KABANATA 4 (Pagkakakilanlan: X & Y chromosomes student no. 08601)

1 0 0
                                    


Chums:(kropek o/s shiosaba, tuna sandwish)

Tumilaok na ang manok at busog na ang lamok. Maliwanag na rin sa labas dahil kita ko na ang liwanag sa maliliit na butas ng bubong sa tapat ng aking kinalalagyan. Tanda na mataas na ang araw at nasa papag parin ako nakahiga. Agad napabalikwas. Tumingin ako saking relos at naalala kong sira pala ito at pang props lang. Wala kaming wall clock o maliit na alarm clock maliban sa cellphone ko at sa sinag ng araw sa ilang butas ng aming bubong. Siguro instinct na sa amin ang paggising nang maaga pero dahil inumaga na ako nang uwi kagabi sa pagtulong sa lamayan sa kapitbahay at kaibigan na si Wilma. Wala akong dahilan para sisihin ang mali-maling instinct ko sa paggising nang maaga at ang butas ng aming bubong.

Naalala kong first subject namin ay major pa. May final exam ngayon at last day ng pasahan ng lahat ng requirements. "ayos lang, major lang naman yan," bulong ng itim na anghel sa kaliwa kong tenga.
"may oras pa para magmadali Miko! Bilisan mo na't para makahabol ka pa! Mas maganda nang huli kaysa sa talgang wala!" Sigaw ni Tatang sa kanan kong tenga.

Agad akong nag-ayos ng sarili. Paspasan sa pagbihis. Swerte't nakahain na ang almusal pero hindi na ko kumain. Ipinabaon na lang sa akin ni Tatang yung sandwich na ginawa niya. Isang lagok lang ng kape at agad na kong lumabas ng bahay. Minadali ako ng aking pag-aalala. Baka hindi ako makahabol sa examination baka magbago ang paborito kong numero, baka hindi ko na ma-maintain ang grades kong puros tres, baka madagdagan ang dalawa kong singko, baka ganoon, baka ganito. Sino ba nagsabing matalino ako? Si Tatang lang naman. Masaya ako tuwing may pasok, kasi may baon. At na-e-enjoy ko rin ang mga araw na walang propesor, matalino?

Sa loob ng jeep, "bayad po: seattle. Estudyante lang" ang bente mula sa pitaka kong asul. Iniabot sa babaeng mataba at kinuha ng isang estudyante (buti hindi ibinulsa), salamat at nakarating nang maayos sa tsuper.
Maya-maya, iniabot din sa akin ang limampisong sukli ko, ng batang gusot-gusot ang unipormeng suot at ng aleng pandalawahan ang upo. Gusto ko na lang sanang ituon ang isip ko sa sandwhich na ipinabaon sakin ni Tatang pero hindi ako mapalagay.

Agad sumabat, "kuya estudyante lang yung bente!" Bulalas ng isip ko, dahil hindi ko na ipinarinig kay manong drayber matapos magbanta ang isang karatulang nakasabit. 'NO I.D NO DISCOUNT!'. Gusto ko sanang magmura. Pusang ama. Sampu lang dapat pero kinse ang siningil. Limampiso ang deperensya. Bwaka ng! Pero pinakalma ko na lang ang sarili ko. Wala pa nga kasi akong I.D, hindi pa daw tapos matapos kong magbayad ng seventy five pesos. Matapos kong ilang araw umistambay sa pila sa iba't ibang panig ng office ng sinisintang paaralan (wala pang S.I.S (student information system ang batch namin). Paulit-ulit. Pabalik-balik. Sa ganitong tagpo, pinaparangalan ang depenisyon ng PUP . Hindi ang Polytechnic University of the Phillipines, kundi ang Pila Uli Pila x 2.

Gusto ko sanang sumabat kay manong drayber pero wala na kong nagawa. Wala din namang mapapala kung murahin ko't sisihin si manong, na ayaw magpadaya sa mga sumasakay at nagsasabing estudyante lang kahit hindi naman. Alam ko namang hirap din si manong na magpira-piraso ng kanyang kakarampot na kinikita. Syempre, dapat may ipanlalagay ng ginintuang gasolina (sana makaimbento na talaga ang mga scientist natin ng pamalit sa gasolina. Alternative gasoline na pwedeng makuha kung saan na nakakalat lang tulad ng mga basura at MMDA); dapat may ipang ba-boundery sa may-ari (kung meron man), dapat may ipang bubusal sa bibig ng mga matatalak na nakablue at pink o dilaw na uniforme, kung sakaling mapagtripan siyang tiketan (syempre papel na ube na naman -100 pesos)x3. Tapos, kulang-kulang 300 pesos lang ang maiuuwi niya sa kanyang pamilya. Paano na lang si anak na nag-aaral o sila anak pala. Si asawang pumuputi na ang buhok sa kilikili sa pagbubudget ng kakarampot na kita; pambayad sa bill pa, sa tubig, sa kuryente, sa utang sa tindahan kung saan kinukuha ang bigas at ulam at sa anik-anik pang mga bagay.; Paano pa kaya kung biglang magkasakit? Ihihinto muna ang paggastos, ihinto muna ang pagkain, ihinto muna ang pagbili, ihinto na rin muna ang paghinga. Ayos lang. Sanay na naman tayong mga Pilipino sa pagtitiis. Nagawa nga nating pagtiisan ang digmaan noong WW-II, nakapagtiis nga tayo sa pang-aalipin satin ng mga espanyol, amerikano at hapon at kapwa Pilipino sa loob ng ilang siglo. Nakakapagtiis nga tayo tuwing may lindol, tsunami, sunog, undoy, H1N1, epidemya at pagsabog ng mga bulkan. Tapos, sa simpleng pagkalam ng tiyan susuko tayo? Kaya naman nating pagtiisan ang gutom.
Sabi ni Tatang dati e, masaya siyang nakararaos kami sa pang-araw araw namin. Noong una pa naman daw, simpleng buhay lang ang pangarap niya. May masayang pamilya, may trabaho at may tirahan. Simple lang ang pangarap ni Tatang bagay na natupad naman niya. Masayang pamilya (8 lang naman kaming magkakapatid, bagamat yung apat nag-asawa na. pero nakikipisan parin sila sa bahay. Masayang magulo dahil sa dami namin), madalas din kaming nakangiti sa hapag ng pagkain habang kumakain ng hangin, masaya kaming madalas nagbibiruan. Biruin mong masaya pala ang pamilya namin?. May trabaho si Tatang (ngayon. Bukas wala. Bukas meron uli...) Umi-extra lang naman ang Tatang sa pagmamaneho ng taxi noon, bago siya naging mekaniko, na magiging dahilan ng pagtitinda niya ng balot ngayon; may tinitirhan naman kami. Siguro hinihintay na lang namin ang ilan pang mag sa-sign-in contract na anay para gumuho na iyon nang tuluyan. At least sarili namin yung lupa, atleast may maituturing kaming pag-aari, at least nabubuhay pa kami at least napagtitiisan namin ang hirap.

Pero sa anupamang dahilan, hindi ako naniniwalang simple lang ang pangarap ni Tatang noon pa. Pangarap na nga lang ang mapanghahawakan ng tao na libre tapos yung simple pa. Siguro nagiging simple na lang ang pangarap ng tao dahil sa katayuan niya sa buhay sa kasalukuyan. Kung tatanungin mo yung bawat pamilya sa komunidad ng mga squatters o tinatawag nating mga informal settlers kung ipo-politically correct, malamang pangarap nilang magkaroon ng magandang buhay. Ayos na iyon sa kanila, pero bakit hindi pa yung masagana, yung mariwasang buhay, bakit yung magandang buhay lang. Para yung birong madalas sabihin ni Tatang, 'Magandang lalaki raw ako.' Bakit magandang lalaki lang? Hindi ba pwedeng napakagwapo mo anak! O ang gwapo-gwapo mo! Magbibiro na nga lang hindi pa lubos-lubusin. Tulad nang sinasabi nating 'mangangarap na nga lang, hindi pa lubos-lubusin!
Para itong kwento ng dalawang palaka sa loob ng isang balon. Nagtanong ang isang palaka sa kapwa niya palaka.'
"gaano ba kalawak ang langit?" Tanong nito sa isa, pero dahil sa parehas lang silang hindi pa nakalalabas ng balon sa tanangbuhay nila ay wala silang tiyak na sagot
"ang lawak ng langit ay kasing laki na ng butas nitong balon," pagmamarunong ng isang palaka. Iyon ang sagot niya dahil nga iyon lang naman ang nakikita ng dalawa. Doon lang sila nakabase at nakapirmi. Hindi nila alam na mas malawak pa ang langit kaysa sa alam nilang lawak nito. Mangarap ka nang mas malaki, nang mas mataas. Pangarap na nga lang ang mapanghahawakan ng tao na libre, tapos yung simple pa.

Mabilis ang byahe. Mabuti't hindi gaanong trapik. Saglit lang na dumaan sa lalamunan ko yung ipinabaon ni Tatang na sandwhich. Bumuba ako sa kanto ng Seattle at agad sumakay uli sa panibagong jeep na byaheng Stop and Shop. Siniguro ko munang walang nakasabit na karatulang nagbabanta na 'NO I.D NO DISCOUNT!!'

Kahimig ng mga busina ng iba't ibang uri ng sasakyan at ng pito ng mga pulis-trapiko sa lansangan ang malakas na sigaw ng mga nagtatawag ng pasahero –ang mga nagbabarker. Isang uri na rin ng trabaho ang pagtatawag na ito sa mga sumasakay. Gamit ang konting sigaw at konting panghihikayat ay nakaiipon sila mula sa pabarya-baryang bayad-serbisyo sa kanila. Pero bilang pasahero, alam kong hindi naman talaga sila nakatutulong sakin dahil kaya ko namang magbasa ng karatula kung saan papunta ang isang jeep. Mas matalino na ko sa batang paslit na nag-aaral pa lang ng abakada, dahil memorize ko ang dictionary, yung bawat letters nito, alphabetically mula A hanggang Z. Kaya hindi ko kailangan ng mga taong nagmamagandang loob sa mga pasahero, na nagmumukhang asong-ulol kapag hindi nahulugan ng barya, ang mala-alkansiyang bulsa nila.

Kunsabagay, hindi naman pala nalalayo sa ugali ng aso ang kanilang trabahong barkering (from the root word 'bark' o sa filipino ay 'pagkahol') pagkat tulad ng sa aso -may rabist din sila.

Sa loob ng jeep uli: ipinaabot ang baryang galing sa luma kong pitaka. Ang sampung-pisong hide-out ng magtropang Bonifacio't Mabini.
"stop and shop lang 'yan, estudyante" sagot ko nang tinanong ng tsuper kung saan ang baba ko. Kampante kong inaalala ang oras. Kinse minuto pa lang naman akong late.
"maaga pa," bulong ng itim na anghel sa tenga ko.

Buti na lang mabilis magpatakbo ang drayber. Mala-roller coaster ang andar namin. ('patok' ang karaniwang tawag sa jeep na ganito dito) at mala-disco ang dating sa lakas ng tugtog. Mapapasigaw ka sa bilis ng pagmamaneho namin at mapapaindak ka sa lakas ng kanta.

Mabilis ang byahe. Sandali lang na uminit ang aking puwet sa kinauupuan at pagbaba ko, agad nang kumaripas ng lakad. Tingin sa oras. Lakad nang mabilis. Tingin uli sa oras. Takbo. Lakad. Ayos. 25 minutes na kong huli sa una kong klase. At iyon, malapit na ang tarangkahan. Bukas ang malaking gate pero bawal daanan, kaya siksikan sa maliit na entrance gate na sa itaas ay nakapaskil ang salitang exit. Ayus talaga, sa exit kami pumapasok. May lamesa at dalawang gwardiya.

"I.D mo?" Tanong sakin ng guwardiya.

"wala pa po akong I.D," sagot ko naman.


"o, registration card?" Siya uli.

"andito po" ako uli.
"Aba'y ilabas mo," pangungulit ng gwardya.

Badtrip talaga. Hinalungkat ang gamit. Halungkat nang malupit sa registration card na nasa ilalim yata ng magulo kong gamit. Napapatanaw ako sa mga lumalagpas lang samin, tulad ko ring estudyante na walang nakasabit na I.D sa leeg. Gusto kong magprotesta. Bakit sila, di naman sinisita. Mas mukha ba silang estudyante kaysa sakin. Porket hindi ako naligo at nakatsinelas lang ako. Hu hu.
Kung sino lang bang mapagtripan, iyon lang ang sisitahin. 

"pusang ama tal'ga, nasan ka na b-" Mangiyak-ngiyak na ko. After a hundred years Past. Pinakita ang registration card sa guard. Itatapal ko sana sa mukha niya pero LATE na ko talaga.


Takbo uli. 1st floor, 2nd, 3rd, fourth floor. Hay!

Success. Deretso sa room, at sakto. Nagkukwentuhan sila. Pusang ama din. Wala pa palang prof. Puto't kutsinta x2.

***

DAIGDIG NG TAG-INIT (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon