Beware of the Class President

By JFstories

1.7M 100K 57.6K

FLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na... More

INITIUM
...
CAPITULO 1 - Pervert
CAPITULO 2 - Zero
CAPITULO 3 - Boys
CAPITULO 4 - Alone
CAPITULO 5 - Oppression
CAPITULO 6 - Awakening
CAPITULO 7 - Speech Delay
CAPITULO 8 - Decoy
CAPITULO 9 - Depression
CAPITULO 10 - You
CAPITULO 12 - Body Contact
Capitulo 13 - Let's Go
CAPITULO 14 - Joyride
CAPITULO 15 - First Step
CAPITULO 16 - Incense
CAPITULO 17 - Fever
CAPITULO 18 - Nun
CAPITULO 19 - Luggage
CAPITULO 20 - Something/Someone
CAPITULO 21 - Rosary
CAPITULO 22 - Crushed
CAPITULO 23 - Imminent
CAPITULO 24 - Companions
CAPITULO 25 - Trip
CAPITULO 26 - Wake
CAPITULO 27 - Brave
CAPITULO 28 - Confidant
CAPITULO 29 - Seized
CAPITULO 30 - Taken Over
FINE TEMPORE UNUM
CAPITULO 31 - Ataraxia
CAPITULO 32 - Boyfriend

CAPITULO 11 - Unfolding

41.5K 2.7K 2K
By JFstories

CAPITULO 11


AKO ANG DAHILAN KAYA SIYA NAKAKAKITA AT NAKAKARAMDAM?!


Tumiim ang mga labi ko. Yumuko naman si El sa armchair niya. Parang walang sinabi. Hindi na ulit siya nagsalita pa.


Tiningnan ko ulit ang nasa labas ng bintana, naroon pa rin iyong bata. Walang emosyon at walang pagkurap ang mga mata. Kaya ito nakikita ni El ay dahil sa akin? Pero bakit si El lang ang nakakakita? Ngayon pa lang siya nadikit sa akin. Bakit hindi naman nagkaganito ang matagal ko nang kaibigan na si Bhing?


Bakit sinisisi ako ni El? Gaano siya kasigurado na ako nga ang dahilan kung bakit siya nakakakita at nakakaramdam? Wala naman akong ginagawa! Hindi ko gusto ito. At mas lalong hindi ko gusto na lumalakas na ulit ngayon ang kakayahang ito!


Kahit kailan, hindi ko ginusto! Pilit nga akong umiiwas, nagpapanggap na walang nakikita, at nararamdaman dahil iyon ang kabilin-bilinan ni Mama at kahit ni Papa noong nabubuhay pa ito. Ang mga hindi nararapat dito ay wag na wag bibigyan ng dahilan, sapagkat ang pagtangkilik sa mga ito sa anumang paraan ay kasalanan.


Ibinalik ko ang paningin sa harapan at hindi na pinansin ang bata na ngayon ay kumakaway na sa akin. Hindi ko naintindihan pa ang mga sumunod na subjects. May pakiramdam ako na para bang unti-unti, hindi na lang ang bata ang magiging problema ko. Hindi na lang ang dating nakita ko sa banyo. At hindi na lang din ang mga nasa bahay namin.


Hindi na lang ang mga ito. Dahil parang ang pinto na pinapasukan ng mga ito ay mas lumalaki ang pagkakabukas habang tumatagal.  


Ano ang dapat gawin para sumara ulit? At ako ba ang talagang may dapat gawin? Ako ba talaga ang may kasalanan? Napahawak ako sa aking ulo. Kumikirot ito. Gusto ko na lang umuwi kahit mag-uubos lang ako ng oras sa aking kuwarto. Gusto ko sanang ipikit nang matagal ang aking mga mata para makapagpahinga ako. 


Bago matapos ang klase ay nakatanggap ako ng text message sa aking Motorola T191. Kinuha ko iyon sa bulsa ng aking school skirt. Ang text ay mula sa number ni Mama pero nagpakilala ang nag-text na si Tito Randy. Ang kinakasama ni Mama.


Mama:

KENA T2 RNDY 2. WLA ME LOD. UWI K MAAGA. MY SAK8 MAMA U.


Napaayos ako sa pagkakaupo. May sakit si Mama? Anong sakit? Buong buhay ko, hindi ko pa naaalalang nagkasakit si Mama kahit na simpleng sinat. Nakaramdam ako ng pag-aalala. 


Nang tumunog ang bell ay nagmamadali akong tumayo. Nagsusuot pa lang ng bag si Bhing ay nasa pinto na ako. Bago pa ako nito mahabol at usisain, sumalisi na agad ako rito. Pagbaba sa hagdan ay nakasabay ko ang mga estudyante sa kabilang room. Naghaharutan ang mga ito. Ang isa ay nabangga pa ako sa siko.


"Uy, iyan ba iyong nililigawan ni Kristian Vergara?" naulinigan ko ang tanong ng may maiksi ang buhok sa mga kasama nito.


"Sino? 'Di ko kilala." Ang halos nasa tabi ko na ang nagsalita. Malumanay ang boses pero may nakatagong talim na sa una ay hindi agad mahahalata. Sa peripheral vision ko ay aking nasipat ang itsura nito. Maganda, petite, may make up sa mukha.


"'Di rin namin kilala. Sino ba 'yan? Maganda ka pa, Joyce." Kung mag-usap ang mga ito ay parang hindi ako kasabay sa hagdan.


"Anong nagustuhan ni Kit diyan? Saka di ba ikaw iyong liligawan dapat ni Kit? Nagandahan siya sa 'yo noong nakasabay mo siya sa canteen last time? Kaya bakit may ganyan?"


"Excuse me. Paraan..." mahinang sabi ko at nakisiksik sa kumpulan ng mga estudyante na pababa ng hagdan. Gusto ko nang makalampas sa mga babaeng estudyante na lantaran akong pinag-uusapan.


"Natakot yata sa 'yo, Joyce." Kasunod noon ay hagikhikan.


Nakalampas na ako sa mga ito ay naririnig ko pa ang palitan nila ng sinasabi. Wala lang naman iyon sa akin. Bata pa lang ako, sanay na ako na pinag-uusapan nang palihim man o harapan. Hindi rin ako palakaibigan. Kung wala nga lang Bhing na nagtatiyaga sa akin, malamang na wala ako kahit na ka-close dito.


Malapit na ako sa labasan ng building nang makita ang matangkad na lalaki na nakatayo roon. Nakasuot siya ng bag na itim na mukha namang walang laman, habang chill na nakasandal sa pader at ang mga kamay ay nakapamulsa sa suot na school pants. Ang dulo ng suot na white sneakers ay kinukoskos niya sa sahig na parang mannerism sa tuwing naiinip.


Nagsalubong ang mga kilay ko. Anong ginagawa roon ni Kristian Vergara? Sa ilang beses ko siyang hindi sinasadyang makita noon tuwing uwian, hindi naman niya ugaling tumambay sa ngayo'y kinapupuwestuhan. At nasaan ang mga barkada niya? Bakit siya nag-iisa? May hinihintay ba siya?


Ang itsura niya ay parang naiinip at napipikon na. May dinukot siya sa kanyang bulsa, isang bilog na salamin na halata namang hindi kanya. Parang in-arbor niya lang kung kaninong kakilala. Tumingin siya sa salamin at inayos ng mahahabang daliri ang bahagya nang humahabang buhok. Ngumisi pa siya sa sariling repleksyon na parang nagpapa-cute.


Nagsalubong ang mga kilay ko. Ayaw kong isipin ang dahilan kung bakit siya nandoon. Binilisan ko na ang mga lakad para lampasan siya. Sumabay ako sa buhos ng maraming estudyante na palabas sa dinaanan kong classroom. Nakayuko na ako kaya hindi ko na inaasahan na mapapansin niya. Kaya lang—


"Baby!"


Napapikit ako nang mariin at nagpatuloy sa paglalakad. Wala akong panahong makipag-gaguhan ngayon sa kanya dahil kailangan ko nang makauwi. May sakit si Mama.


Ang kaso lang talaga, may tagas talaga sa ulo ang lalaki. Humabol siya sa akin. "Baby ko!" sigaw pa niya na parang gusto niya yata ang buong school ay marinig siya.


Ang ibang estudyante sa paligid namin ay mga napahinto na. Hinahanap kung sino ang tinatawag na 'baby' ni Kristian Vergara. Lalo akong nagmadali sa paghakbang, kaya lang ay sa haba ng biyas niya, naabutan niya rin ako agad.


Humarang siya sa daan ko. Ang mabangong men's cologne niya ay nanuot agad sa pang-amoy ko. Maaliwalas ang itsura niya habang pilit sinisilip ang aking mukha sa pagkakayuko. "Baby, galit ka pa?" malambing na tanong niya.


Napapiksi ako sa inis. "Ano bang problema mo?! Bakit ba pinagti-trip-an mo ako?!" Mahina pero gigil ang boses ko.


Ang tagal ko nang nabuhay na tahimik, dahil halos hindi na ako huminga para wala sa aking makapansin, tapos sa isang iglap ay gusto yata ng Kit na ito na makilala ako ng buong school.


Nang makita ang pagkapikon sa aking mukha ay napangiti siya. Nasa pilyong mga mata ang pagkaaliw. "Bakit ba ang init ng ulo ng baby ko? Gutom ka ba? Gusto mo bang magmeryenda muna? O kaya samahan mo ko sa bilyaran. Yakapin mo ako habang natira ako, para naman swertehin ako."


May bumangga sa balikat ko. Pagtingin ko ay ang dumaan ay iyong mga babaeng estudyante na aking nakasabay kanina sa hagdan. Iyong ang pinaka-leader yata ay iyong pinakamaganda sa mga ito. Joyce ang pangalan sa pagkakaalala ko. Nang magtama ang mga namin ay umirap ito.


Palampas na ang mga ito nang dumilim ang mga mata ni Kit. Nilingon nito ang babae. "Hoy, bakit mo binangga ang baby ko?!"


Napalingon naman si Joyce at ang mga kaibigan nito. Nakanganga sa gulat ang mga ito.


"Binangga mo ang baby ko, mag-sorry ka!" sigaw ni Kit dito na ipinanlaki ng mga mata ni Joyce.


Nasa mukha rin ng mga kaibigan ni Joyce ang gulat. Pati ang ibang mga estudyante ay nagpalitan na rin ng tingin kay Joyce at kay Kit. Natatandaan ko na pala si Joyce, palagi itong muse. Sikat sa campus.


Nagtataka marahil ang lahat. Kahit naman kilala sa pagiging siraulo si Kit, mabait ito sa mga babae. Lalo sa mga magagandang babae na katulad ni Joyce.


"Hindi ka magso-sorry?!" muli ay bulyaw ni Kit dito. "Paano kung mamaga at magkapasa ang balikat ng baby ko? Paano kung ma-ospital siya, kumbulsyunin, at magka-amnesia? Paano pag nakalimutan niya ako? Anong gagawin mo, ha?!"


Napangiwi ako. Ang OA na. Hindi naman masakit iyong bangga. Hinila ko sa manggas ng polo niya si Kit. "Tumigil ka na, para kang bata!"


Doon lang nawala ang pagkasimangot ni Kit. Yumuko siya sa akin at matamis na ngumiti. "Bata naman talaga ako, eh. Bata mo."


Lalo akong napangiwi. Siraulo yata talaga ang lalaking ito. Nagkaroon naman ng impit na hiyawan at panunukso sa paligid. Mga kinilig sa banat na nauso pa yata noong 80's. Hello, 2004 na ngayon!


"Okay, baby ko di na ako magagalit sa kanila," sabi ni Kit. Nang tingnan niya ulit ang grupo nina Joyce ay pormal at seryoso na ulit ang mukha niya. "Pasalamat kayo mabait, mapagpatawad, at busilak ang kalooban ng baby ko. Pinapatawad ko na rin kayo basta wag niyo nang uulitin. Sige, alis na!"


Si Joyce na namumutla ay napanganga sa pagkabigla. Nang makabawi ito ay parang paiyak itong tumalikod. Sumunod naman dito ang mga kasama nito para amuin ito.


Naglakad na rin ako habang parang buntot ko na nakasunod si Kit. Naiinis na ako dahil kahit anong pagtataboy ko rito ay ayaw niya akong lubayan. Isa pang nakakairita, tinutukso kami ng mga kasabay naming estudyante. Nang mapadaan kami sa bagong CR bago dumating sa Grade 10 building ay nakaisip ako ng dahilan.


Hinarap ko si Kit. "Pupunta ako sa CR, 'wag mong sabihing hanggang doon ay sasama ka?!"


Matamis siyang ngumiti sa akin. "Naks, 'yan ang gusto ko nagpapaalam. Okay, hintayin kita rito, baby ko."


Pigil ang inis na tinalikuran ko na siya. Pumunta na ako sa CR. Naiihi na rin naman talaga ako. Pagkatapos sa CR ay may balak ako. Tutal malayo-layo ang kinatatayuan ni Kit mula sa pinto, may chance ako para matakbuhan siya mamaya paglabas ko. Sasabay ako sa paglabas ng ibang estudyante.


"Baby ko, ingat ka riyan, ah! Miss na kita agad! Wiwi well!"


Bwiset talaga!


Sa loob ng CR ay dumeretso agad ako sa cubicle na bakante. As usual, ang kuwentuhan na naman ng mga nagre-retouch sa harapan ng salamin sa labas ay tungkol sa mga multo.


"Mabuti na lang ang daming bagong banyo rito, ano?" Boses na naririnig ko. "Ayoko na kasi magbanyo roon sa malapit sa canteen. 'Di ba nga may mumu roon!"


"Oo nga. Marami na nga raw nakakita roon, eh. Babaeng estudyante na nagmumulto. Nakakatakot. Pero mabait naman daw iyon. Hindi naman daw nananakit. Basta mabait ang mumu, okay lang."


"Sa bahay nga rin namin may mumu, eh. May nakikita raw iyong mga kapitbahay namin na babae sa terrace namin tuwing gabi. Sinasabihan ang mama ko na magpabendisyon o mag-insenso raw kami. Ayaw lang nina Mama kasi hindi naman kami inaano nong multo. Mabait naman. At saka, parang swerte siya sa amin."


"Oo, may mga mumu nga raw na swerte sa bahay. Basta pag bad, saka lang paalisin. Pero kapag mabait naman, hayaan na lang."


Multong mabait at masama? Napailing ako. Mga demonyong mapagpanggap na nagkalat sa sangkalupaan para iligaw ang paniniwala ng mundo ay alam kong kailanman hindi magiging mabuti sa mga tao.


Marami pang pinag-usapan ang mga estudyante sa labas. Mga normal na paniniwala. Na ang mga multo raw na mababait na nasa bahay ay pabayaan na lang na manatili roon. Nakikitira lang naman daw. Iyong iba, swerte pa ang dala kaya talagang hindi hinahayaan na lang din. Habang ang iba, iniisip ng maybahay na baka raw namatay nilang kamaganak kaya mas lalong ayaw nilang paalisin. Attached na pala sila sa mga ito nang di nila napapansin. 


 Ang mga salita ni Papa noon ay parang plaka na nag-play sa isip ko. "Stop unknowingly inviting and granting those demonic beings permission to infiltrate not only your homes... but also your lives."


Natapos na ang usapan ng mga estudyante sa labas tungkol sa multo. Nauwi na ang usapan tungkol sa mga crushes, favorite teachers, at sa mga problema sa ibang kaibigan nila. Nakaupo pa rin ako sa bowl dahil ang tagal kong naihi. Nakakainis dahil nilalamig ako kaya tuloy umurong yata ang ihi ko.


Nang sa wakas ay makaihi na, nag-flush na ako. Patayo na ako parang may umihip sa mga mata ko. Bigla akong nakaramdam ng antok at pagod. Napapikit ako ng mga tatlong segundo.


Pagdilat ko ay wala na iyong mga boses sa labas. Nagmamadali akong nag-ayos ng sarili. Sa pag-aayos ay muntik mahulog ang cellphone na nasa aking bulsa. Nangunot ang aking noo nang makitang walang signal iyon. Bihira naman mawalan ng signal kahit dito sa banyo, pero ngayon ay wala nga. 


Tiningnan ko ang oras. Blangko. Tinapik-tapik ko ang phone pati ang antena, saka lang ulit nagka-signal. Ibabalik ko na iyon sa aking bulsa nang bumalik din ang oras. Ha? Lampas six PM na?!


Bakit ganoon iyong oras? Sira ba ang phone ko? Sa pagkakatanda ko, wala pang 4:30 nang pumasok ako rito sa banyo. Lumabas ako ng cubicle para lang makita na wala ng tao. Wala na iyong kaninang mga kasabay ko.


Nasaan na ang mga ito? Bakit hindi ko man lang narinig na umalis? O kahit man lang sana ang pagbukas at pagsara ng pinto. Hindi ko na gusto ang nararamdaman. Parang ganito iyong nangyari sa akin sa lumang banyo ng canteen noong nakaraan. Iyong bumilis ang oras. 


Kabado na tinungo ko ang pinto para lumabas na, kaya lang ay hindi ko mabuksan. Pinihit ko ulit. Ayaw pa rin. Nagtagis ang aking mga ngipin. May nagsara ba mula sa labas? Hindi ba nila alam na may tao pa rito sa loob?! Anong oras na ba? Bakit sinara na ang banyo? Ni hindi man lang ako kinatok!


May kumatok mula sa labas. Napahampas din ako sa pinto. "May tao pa rito! Please, pabukas!"


Walang sagot.


Napasigaw muli ako. "Kit! Kit, nandiyan ka pa ba?!" nagbabakasakaling tawag ko sa lalaki. Sabi nito ay hihintayin daw ako. Sana ay nasa labas pa nga ito. 


Nagsisisigaw ako. Pinagsisipa ko na ang pinto, pero wala pa rin. Wala ring Kit na tumatawag sa akin ng 'baby ko.'


Wala na nga yatang katao-tao. Papadilim na sa labas at natatakot na ako, kaya nag-isip na ako ng ibang paraan para makaalis. Tiningala ko ang parihabang bintana sa itaas ng banyo. May harang iyon pero kahoy lang. Kung sisirain ko ang harang, magkakasya ako palabas.


Hindi na ako nag-isip pa. Ginawa ko na ang pag-akyat sa bintana. Sumamba ako sa pader ng cubicle. Pawisan ako nang makalas ang pansamantalang kahoy na harang sa bintana. Binalewala ko ang mga gurlis ko sa braso. Ang gusto ko lang ay makalabas na ako.


Nang sa wakas ay makalusot na sa bintana ay tumalon ako sa sahig. Muntik pa akong masubsob. Wala na ngang katao-tao sa paligid. Pumunta ako sa harapan ng banyo para lang mapatigagal dahil nakabukas iyong pinto. Bukas na bukas at wala ring lock!


Papadilim na. Dapit-hapon. Nag-aagaw ang dilim at liwanag. Ayaw ko nang magtagal pa rito kaya nanakbo na ako. May tao pa naman siguro sa gate. Nandoon pa ang guard ng school. At least, may makikita pa akong ibang tao.


Sa hallway ako ng library dumaan. Mas maiksi kasi ang daan dito. Malapit na ako palabas nang makarinig ng nag-uusap sa may dulo kung saan may hagdan. May mga estudyante pa rin ba rito ngayon maliban sa akin?


"May sa pusa ka yata talaga. Bakit nabuhay ka pa?" Maangas ang malamig na boses na pamilyar na pamilyar.


"Sorry to disappoint you." Isa pang pamilyar na boses. Malamig at seryoso.


"So, are you going to report me?"


Napatanga ako nang makita kung sino ang dalawang nag-uusap. Dalawang lalaki na magkaharap malapit sa gilid ng hagdan. Kaya pala pamilyar ang mga boses. Sina El at Kit!


Hindi ko sinasadyang marinig ang pag-uusap nila kaya lang ay narinig ko na nga. Nang sumagot si El ay hindi lang si Kit ang nagulat, kundi ako.


"No. I will not report you, Vergara. I am not even angry at what you did. Instead, I want to thank you for doing that crime. Do you know why? Because you gave me a reason to live."


May sumunod pang binigkas si El kaya lang ay para ba akong nabingi ng ilang sandali. Hindi lang pala ako, pati rin si Kit. Hindi niya rin narinig ang karugtong sa sinabi ni El.


"Ano kamo, tangina mo?!"


"I said, I owe you."


Napabuga ng hangin si Kit, pagkuwa'y ngumisi. "Really? Okay then, if you're that grateful, give me Kena!"


Ang blangkong mga mata ni El ay bahagyang dumilim. May sasabihin sana siya nang bigla siyang matigilan. Parang bigla siyang nakiramdam. Nang bigla siyang lumingon sa akin ay nanlaki ang mga mata ko. Alam niya na nandito ako!


Si Kit ay napatingin din sa tinitingnan ni El. Umawang ang mapupulang mga labi ng lalaki nang makita ako. Nagulat siya dahil nandito ako at posibleng narinig ko ang pinag-uusapan nila, na totoong narinig ko nga.


Napaatras ang mga paa ko. "Kit, ikaw ba... ang tumulak kay El kaya siya nahulog sa terrace at na-comatose?"


"Kena, iyong narinig mo..."


Umiling ako. Ayaw ko pala siyang pakinggan. Umatras ako at tumalikod ako sa kanya. Kahit mapalayo ako ng daan, basta tumakbo ako sa daang salungat kung saan sila naroroon. Bago pa niya ako maisipang pigilan ay nanakbo na ako. 


Nanakbo ako paalis nang makasalubong ko sa daan ang isang batang lalaki. Iyong bata na may lumang uniform, may inosenteng mukha, walang emosyong mga mata— iyong batang bumunggo rin kina Laarni at Joshua. Napalingon ako dahil biglang nanakbo rin ang bata. Hindi pasalubong sa akin, kundi patungo sa direksyon kung saan ako galing. Patungo sa lalaking nakatayo patagilid sa gawi ko. Kay Kit!


Mababangga si Kit ng bata! Kahit si El ay nakikita ko iyon pero nakatayo lang siya at nanonood. Wala siyang balak iligtas o kahit pagsabihan man lang si Kit!


Walang ibang gagawa kundi ako! Ang mga paa ko ay lumiko. Inipon ko ang hangin sa dibdib saka ako nanakbo ako pabalik. Mabilis para maunahan ang bata. Nanakbo rin nang mabilis ang bata ng malaman ang gagawin ko.


Si Kit naman ay napatingin sa akin. Bumadha sa mukha niya ang pagtataka kung bakit ako nananakbo patungo sa kanya. "Kena?"


Isang dipa na lang ang pagitan namin. Mauuna ang bata sa kanya. Bago pa makalapit ang bata, pikit-mata na niliundag ko na ang pagitan namin ni Kit. Dinamba ko siya payakap dahilan para matumba siya.


Magkapatong na bumagsak kaming dalawa sa lupa!


#JFBOTCP11

jfstories

Continue Reading

You'll Also Like

9.3M 392K 86
"Hindi kami nawawala, Cielo! Nagtatago kami dahil kami nalang ang natitirang buhay! Patay na silang lahat sa taas! Yung mga nandun, hindi na sila ta...
41.3M 686K 61
Anong gagawin mo kapag may na-tag kang maling tao sa status mo sa Facebook? Ang masaklap pa nito, nabasa ng buong school yung status mo. Wait, nasabi...
156K 5.8K 30
Dahil sa aksidenteng pagclick ni Klyde sa link na sinend ng kaibigan nito ay napasok siya sa isang group videocall at tumambad sa kanya ang mga lalak...
1.7M 100K 35
FLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na estudyante sa Sto. Cristo, naaksidente...