VI

2 0 0
                                    

REGINA: (nagpupuyos): Halos labingwalong taon mong pinalaki, inalagaan, kung maaari’y ipakatagu-tago mo, pinakaingat-ingatan mo, at pagkatapos, pagkatapos, nag-aabang lamang ng bus na pauwi galing sa eskwelahan ay bigla na lamang aagawin ng anak ninyo, dadalhin sa motel, sasaktan doon, paglalaruan, pag-aaliwan! Isasakay sa taksi, pauuwiin, halos hindi makagulapay. At pagkaraan niyan, pagkaraan niyan paparito kayo sa aki’t sasabihin ninyong ako’y maging praktikal!

KONSEHAL: (namamayapa) Nariyan na tayo, Misis, nariyan na tayo.

REGINA: Hindi babaing damputin ang anak ko. Makakaalis na kayo. Hindi ko iuurong ang demanda. Kung sa inyo ang sinasabi ninyong huwes, sasabihin ko sa aming abugadong hilinging malipat sa ibang huwes.

KONSEHAL: (banayad) Hindi rin ganyan lamang iyan, Misis. Saan at kanino ililipat? Dito rin. Ngayon, sino sa mga huwes dito ang kaalyado ni “Mayor”? Kung nakapagme-“mayor” siya ng labingdalawang taon, malamang pang maging labing-anim ---

REGINA: (napapaiyak) Kayo nga ang hari dito.

KONSEHAL: Hindi siya ganoong napakahina para hindi maalis ang sinumang kalaban niyang huwes. Ayaw ko sanang sabihin ito pero alam ninyong pulitiko rin ang nakapaglalagay sa huwes? Sino ngayon ang nakapaghuhuwes nang hindi lumalapit sa pulitiko? Nasaan naman ang mga naging huwes dito na hindi naging kaalyado ni “Mayor”? Iyong isa, nasa Palawan, iyong isa, nasa Mindoro. Dudulog kayo sa itaas? Sino ang nasa itaas? Pulitiko? Ilang boto ang maaring ibigay – sa kanya ni “Mayor”? Makikisama rin sila!

REGINA: Kayong masasamang pulitiko!

KONSEHAL: (nakatawa) Masasamang pulitiko. Ganyan ang buhay ngayon, Misis. May nakita na ba kayong anak ng kongresista na kanilang nagalaw? Anak ng Senador? Anak ng Gobernador? Anak ng- “mayor”?

REGINA: (nagpupuyos) Tama, pumatay man kayo’y hindi kayo nagagalaw!

KONSEHAL: Ay, Misis. “Be practical.”

ALKALDE: (dudukot sa bulsa ng polosert at may ilalabas na sobre) Alam kong malaking perwisyo ang nagawa ng aking anak sa inyo – ibig kong

( ilalagay sa mesita ang sobre) tanggapin ninyo ang kahit kaunting tulong na ito –

KONSEHAL: “ That check is for ten thousand. Pay to cash. Be practical.”

REGINA: (sasampalin ang alkalde) Akala ba ninyo’y mabibili ninyo’y mabibili ninyo ako? Layas! Layas! ( Nababaghang tatayo ang alkalde at konsehal. Dadamputin ng konsehal ang sobre. Lalapit sina Tony).

ALKALDE: (hindi makapaniwala, nakangiti ngunit ngani-nganing sampalin si Regina) Sa buong buhay ko, Konsehal, ngayon pa lang ako nasampal. Pero hindi bale. (kay Regina) Dinadaan ko kayo sa pakiusapan pero gusto ninyong magkademonyuhan. Pasensiyahan tayo. Ituloy ninyo! (Lalabas ang dalawa, ang alkalde’y nagmumura. Sa labas, maririnig ang pagsibad ng kanilang sasakyan. Mapapaupo si Regina. Nakatayo sa harap niya si Tony, nakaupo at nakamasid si Ben).

REGINA: (humihingal) Akala ng mga taong iya’y sila ang batas.

TONY: (galit ngunit matimpi) Sa kasalukuya’y sila nga, Inay.

REGINA: (nanginginig) Lalabas din ang katotohanan at mananaig ang katarungan!

TONY: Iyan ang itinuturo ninyo sa “Government”.

REGINA: Mananaig din ang katarungan.

TONY: Kay gandang sabihin! “Justicia” o justicia poetica”? Hustisyang talaga o hustisyang Diyos-ko-bahala ka na?
REGINA: Kailangang maputol ang ganito!

TONY: (malakas) Paano?

REGINA: (parang giniginaw) Nanginginig ako. (Sa itaas, maririnig ang mga pagtawag ni Aida at ang pag-aalo ni Ana. Papanhik si Ben).

REGINA: Hindi ako titigil hangga’t hindi siya nabibilanggo!

TONY: (kinukuyom ang palad) Tatlo lamang ang nagkakaroon ng hustisya dito sa atin. Iyong malalakas, iyong makapangyarihan, iyong mayayaman. Kung simple kang tao, mahina ka. Kung mahirap ka, lolokohin ka, tatakutin ka, pasensiya ka, magtiis ka. Kadalasang nagkakasama-sama pa iyan: lakas, kapangyarihan, yaman.

REGINA: (tutop ang mukha) Walang kuwenta sa akin magkaubus-ubos man ang ating kabuhayan!

TONY: (patuya) Sasayangin ninyo ang minana ninyo’t pinaghirap-hirapang ipundar. Sa paningin ng ating batas, hindi magkakapantay ang lahat! Ang demanda ninyo, sapagka’t ang idinemanda ninyo’y malakas, ay mananatiling demanda lamang.

REGINA: Susulat ako sa magasin, susulat ako sa lahat ng diyaryo. Isusulat ko ang lahat at natitiyak kong tulungan nila ako, pakikinggan nila ako!

TONY: (parang hindi siya pinapakinggan) Ang demanda ninyo’y kamukha lamang ng kung kayo’y nasusukol sa binggit ng bangin at malaki pa ang agwat ng kabilang pampang na kailangan ninyong talunin. Alam ninyong sa pagtalon ay hindi ninyo maaabot ang kabilang pampang, pero pipiliti’t pipilitin din ninyong tumalon. Tatalon kahit alam na alam ninyong kayo’y mahuhulog. Bakit pa kayo magdedemanda?

REGINA: Sasabihin ko sa kanila ang lahat. Pakikinggan nila ako, Tony. Kapag nalaman nila ang lahat- Tony, ito na ang pagkakataon natin sa hustisya!

TONY: Hustisya!

REGINA: (nabuhayan ng loob) Tingnan mo, Tony. Palagay ko nga’y ako at si Aida ay sadyang pinili ng Diyos para rito. Makinig ka: kung sa anak ng mahirap na iskwater niya ginawa iyon, tatahimik na lamang sila. Lulunukin na nila ang kanilang dignidad at siguro'y kanila pang tatanggapin ang pera. Ngayon, kung sa anak-mayaman naman niya ginawa iyon, magdadalawang-isip ang magulang, mahihiya silang mabulgar ang nangyari. Hindi nila iibiging masira ang kanilang reputasyon! Tatahimik din sila. Nagkamali sila, Tony, nagkamali sila. Lalaban ako, lalaban ako!

...

MOSES , MOSES Where stories live. Discover now