The Better Half

By LenaBuncaras

6.2K 643 289

Pia x Ferdz story 03/22/2023 - 03/27/2023 More

The Better Half
Propose Ka Muna
Ang Aktibista
Ang Bio Student
Mutualism Kuno
El Kyu
The Other Half

Future Plans

622 80 34
By LenaBuncaras


"Mabuti naman at hindi na kita makikita sa subject ko sa susunod na taon."

Ang dami kong gustong sabihin sa prof ko sa comparative politics pero nginitian ko na lang siya nang sobrang pilit habang nagpapapirma ako ng clearance kasama ng grade ko sa subject niya.

Sa wakas, naka-graduate din ako sa pagiging sophomore, third year na ako sa June. Kailangan ko nang seryosohin ang pag-aaral ko para hindi na ako magdagdag nang magdagdag ng taon sa kolehiyo.

Pag-alis ko sa faculty na halos mapuno na ng mga estudyanteng naghahabol din ng grades nila, kinawayan ko agad si Ferdz na nag-aabang sa poste ng building.

"'Musta?" tanong niya.

"'Yoko nang bumalik doon hahaha!" Ipinagpag ko sa hangin ang papel na may laman ng grade ko. 2.75, isang pitik na lang, bagsak na sana.

Sabay kaming naglakad ni Ferdz paalis ng building. Siya, okay na ang grades niya. Kung tutuusin, ang ganda ng mga numero sa grading card niya, baka makapag-cum laude pa siya kung magtutuloy-tuloy.

"Summer na, plano mo?" tanong ko sa kanya.

"Since bakasyon naman, probably sasama ako sa medical drive ng parents ko ngayong summer. Mag-iikot-ikot yata sila sa mga baranggay. Ikaw? Plano mo?"

"Malamang, uuwi ako sa amin," sabi ko. Napalingon-lingon ako sa paligid—sa mga punong nadadaanan namin at sa campus na ang daming estudyante at hindi estudyanteng naglalakad-lakad.

"In good terms ka naman sa parents mo, di ba?"

Napalingon ako sa kanya saka natawa nang mahina. "Oo naman," sagot ko. "Hindi lang ako umuuwi nang madalas kasi wala rin naman akong ginagawa sa bahay. Magtetelepono lang ako r'on o kaya maghapong matutulog."

"Sama ka na lang sa 'kin. Ipapaalam kita sa papa mo. Sabihin ko, community service tayo ngayong summer."

Nanlalaki ang mga mata ko habang nakangisi kay Ferdz. "Sige, sige! Sama!"

Lalaki si Ferdz. Inasahan ko nang mahihirapan siyang kausapin ang daddy ko lalo kasi usapang galaan. Pero kilala na yata siya ni Daddy, pagdating niya sa bahay, komportable na silang nakakapag-usap.

"Kumusta na mama mo?" tanong ni Daddy kay Ferdz nang sabayan kami sa lunch.

"Busy po siya ngayon, Councilor. Nagpe-prepare po kasi ang team niya para sa medical drive ngayong summer."

"Sabihin mo, tumawag sa opisina ko kung kailangan niya ng mga mag-a-assist sa mga baranggay para makatawag agad ako sa LGU."

"Will do po, Councilor."

Pasimple akong umiirap sa gilid. Malamang kasi kapag nakipag-coordinate kay Daddy ang parents ni Ferdz, pagdating doon sa mga baranggay, napakaraming tarpaulin at kung ano-anong papel na may mukha ng tatay ko at pangalan namin ang nakakalat doon para lang masabing may ginagawa siyang trabaho kahit wala naman.

Napakagaling na credit-grabber ng daddy ko. Kaya nga kung mabuwisit man ako sa mga politikong gaya niya, siguro naman sapat nang dahilan ang ganito.

"Siya nga po pala, Councilor," nakangiting dagdag ni Ferdz. "Puwede ko pong isama si Sophia sa medical drive namin? Magko-community service lang po kami ngayong summer. Ako po magbabantay sa kanya."

Nakikiramdam ako kung magwawala si Daddy sa paalam ni Ferdz, pero kabaligtaran ng inaasahan ko ang sagot niya.

"Magandang idea 'yan!" masayang sabi ni Daddy bago ako binalingan. "Sumama ka kay Fernando. Kausapin mo ang mga LGU roon. Hihingi ako ng kopya ng mga baranggay na pupuntahan n'yo para maitatawag kita sa mga kagawad."

Hindi ko alam kung ipagpapasalamat ko bang pumayag si Daddy na sumama ako kay Ferdz o maiinis kasi nahanapan pa ng oportunidad ng tatay ko itong pagsama ko kay Ferdz para sa pangarap niyang pagtakbo ko bilang congresswoman sa future.

"Nakakainis daddy ko, 'no?" sabi ko kay Ferdz nang dalhin ko siya sa kuwarto ko sa bahay. "Gusto niya talaga akong ibato nang buhay doon sa lugar na maraming buwaya."

Tinawanan lang 'yon ni Ferdz habang ine-enjoy niya ang pag-ikot-ikot sa swivel chair ko.

"Noong sinabi mong hindi ka poor kid, ang inisip ko, baka same lang tayo ng social standing," nakangiting sabi ni Ferdz, nakatingin sa akin kahit paikot-ikot siya sa upuan. "Yung room ko sa bahay, para lang din unit ko sa Centennial."

"Makalat din."

"Yeaaah!" Saka siya tumawa. "'Laki ng kuwarto mo. 'Kainggit."

Isa sa mga dahilan kaya ayoko sa bahay, ramdam kong mag-isa lang ako kasi ang lawak ng lahat. Ang kuwarto ko, sinlaki ng apat na unit namin sa dorm. Siguro dalawang pinagtabing unit niya sa Centennial.

"Para ka palang prinsesa rito sa inyo." Dinampot niya ang isa sa snow globe ko sa study table saka inalog 'yon. "Bakit ka nag-stay sa dorm n'yo? Parang puwede ka namang umuwi rito sa bahay any time."

"Bibiyahe pa 'ko?" sagot ko sa kanya. "E, sa dorm ko, babangon na lang ako saka tatawid sa kalsada, nasa classroom na agad ako."

"Sa bagay. That's considered. Pero puwede ka namang kumuha ng dorm na maganda, like sa dorm ko."

"Wala rin naman 'yan. Hindi rin ako masyadong nagtatagal sa dorm. Gastos lang, hindi naman masyadong nagagamit."

Welcome na welcome si Ferdz sa bahay namin. Okay si Daddy sa kanya kasi may pakinabang ang pamilya nila sa pagiging konsehal ng daddy ko. Ang obvious na ginagamit lang ni Daddy ang pagiging charitable ng mga Mendoza para mas maging pabor ang pangalan namin sa darating na eleksiyon. Kapag nga naman mukhang may ginagawa ang daddy ko kahit pa wala naman talaga siyang ginagawa, as long as may mukha niya sa kung saan-saang baranggay, okay na 'yon.

Sumama ako sa medical drive nina Ferdz. Sampung baranggay ang pupuntahan nila nang buong summer. May dental, medical checkup, libreng tuli, saka bloodletting drive na ka-partner nila ang Red Cross at mga local government unit under ng social welfare.

Mas na-appreciate ko ang ginagawa ng pamilya niya kahit pa sa unang baranggay, halos hindi kami makapag-usap nang matagal kasi umiikot siya, nag-a-assist ng mga nanay na naghahanap ng pila. Tapos ako, kinakausap ang mga tinawagan ni Daddy para malaman kung nasa area ba ako. Kinakampanya ko naman ang tatay ko kahit na ayoko. Ang ginagawa ko na lang, makikipagkamay ako sa mga nanay, tatay, lolo, at lola roon tapos dadalhin ko na kay Ferdz para papuntahin sa kung saan ba sila dapat pumunta.

Alanganin pa ang lunch time namin. Alas-dos na ng hapon kami nakakain kasi pinakain pa namin ang mga batang under ng feeding program.

"Nakakapagod na nakakabuwisit pala sa ganito," natatawang sabi ko kay Ferdz.

Nakapagtago kami sa likod ng malaking van na puro mga bag na puro grocery ang laman ang nasa loob. Ipamimigay 'yon mamayang hapon. May ambag naman ang daddy ko sa mga grocery. Kanya galing, may mukha at pangalan pa nga niya kada bag, nakakairitang tingnan. Parang gusto ko na lang ipalipat sa ibang plastik ang laman, yung walang mukha niya.

"Kapag doctor na 'ko, pupunta talaga ako sa mga province para doon na kami makakapag-medical service," sabi ni Ferdz, nakatanaw sa court na maraming batang naglalaro habang naghihintay ng pamigay ng daddy ko.

"Magdodoktor ka?" tanong ko habang nakatitig sa kanya.

Masaya naman siyang tumango nang bumaling sa akin. "Sobrang kaunti lang kasi ng nagse-service sa mga liblib. Noong nagpunta kami sa isang island somewhere sa Batangas, wala talaga silang doctor doon."

"Isla?" usisa ko.

"Yeah! Yung mga bata doon, ang lalaki ng tiyan tapos ang papayat. Sobrang evident ng malnourishment kahit sa mga lactating mother. Ang daming batang namamatay sa gutom saka sa diarrhea. Ang dami nilang anak tapos walang maayos na financial support ang family. Ang pagkain nila, kamote saka gabi lang. Wala rin masyadong rice saka ulam. May mga manok na nakakatay saka isda, pero yung needed na kailangan ng katawan, wala talaga."

"Sumasama ka sa mga liblib? Ano 'yon? Kasama parents mo?"

"Yes. Kaya rin gusto kong mag-take ng medicine. Ang daming health concerns na hindi nai-inform sa mga nasa province kasi walang pumupuntang doktor or galing sa social welfare sa kanila. Most of the time, mga private pa ang dumadayo sa kanila para lang mag-seminar."

"May bayad ang parents mo sa ganoon? Binabayaran ba sila ng government kapag may public service sila?"

Mabilis siyang umiling. "Madalas, for free lang talaga. More of parang sinumpaang tungkulin, gano'n. Marami pa kasing hindi abot ng medical knowledge outside dito sa city. So, we're trying to reach out."

"Hindi ba awkward kapag . . . gaya nito . . ." Itinuro ko ang laman ng van na puro loot bag na may mukha ng daddy ko. "Kapag nakikipag-coordinate kayo sa LGU, may mga ganitong nagnanakaw ng credit sa kawanggawa ninyo. Of course, iisipin ng tao, daddy ko ang nag-initiate nitong medical drive hindi ang parents mo. Wala akong makitang mukha ng kahit sinong Mendoza sa mga tarpaulin dito sa court, puro mukha ng daddy ko, e."

"Hmm . . ." Napanguso naman siya. "Aware naman diyan ang parents ko. Hindi first time, actually. Nag-a-agree na lang sila kasi . . . gaya before, hindi sila nakapag-conduct ng medical drive kasi hinarang sila ng LGU kasi hindi sila pumayag sa conditions. Lugi ang mga tao na sana matutulungan. Hindi puwedeng pride mo lagi ang paiiralin."

"Nakakabuwisit talaga madalas ang mga taga-gobyerno. Ginagawang tanga lahat ng tao, e."

Sa buong summer na 'yon, may satisfaction akong naramdaman na sobra pa sa nararamdaman ko kapag sumasama ako sa rally. Siguro kasi iba ang paraan ng pagtulong ko sa medical mission kasama si Ferdz kaysa sa pakikibaka. Nakakapag-serve ka kasi sa mga tao na direct mo silang natutulungan kahit na alam mo namang nandoon ka lang kasi papansin ang tatay mong politiko.

"Nakapag-enroll ka na?"

Nilingon ko si Ferdz mula sa pagkakahiga, nakatitig lang siya sa malinis na langit habang nagpapahangin kami sa damuhan.

"Sa Monday pa 'ko. Iipunin ko muna units ko kasi may elective na 'ko next sem," sabi ko. "Ikaw?"

"Nakapag-enroll na 'ko kahapon. Nilakad ng assistant ng mommy ko sa registrar. Gusto mo, samahan na lang kitang mag-enroll sa Monday? Wala naman akong gagawin."

"Sige ba."

"After graduation, work ka na?" tanong niya.

"Papasok akong law school. Gusto ko talagang mag-abogado."

"Hindi ka nag-fraternity?"

Nagusot lang ang dulo ng labi ko. "Baka doon na lang din sa law school ako sumali. Ayoko sa ngayon. 'Daming gago sa mga namumuno, e. Pagtitripan ka lang. Ikaw, med school, 'no?"

"Yeah. Kapag pumasa sa NMAT, deretso med school na. Kung papasa man."

"Papasa ka, ikaw pa ba?"

Natawa na naman siya nang mahina paglingon sa 'kin. "Sana kapag graduate ka na sa law school, puwede pa rin kitang isama sa medical mission. Daan tayo sa mga probinsiya, gano'n."

"Hahaha! Tange, kahit walang medical mission, talagang dadayo akong probinsiya. Daming kailangan abogaduhan doon, e. Sabi ko nga, di ba, magsasauli ako ng lupa ng mga taga-province kapag naging abogado ako."

"E di, sama na lang tayong dalawa kapag dadayo ka ng probinsiya. Tapos dala na lang ako ng maraming pagkain."

Lalong lumakas ang tawa ko. "Sana maka-graduate tayo agad."



♥♥♥



Isang buong summer kong sinamahan si Ferdz sa medical drive nila ng pamilya niya habang dala ko ang apelyido ng tatay kong pabuhat lang naman kung tutuusin.

Nang sumunod na taon, hindi inasahan ang lahat na magkakagulo sa buong bansa kasi bumaba ang ekonomiya, hindi nila gusto ang presidente, lalabas ka ng kalsada, makakasalubong mo, naglalakihang mga tangke saka mga sundalo.

Ayaw ni Ferdz na makita akong nasasaktan dahil sa pagsama-sama ko sa mga rally, pero nasa kalagitnaan pa lang kami ng taon, unang beses niya akong samahan sa ipinaglalaban ko.

Nasa gitna kami ng kalsada, bilad kami sa araw, nakatayo kami roon at nakikinig sa speaker na nagsasalita sa gitna.

Katabi ko si Ferdz, may hawak siyang makapal na medical book, binabasa niya 'yon habang takip-takip niya ang ulo ko ng tuwalya na pinatungan niya ng kamay kasi liliparin ng hangin kung hindi.

"Pinapatay nila ang mga mamamayang dapat pinaglilingkuran nila! Sa pagkahuli ni Ka Abel, pinatunayan lang nilang hindi na umiiral ang hustisya sa bayang ito!"

Si Ka Abel ay isang ekonomista at propesor sa unibersidad kung saan kami nag-aaral ni Ferdz. Hinuli siya sa hindi malinaw na kaso. Sinasabi nilang nagtatraydor daw sa bayan, na nagre-recruit ng mga mag-aaklas laban sa gobyerno—pero ni isa sa mga bintang nila, wala pang nakitang ebidensiya o kahit anong pagpapatunay na nangyayari ba.

"Hindi tayo dapat pumapayag sa pang-aapi ng gobyerno! Ibigay nila ang tulong at serbisyong binabayaran natin ng ating mga buwis!"

Mula Loyola, nilakad namin hanggang Sandiganbayan. Inaalalayan ko si Ferdz na nagbabasa habang naglalakad. Takip-takip pa rin niya ng towel ang ulo ko. Hindi kami puwedeng magdala ng payong kasi sisitahin kami kaya kailangan naming magtiis.

Pagdating namin sa Sandiganbayan, nangalampag na ang grupo namin para kay Ka Abel at sa pagpapalaya sa mga may kaso ng katiwalaan sa gobyerno.

"Palayain si Ka Abel! Ikulong ang mga kurakot sa pamahalaan!"

May mga nagtatambol, may mga paulit-ulit ang isinisigaw. Isa ako sa mga humahawak ng board na may nakasulat na "Palayain si Ka Abel!"

Ilang minuto kaming sumisigaw sa ipinaglalaban namin nang umagang 'yon hanggang sa dumating ang mga pulis, binarikadahan kami, mula kina Ka Benjie, itinulak kami paatras.

Nagsiatrasan ang mga nasa unahan, at muntik nang mabitiwan ni Ferdz ang binabasa niyang libro nang mabunggo siya ng nasa harap namin.

"Ano'ng nangyayari?" tanong niya, palingon-lingon sa paligid.

"Palayain si Ka Abel!"

Nagsunod-sunod ang sigawan, mula sa harap, itinulak pa kami ng mga pulis paatras. May nagbato ng kung ano at tumama sa kabila. Nagkakahampasan sa unang hilera.

"Mga berdugo kayo! Mga wala kayong awa sa mga kapwa ninyo Pilipino!"

Nagkagulo na naman. May nakatapak sa sapatos ko. Napaatras ako at natumba sa kalsada.

"Pia!"

Hinatak ako ni Ferdz para itayo pero nanlaki ang mga mata ko nang hampasin siya ng pulis mula sa likod kaya pati siya, napasubsob na rin sa kalsada sa tabi ko.

May nakatapak sa kamay ko. May sumipa kay Ferdz mula sa likod. Dumampot na lang ako ng kahoy na may plakard doon at pinaghahampas ko sa mga umaatake sa amin.

"Mga salot kayo! Dapat sa inyo, pinapatay!" sigaw ng isang pulis sa amin na hahampasin sana kami ng pambarikada nila.

Dinampot ko ang nakakalat na libro ni Ferdz sa kalsada, sinipa ko sa sikmura ang pulis na manghahampas sana saka ko siya tinadyakan sa tiyan.

"Wala kang kuwentang pulis! Ikaw dapat ang pinapatay rito!" sigaw ko bago ko hinatak patayo si Ferdz saka kami tumakbo gaya ng ibang umatras na lang din bago pa kami hulihin isa-isa.

Sa dami ng rally na napuntahan ko, 'yon ang unang beses na naramdaman kong ayoko nang bumalik ulit sa susunod.

Nakabalik kami ni Ferdz sa Centennial na tahimik lang kaming dalawa. May galos siya sa noo saka bukol, pero walang malalang sugat sa mukha. Pero ang pasa niya sa likod, hindi na talaga kayang itago. Bakat ang korte ng batuta roon ng pulis. Malakas yata ng pagkakahampas sa kanya.

Nakaupo lang ako sa harap ni Ferdz, nilalagyan ko ng iodine ang noo niya. Nakatulala lang siya sa harap, hindi talaga siya umiimik.

"Siguro, huwag ka na lang sumama next time," sabi ko. "Para hindi ka nadadamay sa sinasaktan nila."

"Nagbabasa lang ako, Piyang," balisa niyang sagot. "Nandoon lang ako nakatayo. Nagbabasa lang ako. Wala akong ginagawang mali sa puwesto ko. O kahit kayo. Wala namang nag . . . wala namang nag—" Hindi niya matapos-tapos ang sinasabi niya. Nanginginig lang ang labi niya habang nakatulala sa harapan.

Ang lalim ng paghinga ko at hindi ko na alam kung maaawa ba ako o magagalit pang lalo sa mga pulis na 'yon.

"Wala naman silang pinipiling saktan. Pasensiya ka na, nadamay ka pa."

Masakit ang paa at kamay kong ilang beses natapakan. Nakabenda na lahat ng daliri ko kasi puro gasgas, may hiwa pa sa dalawang daliri. Wala naman akong ibang natamong sugat, pero si Ferdz ang nakarami ngayon.

Buong araw na 'yon, alam kong masama ang loob ni Ferdz sa nangyari. Nakahiga lang siya sa kama, nakatulala sa harapan. Hindi ko siya nakausap nang maayos. Napagastos pa ako kasi ako pa ang bumili ng kakainin naming dalawa mula tanghalian hanggang hapunan, pero ayos lang sa akin. Minsan ko lang din naman siyang gastusan kasi siya naman ang gumagastos para sa aming dalawa sa halos araw-araw.

Pagdating ng gabi, mas ramdam ko ang sama ng loob niya. Doon lang kasi siya nag-ingay.

"Tatandaan ko ang mukha ng pulis na 'yon," balisang sabi niya. "Tatlo sila. Yung isa, nakita ko ang pangalan. Consuelo. Nagbabasa lang ako. Wala akong ginagawang masama. Wala rin silang karapatang manakit kasi wala naman sa inyong nananakit doon sa lugar na 'yon. Ni hindi nga tayo nakalapit doon sa gate. Nandoon na nga tayo sa gitna ng kalsada. Bakit nila kailangang mamalo? Bakit nila kailangang manipa? Bakit nila kailangang manulak? Bakit nila kailangang sabihang papatayin tayong lahat dahil lang nandoon tayo?"

Buong gabi, hindi ko mabilang kung ilang beses sinabi ni Ferdz na tatandaan niya ang mukha ng mga pulis na nanakit sa kanya, kung ilang beses niyang tinanong ang mga bakit niya sa mga pulis na 'yon, kung ilang beses sumama ang loob niya kasi nirerepesto niya ang trabaho ng mga pulis gaya ng pagrespeto niya sa trabaho ng mga doktor, pero ganoon ang naranasan niya.

Ultimo matutulog na lang kaming dalawa, uulitin na naman niya na hindi niya kalilimutan ang mukha ng mga pulis na nanakit sa kanya at nakatulog na lang ako sa naulit na namang reklamo niya tungkol sa naranasan niya sa rally na 'yon.



♥♥♥



"Kailan yung susunod n'yong rally?"

Napahinto ako sa pagnguya ng almusal nang magtanong si Ferdz. "Ha?"

"Sasama ulit ako."

Nanukat agad ang tingin ko sa kanya dahil doon. "Kung iniisip mong gumanti sa mga pulis na 'yon, huwag ka nang mag-attempt."

"Hindi ako gaganti."

"O, bakit ka sasama?"

Biglang lumapad ang ngisi niya sa akin. "Wala ka kasing sugat ngayon sa mukha."

"Kasi yung sugat, nasa mukha mo, bange."

"Oo nga!"

"O, bakit parang masaya ka pa?"

"Kasi safe ka pa rin. Kaya sasama ulit ako next time para safe ka ulit."

Malay ko kung seryoso ba siya sa sinabi niyang 'yon, pero hindi na ulit ako nakasama sa rally pagdating ng second sem kasi kailangan kong mag-take ng OJT at doon ako nag-apply sa city hall.

Doon ko mas naramdaman na hindi na kayang magtagpo ng schedule namin nina Tonying kasi nag-OJT sila sa ibang lugar. Si Tonying sa DECS; si Paneng sa Philcoa. Gusto ko sana sa DAR pero hindi pa ako nakakatapak para sa interview, pinadalhan na agad ako ng notice na dine-decline nila ang application dahil sa mga "bad record" ko. O baka kilala na nila ako roon kasi madalas akong mangalampag para sa lupa ng may lupa.

Sa iilang subjects na lang kami nakakapagkita nina Tonying, natutulog pa kaming tatlo sa klase kasi alanganing oras pa. Pagod kami sa OJT, night class pa ang papasukan. Natural, tulog kami sa klase.

Siguro kung may naging consistent lang sa schedule ko kahit hindi ko naman ka-schedule, si Ferdz na 'yon. Pupunta siya ng lobby sa city hall, tatambay roon sa guard post habang naghihintay. Magsasabay kami ng lunch na n'on.

Kaya rin siguro hindi na naiwasan ng mga taga-city hall na magtanong kasi araw-araw 'yon, e. Wala pa akong duty na hindi nila nakita sa lobby si Ferdz.

"Nobyo mo?" tanong ni Ma'am Lolit pag-akyat ko sa opisina. Nakita niya kasi kami ni Ferdz na kumakain sa waiting area sa labas.

"Hindi po, ma'am."

"Nanliligaw?" buyo niya, nakangisi pa.

"Hindi rin po."

"Asus! Asawa mo?"

"Hala, ma'am, hindi!" Nakanguso pa akong umiling.

"Uhm-hmm. Talaga lang, ha."

Minamalisyahan kami kahit ng mga guard, lalo kapag umuulan kasi kahit alanganing oras, talagang magsusundo si Ferdz, dadalhan ako ng kapote saka payong tapos dala na niya ang kotse niya.

Ayokong malisyahan ang ginagawa ni Ferdz, pero napapaisip din kasi ako. Mahigit isang taon na kasi kaming magkaibigan. Noong mga unang linggo, komportable na kasi ako sa kanya. Walang nagbago roon, e. Kung paano ko siya nakasama sa unang linggo na 'yon, after a year, ganoon pa rin siya. Nausisa ko tuloy siya nang hindi na ako matahimik isang gabi.

"Ferdz."

"Yes?'

Nakatingin lang ako sa kanya habang nasa sahig na naman kami ng unit niya. Hindi naman niya ako tiningnan kahit tinawag ko na siya.

"Tinanong ni Ma'am Lolit kanina kung nanliligaw ka raw."

"Ano sabi mo?"

"Sabi ko, hindi."

Tumango lang siya, tutok pa rin sa binabasang libro.

Hindi naman sa umaasa akong sasabihin niyang may plano siyang manligaw. Ayoko pa ngang isipin na meron nga. Pero nadadala kasi ako sa pambubuyo ng mga kasama ko sa city hall, hindi ako natutuwa.

"Pero may plano ka?" kinakabahang tanong ko.

Nakangiti siyang umiling pagharap sa akin. "Wala."

Pilit ang naging ngiti ko nang tumingin sa kanang gilid habang marahang tumatango. "Ah . . . okay."

May kung ano sa loob ko na nadismaya sa sagot niya. Iniisip ko na baka nga pangkaibigan lang itong meron kaming dalawa kasi wala namang nagbago sa kung ano kami mula noong nakaraang taon.

"E di . . . pagka-graduate mo, hiwalay na tayo," alanganing tanong ko.

"Anong hiwalay?" nalilitong tanong niya.

"Hindi, ibig kong sabihin, maghihiwalay ng landas, gano'n."

"Bakit naman?"

"Kasi . . . graduate na tayo e, di ba?"

Natawa naman siya nang mahina, hindi ko alam kung bakit.

"Ang plano ko, pagka-graduate ko, kukuha muna ako ng apartment sa malapit," kuwento niya. "Diyan ka pa rin naman sa College of Law, di ba? Ako, titingnan ko muna kung saan magandang mag-medicine kasi baka mapunta ako sa PGH kapag nag-residency na kung dito pa rin ako. E, di ba, sa Maynila na 'yon? Malayo."

Totoo rin. Sobrang layo, doon na siya sa NBI banda. Pero naisip ko na nandoon din nga pala ang Supreme Court. Baka puwede kaming magkita minsan.

"Kapag nakaipon-ipon na ako, bibili na ako ng sariling bahay. Pero sa ngayon, doon muna ako sa first plan. Pagkakuha ko ng apartment, doon muna tayo titira."

Napakunot naman ang noo sa pinagsasasabi niya.

"Anong doon tayo titira?" tanong ko agad.

"Para magkasama pa rin tayo, di ba?"

Nanunukat ang tingin ko sa kanya at iniisip kung ano ba ang ibig sabihin n'on. Doon kami titirang dalawa habang nag-i-school kami. Puwede rin para hindi na muna ako uuwi. Puwede ring mag-dorm pa rin ako, kaso wala nang manlilibre sa akin ng pagkain.

"Saan ka kukuha ng apartment?" usisa ko.

"Pag-iisipan ko pa, siyempre. Kapag siguro nakapasa na ako sa NMAT, titingin ako ng magandang med school, kung hindi man dito ulit. Pero gusto ko talaga, magkasama pa rin tayo."

"May pambayad ka sa apartment?" tanong ko.

"Meron naman, pero maghahanap pa rin ako ng work para may pambili akong pagkain natin saka mga gamit. May job offer naman na sa 'kin sa hospital ng parents ko, hindi na mahirap makahanap ng work."

"Okay lang sa 'yo, kasama mo pa rin ako kahit after graduation?"

"Oo naman! Tapos kain tayo lagi ng dinner na magkasama."

"Paano kung late na akong makakauwi?"

"Susunduin kita, siyempre."

"Paano kung ikaw yung late na makakauwi?"

"Titingnan ko muna schedule ko, then I'll work it out. Basta gusto ko, magkasama pa rin tayo pagkatapos nito."

Noong mga sandaling 'yon, ang pagkakaintindi ko sa usapan namin, nagpaplano lang kami ng gagawin pagkatapos ng graduation kasi wala talaga kaming kaplano-plano maliban sa gusto kong maging abogado para mabawi ang lupa ng mga nasa probinsiya; at siya, para makapag-medical mission sa mga liblib na lugar.

Nandoon na kami sa plano na 'yon na plano na namin bago pa namin makilala ang isa't isa.

Pero hindi ko lang din inaasahan na sa mismong oras na 'yon, wala akong kamalay-malay na nagpaplano na rin pala kami ng future naming dalawa.


♥♥♥

Continue Reading

You'll Also Like

11.9M 284K 55
Nagpakasal ang isang man-hater na si Sapphire sa isang super "friendly" na lalaki na si Johann for the sake na makuha niya ang mana niya. Magkasundo...
3.7M 88K 19
Saan dadalhin ng twelve years age gap ang pagmamahal ng mapaglarong si Haley sa respetadong vice-mayor na si Gideon? Written ©️ 2014 (Published 2017...
327K 19K 33
2nd Book of Valleroso Series. Cypress Olivier Valleroso. Written©️2022
958K 30.6K 40
(Game Series # 10) Tali coursed through life with ease. Coming from a family full of lawyers, she knew that getting a job would not be a problem. Kai...