Beware of the Class President

By JFstories

1.7M 99.9K 57.4K

FLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na... More

INITIUM
...
CAPITULO 1 - Pervert
CAPITULO 2 - Zero
CAPITULO 3 - Boys
CAPITULO 4 - Alone
CAPITULO 5 - Oppression
CAPITULO 6 - Awakening
CAPITULO 7 - Speech Delay
CAPITULO 8 - Decoy
CAPITULO 9 - Depression
CAPITULO 10 - You
CAPITULO 11 - Unfolding
CAPITULO 12 - Body Contact
Capitulo 13 - Let's Go
CAPITULO 15 - First Step
CAPITULO 16 - Incense
CAPITULO 17 - Fever
CAPITULO 18 - Nun
CAPITULO 19 - Luggage
CAPITULO 20 - Something/Someone
CAPITULO 21 - Rosary
CAPITULO 22 - Crushed
CAPITULO 23 - Imminent
CAPITULO 24 - Companions
CAPITULO 25 - Trip
CAPITULO 26 - Wake
CAPITULO 27 - Brave
CAPITULO 28 - Confidant
CAPITULO 29 - Seized
CAPITULO 30 - Taken Over
FINE TEMPORE UNUM
CAPITULO 31 - Ataraxia
CAPITULO 32 - Boyfriend

CAPITULO 14 - Joyride

43.6K 3.1K 1.5K
By JFstories

CAPITULO 14


HAWAK KO ANG KAMAY NIYA.


Sumusunod siya sa akin nang bigla siyang huminto. Parang may kung anong nagpahinto sa kanya. Napatigil din ako para lingunin siya. Sa iba siya nakatingin at hindi sa akin. "El?"


Ang mga mata niya ay nakatuon sa isang direksyon. Titig na titig siya sa kung ano mang kanyang tinatanaw. Sinundan ko kung ano man ang kumuha sa kanyang atensyon. Isang lalaki na bumibili sa tindahan malapit sa daan papunta sa school namin ang aking nakita.


Sino iyon? Parang naglalaro ang edad ng lalaki sa early twenties. Parang nasa twenty five. Moreno. Nang tumagilid ay matangos ang ilong. Mukhang college student dahil sa suot na uniform. Kilala ba ito ni El? Hindi kasi talaga maalis ang tingin niya roon.


Tiningala ko si El. "Kilala mo ba iyong lalaki?"


Doon siya napakurap. Napayuko siya sa akin at umawang ang kanyang mga labi. Wala siyang masabi.


"Ang tanong ko, kung kilala mo iyong lalaki?"


Sukat ay bigla siyang matigas na umiling. "No. I don't know him. Tara na, Kena." Nauna na siyang maglakad sa akin habang ang aking kamay ay hila-hila niya.


"Teka, sandali!" Kandatalisod ako sa pagsunod sa kanya. Ang lalaki kasi ng hakbang niya. Ang tangkad niya nga, di ba? Ang hirap sumabay sa paglalakad niya!


Sandali nga ulit. Bakit niya ako hinihila? Alam niya ba kung saan kami pupunta, ha?!


Malayo-layo na kami sa school nang huminto siya. Humihingal ako dahil sa tagal ng paglalakad namin. Ang init na rin dahil tumataas na ang araw. Binawi ko ang kamay mula sa pagkakahawak niya. "Ano ba? Saan mo ba ako dadalhin? Kung makahila ka naman sa akin, ah!"


Namulsa siya sa suot na school pants. "Nag-bell na. Kapag may nakakita sa atin malapit sa school, sisitahin tayo at papapasukin."


Humihingal pa rin ako nang tingalain siya. "Sasama ka talaga sa akin?"


"Really? Tinatanong mo 'yan matapos mo ako kaninang basta hilahin?"


Pinunasan ko ang aking pawisang noo gamit ang kaliwang bisig ko. Hindi nga pala ako nakapagdala ng panyo o kahit bimpo. Nakakainis lang ang lalaking ito, ni hindi man lang pinagpawisan.


"Pupunta ako sa Limay, Bataan. Hahanapin ko iyong kaibigan ni Mama. Manggagamot iyon. Maraming alam. Marunong din magsarado ng third eye." Hindi ko binanggit ang tungkol sa kalagayan ni Mama ngayon na pinakadahilan ng aking kagustuhan na magpunta sa Bataan.


Ang kalmadong ekspresyon naman ni El ay biglang naglaho. May kung anong kumislap sa mga mata niya. Interesado siya. "How sure are you about this?"


"Basta sigurado ako. Kaibigan ni Mama iyon. Hindi iyon peke."


Tumango siya at ibinaling ang paningin sa daan. "Limay, Bataan..." sambit niya na tila para sa sarili lang. Nasa mga mata niya ang pag-aasam. 


"Tara na?" Inilahad ko ang aking palad sa kanya. Nang tanggapin niya iyon ay nabigla rin ako. Sa huli ay walang imik na kami na naglakad. Magkahawak-kamay kami kami at ang aming destinasyon ay sa Limay, Bataan. Kung saan nga lang banda roon, iyon ay ang hindi pa namin alam.


Nang may dumaang jeep ay sumakay kami papunta sa San Carlos, City. Pagdating sa terminal ng bus ay nagtanong-tanong muna kami kung paano pumunta sa Bataan. Ang pinakatipid daw ay ang ordinary bus papunta sa Pampanga. Tatlong oras ang biyahe. Kasunod ay sasakay ulit ng bus patungo naman sa Olongapo. Pagbaba ay Bataan na.


Hinila ko muna si El sa gilid. Nasa one hundred ninety pesos ang pera na bigay ni Joachim sa akin. Bukod doon ay may natatabi pa pala akong barya. Abot sa two-hundred pesos lahat-lahat kapag pinagsama-sama. Mababawasan pa nga lang iyon dahil kailangan kong magpa-load. Makikibalita kasi ako kay Tito Randy tungkol sa kalagayan ni Mama.


Pasimple kong sinulyapan si El na kalmado lang habang nakatayo sa tabi ko. May pera naman siguro siya. Mayaman naman yata sila dahil de-kotse ang mga magulang niya, tiyak malaki ang pabaon sa kanya. Sana nasa two hundred pesos para pareho kami ng dala.


Nang magtanong ako sa dumaan na konduktor kung magkano ang pamasahe patungo pa lang sa Pampanga, ay napanganga ako. Unang bus pa lang, one hundred sixty pesos na agad kada isang tao!


Nagbukas naman ng wallet niya si El. Namilog ang mga mata ko noong makitang ang dami niyang pera. Bukod sa maraming tagwa-one hundred at fifty pesos, may tatlong tag-iisang libong piso rin siya!


Nang mapatingin siya sa akin ay nahuli niya ang pamimilog ng mga mata ko sa wallet niya. Tumaas ang gilid ng kanyang bibig bago magsalita. "Hindi ako gumagastos sa school kaya naiipon lang ang allowance ko."


Napalunok ako. "Uhm, ililibre mo ba ako?"


"What do you think? Alangan naman na ako lang mag-isa ang maghanap sa sinasabi mo. As if I know that person."


Oo nga naman. Hindi niya nga naman ako puwedeng basta iwan. Kailangan niya ako kung gusto niya talagang malutas na ang problema tungkol sa mga nilalang na hindi niya dapat nakikita.


Nagbayad na kami ng pamasahe para sa ordinary bus. Kanya-kanya muna tutal may pera naman ako. Mamaya niya na siguro ako ililibre sa susunod na biyahe. Doon kami sa may bandang likuran ng bus pumuwesto. Sa pangdalawahan kaming upuan naupo. Ako ang sa katabi ng bintana.


Binuksan ko agad ang sara sa bintana. Na-excite ako dahil napakatagal na mula nang huling magbiyahe ako lulan ng bus. Ang huling biyahe ko ay mga higit tatlong taon na rin. Iyon iyong tuluyan nang nakisama si Mama kay Tito Randy. Pagkatapos niyon, hindi na kami umalis ng Pangasinan.


Dahil hindi airconed ang bus na sinakyan namin, open lang ang bintana. Nang umandar ang bus ay pumapasok ang hangin mula sa labas. Syempre, kasama na rin ang init ng araw at polusyon.


Nang mapagod ako kakatingin sa labas ay sinulyapan ko si El sa aking tabi. Nakahalukipkip siya habang nakapikit at nakasandan sa sandalan ng upuan. Hindi ko sigurado kung tulog ba siya o hindi. O baka gusto niya lang pumikit dahil ayaw niya akong kausap.


Nananakit na ang aking pwet sa biyahe. Humigit kami sa tatlong oras dahil napadaan pa sa traffic. Parang nagka-stiff neck na rin yata ako habang itong si El ay parang sleeping beauty sa tabi ko. Kahit yata may bumagsak na bulalakaw mula sa langit ay hindi niya papansinin.


May batang lalaki na umakyat sa bus. May dala itong panindang mga candy, sigarilyo, at mani. Nang makarating ito sa amin ay naisipan ko na bumili ng candy. Ibibili ko rin si El kahit pa tulog siya. Ibibigay ko sa kanya pag gising niya.


Kumuha ako ng limang pisong buo para pambayad sa candy. Nakalahad naman na ang palad ng bata at ipapatong ko na lang doon ang pera. Dumukwang ako kay El para maiabot ang bayad sa bata nang matigilan ako. Bakit ang dumi-dumi ng kamay ng batang ito?!


Pati ang candy na hawak nito ay marumi din. Hindi lang basta mukhang luma at expired na, meron pang mga natuyong lupa. Bakit ganito? Bakit ibinibenta pa ang ganitong paninda?!


Naisip kong 'wag nang kunin ang candy. Gayunpaman, nagbayad pa rin ako. Mabilis kong inilapag sa maruming kamay ng bata ang aking nag-iisang limang pisong buo. "Bata iyo na 'yan. Ayoko na pala ng candy."


"Salamat, ate..." Nanlamig ako nang marinig ang boses nito. Bakit parang hindi iyon aakma sa edad ng isang bata? Parang sa isang malaking tao. Sa isang matanda!


Bigla akong napaangat ng tingin pero nakatalikod na sa akin ang bata. Tumayo ako para hanapin ito pero wala na talaga ito. Saan ito pumunta? Hindi naman huminto ang bus para ito makababa. Saka ko naisip na hindi rin pala huminto ang bus kanina, kaya paanong nakaakyat dito ang bata?!


Biglang nag-preno ang bus. Sa pagkabigla ay napausod ako paabante. Susubsob na sana ako nang bigla may sumalo sa aking noo. Isang malaking palad na amoy hand sanitizer. Bigla akong napadilat.


"PAMPANGA!" SIGAW NG KONDUKTOR.


Ang may ari ng malaki at amoy na sanitizer na palad ay si El. Nakaupo pala ako at muntik masubsob kung hindi niya lang ako napigilan sa noo. Pero bakit naman sa noo?!


"Nakatulog ka," sabi niya na nauna na sa aking tumayo. Nasa Pampanga na pala kami.


Napakusot ako ng mata. Nakatulog pala ako. Pagkababa sa bus ay nag-unat ako ng mga braso. Uhaw na uhaw ako sa tagal ng biyahe. Magkano na lang ang pera ko dahil nagbayad ako ng one hundred sixty sa unang pamasahe kanina. Siguro bibili na lang ako ng ice water. Kinalkal ko ang aking wallet. Teka, nasaan iyong nag-iisa kong buong limang piso? Bakit wala rito?


Sayang din iyong limang piso kung nahulog iyon at nawala. Lalo tuloy akong nagdalawang isip kung gagastusin ba ako ngayon. Mahirap na, baka gutumin ako mamaya. Alangan namang magpalibre ako kay El. Masyado nang nakakahiya—


Bigla na lang umalis si El sa tabi ko. Saan siya pupunta? Nakasunod ako ng tingin sa kanya nang magpunta siya sa malapit na tindahan. Pagbalik niya ay may bitbit na siyang dalawang bote ng malamig na mineral water at isang cream flavored fudgee bar.


Nang iabot niya sa akin ang isang mineral water at isang fudgee bar ay natulala ako. "Salamat..." Ang tangi ko na lang nasabi sa kanya.


Wala naman siyang reaksyon. Wala kahit 'welcome' o 'walang anuman'. Basta lang siyang tumalikod at ininom ang sariling mineral water. Nauna na rin siyang maglakad papunta sa hintayan ng sunod na bus.


Pumunta na kami sa sunod na bus. One hundred plus ulit ang aming pamasahe. Si El na ang nagbayad ngayon ng para sa akin. Mahigit isang oras daw ang biyahe. Ako ulit ang sa may bintana. Nang umandar na ay mas matindi ang polusyon at ang daming buhangin na sumasabay sa hangin. Nagulat ako isara ni El ang bintana sa tabi ko. Huli na nga lang, napuwing na ako!


"Aw!" Napahawak ako sa aking kaliwang mata.


"What happened, Kena?" tanong niya na ewan ko ba kung imagination lang ba na parang concerned siya.


Sa nakabukas na isang mata ko ay nakita ko ang sandaling pagkakanganga niya. Kinukusot ko naman na ang aking kaliwang mata pero hindi pa rin nawawala kung ano mang buhangin o alikabok ang pumasok doon. 


Napapitlag na lang ako nang maramdaman ang paghawak ni El sa kamay ko na nakahawak sa kaliwa kong mata. "Stop it, Kena. Baka mapaano lang ang mata mo. Akina, iihipan ko."


Ano raw? Iihipan niya? Kahit masakit ang mata ko ay napadilat iyon dahil sa sinabi niya. Iyon naman ang naging daan kay El para magawa ang sinabi. Umusod siya palapit sa akin at kasunod ay naramdaman ko ang mainit niyang hininga sa tapat ng aking mukha.


Pagkaihip niya ay napapikit-pikit ako. Narinig ko ulit ang boses niya na banayad lang at mahina. "Kena, okay na ba?"


Okay na ba? Nagluluha ang mata ko pero okay na. Wala nang puwing, kaya nga lang ay hindi ako sa kanya makatingin. Pakiramdam ko ay namumula ako hanggang sa talampakan.


Sa peripheral vision ko ay nagbaling naman na si El ng paningin sa ibang direksyon. Doon ko lang siya nagawang sulyapan. Namumula ang tainga niya. Naiinitan ba siya?


"Si Fel..." basag ko sa katahimikan makalipas ang ilang minuto. Naisipan ko kuwentuhin si El dahil isang oras pa ang biyahe namin. "Felicidad ang pangalan niya. Kaklase raw ni Mama noong college sa PUP. Doon sila nagkakilala."


Hindi man umiimik si El ay alam ko na nakikinig siya.


Nagpatuloy ako, "Kuwento lang ni Mama. May boyfriend daw si Fel na inagaw ng isa sa schoolmates nila. Ilang buwan daw ang lumipas, may tumubong bukol doon sa mukha ng babaeng nang-agaw. Ang sabi ng doktor, dahil daw sa wisdom tooth. Hanggang matapos ang isang taon, lumaki nang lumaki ang bukol sa mukha at nauwi na tumor."


Natatandaan ko lang iyon sa usapan noon nina Mama at Papa.


"Akala ni Mama ay normal lang iyong nangyari. Pero isang araw, nahuli raw ni Mama si Fel na dinuduraan iyong upuan ng maangas nilang kaklase sa isang subject. Matapos ang ilang linggo, iyong kaklase nilang iyon, nagkaroon daw ng malalang sakit sa bato."


Doon nagsalita si El. "'You think it was?"


Nagkibit ako ng balikat. "Hindi naniniwala si Mama sa ganoon, until kinausap siya ni Fel. Dati palang inis si Fel kay Mama, at pinagtangkaan siyang turuan ng leksyon. Ang kaso, hindi raw tinatablan si Mama." Maliit ako na ngumiti. "Siguro dahil ang pananalig ni Mama sa itaas ay matibay pa noong panahong iyon."


Hindi ko alam kung totoo na kapag may matibay kang pananalig, hindi ka tatablan ng mga gawang dilim. Kahit pa ng inggit, bati, o mga palipad hangin. Mas matibay raw ang pananalig na pangontra kaysa sa mga anting-anting, halamang gamot, o mga pampaswerte mula sa bansang China.


Pagka-graduate ni Mama ay ang napangasawa pa nito ay si Papa. Isang pastor. Lalong napalapit si Mama sa Panginoon. Nagsimula lang sigurong manghina ang pananalig ni Mama noong ipinanganak ako nito. Nabahala si Mama sa kalagayan ko kaya noon nito hinagilap si Fel para matulungan ako.


Noong una, ayos lang kay Papa ang pagpunta sa amin ni Fel. Um-attend pa nga ng service sa church ang babae. Iyon nga lang, nang matuklasan ni Papa ang kakayahan ni Fel, doon na nagsimula ng hindi pagkakaunawaan ng aking mga magulang.


Mananawas o albularyo. Ang papa ko na isang born again pastor ay galit sa karamihan sa mga ito. Wala lang nasasabi si Papa kapag ang faith healer ay sa panginoong Diyos humihingi ng kakayahan sa pagagagamot. Kahit pa Katoliko iyan at may mga santong rebulto na sinasamba. Iginagalang ni Papa ang relihiyon at paniniwala ng iba.


Ang hindi lang talaga masikmura ni Papa ay ang mga nagpapakilalang manggagamot, pero katulad naman ni Fel na ang gamit ay salamangkang itim, nakikipag-usap kuno sa mga yumao na, at lumilikha ng iba't ibang uri ng gayuma. Tama naman ang kutob ni Papa. 


Si Fel at ang mga katulad nito ay mga double edged swords. Kayang gumamot at kaya ring magbigay ng sakit. Gumagamot ng kulam at puwede mo ring lapitan upang kunin ang serbisyo na ipakulam ang taong kinasusuklaman mo. Ang lahat ay may katapat na presyo.


May isang alaala na naman tuloy ang sumagi sa isip ko. Malabo na pero ang iilan ay natatandaan ko pa. Inalok noon ni Fel si Mama na tuturuan ng lekson ang isa raw sa mga kamaganak naming mapanlait. Bibigyan daw ng hindi gumagaling na sakit na uubos sa kabuhayan ng mga ito at unti-unting papatay rito. Ang sakit ay cancer. Tinanggihan iyon ni Mama.


Mabait naman si Fel. Ito ang nagsara ng third eye ko kaya nakuha kong mabuhay kahit paano nang normal. Ito rin ang kailangan ko ngayon kaya namin ito hahanapin. Umaasa ako na may magagawa ito sa nangyayari kay Mama ngayon. At sana rin, matulungan din nito kami ni El sa problema namin.


Mahigit pitong oras. Ganoon katagal ang pinagsama-samang paghihintay at biyahe bago namin narating sa wakas ang probinsiya ng Bataan. Malaking dahilan ang traffic sa mga unang biyahe. Pagod na pagod ako at gutom na gutom pagbaba namin sa bus.


Tiningnan ko ulit ang aking natitirang pera. Hindi ko na nagalaw ang tira dahil lahat ng biyahe ay libre naman ni El kanina. May maipangbibili pa ako ngayon ng tubig at biscuit.


"Do you want to eat?"


Nangislap yata ang mga mata ko nang tingalain ko siya. "Libre mo ba?"


"Why? Do you still have money?" balik-tanong niya na hindi naman sarkastiko pero parang. Ewan.


Bago ko pa siya masagot ay hinila niya na ako sa pulso. Nawiwili talaga sa panghihila ang isang ito. Dahil naman sa hinang-hina na ako sa pagod at gutom ay nagpahila na ako. Doon niya ako dinala sa natatanaw naming fastfood. Pagpasok namin sa loob ay napapikit ako dahil sa lamig ng buga ng aircon. Ang sarap!


"Ako na ang oorder. Find us a table."


"Okaaaay!" Libre kaya bakit ako tatanggi?!


Akalain mo iyon, galante pala si El? Mabait naman pala talaga siya kahit madalas na nakakairita ang pagiging suplado niya. O baka depende sa araw talaga.


Pag-alis niya ay naghanap agad ako ng upuan. Doon ko pinili sa malapit sa aircon para ma-refresh naman ang aking pakiramdam. Nilabas ko agad ang aking Motorola phone. Kaunti na lang ang bars. Walang text mula kay Tito Randy kaya ibinalik ko na ulit iyon sa aking bulsa.


Pagdating ni El ay sinalubong ko siya. Ang dami niyang binili na pagkain. Punong-puno ang tray at meron pang isa na dala ng crew. Dalawang order ng two-piece chicken with rice na may tag isang extra rice at extra gravy. May order din siyang dalawang large fries at large Coke. Magkano kaya ang nagastos niya?


Pinarte-parte ni El agad ang mga pagkain. Naglabas siya ng sanitizer sa bag para linisan ang mga kamay niya na hindi naman mukhang marumi. Inabot niya sa akin ang sanitizer pagkatapos niya. Nag-sanitize rin ako ng kamay para wala siyang masabi. Nagpasalamat din ako ng ibalik sa kanya ang sanitizer niya.


"Thank you rin pala sa pagkain..." sabi ko dahil libre na naman niya ito. Wala akong nakuhang sagot dahil busy na siya sa pagkain. Mukhang ginutom din siya sa biyahe namin.


Masarap ang pagkain. Siguro na-miss ko ang McDo. Hindi naman kasi ako nakakakain sa fastfood. Nakakatikim lang ako ng mga ganito kapag may pasalubong sina Mama at Tito Randy, na napakadalang mangyari.


Gutom na gutom ako pero hindi ko maiwasang hindi sulyapan si El sa harapan ko. Nakakaaliw siyang panoorin sa pagkain. Maliksi ang bawat kilos niya pero sa paraang mahinhin pa rin. Pati pagnguya niya, ang hinhin kahit pa mabilis. Ngayon ko lang nalaman, malakas pala siyang kumain. Never ko pa kasi siyang nakita na kumain sa school namin.


Nang matapos sa pagkain ay dumighay siya. Napatingin siya sa akin habang nanlalaki ang kanyang mga mata. "I'm sorry." 


Nangalumbaba ako sa mesa habang nakamasid sa kanya. Namumula ang mukha niya, nakakatuwa. Maliit akong ngumiti. "Bakit ka nahihiya? Normal lang naman dumighay. Unless di ka tao."


"I was starving..." sambit niya habang nakayuko sa mga naubos niyang pagkain. Parang hindi siya makapaniwala na siya ang umubos niyon lahat. Pati iyong extra rice ko, siya ang kumain.


"Sa haba ng biyahe natin, kahit sino naman ay mapapagod at magugutom. Mag-move on ka na." Para kasing dinadamdam niya pa kung bakit ang dami niyang nakain. 


Iyong fries ko at natirang Coke ay binitbit ko na lang. Sa labas ng McDo ay may mga estudyanteng dumaan. Uwian na ng mga ito. 


"El, paano iyan?" tanong ko na nababahala. "Inabot na tayo ng hapon. Kaunti na lang, uwian na rin sa school natin." Kahit pilitin naming makauwi agad, hindi talaga kakayanin. Posible na madaling araw pa kami makabalik ng Pangasinan. Depende pa iyon kung may biyahe.


Imbes mabahala rin ay hinila niya ako roon sa bag ko. "Let's go." Paatras tuloy ang lakad ko. Pinaghahampas ko siya sa braso. Saka niya lang binitiwan ang bag ko, pero hinuli niya naman ang pulso ko.


Hindi na lang ako umimik nang mauwi na naman kami sa pagho-holding hands. Mabuti na rin iyong ganito kami dahil mahirap nang magkahiwalay. Hindi ako puwedeng mawalay sa kanya dahil nasa kanya ang pamasahe namin.


Nag-tricycle kami papunta sa Limay. Ang dami naming tindahan at mga bahay-bahay na pinagtanungan kung may kilala silang Felicidad Rubio (Hindi tunay na apelyido). Wala raw nakakakilala rito.


Alas sinco na ng hapon pero maski anino ng hinahanap namin, hindi pa namin nakikita. Ang haba ng kalsada na puro palayan ang gilid at wala na kaming matanaw na kabahayan. Ang sabi ng nakasalubong naming grupo ng kabataang Aeta ay malapit na raw kami paahan ng bundok.


Mabuti na lang at may mga kubo pa kaming natanaw sa paglalakad kahit liblib na ang daan at puro puno. May iilang mga tao rin doon na naglalakad. Nagpahinga muna kami sandali ni El sa silong ng isang malaking puno nang may matanaw akong babae na nakaitim. Napabulalas ako nang masilayan ang mukha nito. "Si Fel!"


Parang mas malaking babae si Fel ngayon kaysa sa naaalala ko. Nakaitim ito pero ang damit pala ay iyong damit na pangmadre. May suot din itong kwintas na krus sa dibdib at ang isang bisig ay may yakap na bibliya habang sa kabilang bisig ay may bitbit na maliit na maleta.


"Fel!" Sinalubong ko agad ito habang hila-hila sa laylayan ng polo niya si El. Bahala siyang mainis.


Natigilan ang babae nang harangin ko ito. Kahit ako ay natigilan dahil bakit ganito ang itsura ni Fel? Parang bumata ito?!


Alanganin ang ngiti ng babae na nakapang-madre. "Sino ka, ineng? Anong kailangan mo kay Ate Fel?"


"A-Ate Fel?" ulit ko sa sinabi nito. "Hindi ikaw si Fel?!"


Umiling ang madre. "Ako si Gelay. Nakababatang kapatid ako ni Felicidad o Fel."


Napangiti ako nang malawak. "Anak po ako ng kaibigan ni Fel. Nandito po ako sa Bataan para hanapin siya."


Ang madre ay napatingin sa aking likuran kung saan naroon si El. Ang kaninang mahinahong ekspresyon ay nabahiran ng tila pagkabahala. Ibinalik agad nito ang paningin sa akin. "A-anong kailangan niyo sa ate ko?"


"Importante po ang sadya namin sa ate niyo. Mahirap ipaliwanag dito, pero kailangang kailangan namin siyang makausap. Please, puwede niyo po ba kaming samahan sa kanya?"


Napayuko ang madre. "Ikinalulungkot ko na hindi ko kayo mapagbibigyan sa hiling niyo..."


Bumagsak ang aking balikat.


Nang mag-angat ulit ng mukha ang madre ay may talim na ang mga mata nito. "Hindi ko kayo mapagbibigyan dahil wala na ang hinahanap niyo. Wala na ang ate ko. Patay na siya..."


#JFBOTC14

Continue Reading

You'll Also Like

1.7M 99.9K 35
FLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na estudyante sa Sto. Cristo, naaksidente...
7M 283K 52
A fantasy which seems to be more like a reality. Or a reality which seems to be more like a fantasy? Or perhaps, a combination of reality and fantasy.
156K 5.8K 30
Dahil sa aksidenteng pagclick ni Klyde sa link na sinend ng kaibigan nito ay napasok siya sa isang group videocall at tumambad sa kanya ang mga lalak...
9.3M 392K 86
"Hindi kami nawawala, Cielo! Nagtatago kami dahil kami nalang ang natitirang buhay! Patay na silang lahat sa taas! Yung mga nandun, hindi na sila ta...