayaan nila akong mamili ng kantang gusto ko na babagay sa boses ko. Pero dahil sa magkatrip lang naman kami ng tugtugan ni Dylan kaya naman mabilis din kaming nagkasundo sundo sa kung ano ang tutugtugin.

Yugto ng Rivermaya

Pillow ng Maryzark

Halik ng Kamikazee

Remembering Sunday ng All time low

at ang pinaka huli naming pinraktis ay ang

Part of me ng SKAbeche

Kung mapapansin nyo iba iba ang tipo ng mga napili naming kanta. Dalawa lang naman talaga ang ipanlalaban naming kanta pero syempre kailangan ng reserba at saka nag-request kasi si Maya na praktisin yung Part of me ng Skabeche kaya naman pinagbigyan namin ang prinsesa ng  grupo. Napaka-spoiled ng babaeng iyon sa amin kahit hindi naman nya gustong maging spoiled ang turing sa kanya kaso nasanay na rin ata sya na only girl. Kahit si Rio na mas bata sa kanya ay pinagbibigyan sya. Pero ang kagandahan naman na mayroong babaeng kabanda ay ang pagiging sweet nya sa lahat. Kapag pinapawisan ako, pinupunasan nya ng panyo. Ganoon din naman sya sa iba kaso minsan mas siya ang inaalagaan namin. Kapag si Maya na ang nagsabi na pagod na sya, kailangan magbreak muna kami sa praktis. Ganyan namin sya kamahal.

At dumating na nga ang araw ng battle of the bands sa Muñoz. Activity iyon ng isang organisasyon/ frat sa CLSU at ang venue ay sa Pag-asa Gym. Marami ang nag-register na banda kahit na mayroong registration fee na 200.

Hindi naman nakakahinayang yung 200 kasi ang habol naman ng lahat ng baguhang banda ay exposure. Kahit kami ng banda ko noon sa Maynila ay nagsimula din sa ganito. Swertihan lang din talaga.

Bunutan sa slot ang mga banda. Syempre si only girl ang pinabunot namin dahil itinuturing namin syang lucky charm ng grupo. Number 7 ang nabunot niya at tuwang tuwa naman sya dahil lucky number daw nya iyon, dahil 7 ang birthday nya. Habang tumutugtog ang mga naunang banda ay nasa gilid muna kami ng stage nakapwesto.

Tinignan ko isa-isa ang mga bago kong kabanda at wala naman sa kanila ang mukhang kinakabahan. Kahit si Maya hindi kinakabahan, mas bakas pa sa mukha nya na excited sya kaysa ang kaba. Si Rio naman, nakingiti ng nakangiti. Nagpapa-cute ata sa mga babaeng nanunuod ang loko. Si Dylan seryoso lang ang mukha, lagi namang mukhang seryoso ang mukha noon dahil sa salamin nya sa mata. Si Rhen naman, kalma lang tignan. Alam ko namang namiss nya ang tumugtog kaya nga ako pumayag na maging bokalista nila.

“Huy..Phoenix...Okey ka lang ba? Kinakausap kaya kita..Bakit parang tulala ka lang dyan?”

“Ah…Wala nuh, di naman ako nakatulala ah.. Inaalala ko lang yung lyrics baka malimutan ko mamya..”Sagot ko kay Maya. Parang unti unti na akong nakakabisado ng babaeng to. Alam nya na kapag may gumugulo sa isip ko.

“Ang next na banda na tutugtog ay ang Art Sin!!!!” Hiyaw ng MC. Kami na pala iyon. Kinakabahan ako, matagal na kasi ang huli kong pagtugtog at pag-akyat sa stage. Pero syempre, hindi pupwedeng hindi ko galingan.

Bago kami umakyat ay bumilog muna kaming lima at inilagay ang mga kamay sa gitna na parang nag-mamaiba taya.

“Kaya natin to guys!!! Mag-enjoy lang tayo…Relax lang…Go Art Sin go!” Si Maya yung nagsabi non. Hindi na nakapagtatakang lucky charm ang turing sa kanya ng grupo. Dahil naman sa sinabi nya ay nabawasan ang kaba ko.

Enjoy lang Phoenix. Enjoy…. bulong ko sa sarili ko habang papa-akyat ng stage.

Isa isa na kaming umakyat at nagset-up ng gitara. Si Rio naupo na sa tapat ng drums, si Rhen hinanda na ang mga effects na sya lang mismo ang gumawa, si Dylan tinotono ang bass guitar nya, si Maya inaayos ang gitara nya na naka-espesyal ng pangkaliwa dahil nga kaliwete sya, ako naman tinono ko na din ang gitara ko. Sinabi ko kasi sa kanila na hindi ako sanay kumanta ng hindi kasabay ng gitara kaya pumayag naman silang magitara din ako.

Nilingon ko silang lahat para kumpirmahin kung okey na sila. Una kong binalikan ng tingin si Rio, tumango sya habang nakangiti sa akin. Si Rhen at Dylan naman na nasa kanan ko parehas ay sabay na tumango sa akin. Nakatingin pa ako sa kanila ng lumapit sa akin mula sa kaliwa ko si Maya at may ibinulong sa akin.

“Game ka na?”

Ako ang dapat magtanong sa kanya noon pero sige na nga hinayaan ko na sya. Bumalik na sya sa pwesto nya at saka kumindat sa akin. Tignan mo tong babaeng to, kumindat pa. Sino namang hindi maiinlove sa kanya kung ganyan sya ngumiti, kitang kita ang dimples nya sa magkabilang pisngi. Gusto ko tuloy lumapit at pisilin ang pisngi nya kaso start na dahil pinagpalo na ni Rio ang dalawang stick nya.

“First song po namin, Yugto…”

Sinimulan ko ang pagkanta kasabay ng pagtugtog ng gitara. Kaunting headbang at paikot ng gitara. Hinayaan ko ding sumabay ang audience sa pagkanta ng chorus. Teka nadadala na ako ng pagtugtog. Pakiramdam ko kasi concert namin to. Hiyawan naman ang mga tao ng matapos ang una naming kanta. Teka, andaming tumitili nagustuhan nila ang kanta namin. Ayos.

“Bago po ang next song namin ay gusto kong ipakilala sa inyo ang mga kabanda ko.” Pagkasabi ko noon ay bigla nanamang nagtilian ang mga tao. Mukhang gustong gusto nila kami.

“Si Rio ang cute naming drummer.” Si Rio naman nag-exhibition pa ng stick nya at syempre nagpacute sa mga girls. Andaming naghiyawan sa bandang kaliwa na mga babae. Halatang sikat sa girls itong si bunso.

“Sa lead guitars si Rhen...” Sabay turo lingon ko sa kanan ko kung nasaan si Rhen. Nag-exhibition din si Rhen sa gitara nya. Mukhang may pinagmanahan si Rio. Napatawa naman ako nang makitang nakanguso pa sya habang nag-eexhibition.

“Ang bahista naman po naming si Dylan..”Kung ano ang ikina-O.A. ni Rio at Rhen sa pagpapakitang gilas ay kabaligtaran naman ni Dylan. Tumango lang at saka itinaas ang kamay na parang naghe-hello sa audience. Saka nya iniayos ang salamin nya sa mata.

“At syempre…ang aming one and only lucky charm na si…Maya…” Pagkasabi ko noon andaming naghiyawan. Aba napakarami naman palang fans netong si Maya. May isang grupo pa ng mga lalaki sa bandang kanan ay sabay sabay na sumigaw ng ‘CRUSH KITA! MAHAL KA NA NAMEN!’ Natawa naman ako. Si Maya naman ayun namumula nanaman. First time atang may nagsabi sa kanya noon. Ancute nyang tignan parang bata.

“…ahem at syempre ako nga pala si Rei...” Pakilala ko naman sa sarili ko. Nagulat ako na may nagtilian sa bandang dulo ng gym. Weh? Di nga? May fans din ako? Siguro nagwapuhan sa akin. Gwapo kasi ako sa malayo sabi nila.

“Syempre kami ang bandang ART SIN!!!!!

Sinimulan nang tugtugin ang intro ng Pillow. Kinanta ko na ito at masaya naman akong maraming sumasabay. Hinaluan namin ng kaunting SKA sa chorus kaya mas marami ang naghiyawan. Yung huling chorus kasi si Maya ang kumanta kaya mas marami ang tumili. Andame nya talagang tagahanga.

Natapos ang kanta namin at nagpasalamat ako sa lahat ng mga nakinig sa amin at nakikanta.

Pagkatapos ng limang banda, sa wakas sasabihin na kung sino ang panalong banda. Hindi naman ako umaasang mananalo kami kasi nga pakiramdam ko sobrang kinabahan ako sa pagkanta kanina. Unang sinabi ang 3rd place, Greatest Movie Scene! 2nd place…

Sana kami..sana kami ang tawagin...

“TSAKAPUKETCUP!!!!” Nagulat naman ako. Pinaka magaling kasi iyon para sa ‘kin tapos 2nd place lang? Hala kung hindi sila sino ang 1st place?

“1st place is…..ART SIN!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!”

Hiyawan. Tilian.

Okey hindi ma-digest ng utak ko kung sino ang nanalo. Kami?

Hindi pa ako maniniwala na kami ang nanalo kung hindi ako itulak paakyat sa stage ni Rio. Tuwang tuwa silang lahat at si Maya nagtatatalon sa saya. Ako ang tumanggap ng award at ng pera na napanaluhan namin. Nagkuhanan ng litrato at pagkatapos ay isa isa naming kinamayan ang mga judges.

Paglabas namin ng gym napagdesisyunan ng grupo na mag-celebrate sa shop ni Rhen. Nauna nang bumili ng alak si Dylan angkas si Rio. Si Rhen naman nagpaalam saglit para puntahan ang isa nyang kaibigan. Naiwan kami ni Maya, at ubligadong sa kanya na ako sumabay.

“Ang galing galing mo kanina…Parang sanay na sanay ka nang kumanta…”

“Nadala lang ako masyado nung kanta...Paborito ko kasing tugtugin yung Pillow kaya ganun…” Pa-humble naman ako kahit papaano.

“Naku kunyari ka pa e!!! Kinilig ka lang sa mga instant fans mo e...”

“Ikaw talaga! IMBA ka kahit kelan!!! Ikaw nga dyan nag-blush ka pa nung may sumigaw na crush ka e..”

“Weh? Di kaya noh!”

“Anong hindi? kitang kita ko kaya!”

“Tse!! Sabihin mo selos ka lang….”

Nagtawanan kami habang pabalik sa shop nila Rhen.

Madaling araw na kami natapos uminom. Si Maya, hindi umiinom kaya naman softdrinks ang binili nila Dylan para sa kanya. Kaming apat lang ang nag-inuman. Si Maya nakatulog nang nakasandal sa balikat ko kaya naman binuhat ko na at dinala sa kwarto ni Rhen. Napagdesisyunan kasi namin na dito na lahat matulog sa shop. Eto naman talaga ang barracks ng tropa pati na rin ng banda. Kanya kanyang higa pag nalasing na.

Pagbalik ko sa baba, nagsimula na silang mang-asar.

“Uyuuuuuuuuuuuy!!! Ikaw kuya Phoenix ha, nagkakamabutihan na kayo ni ate Maya ah…” Ayan, kabata bata sya ang nag-uumpisang mang-asar. Lokong Rio talaga to. Pasalamat sya cute na bata sya.

“Oo nga pardz, ano bang lagay ninyo ni Maya ha?” Ayan pati si Rhen nag-umpisa ng sumali. Kasalanan ni Rio to.

“Gago kayo, wala kaming relasyon ni Maya!”Depensa ko sa sarili ko.

“Wala nga kayong relasyon pero mukha kayong may relasyon..Aminin mo na kasi pardz, mahal nyo ang isa’t isa...” Ayan nagsalita na si Dylan. Nakakatakot pag sya na ang nagsalita, lagi kasing may punto at basehan ang mga sinasabi nya.

“Oo nga, halatang halata kayo. Umamin na kasi!!!” Kakulit na bata ni Rio kasarap pingutin.

“Wala nga sabi...” Ayan, ayaw ko ng magsalita at alam ko namang hindi nila ko pakikinggan.

“Pardz, bakit kasi hindi mo ligawan si Maya? Tutal naman wala kang gf, wala din syang bf. Isa pa bagay kayong dalawa.” Banat ni Dylan.

Yan na nga ba ang sinasabi ko e. Kaya ayaw kong mapalapit kay Maya, ayokong magkaroon ng something sa amin dahil ayokong ako ang unang lalaking mananakit sa kanya. Mahihirapan sya kapag kailangan ko nang umalis dito. Kahit na magaan ang loob ko sa kanya ayaw ko pa din. Kailangan ko ng umiwas habang maaga.

“Pardz, alam mo bang ngayon lang naging ganyan si Maya? Simula ng makilala ka nya naging palangiti na yung babaeng yon. Alam mo ba dati hindi maipinta ang mukha non? Kahit noong buhay pa ang kuya nya, napakasungit at isnabera non. Kahit kaming kabanda nya ay sinusungitan at tinatarayan nya. Ngayon lang naging ganyan yan. Kung hindi ako nagkakamali, inlove na sa’yo yun..” Dagdag pa ni Dylan.

Hala! Ayan ang ayaw kong marinig. Hindi pwedeng mainlove sa akin si Maya. Hindi pupwede. Masasaktan lang sya. Hindi nya pa ako lubos na kilala.

Tahimik lang ako. Ayokong magsalita kasi baka mas lalo lang lumaki ang isyu na to. Ayokong magkailangan kami ni Maya. Isa pa, mali naman siguro si Dylan sa hula nya na mahal na ako ni Maya. Di pwedeng mangyari yun.

“Mga loko, shot na lang!”

“E bakit? Wala ka bang gusto kay Maya pardz? Wag mo sabihing wala kang nararamdaman sa kanya?” Ang kulit nila ayaw pa din nilang tumigil.

Di ako sumagot. Hindi ko alam ang isasagot ko. Kapag sinabi kong meron, mas lalo nila akong kukulitin. Kapag naman sinabi kong wala baka hindi din sila maniwala.

Natapos ang inuman na puro kami lang ni Maya ang topic. Hindi ko naman magawang maasar o mainis dahil ayokong pagmulan ng gulo ang bagay na iyon. Sa huli nalasing si Rio sumunod naman si Dylan. Nang dalawa na lang kami ni Rhen na umiinom, kinausap nya ako ng seryoso. Nagulat ako, simula kasi nang makilala ko sya hindi ko pa sya nakitang ganito kaseryosong kausap. Kapag pala lasing si Rhen nagiging seryoso din.

“Pardz...seryoso ako..inlove ako pardz..inlove talaga ko sa kanya..” Naku, inlove sya kay Maya? Teka bakit parang nasasaktan naman ako sa narinig ko. Bakit pa nila ako inaasar kanina at pinipilit na umamin kung inlove pala tong si Rhen kay Maya? Naku mas lalong magulo yun. Lalo na kung totoo ang sinabi ni Dylan na inlove sa akin si Maya. Paano yan? Ahay.

“Pardz...ano..” Hindi ko maituloy ang sasabihin ko, parang ang hirap sabihin na ‘sige ligawan mo sya pardz.’

“...ikaw na lang ang manligaw sa kanya..” Naituloy ko din sa wakas pero ansakit sa pakiramdam. Hindi ko maintindihan pero parang nasaktan ako na mahal nya si Maya.

“…hindi ko alam pare kung paano ko sya liligawan…hindi nya naman ata ako gusto…hindi ako…” Naku ayan na, lasing na nga itong si Rhen. Kaso kahit alam kong lasing sya, alam ko namang totoo ang sinasabi ng lasing. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Ayaw ko namang masaktan si Rhen pero parang ang hirap naman na sabihing tutulungan ko sya kay Maya. Hindi ko na tuloy alam kung saan ako lulugar.

“Pardz..wag mong sabihin yan, hindi mo pa naman sya tinatanong e. Tanungin mo muna siguradong gusto....ka din nya?” Aray. Ansakit naman ng huli kong sinabi. Bakit ba ako nasasaktan? Samantalang kanina nung pinipilit nila sa akin na may gusto ako kay Maya para wala lang, bakit ngayon na alam kong mahal ni Rhen si Maya, bakit parang nasasaktan naman ako.

Pagtingin ko kay Rhen nakatulog na pala sya. Napailing na lang ako. Ako nanaman ang last man standing sa inuman. Kahit kapag kami nila Chester, Gab, Dylan at Rhen ang umiinom, ako rin ang huling nalalasing. O talagang mabilis lang silang malasing?

Inubos ko na ang natirang beer sa baso ko at tumayo na para magligpit. Tinignan ko si Rio na nakahiga sa sofa. Si Dylan naman nakahiga sa sahig, si Rhen nakatulog ng nakaupo. Natatawa ako sa mga itsura nila. Kalalakas mang-asar kanina ngayon naman knock-out lahat. Nagsindi ako ng yosi at nag-isip kung saan pupwesto para matulog. Masyadong maliit ang upuan ko para doon mahiga.

Bahala na nga, kahit saan na lang.

Kumuha ako ng dalawang upuan at idinugtong ko sa inuupuan ko kanina. Muntik ko nang maibagsak sa mukha ni Dylan yung upuan nang biglang magsalita si Maya. Nasa hagdan sya at nakaupo habang kinukusot ang mata nya.

“Huy...anu yang mga yan? Lasing? Bakit dyan na natulog si Dylan sa sahig? Anu ba naman mga yan….” Narinig kong sabi nya habang kinukumutan si Rio at Dylan.

Matapos nun nakita nya akong inaayos ang pinagdugtong dugtong na upuan. Naintindihan nya atang doon ko balak matulog.

“Sa taas ka na matulog...malaki naman yung kama ni Rhen.” Nagulat naman ako sa sinabi nya. Naramdaman kong uminit ang mukha ko.

“Ah..wag na…ikaw na lang sa taas..dito na lang din ako matutulog...” Sabi ko agad bago nya mapansin na namumula na ako sa init. Teka bakit ba ako namumula? Dahil sa alak siguro?

Narinig kong tumatawa si Maya kaya tumingin ako sa kanya.

“Ano ka ba? Bakit ka nagba-blush? Kalalaki mong tao nagba-blush ka ng ganyan.At tumawa pa sya. Yung tawa nya halatang inaantok.

“Kita mo tong babaeng to kapag sya ang nagba-blush hindi ko inaasar pero ngayong ako ang namula kung tumawa wagas! Imba talaga!” Sabi ko habang itinatabi ang mga bote ng alak sa gilid ng kwarto.

“Tse!” Sabi nya. Kita mo, pikon talaga yun. Isip bata pa. Sinundan ko na sya sa taas. Naglatag ako sa sahig ng kumot at saka humiga.

“Huy!! Bakit dyan ka matutulog?”

Naku naman nagungulit pa tong isang to. Hindi na lang kasi matulog.

“E bakit gusto ko dito e.”

“Ayaw mo ko katabi?” Painosente pa nyang sabi. Anu ba naman tong babaeng to. Inuubos ang pasensya ko. Lalaki ako! Lalaki! At hindi lang yon nakainom ako! Minsan kaya din nagkakaroon ng rape cases sa Pilipinas dahil inosente ang ibang babae. Masyado silang magtiwala.

“Ako ba e inaakit mo ha Maya?”

Matakot nga ng tumigil na.

“Hinde! Ang kapal ng mukha mo! Dyan ka na matulog! PANGET!”Ayan effective ang pananakot ko. Saka ako ngumiti at nakatulog.

Bakit ba ang bilis nang panahon, malapit nanaman magbakasyon. Isang taon na lang at aalis na din ako dito. Hindi ko nanaman alam kung saan ako pupunta. Babalik siguro muna akong Maynila para dalawin si Gideon at mama pagkatapos lalayo nanaman ako.

Dito lang nanaman ako sa boarding house. Gusto kong umalis at pumunta sa kahit saan. Alam ko na, mag-aya kaya ako ng outing?

“GUYS!!!! Outing tayo! Punta tayo sa beach!” Okey naunahan ako ni Maya sa sasabihin ko.

“Otara.. nakakabagot dito magbakasyon!” Pagsang-ayon ko kay Maya.

“Woooh! Kunyari pa kayo iih! Gusto nyo lang kasama isa’t isa ih!” Pang-aasar ni Gab. Namiss ko tong si Gab. Isang linggo kasing hindi nagpakita sa amin ang sabi nya nagkasakit daw sya.

“Gago!!” Ayan nasabihan tuloy ng gago ni Maya.

“San mo gusto mag-outing Maya?” Sabi ni Rhen habang nilalaro laro nya yung dulo ng buhok ni Maya. Parang biglang sumama ang pakiramdam ko. Bakit ganun? Dati namang ganyan si Rhen kay Maya pero simula nong gabi na nag-inuman kami at sinabi sa akin ni Rhen na mahal nya si Maya parang bigla naman akong nasasaktan? Nagseselos kaya ako? Di pwede. Wala akong nararamdaman. Pero ansakit talaga gusto ko atang mag-walk out para hindi makita yung pagkukulitan nilang dalawa.

Lumabas ako at nagyosi. Di ko talaga kaya.

Maya maya sinundan ako ni Dylan dito sa labas at umupo sa tabi ko.

“Selos ka noh?” Dirediretsong pagkakasabi ni Dylan.

Teka. Ako? Magseselos? Si Phoenix Rei Padilla magseselos? Tong babaero kong to? Kung alam nyo lang ang totoong records ko sa mga babae noong past 5 years sa Maynila. Baka hindi nyo maisip na marunong akong magselos. Pero….pero…

“Ano hindi ka makaimik dyan? Ligawan mo na kasi…Bago ka pa maunahan...”

Hindi ako makapagsalita. Marunong talagang manghula at manghuli itong si Dylan. Kailan ba ako makakalusot sa lalaking to? Masyadong magaling magbasa ng ibang tao.

Pagkasabi nya noon ay bumalik na ulit sya sa loob.

Dahil walang malaking pera ang lahat, napagdesisyunan namin na sa Caranglan na lang magpunta. Treking papunta sa falls. Maaga kaming nagkitakita sa shop nila Rhen. Napag-usapan kasing magmomotor na lang kami para sariling sasakyan ang dala. Sakto namang anim kami at tatlo ang may motor kaya angkas angkas na lang. Si Rhen at si Gab ang magkasama sa motor. Si Dylan kinausap kaagad na si Chester ang umangkas sa kanya. Syempre may magagawa pa ba ako kundi sa motor ni Maya umangkas.

“Maya, kaya mo bang mag-drive ng ganoon kalayo?”Tanong ni Rhen kay Maya.

“Siguro?....Kaya ko naman siguro..” Sagot ni Maya. Oo nga baka nga hindi sya sanay magdrive ng ganoon kalayo. Mayroong 2 hours at mahigit din daw ang byahe hanggang sa Caranglan.

“Ano? Hindi mo sure kung kaya mong magdrive?” Ayan naghi-hysterical na si Rhen.

Ngumingiti ngiti lang si Maya, parang nagpapa-cute para hindi pagalitan. Isip bata talaga.

“Wag kang ngumiti ngiti dyan! Nagpapa-cute pa, cute na nga.” Kainis naman si Rhen bakit kailangan nyang sabihin yun? Nagseselos na nga ata ako sa kanila. Hindi, hindi to selos. Naiirita lang ako kasi...kasi nakakayang sabihan ni Rhen si Maya ng ganoon.

“Osige na ako na magdadrive kapag napagod ka..”Sabi ko para matigil na silang dalawa sa pagkukulitan. Naiirita na kasi ako.

Nakatingin naman silang dalawa sa akin. Yung tingin na ‘di nga?’

“Marunong ka magdrive?” Ayan hindi talaga naniniwala sa akin ang mga loko.

“Oo!”

“E bakit hindi mo sinasabi para naman ikaw ang pag-drivin ko kapag tinatamad ako..” Sabi ni Dylan. Loko din tong isang to. Matalinong tamad.

“Bakit nagtanong ka ba kasi?” Ayan nanaman ako sinagot ng tanong ang isang tanong. Nahahawa na ako kay Maya.

Si Maya muna ang nagdrive at nung mapagod sya ako naman ang nag-drive. Sa totoo lang iniiwasan ko ang magdrive pero wala akong pagpipilian ngayon. Nananalangin na lang ako na hindi na maulit pa ang aksidenteng nangyari dati.

Nakarating naman kami ng maayos sa Caranglan. Pagdating doon ay ipinakiusap namin na iwan sa isang bahay malapit sa paakyat ng bundok ang mga motor namin. Mabuti na lang at mababait ang mga residente. Sanay na daw kasi silang may nagpapaiwan ng sasakyan doon sa bakuran nila. Lalo na daw yung mga turista. Sinabi naman naming taga CLSU kami, mabuti na lang at nakapunta na dati si Rhen sa falls na pupuntahan namin kung hindi kailangan pa naming magpasama sa taga-doon.

Kanya kanyang dala. Kay Chester ang pinaka mabigat tutal naman atleta sya, sa kanya yung mabigat na basket ng pagkain. Yung water jag si Rhen naman ang may dala. Si Gab yung mga plato at kutasara ang dala. Si Dylan yung kalderong malaki. Ako naman, dala ko yung gitara, yung isang supot ng mga chicherya at isang 1.5 na sprite. Madaya naman at wala man lang kadala dala si Maya. Hindi uso ang pagkakapantay pantay sa barkadang ito.

Dahil dalawang kamay ko ang may hawak na supot at nakakawala din ng balanse ang gitara na dala dala ko muntik na akong matalisod sa pag-akyat. Mabuti na lang at naitukod ko ang kanang kamay ko na may hawak na supot ng chicherya kung hindi nabasag na ang gitara ko. Oo, gitara ko ang pinilit nilang dalhin palibhasa ideya ko ang magdala ng gitara para sa soundtrip. Tamad talaga mga iyon kahit kelan.

Matapos ang sampung taong pag-akyat baba sa bundok narating din namin ang falls na sinasabi ni Rhen. Si Maya tuwang tuwa at kuha ng kuha ng picture. Simula nang umakyat kami nagpipicture na sya baka naman ubos na ang memory ng dala nyang camera. Maya maya ay tinawag nya kaming lahat para daw kuhanan nya kami ng picture na background ang falls. Sunod naman kami sa kanya. Kanya kanyang pose at ngiti.

Sa may lilim kami naglatag ng banig. Oo, may dala kaming banig para masaya. Isa-isa nang nagsipagtanggal ng tshirt nila sina Gab, Rhen, Dylan at Chester. Para silang mga bata na ngayon lang nakakita ng falls, mga sabik sa tubig. Naiwan tuloy kami ni Maya doon.

Nahiga ako sa banig na nilatag ni Gab kanina. Itinodo ko ang volume ng kanta sa phone ko, naka-earphone naman ako kaya hindi naman magagambala ang iba. Paborito ko ang mga kantang acoustic rock nakaka-hypnotize pakinggan at nakaka-relax. Di ko namalayan na nakatulog na pala ako.

Nagising ako na nasa isang kalye na ako. Mahaba at tuwid. Nakamotor ako at mag-isa.

 Binagalan ko ang takbo ng motor nang makitang mayrong pinagkakaguluhan ang mangilan ngilan na tao.

Mayroong aksidente. Huminto ako at lumapit. Umatake nanaman ang pagiging pakialamero ko at mausisa. Paglapit ko, nakita kong mabuti ang pinagkakaguluhan nila. Halatang kagaganap lang ng aksidente dahil wala pang dumadating na tulong at kakaunti pa lang din ang usisero.

Sa di kalayuan mayroong van na nakabangga sa puno. Wasak na wasak ang harapan nito na halos wala nang natira sa salamin nito. Nakita kong andoon pa ang driver nito at duguan, ganoon din ang katabi nitong babae na duguan din. May mga kasama sila sa loob ng van na mabilis namang nagsibaba at tinulungan ang mga kasama nila.

Akala ko yung van lamang ang naaksidente pero paglingon ko sa kanan ko may lalaking duguan, basag ang mukha at hindi na gumagalaw sa tabi nito ay isang lalaki din na duguan ang mukha pati ang damit niya. Mayroong galos sa braso at umiiyak sa tabi nang nakahigang lalaki. Sa palagay ko mas bata ang lalaking nakahiga at basag ang mukha. Kinilabutan ako sa nakita ko nang makita kong lumingon sa akin ang lalaking umiiyak sa tabi ng mas batang lalaki na basag ang mukha.

Hindi…

“Huy….Phoenix…Phoenix…?”

Nagising ako sa pagyugyog ni Maya sa akin.

“Nananaginip ka pa ata…Ayos ka lang ba?” Tanong nya pa sa akin habang ako naman napa-upo at nakatulala pa din.

Pinunasan ni Maya ang pawis ko sa noo. Ganoon ba akong pinag-pawisan? Panaginip nga lang ba yon? Hindi. Hindi iyon panaginip. Totoong nangyari iyon. Totoong wala na si Gideon. Wala na sya dahil sa akin. Ako ang may kasalanan sa pagkawala nya. Hindi pa rin ako makapaniwala. Nanginginig ang mga kamay ko nang kuhanin at sindihan ko ang aking yosi.

Naramdaman ko na lang na may kamay sa balikat ko. Nilingon ko ito at nakita ko si Maya.

“Ayos ka lang ba? May problema ka ba? Pwede mong sabihin sa akin.”

Hindi ko pa din alam kung anong dapat kong gawin, nanginginig pa din ang mga kamay at tuhod ko. Huminga ako ng malalim at ngumiti kay Maya.

“Tara ng maligo…” Pag-aaya ko sa kanya. Hinila ko na ang kamay nya dahil nakatitig pa din sya sa akin.

Hapon na nang umalis kami sa falls. Dahil sa malayo pa ang lalakarin at takot naman kaming gabihin sa paglalakad. Pagdating namin sa kabahayan nagpasalamat kami sa mga residente at kinuha na ang aming motor.

Dahil sa pagkakadulas ni Maya kanina sa pagbaba ay nagkasugat ang paa nya. Agad kaming huminto at tinignan ang paa nya. Ang prinsesa namin nagkasugat kaya nataranta na kaming lahat. Si Rhen idinadaan sa biro ang pag-aalala noon, si Gab naman agad na binendahan ang paa ni Maya. Si Dylan tahimik lang pero nakalagay ang kamay nya sa ulo ni Maya na parang pinapatahan sya. Oo, umiiyak si Maya sa sakit. Ambilis kasing namaga nang paa nya. Halatang napuruhan.

“Buhatin mo na…” Sabi ni Dylan sa akin sabay kindat. Parang kinikilig na agad sya sa pagkakasabi pa lang nyang buhatin ko si Maya.

Kaso naunahan na ako ni Rhen. Pagtingin ko naka-pasan na sa likod nya si Maya.

“Bagal mo kasi…” Sabi ni Dylan sabay tapik sa balikat ko.

Ubligadong ako ang mag-drive. Kahit kinakabahan ako sinimulan ko nang paandarin. Mabagal lang ang takbo namin, mahirap na baka maaksidente pa kami.

Pagdating namin ng San Jose City ay kinabahan na akong tuluyan dahil marami nang kasalubong na sasakyan.

Pagliko sa kanto nagulat na lang akong na mayroong nakahintong xlt. Nataranta ako at naibangga ko sa kasalubong na motor din. Pag-gising ko nasa ospital na ako naka-dextrose ang kanang kamay ko at may benda sa ulo. Naramdaman ko din na nakabenda ang kanang braso ko, may pilay din ako.

Nakita ko si Dylan at Chester sa gilid.

Umakto akong uupo pero sumakit yung ulo ko.

“Anong nangyari?” Tanong ko sa kanilang dalawa pero hindi sila sumasagot. Kinakabahan tuloy ako.

“Huy…ano ba? Sumagot nga kayo? Asan si Maya? Anong nangyari?”

“Pardz, ayos lang naman si Maya…May kaunting gasgas lang sya sa braso pero ayos na ayos naman sya…” Pagkasabi ni Dylan noon ay napahinga ako ng malalim. Akala ko naman kung napano na si Maya. Baka di ko na mapatawad ang sarili ko kapag may nangyaring masama sa kanya.

“Ow bakit ganyan kayo makatingin? Ano ba talagang nangyari?”

“Pardz…Naaksidente ka na ba dati?” Si Chester naman iyon.

Ano bang sinasabi ni Chester? Bakit nya tinatanong kung naaksidente na ako dati. Baka naman galit sila dahil nasaktan si Maya.

Maya may dumating na si Maya, Rhen at Gab palapit sa kama ko. Ganun din sila makatingin sa akin. Masyadong seryoso tapos parang nag-aalala na hindi mo malaman kung galit o nalulungkot.

“Maya, okey ka lang ba? Pasensya ka na ha. Sorry. Nasaktan ka ba? Hayaan mo ipapagawa ko na lang yung sira ng motor mo..” Dirediretso kong sabi.

Nabigla naman ako nang yakapin ako ni Maya. May band-aid sya sa noo at braso tapos mayroong saklay dahil nga sa paa nya na namamaga.

Hindi ko na maintindihan kung anong nangyayare. Hindi na ako makasabay sa trip ng mga ito. Kahit anong tanong ko ayaw nilang magsalita. Ano bang mga trip ng mga to? Kinakabahan naman ako, umiiyak si Maya habang nakayakap sa akin. Ano ba talagang meron?

Lumapit ang duktor sa amin at sinabing may internal bleeding ang ulo ko. Isang taon na daw ito at kahit na mabagal ang paglala ay unti unti nitong pinahihina ang pagproseso ng utak ko. Tinanong ako ng duktor kung naaksidente na ba ako dati. Kinuwento ko naman na naaksidente nga kami dati ng kapatid ko sa motor, dahilan para ikamatay nya.

Hindi ako nagulat sa sinabi ng duktor. Ayos lang sa akin. Kahit noong sabihin na hindi pwedeng operahan. Normal na normal ang reaksyon ko sa mukha.

Mas lalong umiyak si Maya habang nakayakap sa akin nang sabihin iyon ng duktor. Kung ganoon bilang na talaga ang mga araw ko? Teka nga, masamang damo ako bakit naman maniniwala akong mamamatay na ako. Pero pwede rin naman na nalulungkot na ang utol ko kung nasaan man sya kaya kailangan ko nang sumunod sa kanya. Hindi kaya galit sya sa akin? Dahil kasi sa akin namatay sya. Hindi ako nag-ingat kaya naaksidente kami.

Pag-uwe namin, dumiretso kami sa shop nila Rhen. Lahat tahimik at malungkot. Walang gustong magsalita.

“Mga pardz!!!! Bakit ganyan mga itsura nyo? Papanget kayong lalo nyan e. Tignan mo yung buhok mo Rhen kumukulot na..” Pagbibiro ko sa kanila sabay tawa tawa. Wala pa ding epekto, di pa din sila umiimik. Hindi ako sanay nang ganito kami katahimik. Palagi kasing maingay kapag magkakasama na kami. Kulitan, asaran at kung ano anong kalokohan ang nalalaman.

Nang hindi umubra ang pagbibiro ko, lumabas ako at nagyosi na muna.

Gaya ng laging inaasahan sinundan ako ni Dylan sa labas at umupo sa tabi ko.

“Pardz…wag na kayong malungkot. Hindi pa ako mamamatay. Masamang damo ako. Matagal pa deadline ko..”

“Gago ka talaga. Nagagawa mo pang magbiro ng ganyan. Hindi ka ba natatakot?”

“Mamatay…? Hindi…Mas natatakot ako kapag mahal ko sa buhay ang mawawala. Pero kung ako lang din, hindi ako natatakot..” Pagpapaliwanag ko. Matapos non lumapit sa akin si Dylan at ginulo ang buhok ko.

Isang lingo na lang at matatapos na ang bakasyon. Ngayon ko lang naramdaman ang ganito sa buong buhay ko. Pakiramdam ko bagong panganak ako. Bigla ko na lang naramdaman na sobrang attach na pala ako sa CLSU pati sa mga tao na nakilala ko dito. Pakiramdam ko ang saya saya ko kahit na sinabi ng duktor na malapit na akong mamatay.

Bigla kong naisip si Chester, noong mga bata kami nagtatalo kami lagi at hindi magkasundo dahil lagi kong pinagpipilitan noon na ako lagi ang masusunod. Gusto ko noon palaging ako ang tatay/ hari o kahit na anong laro namin. Pero ngayon napakalapit naming magkaibigan.  Sinasabi nya sa akin ang mga problema nya sa pamilya, pangarap nya at mga gusto nya sa babae. Ipinakita nya sa akin kung paano ang magsakripisyo para sa pamilya. Oo nga’t mayroon syang mahal na babae pero ang sabi nya sa akin, mas kailangan sya ng pamilya nya. Mas kailangan nyang maghanap ng trabaho at makatapos ng pag-aaral. Sabi pa nya laging may tamang panahon para sa pag-ibig.

Si Gab, na laging may ‘ihh’ ang dulo kapag nang-aasar. Chubby pero madaming nagkakagustong babae sa kanya kasi mabait sya at gentleman. Kahit lagi syang weak sa dotA. Kahit na lagi syang umuuwi pag patak ng alas-otso. Alam ko naman na mahal na mahal nya ang pamilya nya kahit pa nagrereklamo sya minsan sa kawalan ng atensyon ng magulang nya sa kapatid nya. Kahit na alam kong gusto nya lang naman na umuwi na ang mama nya galing ibang bansa. Sya yung tipo ng lalaki na kahit alam nyang may gusto sa kanya ang babae ay hindi nya iisnabin o susungitan.

Si Rhen naman na iwas ako noong una dahil sa mala-siga nyang itsura na parang hindi papahuli ng buhay. Mukha man syang nakakatakot ay nakita ko ang other side nya. Ang pagiging makulit, isip bata at mapagpasensya. Nalaman ko din na hindi pala si Maya ang sinasabi nyang mahal nya noong nalasing sya matapos naming manalo sa battle of the bands. Tawa sya ng tawa noong nalaman nyang akala ko si Maya yung sinasabi nya noon. Kahit pa madalang ko lang sya makitang magseryoso sa buhay ay napakabuti nyang kaibigan. Hindi ka iiwan kahit anong mangyari at handa kang ipagtanggol anumang gulo. Subok ko yan dahil noong minsang muntik na akong mapaaway ay hindi nya talaga ako iniwan. Yun nga lang mas bugbog pa sya kesa sa akin. Wag nang sabihin kung bakit kami nakipag-away noon. Basta ang mahalaga may kaibigan akong hindi ako iiwan sa gulong pinasok ko mag-isa.

Si Dylan na room mate ko. Kahit may pagka-psycho sya at palagi kong sinasabing magpalit na lang kami ng kurso dahil soksay sya at psych naman ako. Matalas magsalita at dirediretso magkomento. Kahit na masakit pakinggan ayos lang. Nakakatuwa dahil hindi katulad ng iba na magsisinungaling para lang mapagaan ang nararamdaman mo, siya iba naman ang istilo. Sasabihin nya harap harapan sa iyo ang pagkakamali mo pero kasunod naman noon ang mga pwede mong gawin na solusyon. Pilosopo din yun at hindi ko makakalimutan noong malaman kong takot pala sya sa girlfriend nya. Isipin mo, yung sadista at lupit ni Dylan takot pala sa gf. Patunay lang noon na kahit ang demonyo may kinakatakutan din pala.

Si Rio, kahit na tuwing praktis ng banda ko lang nakakasama ay sobrang close naman kami. Hindi nya talaga tinantanan ang pagtawag sa akin ng kuya. Dahil sa kanya, unti unti kong natanggap na wala na nga ang utol ko. Kahit na miss na miss ko na yung utol ko, pakiramdam ko si Rio, utol ko na din.

At syempre, ang una at nag-iisang babaeng naging kaibigan ko dito sa CLSU. Si Maya, na sobrang espesyal sa akin. Kahit na maton syang pumorma ay babaeng babae pa din sya. Napaka-iyakin, napakatakaw kumain ng icecream, napaka-hyper, napakakulit, sweet na prinsesa ng barkada, lucky charm ng banda at ang scooter girl ng buhay ko.

Maaga akong gumising at nagluto ng fried rice. Umuwi si Dylan sa kanila kaya mag-isa lang ako dito. Pagkatapos noon ay naligo na ako at pumunta sa shop ni Rhen.

Nadatnan ko na doon si Maya at nakangiti sa akin. Kahit na nahihilo ako habang naglalakad kanina ay napangiti na din ako. Paano ko naman makakayang iwan ang ganyan kagandang ngiti ng babaeng to?

“Lapit na ng birthday ko! Dapat may gift ka sa akin…” Pagkasabi nya noon bigla syang humawak sa kamay ko at iniupo ako sa sofa kung saan ko sya nadatnang nakaupo.

“Kelan ba birthday mo?”

“May  7….” Nakangiti nyang sagot sa tanong ko.

“Talaga 7 ka? Magkasunod pala tayo? 8 naman ako..”

Hindi kami makapaniwalang magkasunod kami ng birthday. Marami talaga kaming pagkakatulad ng babaeng to. Kaya hindi nauubos mga pinagkukwentuhan namin sa buhay.

Dahil dalawang araw na lang at malapit na ang birthday ni Maya kasunod naman noon ay ang birthday ko, nagkaroon kami ng kasunduang ise-celebrate naming ng magkasama ang dalawang magkasunod na araw na iyon. 

Dati rati hindi ako marunong magplano ng buhay ko pero ngayon bigla kong naramdaman na magsulat ng mga ‘to do list’ ko at ng mga pangarap kong gawin sa buhay.

Una sa listahan ko ang maka-graduate, dati wala naman akong pakialam kung maka-graduate ako o kung magtransfer o magshift ng kurso. Pero ngayon bigla ko naman gustong makatapak sa graduation site ng CLSU para magmartsa ng naka-toga. Isang taon pa bago ako maka-graduate, siguro naman makakaya ko pang mabuhay ng isang taon. Wala pa naman akong nararamdamang masakit sa ulo ko.

Pangalawa, magkaroon ng album ang Art Sin. Ambisyoso na kung ambisyoso pero gusto ko talagang magkaroon ng album ang bagong banda ko.

Pangatlo, masabi sa lahat ng taong mahalaga sa akin na mahal na mahal ko sila at mag-iingat sila palagi.

Hindi naman mahirap gawin diba? Tatlo lang ang sinulat ko kasi tamad talaga akong magsulat.

Tingin ko nakalimutan na nila ang tungkol sa kundisyon ko kasi bumalik na sa dati ang sigla at saya ng tropa. Si Rhen nagbibiro na ulit, si Dylan nambabara na ulit, si Chester masigla ulit at aktibo sa paghahanda para sa intrams. Si Gab lang ang medyo depress dahil iniwan ng elabs nyang kapitbahay nila.

Ayos na din iyon atleast walang tension.

Mutual nga siguro ang nararamdaman naming dalawa ni Maya. Ang MU na ata ang pinakamalabong estado sa buong mundo.  Kumbaga sabi nga ni Rhen, “more than friends less than lovers.” Bakit ba kasi ang hirap aminin ng nararamdaman? Nauuna lagi ang takot na baka ma-reject? Sa estado naman namin ni Maya, parang masaya na kami parehas sa MU. Ayokong maging first bf ni Maya.

Dumating na ang araw ng birthday ni Maya.

Maaga siyang nagpunta sa boarding house. Ang sabi nya madami daw kaming gagawin ngayong araw. Syempre sya ang makapangyarihan ngayon dahil birthday nya. Uspan kasi namin na maglilista kami pareho ng mga wish list at to do list na gagawin naming magkasama or pwede rin naman na request na ipagawa sa isa’t isa. Syempre ideya nya iyon. Isip bata man pakinggan ay pumayag naman ako dahil kitang kita ko sa mga mata nya na excite na excite sya habang sinasabi yun.

Dirediretso sya sa kwarto ko habang naliligo ako naupo sya sa doble deck na kama namin ni Dylan. Habang naliligo ako narinig kong may kausap sya, siguro tumawag para bumati sa kanya.

Pagtapos kong maligo nagbihis ako sa likod ng pintuan. Oo, hindi lumabas si Maya, hindi marunong mahiya o gusto talaga nyang makapanilip? Sa bagay di naman ako macho walang abs dahil payatot ako.

Ngayon ko lang napansin na naka-curl ang dulo ng buhok ni Maya. Naka-contact lens sya ng hazel brown. Dress ang suot nya na hanggang tuhod, kitang kita ang buto nya sa leeg na sya namang sexy tignan sa isang babae. Pagtingin ko sa paa nya, nakita kong naka-sandals sya yung nakatali sa paa na parang pang-amazona, may 1inch siguro yung heels. Napangiti naman ako matapos ko syang tignan mula ulo hanggang paa. Kung pwede lang sabihin na mahal na mahal ko sya baka nasabi ko na noon pa.

Pagkabihis ko may iniabot syang papel.

1.  Manuod ng sine

2. Kumain ng fried icecream

3.  Maglaro sa arcade

4. Magpapicture kasama ka

5. Pumunta sa puntod ni kuya

Dahil puro sa mall makikita ang mga nasa to do list niya sa Cabanatuan kami pupunta. Hindi ako mahilig sa mall, kahit pa sabihing madaming mall sa Maynila napakadalang ko pumasok at tumambay sa mga mall doon. Nakakapagod kasing tignan ang mga tao doon at pakiramdam ko maliligaw ako.

Napatingin ako sa orasang nakapatong sa lamesa ni Dylan. Ala-sais pa lang, ang aga pa. Alas-nuwebe pa magbubukas ang mall. Umupo ako sa tabi ni Maya at tinitigan sya. Gusto ko nang sabihin na mahal ko sya kaso natatakot ako. Hinawi ko ang bangs nya at hinawakan ang mukha nya. Ano ba naman tong ginagawa ko? Baka lalo nyang maramdamang mahal na mahal ko na sya. Tumayo ako at kinuha ang hairclip na binili ko kay Mami Glo. Si mami Glo yung may tindahan ng mga accessories at kung anu anung abubot  doon sa may old market.

Bumalik ako sa tabi nya at nilagay iyon sa buhok nya. Nawala ang bangs nya. Umaliwalas lalo ang mukha nya.

“Ayan nakikita ko na parehas yung mata mo.” Sabi ko sa kanya pagkatapos na mailagay sa buhok nya ang clip. Kulay black iyon na may star na design. Bumili ako ng madami noon kaya yung iba inilagay ko sa kamay nya at sinabing itago nya. Agad naman nyang inilagay sa bag nya.

“Ang aga aga pa…Saan muna tayo pupunta neto?”

Pagkasabi ko noon ay humiga ako sa kama habang sya naka-upo pa din at walang imik.

Nabigla naman ako ng humiga sya sa tabi ko. Nag-otomatik naman ang kamay ko na ilagay sa likod ng ulo nya para magsilbing unan. Ganoon lang kami ng matagal. Pakiramdam ko birthday ko na din ngayon. Napakasaya ko din kasi kasama ko ang pinaka espesyal na babae sa buhay ko.

“Salamat pala sa regalo mong clip..” Biglang sabi nya habang hinawakan ang ikinabit kong clip sa buhok nya.

“Hindi yan ang regalo ko sa’yo. Matagal ko na yan nabili kaso nakakalimutan kong ibigay sa’yo” Tumayo ako sa pagkakahiga kaya naman napa-upo din sya para sundan ako ng tingin.

Pagkakuha ko sa gitara ko, umupo ulit ako sa tabi nya at sinimulang tugtugin ang kantang ginawa ko para sa kanya.

Para kay Maya

She was the brightest star that night

When I first met you, the day I met my star.

That time I thought stars were miles away

but you showed me stars do fall inlove and can be loved.

CHORUS:

Now we’re here…..

talkin’ bout everything.

Laughin and smiling…

since when? since when?

I never knew what it is to be loved

but I certainly feel love when you showed me.

You’re never been perfect and so do i

but I wish I can marry my star.

CHORUS 2:

Now we’re here…..

talkin’ bout everything…

Loving and hiding…

since when? since when?

I wanna see you forever, my star.

but forever is not enough and just a word.

it’s just a word…

just a word…..

 A/N: ahm,original na ginawa po yung kanta na iyan..hindi ko kinopya kahit kanino..

Pagkatapos kong kantahin sa kanya iyong isinulat ko ay yumakap sya sa akin.

“Happy birthday star ko..”

“Salamat Phoenix…Napakasaya ko na nakilala kita …”

Pagkasabi nya noon ay hinalikan nya ako sa pisngi? Tama ba? Hindi ako makapaniwalang hinalikan nya ako sa pisngi. Napakasaya ko, para akong lumilipad sa ulap dahil lang sa isang halik. Umalis na kami para pumunta sa puntod ng kuya nya.

Minsan lang to mag-suot ng ganto at alam kong para to sa kuya nya. Napangiti naman ako, paano naman kahit naka-dress nagscooter pa din kami at sya pa ang nagdrive. Adik talaga tong babaeng to. Walang poise pero mahal na mahal ko.

May 20 mins din ang layo ng binyahe namen. Bumaba ako, bumaba din sya. Naglakad sya kaya sinundan ko sya papasok ng sementeryo. Nasa unahan ko lang sya at bigla syang huminto at umupo sa tapat ng puntod ng kuya nya habang ako nakatayo sa likod nya. Kaya pala may dala siyang bulaklak at kandila kanina.

“Hi po kuya…miss na miss na po kita..kuya first birthday ko na wala ka..nakakatampo ka.”

Umiiyak si Maya. Naiintindihan ko sya, ganyan din ang pakiramdam ko nang mawala si Gideon.

  In Loving Memory of

Mayo Alekzis R. Miranda

February 06, 1988– July 07, 2010

Tinitigan ko si Maya, tumutulo na ang luha nya pero nakangiti sya.

“Hi po kuya ni Maya.. Ako po si Phoenix. Star ko po ang utol mong maganda. Aalagaan ko po sya kahit na lagi nya akong inaaway. Ipagtatanggol ko sya kahit lagi po syang siga humasta. Hindi po ako magsasawang bilhan sya ng icecream kapag nalulungkot sya. At pangako pong palagi ko syang pangingitiin para laging nakikita ang dimples nya. Lagi ko din pong ipaparamdam sa kanya na napakaganda nya kahit sya mismo hindi nya inaamin sa sarili nya na maganda sya…”

Pagkasabi ko noon ay tinignan ko sya at saka niyakap. Alam ko naman na kahit hindi ko aminin sa kanya alam nyang mahal na mahal ko sya.

Naalala ko tuloy nung araw na nakilala ko si Maya. Naikwento nya sa akin na nung araw na nakilala nya ako ay araw na inilibing ang kuya nya. Yun din yung araw na huli nyang nasilayan ang kuya nya sa kwadrong may salamin.

Bago kasi magpakamatay ang kuya ni Maya, nag-iwan ito ng sulat para sa kanya. Sabi nito, dadating din ang tao na mamahalin niya at mamahalin sya. Nagkataon naman daw na habang umiiyak siya ay tinatanong nya ang kuya nya kung totoo ba iyong sinasabi nito sa sulat. At dumating nga ako sa buhay ni Maya. Matapos non ay naniwala sya sa kuya nya.

Natapos ang date namin sa mall este birthday nya pala, na masaya kami parehas.

Ang last sa list nya ay ang stargazing. Kaya naman andito kami ngayon sa field parehas na nakahiga at nakatingin sa langit. Hanggang dito daw kami hanggang sa mag-alas dose. Maya-maya dumating na din si Gab at Rhen na may dala dalang cake at kandila. Bumati sila ng happy birthday kay Maya. Kitang kita ko na masayang masaya sya kahit na nangingilid ang luha nya bago nya hipan ang kandila na nakalagay sa cake nya. Sinimulan na naming kainin ang cake.

“Woooooooooooooooooooooooooi!!!! Penge kami nyan…” Sigaw ni Rio sa malayo. Kasunod nya si Dylan at Chester.

“Bilisan nyo!! Mauubos na dali!” Sigaw naman ni Maya at saka nagtakbuhan ang mga loko papalapit sa amin.

Ang saya talaga magkaroon ng tropa. Ang saya saya kapag magkakasama kami. Sila na kasi ang naging pamilya ko dito sa CLSU. Kung wala sila hindi ko siguro matatagalan ang paglipat dito.

“Five…

four…

three…

two….

ONE!!!!!!!!!!!!!!!!!!!

HAPPY BIRTHDAY PHOENIX!!!!!!!”

At sabay sabay na sigawan nila. Napangiti naman ako, hindi naman talaga ako nagse-celebrate ng birthday ko. Kahit saan ako maabutan, kung minsan nga hindi pa ako nakakauwi sa amin kapag birthday ko. Ang kapatid ko laging si Gideon ang unang bumabati sa akin, tatawagan nya ako pagpatak na pagpatak ng alas-dose. Pero ngayon, kahit anong tingin ko sa cellphone ko wala nag tatawag sa akin para bumati. Malapit ng magtatlong taon na wala sya.

Yung kalahati pala ng cake kanina sa akin kaya pala hindi nila kinain lahat. Agad nilagyan ng kandila ni Maya yung cake at pina-ihipan sa akin. Nakakatawa sila, akala ko kanina kung bakit hindi nila kinakain yung kalahati ng cake. Kulang na daw kasi yung pera nila kaya isang cake lang ang binili. Masayang masaya naman ako dahil kahit kalahati lang yung cake ko ay ngayon na lang ulit ako nag-celebrate ng mayroong cake.

Maya-maya ay lumapit sa akin si Maya at tinatanong ang ‘to do list’ ko.

Dahil tamad akong magsulat niyakap ko sya at saka ibinulong ang list ko.

“Isa lang naman ang gusto kong gawin ngayong birthday ko….Ang makasama ang pinakamamahal kong…..”

“Pinakamamahal mong….?” Pagtatanong nya. Hindi nya ba maramdaman na sya yon? Talaga tong mga babae kailangan pang sabihin.

“tropa…kayo…yun lang naman ang gusto ko…” Ayan tuloy ang nasabi ko.

Ngumiti sya kahit alam kong nadismaya sya sa sinabi ko. Bakit ba ang mga babae kailangan mo pang sabihin sa kanila na mahal mo sila bago sila maniwala. Wala ba silang tiwala sa pinararamdamam sa kanila? Kailangan pa ba ng salita? Pero sabi nga ni Amang Jun Reyes, “Ang salita ay isang uri ng pambobola…” Tama nga naman. Ang kaso nga lang paminsan minsan kailangan ding sabihin ang mga kataga na ‘mahal kita’ para maintindihan ito ng taong mahal mo.

Matagal ko syang niyakap. At dahil birthday ko isa pang sinabi ko sa kanya na gusto ko ay nasa tabi ko lang sya sa buong araw ko. Kaya naman pagpatak ng alas-dose magka-holding hands na kaming dalawa. Wala talaga akong balak bitawan yung mga kamay nya.

Si Rhen, umalis at makikipagkita sa elabs nya. Dun sa friend nya na may lihim syang pagtingin. Hindi naman uso sa amin ang mainlove sa kaibigan at maging torpe.

Hindi na ako nahihiya na makita ng tropa ang nararamdaman ko para kay Maya. Si Dylan at Rio abot ang pang-aasar sa aming dalawa. Naiinggit daw sila, sana daw isinama din nila ang mga gf nila. Mga loko din. Si Gab naman halatang malungkot pa din. Broken heart kasi si loko. Si Chester naman never nag-update ng lovelife nya yung isang yon. Busy masyado sa paghahanap buhay at pag-aaral.

Di ko aakalain na mabilis tatakbo ang panahon. Akala ko ba sabi ng duktor na iyon na malapit na akong mamatay. Bakit ngayon hindi pa din ako patay? Natapos ang bakasyon at pasukan nanaman. Nag-enroll pa din ako dahil graduating na ako hindi pwedeng hindi ako maka-graduate man lang. Aabot ako sa deadline.

Sa lahat ng taon sa kolehiyo ang 4th year ang pinaka mahirap. Tama sila sobrang stresfull at sobrang daming ginagawa. Ako, si Maya at Dylan ay pareparehas nang 4th year. Kahit na may-OJT at thesis kami kinaya ko naman.

Iyon nga lang sa sobrang busy nabawasan ang oras na makasama si Maya pati ang tropa namimiss ko na din. Madalang na din kaming sumali ng battle, kapag lantern na lang kami nakakatugtog. Si Rhen kasi nag-enroll na ang kaso andaming inaayos dahil sa mga bagsak na subjects. Si Chester naman busy din sa pag-aaral. Next year kasi graduating na din sya.

Ang estado naman namin ni Maya ay MU pa din pero sobrang lalim ng unawaan namin. Yung tipong kulang na lang isulat naming parehas sa noo namin ang ‘reserve na ako’ o kaya naman ‘I’m single but I’m taken.’ May mga nagtatangkang manligaw sa kanya pero bina-busted nya agad. Pero meron siyang isang makulit na manliligaw, parang stalker na nga sa kulit. Sinumbong lang nila sa akin nung tapos na ang isang buwan na OJT ko mula sa Pampanga. Ibinilin ko si Maya sa tropa. Sinabi ko sa kanila na lalagutan ko sila ng hininga kapag pinabayaan nila si Maya.

Syempre naman tulad ng dati, iyak nanaman ng iyak si Maya noong umalis ako. Napaka-iyakin talaga non kahit kelan. Matapos nya akong yakapin ay pinagbantaan naman nya ako na kapag daw hindi ako nag-ingat papatayin nya ko. Isip bata pa din.

Dahil sa sanay akong bumyahe at mapadpad sa ibang lugar hindi naging mahirap sa akin ang OJT. Yung partner ko sa OJT na kaklase ko din, naging close ko na. Halos tatlong buwan din kasi kaming nagkasama ni Ryhme, pero kahit na naging close kami hinding hindi ko ipagpapalit si Maya. Hindi ako nagtaksil kahit na hindi pa naman talaga kami ni Maya. Ewan ko nga ba kung paano akong napatino ni Maya. Dati rati kasi kapag napupunta ako sa ibang lugar lagi akong nagkaka-gf. Pero simula ng makilala ko si Maya, nagtino ako bigla.

1 month na lang at graduation na. Oo, natapos ko lahat ng mga requirements para makapagmartsa. Ganun din sina Maya at Dylan. Pero si Chester at Rhen pati si Gab hindi pa makaka-graduate. Si Gab 5 years ang kurso nya kaya hindi namin sya kasabay. Si Chester naman mag-eextend pa ng isang sem dahil may back subjects sya. Si Rhen, palaging naghihinto sa pag-aaral dahil sa kulang lagi ang ipon nya. Di man namin gusto na hindi sabay sabay makamartsa kailangang may mauna. At oo nga pala, 1st year college na si Rio ang cute naming bunso na drummer. Dito din sya sa CLSU nag-aral at CFY sya. (Common First Year)

“Phoenix? Ano gusto mong graduation gift?” Biglang sabi ni Maya habang nakatambay kami sa field. Nakahiga sya sa hita ko at nanunuod ng mga bituin. Pasado alas nwebe na pero nandito pa din kami sa field. Namiss naming tumambay kasi sobrang naging busy kami parehas.

“Ako? Ahmm,ano nga ba? Hindi ko alam e. Kahit ano basta galing sa ‘yo.”

“Gusto mo ba ng bagay na nagagamit o ng bagay na maitatago?”

“Hmmm...Yon lang ba ang choices?” Sagot ko sa kanya habang nakatitig pa din ako sa kanya. “Ikaw ba? Anong gusto mong regalo?”

“Gusto ko wish na lang sa akin kesa gift ibigay mo..” Sabi nya ng nakangiti. Ayan nanaman sya pinapakita nanaman ang dimples nya sa akin. Paano ko ba naman kakayaning tanggihan ang isang to.

“Sige okey lang sa akin yun. Pabor sa akin para hindi magastos.” Sagot ko naman sa kanya saka tumawa.

“Hmm.. Walang bawian yan Phoenix ha…bukas bigay ko sa yo wish list ko..” Nako mukhang masama ang binabalak ng isang to. Lagot ako.

Papalapit ng papalapit ang graduation. Hindi man lang ako naee-excite. Alam ko kasi ibig sabihin nun ay kailangan ko ng umalis at pumunta sa ibang lugar para makakilala ng mga bagong tao at makarating sa mga lugar na gusto kong puntahan. Ibig sabihin din ba non na hindi ko na makikita si Maya?

“Phoenix...” Tawag nya sa akin bago ako pumasok sa boarding house ko. Oo, sya ang naghahatid sa akin imbes na akong lalaki ang maghatid sa kanya pauwi. Sya kasi ang may scooter e.

Inilagay nya ang isang maliit na notebook sa kamay ko at tumalikod na sa akin. Pinaandar nya na ang scooter nya at umalis. Pumasok na ako sa kwarto at pagkahiga ko sa kama ko ay binasa ang nakasulat sa maliit na notebook na ibinigay nya. Akala ko ba bukas pa nya ibibigay? Parang pinplano nya to a.

5 WISHES …

Yan ang nakasulat sa unang pahina ng notebook. Inilipat ko sa susunod na pahina.

Rule: Bawal ilipat sa next page kapag hindi pa nagagawa ang first wish ko.

Masyado bang demanding? hehe. Pagbigyan mo na ko please? Love mo naman ako e diba?

Napangiti naman ako nang mabasa ko yung rule nya. Parang bata lang at teka nga, porket alam nyang mahal ko sya confident na masyadong gagawin ko lahat para sa kanya? Naku.

First Page.

1.Dedeicate a song for me please? Pero may kanta ka nang ginawa para sa akin noong birthday ko diba? Kahit kantahin mo na lang po ulit yon para sakin. Gusto ko irecord mo please? Video dapat. Mwah.

Pagkabasa ko noong unang wish nya na iyon napangiti ako. Walang kahirap hirap. Matagal ko nang nairecord yung kantang ginawa ko para sa kanya. Ang totoo nga dapat ibibigay ko sa kanya yun ang kaso lagi kong nakakalimutan. Agad akong nagpunta sa shop ni Rhen at nagpatulong magrecord. Gusto kasi ni Maya video pa, mabuti na lang pwedeng magrecord sa laptop ni Dylan. Ayun tinulungan nila akong mag-record at mag-edit. Nilagyan ko na din ng kaunting message sa dulo.

Natapos ng ilagay sa CD ni Rhen. Nagtanong sila kung para saan ko gagamitin yun. Alam nilang kinompose ko ang kanta na yon para kay Maya. Matagal na nilang inaawitan na tugtugin ng banda yung kantang ginawa ko ‘Para kay Maya’. Pumayag naman siya, pinapraktis na din naming tugtugin yung kanta. Sa pagkakatanda ko nga, una naming tinugtog iyon noong lantern parade. Marami naman ang nagustuhan yung compose ko. Syempre sinabi ko sa lahat kung para kanino yung kanta na yon at marami ang natuwa at kinilig. Title pa lang naman kasi alam na.

Kinabukasan ibinigay ko yung CD kay Maya kasama ang isang piraso ng rose. Gusto ko lang syang i-surprise. Tuwang tuwa naman syang kuhanin yun. Parang mas natuwa pa sya sa rose kesa dun sa mismong wish nya. Pinagpaguran namin irecord nila Rhen yun. Nakailang take din kami dun.

2.Buong buhay ko wala pa akong nagiging kaibigan na bakla. Please, kahit isang araw lang mag bading badingan ka… please? Gusto ko lang ma-try maramdaman na magkaroon ng kaibigan na bading. Alam kong hindi mo ko matitiis.

Anak ng!! Kung yung unang hiling nya napangiti ako ng mabasa ko. Eto naman napamura ako. Paano namang hindi diba? Ikaw ba naman pagkunwariing bakla buong araw? Takte. Pero sige dahil mahal na mahal ko yong isang yon, sige payag na. Payag akong magmukhang tanga. Wooooh! Ang corny!

Kinabukasan, maaga syang pumunta sa boarding house ko. May dala dala syang skirt, blouse at heels na 1inch. Taena, wag nyang sabihing ipapasuot nya sa akin tong mga to? Pakshet! Pride ko! Masisira ang kinabukasan ko, kung meron pa nga ba.

Wala pang isang oras suot ko na ang dala nyang costume sa pagbabading badingan ko. Bale, dalawang oras muna nya akong pinilit pilit bago ako pumayag. Sa totoo lang okey lang naman sa akin yun, nagpakipot lang naman ako para pilit pilitin nya ako. Bakit babae lang ba ang pwedeng magpakipot?

Rumampa rampa pa ako sa harapan ng tropa. Syempre kung tumawa sila wagas na wagas. Tawa ng tawa sila gago. Tuwang tuwang sila. Pero dahil din doon naisip ko na lang na i-enjoy ang pagbabading badingan. Halos kariririn ko nga. 

At hindi pa nga sya nakuntento sa ganun. Isinama nya pa ako sa CAS para magpapirma kami ng clearance namin. Ay potana, lahat ng tao tumitingin sa akin. Lahat ng kakilala ko tinatawanan ako. Pati mga teachers na pinapapirmahan namin tawa ng tawa. Jusme sino ba namang hindi diba? Ginawa akong laughing toy ng buong CLSU. Parang kahapon lang napaka-heartrob ng dating ko ngayon lagpak!

3.             Pwede ba kitang lagyan ng tatoo, please? Promise ko sa’yo hindi masakit.

Aw!! eto na ata ang pinaka mahirap. Sa totoo lang takot ako sa karayom. Takot na takot. Kaya nga kahit na lahat ng kakilala ko may tattoo na at kinukumbinse akong magpatatoo na din, di ko kaya. Di ko talaga kayang magpa-tatoo. Nakikita ko pa lang yung karayom na gagamitin pakiramdam ko sasabog ako at manununtok. Kahit na injection may phobia ako.

Palibhasa kasi si Maya may tatoo sa batok, kamay at paa. Oo, kahit babae sya mayroon syang tatoo. Ganyan ka-astig ang babaeng yan.

Huminga ko ng malalim pagkabasa ko ng number 3. Kaya ko kaya yon? Jusme mas gugustuhin ko na yong number 2, wag lang karayom. Ano ba naman tong babaeng to, bakit naman ito pa ang naisipang hilingin? Gusto nya atang maging Mars ang Earth.

Kinabukasan, maaga akong pumunta sa shop ni Rhen. Marami kasing tatoo si Rhen kaya naman tinanong tanong ko sya kung anong pakiramdam, kung gaano kasakit, kung gaano katagal gagaling.

“Pardz, parang kagat lang ng langgam promise. Yun nga lang dumudugo…” Eka ni gago. Kakulit din ni Rhen, parang kagat daw ng langgam? Gaano kalaki ang langgam na yon, higante?

Maya maya dumating na si Maya. Oh shit! Katapusan ko na.

“Star ko? Handa ka na po magkaroon ng tattoo?”

“Haaa?!” Nagbingi bingihan ako kunware.

“Star naman e, ako naman ang mag-tatatoo sa iyo e. Alam mo naman na mahusay akong mag-tatoo diba? Ako nga nag-tatoo ng ibang tatoo ni Rhen.”

“Hooo... Oo, handa na akong magpakamatay este magpatatoo sa‘yo star ko.”

Ayan. Habang hinahanda nya ang mga gagamitin ay sobrang ninenerbyos ako. Pinalabas nya lahat ng tao sa shop at naiwan kaming dalawa.

“Saan mo gusto?” Tanong nya sa akin. Seryoso na talaga to? Ojusko iligtas mo ako sa karayom.

“Kaw na bahala kung saan.” Sagot ko na medyo nangangatal na ang boses.

“Okey!.. Sa dibdib mo po ko gustong ilagay.”

“Sige.. Game..”

“I-relax mo ang muscles mo ha. Hinga ka munang malalim.” Ginawa ko ang sinabi nya at kahit paano nabawasan ang kaba at takot ko.

Hindi ko alam kung anong design ang ginagawa nya pero habang ginagawa nya iyon ay nakatitig lang ako sa mukha nya. Dahil sa dibdib nya inilalagay ubligadong umupo ako para maabot nya ako, tangkad ko kasi. Sya naman nakatayo kaya nakayuko sya habang ginagawa nya iyon. Titig na titig lang ako sa mukha nya. Yung mata nya, ilong nya, yung labi nya na kulay pink. Ni minsan wala akong nakitang bisyo nya. Hindi sya nag-yoyosi. Hindi rin sya umiinom. Hindi rin kumakain ng karne. Color black lang sya adik at saka sa icecream. Tong babaeng to, kahit kailan iba ang epekto sa akin. Hamakin mo, hindi ko nararamdamang masakit ang tinatatoo nya sa akin dahil lang sa nakatitig ako sa kanya.

Makalipas ang 1 oras ay natapos din sya sa ginagawa nya. Pinatayo nya ako at iniharap sa salamín sa may likuran namin. Pagkakita ko, napangiti ako. Inilagay nya lang naman ay isang star na mayroong mga vines vines at parang shadow sa gilid. Simple lang pero napakaganda. Kahit di nya ipaliwanag alam ko ang ibig sabihin ng tattoo na ito.

4.Ipagluto mo po ko….kahit na ano basta luto mo…

Marunong akong magluto. Kahit na sa kawayan kaya kong magsaing. Kahit nga sa bao kaya ko. Natutunan ko iyon sa pagtira namin sa katutubo. Nag-isip ako ng paboritong pagkain ni Maya. Pero dahil nga vegetarian sya, isa lang ang naisip ko na pwede. Ang chapseouy.

Nagpasama ako sa kanya sa old market. Sinabi ko kasing kailangan ko ng tulong nya. Tuturuan ko na din syang magluto. Matapos mabili ang mga rekados ng chapseouy ay sinimulan na namin ang pagbabalat at paghiwa sa mga gulay.

Kulitan habang nagluluto. Abot tenga naman ang ngiti nya ng maluto na ang chapseouy. Dinala namin sa shop ang chapseouy at inaya silang lahat na kumain.

Sabado na.

Kaunting araw na lamang at malapit na ang graduation. Hindi pa din ako nae-excite. Hindi ko pa din kasi alam kung saan ako pupunta pagkatapos ng graduation. Ano bang plano ko? Babalik na ba ako ng Manila? Haay, ewan.

Napansin kong umulan bigla at lumakas ang hangin. May bagyo ata? Wala naman kasing t.v dito sa boarding house kaya hindi na ako updated sa mga balita.

Matutulog na sana ako nang biglang tumunog ang phone ko. Si Maya tumatawag. Sinagot ko kaagad.

“Hello? Miss mo na ako noh?...” Sabi ko ng sinagot ko ang tawag nya. Pero ng marinig kong iba ang tunog sa background ni Maya, kinabahan na ako.

“Hello?! Maya? Anong nangyayari dyan?!” Antagal naman sumagot ng babaeng to. Asan ba sya bakit anlakas ng ulan sa background nya? Wag nyang sabihing wala pa sya sa bahay nya. Takte naman.

“Phoenix?...andito ako sa may floating kubo…punta ka dito dali...nastranded ako dito tapos nasira pa motor ko..”

“Anak ka naman ng pating Maya, bakit nasa labas ka pa ng gantong oras, alas osto na Maya…”

“Kasi may surprise sana ako sa’yo kaso bigla namang umulan..tapos nasira pa motor ko di tuloy ako makauwi...”

“Ang kulit mo kasi napakaisip bata mo talaga!! Pag ikaw nagkasakit lagot ka pa sa akin...”

“Iiiih naman wag ka na magalit...to naman minsan lang ako magpasundo..please?”

“Oo na...papunta na ako...wag kang magpaulan...sumilong ka. Please Maya wag pasaway..”

“Sige..hintayin kita…bilisan mo ha...nakakatakot dito biglang dilim e...mag-iingat ka ha…lovelove..”

Agad kong ginising si Dylan at hiniram ang susi ng motor nya, sinabi kong susunduin ko si Maya sa may floating kubo sa College of Fisheries at agad naman nyang ipinahiram.

Pinaandar ko ang motor.

Malakas pa din ang hangin pero kaunti na lang ang ulan, parang kasabay ng ihip ng hangin yung ulan.

Mabigat sa balat nakakasugat ang talim ng bawat bumabagsak na patak.

Maya. Maya ko. Star ko.

Ano bang ginagawa mo sa ganitong oras at nasa labas ka pa?

Tangena naman ih.

Pag may nangyaring masama sa’yo hinding hindi ko mapapatawad ang sarili ko.

Biglang may mabigat na bumagsak.

Patak pa din ba ng ulan yon? Sobra naman.

Bakit parang may anestesya ata yung patak ng ulan. Di ko maigalaw ang ulo ko, pati paa ko.

Teka ihinto ko kaya muna itong motor?

Maraming boses at tunog na akong naririnig. Teka, madilim na bakit andami pang tao sa labas?

Naku naman. Sana hindi umalis doon si Maya. Baka hindi ko siya kaagad makita kung ganito kadami ang tao.

Maya maya may humawak sa mukha ko. Di ko naman makilala ang mukha nya.

Teka wala ng ulan?

Bakit wala ng ulan?

Nilalamig pa din ako.

Kakaibang lamig ata ito.

Bakit parang pinapasok ang buo kong katawan.

Parang may hinahalukay sa kaibuturan ko. May unti unting humihina sa parte ng katawan ko.

Bigla kong naalala…

1.Please be my boyfriend. Alam kong mahal mo din ako.

Wala talaga akong plano after graduation.

Pero iisa lang ang plano ko. Sa mismong graduation, luluhod ako sa harapan mo at magiging boyfriend mo. Saka ko sasabihin sa iyo nararamdaman ko.

“….Maya Alezka….

MAHAL na MAHAL kita!”

Unti-unti ng dumidilim ang paligid ko...

Maya...asan ka na? Umuwi na tayo….

-tapos na-

dedicated to Jolo Miranda

Isinulat ni: CHANDRA-JHO L. BALAONG

02-27-12

Continue Reading

You'll Also Like

79.5K 5.1K 15
Rocket Grimalde is the not-so-known playboy of Eastern Hills International School. Sa kabila ng reputasyon nito bilang dakilang palikero, the school...
2.8M 53.4K 31
Si crush ang gusto ko pero girlfriend niya ang nakuha ko. She's a monster. A beautiful monster, my own Monteclaro. NOTE: THIS STORY IS ALREADY COMPLE...
5.9M 274K 72
In the near dystopian future where the population has blown up, women and the poor are more oppressed, and those with positions who abuse their power...
20.8M 511K 52
What H wants, H gets. And Camilla is not an exception. Montemayor Saga [ complete ] [ old story reposted ]