Love Café 10: My Everything |...

By write4funlol

3.4K 80 4

The kiss was long, slow, tender, and loving. Nanatili siyang nakapikit kahit tapos na ang halik. Gusto pa niy... More

01
02
04
05
06
07
08
09
10
Epilogue

03

232 6 0
By write4funlol

Chapter 3

“Ate Chynna, Sabado naman bukas, 'di ba? Punta tayo sa beach,” sabi ni Dotie nang mag-angat ng tingin mula sa pagkukulay ng coloring book.

Ang katabi nitong si Vincent ay tumingin din sa kanya, halatang hinihintay ang sagot niya.

“Sa Linggo na,” aniya. “Bukas ang dating ng mga supplies sa coffee shop, 'tapos a-absent pa si Ate Fonsy ninyo kasi may lalakarin daw sa Maynila. Kompleto sila sa Linggo. Papasok na rin ang Kuya Bob ninyo kaya puwede akong mawala nang buong araw.”

“Yehey!” sabi ni Dotie bago nito binalikan ang ginagawa.

Ngumiti naman si Vincent. Kapagkuwan ay binalikan nito ang ginagawang assignment.

Noon niya naalala ang bilin niya rito kaninang umaga. “Ang kuwarto mo, nilinis mo na ba?”

“Malinis na, Ate.”

“Talaga? Titingnan ko, ha?”

“Oo, bah.”

“Kapag nagustuhan ko, magbabaon tayo ng junk food bukas.”

“Yehey!” sigaw nito.

“Hindi pa sigurado. Kapag nagustuhan ko pa lang,” paalala niya.

“Ay,” sabay na sabi nina Dotie at Vincent.

Hindi nagtagal ay napansin niyang maya’t maya na ang paghikab ni Dotie. Inutusan niya ang mga itong maghilamos at magsepilyo at pagkatapos ay matulog na.

Mabilis na tumalima ang mga ito.

Hindi nagtagal ay tahimik na ang kabahayan. Alam niyang kapag sinilip niya si Vincent sa kuwarto nito ay nagbabasa ito ng Harry Potter book nito. He did that every night before going to sleep. Si Dotie naman ay mahilig magbasa ng fairy tales bago matulog.

Natutuwa siya sa bunsong kapatid dahil kahit antok na antok na ito ay pilit nitong pinaglalabanan iyon para hintayin ang good-night kiss niya. Hindi na niya mahalikan si Vincent.

Mula nang tumuntong ito sa edad na sampu ay umayaw na ito. Binata na raw ito.

Pumanhik siya sa itaas para gawin ang obligasyon niya sa kanyang mga kapatid. Book four ng Harry Potter ang hawak ni Vincent nang silipin niya ito at sabihan ng “goodnight.” Ilang beses na nitong nabasa iyon. It was his favorite.

At si Dotie naman, hirap na hirap nang imulat ang mga mata nang mahalikan niya sa noo.

Antok na antok na talaga ito kaya nang lumayo siya sa kama ay nakatulog agad ito.

Nagbalik siya sa ibaba para siguruhing naka-lock ang lahat ng bintana at pinto. Iniwan niyang bukas ang pinto sa kusina. Doon kasi dumadaan si Tita Mildred. Bago matulog ay dinadala nito sa bahay nila ang mga tuyong damit nila. Isa iyon sa mga responsibilidad na inako nito.

Natutuwa siya dahil hindi ito sumama kay Margie nang makapag-asawa ito ng isang negosyante mula sa Davao. Hindi raw kasi nito maiwan ang bahay na ipinundar ng Tito Rey niya kahit mag-isa na lang ito roon. Limang taon na itong balo. Namatay sa atake sa puso ang tito niya.

Hindi nga nagtagal ay pumasok ito dala ang laundry basket na naglalaman ng mga tiniklop na damit. Ipinatong nito iyon sa ibabaw ng mesa. “Washed and pressed. Bago ka umalis bukas ng umaga, ipaalala mo sa akin na sulsihan ang mga sira sa damit ng mga bata. Baka makalimutan ko na naman,” bilin nito.

“Okay, Tita. Thanks. How’s the book going?” tanong niya habang nagtitimpla ng Milo.

Bilang pasasalamat sa ginagawa nito ay nakagawian na niyang ipagtimpla ito ng Milo at pauwian ng cookies at cakes. Pagkatimpla sa Milo ay kumuha siya ng cookies sa garapon at inilagay sa platito.

“It’s going well. I had a good time writing today. Kaya lang, mukhang hindi ako makakapagtrabaho sa susunod na linggo, hija.”

“Bakit naman po?”

“Hindi mo pa ba alam? Tinawagan ako ni David. Nanganak na si Margie. It’s a baby girl,” masayang pagbabalita nito.

“Talaga, Tita?” natutuwang sabi niya. “Sa wakas, naka-baby girl na si pinsan.” May dalawang anak na lalaki na ang pinsan niya. Ayos lang kay David na walang anak na babae ngunit hindi pumayag ang pinsan niya. Nangangarap talaga itong magkaroon ng anak na babae kaya sumubok pang magbuntis uli.

“Pupunta ako sa Davao sa susunod na linggo.”

“Ay, ang sarap sumama. Kaya lang, maiiwan ang coffee shop.”

“Puwede mo naman sigurong—”

“Tita, hindi ko puwedeng iwan ang coffee shop.”

Bumuntong-hininga ito. “Hay, naku, hindi ko alam kung kailan ka magbabago, bata ka.

Masyado kang seryoso pagdating sa mga responsibilidad mo. Minsan tuloy, pakiramdam ko, mas matanda ka pa sa akin,” reklamo nito. “Pag-isipan mo, hija. Puwede kayong magbakasyon, tutal, magtatapos na rin naman ang klase.”

Napangiti siya. “Oho, pag-iisipan ko ho. Kung puwede, sige, sasama kami. Nami-miss ko na rin naman si Margie at ang mga bata dahil matagal na silang hindi nakakadalaw rito.

Makararating pa kami sa Davao.”

“Good. Sige, maiwan na kita.” Tumalikod na ito at lumabas na.

“Wait, Tita. Nakalimutan mo.” Iniabot niya rito ang mug na naglalaman ng Milo at isang platito ng cookies.

Hinintay niyang makapasok ito sa bahay nito bago niya sinarhan at ini-lock ang pinto. Saka niya dinampot ang basket na naglalaman ng mga damit. Dinala niya iyon sa kanya-kanyang kuwarto at inilagay sa kanya-kanyang closet.

Nang matapos siya ay nagbalik siya sa kusina. Nagtimpla siya ng mainit na gatas para makatulog kaagad siya.

Nangingiti siya habang nagpapalit ng damit-pantulog. Kung dati ay mga coffee beans ang napapanaginipan niya halos gabi-gabi, ngayon ay may naiba na. Kasama na sa panaginip niya ang lalaking nanlait sa coffee shop niya noong isang linggo. At sa kanyang panaginip, hindi ang nobya nito ang kasama nito. Siya ang kasama nito.

Naiiling na naupo siya sa gilid ng kanyang kama. Dinampot niya ang libro sa ibabaw ng nightstand na hindi pa niya natatapos basahin, inubos ang kanyang gatas, saka nahiga.

Ilang pahina lang ang kanyang nabasa. Mayamaya ay natutulog na siya nang mahimbing.

MAG-ISANG tinatahak ng kotse ni Christian ang daan papasok sa bayan ng Catarlan. Hindi niya kasama si Vivi. May hindi raw matanggihang engagement ito nang linggong iyon kaya nauna siyang bumalik sa Catarlan para tuparin ang naipangako nilang pagbabakasyon sa bahay ng ama nito.

“This isn’t an excuse, honey. Totoo talaga na hindi ko ito matatalikuran. It will just be for two days, then I’ll be there with you. Promise talaga,” sabi nito nang mag-usap sila sa telepono nang nagdaang gabi.

“Huwag ka sa akin mangako, Vivi. Ang daddy mo ang labis na umaasang darating ka ro’n bukas.”

“All right. I’ll try to call him up to explain,” anito sa tila tamad na tamad na tinig. “I really gotta go, honey. Male-late na ako sa flight ko.”

“To where?” He frowned. She hadn’t mentioned any out-of-the-country engagements.

“To Hong Kong!” tila nayayamot na sagot nito. “Bye, honey, mwah!”

Sumalit sa isipan niya na umurong na lang sa bakasyon at hintayin ang kasintahan bago tumungo roon. Pero nang maalala niya ang ekspresyon sa mukha ni Eugene bago sila umalis ni Vivi noong isang linggo ay hindi na niya itinuloy ang balak. The old man didn’t want them to leave then. Sabik na sabik ito sa anak at sa makakausap. Pero tiniis nito iyon at nakangiti pang kumaway nang tumatakbo na palayo ang kotseng minamaneho niya.

Heck, he needed a vacation anyway. Matagal na rin siyang hindi nakakapagpahinga o kaya ay nakakalabas ng Maynila nang hindi negosyo ang dahilan. Saka sa ganoong paraan ay makikilala pa niya nang lubos ang kanyang magiging biyenan, at siya nito. Eugene, he felt, was a complex person. Pakiramdam din niya ay isang napakabuting tao ito. He could learn from him not only to become a good businessman but learn from his mistakes to be a better person.

Besides, he liked Eugene. Pakiramdam niya ay nabuhay uli ang kanyang ama sa katauhan nito. Pakiramdam din niya ay napupunan ang mga sandaling nangungulila siya sa pagkakataong magkaroon ng makakausap na karespe-respeto. If only Vivi would realize it so she could give her father a chance.

Walang anu-ano ay biglang nag-replay ang laman ng isip niya. Huminto iyon sa parteng magiging biyenan. Napangiti siya. Was he actually thinking about getting married already? Oh, no. Kung alam ni Vivi ang nasa isipan niya, natitiyak niyang magagalit ito. She was definitely not ready for marriage and neither was he. Sumalit lang iyon sa kanyang isipan bilang isang bagay na maaaring mangyari, eventually in the future.

Iniisip pa lang niya na nagsa-suffer na nga siya sa kasalukuyang immature na pag-uugali ng nobya, kapag naging asawa niya ito, malamang ay mabaliw siya.

Muli ay ngumiti siya. Noon nahagip ng paningin niya ang karatula ng Coffee Crash. Naalala niya ang mataray na babaeng bumunggo sa kanya. He wanted to see her again.

Nag-menor siya at inihimpil niya ang kanyang kotse sa harap ng coffee shop. Nang mapatay ang makina ay umibis siya ng sasakyan.

Nang makapasok sa loob ay agad na iginala niya ang mga paningin. Excited na hinanap niya si Chynna. He was disappointed when she wasn’t anywhere where she could be seen.

Ipinilig niya ang kanyang ulo nang mapagtanto niya ang kanyang ginagawa. He wasn’t supposed to be doing this. He wasn’t supposed to feel this way. May girlfriend na siya at wala siyang intensiyong saktan si Vivi.

Lumapit sa kanya ang serbidorang nagsilbi sa kanila ni Vivi noong naroon sila. He ordered a baked macaroni and a cup of coffee with cream. Noong isang linggo, nakakita siya ng baked macaroni sa mesa ng isang customer at mukhang masarap iyon kaya gusto niyang tikman. Baked macaroni had been his favorite since he was a child. Sana ay marunong magluto si Vivi ng kanyang mga paboritong pagkain. Pero ni hindi ito marunong magtimpla ng kape.

Napakunot-noo siya. Sa ikalawang pagkakataon ay nahuli niya ang sariling nag-iisip na sana ay maiba ang mga nakasanayan niya sa kanyang kasintahan. Hindi tama iyon. Kailangang supilin niya iyon.

NAWALA ang atensiyon ni Chynna sa ginagawa nang may kumalabit sa kanya. Si Helen ang nalingunan niya.

“Bakit?” tanong niya.

Hinila siya nito patungo sa maliit na bintana. “Tingnan mo kung sino’ng narito.”

“Sino?” nagtatakang tanong niya.

“'Yong guwapong mama no’ng isang linggo,” excited na sabi nito. “Sabi ko sàyo, babalik siya, eh.”

“Sinong guwapong ma—” Hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil nakita na niya kung sino ang tinutukoy nito. He was looking as handsome as ever. Hindi pala, mas guwapo ito ngayon kaysa sa panaginip niya nang nagdaang gabi.

“Parang mas guwapo siya ngayon, 'no, Ate Chynna?” kinikilig na tanong ni Helen.

Muntik na siyang mapangiti. Hindi talaga niya masisisi ito kung kinikilig man ito. Talagang sobrang guwapo naman kasi ng mamang iyon. “Ano’ng in-order niya?”

“Baked macaroni at coffee with cream.”

Napatango siya. Masarap ang baked macaroni nila. Paborito iyon ng mga customers nila.

Pero coffee with cream? “'Yong coffee, palitan mo ng mochamallow. Mainit sa labas. Mas maa-appreciate niya ang malamig na inumin at isa pa, mas bagay iyon sa spicy sauce ng baked macaroni.”

“Paano kung magreklamo?” nag-aalalang tanong nito.

“Sabihin mo na lang na freèyon para sa bawat customers na nagbabalik for a second round,” sabi niya. “Pagkatapos niyang kumain, he’d still want coffee kaya dalhan mo ng café Israel. Siguro naman, hindi na siya magrereklamo. Hindi na niya pagdududahan pa kung masarap o hindi ang kape dito sa Coffee Crash.”

“Taray!” nakangising wika nito.

“Lakad na!”

Lumabas na ito ng kusina at nagtungo sa counter para ihanda ang order ng lalaki. Siya naman ay binalikan ang ginagawa. Mga orders na coffee granules iyon na ide-deliver niya sa Lunes ng umaga. Nagtatakal na siya ng kape dahil hindi na niya mabibigyan ng panahon iyon bukas.

Pupunta sila nina Vincent at Dotie sa beach.

Kahit confident siya kanina sa harap ni Helen, ngayon ay hindi na gaano kahit pa alam niyang masarap talaga ang kape nila roon. Malay ba niya sa taste ng lalaking iyon. Kaya umaasa na lang siya na sana nga ay magustuhan nito ang pagbago niya sa order nito. Hindi man niya aminin o ipahalata, natuwa siya nang purihin nito ang kapeng ininom nito noong huling nagpunta ito roon. Gusto niyang ma-realize nito na ganoon talaga sa coffee shop niya—masarap ang kape at pagkain. Lahat ng iyon ay pinaghirapan nila ng kanyang staff.

Kaya sa susunod na sinumpong ito ng pagiging mapangmata nito, ipalululon niya rito ang baked macaroni na in-order nito.

Itinigil muna niya ang ginagawa nang marinig ang bagong order sa kausap ni Fonsy sa phone. Thirty-six orders of Irish coffee, ilang slices ng cake, tatlong baked macaroni, at limang spaghetti special. Takeout iyon. Narinig niyang sa munisipyo iyon dadalhin. Regular customers na niya ang mga empleyado roon. Umaga at hapon ay sa kanya nag-o-order ng pagkain ang mga ito.

Tumulong siya kina Jane at Fonsy para mas mapabilis ang paghahanda ng mga orders.

“ANO ITO?” nagtatakang tanong ni Christian nang ilapag sa tabi ng in-order niyang baked macaroni ang mataas at malaking baso ng brown na iced drink. Mabango at masarap tingnan iyon. There were marshmallows on top. Parang bigla siyang inuhaw at natatakam siyang tikman iyon kaya lang baka hindi sa kanya iyon. Hindi iyon ang order niya.

“Mochamallow sip, Sir. Free ho talaga ritòyan kapag nagbalik ang isang first-time customer. Enjoy your meal.”

May nag-react agad sa kabilang mesa. “Bakit ako, noong ikalawang balik ko rito noon, wala ako niyan?”

“Ay, naku, Roberto, hindi pa availablèyan noon,” sabi ng babae.

“O, 'di ngayon ko ia-avail.”

“Bakit? Guwapo ka ba?”

Tumawa ito. “'Tong si Helen, hindi na mabiro. Huwag mo nang ipangalandakan.”

Hindi na niya nasundan ang biruan dahil nagsimula na siyang kumain. It was like being transported in time. Hindi naman siya masyadong gutom nang ihinto niya ang kanyang sasakyan doon pero masarap ang baked macaroni kaya ginanahan siyang kumain. Naubos niya iyon. He enjoyed the mochamallow something, too. Tama si Vivi. Magandang i-consider ang pagbubukas ng branch ng Coffee Crash sa Maynila. Tiyak na dadayuhin iyon ng mga tao.

He was almost over with the cold drink when someone entered the coffee shop. Hindi sana niya mapapansin ito kung hindi umalingangaw ang malakas at masiglang tinig nito.

“Hello, Helen! Si Chynna?”

“Nasa loob, inaasikaso ang order ninyo,” sagot ng babaeng nag-serve ng order niya. Helen pala ang pangalan nito. “Ang bilis mo naman. Naiinip na ba ang mga kaopisina ninyo?” tanong nito.

“Hindi naman,” sagot ng bagong dating. “Naisip ko lang na kunin ang order namin nang mas maaga para makita ko ang amo mo.”

“Ogag. Hindi magpapakitàyon sàyo. 'Di ka type n’on,” natatawang sambit ni Helen.

Ano kaya ang type ni Chynna? bigla ay naisip niya.

“I’m a paying customer. Siguro naman, haharapin ako n’on.” Makulit talaga ang customer na kausap ni Helen.

“Hay, Kuya Rommel, pagkain at kape ang binabayaran dito, hindi mukha ng amo ko. Eh, kung hindi ko pa alam na sanlaksa kang babaero, kahit paano sana, ilalakad kita sa kanya. Kaso, sorry. Kahit ilakad pa kita sa kanya, hindi ka uubra do’n. Mataray 'yon sa mga babaero, lalo na kung may girlfriend pa ay dumidiga na. Mapapahiya ka lang nang todo.”

Tinamaan siya, bull’s-eye kahit may hindi tumugma sa kanya sa sinabi ni Helen. Hindi siya dumidiga kay Chynna.

Hindi pa.

And it looked like he wouldn’t be given a chance to do so. Hindi niya balak ipagpalit si Vivi sa isang babaeng hindi niya gaanong kilala, kahit pa nakakatakam ang lahat ng pagkaing lumalabas mula sa kusina nito.

Mabilis na inubos niya ang kanyang inumin. Naglabas siya ng pera at ibinaba iyon sa mesa.

Bago siya tumayo ay sinenyasan niya si Helen.

“That was very delicious. Thank you,” sabi niya.

“Makakarating ho sa amo ko. Hindi na kayo magkakape, Sir?”

“Hindi na. Nagmamadali kasi ako. Next time na lang.”

“Sir, ang sukli ninyo,” pahabol nito nang tatalikod na siya.

“Keep the change,” nakangiting sabi niya. “Thank you uli.”

Mabilis na nilisan niya ang coffee shop na parang hinahabol siya ng multo.

Continue Reading

You'll Also Like

34K 648 26
Clay Verdera is an actor while Isla Aurora Randal is just a typical person. Makabagong panahon ngunit makalumang paniniwala pa rin ang nananalaytay...
3M 77.3K 18
OLD SUMMER TRILOGY #2 Being the niece of the volleyball team's coach, Alia is hired to design the uniforms of the players. Seven, who has had a crush...
280K 5.2K 29
Duke & Izza
228K 3.4K 21
Warning: 🔞 (This is not suitable for young readers.) BETHANY CAGLIOSTRO is a confident and brave woman. However, due to a mission assigned by her ow...