Kahit Nasaan Ka Man

By ninyatippett

360K 4.8K 764

Maraming pangarap si Diana Robles-at hahabulin niya rin ang mga ito pagkatapos niyang tuparin muna ang pangar... More

Introduction
Part One
Part Two
Part Four
Part Five

Part Three

27.2K 399 26
By ninyatippett



Pagkatapos nang maikli pero nagpapanik kong tawag kay Abigail tungkol sa kondisyon ni Tatay, dumeresto ako sa bangko na para bang may sunog.

Ako ang unang customer nila ng umagang yun. May nahalata siguro ang bank teller ng CIBC sa mukha ko dahil tumigil siya ng sandali sa pagpa-process ng global money transfer ko at tinanung ako kung OK lang ba ako. Si Maricris ulit ang teller na tumutulong sakin. Siya rin ang nagsabi sakin ilang buwang nakaraan na masuwerte ang mga magulang ko sa akin nang pinadalhan ko sila ng anniversary gift.

"Nagka-stroke si Tatay," sagot ko, ang boses nanginginig nang konti. "Marami silang ginagawang tests at mino-monitor nila ang kondisyo niya. Pero hindi pa nila masabi kung may mga kumplikasyon."

Hindi ko napansin ang luha ko hanggang pumatak ito sa counter. Pinahiran ko ito kaagad, nagbuntong hininga ang pinilit ang sarili ko na ngumita kay Maricris.

Inabot niya sakin ang box ng tissue at kahit na nahiya ako nang konti, tinanggap ko ang tulong niya.

"Mahirap paniwalaan ito ngayon pero maging matatag ka. Magiging maayos rin ang lahat."

Siyempre, magiging maayos rin ang lahat—kailangan nilang maging maayos.

Pero hindi ako mauupo at maghihintay lang hanggang mangyari yun. Kailangang makita ng dalawang mata ko na okay ang pamilya ko.

May nakaplano na akong bakasyon ng isang buwan sa Pilipinas—matagal ko na tong naschedule para ma-timing sa graduation ni Luis sa katapusan ng Marso. Ni minsan hindi ako nagbakasyon sa halos tatlong taon kong pagtatrabaho rito sa Canada kaya excited akong makauwi. Dalawang linggo pa bago ako dapat umalis. Pero hindi ko kayang maghintay at mag-alala ng dalawang linggo. So tinawagan ko ang airlines para alamin kung magkano ang kailangan kong bayaran para ma-reschedule ang flight ko. Gusto kong subukan kahit papaano na makauwi nang mas maaga. Hindi ko napigilang ipaliwanag ang sitwasyon ng tatay ko sa agent sa telepono, at kung bakit desperado akong makauwi kaagad. Sa awa ng Diyos, hinayaan ako ng agent na baguhin ang flight ko nang libre. Pagkatapos nun, kinausap ko si Dolores at Marilou dahil alam kong maapektuhan ang cleaning schedule nang buong staff sa biglaan kong pag-alis. Pero tinawagan nila ang mga katrabaho ko at nagtanong kung sino ang puwedeng mag-cover sa mga shifts ko. At dahil nauunawan nating mga Pilipino ang sitwasyon ng isa't isa sa mga panahong tulad nito, maraming nag-volunteer na tulungan ako. Umiiyak akong nagpasalamat at niyakap sina Dolores at Marilou bago ako umalis.

Bumalik ako sa apartment at nagsimulang mag-empake. Isinantabi ko sa iba't ibang envelope ng perang nilaan ko para sa mga bills na hinahati naming anim na mag-roommates. Si Helen na ang bahalang mag-abot ng parte ko pagdating ng due date.

David.

Siya ang nasa huli ng listahan ko—hindi dahil sa hindi siya importante. Nasa huli siya dahil siya ang magiging pinakamahirap iwan.

Mabuti na lang at out of town siya para sa isang conference sa Toronto at hindi siya makakabalik hanggang sa katapusan ng linggo. Yun ang dahilan kung bakit hinabaan namin ang panahon naming magkasama kagabi at kung bakit niya nilantad ang intensyon niya para sa aming dalawa. Akala namin magkakaroon kami ng pagkakataong mag-isip sa ilang araw naming magkahiwalay—na may panahon akong pag-isipan kung ano talaga ang gusto kong mangyari.

Pero hindi niya ako maabutan.

Hindi ko siya mayayakap o mahahalikan mang lang bago ako umalis.

Puwede ko siyang tawagan sa cell niya pero ayaw kong itambak sa kanya ang ganitong klaseng masamang balita. Mag-aalala lang siya habang sinusubukan niyang magtrabaho sa malayo. Ayaw kong gawin sa kanya yun. Hindi niya ito krus na dapat niyang pasanin—akin lang ito.

Sa sumunod na araw, pinatigil ko si Edgar, ang roommate ko na may lumang sasakyan, sa bahay ni David bago niya ko ihatid sa airport. Gusto kong isoli sa kanya ang winter jacket na pinahiram niya sa kin at mag-iwan ng note na sana ay sapat na magpaliwanag sa biglaan kong paglaho sa buhay niya.

Sa ganitong paraan, makakaya kong maglakas-loob at magpaalam.

Hindi ko napansing tumigil akong huminga hanggang sa sinimulan kong isulat ang note ko, ang mga salita at letra parang lumulutang sa paningin kong puno ng luha.

Alam niyang may mahaba akong bakasyan na matagal nang nakaplano—na may dalawang linggo pa bago akong kailangang umalis. Isa rin siguro ito sa mga dahilan kung bakit hiningi niya sa akin ang desisyon ko tungkol sa amin kagabi. Alam naming pareho kung saan kami papunta at na hindi magtatagal bago namin marating ang puntong yun. Pero ngayon, hindi na kami magkakaroon ng pagkakataon.

David,

My father had a stroke and my family needs me. I'll be back in the Philippines by the time you come home and read this note. I hate that I didn't get to say goodbye to you properly but I know that it's easier this way.

Thank you for everything—you have no idea how happy I was in all our time together.

I don't know what the future looks like when I come back in a month but in case I never see you in it again, I want you to know that I'll still be glad to have known you.

I hope you keep taking care of yourself.

And I hope you'll be happy.

Love,

Diana

Hindi sapat ang iilang salita para ipahayag ang lahat ng bagay na pumupuno sa puso ngayon. Masasaktan siya sa pag-alis ko. At hindi ko siya masisisi kung sa pagbalik ko matapos ang isang buwan, hindi na niya maibigay sakin ang pagkakataong maging parte ng hinaharap niya. Ang gusto ko lang na malaman niya ay hindi ko kahit minsan man pinagsisihang makilala at makasama siya kahit sa maikling panahon. Kung hindi man namin mahanap ulit ang isa't isa sa hinaharap, gusto ko siyang maging malusog at maligaya.

Parang habangbuhay akong nasa eruplano sa haba ng flight ko pabalik sa Pinas. Temporaryong nawalan ako ng pakiramdam sa legs ko at sumakit ang likod iko sa kauupo sa economy class nang mahigit sa twenty hours. Nakatulog ako nang konti kahit na mahirap magpahinga habang nakikipagsiksikan kasama nang ibang pasahero at palaging nakikinig sa baby na umiiyak nang walang tigil. Pero dalawang bagay lang ang pabalik-balik na gumugulo sa isip ko—ang kalagayan ng pamilya ko at ang reaksyon ni David sa biglaan kong pag-alis.

Meron ng sakit na humukay ng sariling lugar nito sa puso ko mula pa nang natanggap ko ang balita tungkol kay Tatay. Lumala lang ito pagkatapos kong ilagay ang napakalawak na karagatan sa pagitan namin ni David at ang buhay na sinimulan kong pangarapin kasama niya.

Mabuti na lang at naubusan rin ako ng panahong patuloy mag-isip dahil sa wakas, dumating rin ako sa Manila. Naghihintay ang dalawa kong kapatid at halos kalahating oras kaming nagyakapan at nagkaiyakan. Ang tagal naming hindi nagkita at kahit na nasundan ko ang buhay nila nang nakaraang tatlong taon gamit ang video chat at mga pictures, hindi lubusang naunawaan ng utak ko na talagang lumaki na silang dalawa.

"Ang tangkad mo na, Luis!" sabi ko sa kanya habang nagtutulungan kaming i-load ang balikbayan box na dinala ko sa isang baggage cart. Unti-unti kong pinuno ang box sa nakaraang anim na buwan. Mabuti na lang at halos puno na ito nang biglang napaaga ang biyahe ko. "At hindi ka na masyadong payat ah!"

"Alam mo bang may nililigawan siyang classmate niya?" tukso ni Abigail na ngumiti lang kahit mukhang napipikon na si Luis. "Anim na buwan na niyang pinupormahan pero hindi parin sinasagot. Sa tingin ko, hindi niya alam ang ginagawa niya."

"Binubuko ba kita kay Ate Diana?" sagot pabalik ni Luis. "Sinabi ko ba sa kanya sumama kang magdate sa basketball coach niyo para pagselosin si Anton at pansinin ka sa wakas?"

Walang pagsisisi sa mukha ni Abigail. Tumawa lang siya at kumindat sakin. "Sometimes, gagawin ng babae ang kailangan niyang gawin."

Ang buong biyahe namin pauwi sa lumang AUV (asian utility vehicle) ni Tatay na minamaneho na ngayon ni Luis, ay naging puno ng tawa at tuksuan naming magkakapatid. Alam kong na-miss ko to pero hindi ko naintindihan kung gaano ko to hinangad ulit sa nakaraang matatatlong taon. Hindi kami nagtagal sa bahay—ipinasok lang namin ang bagahe ko bago kami pumunta ng ospital kung saan nagbabantay si Nanay kay Tatay.

May kumurot sa puso ko nang nakita ko si Nanay na nakaupo sa tabi ng kama ni Tatay sa semi-private ward. Maliit na babae ang nanay ko pero sa mga alaala ko, palagi siyang puno ng sigla at walang katapusang gawain—kahit ito man ay pagpapalaki sa aming magkakapatid, o pagpapatakbo ng bahay at negosyo. Pero ngayon, parang pagod lang siya. Pagod at malungkot.

"Nay." Mahina ang boses ko pero narinig ito ni Nanay. Tumingala siya at tumingin sa direksyon ng pintuan kung saan ako nakatayo kasama ng dalawang kapatid ko. Biglang lumiwanag ang mukha niya. Dinala ako ng mga paa ko sa tabi niya at niyakap ko siya nang mahigpit habang paulit-ulit niyang sinabi ang pangalan ko na para bang hindi siya makapaniwala. "Na-miss kita, Nay."

Umatras siya nang konti para matingnan ang mukha ko, ang mga mata niya puno ng luha. "Hija, hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya na nandito ka na. Pagpasensyahan mo na kung ganito ang inuwian mo pero—"

"Nay, kahit ano man ang dahilan ng pag-uwi ko, ang importante ay nandito na ko kasama niyo."

Nagbuntong-hininga si Nanay. "Sana hindi kami masyadong naging problema sa yo. Ayaw naming bigyan ka ng sakit ng ulo sa trabaho o obligahin kang magpadala ng karagdagang pera."

"Pera lang yun, Nay. Gusto ko lang masiguro na may kakayahan kayong bigyan si Tatay ng tulong na kailangan niya."

Umiling ng ulo si Nanay. "Natanggap naman namin kaagad ang pinadala mo pero ginamit ko muna ang ni-regalo mo samin para sa Baguio."

Lumalim ang sakit sa dibdib ko. "Pero Nay—"

"Wag na, Diana. Mas mabuting gamitin natin ang perang yun para bayaran ang ospital," pilit ni Nanay. "Alam kong nagsikap at nagsipag ka sa trabaho mo at na inipon mo halos lahat nang kinita mo para ipadala samin. Ni minsan, hindi mo binigyan ng importansya ang sarili mo. Hayaan mo kaming gawin ang parte namin para siguraduhing hindi masasayang ang lahat ng pinaghirapan mo."

Ngumiti ako kay Nanay. "Sige, bahala ka, Nay. Pero sisiguraduhin kong makakapunta rin kayo ng Baguio next year, kung magaling na si Tatay."

May mahinang ungol kaming narinig sa tabi namin at sabay kaming lumingon ni Nanay at nakita si Tatay na pinapanood kaming dalawa. Nakasuot siya ng hospital gown, ang buhok niya mas manipis at mas maputi kung ikukumpara sa huling beses ko siyang nakita halos tatlong taong nakaraan. Ngayon, may oxygen line na nakakabit sa ilalim ng ilong niya. Ang pinakamalaking pagbabago sa kanya, physically—ang tumama sa dibdib ko kaagad—ay ang lumalaylay na kaliwang kalahati ng mukha niya. Nakabukas ang bibig niya na para bang nagsasalita siya pero mahirap intindihin ang mga tunog na lumalabas.

Hinawakan ako ni Nanay sa braso. "Lubusan siyang nagising kaninang umaga at sabi ng doktor na mahihirapan siyang magsalita. Na karaniwan raw ito sa mga stroke victims. Minsan, gumagaling rin ito. Minsan, hindi."

Nilabanan ko ang mga luha ko nang nilapitan ko si Tatay at hinawakan ang kamay niya. Naramdaman ko ang mahinang pisil niya sa kamay ko nang umupo ako sa kama niya at nginitian siya. "Hello, Tay. Nandito nako. Na-miss niyo po ba ako?"

Ginalaw niya ang ulo niya nang konti na parang sumasang-ayon, ang mga mata niya kumunot sa sulok na para bang ngumingiti siya pabalik kahit nahihirapan siyang igalaw ang kaliwang pisngi niya. Napatawa ako sa pagpupursigi ni Tatay at maingat kong binalot siya sa isang yakap. "I miss you, Tay. Nag-alala akong masyado sayo."

Hindi makapagsalita si Tatay pero masaya na akong marinig ang malakas na pagtibok ng puso niya. Niyakap kaming pareho ni Nanay at pinikit ko lang ang mga mata ko at hinayaan ang sarili ko na maging mapayapa sa mga sandaling yun.

Nauwi namin si Tatay sa sumunod na dalawang araw. Binigyan siya ng doktor nang mahabang lista ng mga gamot at pagkain na kailangan niyang sundin para patuloy siyang magpagaling sa bahay. Kailangan siya naming dalhin sa ilang check-up pero sa kabuuan, kami na ang mag-aalaga sa kanya. Ginawa naming lahat ang kahit anuman para maging kumportable siya. Binigyan siya namin ng papel at lapis para mapaalam niya sa amin kung may kailangan siya. Mahina ang mga kamay niya kaya medyo mahirap basahin ang sulat niya pero at least, mas maiintindihan namin siya sa ganitong paraan. Napilitan kaming bumalik sa normal nang sinulatan niya kami na tigilan na ang pagkaka-baby sa kanya.

Binuksan ulit ni Nanay ang carinderia. Bumalik sa pagtuturo si Abigail at nag-focus uli si Luis sa mga final requirements niya bago ang graduation. Ako naman—nagkaroon ako ng pagkakataon na sanayin ang sarili ko sa pakiramdam nang nakauwi na sa wakas. Natutulog ako ulit sa kuwarto kasama ni Abigail katulad nang nakasanayan namin noon. Tinulungan ko si Nanay sa carinderia, mag-abot man ito ng pagkain sa mga customer o makipag-usap lang sa mga regular ni Nanay na nakita akong lumaki. Ininspekta ko rin ang bahay at ang mga maliliit na bagay na pinaayos namin sa nakalipas na halos tatlong taon. May bagong bubong na pumalit sa luma na palaging tumutulo kung umuulan. May mga bagong silahis na sumusporta sa bahay dahil naubos ng anay ang lumang kahoy. May bago rin kaming kubeta na nagfa-flush na ngayon. Marami pa akong gustong ipaayos sa bahay at hindi ko napigilang pag-isipan ang isang taong extension na gustong ibigay sakin ni Dolores. Malaki ang puwede kong maipon sa isang taong pagtatrabaho abroad, lalo na ngayon na tapos na ng college ang dalawa kong kapatid. Puwede kong pag-ipunan ang sarili kong bahay—o bumalik ng college para kunin ang masters ko. Hindi ko muna binanggit sa pamilya ko ang desisyon ko at may pakiramdam akong susuportahan nila ako lalo na't gagawin ko to para sa sarili ko. Nag-email ako kay Dolores na oo, magtatagal ako ng isang extrang taon at puwede na niyang simulan ang mga papeles ko.

Sa parehong linggo, dinala pauwi ni Abigail ang boyfriend niyang si Anton para ipakilala sakin. Mabait ang magalang siyang lalaki at parang kukumpetensya sa araw ang kislap sa mga mata niya sa tuwing tinitingnan niya ang kapatid ko. Wala akong duda na mahal niya talaga si Abigail at masaya ako para sa kapatid ko na karapat-dapat lang na maging maligaya. May isang araw na pinlano namin ni Luis na magkita sa campus niya na para mag-lunch at mag-ikot sa university. Gusto ko kasing makita ang mga nagbago sa nakaraang ilang taon matapos kong mag-graduate mula rito. Masaya ang mga college memories ko—ang pagsulat sa school newspaper, ang mga news reporting na ginawa ko, ang pag-volunteer ko sa theatre group, ang pagsali ko sa mga debate competitions. Panahon yun ng pagiging bata at nangagarap na kaya namin ang lahat—ang pakiramdam nang tumatayo sa tuktok ng bundok na parang kami ang naghahari sa buong mundo. Ang mga alaalang ayaw ko balikan ay ang mga alaala ko kasama ni Bryan. Siya ang pinakahuling taong gustong kong makita pero nagkasalubong kami sa isang coffee shop malapit sa campus habang naghihintay ako sa dawala kong kaibigan nung college para makapagkape kami at magkakuwentuhan.

"Permanente ka na bang nakabalik ng Pinas?" tanong niya pagkatapos naming batiin ang isa't isa.

"Hindi pa ko sigurado," ang simpleng sagot ko.

"Siyempre hindi ka sigurado," sabi niya sa mapanuyang tono. "Kailangan mo pa kasing palamunin ang pamilya mo."

Imbis na magalit ako sa sinabi niya, nakita ko siyang bigla sa ibang paraan at naunawan ko kung anong klaseng tao talaga siya sa wakas. Magiging immature at makasarili siya habang-buhay at hindi niya kailanman maiintindihan ang halagang binibigay ko sa pamilya. Hindi niya kailanman mapapantayan si David. Hindi niya ako kailianman rerespetuhin o maipagmamalaki sa mga pinaninindigan ko. Hindi siya kailanman magiging mapagbigay o maunawaain sa mga krus na pinapasan ng ibang tao.

Mabilis kong na-realize na tama ang desisyon kong iwan siya noon. Akala ko nun hindi na gagaling ang puso ko nang hiniwalayan ko siya pero sa katotohanan, nailigtas ko ang sarili ko sa malaking kasalan na yun na pagbabayaran ko buong buhay ko. Sigurado akong magiging miserable lang ako sa buhay kung kasama ko ang tulad niya.

"Hindi ko ako umaasang maiintindihan mo ko, Bryan, at dahil siguro dun, mahihirapan kang maging masaya sa buhay. Hindi mo parin alam kung paano magmahal ng totoo," sabi ko sa kanya nang walang galit o sakit sa boses ko. "Pero umaasa akong mahanap mo ang lahat nang gusto mo sa buhay kahit papaano. Take care."

Hindi niya nagustuhan ang sinabi ko pero wala siyang may sinabi bago siya umallis ng coffee shop. Naging maluwag ang dibdib ko at magaan ang mga balikat ko na para bang ang bigat ng mga tanong ko tungkol sa amin ni Bryan ay nawalang bigla. Hindi ako nagkamali sa desisyon kong hiwalayan siya.

Pinalipas ko ang hapon kasama nina Sara at Gracie na naging kaibigan ko nung college. Engaged na si Sara ngayon at si Grace kasal na at may isa ng anak na babaeng pingalanan nilang Amelia. Napamahal kaagad sakin ang maliit na anghel.

Sumakay ako ng jeepney pauwi at masaya lang akong umupo run at panoorin ang magandang kaguluhan ng Binangonan gaya nang madalas kong gawin mula ng bata pa ako.

Alam ko na masaya ako—at least alam ko na dapat maging masaya ako. Nakabalik na ako ng Pinas, sa piling ng pamilya at mga kaibigan ko, sa mga pagkain at kulturang na-miss ko, at sa mga alaala ng buhay na halos hindi ko mapakawalan tatlong taong nakalipas. So in a way, masaya ako. Hindi lang ako ganun kasaya. Alam kong may mas malaki pang ligaya na kaya kong abutin para sa sarili ko.

David.

I missed him. Na-miss ko ang mga tahimik na gabing magkasama kami. Na-miss ko ang paghahawak-kamay namin o ang pagsandal ko sa dibdib niya. Na-miss ko ang mga ngiti niya, ang mga matatalinong pag-uusap namin, ang maraming paraan niyang napapangiti ako.

Kung makakabalik ako nang isa pang taon, baka hindi ko siya kailangang pakawalan.

Baka gusto niya pa rin akong bumalik sa kanya.

"Diana!"

Narinig ko si Nanay habang bumababa ako sa pedicab na naghatid sakin pauwi. Binayaran ko ang driver ng extra. Kaka-sixteen lang siguro ng driver at mahirap sa katawan ang magmaneho ng pedicab kung saan ang lakas mo ang gasolinang ginagamit nito para tumakbo.

Bitbit ko ang dalawang bag na puno nang hinog at matamis na mangga na binili ko mula sa sidewalk nang pauwi ako. Kapapasok ko lang sa bahay nang halos magbanggaan kami ni Nanay na nagmamadaling salubungin ako.

"Ba't ang tagal mo?" tanong niya bago kinuha sakin ang mga mangga at hinila ako sa loob ng bahay. "Akala namin maaga kang makakauwi."

Medyo may kahina-hinala sa ugali ni Nanay pero sinagot ko parin siya. "Napahaba ang kuwentuhan namin nina Sara at Gracie tapos namasyal ako. Bumili ako ng mangga—"

Tumalon pabalik sa lalamunan ko ang natitirang mga salitang hindi ko pa nasabi at napatigil ako sa paglalakad.

Sa sala namin, napapalibutan nang buong pamilya ko kasama si Tatay na nakabalik na sa wheelchar niya—naghihintay si David.

Nahanap niya rin ako sa wakas.

Continue Reading

You'll Also Like

4.8M 135K 75
[FILIPINO] HIGHEST RANKING| ROMANCE #3 08|18|19 Last year na ni Clay sa isang sikat na University sa Maynila. Napagaral at napagtapos nya ang kanyang...
7.3M 184K 29
Rogue Saavedra, the arrogant city's young billionaire, becomes stranded on an unknown island. There he meets an illiterate jungle woman, Jane, who is...
7K 103 16
met at a right place and a right love but at the wrong time. she's eighteen while he's twenty-eight both found love But what happened five years ago...
168M 5.5M 67
A place where everything is mysterious, enchanting, bloody, and shitty. Entering is the other way of suicidal. Just one wrong move and everything wil...