DAIGDIG NG TAG-INIT (Complete...

By donfelimonposerio

29 0 0

Nobela ito, pero naganap ito sa loob ng isang araw lang... One day adventure ng isang batang parang naimpluwe... More

KABANATA 1. (Samyo ng alingasaw ; The pugad-langaw)
KABANATA 2 (Sa Dilim ng Karimlan; Mga nagba-BANSAK-sakan)
KABANATA 4 (Pagkakakilanlan: X & Y chromosomes student no. 08601)
KABANATA 5 (Hot seat: Sa loob ng kwebang mapanghe)
KABANATA 6 (The way back home, At sari-saring talong)
KABANATA 7 The Stomach (R)evolution Papunta sa Mystical Unwonderland
KABANATA 8 (Mystical Unwonderland's stories: Ang nakasisilaw na silahis)
KABANATA 9 (Untitled)
KABANATA 10 (Ang akyat-bahay at si tulo-laway)
KABANATA 11 (Bato-bato Pik sa saliw ng Pangwakas na Awit)

KABANATA 3. Ang Gabi ng Lagim (undirected cut)

5 0 0
By donfelimonposerio


Chum: (kaki furai / sausage with bacon)

Mag-a-alas dose nang gabi. Inaasahan ko na ito, tinatanglawan ng malamlam na ilaw ang puting kahon, na sa malayo pa lang habang naglalakad ako pauwi sa amin, makikita ang umpukan ng mga tao sa tapat ng bahay nina Wilma. Siya ang inaanak ng tatay ni Jessica, na katrabaho ng tatay ko sa talyer, na ninong ni Tanoy na kapatid ni ka Berto na nakaburol ngayon dahil sa nakalimot daw huminga habang natutulog- na kuya ni Wilma.

Si ka Bertong nakaburol magdadalawang linggo na. May sakit na rin daw ito sa puso. Madalas kapag tulog ito'y agad na lang mapapabangon na hinahabol ang hininga. Halos hindi na makahinga. At isang araw nga raw, kwento ni Wilma: napilitan silang i-cardio pulmonary resuscitation(CPR) ito para lang mahabol ang hanging hindi makadaloy sa ugat. Awa ng Diyos dinagdagan pa ng isang araw ang buhay niya. Ngunit sinong mag-aakalang kinabukasan daw luto na ang paboritong ulam nila na breaded pork fillet with Mang Tomas ay ginising ni Wilma ang kanyang kuya. Tinawag ito. Mga ilang beses ngunit hindi sumagot. Kinalabit nang ilang beses ngunit hindi parin gumalaw ni nambubulyaw tulad nang palaging ginagawa ng kuya niya sa kanya tuwing ginigising niya ito.


Hinawi niya ang kumot na nakatalukbong dito, ngunit nakita niya'y matang nakadilat. Nakatingin sa kanya. Sa gulat ay nahampas niya ito sa mukha. Naramdaman niya bukod sa literal na matigas ang mukha nito ay talagang matigas na ang kuya niya. Wala ng pagpintig ng puso, wala ng pulso. Tuluyan nang hindi nahabol ang hiningang nasanay nang mangarera sa kahabaan ng matrapik na EDSA tuwing tulog ito.
Pero hindi lang iyon ang dahilan ng pagkamatay ni Ka Berto: balita sa buong barangay noong umagang iyon, habang namumutla si Wilma sa pagkakakita sa walang pulsong katawan ng kuya niya ay biglang bumukas ang pinto. May dalawang lalaking naka-bonet ang biglang nagpaputok ng baril. Bang! Bang! Bang!

Tatlong putok ang gumitla kay Wilma. Butas ang signatured t-shirt ni ka Berto. Tagos sa katawan ang mga bala. Dalawa sa bandang dibdib at isa sa ari nito ang tumapos ng lahat. Saglit na huminto ang oras. Ang alingawngaw ng mga putok ng baril ay umikot sa paligid ng bahay, at pilit itong naghanap ng butas upang makalabas. Nang makita ng alingawngaw na bukas ang pinto ay dali-daling lumabas ng bahay. At mabilis na kumalat sa paligid: ang alingawngaw ay nadinig ng inang nagpapasuso ng sanggol: nadinig ng mga baklang nagbubukas ng beauty parlor; nadinig ng aleng kasalukuyang nagtatapon ng basura sa ilog (bagaman nabasa ng ale ang mga nakapaskil: don't trow your garbage here, basura mo'y wag paanurin nang hindi tayo bahain); nadinig ng mga tricycle driver na kumakanta sa video-okeng hinuhulugan ng P5 coin; nadinig ng buong baranggay maging ng Bathalumang ek-ek na diyos ng mga paniki, ngunit hindi nila ito pinansin o ni binigyan ng atensyon . Maliban sa Diyos, pagkat nakita niya: nang masiguro ng dalawang lalaking nakatakip ang mukha na patay na nga ang kanilang pinapatay ay dali-dali silang umalis. Nilisan ang bahay nang walang kakaba-kaba, na parang walang nangyari, na parang hindi sila ang pumatay sa kamamatay lang na kuya ni Wilma.
At si Wilma? Naiwang tulala. Nanlalaki ang mata sa nasaksihan, nanginginig ang buong katawan at walang patid ang agos ng luha. Napaupo na lang ito sa kinatatayuan nang biglang nanghina ang tuhod sa naramdamang takot, pagkabigla at awa. Nag-dim ang lights pero walang sumigaw ng cut!.

Sa tawag ni Jessica ay lumapit ako. Kasalukuyan siyang nagbibigay ng mga kape at biscuit sa mga naglalamay. Oras na pala.
Mag-aalauna na pero gising na gising pa ang karamihan, na mukhang idolo si kuya Germs sa palabas nitong walang tulugan with Master Showman (sumalangit nawa rin ang kanyang kaluluwa). Mukhang nawala na rin ang antok ko.
Nagmadali akong tumulong kay Jessica sa pagbibigay ng miryenda sa mga nakikiramay, mga nagsusugal na nagbibigay ng 'Tong' sa patay, mga kamag-anak na nananamlay at sa mga naghahantay lang ng tinapay, biskwit at kape.

"Waiter! Isa pa nga," biro ni Carmelo sakin. Kasama niya ang mga kapwa aspiring dancer. Grupong laging may special number. Sumasayaw sila sa mga pyestahan, sa mga sayawan, party at paliksahan, mga dance group competition, birthday parties o sa mga simpleng okasyon lang, maging death parties pa yan.

Natawa lang si Jessica sakin, "mukha ka ngang waiter, hehe!!" Tapos ay tumawa siya nang malakas. Tsk! 'Nang-iinsulto pa e, tumutulong na nga', sabi ko sa isip ko.

"waiter! Isa pa raw, table no. 7," muling banat niya sakin.

"hahaha!" Kunwa'y maaasar kay Jessica.

Sa ilang lamesa dinadala ang sari-saring biskwit at mainit-init na kape. Bawat lamesa ay may sesyong nagaganap, iba't ibang mukha at uri ng libangan at ito ang ilan:

Tong-hits: utak at diskarte ang dapat mamayani pagdating sa pagbitaw ng desisyon. Ang bawat pagbunot at paglapag ng baraha ay hindi parang paghagis ng sanggol sa ere na kapag hindi nasalo ay ayos lang. Ito'y ikababagsak lang naman ng adhikaing makadiga sa laro.

Gin-use: utak din ang labanan, wala nga lang malaking pustahan, dahil crossword, chessboard at scrabble lang ang laro, ang genius sa mga genius madalas nag-aayus ng mga pitsa sa chess na ginulo habang naglalaro ng napikong kalaban, dahil lagi na lang namamate.

Batibot: mga batang gising pa nang gabing-gabing oras. Natutulog na dapat sila nang maaga pero dahil nagbi-bingo pa ang nanay nila at nagto-tong-hits pa ang tatay -may dahilan sila para magpuyat. Maliban sa unggoy-ungguyan at sungka, naglalaro rin sila ng pitik-bulag kapag bagot na sila't wala paring rasyon ng biswit, o kaya kung minsan kinukuha nila ang laang rasyon ng pagkain sa kabilang mesa.

Auctioners: Pwede sa kahit anong edad basta't marunong humawak at bumasa ng baraha. Pataasan lang naman ang laban sa larong bet-game. Apat na baraha ang ibabahagi ng bangkero sa mga kasali. Kung alam mong may maganda kang set ng baraha gaya ng royal, straight, full jack, king o queen o par-ace.. Walang ibang dapat gawin kundi mag-bet nang mas mataas. Lahat ng mababa ang kard kaysa sayo ay hahamigin mo ang kanilang mga taya. Auction. Mas maraming magbet, mas marami kang panalo.

Kampeners: kanya-kanyang istorya ng katatakutan. Parang nasa isang bonfire na may isang bibida ng kwento sa gitna ng nakapalibot. Lahat ay may karapatang makinig, matakot (o mauto) at magkwento: kababalaghan man o kwento ng mga pagpaparamdam.
Insert: kwento no. 1:

Tricycle driver daw ang tatay niya, isang gabing kabilugan ng buwan, may sumakay daw sa kanya na isang aleng nakaputi. Kinabahan daw ang tricycle driver nang magpahatid ito sa lugar na walang gaanong sasakyang nagdaraan.
Kaya binilisan niya ang pagmamaneho para mabilis na makarating. Ang bilis ng tibok din ng puso niya, habang nagpapatakbo ng tricycle. Nang naroon na daw sila sa lugar, nagulat siya nang nawala na ang aleng nakaputi. Wala na siyang sakay. Naglahong parang bula. Muling nagsitayuan ang balahibo niya. Kinilabutan. Dali-dali itong umalis, takot na takot.
Sa daan pabalik may makikita siyang nakahiga sa kalye. Yung pasahero niya ay nahulog pala sa tricycle sa bilis niyang magpatakbo.

Kwento no. 2 :
Isang umaga, hindi pa gaanong sumisikat ang araw ay abalang nakatalikod sa may damuhan ang isang binatang lasing. Nagdidilig ng halaman. Maya-maya pa ay maririnig niyang may boses ng umiiyak. Mahina lang noong una, hanggang papalakas nang papalakas. Hinanap ng binata kung saan nanggagaling yung tunog, sinundan niya ang boses ng umiiyak...
At doon sa tabi ng malaking puno ng kalachuchi, nakita niya ang isang batang babaeng nakaputi, takip ng palad ang luhaang mata. Nagtaka siya kung bakit ito umiiyak.Lumapit siya , pero dahil lasing ang binata ay hindi niya mapapansin ang nakausling bato sa kanyang daraanan. Natalisod siya at nadapa sa basa't maputik na lupa. Pero agad din siyang tumayo. Gayon na lamang nang magulat siya na nawala na bigla yung nakaputing batang umiiyak. Nasaan na kaya ito, naisip niya.
Bigla, may kumalabit sa likuran niya. Malamig ang naramdaman niya, nagsitayuan din ang kanyang balahibo. Bumilis ang kaba. Dahan-dahan siyang lumingon at nakita niya ang nakaputing batang ngayon ay may hawak na isang sachet ng 'TIDE powder', inaalok sa kanya.
-End of the story-

"kumain ka ba ng mais?" Biglang tanong ni Jessica sakin.
Nagtaka ako, "bakit? Anong problema?"

"ang korni mo kasi e!" Singit na tugon ni Jessica, sabay irap sa akin.

Minasama agad, sinabi ko lang, kung yung itim na pin na kinakabit sa dibdib, yung maliit na itim na hugis parihaba na ipini-pin para daw makilalang kamag-anak sila ng yumao ay bakit hindi kaya lagyan na lang tuluyan ng pangalan, na parang maliit na name tag. Okay nga na idea yun e. Kasi naman, kapansin-pansin yung magkakamag-anak na galing sa malalayong lugar ay hindi magkakakilala.

"sino ka nga ba uli iha?" Tanong ng matandang kamag-anak.
"Lola, Gina po," tugon naman ng tinanong, medyo nahihiya dahil sa ngayon lang sila nagkita.

"ah, oo. Ikaw yung anak ni... (mapapaisip) ni... ni kwan"" Hinila ng matamda yung dila niya para mabigkas ang pangalan.
"...ni-" pero di parin maalala.

"Abileda po", agad nitong dugtong sa matanda.

"ay oo nga. Kay Abie, hay dalaga ka na Gina. Itong mga pinsan mong kalaro dati!" Kapwa mapapatingin sa isa't isa, sinusubukang may maalala. Wala silang maaalala.

"La, opo. Sila-a-ano po..." siya naman ngayon ang di makaalala sa pangalan.

"Oo, ito si Gen, Rachelle, Si Let-let, si Charen, mga kababata mo. Ay..." agad dugtong ng matanda, "Dios mio, mga nagsipag-asawa na ini. Mga kabataan kayong mapusok. Ay, ikaw ba'y me asawa na kharen?"

"La, Gina po!" Giit niya.
"ah, oo. Me asawa ka na ba ha?! Ilan na bang anak mo K-Kharen?" banggit ulit ng ulyaning matanda.

"Si lola tal'ga. La Gina po! G-I-N-A! Gina" Giit niyang muli sa matanda.

"tumigil ka nga! Wag mo na ngang lokohin si lola," biglang sabat naman ng isa pang kamag-anak na hindi parin kilala ng iba.

"bakla ka GINO! Bakla ka!!"

Ang hirap alalahanin ng pangalan ng bawat isa, pero kung yung black pin ay may pangalan na nila, malamang wala ng paulit-ulit na tanong na "sino ka ba ulit?" At syempre magkakakilala agad ang lahat.

"Hahaha! Ang korni mo talaga Mikko kahit kelan. Tsk." At matutuwa ako kasi kahit papano napapatawa ko siya.


"Natawa ka nga e," tugon ko. Sa gitna ng pagtawa niya ay nagkatinginan kami. Nagkatitigan. Sumeryoso. At napansin kong namula ang pisngi niya. Kapag titigan lagi akong panalo, pero siya halata sa kanya na crush niya ko. Ha ha. Kaya ibabaling niya ang tingin niya sa iba.

"sino to?", biglang tanong ni Jessica sa akin, habang nakaturo sa may photo album. Stolen shot, nakashort.

"Hala, si ka Berto yan! Sa grotto vista, 1998,"
hula ko. Halata parin ang pamumula ng pisngi niya at lihim din akong napapangiti.

"Hahahaha!" At mas mabuti pang idaan sa pagtawa ang awkward na pakiramdam sa pagitan naming dalawa. Pero nakatatawa naman talaga yung nalaglag na pustiso habang tumatawa si ka Berto.
Nilipat uli ang pahina ng malapad na photo album. Pampalipas oras namin ni Jessica. Kakapagod din no, tapos na ang bigayan ng mga biscuit at kape. Si Wilma kasi tulog na, ilang araw na ring puyat yun kaya tumulong na kami sa pag-aasikaso sa huling lamay na ito ni Ka Berto. Naisipan naming tignan ni Jessica ang mga larawan sa album. Karamihan may kuha si ka Berto.
Naisip ko lang, ang sarap ding alalahanin ng mga alaala, lalo na kung may mga patuloy na magpapaalala sayo nito. Malaking halimbawa ang mga litrato: bawat anggulo may emosyon, bawat eksena may ngiti, kamusmusan, kawalang malay, kapighatian, kagalakan at iba pang kaanuhan. Si ka Berto, buhay na patunay na bawat isa sa atin may iiwanang bakas, may ipapasang kasaysayan, may patunay na noong panahong ganito ay may nabuhay na ganyan, may isinilang na ka Berto. Kasama na kung anong kapalpakan, katarantaduhan o kabutihan (kung meron man) ang ginawa niya sa buong pahina ng buhay niya at hangganan nito ay kamatayan.

Maiksi ang buhay. Kung minsan nagtataka tayo kung bakit maagang nawala sa mundo ang mga hindi natin inaakalang mawawala sa mundo, ang mga hindi natin inaakalang mamamatay pala agad. Nanay ko nga, pinagalitan ako isang umaga pero kinatanghalian noong araw na 'yon (noong madulas siya sa overpas na hindi kulay pink na ngayon ) ay biglang namatay; si Jhon Lennon nga, kumakanta ng "imagine theres no heaven.." Sa concert niya nang biglang binaril at namatay; yung ex-president ng U.S, masayang nanunuod ng drama play nang biglang binaril at namatay. Lahat sila ay biglaan ang pagkamatay. Pero hindi usapin ngayon kung paano sila namatay kundi kung paano sila umiral sa mundo, kung ano ang ginawa nila o nagawa nila sa buong kabanata ng kanilang buhay. Kung tatanungin ako kung ano ang nagawa sakin ng nanay ko. Simple lang ang sagot -isa siya sa gumawa sakin.
Kamatayan. Ito ang hangganan ng lahat sa materyal na daigdig.

"Bigyan mo nga 'ko ng dahilan kung bakit hindi ka pa dapat kunin ni Lord?" nagulat ako nang bigla siyang nagtanong. Seryoso ba siya? "Sagutin mo lang," Napa-isip tuloy ako sa tanong na 'yon ni Jessica na parang wala akong maisasagot na matino.
'Ano ba ang dahilan kung bakit di pa ko dapat mamatay?' Kamatayan? Patay? Wala akong maisip kahit na nakatingin pa ko sa puting kabaong ni ka Berto.

Kung pula ang sa katapangan, puti para sa pagsuko, ang itim na manipis na tela ang sa Tajuna Funeral service. Pero parang sa lahat naman ng funeral e, itim ang motiff. Maging sa libing, ang mga nagluluksa ay naka-itim. Itim. Itim. Sa mga emoterong rakistang gaya ko, ang paborito nilang kulay ay itim; mga itim ang karaniwang alipin ng mga kano noon, na mukhang kayumanggi na lang ngayon dahil kay Barrack Obama na african-amerikan; may kaitiman ang mga balat ng mga katutubo, tulad ng sa ita na noon ay nagkukuta pa sa mga madidilim na yungib bago pa sila mapunta sa Baguio at malamang pwede palang pagkakitaan ang kanilang magagandang pagmumukha -daig pa nila ang artista sa dalas nilang nakangiti sa lente ng kamera kahit na maiitim ang mga gilagid at ngipin nilang mukhang matibay kahit bulok; Itim ang kulay ng costume ni Batman (maitim rin marahil ang bagay na nakatago sa brief nitong nakalabas at siya lang ata ang paniking hindi mapanghi); kinaaayawan ng ilang mga doktor at nurses ang itim dahil karaniwang puti ang suot nila at ang itim raw ay marumi; kaya rin ipinagbabawal ng ilang relihiyoso ang kumain ng dinuguan dahil hindi pula ang kulay nito kundi kulay itim (kasama na ang sinakal na hayop at balot) sa kadahilanang marumi daw ito. Bagaman pula ang karaniwang kulay ng dugo, maliban sa mga lalaking ang dugo ay berde o sa mga nilalang na may dugong bughaw; Maraming namamatay dahil ang buhay nila ay puno ng dilim at marami ring nabubuhay dahil sa dilim. Tulad ng mga kalapating laspag na ang mga pakpak kaya mababa ang lipad. Marami ang ayaw sa dilim, sa maiitim at sa kadiliman.

"Hoy! Ano nga?!" Ulit ni Jessica na nakakunot na ang noo. Nasa huling pahina na siya ng photo-album.
"Ano ulit ang tanong mo?" Napatingin ulit ako sa kanya, sa mata niya.


"E, ano ngang dahilan mo kung ba't hindi ka pa dapat kunin ni Lord?" aniya.

Sa mga ganitong pagkakataon, obligado na ang pagsagot dahil kung hindi paulit-ulit lang siyang mangungulit tapos mangangaldag nang malupit, tapos agad magsusungit.

"A-ah.. Isa lang ang dahilan na alam ko. C-Clue.. 1 word, 4 letters, 2 Syllables." pautal kong sabi na hindi ko madirekta ang dapat sabihin. Ang hirap kasi magseryoso, baka masyadong korni, baka maging OA ang dialogue.



"IKAW! Ikaw ang tangi kong dahilan" mahina kong bulong sa sarili. Walang lumabas na boses sa bibig ko. Naumid na naman.

"Si Ate," sabi niya. Nahinto ako sa pag-iisip ng paraan kung paano ba sasabihin ang dapat na yatang sabihin na.

"Ha?" yun ba ang hula niya sa sinabi ko? Teka mali.

"Sabi ko si ate Patricia andyan na," ani niya habang nakadungaw sa may bintana. Kita ang madilim na kalsada. May taong paparating. Alas kuwatro na pala. Oras na ng uwi ng kanyang ate na pang gabi sa trabahong call center agent (daw).
Tumayo si Jessica at sinalubong ang paparating na kapatid. Micro Mini-skirt at blouse na natanggal ang pagkakabutones sa bandang dibdib ang suot ni ate Patricia, hindi halatang buntis. May kwento kasi si Jessica tungkol sa ate niya na hindi ko alam kung totoo ba. May isa daw lalaking tumawag sa telepono at si ate Patricia ang nakasagot; Hindi nakipagkilala yung lalaki pero nakipag-sex-phone.
Tapos, pagbaba ng telepono buntis na ang ate niya. Magaling ang ate niya sa sex-phone. Call center agent nga naman -trabahong kalimitang panggabi ang pasok, umaga ang labas. Pero hindi pa sigurado si Jessica kung ilang buwan na ang nasa tiyan ng kapatid. Naisip ko, tawagan ko kaya isang araw si Jessica sa telepono. Baka marunong din siyang mag-call center agent tulad ni ate Patricia.

"Mikko mauna na ko ha," wika niya habang papalabas na ng bahay nina Wilma upang salubungin ang ate Patricia niya. "S-sige, ingat," tugon ko, di ko alam kung narinig niya pa yun dahil matagal bago ako nakapagsalita. Tanaw ko si Jessica habang papalapit sa ate niya.
Hay. Magkasabay na silang pumasok sa kanilang bahay. Naiwan akong mag-isa. 

"...1 word, 4 letters, 2 syllables ?!"Ang dahilan kung bakit hindi pa ko dapat kunin ni Lord. Isang malaking IKAW, sana nasabi ko. Sana narining niya. Malakas ang sigaw ng puso ko. Ikaw ang dahilan ng lahat, hindi mo ba naririnig. Ang lakas ng sigaw ng isip ko. Isang malaking IKAW. IKAW. IKAW.


Naiwan akong nakatanga. Nakaupo sa sofa. Maya-maya, mula sa labas, may kayumangging paruparo ang napansin kong pumasok, mabagal ang lipad. Sinundan ko ng tingin hanggang sa dumapo ito sa puting kurtina kung saan naroon ang puting kabaong ni Ka Berto. Doon ko lang napansin ang lamp post sa magkabilang gilid. Matamlay ang apoy sa pagtanglaw nito sa paligid ng kahon. Napansin ko ang sari-saring hindi na sariwang bulaklak na amoy patay na pwede ring panregalo sa Valentine, kung sawa ka na sa pagmumukha ng pagbibigyan mo. May mga pink na ribbon na nakapin sa bukana ng puting kahon. Nakasulat yung mga pangalan ng mga miyembro ng pamilya ng yumao (huwag naman sanang magkatotoo yung naisip kong baka iyon ang mga susunod na mamamatay).
Mabagal ang pagbuka ng pakpak ng paruparo. Sabi ng teacher ko sa Biology, "butterflies usually lives for less fourteen days. The life span begins when they got their wings as they evolved from catterpillar to an originally butterfly. Seven days of freedom, seven days of flying freely, but imprison it means living dry." lumipat ng lugar yung paruparo. Dumapo sa may kabaong ni ka Berto.
Tumayo ako at dahan-dahang lumapit. Nagtatangkang humuli. Nagbabalak gapusin ang paruparong may dalawang linggo lang mabubuhay sa mundo. Hindi ko ito makita. Biglang nawala yung paruparo. Sumilip ako sa kabaong. Baka pumasok ito sa loob. Nakita ko sa salamin si ka Berto, kaaya-aya ang bukas ng takip ng kabaong. Ang sarap buksan ng salamin. Nakita ko ang anyo ng isang disenteng bangkay. Fitted yung barong sa maskulado nitong katawan; yung slacks mukhang bago. Walang tastas at kusot. Nakamedyas ng puti pero walang sapatos. May make-up. Formalin yata ang tawag doon. Yung ipinapahid sa bangkay para hindi agad mabulok yung katawan. Ito rin daw yung ini-spray sa mga paborito nating gulay tulad ng petchay, sayote at repolyo. Ayon sa kilala kong agriculturist, ang formalin daw ay nakakapagpanatili ng pagkasariwa ng gulay. Layunin nitong pigilan ang agarang pagkabulok ng pananim. Ibig sabihin tuwing kumakain tayo ng gulay na na-spray-an ng formalin ay nagiging ganap ang pag-iimbalsamo sa atin. Isang katotohanang buhay pa tayo ay iniimbalsamo na.

Napayuko ako. Sa sahig na walang tiles, nakita ko yung paruparong mabagal parin ang pagbuka ng pakpak. Dahan-dahan kong pinulot. Maingat. Lumapit pagdaka sa may bintana at binuksan sa pagkakasara ang palad.
Lumipad ang paruparo.

"minsan ka lang mabubuhay sa mundong ito... Pero sa minsan na 'yon, sikapin mong maging maligaya at makapagpaligaya ng iba."
nawala sa paningin ko ang paruparo.

Tulog na marahil si Jessica. Naisipan kong umuwi na rin para makapagpahinga . Maaga pa pasok ko sa sintang paaralan bukas. Kaya lang, sakto! Umaga na. Hay! Goodmornyts.

***

Continue Reading

You'll Also Like

570K 28.2K 58
"She's not a mage or a monster or a magical being. She's not anything we know of.. She's not even human." "She's the most unique existence." "She's d...
1.5M 75.3K 21
Ang Ikalawang Serye. A girl dying from Leukemia was given a chance to make a wish, and there she met a mysterious guy who would lead her as she enter...
4.9M 226K 36
Dark Series #1 "Every game has a story." *** Our life is a game. Each of us has our way on how to play it. Some want it to be as simple as possible...
33.3K 1.2K 37
DESCRIPTION: Ruan Mari Tan is a cold blooded business tycoon in the Philippines. Pagmamay-ari niya ang isa sa malaki at sikat na publishing company a...