MAHAL KITA

By MsButterfly

39.7K 493 58

Pipillin mo bang makasama ang taong iyong minamahal sa kabila ng sakit na maidudulot nito o hahayaan mo na la... More

MAHAL KITA

39.7K 493 58
By MsButterfly

A/N: Ishe-share ko lang ang kwentong ginawa ko para sa proyekto namin sa Filipino :''>

 © 2013 by MsButterfly Gabrielle Yana Concepcion, All Rights Reserved

(Third POV)

PROLOGO

Sabi nila may mga bagay daw na madaling kalimutan at mayroong mga bagay naman na hindi. Kalimitan sa ating mga ala-ala ay nababaon na sa limot, mga bagay na animo hangin na dumaan lamang. Subalit may mga bagay din na kahit pilitin nating iwaksi sa ating isipan, kahit na nagdudulot lang ito ng sakit sa atin ay hindi parin nating magawang kalimutan. Marahil dahil may mga bagay sa buhay natin na nag-iiwan ng malaking bakas na kahit kailan ay hindi na natin matatanggal.

Limang taon na ang lumipas ngunit hanggang ngayon ay pakiramdam ni Darryl ay kahapon lang naganap ang lahat. Sa bawat araw na nagdaan patuloy parin niyang hinihiling na sana ay maibalik niya ang lahat. Pero imposible...hindi na mababago ang nakalipas.

Minsan naiisip niya, kung hindi ba siya pumayag sa kasunduan nila ni Lillian ay hindi ba siya masasaktan ng ganito? Sa tingin niya ay walang magiging pagkakaiba. Pagsisisihan parin niya na wala siyang ginawa para sa babaeng lihim niyang minamahal.

Si Lillian Fajardo ay kamag-aral nila ng matalik niyang kaibigan na si Curt. Matagal ng balak ni Curt na manligaw sa dalaga ngunit hindi nito magawa. Samantalang siya naman ay sinisikil ang nararamdaman sapagkat hindi niya gustong saktan ang kaibigan. Sanay na siya na iwasan si Lillian. Hindi naman mahirap iyon dahil hindi naman ito nakikipaglapit kahit kanino. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay dinidistansya nito ang sarili sa lahat ng tao.

Nagbago ang lahat ng lumapit ito sa kaniya at inilahad sa ang isang kasunduan. Na magpanggap sila bilang magkasintahan sa loob ng siyam na araw. Labis na naguluhan siya ng mga panahon na iyon. Ngunit sinabi sa kaniya ni Lillian na para ito pagselosin si Curt. Labag man sa loob niya ay pumayag siya. Magaspang ang naging pagtrato niya kay Lillian, pinipilit ang sarili na itaboy ito sa direksyon ni Curt, sinisikil ang damdamin na nais magpakilala kay Lillian. Ngunit kung mababago lamang niya ang lahat...sinabi na sana niya rito ang lahat.

Hindi maiwasang hindi niya balikan ang mga panahong iyon. Na kahit sandali, kahit palihim...naging masaya siya.

(Ika-Unang Araw)

"Akala ko ba pagseselosin natin si Curt? Paano natin siya mapagseselos kung wala naman siya dito? I-move na lang natin ang kasunduan kapag nakabalik na si Curt mula sa laban niya ng soccer sa ibang bansa."

Magkasama sila ni Lillian sa hardin rito sa University. Umalis si Curt kahapon dahil sa may laban pa ito. Dalawang linggo ang lilipas bago pa ito makauwi.

Bumadha ang pagkabahala sa mukha ni Lillian. "Pwede namang praktis na lang natin ito. Hindi din naman ako sigurado kung maniniwala si Curt."

"Ayoko." Tumayo na siya at nagsimulang maglakad paalis. Napahinto lang siya ng may mga malalambot na kamay ang pumigil sa kaniya.

"K-kapag hindi mo ako tinulungan, hindi na ako magtatapat kay Curt. Kailangan mo akong tulungan. Hindi ba magkaibigan kayo? Tulungan mo ako."

Kita sa mukha nito ang pangamba. Hindi niya gustong makita itong mahirapan pero hindi din niya alam kung kaya pa niyang itago ang lahat dito kung patuloy silang magkakalapit.

"Bahala ka na nga."

"Tutulungan mo na ako?"

Pilit na pinablangko niya ang kaniyang ekspresyon. "Ginagawa ko to para kay Curt, Lillian. Hindi para sayo. Wag mong kakalimutan iyon."

"Okay." May iniabot itong maliit na kulay asul na papel. "Itago mo iyan ha? Saka ko na sasabihin sayo kung para saan."

Kinunutan niya lang ito ng noo at inilagay niya lang iyon sa backpack niya. "Aalis na ako. Bukas na lang tayo magkita. Wag ka munang magpapakita sakin ngayong araw nato."

Sa kabila ng kagaspangan ng ugali na ipinapakita niya ay matamis na ngumiti lang ito. Hindi maiwasan na hindi siya mapatitig sa maganda nitong mukha. Kung sana ay hindi si Lillian ang nagustuhan ni Curt. Kung sana hindi si Curt ang dahilan kung bakit gusto nitong makipaglapit sa kaniya. Kung sana...siya na lang.

(IKADALAWANG ARAW)

Inilibot niya ang paningin sa kinaroronan nila ni Lillian. Sa isang Amusement Park. Hindi niya alam kung paano siya napapayag ni Lillian ngunit wala na din naman siyang magagawa dahil nandito na sila.

"Anong kinalaman nito sa pagpapaselos kay Curt?"

Ngumiti ito sa kaniya. "Pwede ko siyang dalhin dito kapag nagtagumpay tayo sa pagpapaselos sa kaniya."

Nag-iwas siya ng tingin ng may maramdaman siyang kung anong pagpiga sa dibdib niya. Kahit na siya ang kasama ngayon ni Lillian, hindi naman siya ang iniisip ng dalaga.

Nagsimula na siyang maglakad ng hindi hinihintay man lang ang dalaga. Bumaba ang tingin niya ng maramdaman niya ang paghawak ng kung sino sa isa niyang kamay. Si Lillian. Ngumiti ito at mahigpit na hinawakan ang kamay niya.

"Sa Roaler Coaster tayo." sbai ko.

Namutla si Lillian at umiling. Kumunot ang noo niya. Normal sa mga babae ang matakot sa ilang mga rides sa mga Amusement Park subalit iba ang takot na nakabadha sa mukha nito. "S-Sa iba na lang."

"Ikaw ang nag-aya dito tapos takot ka naman pala."

"Ferris wheel na lang tayo."

"Nakakabagot."

Hinila nito ang mga kamay ko. "Sa Ferris Wheel na lang tayo. Mas romantic ang pakiramdam ng lugar doon hindi ba? Magugustuhan ni Curt-"

Hindi na niya ito pinatapos sa pagsasalita at basta niya na lang ito hinila patungo sa direksyon ng Ferris Wheel. Hindi na niya gustong marinig na banggitin na naman nito ang pangalan ni Curt. 

Dahil sa hindi pa naman marami ang tao sa Amusement Park na kinaroroonan nila ay madali lang silang nakasakay. Pinigilan niya ang pagsilay ng ngiti sa kaniyang mga labi habang nakatingin kay Lillian na tuwang-tuwa sa kaniyang tabi.

"Ang saya dito no? Parang abot mo na ang langit." nakangiting wika nito. "Sa tingin mo...masaya kaya sa langit?"

"Ewan. Ikukuwento ko na lang sayo kapag namatay na ko."

Nakangiting umiling ito. "Bata ka pa. Marami pang mangyayari sayo. O kunin mo to."

"Kung magsalita ka parang mas matanda ka sa akin. Mas matanda kaya ako sayo ng isang taon. Bata ka parin naman ah." Inabot niya ang inaabot nitong papel na kulay rosas at inilagay niya iyon sa bag.

Ngumiti lang ito at itinaas ang mga kamay nito na animo inaabot ang langit. Nakangiti ito ngunit parang hindi iyon umaabot sa mga mata nito. Sa hindi malamang dahilan..nakaramdam siya ng lungkot habang nakatingin kay Lillian.

(IKATATLONG ARAW)

"Paano yan? Wala si Shina. Paano tayo mananalo sa Track and Field?"

Nagkakagulo ang mga kateam nila sa Sports Festival ng Unibersidad nila. Hindi kasi nakapasok ang isa nilang kamag-aral. Natataranta ang lahat sapagkat hindi pwedeng may madefault sa kanila. Mawawalan sila ng malaking puntos.

"Kumuha na lang kayo ng ibang manlalaro. Kahit na hindi manalo, hindi naman tayo mababawasan ng puntos." tinatamad na paliwanag niya sa mga ito.

Nakaupo lang siya sa damuhan kung saan tanaw ang Field. Mula kanina pang umaga sila naglalaro at lahat sila ay halata na ang pagod. Idagdag pa na imbis na nakapagpahinga kahapon ay kung saan-saan siya iginala ni Lillian. Hindi na dapat siya sumama dahil may patimpalak ngayong araw na ito.

"Lillian ikaw na lang ang maglaro. Ikaw pa lang ang walang nasasalihan sa atin." wika ni Miguel na kamag-aral din nila.

"P-Pero...hindi ako mabilis tumakbo."

"Hindi mo naman kailangang ipanalo. Kailangan nga dalawa ang lumaban pero kahit isa lang puwede na. Para lang hindi tayo matanggal."

Nag-aalinlangan na tumango ito. Pinagmasdan niya lang ito hanggang sa bumababa na ito sa kung saan gaganapin ang laban. Napakunot ang noo niya ng magsimula na ang karera. Gaya ng inaasahan nahuhuli si Lillian. May iba sa dalaga, mabuway ang pagkakatayo nito.

Tumayo siya mula sa pagkakaupo at naglakad pababa.

"San ka pupunta, Darryl?" tanong ni Miguel.

"Nababagot na ako dito. Sasali ako."

"Nagsimula na ang karera."

Hindi ko na ito pinansin at tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad. Nanglaki ang mga mata niya ng makita niyang nadapa si Lillian. Mabilis na tumakbo siya papunta sa Field. Hindi naman siya pinigil ng mga propesor nila.

"Hindi ka kasi nag-iingat."

Nag-angat ng tingin si Lillian. Bumuka ang mga labi nito ngunit hindi niya na ito hinayaang magsalita. Walang sali-salitang binuhat niya ang dalaga.

"Daryll...may laban pa-"

"Alam ko."

Nagsimula na siyang tumakbo. Kumapit ang dalaga sa kaniya. Namataan niya ang mga kalaban na nakarating na sa dulo. Hindi sila mananalo..imposible na iyon ngayon. Pero bakit pakiramdam niya, nakamit niya ang pinakamataas na parangal.

Napatingin siya kay Lillian ng makita niya itong may inaabot sa bulsa nito. Inabot nito sa kaniya ang isang kulay kahel na papel.

"Ano na naman iyan?" tanong niya rito.

"Basta."

(IKAAPAT NA ARAW)

"Hindi ko talaga maintindihan kung bakit pa natin ginagawa to. Nag-aaksaya lang tayo ng oras. Wala naman si Curt sa bansa."

Magkasamang naglalakad sila ni Lillian sa isang Mall. Tinawagan siya nito kaninang umaga at nakikipagkita. Kahit na alam niyang hindi dapat siya masanay na kasama ito ay hindi niya napigilan ang sariling sumipot sa usapan.

"Praktis nga."

"Hindi natin kailangan iyon. May gusto naman talaga sa iyon si Curt kaya hindi tayo mahihirapang pagselosin siya."

Napatingin sa kaniya si Lillian na halata ang gulat sa mga mata. "K-Kahit na."

Napabuntong-hininga na lang siya at nagpatuloy sa paglalakad. Sa tabi niya ay tahimik lang din si Lillian. Nakatingin ito sa magkasintahan na magkahawak ang kamay na naglalakad sa isang gilid ng lugar.

"Masaya pa talaga sa mga pasyalan na ganito? O dahil lang masaya sila sa mga kasama nila?" mahinang tanong nito sa kaniya.

"Hindi ko alam. Wag kang mag-alala, pagdating ni Curt sasamahan ka non rito. Hindi mo naman ako kailangang ayain kung hindi ka naman pala masayang kasama ako."

"Masaya ako." May inilabas itong kulay abong papel. Bumuntong hininga na lang siya at inabot ito. Nakagawian na nitong bigyan siya ng mga ganito.

(IKA-LIMANG ARAW)

Nakaupo siya sa ilalim ng puno habang pinapanood ang mga kaklase niyang tuwang-tuwa habang nag tatanim ng kung ano-anong mga halaman. May 'Tree Planting' kasi na nagaganap sa Unibersidad nila.

"Darryl!"

Lumingon siya sa pamilyar na boses na narinig niya. Patakbong lumapit sa kaniya si Lillian na may sapo-sapong kung ano sa mga kamay nito. Nang makalapit ito sa kaniya ay ipinakita nito ang mga kamay nitong may hawak na maliit na papatubong halaman.

"Itanim natin." nakangiting sabi nito.

"Ikaw na lang. Tinatamad ako."

"Sige na. Pangako hindi na kita kukulitin buong araw kapag tinulungan mo ako."

Napapailing na tumayo na lang siya. Nakangiting inaya siya ng dalaga sa isang puwesto kung saan gusto nitong itanim ang halaman. Kinuha niya ang maliit na pala at binungkal ang lupa para rito. May ngiti sa mga labi na sinimulan na nitong ibaon ang munting halaman.

"Nakakatuwa ang mga halaman, diba?"

"Ano naman ang nakakatuwa sa kanila? Halaman lang yan."  tanong niya dito habang tinatabunan ng lupa ang binhi.

"Nakakatuwa na sa pamamagitan ng simpleng bagay na ginagawa natin ay nakakapagbigay tayo ng buhay. Ang mga halaman, kadalasan mga bulaklak lang ang namamatay sa kanila. Nililipad ng hangin...natutuyo. Ngunit paglipas ng ilang mga araw, nabubuhay sila ulit."

Nakangiting tumayo ito at may kinuha sa bulsa ng pantalon nito. Hindi na siya nasurpresa ng inabutan na naman siya ng papel ng dalaga. Kulay berde nga lang. Tinanggap niya ito at inilagay sa bulsa niya.

(IKAANIM NA ARAW)

"Alam mo nag-aaksaya ka ng pera sa kakaaya sa akin kung saan-saan." sabi niya kay lillian habang kumakain sila ng dala nitong meryenda habang nakaupo sa kumot na nakalatag sa damuhan.

Nag-aya itong mag piknik sila. Hindi na sana siya sasama pero katulad nitong mga nakaraang araw ay hindi na naman siya nakatanggi rito.

Imbis na sumagot ay sumandal lang sa kaniya ito. Akmang lalayo siya ngunit nakita niyang pumikit ang mga mata nito. Hindi niya maiwasang hindi tignan ang mukha nito. Parang namamayat ang dalaga at namumutla.

"Lillian."

"Hmm?"

"May sakit ka ba?"

Napadilat ito. Sinalubong nito ang mga mata niya at umiling. "Naulanan lang kasi ako kahapon. Baka magkakasipon ako."

"Hindi ka na dapat lumabas ngayon."

Nagkibit-balikat ito at may inabot sa kaniya na dilaw na papel. Pumikit na ito ulit ng inabot niya ang papel.

Lagi niyang kasama ang dalaga, ngunit pakiramdam niya padali ng padali ang mga sandaling magkasama sila. Para bang gusto niyang pahintuin ang oras. Hindi niya alam kung bakit ganito ang nararamdaman niya. Marahil siguro ay dahil sa malapit naring umuwi si Curt. Tama...iyon ang dahilan.

(IKAPITONG ARAW)

Nawala ang antok niya ng makatanggap siya ng mensahe mula kay Lillian. Mag a-alas dyes na ng gabi ng tumawag ito at sinabing magkita sila sa parke na malapit sa bahay nila. Hindi siya nagmamadali dahil sa gusto niya itong makita kung hindi dahil sa baka mapaano pa ito.

Nakahinga siya ng maluwag ng makarating siya roon at makitang nakaupo sa duyan si Lillian. Kumaway pa ito sa kaniya.

"Ano sa tingin mo ang ginagawa mo dito?!"

Imbis na masindak ay ngumiti pa ito sa kaniya. "Naisip ko lang na bisitahin ka. Malapit lang naman dito ang tinitirhan ko."

Napasapo siya sa noo niya. "Gabi na Lillian. Paano kung hindi ko natanggap ang text mo? Paano kung hindi ako nakarating dito?"

"Maghihintay ako."

"Nasisiraan ka na ba ng bait? Paano kung mapahamak ka?"

Inugoy nito ang duyan na kinauupuan. Tumingin ito sa langit na may malungkot na ekspresyon. "Ayokong sayangin ang bawat oras."

Napabuntong-hininga siya. "Tungkol na naman ba ito kay Curt? Diba sinabi ko ng tutulungan kita?"

Hindi ito sumagot bagkus ay nanatili itong nakatingin sa langit na animo may hinihiling. May inilabas itong itim na papel at inabot sa kaniya. Inabot niya iyon at tahimik na umupo na lang siya sa tabi nito habang pinagmamasdan ang malungkot nitong mukha.

(IKAWALONG ARAW)

Kinabukasan ay nakatanggap siya ulit ng mensahe mula rito. Magkita daw sila sa simbahan ng alas-sais ng umaga. Kaya laking pagtataka niya ng alas-otso na ngunit wala parin ito. Hindi nahuhuli sa kahit na anong lakad nila si Lillian.Tumingin siya ulit sa relos niya. Tumayo na siya. Mukhang hindi naman dadating si Lillian.

"Darryle! Saglit!"

Humahangos na lumapit sa kaniya si Lillian. May nakaalalay ditong babae na nakauniporme na pangkawaksi. Nang makalapit ang mga ito sa kaniya ay nginitian ni Lillian ang babae.

"Sige na, Ate Nanet, kaya ko na."

"Pero, Ma'am-"

"Ihahatid naman ako pauwi ni Darryl." nakangiting binalingan siya ni Lillian. Napatango na lang siya bilang sagot.

Nag-aalinlangan na iniwan ito ng babae. Umupo sa tabi ko si Lillian na namumutla ang mukha. Animo may sakit ito. Dahil sa suot nito ang damit na sa palagay niya ay ang suot nito ng una silang magkita ay napansin niyang malaki ang iniluwag niyon dito.

"Bakit ngayon ka lang?" tanong niya dito.

"Nagkasakit kasi ako kagabi. Napasobra tuloy ang tulog ko. Bukas nga pala pumunta tayo sa bakasyunan namin. Isang oras lang ang byahe mula dito. Maganda ang tanawin doon lalo na at malapit sa tabing-dagat."

"Hindi ako puwede bukas. May pupuntahan kami. At sa tingin ko hindi ka na dapat lumabas muna ng bahay kung may sakit ka naman pala."

Umiling ito at halata ang desperasyon sa mga mata nito. "Please, Darryl. Pumunta ka. Hihintayin kita."

"Lillian-"

"Hihintayin kita. Kahit na anong mangyari."

Hinawakan nito ang mga kamay niya. Hindi niya inalis iyon dahil ng mga oras na iyon ay wala ng mahalaga kung hindi...Si Lillian.

May kinuha ito sa bag nito ng hindi binibitawan ang kamay niya. Nakangiting inabot nito ang isang puting papel sa kaniya at napapabuntong-hininga na inilagay niya iyon sa bulsa ng pantalon niya. Magkasalikop ang mga kamay na tumingin sila sa pari na ipinararating ang mensahe ng Diyos. 

"Naririnig Niya kaya tayo?"

"Nino?" tanong niya dito.

"Nang Diyos. Sa dami ng mga kumakausap sa Kaniya, naririnig Niya kaya ang mga hiling ng bawat isa sa atin?"

"Siguro." Tumingin siya sa dalaga. "Ano bang hiling mo?"

May sumilay na malungkot na ngiti sa mga labi nito. "Marami pang mga araw."

Hindi niya alam kung anong tinutukoy nito. Ngunit hindi maalis sa isip niya ang malungkot nitong ngiti. Na animo imposibleng bagay ang hinihiling nito...na sa loob ng puso ng dalaga ay alam nitong hindi ito matutupad.

(IKA-SIYAM NA ARAW)

Hindi niya alam kung bakit niya ito ginagawa. Kung tutuusin posibleng wala na si Lillian sa bakasyunan na sinasabi nito. Papalubog na ang araw at imposibleng nandoon pa ang dalaga. Ngunit hindi niya mapigil ang sarili na pumunta parin doon. Buong maghapon na aligaga siya kaya nagpasiya na lang siyang pumunta sa lugar na sinasabi ni Lillian.

Patakbong bumaba siya ng makarating siya roon. Tuloy-tuloy na pumasok siya dahil hindi naman nakasarado ang bakod.

"Lilian?"

Walang sumagot sa kaniya. Pumasok siya sa loob ng bahay ngunit wala namang tao roon. Inilibot niya ang kaniyang paningin at nakita niya ang isang pintuan na nakabukas at may daan patungo sa likod. Nang lumapit siya roon ay napag-alaman niyang may daan doon papunta sa dagat.

Tinawag niya ulit ang pangalan ng dalaga ngunit walang sumagot. Nakahinga lamang siya ng maluwag ng makarating siya sa tabing-dagat at may namataan siyang pigura na nakaupo sa buhangin. Lumapit siya dito.

"Lillian?"

Nag-angat ng tingin ang dalaga. Gumuhit ang ngiti sa mga labi nito ng makita siya. Napansin niya ang sobrang pamumutla at panghihina nito. Sinapo niya ang kamay nito ng iniangat nito iyon patungo sa kaniya. 

"Mainit ka. Iuuwi na kita."

"Huwag. Dito lang tayo."

"Lillian-"

"Sana tumigil na lang ang oras. Sana hindi na lang matapos ang siyam na araw na nakasama kita. Sana...sana kaya ko pa bukas, sa susunod na araw at sa susunod pa."

Nagugulumihanang tinignan niya ang dalaga. "Ano bang sinasabi mo Lillian? Kailangan na kitang iuwi sa inyo. Mataas ang lagnat mo."

Umiling ito. "Alam mo, masaya ako na nakasama kita. Kahit na alam kong hindi mo gusto na lagi akong nasa tabi mo, masaya ako na kahit sandali lang nakasama kita. Siguro ibinigay Niya parin sa akin ang hiling ko. Ibinigay ka parin Nya sa akin...kahit sandali lang. Pero hindi ko maiwasan na hindi hilingin na sana marami pang mga araw. Kahit na alam kong imposible. Kahit na alam kong huli na."

Tumulo ang mga luha mula sa mga mata nito. Hinawakan ng dalaga ang mga kamay niya at naramdaman niya ang panlalamig ng mga iyon.

"Ano bang sinasabi mo Lillian? Anong huli na? Kay Curt? Padating na siya. Tutulungan kita-"

"Hindi si Curt. Marami akong kasinungalingan na sinabi sayo. Sana mapatawad mo ko, Darryl. Gusto lang kitang makasama. Kasi alam ko kailangan kong gumawa ng paraan...kailangang makita mo ako. Naging masaya ako sa mga lumipas na araw kahit na alam kong hindi din magtatagal ang lahat. Masaya ako na maranasan kung paano mamasyal kasama mo, na makasama ka...na mahawakan ang mga kamay mo. Sana lang kahit na lumipas na ang mga taon, maalala mo parin ako. Kahit na hindi mo ako gusto, sana maalala mo ako bilang ako. Kasi ako kahit saan ako mapunta, alam kong dadalin ko lahat ng ala-ala na kasama kita. Kahit saan...kahit sa kabilang-buhay."

Napasandig ang katawan nito sa kaniya. Hinawakan niya ng mahigpit ang kamay ng dalaga ng lumuwag ang pagkakahawak nito sa kaniya. "Lillian?"

"M-Mah..."

Unti-unting dumausdos ang mga kamay nito at bumagsak iyon sa tabi ng dalaga. Idinampi niya ang mga palad niya sa mukha ng dalaga. Hindi niya magawang paniwalaan ang nangyari. Animo isang masamang panaginip lang ang lahat. Na bukas magkikita parin sila, na hindi ang Lillian na nakasama niya ang kasama niya ngayon. Hindi ang Lillian..na walang buhay sa kaniyang mga bisig.

Kinuha niya ang mga kamay nito at hinalikan. "Lillian...hindi puwede. Madami pa akong hindi sinasabi sayo. Lillian..."

Napatingin siya sa kamay nito  ng may mapansin siya roon. Isang kulay pula na papel. Bumalik sa ala-ala niya ang mga munting papel na ibinibigay sa kaniya ni Lillian kada magkikita sila. Hindi niya tinignan kung ano ang mga nakasulat roon ngunit lagi niyang dala lahat ng iyon.

Nanginginig ang mga kamay na kinuha niya ang mga papel na inilagay niya sa bulsa ng jacket na suot niya. Hindi pinakakawalan ang dalaga na inilatag niya ang mga iyon sa buhangin. Mula sa unang papel na ibinigay nito sa kaniya, hanggang sa pinakahuli.

Hindi niya napigilan ang pagpatak ng kaniyang mga luha ng makita ang nabuong salita sa mga letra sa bawat papel. MAHAL KITA.

"Mahal din kita, Lillian...Mahal na mahal."

EPILOGO

Walang kasiguraduhan ang buhay. Walang kasiguraduhan na bawat isa sa atin ay tanging magagandang ala-ala lang ang makakamtan mula sa mga taong mahal natin. May mga ala-ala na patuloy lang tayong sasaktan. Na magpapaalala sa atin ng mga panahong sinayang natin. 

Alam niyang may dahilan si lillian kung bakit pinili nitong itago ang karamdaman nito para lamang makasama siya. Pagkakamali niya lang ay hindi niya naparating dito ang tunay na nararamdaman. Di sana ay bago ito nawala ay nalaman nitong mahalaga ito sa kaniya, na hindi magiging madali para sa kaniya ang pagkawala nito tulad ng inaakala nito.

Ngunit sa kabila ng pagsisisi niya na sinikil niya ang nararamdaman para sa babaeng mahal niya ay hindi niya pinagsisisihan na napalapit siya rito kahit sa iilang mga araw na iyon. Dahil sa mga araw na iyon, nalaman niya kung ano ang totoong kahulugan ng pagiging masaya.

Kailangan niyang mabuhay. Hindi lang para sa kaniyang sarili, kundi maging para kay Lillian. Madaling lilipas ang mga araw, buwan at taon ngunit sa kabila ng lahat ng iyon may parte ng pagkatao niya na mananatiling nasa loob ng siyam na araw na iyon.

Hindi pagiging masaya ang nag-iisang kahulugan ng pagmamahal. Minsan kailangan nating magparaya, masaktan at mag-intay na sa kabila ng lahat ay makakasama din nating ang taong mahal natin. 

Patuloy siyang mabubuhay, haharapin ang bawat araw ng may ngiti sa labi. Dahil alam niyang hindi nawala si Lillian. Hanggat nanatiling tumitibok ang puso niya, hanggat patuloy niyang minamahal ito ay mananatili itong buhay sa kaniya. Dahil para sa kaniya...iyon ang kahulugan ng pagmamahal.

© 2013 by MsButterfly Gabrielle Yana Concepcion, All Rights Reserved

Continue Reading

You'll Also Like

1.4K 73 55
True enough that heart do pumps the blood. But-what will you do if your heart started to bring you on the final point of your life? Are you going to...
1.7M 1.3K 2
Paano kung dumating ang araw na ang lahat ng nasa iyo ay bigla na lang nawalan ng saysay sa buhay mo? At ang tanging asam na lang ng iyong puso ay ma...
10.1K 945 27
When destiny decided to play, Carly found herself back in their province in her new university- a state university a matter of fact. Having to deal w...
3.6M 4.9K 3
Old Title: One Tough Lady Engineer She's one of the toughest Engineers in a multi-million construction firm! And perhaps one of the most beautiful! ...