Beware of the Class President

De JFstories

1.7M 99.9K 57.4K

FLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na... Mais

INITIUM
...
CAPITULO 1 - Pervert
CAPITULO 2 - Zero
CAPITULO 3 - Boys
CAPITULO 4 - Alone
CAPITULO 5 - Oppression
CAPITULO 6 - Awakening
CAPITULO 7 - Speech Delay
CAPITULO 8 - Decoy
CAPITULO 9 - Depression
CAPITULO 10 - You
CAPITULO 11 - Unfolding
CAPITULO 12 - Body Contact
Capitulo 13 - Let's Go
CAPITULO 14 - Joyride
CAPITULO 15 - First Step
CAPITULO 16 - Incense
CAPITULO 17 - Fever
CAPITULO 18 - Nun
CAPITULO 19 - Luggage
CAPITULO 20 - Something/Someone
CAPITULO 21 - Rosary
CAPITULO 22 - Crushed
CAPITULO 23 - Imminent
CAPITULO 24 - Companions
CAPITULO 25 - Trip
CAPITULO 27 - Brave
CAPITULO 28 - Confidant
CAPITULO 29 - Seized
CAPITULO 30 - Taken Over
FINE TEMPORE UNUM
CAPITULO 31 - Ataraxia
CAPITULO 32 - Boyfriend

CAPITULO 26 - Wake

40.3K 2.3K 941
De JFstories

CAPITULO 26 


KABAONG NI EKOY.


In loving memory of Jerico Christopher Corpuz. 


Nakasulat sa puting lona ang mga letra sa paraang cursive, gamit ang itim na pentel pen. May katabi iyong korona ng bulaklak ng patay na mula sa kapitan ng barangay.


Dalawang dipa ang layo ko mula sa kinaroroonan ng kabaong ng patay. Nasa may bakuran iyon, sa silong ng malaking lumang puting tolda na basta lang itinali sa itinayong mga kawayan. Hinahangin at sira pa ang kalahati.


Nauna ang madre palapit sa kabaong. Hinaplos ng kamay nito ang salamin bago tumingin sa amin. "Palaging bukang-bibig ni Ekoy na babalik kayo. Palagi niyang pinapangarap ang araw na iyon. Tiyak na masaya siya ngayon dahil nandito na nga kayo, at meron pa kayong mga bagong kaibigang isinama."


Parang may matulis na bagay ang bumaon sa dibdib ko. Paanong matutuwa si Ekoy? Paano nito malalaman na nandito kami ngayon? Paano rin nito makikilala ang mga bagong kaibigan na naririto?


"Gusto niyo bang silipin si Ekoy?" tanong ni Sister Gelai sa amin. "Isasara na ang kabaong niya bukas dahil ililibing na siya."


Si Bhing ay nagtago sa likuran ni Julian. "Hindi na lang po. Takot po ako tumingin sa patay. Napapanaginipan ko po kasi."


Wala sa aming lumapit, maliban kay El na humakbang patungo sa kabaong. Walang kahit ano siyang reaksyon nang tingnan ang patay naming kaibigan.


Kaibigan? Meron nga akong isang bagong kaibigan, kaya lang ay patay na pala. Parang gusto kong matawa, pero ang sakit-sakit ng aking lalamunan. 


"Okay lang, Kena," ani Sister Gelai na sa akin nakatingin ang mga mata. "Puwedeng hindi mo siya tingnan, kung mas gusto mong maalala si Ekoy sa itsura niya noong nabubuhay pa siya."


Umiling ako. "T-titingnan ko siya." Sumunod ako sa paglapit sa kabaong sa kabila ng panginginig ng aking mga tuhod at binti. 


Paglapit sa kabaong ay una kong nakita ang suot na barong ni Ekoy. Ang kulay ay cream. Mukhang luma na dahil maraming parte ang nagmamapa. Madilaw-dilaw na parang mula sa natuyong tubig na kalaunan ay naging mantsa na.


Hindi ba bumili ng bagong barong na ipinasuot kay Ekoy si Sister Gelai? Wala ba kahit iyong mumurahin lang sa palengke? O kung talagang luma ang ipinasuot, hindi ba nilabhan muna?


Nawala sa mga mantsa ang aking mga mata nang tuluyang makalapit na ako sa kabaong. Dumako ang paningin ko sa magkasalikop na mga kamay ng nakahimlay. Nangunot ang aking noo dahil bakit kulubot yata ang balat ng patay?


Nang umangat ang aking paningin sa mukha ni Ekoy ay napaatras ako sa gulat. Muntik ko na itong hindi makilala kung hindi lang dahil sa nunal nito sa noo. Ang balat ay nangingitim, kulubot, at hindi nakatulong ang makapal na foundation, dahil parang lalo pa yata itong natuyot. Ang layo nito sa buhay na mukha na naaalala ko!


"Hindi maganda ang pagkaka-make up sa kanya." Boses ni Sister Gelai mula sa likod ko. "O siguro dahil na rin sa balat na mismo ni Ekoy kaya ganyan siya. Hirap na hirap kasi siya sa huling sandali ng buhay niya."


"A-ano po ang ikinamatay niya?" nauutal na tanong ko. Nagbawi na ako ng tingin sa kabaong.


"Atake sa puso. Naisalba pa naman siya. Hindi na nga lang siya nagising pa. Coma siya at nagsisimula nang pumalya ang ilang organs at maluto ang katawan dahil sa dami ng gamot. Hanggang sa tuluyan na siyang bawian ng buhay."


Niyaya kami ni Sister Gelai sa loob ng bahay. Sa kuwarto kami ni Ekoy matutulog ni Bhing. Ang mga lalaki naman ay sa sala. Pero sa ngayon ay doon muna sa kuwarto dinala ang lahat ng gamit namin.


Nagsipagbihis ang iba. Pinakain din muna kami ni Sister Gelai ng deretso na tanghalian. Kanin at ang ulam ay manok na sinampalukan. Wala rin naman sa aming gaanong nakakain. Halo-halo ang pagtataka at gulat sa aming lahat.


Nakaupo ako sa labas, sa upuan na kaharap ng kabaon ni Ekoy. Tulala pa rin at hindi makapaniwala. Hindi naman kasi ganito ang inaasahan kong madadatnan.


Si El naman ay nasa tabi ng kabaong. Nakatitig siya kay Ekoy habang walang karea-reaksyon. Bakit parang wala lang sa kanya? Hindi ba niya itinuring si Ekoy na kaibigan? O sadyang magaling lang siyang magtago ng nararamdaman?


Si Bhing ay ilang ulit nagtangka na lumapit sa akin, pero agad ding umaatras. Hindi siguro alam ng babae kung paano ako sisimulang kausapin.


Si Kit ay ganoon din. Nakatingin lang sa akin. Kahit si Joachim. Hindi nila maintindihan ang nangyayari, kung bakit kami nandito, at kung paano ako nagkaroon ng ugnayan sa patay na nasa kabaong ngayon.


Nagsisimula ng dumilim pero hindi kami umaalis sa puwesto ni El. Ako sa aking kinauupuan at siya naman ay nakatayo pa rin sa tabi ng kabaong. 


Sina Joachim, Kit, Julian ay hindi na rin nagpahinga. Dahil si Sister Gelai lang ang umiikot lahat sa gawain, ay nagkusa na lang silang tulungan ito.


"Salamat sa inyo," taimtim na pasasalamat ng madre.


Si El ay umalis na sa harapan ng kabaong. Walang salita na pinagdadampot niya ang mga maruruming tasa ng kape sa mga mesa.


Napatingin ako kay Kit na kandapaso-paso sa pagsasalin ng mainit na tubig sa mga bagong tasa mula sa thermos. Tinimplahan niya ang mga iyon saka sinilbihan ang mga bagong dating na nakikilamay.


Si Julian ay nagpupulot ng mga kalat sa lapag ng bakuran, dahil nga bawal magwalis kapag may patay. Si Joachim naman ay inaayos ngayon ang tolda na hinangin kanina. Lahat sila ay kanya-kanya ng ginagawa.


Tumayo ako at nilapitan si Bhing na may bitbit na tray ng mga hugasin. Tinulungan ko ang babae. Nang makita naman ako ay napangiti siya. "Thank you, Kena!"


Pumasok kami sa loob ng bahay. Dumaan sa makitid na pasilyo kung saan madadaanan ang maliit na altar sa tabi. Madilim. Iisang ilaw na lang ang nakasindi dahil siguro pundido ang isa. Halos hindi ko na maaninag ang mga poon doon.


Si Bhing ay sumiksik sa akin habang naglalakad kami. Natatakot siya kahit hindi niya sabihin.


Pagdating sa kusina ay binuksan ko ang ilaw. Alam ko kung nasaan ang switch. Alam ko rin kung nasaan ang patuluan ng mga hugasin, sponge, at ang lalagyan ng sachet ng mga dishwashing liquid. Si Bhing ay naipon na lang sa mga mata ang mga tanong at pagkamangha.


Nagsimula na kaming maghugas. Ako ang tagasabon at siya ang tagabanlaw. Marami kaming huhugasan dahil natambak na ang hugasin mula pa kagabi, dahil wala namang katulong na iba si Sister Gelai. Ang ilang kapitbahay ay sa umpisa lang tumulong dito.


"Kena, okay ka lang ba?" mayamaya ay tanong ni Bhing habang nagsasabon ng mga hugasin. "Mula kanina ay hindi ka pa kumakain..."


Nakayuko lang naman ako habang naghuhugas.


"Kena, sorry pala, ha? Hindi ko alam na ganoon ang nangyari sa kaibigan niyo. Hindi ko alam ang buong kuwento, pero nakikiramay ako. Promise, tutulong ako sa kahit anong paraan!"


Sumilip si Kit sa pinto ng kusina. Pawisan pa ito at may paghingal. "May malinis na bang tasa? Kulang na iyong sa labas, may mga dumating namang bagong nakikilamay."


"Ito, meron na!" Dinala naman ni Bhing dito iyong mga nabanlawan ng tasa. "May kutsarita pa ba sa labas? Pakidala na rin dito para mahugasan na rin."


"Copy!" ani Kit at nagmamadali nang umalis.


Bitbit ang tatlong tasa na napahabol si Bhing dito. "Kit, meron pang tasa rito!"


Nagpatuloy naman ako sa pagsasabon ng iba pang hugasin. Ako na rin ang nagbanlaw. Saglit lang ay naramdaman ko nang bumalik na si Bhing. Paubos na ang sabon kaya inutusan ko siya na magkanaw.


"Dito mo kanawin iyong sabon." Inabot ko sa kanya ang disposable tupperware kung saan nilalagyan ng tubig na may sabon para makatipid.


Mga limang minuto ang lumipas, natapos ko nang banlawan lahat pati iyong mga kaserola.


"Bhing?" tawag ko dahil ang tagal niya sa pagkakanaw, may hindi pa nasasabunang mga plato. Iilan lang iyon at baka kailanganin na sa labas mamaya.


Nilingon ko siya. Nakatalikod si Bhing sa akin. Nakaharap siya sa pabilog na mesa ng kusina. Nagkakanaw pa rin ba siya? Bakit ang tagal niya?


"Bhing!" tawag ko ulit sa kanya. "Bilisan mo. Baka kailanganin ng plato sa labas. Wala ng lalagyan ng mani at tinapay."


Wala pa ring imik si Bhing.


"Bhing, kailangan ko na iyong sabon—"


"Hindi ka ba makapaghintay?" mataray na tanong niya na ikinagulat ko.


"Ano?"


"Ang sabi ko, hindi ka ba makapaghintay? Kung naiinip ka, bakit hindi ikaw ang gumawa?!" Malakas ang boses niya na malapit na sa pasigaw.


"Bhing!" Napahumindig ako sa pinagsasabi niya.


Sa pagkakataong ito ay mas malakas pa ang boses niya at matigas. "Napakaarte mo naman, Kena! Iyong patay nga di nagrereklamo, pero ikaw, dinaig mo pa iyong nasa kabaong!"


Tuluyan nang napatid ang pisi ko. Nagbanlaw ako ng kamay at humihingal na hinarap siya. "Bakit ganyan ka magsalita? Ayaw mo palang tumulong, sana sinabi mo kanina pa para hindi kita inasahan dito—"


"Kena?" tawag mula sa pinto ng kusina.


Gulat na napalingon ako roon. Nakatayo si Joachim at nakatingin sa akin.


"S-si Bhing kasi e—" Magsusumbong sana ako sa kanya nang pagtingin ko sa kinatatayuan ni Bhing ay wala na roon ang babae.


Pagtingin ko sa aking paahan ay naroon ang tupperware na inabot ko kanina. Bakit naroon? At nasaan si Bhing?!


"Your friend is outside." Lumapit si Joachim sa akin. "Hindi mo ba nakita? Saka sino ang kausap mo rito?"


Nasa labas si Bhing? Iyon lang ang narinig ko sa lahat ng sinabi at tinanong ni Joachim.


Bakit lumabas na naman si Bhing? Nakaramdam ako ng inis sa babae. Ayaw palang tumulong, pero bakit tumulong pa kanina? Labag naman pala sa loob! Tapos magrereklamo! At kung ano-ano pa ang pinagsasasabi!


"Kena, humihingal ka." Boses ni Joachim. "Are you having trouble breathing?"


"Ha?" Napatingala ako sa lalaki. Nasa harapan ko na pala siya. Nakayuko siya sa akin.


"And you're sweating so hard."


Nakapa ko ang aking leeg. Basang-basa na naman ako ng pawis kahit hindi naman ako naiinitan.


Tumaas ang kaliwang kamay ni Joachim at maingat na lumapit sa aking leeg kung saan ako pawisan. "Kena, breathe slowly..."


Napapikit ako nang dumampi sa akin ang dulo ng mahahabang daliri niya.


Ang mga hibla ng aking buhok na bahagyang nagulo, ay maingat niyang hinawi at inipit sa gilid ng kaliwang tainga ko. Mainit. Mainit pala. Nararamdaman ko na ang init na hindi ko naman nararamdaman kanina.


Dumilat lang muli ako nang maramdaman ang paglayo ng kamay niya sa akin. Bago iyon tuluyang makalayo ay kusang pumigil doon ang kamay ko.


Napatitig siya sa mukha ko. "Hey..."


Imbes sagutin siya ay aking tiningnan ang kamay niya na hawak-hawak ko. Binusisi ko ang mahahabang daliri niya, ang malilinis na kuko, at ang palad niya. Napansin ko roon ang isang gasgas. Bago pa dahil may dugo pa.


"It's nothing. Sa pagtatali ko iyan ng alambre ng tolda kanina, pero daplis lang."


"Daplis lang?" mahinang ulit ko. "Ang sugat ay sugat kahit pa daplis lang. Paano kung matetano ka dahil ang alambre ay meron palang kalawang?"


"Huhugasan ko na rin naman iyan—" Napatigil siya sa pagsasalita sa sunod kong ginawa.


Dinala ko ang kamay niya sa aking mga labi. Sa bandang gasgas ay hinalikan ko. Bago pa ako makagawa ng mas higit ko pang pagsisisihan ay mabuti dahil natauhan na ako. Napatingala ako sa kanya habang kapwa nanlalaki ang aming mga mata sa isa't isa.


"Kailangan pa sa labas ng tasa." Malamig na boses na nagpabitiw sa akin sa kamay ni Joachim. Nasa kusina na si Julian at madilim ang mga mata na nakatingin sa kuya niya.


Napaubo naman si Joachim. "Ako na ang magdadala ng mga tasa." Pagkuwan ay dinampot niya ang mga tasa na hugas na. Tatlo kasa isang kamay. Pinagkasya niya sa mga daliri ang mga handle. Anim ang bitbit niya nang walang lingon-likod na umalis.


Naiwan kami ni Julian sa kusina. Ang madilim na mga mata ng lalaki ay nasa akin na. Saglit lang ay nagbawi na rin siya ng tingin. Nakahabol na lang ang mga mata ko sa kanya nang walang salita na tumalikod na siya.


Nakasalubong pa nito sa daan ang pabalik na si Bhing. "Hello, Julian!"


Hindi naman pinansin ni Julian si Bhing. Dere-deretso paalis ang lalaki.


Si Bhing ay nakangisi na lumapit sa akin. "Sorry, may dumating kasi na kasamahan ni Sister Gelai sa kapilya kaya natagalan ako. May mga dala silang tinapay at box ng Zesto juice. Tumulong ako sa pamimigay sa mga nakikilamay!"


Matapos magsalita ni Bhing ay napayuko siya sa tupperware na nasa sahig. Iyong dapat na pagkakanawan ng sabong panghugas sa mga hugasin.


"O bakit nasa sahig ito?" Dinampot niya iyon. "Nahulog mo?"


Pinanood ko siya kung paano niya damputin ang nahulog na tupperware.


"Ay, wala na palang sabon!" bulalas niya pagtingin sa lababo. Kinuha niya ang natitirang sachet ng dishwashing liquid at kinanaw sa tupperware ang kalahati.


Nakasunod pa rin ako ng tingin sa bawat kilos niya. Bawat kilos niya ay naiinis ako. Para kasing pinagtatawanan niya ako. Parang sinasabi niya sa akin na mabuti nga at namatayan ako ng kaibigan, mabuti nga at may sakit ang mama ko, at mabuti pa kung mamatay na rin ako dahil wala akong kwentang tao!


Naiinis ako sa kanya. Hindi pa ako nainis nang ganito maliban ngayon. Gusto ko siyang sampalin, gusto ko siyang itulak nang malakas, hanggang sa mauntog siya sa kanto ng lababo, at hanggang sa dumugo ang kanyang ulo—


"Kena, okay ka lang?" nagtataka na tanong ni Bhing sa akin. "Namimilog kasi ang mga mata mo at humuhuni ka..."


"Humuhuni?"


"Oo. Parang ibon na bumubulong. May sinasabi ka ba? O kumakanta ka?"


Ipinilig ko ang aking ulo. Ano na naman ba ang nangyayari sa akin? Nang akma akong hahawakan ni Bhing ay lumayo ako sa kanya. "Dito ka lang, 'wag kang susunod sa akin." Pagkasabi'y nagmamadali na iniwan ko siya sa kusina.


"Kena!" tili niya. "Ayoko rito mag-isa!"


Pagdaan ko sa maliit na pasilyo papunta sa sala ay nadaanan ko muli ang altar. Madilim dahil nga pundi ang isang ilaw. Nagmabilis ako sa paghakbang. Pero kahit anong bilis ko, ang tagal ko pa ring nakaalis. Parang inabot ng kalahating oras ang pagpunta ko sa sala.


Humihingal ako nang makalabas ng pinto. Gabi na pala. Nagsiuwian na ang mga nakikilamay. Ang natatanaw ko na lang ay iilang kapitbahay. Mga karamihan ay may edad na nanay. Kumakain ng biscuits habang nagkukuwentuhan.


Nasa may gate si Joachim, naninigarilyo siya habang nakatingin sa malayo. Kailan pa siya nanigarilyo? Ah, oo, matagal na. Bagong tungtong lang kami noon ni Mama sa Pangasinan. Sumusubok pa lang siyang manigarilyo nang mahuli ko siya, pinagbantaan niya pa ako noon na kapag nagsumbong ay ililigaw niya sa bayan.


Inalis ko ang paningin kay Joachim. Ang sumunod kong nakita ay sina Kit at Julian na nag-aayos ng tolda dahil hinangin na naman. Samantalang si El ay hindi ko makita kahit saan.


Sa tagiliran ko ay maiingay ang apat na magkakaharap sa bilog na mesa.


"Ano raw ang ikinamatay?" tanong ng isa sa mga ito. May highlights ang straight ang buhok. Ang dulo ay mukhang kaytigas na tila sunog.


Ang sumagot ay iyong medyo bata-bata pa. Naka-sleeveless at labas ang pilipit na strap ng bra. "Atake raw sa puso. Nakakaawa na ang bata pa para para magkaroon ng ganoong sakit. Hay, hindi mo talaga masasabi ang haba at iksi ng buhay ng tao."


"Napakabait pa naman niyang bata. Paano kaya iyan na wala na siya? Sino na ang makakasama ni Sister Gelai?"


Iyong bilugan naman na naka-colorful leggings at pekeng blonde rin ang buhok. May laman pang biscuit ang bibig nang matabil na magsalita, "Oy, narinig niyo ba ang sabi-sabi sa bayan? Ang tunay raw na ikinamatay ni Ekoy ay kulam."


"Siya nga? Tunay ba?"


"Iyong hilot sa labasan, unang tingin pa lang daw kay Ekoy ay nabatid ng kinulam. Hindi raw talaga balak patayin ang batang bulag, ang kaso nga lang ay natuluyan."


Hindi na ako gumalaw kundi nakinig na lang sa mga ito. Ang babaeng patuloy sa nagsasalita ay pinanood ko nang mataimtim ang pagbukas ng bibig.


"Ang nangulam daw ay baguhan pa lang na mangungulam. Nag-aaral pa lang. At iyong batang bulag nga ang napiling pagpraktisan. Kesyo bulag naman daw at bata pa, wala pang pamilya, kaya kung matutuluyan ay ayos lang!"


May dumaang isang kapitbahay na tasa ng umuusok na kape. Nagpapawis pa ang mga tasa sa init. Mukhang kakukulo pa lang ng tubig na ginamit kaya dahan-dahan ito sa pagbitbit.


Hinarang ko ito at walang pasabi na inagaw rito ang tasa. Napatanga ito sa akin. "Hoy, ineng, sa akin iyan! At mainit iyan, magdahan ka—"


Basta ko ito tinalikuran at hindi pinagkaabalahang pansinin. Bitbit ang tasa ng kape na humakbang ako. Sobrang init sa kamay ng maliit na tasa, nakakapaso, pakiramdam ko'y pulang-pula na ang aking mga palad, subalit tuloy pa rin ako sa paglalakad.


Malapit na ako, malapit na malapit na sa—


Biglang may humila sa aking braso. Kandasubsob ako sa paglakad pasunod dito hanggang sa bahagi ng bakuran na di tanaw ng mga tao. Sa bilis ng paglalakad niya, ang lamang kape ng dala kong tasa ay nagkandatapon na ang iba sa lupa.


"Ano ba?!" asik ko kung sino man siya. Ang aking kamay na may dalang tasa ay aking inangat. Ang natitirang mainit na kape na laman ay doon sumaboy sa kanyang harapan.


Napaatras siya at napaungol dahil sa pagkapaso.


Napasinghap naman ako nang marinig ang boses niya. "El?!"


Ang humila sa akin papunta rito sa gilid ng bakuran ay siya pala! Sa ilalim ng liwanag ng buwan ay kitang-kita ko sa suot niyang puting t-shirt ang bakas ng mainit na kape! Maging ang leeg niya ay nabasa rin!


"S-sorry!" Para akong biglang nagising na naman sa sandaling pagkakaidlip. Nagpa-panic na lumapit ako sa kanya. "Sorry, El! Hindi ko sinasadya! Sorry, sorry! Hindi ko alam kung bakit ko iyon nagawa!"


Kinapa ko ang damit niya sa harapan, mainit-init pa. Tiyak na napaso ang balat niya. Lalo ang bandang leeg dahil deretso sa balat ang pagtalsik ng mainit na kape.


"Sorry, El, hindi ko talaga alam! Maniwala ka, hindi ko sinasadya!" Mangiyak-ngiyak na ako sa pagsisisi at hiya. Ang mga kamay ko ay pinaghahaplos ang leeg niya. "Masakit ba? Saan ang masakit? Sorry, El. Sorry talaga!"


"It's okay," maaligasgas na boses niya sa dilim. Inabot niya ang magkabilang kamay ko at hinawakan ako sa dalawang pulso.


Nagpapasag ako. "Hindi iyon okay. Mainit iyong kape, nasaktan ka!"


"It's okay, Kena."


Napatingala ako sa mukha niya. Sa sobrang lapit ko sa kanya ay iyong init na nagmumula sa kanya ay nararamdaman ko na. Hindi ko nga lang masabi kung dahil pa ba sa kape, o nagmumula na mismo iyon sa natural na temperatura ng katawan niya.


"Hindi na... Bitiwan mo na ako..." mahinang sabi ko.


Marahan naman na pinakawalan na ni El ang aking magkabilang pulso. Napayuko siya sabay hagod ng kanyang mahahabang daliri sa sariling buhok. Naulinigan ko pa ang pagpapakawala niya ng buntong-hininga.


"Sigurado ka bang hindi masakit?"


"Yeah."


"Kung ganoon, pumasok ka na sa loob." Itinuro ko ang pinto papunta sa likod ng bahay. Ang daan sa kusina. "Pumasok ka na, El. Magpahinga ka na. Kanina ka pa pagod."


"You're more exhausted," sabi niya na sa hina ay hindi ko na halos marinig.


Kumiling ang ulo ko. "Babantayan ko si Ekoy magdamag. Paubos na ang mga tao riyan. Hindi pumayag si Sister Gelai na magkaroon dito ng pasugalan, kaya nagsisimula ng mag-uwian ang mga nakikilamay dahil wala silang paglilibangan."


"Magbabantay rin ako."


"Matutuwa si Ekoy dahil kahit pagod ka na, mas gusto siyang bantayan magdamag kaysa magpahinga."


"No."


"Ha?" Pilit kong inaaninag ang ekpresyon niya o kahit emosyon sa kanyang mga mata, pero natatakpan na ang liwanag ng buwan, kaya hindi ko na siya maaninagan. 


"Hindi niya kailangan ng bantay."


"Pero sabi mo ay babantayan mo rin siya magdamag—"


"I never said I'd watch over Ekoy. And you know that he's not the one who needs supervision."


Tumiim ang mga labi ko lalo nang humakbang siya lalo papunta sa akin. Nagitgit niya ako sa poste ng sampayan. 


"You know it, right? Hindi si Ekoy ang tinutukoy ko," ani El sa hindi na lang maaligasgas kundi sa malamig na boses at tono. "Kena, ikaw ang babantayan ko."


jfstories

#JFBOTCP

Continue lendo

Você também vai gostar

1.2M 23.7K 21
Aragon Series #5: The Aragon Goddess and Aragon Princess Story. EVERYTHING WILL REPEAT.
15.1M 357K 62
Sequel of Famous Meets Bad Girl: "I can admit, I'm a different person now than I was three years ago.." she said. She was intently looking at the man...
20.2M 451K 79
AlphaBakaTa Trilogy [Book1]: Alphabet of Death (The Arrival of Unforgiveness) Handa ka na bang harapin ang iyong kamatayan sa pamamagitan ng letrang...
2.4M 88K 47
Once you've start to read it, there's no turning back. Season 1 Start: December 22, 2015 End: April 11, 2016