Gems 20: This Beautiful Pain

By YroEno

24.4K 451 28

Si Danny ang natatangi at nag-iisang pag-ibig sa buhay ni Angela. Walang takot na ipinagkaloob niya rito ang... More

Amanda - This Beautiful Pain (Gems 20)
Prologue
Chapter 1
Chapter 2
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 6
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17
Chapter 18 - Last Part

Chapter 3

1.1K 22 1
By YroEno


NANG iwan si Angela ng kanyang ina, at kumalma ang kanyang damdamin, ay nagkainteres din siyang tingnan ang pagkaing dinala nito para sa kanya. Nagsinungaling siya nang sabihing hindi siya nagugutom, dahil ang totoo ay kumakalam na ang kanyang sikmura sa biyahe pa lamang patungo roon.

Sabik siya sa pagkaing pinoy kaya halos naubos niya ang sinigang na sugpo at inihaw na bangus. Wala ring natira sa isang malaking hiwa ng papaya na kanyang ipinanghimagas.

Pagkatapos kumain ay tsinek niya ang kanyang cabinet. Nanuot sa kanyang ilong ang amoy ng mothballs nang buksan iyon. Muli ay naramdaman niyang nakauwi na nga siya.

Sabik na inusisa ni Angela ang mga lumang damit at kagamitang naroon. Sa paglipas ng mga taon ay tanging height lang ang nagbago sa kanya hindi ang pangangatawan. Kung titingnan pa nga ay higit siyang naging payat kaysa dati. At hindi kataka-taka iyon dahil sa kanyang pagiging modelo.

Isang cotton nightdress ang kinuha ni Angela mula sa cabinet. Paborito niyang pantulog iyon. Matapos mag-shower ay ipinalit niya ang nightdress sa sleeveless blouse at leather pants na suot niya sa biyahe.

Alam niyang kailangan niyang mag-ipon ng lakas kaya pinilit niyang makatulog. Bagaman nahirapan, eventually ay nakatulog din siya sa kabila ng pamamahày.

Madilim na sa labas nang siya ay magising. Nakabukas na ang night lamp na nakapatong sa side table malapit sa ulunan ng kama, at ang mapusyaw na liwanag niyon ay nagbigay sa kanya ng pakiramdam na tila may nagmamasid sa kanya.

Isa pa ay hindi niya natatandaang nagbukas siya ng ilaw.

"Good evening. Time to get ready," anang tinig ni Danny na agarang nagpalingon sa kanya sa kinaroroonan nito.

Nakaupo ito sa single sofa na nasa isang sulok. Bahagya na lang naaninag ni Angela ang mukha nito dahil sa anino ng isa sa mga haligi ng four-poster bed na kinahihigaan niya. Gayunman ay hindi niya maaaring ipagkamali sa iba ang boses nito. Naaamoy rin niya ang pabango nitong agad nang tumatak sa kanyang memorya.

Daklot ang kumot na napabalikwas si Angela. Hindi niya alam kung gaano na ito katagal doon. Pero kung kanina pa ito roon o kapapasok lang ay hindi na importante. Ang isyu ay kung bakit nangahas na pumasok doon ang lalaki.

"Sino ang nagbigay sa iyo ng permisong basta na lang pumasok dito?" galit na tanong niya nang bumaba ng kama. Nakapamaywang na hinarap niya ito.

Tumayo si Danny at humakbang palapit sa kanya. Nang tumambad sa liwanag ang mukha nito ay nakita niyang humagod ang tingin nito sa kanyang kabuuan. Nagtagal ang mga mata nito sa kanyang dibdib.

Hindi nakaila sa kanya nang mapalunok ito. Kasunod niyon ay naramdaman niya ang dahilan. Na-realize niyang wala siyang bra sa ilalim ng suot na pantulog.

Namumula ang mukhang agad siyang tumalikod dito. Lalo siyang nakaramdam ng inis nang marinig na napapalatak ito sa ginawa niya.

"Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan mo pang itago ang isang bagay na ilang beses ko nang nakita at nahawakan," anitong para bang nakangisi habang sinasabi iyon.

"Wala akong panahong makipaglokohan sa iyo, Danny," inis na sabi niya. "At kung hindi ka bastos na basta na lang papasok sa kuwarto nang may kuwarto ay wala sana akong kailangang itago."

"As I said, wala ka namang dapat na itago sa akin, hindi ba? Sa pagkakaalam ko'y nakita ko na maging ang kaliit-liitan mong nunal."

Hindi siya nakapagpigil, iyong harap niyang iyon ay isang sampal ang pinadapo niya sa kaliwa nitong pisngi. "Bastos!" nagngingitngit na bulalas niya.

Nakita ni Angela nang ilang sandaling matigilan si Danny. Hinaplos nito ang pisngi na para bang nagtataka kung bakit kailangan niyang gawin iyon.

Pagkatapos niyon ay ngumisi ito at binale-wala ang pangyayari.

Maski papaano ay nakaramdam siya ng pagkakonsiyensiya sa ginawang pananampal. Hindi siya dapat nagpadala sa bugso ng kanyang damdamin. After all, tama naman ang lalaki. Nakita na nito maging ang kaliit-liitan niyang nunal. Kaya ano ang dapat niyang ikagalit gayong ang sinabi nito ay isang mapait na katotohanan?

"Masakit bang marinig ang katotohanan, Angela?" Hindi nalingid sa pandinig niya ang pait na kaakibat ng tanong na iyon. "Gaano pa kaya kasakit iyong ipagkait sa iyo ang katotohanan?"

Parang punyal na tumarak sa dibdib niya ang tanong na iyon ni Danny. Napalunok siya dala ng kabang naramdaman.

"Please, huwag ngayon," aniya sa nakikiusap na tono. "Hayaan mo man lang akong tahimik na makapagluksa sa papa."

Naisip niyang mas makabubuting huwag na muna siyang makipagtagisan sa lalaki. May pampamilyang problema pang dapat niyang asikasuhin. Kung sasabay pa si Danny ay hindi niya alam kung paano iyon kakayanin.

Marahil ay naunawaan nito ang ibig niyang sabihin. Nang magsalita ito ay wala na ang pang-iinsulto. Nagbalik ito sa pagiging kaswal.

"All right, pagbibigyan kita. Pero huwag mong isiping tapos na ako sa iyo."

Sa narinig ay napabuntong-hininga si Angela. Hindi niya alam kung dapat ipagpasalamat ang ibinigay nitong sandaling katahimikan.

"Gusto lang ipaalala sa iyo ng Lola Soledad na ngayon na ang huling gabi ng lamay. Ililibing na bukas ang papa mo."

"I don't need to be reminded," she said stubbornly. "Alam ko kung ano ang mga obligasyon ko bilang anak ng yumao. Ngayon, siguro nama'y lalabas ka na...? O gusto mo pang gumawa tayong dalawa ng eksena rito?"

"Hindi na ikaw ang babaeng nakilala ko noon, Angela," anitong bakas sa tinig ang panghihinayang. "Well, ano ba ang dapat kong ipagtaka? Inaasahan ko na ito..."

"Please get out now," aniyang nanindigan sa nais mangyari. Wala siyang panahong makinig sa mga sentimyento nito. She had enough of her own sentiments.

Ilang sandaling naghari ang katahimikan bago naramdaman ni Angela ang paghakbang ni Danny patungo sa pintuan. Again there was a pause. Kasunod niyon ay ang pagbukas at pagsara ng pinto.

Saka pa lang siya nakahinga nang maluwag nang lumingon at makitang wala na ito. Ngunit ano iyong nararamdaman niya?

Panghihinayang?  


NANG bumaba si Angela dakong alas-siyete ng gabi ay nakasuot na siya ng black flare pants at puting blusang hanggang siko ang mga manggas.

Nakasampay sa mga balikat niya at nakabuhol sa tapat ng dibdib ang isang itim na cardigan. At bagaman puting sneakers ang sapin sa mga paa ay nanatili siyang intimidating sa height niyang limang talampakan at siyam na pulgada.

Binati siya ng isang may-edad na babaeng may dalang tray ng biscuit pagbaba niya ng hagdan. Nginitian niya ito. Matapos iyon ay iginala niya ang tingin sa kabahayan. Marami na ang naroon para makiramay. Ang ilan ay katulong ng mga kasambahay sa paghahanda ng pagkain at pamumudmod niyon.

Nang magtungo siya sa kusina ay nakita niya roon ang ina. Kausap nito ang dalawang kusinera na abala sa pagluluto ng pagkain. Ang isa ay nakilala niyang si Aling Mameng na asawa ni Mang Dado. Bukod sa nadagdagan ito ng timbang ay halos walang ipinagbago ang babae sa nagdaang pitong taon.

Lahat ay napalingon sa direksiyon ni Angela nang maramdaman ang kanyang presensiya. Binati siya ng mga ito. Isang tipid na ngiti ang tangi niyang itinugon bago pumihit pabalik sa sala. Hindi niya pinansin ang malungkot na tinging ipinukol sa kanya ng ina.

Paglabas niya papunta sa balkonahe ay nakasalubong niya ang isang magandang babae na nakasuot ng puting bestida. Tsinita ang mga mata nito, katamtaman ang tangos ng ilong, at makipot ang mapupulang labi. Sa kulay ng balat ay nahuhulaan niyang may dugong chinese ito.

Sa mabilisang assessment ay hindi mapasusubaliang maganda ito, sunod sa moda. At dahil baby-faced ay hindi niya alam kung dalaga na ito o isa lamang teenager.

Maluwang ang ngiti nito nang batiin siya. Na para bang matagal na silang magkakilala gayong noon lang niya nakita ang babae.

"Oh, my gosh!" bulalas nito. "Angela de Luna, the supermodel! I'm an avid fan!" Ini-extend nito ang kamay para sa isang handshake.

Nagbigay si Angela at nakipagdaupang-palad dito. Bagaman nagtataka ay ngumiti siya, habang sa isip ay inaalala kung nagkakilala na sila nito. Pero sa abot ng kanyang natatandaan ay talagang noon lang niya nakita ang babae.

"Oh, by the way, I'm Mae Li. Hindi pa tayo magkakilala pero marami na akong narinig na kuwento tungkol sa iyo."

"Really?" ang tangi niyang naging reaksiyon. Mukha naman itong sincere kaya hinayaan lang niya sa pakikipag-usap sa kanya. Isa pa ay ayaw niyang isipin nitong suplada siya o mahirap lapitan.

"Yes. At talaga nga palang napakaganda mo. Madalas kang ipagmalaki ng Tito Ricardo noong nabubuhay pa siya." Kinakitaan niya ito ng lungkot sa pagkabanggit sa pangalan ng kanyang ama, ngunit nagbalik din ang sigla sa tinig ni Mae Li mayamaya lamang. "He was a very proud father."

"I don't know what to say," sabi ni Angela at nagkibit ng mga balikat. Naisip niyang marahil ay kamag-anak nila ito na ngayon pa lang niya nakilala. O baka kaibigan ng pamilya kaya tinawag nito ang kanyang papa na "Tito Ricardo."

"Just be happy that your father was a good man," anito at pagkasabi niyon ay nagpaalam na sa kanya.

Nang makalayo sa kanya si Mae Li ay lumapit naman si Mang Dado kasama ang isang malusog na batang babaeng sa tantiya niya ay nasa anim na taong gulang. Bilugan ang mga mata nitong unang mapapansin sa hugis-pusong mukha.

"Magandang gabi, Angela," bati sa kanya ni Mang Dado. "Kanina pa ako kinukulit nitong aking apo. Gusto kang makilala. Siya nga pala si Letlet. Iyong sinasabi ko sa iyong tagahanga mo."

"Oh," sabi niya, flattered sa nakikitang paghanga sa mga mata ng paslit. Yumuko siya at kinumusta ito. "Hello, Letlet."

"Hello po, Ate Angela," nahihiyang sagot nito. "Puwede ko po ba kayong halikan? Kasi ang ganda-ganda po ninyo."

"Oh, sure!" Inilapit niya ang kanyang mukha sa bata upang mahagkan nito. Napangiti siya nang marinig ang matunog na halik na iginawad nito sa kanyang pisngi.

Umunat siya at pinagmasdan ang mukha ni Letlet habang nakatingala sa kanya. Bigla ay napalis ang kasiyahang sandaling pumuno sa kanyang dibdib. Nahalinhan iyon ng lungkot at panghihinayang sa isang napakahalagang bagay na nawala sa kanya.

Siguro, kung nabuhay lang ang kanyang anak ay kasing-edad nito...

"Puwede ba kitang isamang mamasyal isa sa mga araw na darating?" tanong ni Angela at muling yumuko upang haplusin ang pisngi nito.

"Sige po, Ate Angela! Gusto ko po," tuwang sagot nito.

"O, halika na, Letlet. Iwan na muna natin ang Ate Angela mo at marami pa siyang dapat harapin," ani Mang Dado at inakay na ang apo. Pagdaka ay bumaling ito sa kanya. "Maiwan ka na muna namin, ineng. Naghihintay na sa loob ang lola mo," anitong sinulyapan ang pinagdarausan ng lamay.

Nang tumango siya ay tumalikod na ang mga ito.

"Hindi ko alam na mahilig ka pala sa mga bata," anang tinig ni Danny na pumigil sa gagawin sana niyang paghakbang. Malinaw niyang nahigingan ang panunuyang kaakibat niyon.

Nang lumingon si Angela ay nakita niyang nakatayo ito at nakatukod ang isang braso sa marmol na garden table. Ang suot nito ngayon ay puting polo shirt na ipinaragan sa hapit na pantalong maong. Isang leather sandals ang ipinalit nito sa suot na polished shoes kanina.

Danny was oozing with sex appeal kahit ano pa ang suot nito, hindi iyon mapasusubalian. Hindi na rin siya magtataka kung maraming babae ang nakahandang magpatirapa sa paanan nito. Isang sulyap lang ng nangungusap na mga mata nito at isang ngiti ay sapat na upang magayuma ang sinuman.

Including her...

Sa katunayan, sa ilang saglit lamang na pagtatama ng kanilang mga paningin ay agad na siyang naapektuhan.

Lalo pang bumilis ang pintig ng kanyang puso nang magsimula itong humakbang palapit sa kanya. Gayunman ay taas-noong hinarap niya ang lalaki. Napakaraming lugar na ang kanyang napuntahan, napakaraming nakaharap na mga tao. Hindi ang isang Danny Mendoza lang ang makapagpaparamdam sa kanya ng intimidasyon.

Muli ay kinontrol ni Angela ang kanyang emosyon. Kahit mangahulugan iyon ng pabugal-bugal niyang paghinga dahil sa tinitimping damdamin.

"Kunsabagay..." patuloy nito, "...ang mga taong may masamang layunin sa kapwa ay kadalasang nag-aanyong-tupa. Ginagamit nilang instrumento ang mga bata para makuha nila ang simpatya ng nakararami..."

Napakunot-noo siya sa sinabi nito. "And what exactly do you mean by that?" tanong niyang hindi itinago ang iritasyon. "Sinasabi mo bang masamang tao ako?"

"Did I hit home? Hindi ko alam kung bakit kailangan mong magbigay ng ganyang reaksiyon sa sinabi ko."

"Tayong dalawa lang dito, Attorney Medina. Sino pa ba ang maaari kong isiping pinariringgan mo?"

Narinig niyang napapalatak si Danny.

"At puwede bang huwag mo akong paikutan? Nahihilo ako sa iyo," dagdag pa niya.

Huminto sa harap niya si Danny at pinagmasdan siya na parang isang mannequin. Nanunuri ang mga mata nito, tila ba hinahanapan siya ng kapintasan.

"I wonder how many men have fallen under your charm, Angela. Tuwing naaalala kita ay naiisip ko kung ilang lalaki na ang nasira ang buhay nang dahil sa iyo."

Ebidente ang bitterness sa tinig nito at nasasaktan siya. Ayaw niyang isiping ang simpleng lalaking minahal niya noon ay naging isang halimaw nang dahil sa kanya.

Mahirap paniwalaang nasira ni Angela ang buhay ni Danny. Sa nakikita niya ay natupad ang lahat ng mga pangarap nito para sa sarili. Kaya wala itong karapatang sumbatan siya. Dahil siya ang nagsakripisyo. Siya ang nasira ang buhay.

"Hindi mo alam ang mga sinasabi mo, Danny..." malungkot na pahayag niya. "Kung alam mo lang ang mga pinagdaanan ko ay hindi ka makapagsasalita sa akin nang ganyan."

"At ano ang hindi ko pa alam, Angela?" nanunuyang tanong nito. "Mayroon pa ba akong dapat malaman?"

Nang tangkain nitong hawakan siya ay mabilis siyang umurong. Nginitian pa muna niya ang mga bisitang dumaan upang pagtakpan ang kanilang pagtatalo.

"This is not the right time to talk about the past, Danny." Nagbuntong-hininga si Angela at napahalukipkip. Itinuon niya sa iba ang pansin. "Nakiusap na ako sa iyo na hayaan mo muna akong maipagluksa ang papa, hindi ba?"

Hindi na nakuhang sumagot ni Danny nang makita nilang palapit si Mae Li. Hindi niya alam na magkakilala ang dalawa kaya nagulat siya nang hagkan ito ng babae sa pisngi. Ilang sandali siyang natigilan.

"I've been looking for you, Dan. Papa's here," sabi ni Mae Li at humawak sa braso ni Danny.

Ang boses nito ay tila batingaw na nagpabalik sa isip niya sa kasalukuyan. Nakita niya nang magtiim ang mga bagang ni Danny at pagkatapos ay inakbayan ito.

"Have you met my fiancée, Angela?" tanong nitong nasa tinig ang pagmamalaki.

Maang na napatitig siya sa mga ito.

Continue Reading

You'll Also Like

13K 317 12
A Novel by Cora Clemente PHR "Ako, I'll give up everything just to make you mine." VINCE ZOBEL III-a gorgeous hunk of a millionaire at thirty-three...
12.5K 524 30
Hi! Well, obviously ay ito ang second story sa Roxy City Series ko under PHR. It took me so damn long to post it. Ngayon na lang talaga sinipag at na...
5.5K 158 12
Hindi malaman ni Shantana kung matatawa,o maiinsulto sa kondisyong hinihingi ni Ricardo Riego kapalit ng iniaalok nitong tulong sa kanya. Magsama ra...
6.9K 179 12
"Mamahalin kita, Raphael... sa ayaw at sa gusto mo." Labing-walong taong gulang pa lamang si Moira nang umibig sa kanyang guardian na si Raphael. "Yo...