MOSES , MOSES

By eliodiarlia

32 0 0

MOSES, MOSES (Ni Rogelio R. Sikat) Dula : MOSES, MOSES - ni Rogelio R. Sikat More

MOSES , MOSES
I
II
III
IV
V
VI

VII

2 0 0
By eliodiarlia

TONY: Ang ipanlaban ninyo sa napakalaking bato’y ang inyong mga kuko!

REGINA: Kay laki ng ipinagbago mo, Tony. Paano ang ibig mong mangyari? Huwag nang lumaban, iurong na ang demanda?

TONY: Mula nang mapatay ang si Itay-sinasabi nating nabaril, para siguro mabawas-bawasan ang lagim, pero ang totoo’y pinatay siya-sinimulan ko nang isipin kung ano ang batas na nararapat dito sa atin,, kung sino ang dapat magpatupad niyon kung ano ang hakbang na nararapat nating gawin. At sa lahat ng libro’y sa Bibliya ko pa nakita ang sagot. Naglalakad ako minsan –pagkaraan ng nangyari kay Aida- nang maalala ko ang sinabi ng ama ni Itay, noong araw na iyon ng libing. “ Kapag buhay ang inutang, buhay din ang magiging kabayaran, na para bang may sisingil para sa kanya.- o para sa atin- ang inutang na buhay ni Itay. Naisip ko, ito’y hindi isang pamahiin, hindi isang kasabihan- ito’y isang simpleng batas, isang kautusan o kahatulang inihabilin ng Diyos kay Moses sa itaas ng bundok sa gitna ng kulog, ng kidlat, ng usok at ingay ng pakakak. Sapagka’t hindi ba sinabi sa Exodus na “buhay sa buhay”. Ito bang nangyari kay Aida’y masahol pa ang pagkamatay? Ngayon, ito ang mga kahatulang nararapat nating sundin: “mata sa mata, ngipin sa ngipin… apoy sa apoy , sugat sa sugat, latay sa latay”. Ito ang aking gagawin: gaganti ako: ako ang gaganti sa kanya.

REGINA: Gaganting paano?

TONY: Papatayin ko siya.

REGINA: (manghihilakbot) Tony!

TONY: May isa pa kayong hindi nalalaman, Inay. Diyan sa abangan ng sasakyan minsan, nang ako’y papuntang eskwela, isinakay ako sa “jeep” ng dalawang bataan ni “Mayor”. “Jeep” iyon ng mga pulis, at ang nagsakay sa akin ay parehong pulis. Nagpaikut-ikot kami, nasa gitna nila ako.Sabi nila’y itigil daw ninyo ang kaso, o ---

REGINA: Mga banta! banta!

TONY: Isa iyan sa pinakakaraniwan nilang ginagawa- hindi lamang sila ang gumagawa niyan. Pero ang kinatatakutan ko’y ang kalalabasan ng inyong demanda – ng inyong paniniwala sa hustisya.

Regina: Kung hindi pa ako maniniwala’y ano pa ang aking mahihintay?

TONY: May kuwento tungkol kay San Agustin tungkol sa paniniwala. Naglalakad daw si San Agustin sa tabing-dagat at tinutuklas ang misteryo ng Divina Trinidad. Habang nag-iisip at naglalakad, mayroon daw narinig si San Agustin na parang hanging nagbulong sa kanya: “Agustin, ang ginagawa mong pagtuklas sa misteryong iyan ay kasing-hirap ng pagsalok mo ng tubig sa buong dagat sa iyong palad. Pananalig, paniniwala, iyan ang kailangan mo”. Ang hustisya ba rito sa ati’y isang misteryo? Alam nating lahat na ito’y hindi hustisya, at alam natin kung bakit ito hindi ganito. Wala naman tayong misteryong dapat tuklasi’y kung bakit nananalig at naniniwala pa tayo!

REGINA: Lawakan mo ang iyong pagtingin, Tony. Ang ikinagagalit mo’y dahil lamang sa mga personal na karaingan.

TONY: Lawakan! Ang kay Itay ay isa lamang sa matagal at laganap nang kawalang- katarungan!

REGINA: Darating ang hustisya, Tony.

TONY: Kailan? Gaano katagal? Sa anong paraan? Ang paghihintay nati’y makakatulad lamang ng ginawa nating paghihintay sa kaso ni Itay. Ano ang nangyari sa kaso niya? (Mapapayuko si Regina). Natatandaan ko pa, disisais anyos ako, nasa Gagalangin tayo. Naghahapunan tayo. May tumawag kay Itay. Alam natin na mula nang madiskubre niya ang di paglilista ng trak-trak na tabakong inilalabas sa bodega ay pinagbantaan na siya, daang libong piso ang halaga ng mga ipinupuslit. Pero matapang si Itay, hindi siya napatakot. At nang gabi, ngang iyo’y lumabas siya kumpiyansa, matapang –ni hindi isinukbit ang saliri niyang baril. Nag-usap sila sa labas at nang nagkakainitan na’y napalabas tayo. At narinig natin ang mga putok, bagsak si Itay, takbo sa nakaparada nilang “jeep”ang tatlo. Nakuha ko ang numero ng “jeep” at natunton ang mga nagsigamit niyon. Nadiyaryo tayo, kung ilang araw tayong nasa peryodiko. Umasa tayong mahuhuli at makukulong ang mga nagsibaril kay Itay - hanggang sa pumasok ang isang pulitiko. Ano pa ang nangyari pagkaraan niyon? Unti-unti na silang nawalan ng interes sa kaso, hindi ba naging pursigido ang nagiimbestigang pulis. “Third year high school” ako noon, at sa kauna-unahang pagkakataon, naisip kong ang hustisya pala’y ganito. Hanggang ngayo,y nasa akin pa ang “clippings” ng mga diyaryo noon, itinatago ko. Duguan ang retratong kuha ni Itay.

REGINA: Nakaraan na iyon, Tony.

TONY: Hindi pa ba kayo nadadala? Hanggang ngayon ba’y naniniwala pa kayo?

REGINA: Ano ang silbi ng aking itinuturo kung hindi ako maniniwala? Kaya kong magretiro anumang araw ngayon pero nagtuturo pa rin ako – siguro’y sa nais kong makatulong sa paglikha ng mabubuting mamamayan. Ituturo mo sa kanila ang katarungan ngunit ikaw na mismo ang hindi naniniwala rito. Bubuo ka ng mahuhusay na mamamayan nguni’t ikaw mismo ay hindi modelong mamamayan. Naniniwala ako, Tony. At maghihintay ako.

TONY: Mahuhulog kayo sa pampang! (Mula sa itaas, bababa si Ana. Nasa mukha niya ang kawalang malamang gawin).

ANA: (sa hagdan pa lamang): Ninenerbiyos na naman si Aida, Regina. Nanlalamig mula pa kanina. Parang takot na takot. Nakabili na ba ng gamot?

REGINA: (maaalala): Ang gamot nga pala. Sino ang bibili?

ANA: Akala ko ba’y si Tony?

(Iiling-iling na papanhik si Tony).

REGINA: Hindi ba puwedeng ipagpabukas na ang pagbili? Ano’ng oras na ba?

ANA: Mag-aalas-onse na siguro. Mayroon namang botika riyang hindi nagsasara. Kailangan ni Aida, Regina. Hindi siya mapapahinga kapag hindi nakainom. Maaring makasama pa sa kanya. Sa linggo kamo’y pupunta rito ang doktor.

REGINA: Gabi na, Ana.

ANA: (nagpapaubaya): Nasa iyo iyan, Regina. Pero si Aida- (Mananaog si Tony). Eto na si Tony.

TONY: (patungo sa pinto) Lalakad na ako.

ANA: Alam mo ang pupuntahan mong botika?

REGINA: Magtaksi ka na.

ANA: Umuwi ka kaagad. Kailangan ni Aida iyan.

REGINA: (pagkalabas ni Tony, parang gaping-gapi) Kinakabahan ako, Ana.

ANA: Sa pagkakapunta rito ni “Mayor”? intindihin mo iyon?

REGINA: Kay Tony, Ana. Ibang-iba na siya ngayon. Ang mga pinagsasabi niya! (Mapapakumpas lamang si Ana. Mananaog si Ben).

BEN: Umalis na ang kuya?

REGINA: Oo. Bakit?

BEN: (parang takot) May dala siyang baril.

REGINA: Baril?

BEN: Huwag ko raw sasabihin sa inyo. Sa malaking kahon sa ilalim ng kama niya kinuha.

REGINA: (hindi makapaniwala) Saan kukuha ng baril iyon?

BEN: Baril, Inay? Kitang-kita ko.

REGINA: (sasapuhin ang mukha) Diyos ko, ano kaya ang kanyang gagawin?

(Tatayo nguni’t tutop ang ulong mapapaupo). Sundan mo kaya,Ben. Sundan mo kaya, Ana. (Lalabas si Ben).

ANA: Siguro naglalalabas ng gabi iyan.

REGINA: Anong ginagawa?

BEN: Hinahanap ang anak ng”mayor”. Hindi ko na siya nakikitang nag-aaral kung gabi. Baka hindi na siya maging “scholar” sa susunod na semestre.

REGINA: (galit) Nalalaman mo pala’y hindi mo sinasabi?

BEN: Kung isasama ako ng kuya’y sasama ako.

ReGINA: Ang aking mga anak! Ang aking mga anak! (Sandaling mananatili si Ben sa harap ng Ina, naaawang nakatingin dito, tila nagsisisi sa sinabi. Pagkaraa’y malungkot siyang papanhik. Papatayin ni Ana ang ilaw sa komedor).

ANA: (papalapit kay Regina) Hindi mo sila masisisi, Regina, lalo pa nga’t pagkaraang marinig ang pinagsanib ng alkalde at ng konsehal. Ang hustisya’y hustisya lamang, kung madali itong naibibigay at naibibigay nang pantay-pantay. Papanhik na ako. (Sa hagdan) Pumanhik ka na rin. Iwan mo nang bukas iyang ilaw. (Aakyat ng ilang baitang) Halina, Regina. Matulog ka na, ikaw nga ang pagod. (Tutuloy nang umakyat si Ana. Sa itaas, maririnig ang bilin niya, “Ben, abangan mong pagdating ng kuya mo”).

(Mananatiling nakaupo sa sala si Regina, nababaghan, hindi makapaniwala. Pagkuwa’y kikilos siya, tatayo, maglakad-lakad, nakayuko at magkadaop ang palad. Mauupo siyang muli pagkaraan. Sa kanyang harap, pagkaraan ng ilang saglit makikita niya si Tony).

TINIG NI TONY: Walang mangyayari sa demanda niyo, Inay.

(Mag-aangat ng mukha si Regina).

Alam ko na ang aking gagawin. Gaganti ako. Papatayin ko siya.

REGINA: (Nagugulumihan) Tony!

TABING

(Sa pagbubukas ng tabing, makikitang nakaupo si Regina, nakapikit, naiidlip, ang isang kamay ay nasa katangan ng upuan at nakasapo sa noo, ang isa’y nasa kanyang kandungan. Sa labas, maririnig ang manaka-nakang pagdaraan ng taksi. Sa labas din, maririnig ang pahagok na ingay ng trak na nangongolekta ng basura at ang pagkala-kalantog ng mga inihahagis na lalagyan ng sukal).

(Mula sa itaas ay bababa si Aida, nakaputing damit-pantulog, nakalugay ang buhok at nakatapak. Nakikita niya ng naiidlip na Ina nguni’t hindi ito gigisingin. Tutuloy siya sa komedor, bubuksan ang ilaw at may hahanapin sa kabinet. Matatabing niya ang isang bote ng gamot at ito’y mababasag. Magigising si Regina).

REGINA: (parang naalimpungatan): Sino iyan? (Lalabas, makikita si Aida na nakadukdok sa mesa)

Aida!

AIDA: (mahina) Ang gamot, Inay?

REGINA: (maaalala) Si Tony? Wala pa?

AIDA: Bakit pa?

REGINA: Bumili ng gamot. Anong oras na ba?

AIDA: Pasado alas-dos na po siguro.

REGINA: (kinabahan) Umaga na. Saan kaya nagsuot ang Antoniong ito? (Mauupo, gulo ang mukha) Sinabi namang agahan at kailangan –

AIDA: May nabasag po akong bote.

(Walang kibong kukunin ni Regina ang walis na tambo at “dustpan” at dadakutin ang basag na bote. Patingkayad siyang mauupo at pupulutin ang ilang bubog).

AIDA: Hindi ako makatulog, Inay.

REGINA: (inililigpit ang dinampot) Gusto mo ng --- gatas?

AIDA: (tatango, nanlalambot na nakatingin sa lumapit na ina) May dugo kayo, Inay.

REGINA: (pagulat) Saan?

AIDA: Hayan.

REGINA: (titingnan ang damit, ang mga kamay) Saan?

AIDA: O, akala ko’y may dugo sa inyong palad.

REGINA: (ikakaskas ang kanang palad sa damit) Wala.

AIDA: Akala ko’y mayroon.

REGINA: (naguguluhan) Ano ba ang gagawin ko? A, gatas. Gatas nga pala.

(Pupunta sa may kabinet, kukuha ng termos, sa reprihedora, kukuha ng gatas).

AIDA: (nakadukdok pa rin sa mesa, nakatingin sa dingding) Lagi kong naiisip ang luma nating bahay, Inay.

REGINA: (dala ang gatas) Ano ‘ka mo?

AIDA: Ang ating lumang bahay, lagi kong naiisip ‘ka ko.

REGINA: Bakit?

AIDA: (nakasandal na ngayon, bahagyang tatango) Aywan. Basta lagi ko lang naiisip. Parang gusto ko pang naroon tayo. Parang natatakot ako dito.

REGINA: (nakatingin sa palad) Bakit ka naman matatakot dito?

AIDA: Sabi niya’y huwag raw tayong magsusumbong. Hindi ako natatakot kung ako. Pero baka kayo o si Ben- o si Kuya. Buti pa ako. Kung anu-ano ang naiisip ko, Inay. At kasa-kasama ng aking napapanaginip. Naparito raw siya at ang kanyang mga kasama. Marami silang mga dalang baril. Nasa eskuwela kayo, may pinuntahan si Tiya Ana at pumasok si Ben. Kami lang dalawa ni Kuya ang naiwan. Nakakatakot, Inay. Pinaupo nila sa mesa si Kuya, nakapaligid sila at siya’y may inaabot na bote ng lason kay Kuya. Inumin mo sabi sabi niya kay Kuya. Inumin mo! At binunot niya ang baril at itinutok kay Kuya. Sinabi ko na sa iyong huwag magsusumbong, nagsumbong ka pa rin, sabi niya niya kay Kuya. Kaya inumin mo ito- iniaandot niya ang bote ng lason- inumin mo! At-at nagmamakaawa ako sa kanya. Pasensiya na kayo, sabi ko, pasensiya na kayo sa kapaatid ko. Anong pase-pasensiya, sabi niya, nagsumbong siya. Inumin mo! At ininom ni Kuya ang lason. Inay.

REGINA: (aaluin ang anak) Iyang gatas, Aida. Huwag mong isipin iyan.

AIDA: (ibaba ang baso) Kay bait pa naman ni Kuya kung sa kanya gagawin iyon.

REGINA: Hindi nila gagawin iyon. Hindi nila aanuhin ang kuya mo.

AIDA: Huwag naman sana nilang sasaktan, ano, Inay?

REGINA: Oo, hindi nila sasaktan.

AIDA: (nagpapahid ng labi) Ang bait-bait pa naman ni Kuya.

REGINA: Mahal na mahal ka nga niya.

AIDA: (malumanay na): Noon, noon naisip ko, kung - kung pipili ako ng mapapangasawa, ang pipiliin ko’y kamukha niya. Mabait siya at mapag-alala. Aywan ko, pagkaraan si Itay siya na ang para kong naging ama. Hindi ba’t parang siya naman talaga, ha Inay?

REGINA: (balisa) Oo. (Mapapatingin sa may pinto, mahina) Saan kaya nagputa itong Toning ito?

AIDA: Anong sinasabi ni Kuya tungkol sa nangyari?

REGINA: (parang mabibigla) Wala, wala namang sinasabi.

AIDA: (mangingiti) Kung pumapasok siya sa kuwarto at kinakausap ako, nahuhuli kong tinitingnan niya akong mabuti. Medyo nalalaglag pa ang salamin sa kanyang ilong. Ang lalim niyang tumingin! Sabi lang ni Tiya Ana’y pangit ang nakakunot-noo, pero sa tingin ko, bagay pa nga kay Kuya. (Uubusin ang laman ng baso).

REGINA: Siya, siya panhik ka na.

AIDA: (kikilos) Kayo?

REGINA: Hihintayin ko siya. Ano na kayang oras?

AIDA: Umaga na.

REGINA: Umaga na?

(Papanhik si Aida. Maiiwan sa komedor si Regina, may nakalaylay ngayong mga hibla ng buhok sa noo. Nakatayo siya, wala na ang antok, parang namamalik-matang nakatingin sa pinto.

(Isang taksi ang pasagadsad na hihinto sa kanilang tapat. Mapapasugod si Regina sa pinto. Kakalapag ang pinto ng taksi. Iingit ang pintong bakal. Lalabas si Regina.)

REGINA: (sa labas) Tony! Ano’ng nangyari sa iyo?

(papasok sila, halos yakap ni Regina si Tony na sapo ang duguang kaliwang balikat. Mapapaupo si Tony sa sala, hawak ni Regina).

AIDA: (Makakaramdam sa itaas): Kuya?

REGINA: Ano’ng nangyari sa iyo?

(Sesenyasan siya ni Tony na huwag maging maingay).

TONY: Aalis tayo rito, Inay. Dali! Gigisingin ninyo sina Ben.

AIDA: (sa itaas, pakalabog na babangon at manggigising) Tiya Ana! Ben! Ben!

TONY: Sa Nueva’y ‘cija, sa mga kamag-anak na magsasaka ni Itay. Sa Tarlac, sa Pampanga, sa bundok.

REGINA: (matatag) Hindi, Tony. Hindi tayo aalis. Susuko ka.

TONY: Inay!

REGINA: (kakapkapin kay Tony ang baril) Bigay mo sa akin ang baril.

TONY: (pipigilin ang kamay ng ina) Kailangan ko ito, Inay. Tiyak nila akong papatayin. Madali silang makagagawa ng dahilan.

REGINA: (aagawin ang baril at ipapaloob ang baywang ng damit niyang pambahay) Susuko ka, Tony.

TONY: (tumututol) Inay, Inay---

REGINA: Ibang krimen kaysa nangyari kay Aida.

TONY: (magugulat) At ako’y kriminal?

REGINA: Pinatay mo siya.

TONY: “Huwag ninyong sasaktan ang sinumang balo o ulila sa amang bata,” habilin ng Diyos kay Moses. “ Kapag sila’y inyong sinaktan sa anupamang paraan at silang lahat ay tumawag sa akin, ang panawagan nila’y tiyak kong diringgin. At ang poot ko’y maglalatang, at kayo’y papatayin ko sa tabak.” Naglalatang ang poot ng Diyos sa masasamang kamay na umagaw at humahawak ngayon ng kanyang tabak! Sasabihin ninyong ako’y kriminal? Saan paano kanino ako hihingi, hahanap at makapagtatamo ng katarungan? Sino ang magbibigay? Inay, ang kidlat ng Diyos ay ihahagis ng kamay ng naaapi at ang tabak ng hustisya ay itataga sa lipunan ng mga pinagkakaitan ng katarungan.

(Maliban sa panginginig at abut-abot na paghingal ni Aida ay matahimik silang lahat. Sa labas, maririnig na ang mga sirenang papalapit).

TONY: Nariyan na sila!( Tatayo, magpapalinga-linga).

REGINA: (nakasunod) Susuko ka, Tony.

(May sisigaw sa labas ng “Calderon, napapaligiran ka na namin. Sumuko ka”.)

REGINA: (kay Ben) Buksan mo ang pinto, Ben.

(Bubuksan ni Ben ang pinto) Maayos siyang susuko. Halikayo, narito siya.

(Bunot ang mga baril, papasok ang mga pulis, karamiha’y nakauniporme, ang ila’y nakasibilyan at may mga taling panyo sa ulo).

Hayan siya. (ituturo si Tony na nakatayo sa may komedor).

(Papasok ang alkalde, bunot ang baril. Itututok nito ang baril kay Tony nguni’t matatabig ni Regina. Sa dingding tatama ang bala).

REGINA: Maayos siyang susuko,”Mayor”. Hayan, nariyan ang aking anak, arestuhin ninyo.

(Pagtutulung-tulongan ng mga pulis si Tony. Malakas na mapapatili si Aida. Pagkabaliti kay Tony, may kakadyot dito, may sisipa, may papalo, may dadagok. Mapapaluhod si Tony, at makalawang makapagpapaputok si Regina bago maagaw ng isang pulis ang kanyang baril. Babagsak si Tony).

ALKALDE: Bakit mo binaril?

REGINA: (hawak nang dalawang pulis): Kapag sinaktan ng ibang bata ang ating anak, at tayo’y walang magawa sa nanakit sa kanya, di ba ibinubuhos natin ang parusa sa ating anak? Ang sabi ninyo’y aarestuhin ninyo ang aking anak ano ang inyong ginagawa?

PULIS1: Inaaresto!

REGINA: Inaaresto!

PULIS II: Dadalhin namin sa presinto!

REGINA: Dito pa lamang ay pinapatay na ninyo!

PULIS III: Kalokohan!

PULIS I: Paano’y nanlalaban!

REGINA: Nanlalaban!

PULIS II: “Resisting arrest!” Ha-ha-ha!

PULIS: Nagtatangkang tumakas!

REGINA: O! O!

ALKALDE: Pinatay niya ang aking anak!

REGINA: Kayo ang batas kapag inyong anak!

PULIS I: Dadalhin namin sa husgado!

REGINA: Husgado, anong husgado?

PULIS II: Bakit ba marunong ka pa sa husgado?

PULIS III: Sa hustisya!

REGINA: Hustisya! Hustisya! Alam ba ninyo ang kahulugan ng hustisya? Kayo, “Mayor” alam ba ninyo ang kahulugan niyan?

(Ubus-lakas siyang sasampalin ng alkalde at siya’y babagsak. Mapapayakap sa kanya si Ben).

PULIS I: Posasan iyan.

PULIS II: Masyadong makatuwiran!

REGINA: (umiiling) Hindi ninyo nalalaman, “Mayor”, ang kahulugan niyan. Hindi ninyo nalalaman. (Malakas) Kayo, lahat kayo, hindi ninyo nalalaman ang kahulugan niyan!

PULIS III: Binaril mo ang sarili mong anak!

PULIS I: “Parricide!”

ALKALDE: Pananagutan mo ito.

REGINA: Pananagutan mo ito.

PULIS II: (hihiklatin si Ben kay Regina): Halina! Halina!

Sa presinto!

PULIS III: Sa presinto!

PULIS I: Doon ka makipagdebate.

ALKALDE: Dalhin ninyo!

REGINA: (napoposasang ilalabas): O, dalhin ninyo ako kahit saan. Sa presinto, sa korte, sa husgado, kahit saan! Dalhin ninyo ako kahit saan. Pananagutan ko ang pagkamatay ng aking anak. Ako ang pumatay sa aking anak!

(Papalakas) Pinatay ko ang aking anak! Sasabihin ko sa lahat na pinatay ko ang sarili kong anak. Pinatay ko ang aking anak!

(Lalabas sila. Maiiwan sina Ana, Ben, at Aida. Kapuwa nakatingin sa bukas na pinto sina Ben at Ana, sinusundan ng tingin ang mga nagsilabas. Nakalupasay sa isang tabi si Aida at umiiyak. Nasa kanyang kinabagsakan si Tony).

- THE END -

Continue Reading

You'll Also Like

64.7K 1.4K 38
Eyven Nichol is a girl who has a hidden passion for poetry and a hidden love for a man. For ten years, she has been secretly in love with Kiefer, a h...
238K 2.4K 80
#SPOKENPOETRY Dear You, One day, all of the people you treasure the most will leave. But there is one thing that will never go, and you...
583 44 27
Collection of my Written Poems All poems in this book is copyrighted. Thus using, and/or posting it in any platform without the authors' consent is c...
135 39 18
Hindi ko alam kung saan at paano, ngunit tanging papel at ballpen na lamang ang hawak ng makalyo at pasmado kong mga kamay. Tila ba dinadaluyan na 'r...