Beware of the Class President

By JFstories

1.7M 100K 57.6K

FLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na... More

INITIUM
...
CAPITULO 1 - Pervert
CAPITULO 2 - Zero
CAPITULO 3 - Boys
CAPITULO 4 - Alone
CAPITULO 5 - Oppression
CAPITULO 6 - Awakening
CAPITULO 7 - Speech Delay
CAPITULO 8 - Decoy
CAPITULO 9 - Depression
CAPITULO 10 - You
CAPITULO 11 - Unfolding
CAPITULO 12 - Body Contact
Capitulo 13 - Let's Go
CAPITULO 14 - Joyride
CAPITULO 16 - Incense
CAPITULO 17 - Fever
CAPITULO 18 - Nun
CAPITULO 19 - Luggage
CAPITULO 20 - Something/Someone
CAPITULO 21 - Rosary
CAPITULO 22 - Crushed
CAPITULO 23 - Imminent
CAPITULO 24 - Companions
CAPITULO 25 - Trip
CAPITULO 26 - Wake
CAPITULO 27 - Brave
CAPITULO 28 - Confidant
CAPITULO 29 - Seized
CAPITULO 30 - Taken Over
FINE TEMPORE UNUM
CAPITULO 31 - Ataraxia
CAPITULO 32 - Boyfriend

CAPITULO 15 - First Step

41.2K 3.1K 1.9K
By JFstories

CAPITULO 15


PATAY NA SI FELICIDAD RUBIO.


Napakabata pa nito para mamatay. Kaedad lang ito ni Mama. Bagsak ang balikat ko at para akong ginuhuan ng mundo. Paano na ang sadya ko rito? Paano na ang mama ko?


May kamay na humawak sa balikat ko. Nang mag-angat ako ng mukha ay mukha ni El ang aking nakita. Kahit walang ekspresyon, nasa mga mata niya na para bang sinasabing may iba pa naman sigurong paraan.


"Patakip-silim na, saan pa kayo uuwi niyan?" tanong ni Sister Gelay. Nakatingin siya sa suot naming school uniform. "Ngayon ko lang nakita ang uniform niyo, tagamalayo siguro kayo."


"Pangasinan po," matamlay na sagot ko.


"Napakalayo." Sinipat kami muli nito ng mapanuring tingin. "Alam ba sa mga bahay niyo na nagpunta kayo rito? Hindi kaya hinahanap na kayo at nag-aalala na ang mga magulang niyo sa inyo?"


"No one will look for us." Si El ang kaswal na sumagot kay Sister Gelay. "Wala ang parents ko ngayon. Same with Kena. Wala rin ang parents niya."


Nakapagsinungaling si El. Iyong kanya ay puwedeng totoo, pero iyong akin? Hindi niya alam na patay na ang papa ko at may sakit lang ang mama ko. Posible pa rin akong hanapin sa amin.


"Kung uuwi kayo, gagabihin kayo. Hindi pa sigurado kung may bus kayong masasakyan. Kung meron man, baka sa susunod na terminal naman kayo mahirapan."


Kinapalan ko na ang aking mukha. "Puwede po bang makituloy muna sa inyo?"


Matagal na napaisip pa si Sister Gelay. Kalaunan, malumanay itong ngumiti sa amin.


Sumama kami sa nakababatang kapatid ni Felicidad sa bahay nito. Nilakad lang namin dahil malapit lang. Baku-bako ang daan. May kalayuan sa ibang kapitbahay ang lugar, pero hindi nakakatakot dahil may mga iilang poste ng ilaw naman.


Habang naglalakad ay nakatanggap ako ng text message mula sa number ni Mama. Si Tito Randy ito.


Mama:

KENA. T2 RANDY 2. NSA OSPITAL N KMI MAMA U. INUTANG ME ALOWANZ NINA JOACHIM. OK N MAMA U. NATURUKAN N NG GAMOT. PMUNTA DN D2 UN KAIBIGAN NA HILOT NG KPTBHY NTIN. DNSALAN MAMA U.


Kahit paano ay nakahinga na ako nang mabasa ang text. Nag-reply ako. Sinabi ko na nasa kaibigan ako ni Mama ngayon. Ang natanggap ko na reply kay Tito Randy ay 'K'.


Napatingala ako nang maramdaman ang mga titig ni El. Nakatingin pala siya sa akin. Agad kong ibinaba ang aking phone. Wala naman siyang imik na nag-iba na rin ng tingin.


Huminto si Sister Gelay sa tapat ng kawayang bakod. Masisilip ang loob, ang lapag ay kalahating sementado at kalahating lupa. Malinis, wala maski kalat na dahon. Sa paligid ay maraming iba't ibang halaman. Meron ding iilang puno sa tagiliran. "Dito ang bahay namin."


Ang pinakabahay ay nag-iisa rito sa lugar na hindi gawa sa pawid ang bubong man o mga pader. Isa iyong well-maintained bungalow na ang kalahati ay gawa sa hallowblocks at ang kalahati naman ay tablang kahoy. Maayos ang itsura at pinturado. Brown ang kulay.


"Kami na lang dito ni Ekoy. Iyong batang ampon ng late parents ko," ani Sister Gelay. Binuksan nito ang gate na masinop na gawa rin sa kawayan.


Pagpasok namin ay sumalubong sa amin ang isang puting aso. Maliit lang ito at mataba. Naglambing agad ito sa madre, sumiksik sa paahan nito. Kaya lamang, nang makita kami ni El ay agad na nagtatahol ito.


"Puti, 'wag mong tahulan ang mga bisita ko!" saway rito ni Sister Gelay. Ayaw naman paawat ng aso. Ang lahat ng kaamuhan nito ay naglaho. Tila isa itong asong mabagsik na naghuhurumentado. Wala itong tigil sa pagkahol kahit anong saway rito ng amo.


Pinauna kami ni Sister Gelay sa pinto habang pigil-pigil nito ang aso. "Ano ba naman itong si Puti? Bakit ba ito nagkakaganito? Mabait naman na aso ito!"


Ang tinutukoy na ampon ni Sister Gelay ang nagbukas sa amin ng pinto. Binatilyo na pala ito. Fourteen years old. Ang ikinagulat ko, puti ang mga maga nito. Hindi pala ito nakakakita.


"Ekoy, pakidala muna sa likod si Puti," utos ni Sister Gelay rito nang makapasok na kami sa bahay. "May mga bisita ako, kinakahol niya."


Agad namang tumalima iyong si Ekoy. Hindi ito nakakakita pero maliksi kumilos. Kabisadong kabisado na ang buong lugar. Kami naman ni El ay naghubad ng aming mga sapatos. Iniwan namin iyon sa labas bago kami pumasok.


Sa loob ng kabahayan ay malinis din katulad sa labas. Ang pintura sa loob ay puti. Ang ilaw ay mahabang fluorescent light kaya maliwanag sa sala. Ang mga gamit ay kaunti lang. Sa sofa set ay iyong lumang kahoy na mukhang gawa sa Narra. May mga throwpillows doon na ang pillowcase ay kakulay ng mga kurtina, kulay pula.


Pinuntahan ni Sister Gelay si Ekoy sa likod bahay. Pagbalik nito ay sinabihan kami na si Ekoy na ang bahala sa amin. Naibilin na raw kami nito sa binatilyo. Pumasok na pagkuwan ang madre sa kuwarto nito.


Naiwan kami ni El sa sala. Tahimik lang siya na nagmamasid-masid sa paligid. Hinarap ko siya. "El, sorry," nahihiyang mahinang sabi ko. "Dahil sa akin, hindi ka makakauwi ngayon. Dahil sa akin, baka mapagalitan ka pa sa inyo..."


Tumingin sa akin ang walang emosyon niyang mga mata. "I didn't lie. Wala talaga sa bahay sina Mommy at Daddy. But, how about you, Kena?" Iyong tanong niya ay kaswal lang.


Nagkibit ako ng balikat bilang sagot. Tinanong ko siya ulit, "El, gaano ka kasigurado na hindi malalaman ng parents mo na di ka nga umuwi ngayon? Wala ba kayong ibang kasama sa bahay niyo?"


"We have a stay-in lady helper. Nag-text na ako sa kanya na 'wag siyang magsusumbong."


"Susunod ba sa 'yo iyon?"


"So far, wala pa naman iyong hindi sinunod sa mga inutos ko. Sinusuhulan ko siya."


Bagsak ang panga ko. So hindi lang ito ang unang beses na may ginawa siyang kalokohan na ayaw niyang malaman ng kanyang mga magulang?!


Napanguso ako at nagtingin-tingin na lang sa paligid habang hinihintay si Sister Gelay. Wala kahit alikabok sa kakaunting mga gamit. Wala ring mga abubot. May mga makabagong gamit katulad ng TV, DVD player, at speaker.


Dumampot ako ng mga CDs. Ang mga kanta ay karamihang mga kanta sa simbahan at worship songs. Sa mga pelikula naman ay puro kina Claudine Baretto at Rico Yan.


Nang balikan ko ng tingin si El ay nakatanaw siya sa hallway na pinuntahan ni Sister Gelay kanina.


Ang unang pinto ay ang pinasukan ng madre. Pag tumuloy-tuloy sa hallway, siguro ay kusina o likod bahay ang makikita sa dulo.


"I think I saw something there," aniya na halos paanas.


"Something?" Hindi madilim sa hallway dahil naaabot iyon ng liwanag mula rito sa sala saka ng liwanag sa nakabukas na ilaw mula sa dulo. Doon nga yata siguro ang kusina. May natanaw akong maliit na altar na nakadikit sa dingding ng hallway. Malapit-lapit iyon sa dulo.


"Tara, tingnan natin?" yaya ko kay El.


Napakurap naman siya sa akin. Hinila ko na siya bago pa siya makapagsalita. At least, nanghihila lang ako. E siya nga riyan mahilig mangaladkad. Soft revenge lang itong akin.


Narating namin ang altar. Makipot na pahabang mesa na may mantel na pula. May dalawang kandila na dekuryente na ang kapirasong liwanag ay kulay pula. Sa ibabaw ay nakapatong ang iba't ibang santo. Mabango dahil may bulaklak ng sampaguita na nakasabit sa bawat gilid. Napakurap ako dahil hindi lang pala mga santo ang naroon, merong picture frame sa pinakagitna.


Napalapit ako roon. Ang picture frame sa gitna na ang size ay A4 ay isang matandang babae ang makikita. Naglalaro sa edad eighty plus ang edad sa aking pagtatantiya. Maraming gatla sa mukha. Hindi nakangiti kaya ang itsura ay parang mas tumanda.


Nakaramdam ako ng sandaling pangangapos ng paghinga. Kung wala si El sa likod ko ay baka napaupo ako sa lapag. Mabuti at maagap niya akong nasalo sa balikat. "Kena, ayos ka lang?"


Nanlalamig ang pakiramdam ko na tumango. Siguro dahil sa pagod at gutom lang kaya ako nagkakaganito.


"Woy, anong gawa niyo?" Isang boses mula sa dulo. Pagtingin namin ay iyong binatilyong bulag pala. Pilyo ang bukas ng mukha. Nakatingin sa ibang direksyon dahil hindi naman kami nito nakikita.


"Hinihintay namin si Sister Gelay," sagot ni El dito.


"Aw, e hindi na lalabas iyon sa kuwarto. Dapat 6:00 p.m. pa lang ay nagrorosaryo na siya. Huli na siya sa novena."


Niyaya kami ni Ekoy na ang tunay na pangalan pala ay Jerico. Maliit lang ito pero fifteen na pala at hindi fourteen. Grade 3 pa rin sa school dahil pahinto-hinto.


"Ako pala si Kena. Kena Ruiz," pakilala ko. "Seventeen na ako. Mag-eighteen sa November. Ito namang kasama ko si Gabriel Salgado. El ang tawag sa kanya sa school."


"I'm nineteen this year." Nagulat ako na nagsalita si El. Akala ko ay manghuhula na lang ako ng edad niya.


Sa kusina ay nangapa si Ekoy papunta sa malapit sa lababo. Naghugas ito ng kamay, pagkuwan ay kumuha ng kaserola sa lalagyan. Kahit hindi nakakakita ay kabisado na talaga yata nito kahit bawat kanto ng bahay.


"Magsyota kayo?" tanong nito mayamaya na ikinanganga ko.


"Hindi!" mabilis na sagot ko.


"Sus, hindi magsyota pero nagtanan."


"Hindi kami nagtanan!" Napataas na ang boses ko.


Sumipol-sipol lang naman si Ekoy habang nangingiti sa pagbubukas ng kalan. Nagsalang ito roon ng kaserola na may lamang tubig at naglabas ng dalawang pack ng instant noodles mula sa cupboard.


"Hindi kami nagtanan, okay?!" pagdidiin ko. "May sadya kaming importante kaya byumahe kami nang malayo para pumunta rito. Pinatuloy na lang kami ni Sister Gelay rito kaysa umuwi kami ng Pangasinan."


"Ah... Ay 'kala ko nagtanan kayo..." Nilingon kami nito. Ang mga mata ay sa ibang direksyon nakatuon dahil hindi kami nakikita. "Pero kayo'y magsyota, ano?"


"Hindi nga sabi!" Napasentido na lang ako dahil tumalikod na ulit ang binatilyo.


Ito namang si El ay walang kakibo-kibo sa tabi ko. Ni hindi man lang ako tulungan sa pagpapaliwanag.


"Tulungan na kita." Lumapit ako rito. Ako ang nagbukas ng mga plastic ng instant noodles. "At ulit, hindi ko boyfriend iyong kasama ko."


Natatawa lang naman si Ekoy. Parang nang-aasar na lang. Si El naman ay parang prinsipe na nakaupo sa upuan habang nanonood lang sa amin. Naghihintay na paghainan. Ibuhos ko kaya sa kanya iyong sabaw ng noodles kapag kumulo na?


"Hindi nagsasalita iyong kasama mo?" bulong ni Ekoy sa akin habang nagsasandok ako ng kanin sa bandehado. Kakain na kami.


"May maximum word count siya a day. Bawal sumobra, ikamamatay niya."


Napahagikhik si Ekoy sa biro ko. Pagsulyap ko kay El ay nakataas ang isang kilay niya sa akin. Ano ba, narinig niya ba?


Dinala ko na ang kanin sa mesa. "Ito na po ang pagkain, kamahalan."


Nang dadalhin na ni Ekoy ang kaserola na may mainit na noodles ay tumayo si El. Kinuha niya sa binatilyo ang kaserola. Napangisi naman ako. Mabuti naman at may konsensiya pala siya.


"Pasensya na pala kung noodles lang ang ulam," sabi ni Ekoy habang kumakain kami. "Hindi ko naman kayo maalok ng bagoong dahil baka hindi kayo nakain ng maparas."


Maparas? Ang binatilyo na rin ang sumagot. Maanghang daw ang ang ibig sabihin. Isang salitang Bataeño.


Makuwento si Ekoy. Habang kumakain kami ng hapunan ay panay ang kuwento nito. Siyam na taon daw ito nang mamatay sa sakit sa baga ang nanay nito na matagal ng namamasukan sa mga Rubio. Dahil patay na rin ang tatay nito ay inampon na ito ng mga magulang ni Sister Gelay.


Tila sabik ang binatilyong bulag sa kakuwentuhan. Marami ako ritong nalaman. Katulad ng ang mga Rubio ay hindi pala talaga tubong Bataan. Bigla lang daw lumipat dito ang mag-asawang Rubio noong tatlong taon pa lang si Felicidad at sanggol pa lang si Sister Gelay.


Ang nanay ni Ekoy ang naging kasambahay ng mga ito mula pa noong bagong lipat ang mga ito. Hindi raw palakaibigan ang mag-asawang Rubio. Maging sina Felicidad at Sister Gelay noong mag-aral na ang mga ito ay wala rin daw gaanong naging kaibigan. May kaya raw talaga ang mag-anak. Ang padre de pamilyang Rubio ay isang businessman.


Si Felicidad noong mag-college ay lumuwas sa Manila. Matalino raw ito, matiyaga, at madiskarte. Doon sa Sta. Mesa nag-board nang makapasang scholar sa Polytechnic University of the Philippines. Ang kurso nito ay Bachelor of Science in Accountancy. Isang sem na lang ay graduate na sana, kaya lang ay bigla na lang daw itong nagdesisyon na huminto at umuwi sa Bataan. Walang may alam ng dahilan.


Si Sister Gelay naman daw ay magna-nurse pero biglang nakaisip na tumuloy sa kumbento. Ilang taon daw ito roon. Nang lumabas ay isang madre na. Ayaw na raw nitong bumalik sa Bataan. Pero napilitang umuwi nang mamatay sa aksidente ang mga magulang.


Gusto kong itanong kung ano rin ba ang ikinamatay ni Felicidad Rubio pero nahihiya ako. Hinintay ko na lang na kay Ekoy na mismo manggaling, kaya lang ay wala itong nabanggit. Kapag tungkol kay Felicidad ang topic, sobrang ingat ng binatilyo sa pagbabagsak ng detalye. Kumbaga, piling-pili nito ang mga sinasabi.


Si El naman ay as usual, tahimik lang habang kumakain kami sa mesa. Walang kainteres-interes sa ekspresyon. Para tuloy kami lang ni Ekoy ang magkasama rito. Nang makatapos kumain ay nauna siyang tumayo bitbit ang kinainan. Tahimik na hinugasan niya iyon sa lababo.


Pagkakain ay binigyan kami ni Ekoy ng pamalit na damit. Ang sa akin ay maxi dress na kulay dilaw at floral. Regalo raw kay Sister Gelay noong kabataan nito. Iyong kay El ay pajama na light brown at puting T-shirt na puti na may mukha ng kumakandidatong kagawad sa lugar.


Nagpaalam ako na magbabanyo. Paglabas ay nakapaghilamos na rin ako at nakapahugas ng mga braso at paa. Hindi pa nga lang ako nagbibihis. Doon na lang siguro sa kuwarto.


Hinatid na kami ni Ekoy sa magiging kuwarto namin. Napamulagat ako dahil iisang kuwarto lang kami ni El!


"Walang ibang ekstra na kuwarto rito maliban dito," sabi ni Ekoy. Kuwarto pala nito mismo ang ipapahiram nito sa amin. Doon na lang daw muna ito sa sofa sa sala.


"Ha? Nakakahiya naman kung aagawan ka namin ng kuwarto. Puwede naman siguro na kami na lang ang sa sala..." At bakit kailangang kasama ko si El?!


Umiling si Ekoy. "Minsan lang naman kami magkabisita rito ni Sister, kali ayos lang!"


Napabuntong-hininga ako. Pagtingala ko kay El, hindi naman siya mukhang bothered.


Bakit siya mababahala? Wala naman siyang pakialam kahit magkatabi kami. Nagkatabi na kami noon sa bodega, wala lang sa kanya. Wala lang ako sa kanya.


Sinilip ko ang magiging kuwarto namin. Malinis. Puti ang pintura ng plywood na dingding. Masinop na nakaligpit sa pinaglalagyan ang iilang pirasong gamit sa loob. Isang orocan, nakarolyong foam sa gilid, at magkakapatong na tatlong unan. Ang ilaw ay iyong dilaw na bumbilya.


Bago kami pumasok sa loob ay hinatak ni Ekoy si El. Ang polo ng lalaki ang nahawakan ng binatilyo. "Oy, ayaw ni Sister ng gagawa ng milagro!"


Muntik akong masamid sa sinabi ni Ekoy. Si El naman ay nangunot ang noo. Hindi yata naintindihan.


Sumenyas si Ekoy gamit ang dalawang kamay. Pinagdikit ang mga daliri sa isa't isa, at humuni na ang tunog kapag nagki-kiss. Inambahan ko ito ng sapok dahil nakalimutan ko na hindi nga pala ito nakakakita.


"Basta, ayaw ni Sister ng gagawa ng milagro. Saka bata pa kayo, ano? Bawal pa 'yan!"


"Mas matanda kami sa 'yo." Nagulat ako sa sagot ni El dito.


Napatigil naman si Ekoy at pagkatapos ay OA na napahawak sa sariling bibig na parang kinikilig. Hindi ko na ito natiis. Itinulak ko na si El papasok sa loob ng kuwarto. "Sige na, Ekoy! Matutulog na kami!"


Bago ko masara ang pinto ay nagpahabol pa si Ekoy. Nasa ibabaw daw ng drawer ang bagong kumot. Iyon daw ang gamitin namin.


Sa loob ay hindi kipit-kipit ko ang mga damit na pamalit. Paano kaya ako magpapalit? Patatalikurin ko ba si El?


"I'm going to the bathroom," sabi niya na nagpalingon sa akin. Hindi siya sa akin nakatingin.


Hindi niya na ako hinintay na sumagot. Bibit ang bihisan niya na bigay ni Ekoy na pumunta na siya sa pinto. Paglabas niya ako ay maliit akong napangiti. Makakapagbihis na ako.


Nagpalit na agad ako ng damit. Ang presko pala ng cotton maxi dress. Manipis lang iyon kaya hindi na ako nag-abala na maghubad ng bra o ng suot na maiksing cycling shorts sa loob. Ang awkward lang na nakalitaw ang strap ng aking bra dahil sa spaghetti style ang duster.


Naiilang ako. Ngayon lang ako nagsuot ng ganitong damit. Parang ang lakas maka-babae. Yellow na floral tapos sleeveless long dress. Okay lang ba talaga na ganito ang suot ko?


Ano kaya ang itsura ko? Walang salamin kaya hindi ko makita ang aking sarili. Litaw na litaw ang aking leeg, balikat, at mga braso sa design ng damit. Ang ipinagpapasalamat ko na lang ay mahaba iyon. Halos umabot sa aking sakong.


Itinupi ko ang hinubad na blouse at paldang uniform. Ang buhok ko ay aking itinali ulit nang maayos. Bubuksan ko sana ang bintana kaya lang baka malamok, kaya hinayaan ko na lang na nakasara.


May kumalabog mula sa labas ng pinto. "Sandali!" Nagmamadali akong lumapit doon. Pagbukas ko ay wala naman. Palapit pa lang si El mula sa kusina, bitbit niya ang tinuping uniform na pinaghubaran.


Napatingin siya sa akin. Nagtataka siguro siya kung bakit ako nakadungaw sa pinto. Mukha tuloy akong naghihintay sa kanya.


Hindi naman ako makapagsalita. Nakatitig lang din ako sa kanya. Basa pa ang buhok niya dahil sa paghihilamos. Nakapagpalit na rin siya ng damit. Iyong brown na pajamas at iyong pang eleksyon na white shirt. Kahit simpleng pambahay ay kaya niya talagang dalhin.


Pagpasok sa kuwarto ay bumaba ang tingin niya sa suot ko. Natigilan siya pero sandali lang. Nag-iwas din agad siya ng tingin. Nabaduyan siguro siya sa yellow floral. O baka nahabaan sa leeg ko?


Tumulong siya na ilatag iyong foam sa sahig ng kuwarto. May kalaparan iyong foam kaya nakakahiya naman kung maiisipan ko pa siyang hindi pasukubin. Saka iisa lang din ang kulambo. At hindi rin naman ito ang unang beses na nagtabi kami...


"El," mahinang tawag ko sa kanya.


"Hmn.."


"A-ayos lang ba talaga sa 'yo na dito tayo ngayong gabi?" Baka lang kasi hindi siya komportable.


"We don't have a choice. Do we?"


Tumango ako. Oo nga. Wala. Pagkalatag ng foam, iyong kulambo naman ang sumunod naming inayos. Kandamali-mali kami at makailang ulit umulit bago iyon nagawa nang tama.


"Kena, Ekoy told me not to leave the room later. He turns off the lights every night to save electricity."


Nahiga na kaming dalawa. Tatlo ang unan. Tag isa kami at iyong sobra ay harang sa gitna namin. Tumalikod na si El sa pagkakahiga. Matutulog na siya kaya hindi ko na siya ginambala.


Nagbukas ako ng phone. May ten missed calls mula sa number na hindi naka-save, pero kilala ko. Si Joachim ito. Nakagat ko ang aking ibabang labi.


Hindi ko maiwasang hindi siya alalahanin, hindi dahil sa hinahanap niya ako, kundi dahil mag-isa siyang matutulog ngayong gabi. Umaasa na lang ako na sana walang mangyari.


Mabilis ako na nag-type ng message.


Me:

Nasa kaibigan ako ni Mama. Alam na ni Tito Randy. Nakapagpaalam na ako. Importante lang ang sadya ko rito. Saka malapit lang naman ito. Uuwi rin ako, sorry.


Hindi ko alam kung bakit kailangang magpaliwanag, siguro dahil nakokonsensiya ako. Nanghingi ako ng pera sa kanya at nagsinungaling na gagamitin ko sa project, kahit hindi naman iyon totoo.


Nag-reply agad si Joachim.


+63919209****

Malapit? Then send me the address. Susunduin kta. May bahay k, bkit k mkikitulog sa bahay ng iba


Hindi na ako nag-reply. Pinatay ko na rin ang phone bago pa siya ulit tumawag.


Palalim na ang gabi. Sobrang tahimik ng paligid. Bakit ba ang tahimik masyado? Hindi ako sanay na walang naririnig na dumaraan na tricycle sa labas kahit hating gabi na.


Nakapagtataka pa na wala kahit mahihinang huni ng mga kuliglig, e samantalang mapuno at maraming halaman sa labas.


Sa katahimikan ng gabi ay biglang kumahol ang aso nina Sister Gelay. Kahol ito nang kahol na tila galit na galit. Pero sandali lang, nawala rin ang kahol. Bigla na lang itong nanahimik.


Dumilat ako. Sumalubong sa paningin ko ang apat na sulok ng kuwarto. Ang bilog na bumbilyang nakasabit sa kisame ay umuuga-uga. Ang madilaw at kapirasong liwanag mula roon ay parang unti-unting nawawalan ng bisa.


Nang tumihaya ako sa pagkakahiga ay doon ko naramdaman ang sakit sa puson. Kanina pa kasi ako nagpipigil. Nilingon ko si El sa aking tabi.


Ganoon pa rin ang puwesto ni El. Nakatalikod siya sa akin. Gusto ko sana siyang kalabitin. Pero ano ang sasabihin ko sa kanya? Na magpapasama ako sa banyo para umihi?


Dahan-dahan akong bumangon at sinilip siya. Nakapikit siya. Mukhang malalim na ang tulog niya. Nakakahiya kung gigisingin ko siya. Pagod na pagod siya sa biyahe, dapat lang siya na makapagpahinga. Maingat na lumabas ako sa kulambo. Kaya ko namang mag-isa na pumunta sa banyo.


Maingat din na binuksan ko ang pinto. Paglabas ko ay sumalubong sa akin ang madilim na hallway. Patay na ang ilaw kahit doon sa bandang sala. Hindi nga talaga nag-iilaw si Ekoy kapag natutulog.


Nagdadalawang isip pa ako kung tutuloy ba o hindi na. Pero sobrang sakit na ng puson ko sa pagpipigil. Gusto ko na talagang makaihi. Nangapa ako sa dingding, nagbabakasakali na may makapang switch ng ilaw.


Nakarating na yata ako sa bandang kusina pero wala pa rin akong nakakapa. Hinayaan ko na lang tutal nasanay na ang mga mata ko sa dilim. Nasisinag ko na ang paligid. May ilaw rin doon sa may altar. May dekuryenteng kandila kasi roon na dalawang piraso. Ang sindi ay kulay pula.


Pagkakita sa banyo ay pumasok na agad ako. Binuksan ko muna roon ang ilaw. Mabilis akong umihi at naglinis ng sarili. Paglabas ay parang may kakaiba kaysa kanina. Para bang hindi na ako nag-iisa. May nagising ba?


Tinanaw ko ang bandang sala, mas madilim doon. Sobrang dilim. Magising man si Ekoy, hindi raw nito maiisipang magbukas ng ilaw dahil hindi naman ito nakakakita. Nangapa ulit ako sa dingding para hindi ako magkamali sa hakbang.


Sa pagkapa ko ay napakislot ako nang may makapa na kung anong magaspang na bagay. Malamig iyon at bagaman magaspang ay may kalambutan. Agad ko iyong binitiwan.


Kumurap-kurap ako sa dilim. Ano iyon? Kahit pakatitigan ko ang dingding sa dilim, wala talaga akong masinag na kahit ano. Pero ano iyong nakapa ko?!


At iyong pakiramdam na hindi ako nag-iisa rito. Wala sa malayo iyong pakiramdam na merong iba sa paligid ko. Nararamdaman ko na kung sino o anuman ito, naririto lang siya sa malapit sa aking kinatatayuan!


Itinaas ko ang aking braso at iwinasiwas sa paligid, wala rin akong natatamaan. Walang kahit sino o kahit ano na nakaharang sa hallway pabalik sa kuwarto. Nagmadali ako sa paglalakad, pero tila tukso iyong altar na nadaanan ko. Kusang napahinto ang mga paa ko.


May liwanag mula sa dalawang pulang dekuryenteng kandila. Sapat lang iyon para mailawan ang ilang pirasong maliliit na rebulto ng mga santo na naroroon.


Kakaiba ang pakiramdam ng altar kapag madilim an paligid. Mas litaw na litaw ang dalawang kandila na nagsisilbi nitong ilaw. Lumapit ako. Ang mga santo ay mga luma na. Nagbibitak na ang ibang parte ng mukha. Kahit mga luma ay walang kaali-alikabok. Malinis. Alagang-alaga.


Natuon ang aking mga mata sa picture frame na nasa gitna. Iyong picture ng babaeng matanda. Para bang hindi bagay ag picture frame na iyon sa gitna ng ibang mga santo na naroroon.


Yumuko ako at tiningnan muli ang picture. Kakaiba rin pala ang itsura niyon kapag madilim ang paligid. Lutang na lutang ang mga detalye sa mukha ng matandang babae.


Kamukhang kamukha ito ni Sister Gelay. Ito ba ang mama nila? O di kaya ay lola nila?


Sa pagtitig sa picture ay para akong natulos sa mga mata ng matanda. May kung ano sa mga mata nito. Para bang kaharap ko lang ito. May takot na nanulay sa aking mga ugat, kaya nagtataka ako sa sarili kung bakit dinampot ko pa ang picture frame.


Ngayon ay nasa harapan ko na mimo ito. Hawak-hawak ko. Sa malapitan pala ay mas kitang-kita ang mga detalye.


Hindi nakangiti pero bakit ang mga mata ay parang iba ang pinapakita? Parang nasisiyahan ito na hindi maunawaan?


Pagyuko ko ay may papel na nakadikit sa ilalim ng mismong picture. May nakasulat na ni-lettering gamit ang itim na signpen. Nang mabasa ang mga letra ay parang tumakas sa akin ang lakas ko.


'In loving memory of Felicidad Rubio.'


jfstories

#JFBOTCP15

Continue Reading

You'll Also Like

1.6M 62.8K 37
Lucienne Simons, also known as Lush Fox, is a best-selling mystery writer who is worshipped by millions of her fans. Everyone is eager to find out wh...
1.7M 100K 35
FLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na estudyante sa Sto. Cristo, naaksidente...
2.4M 88K 47
Once you've start to read it, there's no turning back. Season 1 Start: December 22, 2015 End: April 11, 2016
4.3K 121 27
Because of the series of killings that continue to shake a barangay. They likened the case to a similar crime where the perpetrator is a stranger who...