South Boys #3: Serial Charmer

By JFstories

4.7M 256K 155K

She may be beautiful, but she is aware that she's quite the airhead and is pretty dense. As such, Vivi masks... More

Prologue
Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 6
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17
Chapter 18
Chapter 19
Chapter 20
Chapter 21
Chapter 22
Chapter 23
Chapter 24
Chapter 25
Chapter 26
Chapter 27
Chapter 28
Chapter 29
Chapter 30
Chapter 31
Chapter 32
Chapter 33
Chapter 34
Chapter 35
Chapter 36
Chapter 37
Chapter 38
Chapter 39
Chapter 40
Chapter 41
Chapter 42
Chapter 43
Chapter 44
Chapter 45
Chapter 46
Chapter 47
Chapter 49
Chapter 50
Chapter 51
Chapter 52
Chapter 53
Chapter 54
Chapter 55
Chapter 56
Chapter 57
Chapter 58
Chapter 59
Chapter 60
The Final Chapter
Epilogue
V.I.

Chapter 48

76.1K 4.6K 2.9K
By JFstories

TINALIKURAN KO NA SI ISAIAH.


Paglabas ng gate ay pumara na agad ako ng tricycle. Naramdaman ko siya na sumunod hanggang labas, pero kahit sa rearview mirror ay hindi ko na siya tiningnan.


Naging abala ako sa mga sumunod na araw. Kailangang-kailangan ko nang makapagtrabaho. Paubos na ang ipon ko dahil nagalaw pa sa pagpapakabit ng kuntador.


Sa Epza na nga ako natuluyang mag-apply. Iyon ang pinakamalapit at madali ang proseso dahil kakilala ni Mama Anya ang nagpasa sa biodata ko.


Ang Epza o export processing zone authority ay kilala sa Cavite. Malawak na lugar ito na maraming iba't ibang kompanya at pabrika sa loob. Ang papasukan ko dapat ay factory garments pero nauwi ako sa electronics company.


Below minimum ang sahod dahil provincial rate. Gabi ang pasok at umaga ang uwi. Masakit sa kamay at mata ang trabaho na pagkakabit ng wire, pero kaya naman.


Start agad ng pasok. Mababait din ang mga katrabaho ko. May iba lang na kill joy ang tingin sa akin, dahil pagkatapos ng shift ay palagi akong tumatanggi kapag nagkakayayaan ng tambay o inuman.


Isang beses noong breaktime ay nagulat ako nang may lumapit sa akin, Isa itong babae na chubby at may makapal na make up sa mukha. "Ikaw ba 'yan, Vivi girl?!"


Napatitig ako rito. Naka-polo ito ng uniform na katulad ng akin. Cute ang mukha nito at may suot na purple contact lense. Isa sa kaklase ko noong high school. Si Doralyn.


Hinampas niya ako sa braso. "Ako 'to, si Dora. Best friend mo ako!"


Tinabihan niya agad ako at iniwan ang kanyang mga kasama. Katulad ko ay wala siyang baon. Bumili lang din siya sa canteen, pero mas marami ang binili niyang pagkain kaysa sa akin.


"Oy, Vivi! Akalain mo iyon, ano? Nagkita ulit tayo! E kumusta ka naman ba? Lalo tayong gumanda, ah!"


Hindi pa siya nakuntento, itinuro niya ako sa mga katrabaho namin na nasa kabilang mesa. "Si Vivi, kilala ko! Ganda, ano? Best friend ko 'to!"


Kinawayan din ako ng mga kakilala ni Doralyn. Kimi na ngumiti naman ako sa mga ito. Habang kumakain ay ang daming kuwento ni Doralyn. Nahinto pala siya sa pag-aaral mula nang makapag-asawa. May two years old na siyang anak.


"Nakatapos pala sina Rosethel at Paula sa pag-aaral." kuwento niya. "Si Rosethel, dito rin sa Epza nagtatrabaho. Sa office siya. Kow, yabang kamo!"


Tahimik lang naman ako habang nagsasalita siya.


"Vivi, ikaw hindi ka talaga nakapag-college, di ba? Nabuntis ka agad pagkatapos ng high school graduation. E kayo pa ba ng nakabuntis sa 'yo?"


Umiling ako habang nakayuko sa kinakain.


"Isaiah Gideon pangalan ng nakabuntis sa 'yo, di ba? Nakikita ko iyon dati na pumapasok sa Lyceum, e. Ang guwapo, kaso isnabero. Hindi ako pinapansin pag tinatawag ko."


"Engineer na siya sa Manila," mahinang sabi ko.


"Naku, nakatapos pala si Isaiah? Malamang mas maraming babae na ang hahabol ngayon sa kanya. Marami pa namang magaganda roon sa Manila. Mga fashionista, college graduate, at iyong may magagandang trabaho pa!"


Nagpatuloy ako sa pagkain kahit parang nawalan ng lasa bigla ang kinakain ko.


"Maganda ka pa rin naman, Vivi," sabi pagkuwan ni Doralyn. "Kaya lang, wala kang natapos, factory worker, at hindi ka sosyal. Malayong-malayo ka na kay Isaiah, beh. So, hindi na kayo bagay."


Pagkatapos kong kumain ay tumayo na agad ako. Hindi ko na hinintay si Doralyn na makatapos.


"Hoy, Vivi! Ano ba 'yan? Hanggang ngayon pikon ka pa rin?! Para tayong hindi best friends, ah!"


Hindi ko na siya nilingon pa. Blangko ang aking mga mata na bumalik na trabaho ko.



UWIAN. 5:00 a.m. ang out ko sa Epza. Minsan may over time na isang oras. Nagmamadali ako dahil mahirap abutan ng traffic pauwi sa Tejero. Ang Tejero junction sa lugar namin sa General Trias ay madalas na traffic kapag rush hour.


Pagkatapos sa trabaho ay deretso ako sa PK2. Kahit hilo na sa antok ay hindi puwedeng hindi ako pupunta kay Vien. Sa umaga ay ako pa rin ang nag-aasikaso sa bata sa pagpasok nito sa school.


"Vivi, hindi ka ba muna mag-aalmusal?" tanong ni Mama Anya sa akin. Nakita kasi ako nito na ikot ang pwet sa pag-aasikaso sa bata. Pero hindi ako sumabay rito sa pagkain.


Magalang naman ako na tumanggi, "Hindi na po. Ihahatid ko na po si Vien."


"Sige, ako na ang susundo sa kanya mamaya." Naiiling na lang sa akin na nakasunod ng tingin si Mama Anya.


Ako ang gumigising sa bata, nagpapaligo, nagpapakain, naghahanda ng baon, at pati naghahatid dito sa school. Araw-araw ay ganoon ang routine ko. Pagkatapos ay saka pa lang ako makakauwi para makatulog at makapagpahinga.


Bago umalis ay inabutan ko si Mama Anya ng nine thousand pesos. Iyon ang halaga na nabasa ko sa electric bill na naka-magnet sa ref. Iyon ang bayaran ngayong buwan.


Ayaw pang tanggapin ni Mama Anya kung hindi pa ako nagmakaawa. Sa huli ay napilitan na ito. "Ibibigay ko ito kay Isaiah, siya ang pagbabayarin ko sa Meralco."


Tipid na ngiti lang naman ang isinagot ko. Tinawag ko na pagkuwan si Vien para maihatid na ito sa school nito.


Habang nasa tricycle ay kinalabit ako ni Vien. "Mommy ku, hinde na ren nauwi si Daddy ku. Sabado't Linggo na lang den pow."


"Baka marami siyang work sa Manila," kaswal na sagot ko. Ang aking mga mata ay ganoon pa rin, blangko.


Lumabi ang paslit. "E Mommy hinde mo ba nami-miss si Daddy ku? Kase tinatanong ku siya kung nami-miss ka niya, pero sabe niya lang wag maingay, kundi ilalagay niya ako sa sako."


Nahinto sa pangungulit si Vien nang makarating na kami sa nursery school. Parang politikong nangangampanya ang bata pagbaba ng tricycle. Lahat ay tinatawag at kinakawayan.


"Ba-bye, Mommy ku!" Humalik na sa akin si Vien, at doon lang nagkaroon muli ng kislap ang mga mata ko.


"Ba-bye, baby ko. I love you!" Kinawayan ko na ito. Ang cute-cute nito habang papasok sa room. Panay pa ang lingon.


Napabuga ako ng hangin nang wala na ito. Kahit maiksing oras lang ang bonding naming mag-ina araw-araw ay solved na ako. Tanggal na ang pagod ko. Bonus na lang kasi may kiss pa ako.


Paulit-ulit ang routine ko. Pasok sa gabi, asikaso kay Vien sa umaga, pahinga sa tanghali, at pasok ulit sa gabi. Bawal mapagod, bawal sumuko.


Tuwing weekend ay hindi ako pumupunta sa PK2. Sa ganyang araw ay nag-o-overtime ako sa trabaho para hindi ko ma-miss gaano ang anak ko.



FRIDAY. Overtime ako kanina kaya hindi ko naasikaso si Vien. Tutal ay bukas pa ang Sabado kaya naisipan ko na dalawin saglit ang bata. Bumili ako ng pasalubong na prutas, orange at grapes na paborito nito bago ako nag-tricycle papunta sa PK2. 


Pagpasok sa compound ay natigilan ako nang makita ang motor ni Isaiah sa garahe.


Nagtahulan ang mga aso sa kulungan at iyong dalawang pagala-gala ay nilapitan agad ako. Pinagdidilaan ang skinny jeans na suot ko.


"Oy, Vivi!" sigaw ni Mama Anya mula sa screen door ng bahay. "Kulitis, andito mommy mo!"


Alumpihit man ay nagpatuloy na ako sa paglakad. Pumasok ako sa bahay. Sinalubong agad ako ng yakap at halik ni Vien. Tuwang-tuwa ito dahil akala ay hindi raw ako makikita ngayong araw.


Hinalikan ko ito sa noo. "Baby, sorry hindi ka naasikaso ni Mommy kanina, ha? Pangako, babawi si Mommy sa off ko."


Ngiting-ngiti naman ang bungi-bunging bibig ni Vien. "Ice lang, Mommy!"


Ibinigay ko na ang pasalubong kong prutas. Pagkapasalamat ay nilantakan na nito iyon agad.


Magpapaalam pa lang ako na aalis nang sakto na bumaba si Isaiah sa hagdan. Nakapambahay siya. Shirt na blue at jersey na white. Magulo ang buhok niya na mukhang kababangon lang mula sa kama.


"Ma, ini-scam na naman ako ni Kulitis. Hindi iyan natulog. Hinintay lang ako na mauna makatulog kaninang tanghali, 'tapos nilayasan na ako—" Nahinto siya sa pagsasalita nang makita ako.


Kaswal na tinanguan ko lang naman siya. Pagkuwan ay ibinaling ko na ang aking paningin kay Mama Anya. "Pasensiya na po, hindi ko naasikaso si Vien kaninang umaga."


"Okay lang, Vivi." Ang mga mata ni Mama Anya ay pinagmasdan ako. "Aba, bakit parang namamayat ka na naman yata?"


Kiming ngumiti ako. "Nanibago lang po dahil panggabi ang pasok."


"Asus! Sabihin mo, hindi ka na naman nagkakakain. Tamang-tama, may inuwing pagkain kanina si Isaiah. Kumain ka muna!"


"Hindi na po," magalang na tanggi ko. Sa peripheral vision ko ay nakikita ko ang lalaki na nakatingin sa akin.


"Aalis ka na agad? Dito ka na kumain, Vivi," insist ni Mama Anya. "Malamang di ka pa nakain. Sumabay ka na sa amin sa hapunan, maaga pa naman."


"Hindi na po talaga. Kailangan ko pong pumasok na habang hindi pa traffic sa Tejero." 


Nilapitan ko si Vien na nakaupo sa sofa habang ngumangabngab ng grapes. Hinalikan ko na ito at niyakap, saka nagpaalam na ako.


Nagpaalam na rin ako kay Mama Anya. Bago umalis ay nilingon ko rin muna si Isaiah. Tinanguan ko siya bilang pagpapaalam, saka ako tuluyan nang pumunta sa pintuan.


Palabas na ako ng gate nang may magsalita sa likuran ko.


"Bakit binayaran mo ang bill namin sa kuryente ngayong buwan?"


Kahit hindi ako lumingon ay kilala ko ang boses niya. Baritono at maaligasgas ang boses na may kaunting hingal.


Kaswal ang ekspresyon ko nang lingunin siya. "Nakitira ako rito at nakigamit sa kuryente niyo. Natural lang siguro na magbigay ako ng ambag ko."


Nagsalubong ang makakapal niyang kilay.


"Pasensiya na iyon lang muna sa ngayon ang maambag ko. Kasisimula ko lang kasi sa trabaho, pero kapag nakabwelo na ako, magbibigay pa ulit ako."


Umigting ang panga nya.


"Sige alis na ako. May pasok pa ako e." Paglabas ng gate ay may dumaang jeep. Hindi ko na binasa ang karatula kung anong biyahe, sumakay na agad ako roon.



WALANG PASOK SI VIEN. Sabado kaya nag-OT ako ng dalawang oras. Pag-out ay napansin ko na bukas ang aking locker. Sa sobrang lutang ko ay nakalimutan ko yata iyong i-lock.


Nasa baby bus na ako nang mapansing nawawala ang purse ko sa bag. Kahit anong aking gawing kalkal ay wala talaga. Mabuti na lang at may naiipit akong dalawang buong twenty pesos sa aking dalang notebook. Iyon ang ginamit ko na pamasahe.


I was too tired to think about what happened to my purse. Ipinagpapasalamat ko na lang na hindi ko nadala ang aking wallet kung saan naroon ang mga IDs ko at iba kong pera. Ang phone ko naman ay naka-deposit sa guard.


Ang problema ko ngayon ay kulang ng tatlong piso ang pamasahe ko sa jeep pauwi ng Buenavista. Para hindi ma-short ay nagpababa na lang ako kahit malayo pa.


Mahilo-hilo ako antok, uhaw, at gutom. Nakadagdag pa na mataas na ang sikat ng araw habang naglalakad. Pagkauwi ay para na akong hihimatayin sa pagod.


Hindi ko na magawang umakyat pa sa itaas para palitan ang basa kong damit sa pawis. Ni hindi ko na nabuksan ang electric fan. Paghiga ko sa sofa ay nakatulog na ako agad.


Naalimpungatan na lang ako bandang hapon. Komportable ang akinig pakiramdam. Sa pagmulat ko ay nangunot ang aking noo dahil nakatutok pala sa akin ang electric fan. Hindi ko naaalala na binuksan iyon kanina.


Pagbangon ko sa sofa ay napakapa agad ako sa aking likod, hindi na ako basa ng pawis. Pero hindi iyon ang ikinabahala ko, kundi iyong bimpo na nasa likod ko. Sino ang naglagay ng bimpo sa likod ko?!


Napatingin ako sa kusina nang makarinig doon ng kalansingan. Kasunod ay may naamoy ako na nakakatakam na aroma ng inilulutong pagkain.


I quickly peeked to see who was in the kitchen. Isang matangkad na lalaki na nakasuot ng shirt na puti at sweat pants ang nakatalikod habang nagluluto sa kalan.


Nang maramdaman ang aking presensiya ay saka ako nilingon. Isang matamis na ngiti ang ibinigay sa akin ng mapula niyang mga labi.


Nangilid ang luha sa mga mata ko kasabay ng pag-iinit ng aking puso. "Eli..."


"Hello. Gising na pala ang mahal na prinsesa." Nakangiti pa rin siya nang ilagay sa mesa ang iniluto niyang putahe.


Napalunok ako dahil ang niluto niya ay ang isa sa paborito ko, kare-kare. Ang bango-bango. At meron ding mga prutas sa mesa.


"Pasensiya ka na, pumasok na ako. Nag-alala na ako dahil sabi ni Mama nandito ka naman daw, pero kahit anong tawag ko ay walang nagbubukas. Kaya ayun, sinungkit ko na lang iyong pinto niyo sa kusina para makapasok ako."


Inginuso niya ang pinto sa kusina. May teknik kami roon kung paano susungkitin, naaalala pa pala niya.


"Pagod na pagod ka siguro kaya hindi mo ako narinig. Basang-basa ka pati ng pawis. Baka magkasakit ka kaya nilagyan na kita ng bimpo sa–"


Doon ako natigilan. Maski si Eli ay napahinto sa pagsasalita. Napatitig siya sa akin kasabay ng pagdidilim ng kanina'y maaliwalas niyang mukha.


"Eli, nakita mo ba..." kabadong sambit ko.


Kahit nasa mga mata niya ang kuryosidad at pagtatampo ay sinikap niyang ngumiti nang tipid. "'Wag mong pilitin ang sarili mo kung hindi mo kaya. 'Wag kang mag-alala, kahit kailan mo gustong ikuwento, makakapaghintay naman ako."


Napangiti na rin ako. "S-salamat, Eli..." Itinaas ko ang aking dalawang kamay at nag-double thumbs up sa kanya. "T-the best ka talaga..."


Napailing siya at napangisi na. "Sus. Galing mo pa ring mag-uto."


Lumakad siya at niyakap ako nang magaan. Gumanti naman ako ng magaan din na yakap sa kanya. Nakita ko ang pagpipigil ng luha sa mga mata niya. 


Ngumisi ulit siya sa mas pinasiglang boses. "O ano pang hinihintay mo riyan? Kainin mo na ang niluto ko, kundi hindi ay iiuwi ko sa amin 'yan!"


Napabungisngis na ako. "Hindi puwede! Dito mo iyan niluto kaya dito lang 'yan!"


Sabay na kaming kumain ni Eli. Nag-uunahan kami sa pagkuha ng plato katulad dati. Para kaming bumalik sa pagkabata, nagugulangan sa ulam at sa kanin.


Habang nasa hapag ay nagkakuwentuhan din kami. Saturday-Sunday pala ang off ni Eli. Hindi niya ugaling umuwi palagi kahit weekend. Pero dahil nami-miss niya na raw ang mama niya, kaya palagi na raw siyang uuwi ngayon.


Pagkaalis ni Eli ay saka ko lang nakita na may text pala si Mama Anya. Three hours ago na. Hindi ko narinig ang text notification katulad ng hindi ko rin narinig ang mga katok at tawag ni Eli kanina.


Pinapapunta pala ako ni Mama Anya sa PK2. May lakad daw ito kasama si Papa Gideon. Wala si Isaiah kaya walang mapag-iiwanan kay Vien. Wala rin daw sina Tita Roda at Tito Kiel dahil sinundo kanina ni Arkanghel.


Nag-reply ako kay Mama Anya, pero wala itong sagot. Naligo na ako saka pumunta sa PK2. Pagpasok ko sa compound ay naroon pa ang van. Mabuti at nakaabot pa ako.


Dahil sa pagmamadali ay hindi ko napansin ang motor na nasa garahe. Dere-deretso ako ng pasok sa screen door.


Hapon pa lang pero madilim na sa sala dahil patay ang ilaw at sarado ang mga bintana. Dagdag pa na malabo na ang aking mata kaya wala akong gaanong makita.


Naisip ko na baka nasa itaas ang mga tao. Ang balak ko ay magtawag sa hagdan kaya pahagis ko munang binitiwan ang aking dalang bag sa sofa. Nang biglang may bumangon mula roon.


"Fuck, ano ba?!"


Muntik na akong mapatili dahil hindi ko napansin na meron pala roong nakahiga. Bumangon ang matangkad na lalaki na ang suot lang ay jeans at medyas. Walang pang-itaas. Namilog ang mga mata ko nang makilala siya—si Isaiah!


Akala ko ba wala siya rito?! Bakit nandito siya? At ang itsura niya ay magulo-gulo pa ang buhok na mukhang nagising lang dahil sa pagtama sa kanya ng bag ko.


Ang bag ko na nalaglag sa sahig dahil sa pagbangon niya ay agad kong dinampot. "S-sorry. Hindi kita nakita. Hinahanap ko sina Mama Anya."


Nagulat din siya nang makita ako. "Wala sina Mama rito. Nasa Tanza. Nag-commute lang sila."


"S-si Vien?"


Nagkamot siya ng leeg. "Isinama yata. Wala e."


Pagtingin ko sa phone ay saka lang nag-reply si Mama Anya. Akala raw pala nito ay hindi na ako pupunta dahil ang tagal kong mag-reply. Hindi rin nito alam na uuwi ngayon si Isaiah kaya isinama na nito si Vien.


Napalunok ako. Nang mag-angat ako ng paningin ay nakatingin pa rin si Isaiah sa akin.


"Ah, ganoon ba. Sige. Babalik na lang ako sa Lunes." Tinalikuran ko na si Isaiah at tinungo na ang pinto. Palabas na ako nang marinig ang malamig na boses niya.


"Paano mo maaalagaan si Kulitis kung nagtatrabaho ka?"


"Kinakaya ko naman," sagot ko na hindi tumitingin sa kanya.


"Sa tingin mo ba sapat iyon?"


Napabuga ako ng hangin saka siya hinarap. Kalmado ang aking ekspresyon maski ang boses nang magsalita, "Isaiah, kung hindi ako magtatrabaho, saan ako kukuha ng kakainin ko?"


Hindi siya nakapagsalita.


"'Wag kang mag alala, kahit may trabaho na ako, hindi ko naman kakalimutan ang responsibilidad ko." Isang kaswal na ngiti ang ibinigay ko sa kanya. "May sasabihin ka pa ba? Kung wala na, aalis na sana ako."


Umalon ang lalamunan niya at naglapat ang kanyang mga labi, subalit wala siyang ni isang salita na nasabi.


"Sige, Isaiah, una na ako. Pasabi na lang kina Mama— sa mama at papa mo na napadaan ako."


Pagkatapos ay iniwan ko na siya na tigagal gitna ng sala nila.


JF

#SerialCharmerbyJFstories

Continue Reading

You'll Also Like

931K 18.2K 18
The Billionaire's Group Series - Batch I - 1 Matagal ng mahal ni Claire Yu si Gabriel Andrei Tan, isang tanyag na surgeon sa Pilipinas. Kaya ng hilin...
23.5M 596K 39
"I'm not harmless as you think I am." - Santi Montemayor Old title: ILY, Master Magbabantay, magtatanggol at magiging sandalan niya lang dapat ang la...
267K 16.6K 10
This guy is bad news. Pretending to be cute and nice while hiding an evil inside. Although Zandra Asuncion dislikes Michael Jonas Pangilinan, she gra...