Beware of the Class President

By JFstories

1.7M 99.8K 57.3K

FLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na... More

INITIUM
...
CAPITULO 1 - Pervert
CAPITULO 2 - Zero
CAPITULO 3 - Boys
CAPITULO 4 - Alone
CAPITULO 5 - Oppression
CAPITULO 6 - Awakening
CAPITULO 7 - Speech Delay
CAPITULO 9 - Depression
CAPITULO 10 - You
CAPITULO 11 - Unfolding
CAPITULO 12 - Body Contact
Capitulo 13 - Let's Go
CAPITULO 14 - Joyride
CAPITULO 15 - First Step
CAPITULO 16 - Incense
CAPITULO 17 - Fever
CAPITULO 18 - Nun
CAPITULO 19 - Luggage
CAPITULO 20 - Something/Someone
CAPITULO 21 - Rosary
CAPITULO 22 - Crushed
CAPITULO 23 - Imminent
CAPITULO 24 - Companions
CAPITULO 25 - Trip
CAPITULO 26 - Wake
CAPITULO 27 - Brave
CAPITULO 28 - Confidant
CAPITULO 29 - Seized
CAPITULO 30 - Taken Over
FINE TEMPORE UNUM
CAPITULO 31 - Ataraxia
CAPITULO 32 - Boyfriend

CAPITULO 8 - Decoy

44.6K 2.5K 1K
By JFstories

CAPITULO 8


NANDITO NA SILA.


Ngayon-ngayon lang. Sa tantiya ko, nagsimula nitong bagong school-year lang. Kung saan sila galing, hindi ko alam. Dito mismo sa bahay namin kahit walang nag-aanyaya. Isa-isang nagdatingan, isa-isang nagsunuran.


Nakakaramdam pa rin ako ako dati kahit isinara na. Parang isang pinto na nakakandado pero may siwang, may masisilip pa rin bagaman kaunti lang. Dahil doon, iniiwasan pa rin ako ng mga kapwa-bata noon. Pati mga sarili kong pinsan. Gayunpaman, masasabi kong nakakapag-aral pa rin ako nang normal at payapa. Pero ngayong taon nga ay muling lumakas. May nagbukas.


Ang sabi nga ni Mama, katulad ng isang kandado, walang nakasara na mabubuksan basta-basta kung walang nangahas. Ngayon nga ay nakabukas na. Ang mga hindi dapat pumasok ay isa-isa na ngang nagsipasok. At ang pinto na tinutukoy ay ako. Ako ang nagsilbing lagusan ng mga nilalang na hindi dapat tumatawid dito.


Dahil sa pagkakabukas na ito, hindi lang buhay ko ang nagulo. Dapat pati buhay ng nakapaligid sa aking mga tao! 


Binuksan ko ang aking mga mata. Nasa tapat na ako ng kuwarto ko. Nakarinig ako ng kaluskos mula sa loob. Pagpasok ko ay nakabangon na sa kama si Joachim. Magulo ang buhok niya habang nakaupo at minamasahe ng mahahabang daliri ang leeg.


"Shit, nagka-stiffneck yata ako."


Pumasok ako at isinara agad ang pinto. "Bumangon ka na at bumalik sa kuwarto mo habang wala pang tao."


Umaga na. Kahit pa walang pinipiling oras ang mga ganoong nilalang, masasabi ko pa ring ligtas ang maliwanag. Hindi na rin naman na matutulog pa si Joachim dahil nakapagpahinga na siya sa magdamag.


Dinampot niya ang Motorola cellphone ko na aking naiwan sa kama. Napaungol siya nang makita ang oras. "Whoa. Seven na? Nice. Ngayon lang kasi ulit ako nakatulog nang tuloy-tuloy."


Tumayo siya at tumingin sa akin. Hindi ko sinalubong ang mga mata niya. "Dumating na pala kaninang madaling araw sina Mama at ang... papa mo."


Naglakad na siya at sandaling tumigil sa tabi ko. Napayuko ako nang maramdaman ang marahang paghawak ng mainit at malaking palad niya sa aking ulo. "Maaga-aga pa. I-lock mo pa rin ang pinto mo paglabas ko."


Tumango ako. Pinigilan ko ang tumingala hanggang sa makalabas siya ng pinto.


Sabado. Ngayon ang usapan na pupunta ang section namin sa burol ng namatay naming kaklase na si Laarni. Hindi naman ako sasama. Hindi naman ako pinapayagan na umalis-alis ni Mama. Hindi ko rin ugali na umalis pag walang pasok. Lalong hindi ko ugali na pumunta sa mga burol. Kahit pa nga noong mismong burol noon ni Papa...


Bigla na lang may yumugyog sa balikat ko. Pagdilat ko ay nagkusot ako ng mga mata. Si Bhing. Nakasimangot ang maamong mukha niya. "Kena, bakit ka natulog? Di ba may usapan tayo na kakain ng palabok sa canteen?!"


"Ha?" Nakatulog ba ako? Nakaidlip?


Napatitig ako kay Bhing. Naka-uniform siya. Pagtingin ko sa suot ko ay naka-uniform din ako. Napakurap-kurap ako nang makitang nasa room kami. Nandito ako sa aking upuan at sa armchair ko pala ako nakaidlip. Kaya pala ang sakit ng likod ko dahil sa pagkakatungo.


"Tara na! Sa last break ka na umidip uli!" Hinila na ako ni Bhing. Ni hindi niya ako binigyan ng pagkakataon na punasan man lang ang panis na laway sa aking pisngi.


Paglabas namin ng room ay ang gugulo ng mga estudyante sa gitna ng corridor. Nandoon nakatambay sa terrace ang ibang kaklase namin. Dulo kasi kami at dahil may malaking puno sa tapat ng room namin, ang lilim tuloy ng puwesto namin. Ang siste, pumupunta pa ang aming mga kaklase sa bandang gitna ng corridor.


Habang naglalakad kami ni Bhing ay nahagip ng mga mata ko ang babae na nakatayo at nag-iisa sa bandang terrace. Nangunot ang aking noo dahil hindi naka-uniform ito. Ang suot nito ay puting bestida na off-shoulder at may ruffles sa magkabilang manggas. Ang buhok naman nito ay nahahati sa dalawang pagkakatirintas.


Bakit hindi ito naka-uniform? Transferred student ba ito? O baka may dinadalawa lang dito? Bigla itong lumingon sa gawi ko. Nagulat ako nang makilala ito. Si Laarni pala na kaklase namin. Bakit siya hindi naka-uniform? Saka, magaling na ba ito? 


Kumaway ito sa amin ni Bhing at nanakbo patungo sa amin. "Kakain ba kayo sa canteen? Sama naman ako sa inyo o. Kanina pa ako gutom na gutom e!"


"Nasaan ang mga kaibigan mo?" tanong ni Bhing dito. May ibang grupo ng mga kaibigan kasi si Laarni. Hindi naman nito ugali na sumasama sa amin.


Sumimangot si Laarni. "Nauna na yata sa canteen. Ewan ko ba, hindi man lang ako nahintay porke't may kausap ako kanina."


Nauuna kami ni Bhing sa paglalakad sa kanya at kasunod namin siya. "Kausap?" ulit ko sa sinabi niya. "Sinong kausap mo kanina?"


Matagal bago sumagot si Laarni. Nang marinig ko siyang magsalita ay parang biglang naging malalim ang boses niya. "Iyong bata roon sa dulo ng corridor..."


Bata sa dulo ng corridor? Sukat nang marinig iyon ay pinanlamigan ako. Sinikap kong ibukas ang aking mga labi para tanungin siya. "Laarni... Bakit ka hindi pumunta sa canteen nang mag-isa kung nagugutom ka pala?"


Matagal ulit ang naging sagot niya. Dumaan pa ang ilang segundo bago ko marinig muli ang malalim na boses na para bang hindi na pag-aari ni Laarni.


"Gutom na gutom ako, Kena. Gutom na gutom ako pero wala akong makain. Hindi nila ako binibigyan ng pagkain. Walang nagbibigay sa akin. Gusto ko ring maranasang kumain. Pagkain na kinakain niyo. Gusto ko rin. Gusto ko, Kena. Gusto ko!"


Ang itsura ng corridor habang nagsasalita ang malalim na boses ay para bang unti-unting lumiliit. Hindi ko na matanaw ang dulo. Wala na rin ang mga estudyante na kanina ay kasama namin dito.


Ang boses na nagsasalita ay mas lumalim. "Kena, hindi lang ang pagkain ang gusto ko. Gusto ko ring makipag-usap sa inyo. Gusto ko ring tumawa. Gusto ko ring malungkot. Gusto ko ring magulat. Gusto ko ring matakot. Gusto ko ring masaktan. Gusto ko ring mamroblema. Gusto ko ring mapagod. Gusto ko ring mawalan ng malay. Gusto ko ring magising. Gusto ko ring mabuhay. Gusto ko ring mamatay. Gusto ko! Gusto ko! Gusto ko! Gusto ko!"


Agh! Napayuko ako sa sahig sa sobrang sakit ng tainga ko. Ang sakit ng ulo ko! Bhing! Napatingala ako habang hawak ang ulo, wala si Bhing! Wala na si Bhing sa tabi ko! Nasaan si Bhing?!


NAKIKINIG KA BA? KENA! KENA! KENA, GUSTO KO! KENA, GUSTO KO! GUSTO KO! KENA!!! AWUGD SERT DOHEN SE WZMDAA GURESU PREOSAVI SER SORE MIRAP DSA LOPD SWA SKKKS


Palalim nang palalim ang boses. Ang sakit-sakit! Parang mawawasak ang eardrums ko. Tinakpan ko ang aking magkabilang tainga at saka ako pumikit. Pikit na mariin na mariin. Isang magkasunod na kalabog na nagpadilat sa akin.


Napabalikwas ako ng bangon sa kama. Galing sa pinto ang kalabog—hindi, katok pala. May kumakatok. Si Mama. "Kena, gising ka ba? May bisita ka sa sala."


Tumayo ako at kinapa ang aking tainga. Hindi na masakit. Dinampot ko ang aking Motorola T191 cellphone sa tabi ng unan. Ang oras ay alas tres ng hapon. Hindi ako natutulog sa ganyang oras pati sa alas sais. Bakit ba ako natulog ngayon?


Hinagilap ko ang tsinelas na pangbahay saka lumabas ng pinto. Ang bisita ko na nasa sala ay si Bhing. Naka-civilian. Skinny jeans at crop top na t-shirt. May sling bag siya na bitbit. "Kena, bakit di ka pa nakabihis? Pupunta tayo sa burol ni Laarni, di ba?!"


Wala naman akong sinabi na sasama ako? At bakit pinuntahan ako ni Bhing? Sabi ko ay 'wag na 'wag siya na pupunta rito. Kahit nandito kami nakatira ng mama ko, hindi ko pa rin masasabi na bahay namin ito. Hanggang hindi kasal si Mama at Tito Randy, mga sampid pa rin kami rito.


Nang umalis si Mama ay bumungisngis si Bhing. "Kena, nandito ba si Julian?"


"Nasa kuwarto niya."


Nanghaba ang leeg ni Bhing sa pagsilip sa daan papunta sa mga kuwarto sa bahay. "Hmn, hindi ba siya lumalabas?"


"Hindi iyon naglalalabas kapag walang pasok. Nag-aaral siya kahit Sabado't Linggo."


Napasimangot si Bhing. "Hmp! Sige, mag-aral siya nang mabuti para magkaroon siya ng magandang future!"


Tatanggi sana ako na sumama kay Bhing sa burol ng kaklase namin nang bumalik si Mama sa sala. Nakabihis si Mama. Nagulat ako nang payagan niya ako na umalis. Tatanggi pa ako nang sabihin ni Mama na may lakad siya at hindi niya kasama si Tito Randy. Sumama na lang daw ako kay Bhing dahil wala rin naman akong gagawin.


Hinintay ako ni Bhing na makapagbihis. Bumalik ako sa kuwarto para mamili ng isusuot. Binuksan ko ang aking cabinet. Napatingin muna ako sa mga underwears ko. Binilang ko ang mga pares katulad ng aking nakasanayan na gawin. Nang malamang kompleto ay saka na ako naghanap ng damit.


Pinili ko ang puti na baby t-shirt at faded pedal pants. Iniwasan ko ang mga dark colors dahil pupunta ako sa burol. Binitbit ko rin ang manipis kong peach cotton hoody bilang pampatong. Sa pulso ko naman ay nagsuot ako ng bracelet na kulay pula.


Sumabay kami ni Bhing sa pag-alis ni Mama. Isang tricycle lang kami at lumipat na lang papunta sa baranggay kung saan ang burol ni Laarni. Sa garahe lang daw ng bahay nito ang burol. Pagdating namin ni Bhing ay naroon na ang mga kaklase namin. Marami pang ibang tao. Mga kamaganak at kakilala ng namatay.


Gumala ang paningin ko sa paligid ng garahe nina Laarni. Simpleng garahe ng isang bahay. May mga upuan na nakapila kung saan nakaupo ang mga nakikiramay. Marami pa ang mga ito dahil maaga pa. Ang iba ay mga nagkukuwentuhan, ang iba ay pasimpleng umiiyak, at may tahimik lang naman sa pagkakaupo.


Ang mga tiyuhin ni Laarni ay nasa may bandang gate. Nagkukuwentuhan ang mga ito tungkol sa kasalukuyang lagay ng bayan. Ang topic ay ang presidente sa kasalukuyan. Sinisisi ang pamahalaang Gloria Macapagal Arroyo dahil sa paghihirap ng mga tao. Meron din namang tiyuhin si Laarni na pro GMA. 


Naupo kami ni Bhing sa upuan sa dulo ng tent. Dahil nasa dulo kami ni Bhing ay wala kaming masyadong katabi. May lumapit sa amin na isang babae. "Salamat sa pagpunta." Naupo ito sa mismong aking katabi. 


Tiningnan ko ito. Parang matanda lang sa amin ni Bhing ng dalawang taon. Kamukha ito ni Laarni. Malungkot ang mga mata. Nagpakilala ito na kapatid daw ni Laarni na nakatatanda.


"Nakikiramay po," ang sabi ko naman dito. Siniko ko si Bhing na nalulong na sa pagdutdot sa kanyang Nokia 6510. Naglalaro siya ng Snake.


"Ang sabi ng doktor, may sakit daw sa bituka ang kapatid ko," biglang kuwento ng ate ni Laarni. "Nagulat sina Mama at Papa kasi wala namang sintomas e. Kumbaga, bigla na lang umatake iyong sakit. Akala pa nga nila ay food poisoning. Hanggang sa hindi na kinaya ng kapatid ko."


Iyon nga ba talaga ang ikinamatay ni Laarni? 


Tumayo na ang ate ni Laarni. Nananakit daw kasi ang tagiliran nito kaya magpapahinga muna ito. Habol ko ito ng tingin. Naaawa ako rito dahil napakalungkot ng anyo nito.


Nawala lang ang tingin ko sa ate ni Laarni nang may nag-alok sa amin ni Bhing ng biscuit at juice. Tita ni Laarni. Doon lang tumingala si Bhing. Tinungga agad ang juice dahil para daw siyang biglang inuhaw. Kahit ako ay parang inuhaw din. Natungga ko rin ang juice na nasa cup.


Nang tawagin kami ng adviser namin ay atubili pa kami. Gusto kasi kaming pasilipin sa kabaong para makita si Laarni sa huling pagkakataon. Hindi ko alam kung paano tatanggi. Ayokong tumingin sa mukha ng patay. Para sa akin ay mas gusto ko na maalala ang mukha ng isang tao noong buhay pa ito kaysa iyong wala nang buhay.


Aatras na ako nang hilahin ako ni Bhing. "Tara, Kena, tingnan natin si Laarni! Gusto ko siyang makita!"


Hindi lang si Bhing ang excited, maging ang ibang kaklase namin. Iyong iba ay malungkot, habang ang mas marami ay parang nandito lang dahil sa curiosity. Parang gusto lang makita kung ano ang itsura ng patay sa kabaong. May nagtutulakan pa at nagtatakutan.


Ang mga nakasilip na sa kabaong ay may iisang opinyon. Para daw matanda si Laarni. Ang pangit daw ng pagkaka-make up. Sinaway ang mga ito ng adviser namin.


Nang kami na ni Bhing ang nasa huling pila ay parang gusto kong umatras, kung hindi lang ako mahigpit na hawak ni Bhing sa pulso. Nauna siya na sumilip sa kabaong. Napabulalas siya, "Hala, bakit ganiyan ang itsura niya? Parang tumanda nga!"


Tumanda? Hindi ba ganoon naman ang karamihan sa patay? Nag-iiba ang itsura? Parang namamanas. Minsan ay depende rin talaga sa klase ng pagkamatay, kung nahirapan o hindi.


Ang balak ko ay sumilip lang nang mabilis nang para akong maestatwa nang masilayan na sa kabaong si Laarni. Tunay na tumanda nga ang itsura nito. Pumayat habang ang mukha ay manas. Ang mga mata na nakapikit ay bahagyang lubog. Ang makapal na make up ay parang itinago lang ang pangingitim ng balat, pero hindi ito napabata.


At sandali, bakit ganito?


Totoo ba itong nakikita ko?!


Ang suot ni Laarni ay puting bestida na off-shoulder at may ruffles sa magkabilang manggas. At ang ayos ng buhok niya... nahahati sa dalawang pagkakatirintas!


Bakit ganito ang itsura ni Laarni?! Bakit katulad na katulad ng nasa panaginip ko?!


"Kena, tara na!" sigaw ni Bhing na nag-echo sa paningin ko. "Natatakot na ako! Baka mapanaginipan ko!"


Hinatak niya ako dahil para akong nanigas sa pagkakatayo. Bumalik kami sa upuan namin na tigagal pa rin ako. Nang yayain ako ni Bhing na samahan siyang umihi ay ni hindi man lang ako umimik. Ihing-ihi na siya kaya iniwan niya na ako. Naiwan ako na mag-isa sa upuan.


Nag-iisa ako nang mapalingon sa gate ng garahe. May matangkad na lalaking nakatayo roon. Naka t-shirt na puti at ang mga kamay ay nakapamulsa sa suot na black baston jeans. Ang kalmado niyang mga mata ay sa akin nakatingin. Napatayo ako nang makilala siya. El!


Pumunta rin pala siya. Parang may sariling utak ang mga paa ko na humakbang palapit sa kanya nang bigla siyang tumalikod. Ang gulat at pagkadismaya ay sabay kong nadama. Ngayon ko natiyak, umiiwas nga siya!


Bakit siya umiiwas? Dahil ba nahihiya siya na nakasama niya ako nang magdamag sa bodega? Siya pa talaga anga nahiya? Di ba dapat ako? 


Sumagi sa isip ko ang sinabi sa akin ni Mama kaninang umaga. Kung meron daw ba akong bagong nakilala. Kung meron man, iwasan ko raw ito. Dahil may posibilidad na ang taong iyon ang dahilan kung bakit ako nagkakaganito.


Hindi pa ako sigurado kaya ayoko na magbintang. Pero si El nga ba talaga ang dahilan? Kung siya man, paano niya nabuksan? At bakit niya binuksan?!


Gusto ko siyang tanungin kaya lang ay bumalik na si Bhing sa upuan namin. Nagtaka ang babae nang makita ako na nakatayo. "Kena, paalam na tayo. Pagabi na. Hahanapin na ako ng mommy ko sa amin kasi tumakas lang ako!"


Muli, nagpahila ako kay Bhing. Gusto ko na rin umuwi kahit pa hindi ko sigurado kung nakauwi na ba si Mama. Pagkatapos magpaalam sa adviser namin ay nilapitan namin ang mama ni Laarni na tahimik na nakaupo sa harapan malapit sa kabaong. Nagpaalam din kami sa ginang.


"Mga kaklase kayo ni Laarni? Salamat sa pagpunta niyo. Pero kayong dalawa lang ba ang uuwi? Wala kayong kasama? Ipapahatid ko kayo sa kapatid ni Laarni."


Nakakahiya kaya tumanggi kami ni Bhing, pero nag-insist ang mama ni Laarni. Tinawag nito ang isa pang anak. Ayon sa ginang, iyon na lang daw ang natitira nito ngayon na anak. 


Hinintay naman namin ni Bhing ang ate ni Laarni. Nakita ko na iyon kanina. Ito na lang pala ang natitirang anak ng mama ng mga ito. Sana lang ay okay na ang pakiramdam nito. Kanina kasi ay nananakit ang tagiliran nito. 


Habang naghihintay ay may lumapit sa amin na binatilyo. Kamukha ni Laarni. Sa tingin ko ay mas bata sa amin ni Bhing ng isang taon lang. "Tara na po," yaya nito na ipinagtaka ko.


Ngumiti ang mama ni Laarni. "Ito ang anak kong bunso na si Luke. Sumunod kay Laarni. Ang nag-iisa ko na lang ngayon na anak. Mabait ito. Sasamahan niya kayo riyan sa labasan."


Nag-iisang anak? Hindi naman ito ang nakausap ko kanina?! May iba pa bang kapatid si Laarni? O hindi kaya may ibang asawang una ang papa ng babae kaya meron itong iba pang ate?


Si Luke ay nauna na sa amin palabas ng gate. Nang nasa kalsada na kami ay hindi ko na pinigilan ang sarili na tanungin si Luke. "Wala ba kayong iba pang kapatid ni Laarni?"


Nagtaka naman ang batang lalaki sa tanong ko. Kahit si Bhing ay napatingin sa akin.


"Luke, may kapatid ka pa ba bukod kay Laarni? Nakatatandang kapatid?!" gagad ko. 


Sandaling napaisip si Luke bago umiling. "Wala." Tapos bigla itong napahinto sa paglalakad. "M-meron pala..." Nanlaki ang mga mata nito sa akin.


"Nasaan siya?!"


Nagtataka man ay sumagot si Luke. "May isa pa akong ate. Panganay sa aming tatlo na magkakapatid. Na-holdap siya sa Pasay. Sinaksak siya ng holdaper sa tagiliran niya noon lang nakaraang isang taon. Siya si Ate Lana. At patay na rin siya."


Hindi na ako nakapagsalita dahil sa pinanlamigan na ang buo kong katawan.


jfstories

Continue Reading

You'll Also Like

1.7M 99.8K 35
FLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na estudyante sa Sto. Cristo, naaksidente...
41.3M 686K 61
Anong gagawin mo kapag may na-tag kang maling tao sa status mo sa Facebook? Ang masaklap pa nito, nabasa ng buong school yung status mo. Wait, nasabi...
2.4M 88K 47
Once you've start to read it, there's no turning back. Season 1 Start: December 22, 2015 End: April 11, 2016
15.1M 357K 62
Sequel of Famous Meets Bad Girl: "I can admit, I'm a different person now than I was three years ago.." she said. She was intently looking at the man...