An Old Summer Daydream (Old S...

Por 4reuminct

9.5M 289K 398K

OLD SUMMER TRILOGY #1 Estella and Yori have always been rivals ever since high school because of debate compe... Más

PROLOGUE
01
02
03
04
06
07
08
09
10
11
12
13
14
15
16
17
18
19
20
21
22
23
24
25
26
27
28
29
30
31
32
33
34
EPILOGUE
sunny note

05

285K 11.2K 22K
Por 4reuminct


"Ang ganda ng movie, 'no, Estella?! Ehem... Estella?" 

Napakurap ako at lumingon kay Ollie na kanina pa pala ako kinakalabit. Tapos na ang movie pero hindi ko masyadong maalala dahil ang lamig at... nakatulog ako! Sabi ko naman kasi, kapag malamig, inaantok ako, eh! 

"Hindi niya alam kung maganda o hindi kasi nakatulog siya, girl..." natatawang sabi ni Caitlyn habang naglalakad kami. Naghahanap kami ng makakainan. 

"Omg, sinandal mo ba ang ulo mo sa balikat ni..." Hindi pa masabi-sabi ni Ollie ang pangalan. 

Tumingin ako sa harapan ko kung saan naglalakad si Yori at Jap pero napahinto rin dahil binalik ni Veena ang jacket sa kaniya. 

"Thank you, boss!" Sumaludo pa ito bago nag-cling sa braso ng isa pa naming kaklase. Nang lumingon siya sa gawi namin ay nagtama ang tingin namin kaya binigyan ko siya ng ngiti. Ngumiti siya pabalik at naglakad na ulit. 

Nakahanap din kami ng pizza place na kasya kaming lahat. Na-occupy namin iyong mahabang table. Nauna akong umupo para sana gumitna sa akin si Ollie at Caitlyn kaso ang nangyari, ako ang nasa dulo!

Nagulat ako nang biglang tinulak ni Jap si Yori paupo sa tabi ko kaya muntik pa siyang makabasag ng plato. Sinamaan niya ng tingin ang best friend niya bago umayos ng upo sa tabi ko. 

"Can I sit here?" tanong niya sa akin.

Lumingon ako sa kaniya at binigyan siya ng sarkastikong ngiti. "Nakaupo ka na, 'di ba?" 

Hindi siya nagsalita at kinuha na lang ang menu na inabot sa kaniya noong waiter. Napanguso ako at kinuha rin ang menu na hawak ni Ollie. Iyon tuloy, nag-share na lang sila ni Caitlyn dahil nag-solo ako. Ayaw ko namang maki-share ng menu kay Yori! 

"Water?" tanong ni Yori nang magsalin siya ng tubig sa baso niya. 

"No, thanks. Ako na." Kinuha ko ang pitcher at ako na ang nagsalin sa baso ko. 

Napakunot ang noo ni Yori pero hindi na lang siya nagsalita. Bumaling siya kay Jap at nag-usap sila roon. Hindi ko maintindihan o marinig ang pinag-uusapan nila. Kinuha ko na lang ang phone ko at nag-chat sa family group chat na hindi pa ako makakauwi dahil kakain pa kami ng mga kaklase ko. Baka magalit na naman sina Daddy kapag hindi ako nagsabi, eh! 

Nag-order lang ako ng pasta dahil iyong pizza ay for sharing na. Nakalingon ako kina Ollie habang nakikipagkwentuhan tungkol sa mga pangyayari ngayong summer. Buti pa sila ay gala nang gala, habang ako ay stuck sa debate training kasama 'yong lalaking 'yon! 

Hindi naman sa ayaw ko mag-training dahil dedicated naman ako sa debate at ang boring kapag walang ginagawa, pero gusto ko ring gumala-gala kasama ang family! Iyon nga lang, pareho kasi silang busy kaya tuwing holidays lang or special occasions kami nakakaalis. Laging may project si Mommy at laging may hawak na kaso si Daddy. Ako, laging may training. Si Kye... Ewan ko roon. Ayaw lang talaga niya ako kasama! 

"Eh, kumusta naman kayo ni Yori?" bumulong pa si Caitlyn para hindi marinig ng iba.

"Anong kumusta? Wala namang kahit ano sa amin, ha," naguguluhang sagot ko. "Kayo lang ang ma-issue at naga-assume! Promise, wala talaga!" pamimilit ko pa dahil mukhang hindi sila convinced! 

"Weh? Sure na? Eh, bakit parang LQ kayo ever since pinahiram niya jacket niya kay Veena?" pang-aasar ni Ollie.

"Anong LQ?! Walang ganoon sa vocabulary ko, excuse me! Hindi lang naman kami madalas nag-uusap, lalo na kapag wala naman kami sa training." Hininaan ko ang boses ko sa dulo dahil baka naririnig na ni Yori. Katabi ko lang siya!

Lumingon tuloy ako at buti na lang nag-uusap pa rin sila ni Jap. Narinig ko na ang context. E-games ang pinag-uusapan nilang dalawa. 

"Hindi ako naniniwala! May something talaga, eh. Either crush mo siya or... crush ka niya. Yieee, cute n'yo!" Kinurot pa ako ni Caitlyn sa baywang kaya umiwas ako at napasandal ang likod ko kay Yori.

"Ay, sorry," sabi ko sa kaniya nang lumingon siya sa akin. "Kayo kasi, eh!" sabi ko kina Ollie.

"Or... crush nila ang isa't isa! Yieeee!" Kiniliti ako ni Ollie kaya muntik pa akong mahulog sa upuan ko kakatawa at kakaiwas. Mabuti na lang at sinandal ni Yori ang braso niya sa sandalan ng upuan ko para lagyan ng bigat 'yon. Kung hindi, tataob na ako. 

"Ollie, ano ba! Ayaw ko na, promise!" natatawang sabi ko nang tumigil na siya. Hindi pa rin maka-get over ang katawan ko sa kiliti na 'yon. Bwisit! Pinagtinginan tuloy kami, lalo na noong matatanda. Iniisip siguro nilang ang kukulit at ingay naman ng mga Senior High na 'to. 

Sa wakas ay na-serve na ang pagkain kaya natahimik na rin 'yong dalawa. Tahimik na lang din tuloy akong kumain kahit hirap na hirap na akong hindi mag-ingay. 

"Pst, Estella, single ba si Lai at Seven?" tanong sa akin ng kaklase kong si Han habang kumakain. 

"Single naman..." So far! "Bakit? Sino roon ang crush mo?" pang-aasar ko. 

"Pwedeng both?!" kinikilig na sabi niya. "Reto mo naman ako, kahit sa isa lang sa kanila!"

Gusto ko sanang sabihing mag-aral muna siya bago maghanap ng jowa pero baka ako lang ang may mindset na ganoon. 

"Mahihirapan ka lang! Alam mo kung bakit?! Kasi si Seven, unless bola ka ng volleyball, walang interes 'yon! Si Lai naman, lahat ng lumalapit doon, nire-reject niya! Ang main reason is kailangan daw niyang mag-focus sa swimming! Naku, mga competitive 'yong mga 'yon! Mahirap makapasok sa buhay noon! Mga walang alam 'yon sa lovelife!" siniraan ko ang mga kaibigan ko sa kanila. 

Hindi 'yon paninira dahil totoo naman! Wala naman talagang interest 'yong mga 'yon sa paghahanap ng partner! 

"Ano ba 'yan! Kapag nakita nila ako, baka magbago ang isip nila," pagbibiro niya. Natawa tuloy kaming dalawa. Good luck na lang! 

"Eh, ikaw, Estella? Kumusta ang love life?" sabi noong isa kong kaklaseng lalaki na si Jim. 

Napuno na naman ng maiingay na 'yieee' ang table namin at tinulak-tulak kami ni Yori! Tumatambol pa sila sa lamesa. Feeling ko ay anytime, mapapaalis na kami rito. Sinabihan ko tuloy silang huwag maingay! 

"Tutal, pareho n'yo namang priority ang studies... Mag-study na lang kayo together!" kantyaw pa ni Ollie. 

Walang reaksyon si Yori na patuloy lang na kumakain at hindi sila pinapansin. Parang wala siyang naririnig! Ako lang ang deny nang deny rito! Wala man lang siyang effort! 

"Bakit ba ako ang inaasar n'yo?! Bakit hindi si Veena?! Suot niya nga jacket ni Yori kanina! Sila na lang asarin n'yo, please!" pagmamakaawa ko. 

"Huh?!" gulat na sabi ni Veena. "May iba akong crush, 'no! Taga-ABM, ano ba!" Malakas siyang tumawa. 

"Parang nagselos ka 'ata roon, Estella..." pang-aasar ulit ng isa kong kaklase. 

"Hay naku, hindi nga! Wala nga akong crush kay Yori! Never, ever! We're nothing but debate partners! Iyon na 'yon!" pag-defend ko sa sarili ko. 

"Weh? Defensive!" 

Hay naku! Mas mabuti na lang na huwag magsalita! Kahit anong sabihin ko ay may meaning sa kanila! Tumahimik na lang din ako katulad ni Yori at umaktong walang naririnig!

Pagkatapos kumain ay, finally, uwian na. Nagpasundo pa ako kaya mayamaya pa darating si Kuya Adrian. Maghahanap muna ako ng dessert or something! 

"Uuwi na kayo? Sure na? Ayaw n'yong mag-milktea kasama ko?" Ngumuso ako at nagpaawa kina Ollie pero hindi gumana.

"Ayan, si Yori, isama mo! Bye!" sabi ni Caitlyn at umalis na. 

Hindi ko alam kung paano pero naiwan kami ni Yori malapit sa may exit ng mall. Ano ba 'yan, iniiwasan ko pa naman na maiwan nang kami lang dalawa!

"Hindi ka pa uuwi?" tanong ko sa kaniya. 

"Gusto mo na ba akong umuwi?" tanong niya pabalik. 

"Oo, gabi na. Umuwi ka na." Tumalikod ako at naglakad na paalis. Magmi-milktea pa ako habang naghihintay, 'no! Ayaw ko namang tumayo lang roon.

Akala ko ay umalis na si Yori pero naramdaman ko ang presensya niya sa tabi ko. Sinabayan niya akong maglakad.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit in-expect ko naman talagang susundan niya ako. Mas gusto ko nga 'yon kaysa... umuwi siya. Hindi ko alam! Ewan! 

"Find a seat. I'll order for us," sabi niya sa akin.

Okay! Tinuro ko na lang iyong order ko at umupo na. Hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan habang nago-order siya. Buong araw kasi ay napapaligiran kami ng ibang tao. Ngayong kami na lang dalawa... parang nakakakaba! Parang ang tagal naming hindi naiwang kami lang dalawa!

Hala, nasanay na ba ako?! Siya lang kasi iyong kaklaseng palagi kong kasama dahil sa training, eh! Minsan ko na lang makita 'yong iba! Baka sanay lang talaga ako sa presensya niya tapos nagkaroon ng unfamiliar feeling, kaya ngayong kami na lang ulit, hindi na ako sanay! 

"Ano'ng iniisip mo?" Umupo sa tapat ko si Yori, dala ang resibo. 

"Ikaw," sagot ko. 

Tumaas ang isang kilay niya, nagtatanong ang mga mata. Sumandal ako sa may lamesa para mas mapalapit sa kaniya.

"Minsan ba, kinakabahan ka sa presensya ko?" deretsong tanong ko.

"What do you mean?" naguguluhang tanong niya.

"Huh? Simpleng tanong lang 'yon. Kinakabahan, as in, 'yong puso mo parang... Dugudug-dugudug... ganoon!" 

"Are you asking me if I'm in love with you?" 

"Magkaiba 'yon!"

"A-huh?" Sumandal din siya sa lamesa para magkalapit kami. Deretso lang akong nakatingin sa mga mata niya, naghahamon.

Hanggang sa tinawag na ang pangalan niya kaya tumayo na siya at kinuha ang tray. Pagkabalik niya ay kinuha ko na ang order ko at nilagyan ng straw 'yon bago uminom.

"So... ano nga 'yong sagot?" Hindi ko pa rin makalimutan. 

"Sometimes, yes." 

Parang may kung ano akong naramdaman sa tiyan ko. 

"Yes, kinakabahan ka sa akin o... Yes, in love ka sa akin?" pang-aasar ko. 

Natawa siya bigla sa sinabi ko at napailing habang umiinom. Hindi man lang sinagot! 

"How about you?" tanong niya pagkababa ng cup. 

"Bakit naman ako kakabahan sa 'yo kung alam kong mas magaling ako?!" pagyayabang ko. 

"Non-academic," paglilinaw niya. "Are you nervous around me?" 

Napakagat ako sa ibabang labi ko habang nakatingin sa kaniya, nag-iisip kung sasagutin ko ba o hindi. Okay, fine... Sinagot niya ang tanong ko kaya dapat sagutin ko rin ang sa kaniya. Give and take dapat! 

"Minsan lang... din," mahinang sagot ko at umiwas ng tingin. "Pero minsan lang 'yon! Hindi madalas! Minsan lang kapag-"

Natigilan ako nang makitang napangisi siya at natawa saglit habang umiinom sa straw. Napanguso ako at inismiran siya. Minsan lang siya tumawa, huh. Tuwang-tuwa talaga 'to sa akin! 

"Bakit ka naman kakabahan? I thought we're nothing but debate partners?" Tumaas ang isang kilay niya.

Napaawang ang labi ko dahil inulit niya ang sinabi ko kanina. Akala ko ay hindi siya nakikinig! I didn't know he held grudges! Hindi naman 'yon ang meaning ko! 

"Bakit? Are we more than debate partners?" tanong ko rin. 

Natahimik siya at nakatingin lang sa akin habang tinatapik-tapik ng daliri ang milktea cup niya. Naghahamon ang tingin ko habang umiinom sa straw. 

"Friends..." sagot niya. "'Di ba, Nat?"

Hindi ko alam kung bakit pero natawa ako roon. "Yoritsune," tawag ko rin. Wala siyang second name kaya full name na lang. 

"That sounds weird." Umiling siya, hindi natuwa roon. Mas lalo akong natawa dahil nainis siya. 

Noong paubos na ang milktea ko ay nag-text si Kuya Adrian na nasa labas na siya kaya hinatid na ako ni Yori palabas. 

"Paano ka uuwi?" tanong ko sa kaniya.

"Commute."

"Sabay ka na!" Binuksan ko ang pinto at sinenyasan siyang pumasok na. "Dali na! Gabi na, oh!" 

Wala na siyang nagawa kung hindi pumasok sa sasakyan. Binati niya ang driver ko, parang nahihiya pa. 

"Kuya, sa may Japanese restaurant siya, iyong malapit sa school! Ano ulit name noon?"

"Akiyori House."

"Saan galing 'yong name?"

"My mom suggested a combination of our names. Akemi was shortened to Aki, and Yoritsune was shortened to Yori. House because... It's literally our house on the second floor," pagpapaliwanag niya.

Ang cute naman ng pangalan! Nilagay na lang 'yon ni Kuya Adrian sa GPS at hindi na nagtanong kung sino ang kasama ko. 

"Kaklase ko, Kuya. Siya 'yong partner ko sa debate, 'yong lagi kong ka-training!" pagpapakilala ko. 

"Ah, siya pala 'yon." Tumango siya.

"Ano'ng sinasabi mo sa akin?" bulong ni Yori. 

Ngumisi ako at nagkibit-balikat para mang-asar. Wala naman talaga ako masyadong sinasab! Kinekwento ko lang na may katapat na ako sa school!

"Nasa bahay na po sina Daddy?" tanong ko ulit kay Kuya Adrian.

"Hindi raw makakauwi ang magulang mo, Nat. Si Attorney Martinez, mago-overnight na raw sa office dahil maraming tatapusin. Si Architect Valeria, nasa Cavite pa at doon na raw magpapalipas ng gabi." 

"Hmmm, okay!" Nagkibit-balikat ako at sumandal. 

Ganoon talaga, may mga gabi o araw talagang wala silang dalawa dahil sa sobrang busy nila, pero nag-promise sila na tuwing may special day ay ice-clear nila ang schedule nila para makapunta. Kunwari, may debate competition ako, ganoon... kaya minsan hindi ko na sinasabi para hindi na sila maabala. Uuwi na lang ako na may trophy tapos magugulat sila. 

Nagpasalamat si Yori bago bumaba ng sasakyan nang huminto kami sa tapat ng restaurant nila. Bukas pa 'yon. Late na 'ata sila nagsasara dahil ang dami pa ring customers. Kitang-kita ko sa labas. 

Pagkauwi ko, dumaan muna ako sa kwarto ni Kye.

"Kumain ka na?" tanong ko sa kaniya. Wala sina Mommy at Daddy kaya baka nakalimutan na naman niyang kumain dahil walang tumawag sa kaniya for dinner. 

"Huh?" Napatingin siya sa orasan. May ginagawa siyang digital art sa computer niya kaya hindi na niya napansin. 

"Gusto mo ng nuggets? Papaluto ako," sabi ko. Tumango lang siya kaya sinara ko na ang pinto. 

Nagpaluto na lang ako sa helper namin para kay Kye at umakyat na ulit para maligo. Nag-stay ako sa baba habang nanonood ng documentary sa living room para makita ko kung kakain na si Kye. 

"Ang boring." Ngumuso ako at pinause ang documentary. Assignment kasi 'to ng trainer namin! Panoorin daw!

Kinuha ko ang phone ko at minessage si Yori.

Estella: napanood mo na 'yong documentary

Yori: About to start. 

Estella: sabay na tayo! sendan kita ng link! ang boring kapag ako lang nanonood eh 

Yori: Okay

Akala ko ay tatanggi siya pero buti na lang at hindi! Kinuha ko ang laptop ko at earphones at umupo sa sahig ng living room. Pinatong ko ang laptop ko sa coffee table at sinendan si Yori ng site kung saan pwede kaming sabay na manood habang naka-on ang camera at microphone. 

Natigilan ako saglit at chineck ang hitsura ko sa camera ng phone ko. Okay naman. Bagong ligo naman ako. 

"You look fine, don't worry." 

Nagulat ako nang paglingon ko sa screen ay naroon na si Yori! Nakaupo siya sa isang gaming chair tapos naka-hoodie. Nakita ko sa background ang parte ng kwarto niya kaya may idea na ako ngayon kung ano ang taste niya sa mga room designs. 

"Nagse-selfie lang ako, duh," palusot ko. 

Nakita kong bumaba na si Kye at naglagay na ng pagkain sa plato kaya binuhat ko na ang laptop para umakyat sa kwarto.

"House tour?" pang-aasar ni Yori. 

"Shut up." Inirapan ko siya at pumasok sa kwarto ko. 

Humiga ako sa kama at pinatungan ng unan ang binti ko bago ilapag ang laptop doon. Nang comfortable na ako ay pinindot ko na ang play. 

Paminsan-minsan ay napapatingin ako kay Yori na nakasandal lang sa upuan at pinaglalaruan iyong tali sa hoodie niya. 

"Smile. Pang-IG story ko 'to." 

Surprisingly, tinaas niya ang kamay niya at nag-peace sign habang naka-focus pa rin sa documentary. Napangiti ako habang hawak ang phone ko. 

"May Instagram ka?" tanong ko.

"I don't use it."

Hiningi ko pa rin ang username niya para ma-tag ko siya. Niliitan ko ang text hanggang sa hindi na nakikita. 

y_tsune

Iyon ang username niya na para bang ayaw niyang magpahanap! Wala siyang profile picture tapos naka-private ang account. Wala ring post! Kaunti lang ang followers at following. Parang mga schoolmates lang din. 

Pinost ko na 'yon sa IG story at nag-focus na ulit sa documentary. Hindi na tuloy siya boring for some reason. Ang dami ko rin kasing sinasabi tapos may nare-reply palagi si Yori. Basta academic ang comment ko ay may nasasabi siya. Kapag walang kwenta ay napapailing na lang siya. 

Napatingin ako sa phone ko nang mag-vibrate 'yon. Magkasunod. 

sevenalc replied to your story: wtf

lyonelle replied to your story: HUH

Napairap ako at hindi pinansin ang dalawa. Ano kayang nakakagulat doon?! Nanonood lang naman ng documentary! 

Sinubukan kong mag-focus pa rin kahit sunod-sunod na ang nagre-reply sa IG story ko! Iyong mga kaklase ko, lalo na sina Ollie at Caitlyn! Si Seven at Lai, tumatawag pa sa GC! Hindi ko nga pinansin!

"Ano ba 'yan..." Kinuha ko ulit ang phone ko nang mag-notify ulit. 

Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang notification.

lunavaleria replied to your story: LUH HAHAHAHA cnu yan beh

Si Mommy! Oh my gosh, nakalimutan ko! Fino-follow pala niya ako! Pumunta kaagad ako sa settings at hinide sa kaniya at kay Daddy ang story ko! Pati sa mga Tita at Tito ko ay naka-hide na ang mga story ko! 

"Are you okay?" tanong ni Yori.

"Oo... May ginawa lang..." Binaba ko na ulit ang phone ko at nag-focus sa pinapanood namin. 

Nang matapos na ang documentary ay nagkatinginan lang kaming dalawa. 

"Uhm... Good night?" patanong na sabi ko.

"Good night," sabi niya. 

Kumaway ako bago nag-exit. Nang sinara ko na ang laptop at binalik sa desk, nagmamadali kong kinuha ang phone ko at dinelete ang IG story. Nag-reply rin ako sa mga nag-message sa akin at sinabing assignment 'yon. Totoo naman. Iyon din ang sinabi ko kay Mommy! Ugh, nakalimutan ko! 

Kinabukasan, nagpahatid ako kay Kuya Adrian papunta sa bahay nina Lai dahil tatambay daw kami roon kasama si Seven. Sinama ko na rin si Kye para makipaglaro siya kay Leone, iyong kapatid ni Lai na kasing-edad lang din ni Kye, pati si Kiel na kapatid ni Seven. Magkakasing-edad sila. 

"Hello, I'm home!" masayang sabi ko pagkapasok ko ng bahay nila. Wala ang magulang ni Lai at nasa trabaho kaya naman dere-deretso lang akong umakyat para ipaalam kay Lai ang presensya ko! 

"Hello, lover girl," pang-aasar kaagad ni Lyonelle. Naroon na si Seven na nakahiga sa kama at nagla-laptop. 

"Ang epal mo, 'no?! Assignment nga lang namin 'yon!" sabi ko. 

"Assignment..." ulit ni Seven, nang-aasar. "Crush mo 'yon, eh." 

"Oo nga. Aminin mo na, Nat," natatawang sabi ni Lai. "Who's the unlucky guy?" 

"Ang papansin n'yo. Debate partner ko nga lang 'yon! Assignment namin 'yon! Malay ko bang bibigyan n'yo pala ng meaning! Sana sa cute ko na lang na face kayo nag-focus!" Padabog akong umupo sa sofa. 

"You mean, this face?" Tinaas ni Seven ang phone niya at nakita ko roon ang screenshot ng IG story ko!

"Hoy! I-delete mo 'yan! Dinelete ko na nga kagabi!" Sinubukan kong abutin ang phone pero binato niya kay Lai. Nasalo naman niya at tinaas para hindi ko maabot. 

"Ganito ka pala mag-soft launch, Nat." Malakas na tumawa si Lai at natawa rin si Seven. 

"Wala talaga kayong inambag sa buhay ko kung hindi kabwisitan!" Sumuko na ako at umupo na lang ulit sa couch. 

Bakit pa ba ako nagpunta rito?! At bakit ko kasi pinost 'yon?! Nakalimutan ko 'atang may mga tropa akong ganito ang ugali! Okay pa sina Caitlyn, eh! Natitiis ko pa! Kapag itong dalawa, parang times ten ang inis ko! 

Mabuti na lang at nag-order sila ng pizza at kahit papaano, nabawasan ang inis ko sa kanila. 

"No, but really... Do you like the guy?" tanong ni Lai habang kumakain kami. Hindi na siya nang-aasar ngayon.

"Hindi nga," tanggi ko. 

"She does," sabay na pag-conclude ni Lai at Seven. Sila na ang nag-desisyon para sa akin! 

"Why won't you just admit it?" nagtatakang tanong ni Seven sa akin.

"Hindi nga kasi. Kulit n'yo, ah." Ang gugulo naman! Naguluhan din tuloy ako sa sarili ko! 

"Why not?" tanong ni Lai. 

"Okay..." Tumayo ako, hawak pa ang pizza. "Una, si Yori 'yon, kalaban ko sa academics at ang tanging taong nakatalo sa akin sa debate! Partner ko na siya ngayon sa debate kaya kailangan ko siyang pakisamahan para maganda ang work dynamics namin! Iyon lang 'yon! Pagkatapos ng training, rival ko na siya ulit! Hindi pwedeng magpadala sa mga crush-crush na 'yan! Baka 'yan pa dahilan ng tuluyan kong pagkawala sa number one spot!" 

"Really? You feel nothing for the guy except rivalry?" Hindi pa rin convinced si Seven. "I doubt. You are all worked up." 

"Okay, fine!" inis na sabi ko. "Baka medyo crush ko nga siya! Pogi siya, matalino, maganda boses, medyo mabait! Iyon lang 'yon! Summer crush lang 'to, 'no! Bored lang ako sa summer tapos siya palagi ang kasama ko kaya ganoon!"

"So many excuses. Crush mo siya. End the sentence there." Ngumisi si Lai. 

Ano ba 'yan! 

Napaamin tuloy ako sa sarili ko! 

Hindi... Okay lang 'yan, Estella. Summer crush lang 'yan. May mga ganoon talaga. Uso 'yon! Parang mga happy crush lang 'yan. Temporary lang at mawawala rin pagkatapos ng summer! It would be just like a dream!

It was never the same ever since that day! 

"Is there something wrong?" nagtatakang tanong sa akin ni Yori during training. 

Kanina pa ako hindi makapag-focus! Para akong nahihiya na ano! Hindi ako makapagsalita nang maayos sa tapat niya! Nakakainis naman! Ano ba ang solusyon dito?!

Estella, si Yori lang 'yan. 

"Masama ba ang pakiramdam mo, Estella?" tanong ng instructor namin. Umiling naman ako kaagad.

Focus, Estella! Focus! 

Buong araw ay iniwasan ko lang na mag-usap kami ni Yori nang walang dahilan! Kinakausap ko lang siya kapag kailangan sa training. Sino-sort out ko pa ang thoughts ko, okay?! Hindi ko maintindihan kung bakit ako umaakto nang ganito! Ano ba ang bago? Wala naman, ha! Crush ko siya, eh, ano naman?! 

"Galit ka ba sa akin?" 

Mabilis akong napalingon kay Yori nang tanungin niya 'yon habang kumakain kami ng lunch. Pinaghanda niya ulit ako ng pagkain. 

Mabilis akong umiling sa kaniya. "Hindi, ah! Bakit naman ako magagalit sa 'yo?" 

"Ewan," sabi niya. 

Tumayo ako at umaktong makikipag-socialize sa kabilang table. Naroon sina Rus at iba pang miyembro ng debate team. Umupo ako roon at nakipagkwentuhan sa kanila. 

Bumalik lang ako sa table namin noong bumalik na rin ang instructor namin. Natahimik na rin si Yori at hindi na ako kinausap masyado. Buti naman! 

Buong linggo, bawat training namin ay ganoon ang trato ko sa kaniya kaya hindi na rin niya ako kinakausap. Paano ba ako babalik sa dati, huh? Ang awkward! Ang weird sa feeling na parang may tinatago ako sa kaniya! 

Oh my gosh... Alam ko na ang solusyon! 

"Bili tayo ng scramble," aya ko kay Yori noong break time.

Nagulat siya dahil kinausap ko siya. Dahan-dahan niyang binaba ang phone niya, mukhang hindi pa nagsi-sink in sa kaniya na inaaya ko siya sa labas. 

"Tara na, dali!" Hinatak ko siya sa braso kaya napilitan siyang tumayo at sumunod sa akin. 

Bumili kami ng scramble malapit doon sa may convenience store at sumilong sa malaking payong habang kumakain. Ang init na naman, oh! 

Nakatayo lang si Yori sa tabi ko at tahimik na kumakain ng scramble. Ililibre ko sana siya kaso binayaran niya 'yong sa kaniya. 

"Galit ka ba sa akin?" Ako naman ang nagtanong sa kaniya.

"Bakit ako magagalit?" Lumingon siya sa akin. 

"Kasi hindi kita kinakausap?"

"Bakit nga ba?" seryosong tanong niya.

Natawa ako kahit walang nakakatawa sa sinabi niya. Ang sarkastiko lang ng dating sa akin noong tanong niya. Ang effortless niya naman magpatawa. 

"May na-realize kasi ako last weekend tapos iyon lang ang laman ng utak ko. Hindi ako maka-focus kaya ang naisip kong solusyon ay sabihin sa 'yo para wala na akong tinatago! Feeling ko, kapag sinabi ko, mawawala na rin kaagad!" 

"Ano?" naguguluhang tanong niya.

Humarap ako sa kaniya. 

"Crush kita!" proud na sabi ko. 

Muntik na niyang madura sa mukha ko ang kinakain niya. Napatakip siya sa bibig niya gamit ang nakakuyom niyang kamay at umubo-ubo. Nasamid pa 'ata sa sinabi ko! 

"Ayan, dahil sinabi ko sa 'yo, mawawala na rin 'to in a few days! Huwag kang mag-alala! Kapag kasi tinatago mo, mas nagiging intense kaya sinabi ko na sa 'yo kaagad! Oh, 'di ba?! Hindi na ako naiilang sa 'yo!" Tumawa ako at tinapik-tapik ang balikat niya. 

Pumasok siya saglit sa convenience store para bumili ng tubig. Okay na siya paglabas niya, pero wala siyang ni-reply sa sinabi ko. Mukhang malalim pa ang iniisip niya.

"Omg, huwag mong sabihing naiilang ka sa akin, huh?!" 

Tinapon niya na ang cup ng scramble sa may trash bin bago naglakad ulit papunta sa akin. Huminto siya sa tapat ko at pinagmasdan ako. 

Magsasalita na sana ako nang marahan niyang pinunasan ang pawis ko sa gilid ng noo ko gamit ang likod ng kamay niya. 

"Ganoon ba 'yon?" tanong niya, hindi nakatingin sa akin.

"Ano?" Tiningala ko siya. 

"Ganoon lang ba kadali 'yon?" Tiningnan niya ako sa mga mata. 

Napalunok ako, hindi alam ang sasabihin. Ano ba ang tinutukoy niya? Alin ba sa sinabi ko ang mahirap gawin o intindihin? 

"Mawawala rin kaagad?" tanong niya ulit. 

"Oo, promise!" Tinaas ko pa ang kamay ko. "Kaya huwag kang mag-alala! Hindi kita guguluhin! Normal lang din ang pakikitungo ko sa 'yo! Happy crush lang naman 'yon, lilipas din! Tsaka... tsaka inamin ko na, eh! Okay na 'yon, mawawala na 'yon kapag ganoon!"

"Ah... Ganoon ba?" Parang sarkastiko pa ang pagkakasabi niya. 

Tumango ako sa kanya at ngumiti. "Tara na, bumalik na tayo!" aya ko sa kanya. 

Nauna akong maglakad sa kanya pabalik sa school habang siya ay nakasunod lang sa likuran ko, mukhang may iniisip. Hindi na siya nagsalita habang pabalik kami kaya kinabahan ako. Wala na, nailang na siya sa akin! Hindi na niya ako kakausapin! Bad idea talaga 'yong ginawa ko!

Pero okay lang! Para wala na akong iniisip...

"Nat," tawag niya kaya napahinto ako sa paglalakad. Paakyat pa lang kami sa library kaya natigilan ako sa may hagdanan. 

"Bakit?" Lumingon ako sa kaniya.

He took another step kaya magka-level na kami. Napakurap ako, hinihintay ang sasabihin niya. 

"Ano? Tara na, baka hinahanap na tayo-"

"Ako rin." 

Nagsalubong ang kilay ko. Huh?! 

"Anong ikaw rin?" naguguluhang tanong ko. 

"I have a crush on you."

"Ha?!" 

Sobrang lakas ng sigaw ko kaya napatakip ako sa bibig ko at lumingon sa paligid. Pagkatapos ay hinawakan ko ang palapulsuhan niya at nagmamadaling hinatak siya pababa ng hagdan para pumunta sa lugar na hindi kami maririnig. 

Huminto kami sa may likuran ng hagdan. Doon ko siya binitawan at hinarap. 

"Okay ka lang ba?" pabulong na tanong ko. "Bakit mo sinasabi 'yon sa akin?! Seryoso ka ba?"

"Para mawala na rin, hindi ba? Dahil nahihirapan na rin ako," seryosong sabi niya. 

________________________________________________________________________________

:)

Seguir leyendo

También te gustarán

8.7M 320K 57
12:00 A.M. Every breath you take Every move you make Every bond you break Every step you take "I'll be watching y...
182K 3.2K 27
[WARNING RATED SPG!] STANFORD SERIES #2 Marcus Cale Stanford and Calixtah Bonifacio DATE STARTED: JULY 19, 2020 DATE FINISHED: OCTOBER 19, 2020
12.5K 396 27
Sa kabila ng misteryosong pagkamatay ng ama ni Meteor Obañez, napilitan silang lumayo ng kaniyang ina sa probinsiya ng Laguna dala-dala ang mga tanon...